filipiknowsbygio
filipiknowsbygio
FilipiKnowsbyGio
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
filipiknowsbygio · 5 years ago
Photo
Tumblr media
Bakit Masaya Maging Pilipino?
Isang Pagpapakilala sa Kultura at mga Tradisyon ng Pilipinas
Kung ika’y isang Pilipino, halina’t palalawigin natin ang pagpapahalaga sa mga tradisyon ng bansa. Kalahating Pilipino? Sumama ka na rin, mayroon pa ring pagka-Pilipino riyan sa dugo mo. Banyaga o ibang lahi? Walang problema! Halika rito, ituturo ko sa iyo ang kultura ng Pilipinas at kung gaano kasaya maging parte nito. Huwag kang mag-alala, walang masama sa pag-aaral ng ibang kultura kung hindi mali ang mga binibigay na impormasyon.
Kung maihahalintulad mo ang kultura ng Pilipinas sa isang bagay, ano iyon? Bibigyan kita ng limang segundo upang mag-isip. Isa, dalawa, tatlo, apat, at lima; okey, tapos na ang oras. Sa akin, maihahalintulad ko ang kultura ng bansa sa pakpak ng paruparo. Sa pagkakaroon ng iba’t ibang kulay na pakpak ng paruparo masasalamin ang kultura ng Pilipinas mula sa pinaghalong impluwensya ng mga katutubong tradiyon at mga kultura ng mga unang mangangalakal at mananakop. Marikit, natatangi, at masayang pagmasdan—iyan ang normal na tugon sa tuwing makakikita ka ng pakpak ng paruparo. Parehas din ang kultura ng Pilipinas at pakpak ng paruparo sa pagkakaroon ng kakayahan maging progresibo o makalipad.
Heto na ang inyong pinakahihintay! Nakasaad sa ibaba ang mga tradisyon ng mga Pilipino na kailanma’y hindi malalaos. Buksan ang inyong mga mata, isip, at puso sa pagbasa.
Pagsasabi ng “po” at “opo” – Bilang pagpapakita ng galang, ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan, ay nagsasabi ng “po” at “opo” sa tuwing sila’y nakikipag-usap sa mga matatanda o kaya naman sa mga hindi nila kakilala. Sa simpleng mga salita tulad ng mga ito, naipadarama ang respeto at kagalakan ng mga Pilipino sa pakikipag-ugnayan.
Pagmamano – Tulad na lamang ng pagsasabi ng “po” at “opo”, ang pagmamano ay isa ring paraan ng pagpapakita ng respeto. Kadalasang ginagawa ito sa mga nakatatandang kamag-anak o kalapit. Ginagawa ito sa paraan ng pagkuha ng ibinibigay na kamay ng matanda at paglapat nito sa noo. Natatangi ito sa bansang Pilipinas! Makikita mo talaga kung gaano pinahahalagan ng bansa ang respeto lalo na sa mga nakatatanda.
Bayanihan – Ang mga Pilipino rin ay mahilig makipag-tulungan, sa kakilala man o hindi. Ang isang paraan ng pakikipagtulungan sa bansa ay ang bayanihan kung saan binubuhat ng mga kasapi ng komunidad ang bahay-kubo ng kasama nila tungo sa bago nitong lokasyon. Sa modernong panahon, maaari na rin gamitin ang salitang bayanihan bilang isa pang terminolohiya ng tulungan.
Mainit na pagtanggap sa mga bisita – Hilig ng nakararaming Pilipino gawing komportable ang kanilang mga bisita hanggang sa makakaya nila. Madalas pinakakain nila ang kanilang mga bisita o kaya’y pinatutulog sa bahay kung malayo pa ang pinanggalingan. Ginagawa ito ng mga Pilipino dahil kung bibisita rin naman sila sa ibang bahay, nais nilang maturing nang maayos.
Umiikot ang konbersasyon sa pagkain – Sa Pilipinas, sikat ang katagang “Kumain ka na ba?” at “Kain tayo!”. Sinasabi ang mga ito sa tuwing nagkikita o bumibista ang isang tao sa may-bahay. Ang mga ito ay mayroong mga literal na ibig-sabihing umiikot sa pagkain ngunit marami itong maaaring kahulugan. Kadalasan, paraan din ang mga ito ng pagtatanong kung kumusta na ba ang isang tao.
Pagkakaroon ng malaking pamilya – Sa Pilipinas, normal ang magkaroon ng isang tahanan kung saan kasama mo pa ang iyong mga lolo at lola dahil sa katangiang mapagmahal sa pamilya ng mga Pinoy. Sa Pilipinas din uso ang pabubuklod-buklod ng mga pamilya at pagbisita ng mga anak sa kanilang mga magulang kahit may sari-sarili na silang mga pamilya. Isa pa, sikat ang pakakaroon ng reunion sa bansa dahil dito makikilala ang mga malalayong kamag-anak at makahahanap ng koneksyon.
Maligayang tradisyon ng pasko – Naranasan mo na bang makapag-pasko sa Pinas? Kung oo, alam mo na siguro ang kulay ng mga kalsada—napupuno ng kutitap ng iba’t ibang kulay ng Christmas lights. Nagsisimula ang panahon ng pasko sa Pilipinas pagsapit ng ber months; dito, nagsisimula na ang kaniya-kaniyang pag-aayos ng Christmas decors. Sa bansa rin nauso ang produksyon ng Parol, mga makukulay na hugis-bituing palambitin. Sa mismong pagsapit ng pasko, normal na magkaroon ng malalaking pagsasama-sama ang mga magkakamag-anak o magkakaibigan. Syempre, hindi mabubuo ang pagsasama-sama kung walang pagkain. Natatangi ang mga inilalapag sa lamesa tuwing pasko—hamon de bola, queso de bola, iba’t ibang uri ng salad, at iba pa.
Iba’t ibang mga produkto – Kilala ang mga Pilipino bilang malikhain at sa bawat lugar sa Pilipinas, mayroong ipinagmamalaking mga produkto ang mga tao. Halimbawa, sikat ang mga sapatos na gawang Marikina dahil sa angking tibay nito. Ang rattan handicrafts naman ay sa Bohol.
Natatanging mga putahe – Ang mga Pilipino, lalo na ang mga Kapampangan, ay kilala bilang magagaling magluto. Sa Pilipinas makatatagpo ng masasarap at natatanging pagkaing impluwensiya ng mga karatig na bansa o ng mga mananakop. Nariyan ang sinigang, sisig, bulalo, at marami pang iba!
Sa mga tradisyong nakalista sa taas, hindi talaga maikukubling natatangi ang Pilipinas pagdating sa mga ito. Makulay talagang mamuhay sa Pilipinas, kaya kung hindi ka pa nakapupunta rito, subukan mo na!
Matapos malaman ang mga tradisyon ng Pilipinas, ano ang iyong naramdaman? Nais kong malaman! Maaari kang mag-comment kung saang tradisyon ka pinakanatuwa at bakit.
3 notes · View notes