Quote
Game of Roles
— isang sulatin ni Cheska Orenday tungkol sa usapin sa gender roles at kung paano ito nakikita sa lipunan
Sa lipunang ating ginagalawan, hindi nawawala ang iba’t ibang generalized view tungkol sa katangian at gampanin na dapat naisasakatuparan ng babae o lalaki. Dinidiktahan ng lipunan ang mga miyembro nito kung paano ba dapat sila kumilos o gumawa at ang paggawang ito ay dapat angkop sa kung ano ang kanilang kasarian.
Dito pumapasok ang konseptong tinatawag na Gender Roles na karaniwang tumutukoy sa bahaging ginagampanan ng kasarian sa mga institusyong panlipunan. Ang Gender Roles ay isang termino na nagsasaad ng mga papel ng mga tao batay sa kanilang kasarian (sex) sa iba’t ibang aspeto tulad ng edukasyon, trabaho, pamilya, politika, relihiyon at iba pa.
youtube
Upang higit na maunawaan kung ano ang depinisyon ng iba pang salitang ginamit sa itaas, bigyan natin ang mga ito ng pagpapakahulugan.
GENDER VS. SEX
Sa biyolohikal na perspektibo, ang gender ay iba sa tinatawag na sex. Ang gender ay tumutukoy sa mga katangiang sikolohikal, panlipunan, kultural, at asal na naiuugnay sa pagiging babae o lalaki. Ito ay nahuhubog at napag-aaralan sa pamamagitan ng kultura at iba pang mga kadahilanan (factors) na makukuha sa lipunan. Sa kabilang banda, ang kasarian (sex) tumutukoy sa biyohikal na aspeto ng pagiging babae o lalaki. Halimbawa, ang mga kababaihan ay mayroong dalawang X chromosomes at ang kalalakihan naman ay may X at Y chromosome. Ang sex ay maiuuri rin base sa reproductive organs. Halimbawa, ang mga babae ay may vagina, cervix, ovary, uterus, labia majora, labia minora at ang mga lalaki naman ay may urethra, ejaculatory ducts, bulbourethral glands, penis, at epididymis. Kabilang din dito ang pagkakaroon ng mga secondary sexual characteristics. Ang mga babae ay nakararanas ng breast development samantalang ang mga lalaki ay nagkakaroon ng deepened voice at facial hairs.
Ngayong malinaw na sa atin kung ano ba ang pinagkaiba ng dalawang termino, ibaling na natin ang ating atensiyon sa pagkakaroon ng gender roles bilang bunga ng kulturang pananaw. Tayo ay pamilyar na sa mga preconceptions tungkol sa gawain ng kababaihan at kalalakihan sa lipunan. Ang mga lalaki ay kalimitang nakikita bilang matatapang, aggressive, dominant, at leaders. Ang mga babae naman ay sensitive, emosyonal, passive, tagapangalaga ng anak, at tagapamahala ng mga household chores. ‘‘Women belong in the kitchen,’’ isa sa madalas nating naririnig tungkol sa gampanin ng mga kababaihan sa society. Habang ang mga kalalakihan ay ang siyang sumasabak sa mga giyera.
GENDER-SPECIFIC TOYS
Kung ating mapapansin, maging ang mga laruan at gamit ng isang indibidwal, lalo na ang mga bata, mababakas pa rin ang pag-uuri ayon sa gender. Ang mga batang babae ay naglalaro ng ‘’pambabae’’ kuno na laruan gaya ng Barbie dolls, makeup kits, kitchen tools miniatures, at crafting kit. Sa lalaki naman ay ang robot at laruang kotse. Sa murang edad pa lamang ay nakikita na nila na may tiyak na kagamitan lamang para sa babae o lalaki. Sa kanilang paglaki, pumapasok dito ang kanilang pag-iisip na ang isang propesyon ay nararapat lamang iisang uri. Maiisip nila na ang mga nurses, mothers, secretary ay para sa babae. Samantala, ang propesyong doktor, piloto, inhinyero, pulis, at atleta ay para sa mga lalaki. Sa paanong punto pa nagiging masama ang ganitong notion?Ito ay nagdudulot ng pahamak kapag nalilimitahan ang kakayahan ng babae at lalaki na paghusayin ang kanilang personal abilities, pagkamit ng kanilang desired careers, at pagpili ng mahahalagang desisyon nila sa kanilang buhay. Saang larangan pa ba ito nakikita?
GENDER ROLES ARE SEEN IN:
1.) Media
Paano nga ba nakikita ang kababaihan at kalalakihan sa media? Sa regular ng palabas na mga Filipino teleseryes, karaniwang gampanin ng isang babae ang pagiging katulong sa gawaing bahay, nanay, tsismosang kapitbahay, o ‘di kaya’y kabit o mistress. Habang ang kalalakihan ang gumaganap bilang CEO, presidente, professional at iba pang uri ng legal na propesyon. Ang mga babae ay kadalasan ding inirerepresenta na mahina at minsan ay nase-sexualized. Nakikita sila bilang sweet, gentle, at feminine dapat ang kilos. Hindi lamang ito naoobserbahan sa Philippine National TV kung hindi pati na rin sa mga pelikula, series, at novels. Halimbawa, sa isang typical na fairy tale story, palaging may dalagang nasa panganib o damsel in distress. Sina Snow White, Aurora, at Cinderella ay ilan lamang sa mga halimbawa.Sila ay sasagipin ng male hero o prince.
2.) Edukasyon
Sa larangan ng edukasyon, ang kabataang babae ay inaasahang magaling sa arts, may mahusay na verbal skills, lumaki bilang mabubuting ina, at marami pang iba. Samantala, ang mga kabataang lalaki ay diniktahan ng lipunan na dapat sila ay magaling subjects na Math at Science at sa kanilang paglaki sila ay magiging doctors, business leaders, at lawyers. Sa kalaunan, ang kursong kalimitang kinukuha ng kababaihan at kalalakihan ay ang kursong katanggap-tanggap sa lipunan na naaayon sa kanilang kasarian. Ang mga kababaihan ay kumukuha ng nursing sa kalalakihan naman ay doktor.
3.) Trabaho
Marahil ay nakaengkuwentro ka na ng statement na ‘‘Women are bad drivers.’’ Sa trabaho, makikita pa rin ang gender roles.
Tulad ng nabanggit sa edukasyong aspeto, may mga kursong idinidikta ng lipunan na nararapat lamang sa babae o lalaki. Halimbawa, ang pagiging pulis, pagiging kasapi ng army, piloto, at welder. Tinuruan tayo ng lipunan na ito’y mabibigat na trabaho at nangangailangan ng kalakasan kaya’t ito ay panlalaki lamang. Ang engineering ay isa ring kursong kilala sa pagiging men-dominated na field.
Ang iba pang halimbawa ng mga propesyong puro KALALAKIHAN ang gumaganap ay ang mga sumusunod na larangan:
➼Agriculture
➼Architecture
➼Clergyship
➼Construction
➼Finance
➼Firefighting
➼Information technology
➼Lawyers
➼Veterinarians
➼Commercial and industrial designers
➼Marketing managers
➼Optometrists
➼Management analysts
➼Sales managers
➼Producers and directors
Ang mga KABABAIHAN naman ay kilala na gumaganap sa mga propesyong:
➼Personal care workers
➼Health associate professionals
➼Cleaners and helpers
➼General and keyboard clerks
➼Food preparation assistants
➼Personal service workers
➼Food processing, wood working, garment and other craft and related trades workers
➼Handicraft and printing workers
➼Teaching professionals
➼Office machine operators (which includes administrative duties)
Sa kategoryang ito aking naalala ang segment sa ‘It’s Showtime’ na TRABAHULA kung saan huhulaan ng guest celebrity playerkung sino man sa apat na pagpipilian ang totoong worker ng partikular na trabaho. Ito ay kanilang huhulaan batay sa physical traits, skills, at kaalaman ng indibidwal sa nasabing occupation. Dati ay lagi ko itong inaabangan at sumubok din akong humula kung sino ba ang pinaka- FIT sa trabahong nabanggit. Ito ay aking binabase sa kanilang pisikal na kaanyuan at kasarian. Ito ay noong mga taong 2016-2018.
youtube
4.) Pamilya
Sa isang pamilya, may nakagawian nang paghahati-hati ng gawain ng asawang babae at asawang lalaki. Ang asawang babae ang nakaatas na panatilihin ang kalinisan ng bahay at pangalagaan ang buong pamilya. Habang ang lalaki naman ay ang itinuturing na breadwinner ng pamilya, tagabayad ng bills, tagagawa ng malalaking desisyon, at protektahan ang kaniyang pamilya. Sa madaling salita, mayroong mga norms sa distribution ng domestic responsibilities sa isang yunit ng tahanan.
5.) Lipunan
Malaki ang ambag ng lipunan sa pagtuturo ng gender roles. Mula pagkabata, tumatatak na sa atin ang behavior na may kinalaman dito. Ang mga batang lalaki ay mas malayang nakapaglalaro at nakakagala kaysa sa mga batang babae. Kapag may kinakailangang utusan o bilhin sa labas ng bahay, ang lalaki ang expected na gumawa ng utos na ito. Instilled na rin sa ating cultural values ang pagsasabi na ‘‘Ang totoong lalaki ay hindi umiiyak.’’
Kapag sila ay nagpakita ng emosyon, makikita sila bilang mahina at duwag dahil napalaki sila nang dapat hindi nagpapakita ng soft emotions. Ito ay dahil na rin sila ay tinuruan ng lipunan na maging agresibo, matapang, at dominante. Sila rin ay nadidiktahan ng lipunan na dapat sila ay independent, decisive, hindi mabilis maimpluwensiyahan, less sensitive, at hindi madaldal. Sa kabilang anggulo, ang mga babae naman ay dapat hindi nagpapakita ng matinding galit o anumang forms of aggression. Sila ay dapat nakasentro sa pagpapakita ng emosyon. Sila dapat ay home-oriented, passive, madaldal, iyakin, dependent, mabait, at nurturing.
PERSONAL TAKEAWAY
Mula sa aking perspektibo, ang gender stereotypes ay lumilikha ng expectations. Para sa akin, nagdudulot ito ng pressure sa isang indibidwal sapagkat kailangan niyang umakto ng kung anong angkop sa kaniyang gender. Ang gender stereotypes ay tumutukoy sa expected attitudes at behavior na maituturing na angkop para sa isang gender ngunit hindi sa isa. Ang mga stereotypes na ito ay short-term judgements lamang na widely accepted na sa komunidad na ating kinabibilangan. Ngayon, paano ba ito nakasasama?
Ating tunghayan sa bidyo na ito kung paano ang mga tradisyonal na konsepto ng kasarian ay nagpapataw ng mga stereotypical na ideya ng pagkalalaki at pagkababae.
youtube
Lilia Fromm is a student at Lincoln High School, Lincoln, NE.
Nakikita ko ito bilang factor na nagreresulta sa hindi pantay na pagtingin at unfair treatment sa parehong genders. Ang mga statements na nabibitawan ng isang indibidwal na maituturing na stereotyping ay kadalasang negatibo at exaggerated. Hindi nito naisasaalang-alang ang indibidwal na pagkakaiba ng mga tao at talaga namang nakatatak na sa pag-iisip o mindset ng tao.
Ang mga ganitong konsepto ay nagbubunga ng diskriminasyon sa kasarian. Minsan na akong sinabihan na hindi daw dapat ganito ang postura at ayos ko kasi ako raw ay babae. Kailangang matutunan ko ang isang partikular na bagay dahil ako raw ay babae. Kababae ko raw na tao ay ganito ang ginagawa ko. Nahahadlangan ng gender roles ang kakayahan kong ipahayag (express) ang aking sarili nang malaya.
Dagdag pa rito ay ang double standards na bunga rin ng mismong lipunan. Ito ay naglalarawan sa prinsipyong pumapabor sa isang tao o grupo. Habang ako’y lumalaki, nasaksihan at nakarinig na ako ng mga bagay na nabanggit sa itaas. Halimbawa, kapag ang isang lalaki ay nakikitaan ng good qualities of being a leader, siya ay nakikita bilang smart at assertive. Kapag ang isang babae o woman ay assertive, nakikita siya bilang bossy. Kapag ang lalaki ay may armpit hair, ok lang sapagkat sila ay lalaki ngunit kapag ang mga babae ay may body hairs, nakikita sila na hindi malinis o unhygienic at inilalarawan na kadiri.
KONGKLUSYON
Kung susumahin, ang gender roles na makikita sa lipunan ay nagdudulot ng malaking epekto sa indibidwal sa paggalaw (function) nito sa komunidad na kaniyang kinabibilangan. Nakikita ito sa media, edukasyon, trabaho, pamilya, at lipunan. Kumpara sa mga gawi noon, unti-unti nang nagbabago ang pananaw ng mga tao. Hindi lamang dito sa Pilipinas, maging sa iba’t ibang parte ng mundo. May mga pag-aaral na napatunayang ang mga kababaihan ay nabibigyan na ng oportunidad na makilahok sa mga areas na dati ay hindi nila nagagawa.
Ang distribusyon ng gawain sa bahay ay hindi na natutukoy sapagkat marami na rin ang mga career woman na siyang nagbibigay ng sustento sa pamilya habang ang house husband ay nananatili sa tahanan upang pamahalaan ang loob ng bahay at pangalagaan ang pamilya. Gayunpaman, mas maraming hamon ang patuloy na dumarating, at ang daan tungo sa pagkamit ng ganap na pagkakapantay-pantay sa pagitan ng lahat ng kasarian ay mahaba-habang proseso pa. Sikapin natin gumawa ng mga hakbang upang makatulong sa pagkamit ng pantay na pagtingin at pagkakataon para sa lahat ng kasarian. Ito ay upang maipahayag at ipakita nila ang kanilang potensyal at kung sino ba sila. Samakatuwid, mahalagang matutunan natin ang mga konseptong ito sapagkat parte ito ng ating pag-unlad bilang isang indibidwal.
For inclusivity,
Cheska Orenday
0 notes
Quote
SAME OLD LINEAGE: The Never-ending Saga of Political Dynasty in the Philippines
ni Cheska Orenday
Minsang sinabi ng political scientist na si Hans Morgenthau na politics is a struggle for power. Sa madaling salita, ang politika ay umiikot sa pagkamkam ng kapangyarihan.
Malalim na ang pinag-ugatan ng poltical dynasty na talamak sa ating bansa. Ang political dynasty ay tumutukoy sa hanay ng mga pinunong politikal ng isang teritoryo, kaharian, o rehiyon na nagmula sa iisa o iilang pamilya.
Sinasabing bago pa dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas ay existing na ang konsepto na ito. Kung ating pagmamasdan ang anyo ng politika sa ating bansa, mababatid nating ito’y pinaghaharian ng ilang mayayaman at makapangyarihang pamilya. Kaugnay ng ideyang ito ang tinatawag na oligarchy o rule of the few rich families.
Ilan lamang sa mga halimbawa nito ay ang pamilya Lopez, Pangilinan, at Ayala. Noong 2020, pumutok ang isyu tungkol sa pagsasara ng ABS-CBN, isa sa pinaka-influential na media sa Pilipinas. Naging usapin pa ang statement ni Pangulong Duterte na siya umano ay masaya sa pagkalas ng oligarchy sa bansa.
Sa isang panayam naman kay presidential spokesperson, Harry Roque, sinabi niyang hindi ang mga may-ari ng ABS-CBN ang tinutukoy ni Pangulong Duterte, kundi ang mga oligarch na personal niyang nakausap.
youtube
Ano ba ang kinalaman ng oligarkiya sa ating political system? Sa aking palagay, nalilimitahan nito ang demokrasya sa bansa sapagkat kinakailangan ng mga aspiring political leaders ng malaking halaga ng pera para lumahok sa eleksyon, kasama na rito ang pangangampanya. Sino-sino lang ba ang may kakayahan nito? Samakatuwid, ang mga makakapangyarihan ay nanatiling makapangyarihan. Pinalalawak nito ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.
There are always two sides of a coin, ika-nga. Ang aking unang naging impression sa political dynasty ay hindi maganda. Nakikita ko kasi na masama ito sa puntong nagpapakita ito ng dominasyon ng iisang pamilya o angkan. Nakaukit na sa kasaysayan ang mga apelyidong Aquino, Araneta, Roxas, Cojuanco, Eigenmann pagdating sa larangan ng media maging sa politika.
NEGATIBONG EPEKTO
Unahin muna natin ang negatibong aspeto ng political dynasty. Nakikita ko na hindi na halos nagbabago ang mga umuupo sa pamahalaan. Ito man ay sa senate, presidential seat, at kung ilalagay natin ito sa mas mababang antas, kasama rin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Sa tingin ko, kapag umiiral ang political dynasty, hindi mawawala ang tsyansa na maging corrupt ang isang political family. Ang iba’t ibang mga corrupt activities ay nagiging evident. Maaari na nilang makontrol ang opinyon ng publiko at manipulahin ang kahit ano dahil sa kanilang kapangyarihan.
Pangalawa, hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga emerging politicians na umupo kaya nalilimitahan ng political dynasty ang democracy ng bansa. Pangatlo, ang political dynasty ay humahadlang sa malayang kompetisyon sa industriya sapagkat nagkakaroon din ng dominasyon kahit sa pang-industriyang sektor.
Pangatlo, ang mga umuupo sa puwesto ay likas na may kinikilingan sa pagtatanggol sa kanilang pansariling interes na nagiging sanhi ng problema.
POSITIBONG EPEKTO
Para naman sa positibong epekto, ang political dynasty ay humahantong sa pagpapatuloy ng mga nauna nang proyekto ng previous leader. Maaring maipasa-pasa ang mga pamamaraan na ginawa para sa ikabubuti lalo ng isang bansa o lugar. Maaaring itaguyod ng mga political families ang pagpapatibay ng mga batas at ordinansa nang mas mahaba pa. Dahil dito, maliit na lamang ang pagkakataon ng ibang mga kandidato na wala sa political dynasty na makialam o humadlang sa mga planong ito.
Pangalawa, kung hindi naman corrupt ang pamilyang nasa posisyon at patuloy itong nagpapakita ng magagandang rekord, makakaipon sila ng tiwala sa publiko. Sa tingin ko ang pagkuha ng public trust ay isa sa mga importanteng bagay na dapat mayroon ang pamahalaan. Ito ay dahil humahantong ito sa pagkakaroon ng magandang samahan sa pagitan ng gobyerno at mamamayan.
IT’S ALL ABOUT THE INTENTIONS!
Nakatitiyak akong maraming rason ang isinasaalang-alang ng mga political families kung bakit gusto nilang manatili sa kanilang posisyon. Maaaring ito’y para makapag-iwan sila ng legacy. Pwede ring dahil gusto nila ng control over basically anything.
Gaya ng aking nabanggit kanina, matagal nang laganap ang political dynasty sa Pilipinas at patuloy itong nagaganap over the course of time. Ang maituturo kong sanhi sa pagkakaroon ng political dynasty sa Pilipinas ay ang kasaysayan.
Hindi na ito mabubura sapagkat pagdating pa lamang ng mga mananakop, nahulma na ang pagkakaroon ng paghahari ng iilang angkan. Halimbawa nito ay ang mga datu, ang chieftain na namumuno sa isang barangay, ay ipinapasa ang kaniyang kapangyarihan sa kaniyang anak o kamag-anak. Samantala, naging sunod-sunuran naman ang mga alipin o mga nabibilang sa pinakamababang social class.
TATTOOTED?
Dahil ang political dynasty ay bunga na ng kasaysayan, nakikita kong mahirap na itong burahin sa sistema na mayroon ngayon ang Pilipinas. Ayon sa pag-aaral, sa kabuuang 80 lalagwigan ng bansa ay may 94% na rate ang political dynasty. Prominente na ang mga political families sa bansa. Malabo nang ito ay maalis sa political structure maliban kung magkaroon ng malawakang pagbabago sa bansa bilang kabuuan.
Patuloy na magkakaroon ng hati sa lipunang kinabibilangan ng nakaaangat sa buhay at ang mga less fortunate ones. Mahirap nang talunin ng mga emerging candidates ang mga current leaders dahil sa lawak ng impluwensiya at overwhelming wealth nito. Mula rito, magpapalit-palitan o magpapasahan lamang ng puwesto ang mga miyembro ng political family.
PROHIBITING POLITICAL DYNASTIES
Maliban rito, may ilang mga batas na may kinalaman sa pagkakaroon ng political dynasty sa bansa na nasa ilalim ng Konstitusyon ng 1987. Ito ay ang Article II Section 26. Para sa akin, very contradicting ang Article II Section 26: ‘‘ The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dyansties as may be defined by law.’’ sapagkat nakapaloob dito na dapat mabigyan ng pantay na akses ang mga mamamayan para sa pampublikong serbisyo ngunit kalakip rin nito ang konseptong nagbabawal sa pagkakaroon ng political dynasties. Ang masasabi ko rito ay dapat may maipatupad na lamang na batas na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa public service.
Sa palagay ko ay malayo pa ring maipatupad ang panukala kong batas sapagkat ang mga nauupong kongresista ay kadalasang magkakamag-anak o galing sa political dynasty. Sa katunayan, sa 14th Congress of the Philippines na umiral noong Hulyo 23, 2007-Hunyo 4, 2010, mahigit 75% ng mga mambabatas ay nagmula sa old political family.
KONGKLUSYON
Kung susumahin, ang politikal dynasty ay engraved na sa ating sistema. Ang pagpapakita ng dominasyon, kapangyarihan, kasikatan dala ng political dynasties ay may mga magaganda at hindi magagandang naidudulot sa bansa sa kabuuan. Bilang isang kabataan, nararapat na may alam tayo sa nangyayari sa gobyerno at politika ng ating bansang kinabibilangan. Mahalagang talakayin ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng political dynasties dahil nakakabuo tayo ng sariling paninidigan at naipapakita ang ating pagkamamamayan.
Para sa pampulitikang kagalingan,
Cheska Orenday
Credits to the rightful owner of the images edited and used in the blog
0 notes
Quote
Blog 4-FiloTalks
isang sulatin ni Cheska Orenday hinggil sa epekto ng globalisasyon sa authenticity ng Pilipinas
ANG GLOBALISASYON
Sinasabi na ang globalisasyon (globalization) ay ang proseso ng internasyonal na integrasyon bunga ng pagpapalitan ng mga pananaw, produkto, ideya, at iba pang mga aspeto ng kultura ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa. Kinilala ni Roland Robertson, isang sikolohista na unang gumamit ng terminong globalisasyon, ang globalisasyon ay lumitaw na bago pa ang pagdating ng modernity.
Wika niya sa isang pahayag ‘‘ Ang globalisasyon ay isang pinabilis na kompresyon ng kontemporaryong mundo at pagpapatindi ng kamalayan sa mundo bilang iisang entidad o bagay (singular entity). Sa pamamagitan ng globalisasyon, ang pagiging natatangi (uniqueness) ng mga panlipunan at pangkulturang pagkakakilanlan at tradisyon (societal and ethnic identities and traditions) ay waring hindi na napapansin dahil sa mabilis na pagkalat ng ideya sa mundo.’’
Narito ang isang panayam ni Professor Anthony Elliott ng University of South Australia kay Roland Robertson.
youtube
Tinalakay sa interbyu na ito ang tema ng 'Globalisasyon at Glokalisasyon'.
Sa paglipas ng panahon , hindi natin maikakaila na ang ating paraan ng pamumuhay ay nagmula sa impluwensya ng ibang bansa. Tinukoy ni Robertson sa kanyang sulatin ang limang pangunahing yugto na kilala bilang ‘‘Roland Robertson’s Mapping of Globalization History.’’
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng globalisasyon sa limang pangunahing yugto, basahin ito www.glopp.ch/A3/en/multimedia/robertson.pdf.
Ang konsepto ng globalisasyon ay hindi lamang sumasaklaw sa mga pang-ekonomiyang aktibidad. Ito ay maaari ring bumuo sa aspetong pampolitika, pangkultura, pangkapaligiran, at iba pa. Nakatutulong ito ng malaki sa paglago ng isang bansa sa kabuuan. Kung ating mapapansin, ang mga makabagong teknolohiya na ating ginagamit ngayon ay isa sa napakaraming produkto ng globalisasyon. Bakit nga ba ito nangyayari? Ito ay sa kadahilanang nagkakaroon ng pagpapalitan sa pagitan ng mga bansa. Hindi lamang mga political views or ideas, kung hindi maging ang mga bagay ukol sa paghubog ng kultura ng isang lugar. Mula rito, masasabi nating nakapagdudulot ng magandang bagay ang pagkakaroon ng pagtutulungan (interdependence) sa mundo.
Ipagpalagay natin na hindi tayo sinakop ng mga dayuhan. Ano kaya ang pagkakakilanlan ng bansang Pilipinas sa kasalukuyang panahon? Hindi natin masasabi na ang mga impluwensiya ng ibang bansa sa atin ay nakasasama sapagkat ang konsepto ng globalisasyon ay may mga mabubuti at hindi mabubuting puntos.
PERSONAL CHOICES
Bilang isang indibidwal, ako ay nagsisilbing tagatanggap o tagakonsumo (consumer) ng mga gawa o produkto ng mga taga-labas. Mula sa aking paboritong pagkain, form of entertainment, taste or choice in music, fashion sense, at style. Lahat ito ay naimpluwensiyahan ng globalisayon. Ito ay dahil na rin sa social media o anupamang platform na aking napapanood, nababasa, at naririnig. Hindi ko maikakaila na ang aking mga natatanggap ay naging bahagi na ng aking buhay, personalidad, at pagkakakilanlan.
Halimbawa, dati ako ay nahihilig sa panonood ng mga palabas sa mga national tv channels sa bansa. Kung ikukumpara ngayon, hindi na ako nakakapanood ng mga ito. Ito ay dahil mayroon naman nang mga apps sa gadgets na pwedeng magamit. Ang Netflix, isang streaming service na nag-aalok ng malawak na uri ng palabas sa TV gaya ng pelikula, anime, dokumentaryo, at higit pa, ang aking ginagamit. Ang streaming app na ito ay nagmula sa California, United States. Tinatayang 190 bansa ang reach o naabot ng Netflix maliban na lamang sa China, Crimea, North Korea, o Syria. Sinasabing 8 years ago, ang bansang US lamang ang may access nito. Paano ito napalawak at napalaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo nang napakabilis?
Ang isa sa maituturong dahilan nito ay ang paglago ng internet sa pangkalahatan. Ang mga nauusong gadyet katulad ng telepono, tablet, laptop, mobile phones, at smart TV ay mabenta at isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga taong namumuhay sa kasalukuyang panahon. Magiging praktikal na opsyon ang paggamit ng Netflix para isang indibidwal sapagkat ito ay available sa halos lahat ng devices na madalas nating ginagamit. Maaaring manood ang mga miyembro o naka-subscribe sa premium offer nito hangga't gusto nila, anumang oras, kahit saan, basta ito ay nakakonekta sa internet. Dito pa lang ay makikita na natin kung paano binabago ng Netflix ang pandaigdigang industriya sa larangan ng entertainment.
“Our belief is that great storytelling transcends borders. When stories from different countries, languages and cultures find a worldwide platform where the only limitation is the creator’s imagination, then unique, yet universal, stories emerge that are embraced by a global audience,”
-Ted Sarandos, Chief Content Officer at Netflix
PURE PINOY?
Nang dahil sa globalisasyon, naapektuhan ang aking mga personal na kagustuhan. Gayunpaman may mangilan-ngilang bagay na parte ng aking buhay na maituturing kong 100% Filipino. Isa na rito ang kaugaliang pinoy gaya ng pagmamano at paggamit ng ‘‘po at opo’‘. Ito ay isang paraan na ginagamit upang ipakita o ipamalas ang paggalang sa mga nakatatanda sa atin.
Bukod dito, isa sa kahanga-hangang katangian ng mga Pilipino ang pagiging masiyahin (cheerful). Base sa aking personal na karanasan, may mga pagkakataong dinadala ko na lamang sa ngiti ang aking mga problema. Patunay lamang ito na kahit ano pa mang sitwasyon ang dumating, hinding-hindi mawawala ang pagngiti o pagiging masiyahin ng mga Pinoy. Kadalasan sa mga napapanood kong balita, kahit na nasalanta ng bagyo ang ilang mga residente, nakukuha pa rin nilang ngumiti sa kamera sa kabila ng kalamidad o disaster. Para sa akin, ito ay trade mark ng mga Pinoy na kanilang kayang dalhin kahit saan pa man silang lupalop ng mundo mamalagi.
Hindi mapapantayan ng ibang lugar ang pagkakaroon ng close family ties. Kilala ang mga Pilipino sa pagkakaroon ng matatag na pagsasama ng isang pamilya. Mayroong mataas na pagpapahalaga ang mga Pilipino sa relasyon o kanilang pakikitungo sa pamilya. Kung tutuusin, bibihira o hindi lahat ng mga Filipino families ay pinipiling ipaalaga ang mga matatanda sa mga nursing homes. Sila ay nanatili lamang sa kani-kanilang mga bahay at doon sila inaalagaan ng kanilang mga anak.
Bago sumapit ang pasko, nagkakaroon kami ng pagtitipon ng aming mga kamag-anak sa probinsya. Ang family reunion na ito ay ginagawa namin taon-taon para makapag-usap at magsama-sama muli. Kahit pa abala ang karamihan, inilalaaan namin ang aming oras upang kami ay magbuklod-buklod muli.
Ang iba pa sa mga kaugalian na masasabi kong 100% Filipino ay ang pagkain ng balut at ang paniniwala sa mga pamahiin.
PAGTATAPOS
Para sa huling bahagi ng blog na ito, nais kong bigyang-diin kung ano ang kahihinatnan ng Pilipinas kung hindi ito naimpluwensiyahan ng ibang bansa. Una sa lahat, hindi magiging Pilipinas (Philippines) ang pangalan ng ating bansa. Balikan natin ang nakaraan. Ang Pilipinas ay ipinangalan mula kay King Philip II ni Ruy Lopez de Villalobos sa kanyang paglalayag sa isla ng Pilipinas. Si Villalobos ay isang manlalakbay na espanyol.
Kung wala ang bakas ng globalisasyon sa bansa, mananatili ang tradisyon at kultura ng maraming tribo o pangkat etniko sa bansa. Masasabi kong tunay at payak ang paraan ng pamumuhay ng mga Pilipino-mula sa ating kinakain, estilo ng musika, anyo ng pananamit, isports o laro, libangan, at marami pang iba.
Kung susumahin, ang globalisasyon ay nagpayaman at nagpalago ng sibilisasyon sa kasalukuyang panahon ngunit tinatanggal nito ang pagkakakilanlan at autensidad ng isang nasyon sa napakaraming aspeto- political, social, economical, at individual.
Bilang pagtatapos, narito ang isang infomercial na makapag-iiwan sa atin ng makabuluhang mensahe.
youtube
Maraming salamat sa pagbabasa! Kita-kits sa next blog!
0 notes
Quote
Isang kahig, isang tuka
isang komprehensibong pagsusuri ni Cheska Orenday tungkol sa mga isyung panlipunan na makikita sa dokumentaryong ‘’Tatlong Araw’’.
Tunghayan natin ang dokumentaryong ‘’Tatlong Araw’’.
youtube
Bakas ang pagod, pagkabigo, at ang pakiramdam na tila bang habang buhay na lamang silang kakayod para sa araw-araw sa kanilang mga mata. Sila ang pamilya ni Geraldine Buenaflor, isang ilaw ng tahanan para sa pamilyang binubuo ng apat na miyembro. Sa apatnapu’t dalawang taon ng kanyang pamumuhay ay nakakaranas siya ng paghihikahos sa buhay dulot ng napakaraming bagay. Bumabangon na lamang sila sa araw-araw, iniisip kung paano sila kikita ng pera upang matustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Kumikilos sila upang kumita ng pera para may kahit papaano ay may kakainin sila sa buong araw. Madalas na sa loob ng tatlong araw ay isang beses na lamang kung sila ay kumain at kung hindi papalarin, idadaan na lamang nila sa pagtulog.
Ang mga ganitong pangyayari ay maaari nating iugnay sa mga isyung panlipunan na kinakaharap ng ating bansa. Matagal nang lugmok sa sangkaterbang dilemma ang bansa dahil sa kalagayang ito. Bakit marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagdurusa dahil dito? Sino ang may pakana at dapat managot? May mga pagtatalo na ito ay bunga ng katamaran o ang kakulangan nila sa pagpupursigi para umunlad ang kanilang sarili. Kung ako ang tatanungin, maaaring isa rin ito sa napakaraming sanhi. Tignan natin kung ano ba ang mga suliraning aking namataan sa dokumentaryo.
Unemployment
Ang Unemployment, na tumutukoy sa kawalan ng trabaho ang isa sa mga itinuturing na ugat ng kahirapan. Sa huling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) bumaba mula 7.7 porsyento noong Hunyo 2021 sa 6.9 porsyento noong Hulyo 2021. Nabawasan man ng dami ng ang unemployment rate sa bansa, hindi maikakaila na malaki pa rin ang bilang ng mga aktibong naghahanap ng trabaho ngunit wala silang makitang hanapbuhay. Balikan natin ang mga senaryo sa pinanood na dokumentaryo.

Kahirapan
‘‘Pag gutom ako, natutulog ako tsaka umiiyak.’’
Para sa isang musmos na si Ginalyn, 13, idinaraan na lamang nila sa pagtulog kahit na kumakalam ang kanilang mga sikmura. Ito ay sapagkat minsan, walang kalakal ang kaniyang ina. Sa pangangalakal na lamang sila kumukuha ng source of living ang kanyang mga magulang dahil wala naman silang disenteng trabaho. Makikita natin dito kung gaano ba kalaki ang epekto ng kawalan ng hanapbuhay lalo na sa taong may pamilyang pinakakain at binubuhay. Masalimuot na pamumuhay ang kanilang kinakaharap. Nakadepende ang kanilang makakain sa kung gaano karami ang kikitain ng ina mula sa pangangalakal. Salat sila sa resorses kaya minsan ay pinapatos nila ang kanin na may kapares na toyo at asin.
Edukasyon
Kahit pa sabihin natin sila ay umaasa sa mga charities, sadyang mababa pa rin ang lebel ng kanilang pamumuhay sapagkat wala silang maayos na trabaho. Ang kawalan ng hanapbuhay ay nagbunsod rin sa pagkuha ng proper education sa mga bata. Ang karapatan ng isang tao na makapag-aral ay hinahadlangan ng kawalan ng trabaho. Ang bagay na ito ay tiyak na magreresulta sa tinatawag na domino effect. Kapag hindi nakapag-aral ang mga bata, muling mababawasan ang tiyansa na sila’y makakaahon sa hirap. Kung minsan ay nagagawa ng iba na kumapit sa patalim. Nagreresulta ito sa paggawa nila ng mga krimen na hindi naman nararapat. Hindi rin mapapalago ang ng tao ang kanyang sarili sa pangkalahatang aspeto sa buhay kung ganito ang paraan ng kanyang pamumuhay. Tandaan natin na hindi lamang para sa kanilang sarili ang pag-unlad. Malaki ang papel na ginagampanan ng mga indibidwal tungo sa economic growth at ang kapakanan ng isang bansa sa kabuuan.
Isyung Pangkalusugan
Ang kahirapan ay hindi lamang nasusukat sa kawalan ng edukasyon at trabaho. Ito ay sumasaklaw rin sa kagalingang pangkalusugan ng isang indibidwal. Paano ba makapagtrabaho ng maayos at episyente ang isang tao kung ang kanyang kalusugan ay hindi mahusay? Kaya naman maituturing na parehong kahihinatnan at sanhi ang pagkakaroon ng maliit na kita o ang pagkawala ng hanapbuhay. Sinasabing ang kahirapan ay nauugnay sa mga negatibong epekto lalo na sa kalusugan. Ito ay ang mga sumusunod:
⁍shorter life expectancy
⁍higher infant mortality rates
⁍higher death rates
Ito ay dahil sa kawalan ng food availability, dietary practices, residential segregation, pollution exposure, ang uri ng komunidad kung saan sila nabibilang, at kondisyon ng lugar kung saan sila kumikita ng pera. Ang kapaligiran pa lamang na kinabibilangan ng isang tao ay maaaring makapagbigay ng mga partikular na sakit. Dagdag pa rito ang malnutrisyon ng isang tao dahil sa labis na kahirapan. Walang sapat na sustansyang nakukuha ang isang indibidwal dahil sa kakulangan sa pagkain. Sa bidyo, binanggit ni Geraldine na minsan siya ay bumibili ng noodles para may makain ang kanilang pamilya. Ibinibigay na lamang niya at ng asawa niyang si Basilio, 48, ang laman ng pakete sa kanilang mga anak. Tanging sabaw na lamang ang natitira para sa kanila. Nabanggit din sa bidyo na apat sa pito na anak ni Geraldine ay namatay na. Sadyang ito ang kalakip na resulta ng lubhang kahirapan. Ito ang realidad.
Bukod sa mga sakit na maaring idulot ng mga nabanggit mula sa itaas, nakakaapekto rin ang mga sitwasyong ito sa mental health ng isang tao. Pumipinsala ito hindi lamang sa pisikal na kalusugan kung hindi pati na rin ang sikolohikal na kabutihan ng tao. Ang masalimuot na sitwasyon na kinasasangkutan ng pamilya ni Ginang Geraldine ay humihimok sa mga miyembro ng pamilya na maging tamad, mawalan ng motibasyon sa buhay, anxiety, depression, maglaho ang tiwala na mayroon dapat sa sarili, psychological distress, at iba pa.
Teenage Pregnancy
Sa magkapatong na problemang nabanggit, isa pa sa malubhang isyung panlipunan ang teenage pregnancy. Ito ay kapag nabuntis ang isang babae nang wala pang 20 taong gulang. Ayon sa Philippine Statistics Authority, isa sa sampung kabataang babaeng Pilipinong nasa edad 15-19 ay nagsisimula ng childbearing. Walong porsyento na ang mga ina at isa pang dalawang porsyento ang buntis sa kanilang unang anak. Ito ay mula sa resulta ng 2013 National Demographic and Health Survey (NDHS).
Sa isang pahayag sinabi naman ni Executive Juan Antonio A. Perez III,National Economic and Development Authority (NEDA) Acting Secretary and Chair of POPCOM, ‘‘Adolescent mothers who will join the workforce are at a gross disadvantage in terms of potential earnings in their lifetime, making them more economically vulnerable in life—compared with their peers who have finished high school and have yet to bear children.”
Kung susuriin, magiging mahirap ang sitwasyong haharapin ng mga babaeng unang makapanganak. Sa dokumentaryong tatlong araw, makikita ang araw-araw na pakikibaka ng 19 taong gulang na si Gemalynn. Pinoproblema niya ang gatas na ibibigay sa kanyang anak. Hindi na niya kasama ang kanyang asawa. Hindi nabanggit ang dahilan ukol dito. Kaya naman pahirapan sa pagsustento sa mga pangunahing pangangailangan ng kanyang anak maging ang kanyang sarili. Maituturing na sanhi nito ang kawalan ng access sa birth control at hindi sapat na sex education. Ngunit paano nga ba makakuha ang mga tao ng ganitong mga bagay kung sila ay nasa laylayan ng lipunan at hindi nakapagtapos ng pag-aaral?

Diskriminasyon
Hindi nawawala ang prejudice, bias, at inequality sa pananaw ng marami. Gap between the rich and poor, ika-nga dahil sa hindi pagkakapantay-pantay ng kita. Bakit ba mas lalo pang yumayaman ang mga mayaman, samantala ang mga mahihirap ay bahagya lamang kung umasenso?Minsan pa nga ay hindi man lang umuusad. Sa dokumentaryo, nabanggit ni Ginang Geraldine na hindi na baleng makarinig siya ng masasakit na salita. Ang importante ay matawid niya sa gutom ang pamilya.
Ang siklo ng kahirapan
Balikan natin ang katanungan na nabanggit sa itaas. Sino nga ba ang may pakana ng mga ganitong sitwasyon? Nararapat bang isisi na lamang sa pamahalaan? Para sa akin, ang may kasalanan ay ang indibidwal. Gaano pa man kahirap ang sitwasyon, kailangan nilang gawan ng paraan o solusyonan ang mga problemang nakahain sa kanilang harapan. Sa tingin ko ang tanging magagawa ng pamahalaan at business sectors ay mas pag-igihan pa ang kanilang mga tungkulin sa bansa. Sa katunayan, ang pamahalaan ay naka-disenyo para sa tao. Mas kinakailangan pa ng improvement ng pamahalaan upang maibigay ang serbisyong nararapat matanggap ng mga mamamayan.
Bakit indibidwal?Naniniwala akong nasa tao mismo nagsisimula ang lahat. Hindi ito para sisihin ko ang mga taong nakakaranas ng masalimuot na sitwasyon. Kung tutuusin, tunay na nasa ating mga sarili nakasalalay ang ating pag-unlad. Sa pagbangon pa lang natin sa umaga, sa pagpili ng mga pinal na desisyon sa buhay, sa pagsang-ayon o hindi sa iba’t ibang bagay- ang lahat ng ito ay mga kilos o aksyon na tanging tayo lamang ang makakapili at makakagawa.
Bilang tao, marami akong nakaengwentro. Mayroon kaming kamag-anak na talaga namang nagdaan din sa hirap sa buhay. Sa kalsada na lamang natutulog ang kanilang pamilya nang buwagin ang lugar na tinitirahan nila. Walang-wala rin daw talaga sila noon. Hindi lamang kahirapan ang kanilang kinakaharap kung hindi pati ang iba’t ibang isyung aking nabanggit sa itaas. Ang kanyang tatay na dapat magsilbing haligi ng tahanan ay sangkot sa isang krimen. Kabi-kabilang problema rin ang kanilang naranasan.
Kahit gaano kahirap, siya ay nagpursiging mag-aral. Naalala ko na ikinuwento sa akin ng aking ina na kandila lang gamit niya sa pagbabasa. Ngayon, masasabi kong siya ay nakaraos na sa hirap ng buhay. Siya ay isa ng accountant at nakabuo na rin ng kanyang sariling kompanya at negosyo. Marami na siyang naipundar kabilang na dito ang mga bagay na dati ay wala naman sila. Mayroon din siyang maayos na trabaho at napapaaral na niya ang mga nakababata niyang mga kapatid. Patunay lamang ito na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa ibaba ka. Huwag mong iisipin na hanggang dito ka na lang at iyan lang ang makakaya mo.
Kung susumahin, ang unemployment ay maituturing na ugat ng kahirapan at ito ay maaaring pang maipasa sa susunod pang henerasyon. Maaaring magresulta ito sa sandamakmak na suliranin at isyung panlipunan tulad ng kawalan ng edukasyon, kahirapan, isyung pangkalusugan, teenage pregnancy, diskriminasyon, at iba pa. Ito ay isa lamang sa napakaraming isyung panlipunan na laganap sa bansang Pilipinas. Dito na nagtatapos ang aking blog. Maraming salamat sa oras na iyong nilaan sa pagbabasa nito. Hanggang sa muli, kitakits sa next blog!
‘‘Poverty is not an accident. Like slavery and apartheid, it is manmade and can be removed by the actions of human beings.’’
-Nelson Mandela
0 notes
Quote
Blog 2—Climate Justice
isang sulatin na tumatalakay sa epekto ng Climate Change sa pandaigdigang kagalingan
Nakapaloob sa blog na ito ang konsepto ng Climate Change at kung paano ba ito nakaaapekto sa buhay ng tao. Tunghayan natin ang video na ito.
youtube
Ang Climate change o ang pagbabago ng klima ay hindi na bago sa mata ng marami. Ito ay tumutukoy sa pagbabago sa istatistikal na katangian ng sistema ng klima na nakabatay sa mahabang panahon. Ang mga epekto nito sa mundo ay ang mga sumusunod:
Pagtaas sa pangkaraniwang temperatura na atmospera, karagatan, at kalupaan
Mas mahaba at matinding tagtuyot
Pagkatunaw ng mga glacier o malaking tipak ng yelo
Pagtaas ng lebel ng tubig at temperatura sa dagat
Storms o bagyo
Heat waves at heat stress
Malulubhang bagyo at hurricane
Ang ilang mga organismo ay naaapektuhan buhat sa pagkakaroon ng global warming
Mabibigat na pag-ulan
Denser snowfall
Ang climate change ay may malaking epekto sa kapaligiran, lipunan, at kabuhayan ng tao. Dito nakararanas tayo ng matitinding bagyo, malubhang pag-ulan, at marami pang iba. Bunga nito ang pagkawasak ng maraming impraestruktura sa bansa, pagkasira ng mga pananim na hanapbuhay ng marami sa iba, at pagkawala ng buhay ng tao. Marami nang buhay ang nakitil ng bagyong rumagasa sa ating bansa katulad ng bagyong Yolanda. Isa ito sa pinakamalakas na bagyong nanalasa sa bansa noong Nobyembre 2013 kung saan hindi bababa sa sampung libong tao ang nasawi. Kabilang sa pinsalang hatid nito ay ang pagkasira ng turismo ng partikular na lugar.
Bukod pa rito, ang climate change ay may malubha ring epekto lalo na sa mga glacier sa mundo gaya ng Antarctic ice sheets at Arctic’s polar sea. Nakakaalarma ang paglala ng tinatawag na global warming o ang pagtaas ng temperatura sa ibabaw ng mundo. Bilang resulta, natutunaw na ang mga ice caps sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na siyang tahanan para sa mga polar bears. Very alarming, hindi ba?
Ilan lamang iyan sa mga nakapipinsalang dulot ng pagbabago ng klima sa pangkalahatang aspeto sa mundo. Nakababahala ang epekto ng climate change hindi lamang sa ating kapaligiran kung hindi sa ating lipunan at kabuhayan ng mga mamamayan. Ano ba ang pumapasok na ideya kapag naririnig mo ang salitang climate change? Saklaw ba nito ang mga phenomenas na nangyayari lamang sa ating kapaligiran? Kung oo, nagkakamali ka dyan. Ang sakop ng usapin ukol sa climate change ay hindi lang para sa pagtugon natin sa mga environmental issues. Kabilang din rito ang mga aspetong may kinalaman sa ating pang-ekonomiya, panlipunan, politikal na usapin, kabuhayan ng tao sa bansa, at ugnayan ng tao sa daigdig. Dito pumapasok ang tinatawag na Climate Justice o ang kolektibong konsepto sa pagbabago ng klima patungkol sa pagkakapantay-pantay, karapatan, pang-ekonomiya, lipunan, at tao.
MGA HAKBANG NG MGA BANSA SA PAGTUGON SA CLIMATE CHANGE:
Mayroong mga internasyunal na pagpupulong sa pagitan ng mga samahan sa iba’t ibang panig ng mundo para tugunan ang suliranin sa climate change. Isa na rito ang 2015 United Nations Climate Change Conference o COP21 na ginanap sa Paris, France mula November 30 to December 12, taong 2015. Layunin nitong pag-usapan ang pagbabawas ng emisyon ng mga mapinsalang gas at mga hakbang na kanilang gagawin upang mapatatag pa ang ating laban kontra climate change.

Maliban dito, mayroon ding polisya at patakarang inihain ang bansa tulad ng Pilipinas. Isinumite ng Greenpeace Southeast Asia at Philippine Rural Movement ang petisyon na panagutin ang mga korporasyong may ambag ng pinakamatinding polusyon sa hangin. Nakapaloob dito ang pag-iimbestiga sa limampu (50) multinational companies na gumagamit ng malaking amount ng fossil fuels.
Samantala, halos dalawang daang (200) bansa ang nagkasundo na pigilan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura ng higit pa sa 1.5 degrees Celsius. Batay ito sa pagpupulong na ginanap sa Paris noong taong 2015. Nangako rin ang Pilipinas na bawasan ang carbon emissions ng 70 porsiyento bago dumating ang 2030.
Patuloy pa rin ang implementation ng iba’t ibang protocols sa kani-kaniyang bansa sa pag-aksiyon sa climate change. Mayroong mga hakbang na naisulong ang Pilipinas na nakabubuti para sa kapaligiran. Halimbawa nito ang Leyte Geothermal Production Field sa Ormoc, ang pangalawa sa pinakamalaking geothermal plant sa mundo. Ang enerhiya mula rito ay renewable energy. Ito ay malinis at karaniwang nagmumula sa likas na mapagkukunan ng enerhiya. Nakapagbibigay ito ng malaking tulong kumpara sa mga coal plants.
Related articles:
Event: UN Climate Change Conference (UNFCCC COP 26) | SDG Knowledge Hub | IISD
2021 Global Conference on Health and Climate Change (who.int)
UN COP Climate Change Conferences - World Nuclear Association (world-nuclear.org)
SOLUSYON:
Maraming paraan ang pwede nating magawa upang kahit papaano ay makatulong sa paglaban sa climate change. Kabilang rito ang pilgirimage na ipinakita sa ating napanood na dokyumentaryo. Ang dalawang magkapatid na Sanio ay nagdesisyon na magmartsa mula Italy hanggang France. Ito ay para magsilbi silang boses ng mga Pilipino at maipakita nila ang hustisya na kanilang inaasam para sa mga naging biktima ng Super Typhoon Yolanda na nanalasa sa Tacloban, Leyte.

Sa kabilang banda, mayroon din namang mga iba pang paraan upang tugunan ang climate change. Narito ang mga sumusunod na hakbang:
Bawasan ang pagkonsumo ng fossil fuel
Pandaigdigang climate protocols
Kooperasyon ng bawat isa mula sa tahanan hanggang sa pamahalaan
Carbon sequestration
Paggamit ng renewable energy
Paggamit ng sustainable materials
Pag-rerecycle ng mga kagamitan
Pagbabawas ng polusyon
Easier said than done, ika-nga. Ang mga hakbang na nakalagay sa itaas ay ilan sa mga mungkahing paraan upang matugunan ang kinakaharap nating climate change. Tandaan na the change starts in you. Umpisahan muna natin ito sa ating mga sarili. Kahit pa ang mga simpleng bagay ay malaki na ang magagawa nitong pagkakaiba. Matuto tayong makilahok sa mga aktibidad na nagsusulong ng paglaban sa climate change. Gamitin natin ang ating mga kamay at boses para mas lumaganap pa ang climate change awareness sa iba pang karatig na lugar. Maging kooperatibo rin tayo sa mga climate protocols na ipinaguutos ng pamahalaan.
Kung susumahin, ang mga suliraning pangkapaligiran tulad ng climate change ay patuloy na nakaaapekto hindi lamang sa ating kapaligiran ngunit pati na rin sa panlipunang kagalingan at sa ating mga sarili. Ang mga pinsalang dulot nito ay may kinalaman sa kapakanan ng mga tao sa daigdig. Mahalagang matutunan natin ito upang magkaroon tayo ng kaalaman sa kung ano ba ang nagaganap sa mundo. Ang mga nabanggit ko na sa mungkahi sa pagtugon sa climate change ay iyo ring itanim sa isip.
Maraming salamat sa oras na iyong inilaan sa pagbabasa! Bilang pagtatapos sa blog na ito, nais kong iwan ang mga salitang binitawan ni Yeb Sanio, isang Executive Director ng Greenpeace Southeast Asia, sa pandaigdigang pagpupulong sa Warsaw, Poland.
‘’If not us, then who? If not now, then when? If not here, then where?’’
-Yeb Sanio, 2013
credits to the rightful owner of the pictures and video used
0 notes
Quote
“Once Upon A Tune”
—isang malayang komentaryo ni Cheska Orenday tungkol sa awiting nilikha ni Gary Granada
Ano ba ko para sa iyo? Kung nakapagsasalita lamang ang ating bayan ay tiyak na tayo’y tatanungin nito kung ano ang ating pananaw ukol sa mga nangyayari sa ating paligid, lingid man sa ating mga mata. Sadyang may mga bagay na kahit pa nasa harapan natin ay hindi pa rin natin ito makita.
Bata pa lamang ako ay naririnig ko na ang mga isyu tungkol sa kasakiman ng mga naihahalal na mamuno ng bansa. Nakalulungkot lang isipin sapagkat ang pagbabago na matagal ko nang hinahangad para maiayos ang buong sistema ay nanatiling isang pangarap. Hanggang ngayo’y kabi-kabilang problemang may kinalaman sa politika ang dinaranas ng bawat mamamayang Pilipino. Ano ba ang ugat nito? Sino-sino ang mga taong may kinalaman? Ano-ano ang mga hakbang na dapat gawin tungo sa isang mabuti at maunlad na pamumuhay ng mga mamamayan?
Ang blog na ito ay naglalaman ng aking sariling opinyon hinggil sa mga isyung politikal. Sa iyong pagbabasa nito, nawa’y maunawaan mo kung ano nga ba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malay sa mga isyung kinakaharap ng ating bansa.
Bilang panimula, narito ang isang musikang pinamagatang ‘‘𝙊𝙣𝙘𝙚 𝙐𝙥𝙤𝙣 𝘼 𝙏𝙪𝙣𝙚’’ 𝙣𝙞 𝙂𝙖𝙧𝙮 𝙂𝙧𝙖𝙣𝙖𝙙𝙖.
youtube
GARY GRANADA
Si Gary Granada ay isang kilalang musikero, komposer, at manunula sa Pilipinas dahil sa kanyang mga awiting may politikal na tema. Siya ay ipinanganak noong 1960 sa Maco, Compostella Valley, Davao de Oro. Ang dyanra na karaniwan niyang nililikha ay rock or folk rock. Ang kanyang boses at gitara ang instrumentong ginagamit niya sa pag-awit . Siya ay natuto sa pamamagitan ng pagpupumilit ng kanyang ama sa pagkatuto niya sa ukelele. Tumugtog rin siya ng piano. Sa taong 1998 hanggang sa kasalukuyan, siya ay aktibong lumilikha ng mga makabag-damdaming kanta at komposisyon.
Ilan sa mga sumikat niyang kanta ay ang Mabuti pa Sila na nagkamit ng 1998 Grand Prize Champion sa Metropop Festival. Ang awiting ito ay ginawan din ng sariling cover ng yumaong si Rico J. Puno noong 2008.

PAGSUSURI NG LIRIKO NG KANTA
𝘚𝘢𝘮𝘱𝘶𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘥𝘢𝘭𝘪𝘳𝘪, 𝘱𝘢𝘯𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘭𝘪𝘭𝘪𝘬𝘰𝘵 𝘕𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯𝘨𝘢𝘭𝘢𝘣𝘪𝘵, 𝘯𝘢𝘯𝘥𝘪𝘥𝘪𝘬𝘵𝘢 𝘢𝘵 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘶𝘯𝘨𝘶𝘳𝘢𝘬𝘰𝘵 𝘔𝘢𝘥𝘶𝘥𝘶𝘯𝘨𝘪𝘴 𝘯𝘢 𝘯𝘨𝘪𝘱𝘪𝘯 𝘯𝘨 𝘱𝘶𝘭𝘪𝘵𝘪𝘬𝘰 𝘓𝘶𝘩𝘰, 𝘣𝘪𝘴𝘺𝘰, 𝘱𝘢𝘵𝘪 𝘵𝘪𝘯𝘨𝘢 𝘱𝘦𝘳𝘢 𝘯𝘨 𝘱𝘶𝘣𝘭𝘪𝘬𝘰
𝘉𝘢𝘩𝘢𝘺 𝘬𝘶𝘣𝘰 𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘮𝘢𝘬𝘣𝘰 𝘈𝘺 𝘯𝘢𝘨𝘪𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘭𝘢𝘴𝘺𝘰 𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘶𝘱𝘰 𝘚𝘶𝘨𝘢𝘭 𝘢𝘵 𝘪𝘯𝘰𝘮, 𝘴𝘪𝘨𝘢𝘳𝘪𝘭𝘺𝘰'𝘵 𝘣𝘢𝘣𝘢𝘦 𝘓𝘪𝘣𝘳𝘦𝘯𝘨 𝘱𝘦𝘳𝘴𝘰𝘯𝘢𝘭 𝘯𝘢 𝘨𝘳𝘰𝘤𝘦𝘳𝘺

➼ MALILIKOT NA KAMAY
Kailan nga ba makakalaya ang bansa sa pagdurusa? Pagdurusa kung saan ang mga nailuklok sa itaas ang siyang nagiging sanhi kung bakit marami tayong kinakaharap na problema. Sila, na dapat magsilbing huwaran at pamunuan ang nasasakupan nang may dangal at tapat na puso. Hindi na bago sa atin ang mga korapsiyon na isinasagawa ng marami sa ating tinatawag na leaders. Ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para sa sarili nilang kapakinabangan. Halimbawa na lamang nito ang pagbili ng kung ano mang luho at bisyo nila na dapat ay ginagastos para sa kabutihan ng komunidad. Saan napupunta ang mga ibinabayad ng mga mamamayan? Sa kaban nga ba ng bayan? Kung pag-uusapan natin ang kasalukuyang sitwasyon, marami pa ring mga tao ang naghihikahos dahil sa pandemya. Sabayan pa natin ito ng mangilan-ngilan na balita tungkol sa ibang namumuno na sila’y sangkot sa graft o anyo ng politikal na korapsiyon kung saan ginagamit ng mga namumuno ang kanilang awtoridad para sa kanilang sariling kagustuhan.

➼ PANDEMIC RESPONSE
Bilang resulta, marami pa rin sa ating mga kababayan lalo na ang mga medical frontliners ang hindi nakatatanggap ng sapat na benepisyo gayong sila ang nagsisilbing modern-day heroes ngayong pandemya. Ayon sa kapapasok na balita noong August 11, 2021, naitala ng Commission on Audit (COA) ang tinatayang 67.323 bilyon na fund deficiencies ng Department of Health (DOH) na para sa pagkontrol sana ng pandemya. Kulang na kulang pa rin sa ayuda para sa mga pamilya, inconsistent sa pamamahala ng mga vaccination sites and the list goes on. Hindi ko lubos maisip kung paano nagagawang maitawid ng ating mga kababayang nawalan ng trabaho ang kanilang pangaraw-araw na buhay gayong ginagamit sa maling paraan ang dapat na financial aid. Sino ang nakikinabang? Sino ang nahihirapan? Patunay lamang na mas pinipili ng nasa posisyon na punan ang kanilang mga pitaka o gamitin ang pondo sa ibang bagay sa halip na isalba ang buhay ng mga Pilipino.
𝘉𝘢𝘩𝘢𝘺 𝘵𝘶𝘣𝘰, 𝘔𝘢𝘭𝘢𝘬𝘢𝘯𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘈𝘯𝘨 𝘯𝘦𝘨𝘰𝘴𝘺𝘰 𝘳𝘰𝘰𝘯 𝘢𝘺 𝘴𝘢𝘳𝘪𝘴𝘢𝘳𝘪 𝘌𝘹𝘱𝘦𝘳𝘵𝘴, 𝘤𝘰𝘯𝘴𝘶𝘭𝘵𝘢𝘯𝘵𝘴, 𝘢𝘥𝘷𝘪𝘴𝘦𝘳𝘴 𝘢𝘵 𝘮𝘦𝘥𝘪𝘢 𝘚𝘢 𝘱𝘢𝘭𝘪𝘣𝘰𝘵𝘭𝘪𝘣𝘰𝘵 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘳𝘢𝘮𝘪𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘯𝘨𝘢

➼ FAKE NEWS
Sa kabila ng patuloy na pagbilis ng hawaan dulot ng delta variant, may mga eksperto na sumasabay pa sa pagkalat ng mga maling impormasyon hinggil sa Covid-19 vaccines. Halimbawa nito ay ang usap-usapang video ni Dr. Romeo Quijano na nagsasabing delikado raw umano ang pagpapabakuna. Ang ganitong aksiyon ay maituturing na iresponsable sapagkat ang herd immunization ay isa sa pinakamahalaga tungo sa tamang pagresponde sa banta ng virus. Ano ba ang nagiging epekto ng pagkalat ng mga ganitong balita sa desisyon ng mga tao? Imbis na mahikayat ang iba ng magpabakuna ay nagdulot pa ito ng kawalan ng tiwala at pangamba para sa marami nating kababayan. Isa pang halimbawang sitwasyon ay ang balita noong mga nakaraang linggo kung saan ang mga tao ay siksikan sa mga vaccination sites partikular na sa bayan ng Las Piñas dahil sa pag-aakalang hindi sila makakatanggap ng ayuda at bawal sila palabasin kung hindi nabakunahan. Ang mga ganitong haka-haka na hindi tiyak kung saan ang pinagmulan ay isa sa mga isyu na dapat nating pagtuunan. Maging mapagmatyag tayo sa mga nangyayari sa paligid at magsagawa ng fact-checking nang sa ganoon ay hindi tayo malinlang ng sinuman.
𝘒𝘢𝘯𝘥𝘪𝘥𝘢𝘵𝘰𝘯𝘨 𝘣𝘰𝘣𝘰, 𝘭𝘶𝘮𝘪𝘱𝘢𝘥 𝘴𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨𝘪𝘵 𝘋𝘪 𝘬𝘰 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘬𝘪𝘵𝘢 𝘣𝘶𝘩𝘢𝘵 𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢-𝘦𝘭𝘦𝘤𝘵 𝘚𝘢𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘰𝘵𝘰 𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘶𝘳𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘦𝘯𝘵𝘢 𝘕𝘢𝘨-𝘦𝘯𝘫𝘰𝘺 𝘱𝘢 𝘴𝘢𝘯𝘢 𝘥𝘰𝘰𝘯 𝘴𝘢 𝘢𝘳𝘵𝘪𝘴𝘵𝘢

➼ PANGAKONG NAPAKO
Lahat na ata ng pinakamagagandang salita ang nabitawan ng mga aspiring candidates bago sila maluklok sa puwesto. Iyan ay parte na ng kanilang campaign routine. Ito ay para bumango ang kanilang mga pangalan. Ang problema rito ay kapag dumating na ang kanilang pag-upo sa termino, tila hindi na sila mahahagilap pa. Kung hindi mahagilap, kabilaan naman ang pagkamkam ng pondo ng bayan. Nasaan na yung mga mas prayoridad na ipatupad? Bakit nga ba paulit-ulit na lamang ang ganitong kaganapan?Masisi rin ba natin ang mga botante? Hudyat lamang na sa ating pamimili ng ihahalal, matuto tayong i-educate ang ating mga sarili para sa pagfifilter ng mga tatakbo. Ang iyong desisyon ay may malaking epekto sa kapakanan ng bansa. Tandaan na ang bawat isa ay may kapangyarihang bumoto. Ang mga botong ito ang nagsisilbing tulay para sa pagbabago. Sa darating na halalan 2022, nawa’y ang lahat ay gawin ang kanilang parte sa pamamagitan ng pagboto. May mga tao pa rin kasi na hindi pinipiling bumoto sapagkat ayaw nilang makialam o di kaya’y hassle raw kasi. Alisin na natin ang ganitong mindset dahil sa huli’t huli tayo rin naman ang makikinabang o maghihirap.
𝘒𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨𝘣𝘢𝘺𝘢𝘯 𝘈𝘺 𝘮𝘢𝘺 𝘱𝘳𝘰𝘣𝘭𝘦𝘮𝘢 𝘋𝘢𝘭𝘢𝘸𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘦𝘯𝘨𝘢, 𝘥𝘢𝘭𝘢𝘸𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘵𝘢 𝘓𝘢𝘨𝘪𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘴𝘢𝘳𝘢

➼ SHUTDOWN
Ang mga lokal na namumuno na dapat nagsisilbing tagapakinig ng ga hinaing ay madalas na naka-shutdown mode kuno pagdating sa pagresponde sa mga problema ng publiko. Halimbawa, ang mga reklamo ng taongbayan sa mabagal na distribusyon ng ayuda, pagresolba sa mga sirang daanan, at pagpoprotesta hinggil sa maling pamamalakad. Ano ba ang iba pang pinagkakaabalahan ng mga nasa posisyon? Ano ang mga hakbang na ginagawa nila sa pagtugon sa pangangailangan ng mga tao?
__________________________________________________________
Hindi pa nagtatapos dito ang mga problema. Iyan lamang ay ilan sa mga isyung panlipunan at politikal na kinakaharap ng bansa. Kung susumahin, ang lahat ng aking mga nabanggit ay may malaking epekto sa kung anong mayroon tayo ngayon. Ang walang katapusang katiwalian, korapsiyon, at kasakiman ay nakakubli na sa kanilang mga likuran. Tunay ngang napakaganda ng mensaheng iniwan sa atin ni Gary Granada. Maraming salamat sa iyong oras na inilaan sa pagbabasa nito. Kita-kits sa next blog!
𝚙𝚑𝚘𝚝𝚘 𝚌𝚛𝚎𝚍𝚒𝚝𝚜: 𝚁𝚊𝚙𝚙𝚕𝚎𝚛
0 notes