doms-domain
doms-domain
7 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
doms-domain · 6 years ago
Text
Ang Edukasyong Mapanghiwalay (Misedukasyon)
Sabi nga ng CHED, “quality education is not free”, Dito pa lamang ay tila malinaw na sa akin na ang edukasyon na dapat ay bukas at para sa lahat ay isa lamang palang pribilehiyo para sa iilan sa usapin ng status ng bansang Pilipinas sa ngayon. Tila pikitmata sa paglaan ng pondo ang gobyerno (kung mag lalaan man) sa mga pampublikong paaralan na nakakaawa sapagkat sa sintang paaralan ay tila mas bukambibig pa ng mga estudyante ang mga napapabayaang palikuran sa PUP kaysa sa mga pinagaaralan at mga usaping akademiko mapa personal ma o sa online world. Sa UST, La Salle, Ateneo at iba pang estadong pribado marahil ay pilit tayong inuusig na dito makikita at makukuha ang pinakaaasam-asam na “quality education”. Na kung gusto natin itong makuha ay kailangan pa munang gumastos at isakripisyo ang pinansyal na kalagayan ng pamilya.  Tila totoo nga ang nakakapanglimahid na katotohanan na ang banssang Pilipinas ay isa mismo sa umaapi sa sarili niya. Walang iba kundi tayo mismo ang nagpapalago ng Imperyalistang pananaw natin patungkol sa usapang edukasyon. Marahil noo’y ganoon din ako magisip na ang pribado ay katangkilik tangkilik rin dahil sa mga bago nitong mga establishimiyento at imprastraktura ngunit ngayong naupo ako sa armchair ng PUP at dinaranas ang hirap ng pagakyat sa 6th floor kada umaga eh napaisip ako sa akin noo’y pagkakaroon ng imperyalistang pagiisip.
 “
           “Malaya” man tayo ngayon sa mga dayuhang imperyalistang mga kano ay di pa rin maikakaila na tayo’y dumaranas pa din ng mga problema sa Sistema ng edukasyong kanilang iniwan. Pilit nating yinuyukuran ang mga pribadong paaralan bilang matatas at iniismiran naman ang paglalaan ng oras at pondo para sa pagpapaunlad ng pampublikong paaralan. Hanggang ngayon ay pinakikita sa atin na mayroong social divide na kung titingnan natin ay mas mataas ang mga may kakayahang magpaaral sa mga pampribadong paaralan sapagkat sa oras ng pagtatapos nito sila ay ang pangalan ng school mismo ang gagawa ng paraan upang ihanap sila ng trabaho na tila ba na ang binayarang tuition nila ay nakaakma din sa tatak pribado nilang pribilehiyo samantalang ang mga nasa pampublikong paaralan nakapagtapos ay tagahanap lamang ng mga tira tirang pwesto sa trabaho dahil hindi naman sila priyoridad ng kanilang mga imperyalistang employer. Ang mahirap ay lalong humihirap, ang mayaman ay lalong yumayaman. Yan ang ipinapalaganap ng sistema ng ating edukasyon. Upang habang lumalaon ay mas lalong maging prominente ang social divide sa pagitan ng naghaharing uri at ng mga nagpapaaping mga Pilipino.
0 notes
doms-domain · 6 years ago
Text
Usapang kasarian ( Ang Kabastusan ng mga Filipino )
“the ruling ideas of each age have ever ever been the ideas of its ruling class” – Karl Marx.
Tila palaisipan parin sa akin kung bakit tinatawag na “popular” culture ang popular culture dahil hindi naman ito ang kultura ng nakararami o ang kultura ng masa. Paano nga ba nagging popyular ito ngayong iilan lamang ang mayroon ng ganitong kultura at hindi ang masa na binubuo ng naaaping mga manggagawa, magsasaka, mandirigmang bayan, petiburgis sa kalunsuran at mangingisda. Alinsunod na lamang dito sa makabansang isyu na ang mga manunulat raw ay dapat lamang kumampi sa masa dahil ang kanilang pagsulat ay may magagawang pagbabago sa ating lipunan at meron din namang nagsasabing ang mga manunulat din ay bihag ng istrakturang panlipunan na ayon naman sa aking propesor sa aming diskusyon sa klase ay kayang mabali sa pamamagitan ng pamumuhay sa nais nitong maging target audience upang maranasan din niya to gamit ang sarili at makapagisip ng naaaayon sa kinapamumuhayang grupo ng tao.
                Natalakay din at nagging paksa sa report ni Venus (aking kaklase) ang patriarkal na pagiisip nating mga Pilipino na dapat ay ang lalaki ang bumubuhay sa pamilya at ang babae naman ay umaasa lamang sa lalake. Ang pagiisip din na ito ay hindi lamang nananatiling prominente sa isip ng ating mga kababayan hindi lamang dahil sa mga lalaki kung hindi dahil na din sa pagiisip ng mga kababaihan. Tinitingnan na lamang raw ng dalawang kasarian ang kanilang counterpart hindi bilang mga tao kundi mga bagay at ari-arian tungo sa pangarap na buhay. Lalo lamang nagpokus ang teksto sa pagtingin sa kababaihan bilang isang pagaari na para lamang ssa sekswal na pangangailangan at tinalakay ang iba’t ibang kwentong nagpapakita ng pagkabalasubas nating pagiisip pagdating sa usapang kasarian na awtomatikaling tinatatatakan ang babae na bastos habang ginagawa nito ang mga bagay na kung gawin ng lalaki ay okay lang naman.
0 notes
doms-domain · 6 years ago
Text
Si Juan pala’y isang Masokista dahil sa Pelikula ( Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang “Idolo”: Apat na pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino )
Pipi’t bulag na nga tila kung kainin natin ang hiniain sa atin ng “mapagbiyayang” telebisyon at sine. Na para bang nakabara na sa daloy ng utak natin ang ideyang gumagapi sa ating sariling maka-nasyonalismong pagiisip at pilit binago upang umayon sa kolonyal na pagiisip ng sariling mga mangaapi. Ito ang dahilan kung bakit binubulong natin sa sarili na maganda ang maputi, masaya ang may Palabas, at ang ilusyon na maganda pa ang daigdig.
           Ngunit bako natin ay aking batid munang banggitin kung bakit sa kabila ng pagkaposibleng bumalik ang sensibilidad ng makapilipinong pag iisip at nasyonalismo ay mahirap ito maipanumbalik sapagkat dalawa sa pinakamalaking balakid sa pagmulat sa masa ay ang mismong tradisyon at kalagayan ng kulturang Pilipino dahil sa pagkaprominente nitong mga pelikulang tinuturuan tayong maging masokista at tanggapin ang pahirap ng mga naghaharing uri at ang problema ng buhay. Dahil ditto ay hindi maaaring basta na lamang katkatin ang pananaw ng masang manonood ukol sa kanilanng minamahal na dulaan at pelikula na ayon sa teksto ay “siyang dahilan ng pagkabaog at pagkapariwara ng kanilang pagsusumikap tungo sa pagbabago.
Di nga dapat ismiran ang mga pagpapahalagang ito bagkus ay harapin at hubugin namang muli upang makatulong sa pagpapahayag ng kaisipang maunlad at mapagpalaya.
           “Ngunit ano naman ang masama kung ilagay natin sa pedestal ang mga inaapi at suubin ng insenso ang matiisin at mapagbigay? Di ba’t si Kristo ma’y nangakong igagantimpala niya ang kaharian ng langit sa yumuyukod sa nangaalipusta?” Ani ni Tiongson sa kaniyang akda. Hindi ng aba nakakapagtaka na ssa halip na mag pokus sa dami ng kabutihang loob na pinakita ni Hesus eh ang kaniyang paghihirap ang madalas na lamang ilatag sa ating mga paburitong pelikula at inaasam na dulaan.
           Para sa akin hindi naman relihiyon ang gusting talikdan ng may akda ngunit ay ang konsepto ng pagiging masokista kung saan sinasabing nakaugat ang paniniwala ng maraming Pilipino, na pagtupad lamang sa kanilang inakalang kahilingan diumano ni Kristo na pagtitiis at pagpapasalamat sa samo’t saring pasakit. Kinukulang nito ang isip ng Pilipino sa pagtitiis at nagiging bulag tungo sa mga problemang kinakaharap sa kanilang mga sari-sariling buhay. Nananatiling pikit ang mata sa patuloy na pagtaas ng pang araw-araw na pangangailangan. Dahil nga naman sa paniniwalang normal ang paghihirap sa tao at tila wala na sa prayoridad natin kwestiyonin ang patuloy na paggapi sa atin ng mga nasa taas ng di mabaligtad na tatsulok.
0 notes
doms-domain · 6 years ago
Text
Wag Pansinin si Juan na Papansin ( Blog ang Mundo: Pagsasalsal at pakikibaka sa Internet )
Makabago at tunay nga namang napakabilis ng paggawa o pagsulat ng mga blog maging maikli man ito o mahaba. Natural na lamang na magkaroon ng mga diskusyon sa internet ngayon at mula pa noong nagsimulang maging prominente ang oras nating iginugugol sa ating buhay online sa kabila ng sarisaring screen sa pamamagitan lang ng internet na nagiging bintana upang masilip ng iba kung ano mang matripan nating isulat sa ating mga sarisariling mga blog. Ngunit nakakapagtaka kung bakit tila pagiging papansin na lamang ang madalas na napansin ng may akda patungkol sa online etiquette nating mga pinoy kung saan ang mga bagay na dapat ay sinasarili na lamang ay inihahayag pa at pinapaskil sa blog ang mga bagay na kung tutuusin naman natin ay walang kakwenta kwenta ay siya pang nagiging prominente at siyang nakakaakit ng atensyon ng mga pilipinong tuwang tuwa sa mga benepisyo ng modernisasyon at elektroniko sa nakakatamad nilang mga buhay. Nagiging malabo ang linyang naghihiwalay sa pribado at pampublikong impormasyon, ayon sa teksto kung ang ordinaryong diary ay itinatago sa lahat ang blog naman ay ipinapabasa sa lahat o pinapaboso.
           Di na lamang halata o maitatago na may pagka-papansin na ugali tayong mga pinoy na pati na ang mga bagay na dapat tinatago ay binubuksan pa para sa pampublikong kaalaman na tila para bang isang uri ng voyeurism na nagpapaboso sa mga mambobobosong interesado. Ganito na lamang ba ang tingin natin sa mga blog ? isang uri lamang ng libangan para sa mga papansin na nagpapaboso at katingkating mamboboso sa Pilipinas pampalipas oras at libangan para lang sa mga walang magawa sa buhay? Sana’y hindi at bagama’t tapos na ang golden age ng mga blog ay patuloy pa din ang voyeurism sa facebook at iba pang tanyag na microblogging sites.
            Importante lamang na makita natin ang potensyal na subersibo anya ni Eliserio sa teksto na di tulad ng impormasyong inilalabas sa telebisyon na basta na lamang ipinapasok sa mga utak ng Pilipino upang makonsyum at hindi na makwestyon o bigyan lamang ng pagkakataong makapagreply o tanggihan ang mga sensationalistic lamang na ideyang binibida lagi sa mata ng pinoy. Ang blog ay interaktibo at lahat ng may akses dito ay maaaring makialam at makibaka sa iba’t ibang uri ng diskusyong may saysay at bigat na maaaaring magtulak sa mga utak ng Pilipino patungo sa makademokratikong pagunlad sa pamamagitan ng interaktibong platform ng blog na lahat ay may karapatang magsalita Dito sa blogs ay maaaaring pagusapan at buwagin ang mga totalitaryang ideya at pagiisip na pilit isinisiksik sa utak nang pinoy ng mga naghaharing uri sapagkat lahat naman sa blog ay pantay pantay lamang at hindi nahihiwalay ang mga tao sa kanilang uri. At dahil na lamang nga sa anonymous at nakatagong identity ay mas nagiging bukas magsalita at ang mga paksang kinokonsiderang taboo ay mas malayang napaguusapan sa makademokratikong paraan na nakakatulong pagbuo ng isang sanga sangang idelohiyang walang nais protektahan  at patas para sa lahat na tanging ang kabutihan at katotohanan lamang para sa lahat. Oh blogs sa internet ko tunay ngang ika’y may potensyal sa usapang pagkarebolusyonaryo ngunit bakit puro kulang sa pansin na lamang ang madalas pumansin sayo.
0 notes
doms-domain · 6 years ago
Text
Sit Indio, Sit ! (Ang Kapangyarihan ng Wika, ng Wika ng Kapangyarihan)
Hindi maipagkakaila ang importansya at mga ibat iba’ng obhetibong ginagampanan ng wika sa ating pangaraw araw na pakikibaka at pakikipag palitan ng ideya’t kaisipan sa ating kapwa sa larangan ng komunikasyon. Tunay ngang napaka makapangyarihan ng wikang ginagamit lalo na’t kapag naipapaintindi nito ang gusto mong palabasin ng klaro at malinaw sa pangunawa ng nakikinig. Ngunit sa kabila ng importansyang ito ay di parin maikakaila na maging sa wikang inilatag sa utak ng pilipino eh mayroon pa ring naghaharing uri. Pwede nating sabihin ang iisang pangungusap na pareho lamang ang pinupunto sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino at Ingles ngunit tila bakit parang mas banayad at nakakaakit sa tenga ni Juan ang wikang Ingles. Ibigsabihin nga ba nito na ang Ingles ay mas mataas at makapangyarihang wika o dahil nga ba sa pagkaindio nating mga Pilipino.  Akin pang naiintindihan ng aking mabasa na ang ingles ay ang ating “connect” sa mundo ng internet at elektroniko dahil totoo lamang ito ngunit ng mabasa ko sa teksto na ang dahilan kung bakit nga ba kinakausap natin ang mga alaga nating aso sa wikang Ingles ay isang masakit na katototohanan sa akin bagama’t ang katotohanang ito ay nakamarka na at nakaimprinta sa subconscious na level.
           Ayon sa teksto kinakausap natin ang mga aso sa wikang ingles ng dahil sa paniniwalang may hawig ang tinig ng ingles sa isang silent dog whistle na ayon sa sabi ay direktang nakakaapekto sa pagiisip ng aso na tila ba nagpaalala sa akin kung pano na lang natin sambahin ang wikang ingles at magpa-sailalim sa kapangyarihan ng wikang ito, na tila ba mga asong pinipituhan ng mga dog whistle sa tuwing makakarinig ng Ingles ang kanilang mga tainga.
           Makapangyarihan ang wika ngunit minsan ay wika mismo ang ginagamit na kapangyarihan, Minsan sa minsan ngunit madalas sa Pinas kundi araw araw ang pag abuso sa kapangyarihang taglay nito sa mga utak ng pinoy na sa ngayon ay kahit walang pumito sa tainga ng mga Indio ay tila alam na nila ang tunog ng nito at tinitingnan bilang mababang uri ang sariling kahol na kung tawagin ay Filipino.
           Nakapakat ba naman sa mga pagiisip na bagama’t importante ang Ingles sa mga bagaybagay ay importante na rin ang pagkatuto nito sa usapang paglutas ng mga problemang may kinalaman sa ekonomiya na pilit itinataguyod ng Philippines 2000 na ayon naman sa teksto ay pinabulaaanan ng bansang Thailand na sa kabila ng balibalikong Ingles ay kitang kita ang kaunlaran na hindi na makatarungan pang ikumpara sa kalagayan ng inang bayan. Hindi naman ipinupunto na tuluyang talikuran ang ingles ngunit kailangan din namang maliwanagan tayo sa importansya ng ating sariling wika at lalong pagtibayin ang mga pundasyon nito upang hindi basta na lamang isangtabi at patuloy na yurakan ng wikang ingles at mabigyang linaw na pantay lamang sila ng minamahal nating wika
0 notes
doms-domain · 6 years ago
Text
Tatak Pribado, Tatak Eksklusibo. Astang mayaman ang naghihirap na Pedro (Edukasyon para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita)
 “Education is the passport to the future, for tomorrow belongs to those people who prepare for it today.” -Malcolm X. Tunay nga’ng isa ang edukasyon sa mga susi tungo ssa mabuting kinabukasan para sa lahat ngunit bakit tila na lamang din itong pribilehiyo para sa mga nakakaangat sa usapang pinansyal bagkus sila lamang naman ang may kayang magpaaral sa mga naglalakihang pribadong paaralan na tinatakan ng mga kolonyalistang Americano bilang exclusive. Naalala ko tuloy ang sabi ng aking lola na noon nga raw ay mas tinitingala ang mga pampublikong paaralan kaysa sa mga pribadong paaralan na tumugma sa iwinika ng propesor naming si Sir Dekki sa diskusyon niya sa klase patungkol sa teksto.  
  Hindi ko lubos matanggap na ngayon ay di hamak na mababa lamang ang tingin ng ating lipunan sa halaga at pagbibigay importansya tungo sa pagpapaunlad ng pampublikong edukasyon. Ngunit hindi dahil tila mas lalong nanaig ang makaimperyalismong bahagi ng utak nating mga pinoy at tila tiningala nanaman ng matang maralita ang pagkaexclusive ng mga pribadong paaralang ito batid na lamang ng malakonyal nating pagiisip na ang mas malapit sa mga standards ng amerikano ang siyang dapat tangkilikin. Oo at tunay nga namang mas maganda at mas progresibo ang edukasyong naibibigay ngayon ng mga pribadong paaralan, natural lamang ito dahil sa kanilang mga magagarang establishimiyentong kanilang pinopondohan na di halos maikumpara sa pondong nilalaan ng gobyerno para na lamang sa mga pampublikong paaralan. Dahil sa kakulangan ng pondong inilalaan dito ay napipilitan na lamang ang mga dukhang ipasok ang kanilang mga sarili sa mga pribado at mga matataas na paaralan kapalit na lamang ng pagsasakripisyo ng kanilang pagsalangsang nang nanganganib na estadong pinansyal sa labis na pagasang maaayos nila ito dulot ng pangakong pagunlad ng edukasyon. At dahil na rin lamang sa pagpupumilit ng mga pedrong makalaya sa kanilang karalitaang kinasilanganan ay sasakyan niya ang mga pangako ng edukasyong nakatatak sa kanyang pribadong paaralan upang maiwan ang mundo ng karalitaang ikinasilanganan.
           Dahil sa hayag na pagkakaiba ni Pedro sa kaniyang mga kaklase natural lamang na isiping mahihiwalay ito sa mga yayamanin nitong mga kakaklase ngunit bago pa man ito mangyari eh siyempre sa kagustuhang guhuin ang karalitaan eh handa si Pedrong kalimutan ang mga ito. Ngunit para sa akin ay isang napakalaking mali na itinuturo na lamang sa atin na ang pribadong paaralan ang daan patungo sa kaginhawaan. Dahil ang kalidad na edukasyon ay hindi lamang dapat nakaangkla sa ideya na ito’y mahal at isang pribilehiyo lamang kundi ang edukasyon dapat ay bukas para sa lahat ng gusting magsumikap.
0 notes
doms-domain · 6 years ago
Text
Ang Puno ng Imperyalismo at ang nagtanim nito. (Edukasyong Kolonyal:Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin)
Ang binhing itinanim noon ng Estados Unidos sa isip nating mga Pilipino ayon sa tekstong inilatag ni Buenvenido Lumbera ay matagal nang matayog ang tindig at nagmimistulang walang hirap na sumasabay sa ihip ng hangin dahil sa lusog nitong taglay. Ngunit ang halamang ito ay hindi basta-bastang uri ng halaman dahil ito’y nagtataglay ng mga ugat ng mapangaping mga tinik sa kung sino mang indio ang maakit sa mga bunga nito at mapinsalang mga ugat naman para sa pinipintakasi nating inang bayan. Tawagin na lamang natin ang halamang ito bilang “Imperyalismo” na aminin man natin o sa hindi, ang lahi nating mismo Pilipino ay isa sa mga pangunahing nag-alaga at nagdilig sa halamang ito upang lumago, Dahil sa pwersahang ngunit palihim na pwersahang pagpili sa pagitan ng pagiging matatakutin at martyr o isa sa mga taliwas ang tingin at tumatanggi dito na kanila naming paparusahan dahil sa “insureksyon” laban sa minamahal na pwersang military ng EU. Tinanggap natin ang mga puwersang militar ng EU malayang gawin ang kanilang nais sa ilalim ng lilim ng “benevolent assimilation” na kung tutuosin ay hindi naman benebolente. Sa kabila ng presensya ng makarebolosyunaryong sina Artemio Ricarte at Macario Sakay.
           Bagama’t noon pa naitanim ang halamang Imperyalismo ay nanatili itong metatag sa paglipas ng panahon dahil na lamang sa mga lideratong ilustradong tila mga bulag na tagasunod ng imperyalismong EU. Simula na lamang kay Presidente Manuel Roxas na nagpumilit baguhin ang konstitusyon para na lamang mabigyan ng pantay na karapatan sa pagbungkal ng likas na yaman sa bundok at karagatan ng ating inang bayan hanggang sa pag-urong na lamang ni Presidenteng Erap Estrada sa kanyang astang anti- imperyalista noong nangangampanya pa na samantalang noong 1991 ay isa siya sa mga nagtataboy sa dayuhan.
           Sinasabi sa Gullas bill na nararapat lamang na gamitin ang wikang ingles bilang pangunahing lengwahe pagdating sa usapang akademiko. Bagama’t ang wikang ito ay ang nagbibigay ng status o pass para sa mga ingleserong kolonyalistang parating nagnanais ibilang ang sarili sa naghaharing uring tinitingala ng mga pilipinong naniniwala na sa pamamamagitan lamang ng pagkatuto ng wikang ingles makakamit ang “tunay” na edukasyon.
           “Kasaysayan, politika at edukasyon. Narito ang tatlong puwersang kailangan nating pagtuunan ng pansin upang maging epektibo ang ating pagbaklas sa imperyalismong EU sa Pilipinas.” Tunay nga namang napakaganda ng pagkakasasabi ni Lumbera nitong katotohanang ito. Sapagkat sa pag hawak nila nito ay hawak na din nila ang esensyal na pagkakilanlan ng isang nayon at ibigsabihin lamang nito ay malaya na silang isalpak sa mumunting isip ng mga Pilipino ang mga iba’t ibang uri ng ideological state apparatus na lalo lamang magpapatibay ng kanilang inaalagaang imperyalismo.
           Matagal tagal na din nating inalagaan at kinukunsinte ang patuloy na pagdilig sa puno ng Imperyalismo at sinasamba ang mga Kanong nagtanim nito na minsan ay nakakalimutan na nating sa mismong lupa ng bakuran na natin ito nakatayo. Hahayaan ba natin itong lumago kapalit ng unti-unting pagguho ng ating bakuran o bubuwagin natin ang mga nakasanayang pagiisip at matapang na titindig at wawakasan lahat ng bunga at ang mga posibleng maging sanhi ng pagtubo nitong muli? Nasa atin na lamang nakadepende ito.
1 note · View note