Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Repleksyon
Hindi na bago sa akin ang pag-aaral ng panitikan sapagkat ito ay kasama sa aralin namin noong ako ay nasa highschool, ngunit hindi ito nabigyan ng diin o hindi naipaliwanag ng husay ang panitikan sa amin noon dahil hindi ito ang pinaka paksa ng aming asignatura.
Hindi naging madali para sa akin ang pag-aaral ng panitikan sa pamamagitan ng online classes. Mayroon akong ilang natutunan ngunit hindi ko maikakaila ang hirap, hindi ng asignatura kundi ang hirap sa set-up na mayroon sa ngayon. Hindi maiiwasan ang distraksyon at ang hindi maayos na koneksyon ng internet habang nagkaklase. Naging isang hamon para sa akin ang mga bagay na ito ngunit masasabi ko rin na ako ay natuwa sa mga akdang aming nabasa. Hindi man ako mahilig magbasa ng mga akdang pampanitikan, namangha ako sa taglay na galing ng mga manunulat ng bawat akdang iyon. Hindi biro ang maging malikhain, dahil naranasan ko rin na magsulat ng isang maikling kwento bilang panghuling requirements sa kursong ito. Ang sarap sa pakiramdam na makatapos ng isang maikling kwento at nakatulong din ang komento ng aming propesor sa aming akda kung kaya’t naayos pa namin at napaganda ang kwento. Kung susumahin ang buo kong karanasan, dahil bago para sa ating lahat ang pagkakaroon ng online classes at hindi harapanng nagkikita at nagkakaroon ng ugnayan, ang pag-aaral ay naging mahirap; maging para sa mga propesor, ang pagtuturo ay naging mahirap ngunit may naidulot rin namang maganda ang mga paghihirap na ito.
0 notes
Text
Critical Work
“Sapat na bang maisulat ang mga akdang nagsusulong ng kamalayang feminismo? Ang pakikibaka/adbokasiya ba ay nagtatapos lamang sa mga espasyo ng pahina ng teksto?” (Ang kamalayang Feminismo sa Panitikang Filipino)
“Hindi puwedeng sabihin kong ako’y isang manunulat lamang, at ang paksang tungkol lamang sa manunulat ang tatalakayin ko. Isa rin akong tao at kung basta na lamang inaagawan ng karapatan ang isang tao, basta na lamang ikinukulong, binibimbin sa kulungan nang walang kaukulang paglilitis at hindi pinapalaya ni ipinagsasakdal, dapat na mahigpit na tutulan ng sinuman ang bagay na ito. (Literatura ng Uring Anakpawis)
Matagal nang isteryotayp sa mga kababaihan ang pagiging mahina, sunod-sunuran at walang kakayahang mamuhay nang walang tulong ng kalalakihan, ngunit ito ay isang malaking kasinungalingan na kinalakihan nating lahat at pilit rin nating pinaniniwalaan. Ang daming pang-aalipusta ang naibabalita sa mga pahayagan at maging sa news sa telebisyon kung kaya’t maraming mga institusyon at grupo ng kababaihan ang siyang nais na tumalikwas at bumatikos sa suliraning ito. Subalit dahil nakasanayan na ng tao ang kaisapang patriyarkal, mahirap nang baguhin ng buong-buo ang pananaw na ito sa mga kababaihan, kahit na marami ng patunay sa kung ano ang kayang gawin ng mga kababaihan hindi pa rin lubusang natatanggap ng lipunan ang mga kakayahang ito. Malimit pang nagiging biktima ang mga kababaihan ng sekswal na panghaharas mula sa mga kalalakihan dahil sa kanilang perspektibo na ang mga babae ay mahihina at ang tanging magagawa lamang ng babae ay ang sumunod sa kanilang kagustuhan at ibigay ang kanilang pangangailangang sekswal ngunit ito ay isang malaking pagkakamali at pambabastos sa mga kababaihan. Katulad na lamang ng nabanggit sa akdang kamalayang feminismo sa panitikang filipino, ang mga kababaihan ay may kakayahang lumaban at tumayo kung ito ay kinakailangan. Hindi lamang isang anino ng kahit na sinong lalaki ang isang babae. Mayroon ngang kasabihan, “Behind every successful man, there is a woman and behind every successful woman is herself”. Ang mga kalalakihan ay nangangailangan ng isang babaeng maabilidad at may kakayahang suportahan sila.
Hindi sa pangmamaliit sa kanilang kakayahan ngunit nais ko lamang ipaalam na hindi lamang sila ang may kakayahan. Huwag sanang maliitin ang kakayahan ng isang babae ng dahil lamang sa kasariang mayroon siya. Hindi dapat nalilimitahan ang kayang gawin ng isang tao ng dahil lamang sa itinakdang katangian ng lipunan. Nasa bago na tayong panahon, dapat na din nating baguhin ang makalumang kaisipan na ito. Marami nang nagbago sa mundong ating ginagalawan, baguhin na rin natin ang ating kaisipan. Kung ano man ang kahinaang ating nakikita sa mga kababaihan, ang dapat lamang nating gawin ay bigyan sila ng pagkakataon na pagbutihin ito at tulungan kung ito’y kinakailangan.
Ang akdang Literatura ng Uring Anakpawis, ito ay literaturang nagbibigay ng mensaheng patuloy na maging mulat sa katotohanan at matutong manindigan sa ipinaglalabang pananaw. Sa pamamagitan ng akdang ito nabibigyan ng boses ang mga taong walang kakayahan at lakas ng loob na magsalita laban sa mga bagay na sa tingin nila ay hindi makatarungan. Naging isang daan ang sining at literatura sa pagsasaad ng mga hindi makatarungang sitwasyon sa lipunan na pilit tinatalikuran at kinakalimutan ng mga nakakataas sa tinatawag nating triangulo. Ang paalalang nais iparating ng manunulat ng akdang ito ay ang maging mulat tayo sa mga kaganapang nangyayari sa ating lipunan at higit na maging bukas sa mga panawagan ng mga taong nasa laylayan. Ito ay nagbibigay kamulatan sa lahat ng tao at humihimok na magkaroon ng lakas ng loob na punahin ang mga bagay na sa tingin natin ay hindi makatarungan at magkaroon tayo ng paninindigan.

0 notes
Text
Creative Works
“Yung mahalin kita habambuhay, hindi ko yata iyon puwedeng ipangako sa iyo. Pero ‘yung isipin kita habambuhay, iyon, baka iyon ay puwede ko pang ipangako sa iyo, kahit papaano“ (Kasal, Eli Gueb)
“Hindi mo kayang bilhin ang lahat ng tao” (Marissa, Dangal)
“Sa bagay, kung mula pagkagising mo sa umaga hanggang pagtulog, pag-ibig ang usapan ng mga tao, bakit hindi ka mahahawa? Kung mula sa Ibong Adarna hanggang El Filibusterismo at maging sa buhay ni Rizal, kwentong pag-ibig pa rin ang hinahanap nila, baka hindi kahirapan o imperyalismo ang problema ng Pilipinas kundi ang tamang paraan ng pagmamahal.” (Forced by Habit, Eman Nolasco)
Sa aking pagbabasa ng mga malikhaing akdang may titulong kasal ni Eli Guieb III, dangal ni Norman Wilwayco, forced by habit ni Eman Nolasco at ang armor ni John Bengan, ako ay napadpad sa panibagong mundo na tumatalakay sa iba’t ibang uri ng pagmamahal kung saan ipinakita ang iba pang mukha ng pagsasama at paghihiwalay, ipinakita rin ang iba’t-ibang mukha ng kahirapan.
Ang mga akdang pinaka pumukaw sa aking atensyon at damdamin ay ang akdang kasal at dangal. Ang dalawang akdang ito ang siyang nagpakita at nagpamulat sa akin sa mga bagay bagay na tungkol sa buhay ng isang tao. Nais kong mas pagtuunan ng pansin ang akdang kasal, dahil marami akong napulot na aral sa bawat kataga mula sa akdang ito, sadyang may mabibigat na mensahe at kahulugan. Nagdudulot ang mga ito ng sari-saring emosyon, mula sa kilig, pagtataka, panghihinayang, at sakit. Nagkaroon din ako ng malawak na pagkakaintindi tungkol sa mga suliranin na nabanggit sa mga akdang ito.
Ang akdang Kasal ni Eli Guieb III. Ang akdang ito ay tumutukoy sa buhay ng mag-asawang piniling palayain ang isa’t-isa. Maraming mga pagtatalo patungkol sa usaping kasal partikular sa usaping divorce o annulment, dahil para sa marami kabilang na ang aking sarili, ang kasal ay isang bagay na higit lamang sa isang papel o kontrata ang nagbubuklod sa dalawang tao. Ang kasal ay pinagbuklod ng pag-ibig at ito ay hindi basta-bastang desisyon na ginagawa ng dalawang taong nagmamahalan, ngunit hindi ko magawang maipaglaban ang aking pananaw dahil sa akdang ito. Nang aking mabasa ang akdang ito ako’y napaisip kung ano nga ba ang tamang pananaw pagdating sa usaping kasal, dapat bang kumapit pa sa relasyong pinanghahawakan kung bumibitaw na ang kasintahan o mas dapat na palayain ito at hayaang maging masaya kahit na hindi na ito sa piling mo? Korni man sa pandinig ngunit ito ang totoong saloobin na aking naramdaman habang binabasa ang akda. Nanumbalik ang lahat ng sakit ng nakaraan, nung panahong aking nakikita ang unti-unting pagbitaw ng aking mga magulang sa isa’t-isa at piliing maghiwalay na lamang kaysa higit pang magkasakitan.
“Sino ang may sabing lahat ng tinatapos na relasyon ay dapat na malungkot? Puwede rin naman sigurong maging masaya sa pagpilas ng mga dokumento ng ugnayan. Maaring naroroon ang pait, hindi mo maiaalis iyon. Pero hindi ibig sabihin no’n ay dapat na malungkot ang lahat ng pagtatapos.”
Labis ang aking paghanga sa katagang ito na sinabi ng nagsasalaysay sa akda. Hindi ko kailanman naisip na ang paghihiwalay ay maaring gawing masaya dahil hindi naman ito ang aking naranasan. Napatunayan kong ang aking pananaw sa pag-ibig, kasal at paghihiwalay ay sadyang kay kitid pa. Para sa akin ang kasal ang isa sa pinakamagandang bagay na mangyayari sa buhay ng isang tao lalo na kung ito’y may kasamang pagmamahalan at sa kabilang banda naman, isang malaking kapighatian at kalungkutan ang mahiwalay o ang iwanan ng taong iyong labis na minamahal ngunit ibang-iba ang ipinaunawa sa akin ng akdang kasal.
“Hindi namin kailangang maghanap ng kasalanan para tapusin lang ang aming relasyon. Puwede namang wakasan ito nang walag galit sa isa’t-isa, nang walang hintuturong nanduduro ng paninisi, nang walang pagkataong mawawasak, nang walang pusong masasaktan, nang walang kaluluwang mapupunit.”
Malabo mang mangyari ngunit sana lahat na lamang ng paalam at hiwalayan ay masaya. Yung walang poot na mabubuo sa puso ng iniwan at walang hinagpis sa puso ng mang-iiwan. Yung pareho ninyong naiintindihan na ito lamang natatanging paraan para maging maligaya muli ang puso ng bawat isa. Sabi nga sa isang kasabihan, “It takes a lot of courage to let something go than it does to hang on it and try to make it better”.
Hindi madaling magparaya at magpalaya lalo na kung ito ay ang taong ninais mo nang makasama sa habangbuhay.

0 notes
Text
PANITIKAN (Ano?Bakit?Paano?)
Ang panitikan ay ang alin mang nasusulat na gawa ng isang tao. Ang panitikan ay tinatawag ring literatura o literature sa ingles, ang salitang ito ay nagmula sa salitang latin na “litera” na ang ibig sabihin ay “titik”. Ito ay isang uri ng sining na nabubuo sa pamamagitan ng grupo ng mga salita na kapag pinasama-sama ay makakabuo ng isang makabuluhang akda. Ang panitikan ay salamin ng buhay, ito ay naglalarawan sa ating realidad. Ang ilang halimbawa ng panitikan ay ang mga libro, nobela, tula at iba pang mga kasulatan na mayroong halaga sa lipunan. Ang panitikan ay maaring mabuo sa anyong tuluyan o ang sulating walang sinusunod na tugmaan o bilang ng bigkas, mayroon din namang anyong patula, piksyon at ‘di-piksyon.
Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi isang sapilitang bagay ngunit ang isa sa mga kasiguraduhan na makukuha natin kapag tayo ay nag-aral o kahit nagbasa lamang ng mga akdang pampanitikan ay ang pagkakaroon ng malikhaing kaisipan at malawak na pagkaunawa sa maraming bagay. Maraming mabuting dulot ang panitikan sa buhay ng isang tao. Hindi man natin nakasanayang magbasa ng mga aklat, nobela o anumang akda sa kadahilanang mayroon na tayong makabagong mga teknolohiya na siyang makapagbibigay sa atin ng aliw, ngunit lingid sa ating kaalaman ang mga akdang pampanitikan katulad na lamang ng mga nobela, tula at iba pa ay nananatiling walang katulad na pang-aliw para sa karamihan. Ang pagbabasa ng mga akdang pampanitikan na ito ay maraming naidudulot sa atin na magagandang bagay katulad ng pagdadala sa atin sa unang panahon nang walang kahirap-hirap, sa pamamagitan lamang ng pagbabasa tayo ay natututo at ating nalalaman ang nakaraan o ang kasaysayan ng isang bagay, lugar o mga pangyayari. Sa pamamagitan rin ng mga akdang ito, tinuturan tayong maging maunawain at natututo rin tayong maging sensitibo sa ibang tao, halimbawa na lamang ang pagkakaroon ng simpatiya sa iba at atin ring nauunawan ang kanilang perspektibo na siyang makakatulong sa atin upang makipag-ugnayan at magkaroon ng komonikasyon sa mga taong nakakapalibot sa atin. Ang isa pang magandang bagay na naidudulot sa atin ng mga akdang pampanitikan ay sa pamamagitan nito nakakahanap tayo ng karamay sa ating buhay. Mayrong mga bagay, emosyon at sitwasyon sa ating buhay na marahil ay hindi naiintindihan ng mga taong nakakasama natin sa araw-araw, ngunit sa pamamagitan ng mga akdang pampanitikan na ito katulad ng sa mga nobela, nakakahanap tayo ng simpatiya mula sa mga manunulat ng akdang ito na tila ba alam nila ang ating pinagdadaanan at tayo ay kinakausap nito. Ang isang malikhain akdang pangpanitikan ay tumatagos sa ating mga puso.
Sa pagbabasa at sa pagpili ng akdang babasahin, dapat tayong maging mapanuri, upang maging bukas at malawak ang ating kaisipan nararapat lamang na magkaroon tayo o makabasa tayo ng isang likhang puno rin ng kabuluhan. Kailangan rin na bukas ang ating isipan upang maunawaan ng mabuti ang akdang binabasa. Hindi lamang basta binasa, dapat tayo rin ay may kaalamang napulot at talagang naisa-puso natin ang mga bagay na nais iparating ng manunulat. Dito natin masasabing epektibo at maganda ang akdang nailatha ng manunulat.

1 note
·
View note