guanezbea16
guanezbea16
Untitled
4 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
guanezbea16 · 4 years ago
Text
Reflection Paper
Kapag pinag-uusapan na ang panitikan, iniisip agad natin na ay madali lang yan intindihin, madali lang gumawa ng maikling kwento, nobela, dula, epiko, tula at iba pa. Ngunit kung titingnan natin mabuti, hindi sya ganon-ganon lang, marami pang proseso ang kailangan pagdaanan upang masabi na nakabuo ka ng maayos at magandang sulatin. Sa pag-aaral natin ng panitikan, dito natin malalaman na hindi lang pala ito basta-basta pagpapahayag ng damdamin ngunit ito ay tungkol sa mahahalaga at bagong kaisipan ng mga tao.  Nang dahil sa panitikan mas nagiging malikhain ang taong nais magsulat, sa mga mambabasa mas nagiging bukas ang kanilang kaisipan at nahuhubog pa ng husto ang kritikal na pag-iisip ng tao.
Ang mga kwento katulad ng kasal, dangal, armor at ang sanaysay na kubeta, ito ang mga nagpatunay na ang panitikan talaga ay sadyang napakamalikhain at makabuluhan. Hindi lamang ito tungkol sa magagandang salita ngunit malaya ang may akda na isulat ang mga salitang nais nya isulat kahit na ang iba dito para sa iba ay hindi kanais-nais pakinggan ngunit ito ang isang dahilan kung bakit mas lalong gumaganda ang kwento. Napatunayan ng mga akdang ito na sadyang may silbi talaga ang panitikan sa buhay ng tao.
Ang paggawa ng maikling kwento, aakalain natin na madali lang, ngunit hindi lang pala ito simpleng pagbuo ng istorya. Sa paggawa ng maikling kwento kailangan nito ng problema at dapat may solusyon din na magawa. Ang takbo ng kwento ay kailangan sa mailkling panahon o araw lamang ito umikot. Mas mapapaganda pala ang istorya kung talagang ang may akda ay gumagawa ng pagsasaliksik at maiging pagsisiyasat, mas makatutulong pala ito sa atin upang mas mapalawak natin ang ating imahinasyon. Kung mapapansin natin, kung ang mabubuo pala na kwento ay sa una pa lang ay kahika-hikayat na ang takbo, mas magugustuhan pala ito ng mambabasa na ipagpatuloy na basahin ito.
0 notes
guanezbea16 · 5 years ago
Text
Critical Essay
Sa mga kritikal na sanaysay na binasa, binibigyang diin dito ang mga kaganapan sa paligid, at mga problemang kinahaharap ng ating lipunan. Ang pag-iisip ng mga manunulat dito ay mas kritikal. Kung mapapansin, tila ba may ipinaglalaban o pinapatunayan ang may akda. Ang akdang pinamagatang “Ang kamalayang feminismo sa panitikang filipino” nabanggit dito ang tungkol sa mga kababaihan. Hindi matamo ng kababaihan ang pantay na pagkilala at karapatan. Determindao ang manunulat na ipabatid sa mga kababaihan ang karapatan natin bilang kababaihan. Ipinapakita dito na marapat lamang na mabigyan ng sapat na pagkilala ang mga kababaihan sa lipunan. Gustong patunayan na may ambag din ang kababaihan sa pulitika, kultura, ekonomiya at sa siyensa.
Mapapansin na parang mas pormal ang mga salitang ginamit sa kritikal na sanaysay at mas praktikal ang paraan ng paglalatag ng mga salita. Kung ikukumpara sa creative work na fiction at non-fiction, mas seryoso ito sa usaping pinag-uusapan. Ang manunulat ay naglatag din ng mga akda upang mas lubos na mapatunayan ang kanilang ipinaglalaban o gusto nilang ipabatid sa karamihan. Gumagamit sila ng ibang batis upang mas lalong mapatunayan ang pagiging totoo ng kanilang gawa. Katulad na lamang ng pagbanggit ng kwento na “Ang himas ni Ricardo” ni Babeth Lolarga. Ipinakita dito na ang mga babae ay hindi mananatiling anino lamang ng mga lalaki.  Sa pagbanggit ng kwento na ito, mas lalong napatibay ng manunulat ang kanyang akda.
Sa akdang pinamagatang “Literatura ng uring anakpawis”, mapapansin na maraming mga manunulat ang nabanggit kasama na ang kani-kanilang mga akda. Bawat manunulat ay may pinupuntong problema ng lipunan, bawat sulat nila ay may ipinaglalaban. Ninanais nilang maimulat ang mga mambabasa sa uri ng sistemang kinahaharap ng ating lipunan. Kagaya na lamang ni Ave Perez Jacob sa kanyang dulang “Gising at Magbangon”, isinatinig na panahon na para ipaglaban ng maliit ang kanilang mga karapatan at kapakanan para makalaya sila sa pagkakaalipin at pagkabusabos. Sa bawat pagbabasa ng kani-kanilang akda, bilang mambabasa mas lalong lumalawak ang pag-unawa natin, mas lalong lumalawak ang ating pag-iisip. Hinuhubog nila ang ating kaisipan, pinapapasok nila tayo sa kanilang mundo upang ipabatid satin ang gusto nilang sabihin.
0 notes
guanezbea16 · 5 years ago
Text
Creative works (fiction & non-fiction)
Ayon nga kay Jun Cruz Reyes, ang tao ay nagsusulat sapagkat may imahinasyon tayo bilang mga tao. Ang mga manunulat ay nakakagawa sila ng kanilang sulatin sa pamamagitan ng kanilang malikhaing pag-iisip. Kapansin pansin na ang mga babasahin na malikhaing akda katulad ng fiction at non-fiction ay patungkol sa mga karanasan ng tao. Ipinapakita sa atin ng nagsulat na totoong nangyari ito sa buhay ng tao, may nakakaranas nito. Katulad na lamang ng Kasal na sulat ni Eli Rueda Guieb III, para bang sobrang nakakarelate ang mga mambabasa ng dahil sa kwento na iyon. Habang binabasa ko ito para bang naiisip ko na andoon ako. Nais iparamdam satin nung manunulat kung ano ang nararamdaman ng tauhan sa kwento. Kung nasasaktan ang tauhan, nasasaktan din ang mambabasa. Sa sulat naman ni Norman Wilwayco na pinamagatang “Dangal” ipinapakita dito kung gaano kadali sirain ang dangal ng isang tao. Tapatan mo ng pera kapalit ay ang dangal.
May mga salitang ginamit na malalalim. Ang iba ay kailangan mo pang hanapin ang kahulugan upang mas lalo mong maintindihan. Katulad na lamang ng sulat ni Rogelio Sicat na pinamagatang Impeng Negro. Marami akong napansin na napakalalim na salita na hindi ko naunawaan agad. Halimbawa na lamang ng salitang agwador, tumutukoy pala ito sa isang tao na inatasang magdala ng tubig o magbuhat ng tubig. Ang ilan pang mga salitang hindi ko maunawaan ay ang mga salitang nagmamalirong, umalimpuyo, medya-agwa, bantulot, nag hilkabot, nakaririmarim, at pinangingimian. Dito sa mga nabasa kong creative works (fiction at non-fiction) para bang malayang nasasabi ng manunulat ang mga salitang gusto nila sabihin. Kahit na hindi gaano maganda pakinggan (kumbaga maseselan na salita) ay nasasabi pa rin nila. Halimbawa ay ang salitang “shit” sa sulat ni Eman Nolasco na pinamagatang Forced by Habit, pero kahit may ganoong salita alam naman natin na ito’y paraan lang ng kanilang pagpapahayag. May mga salita din na para bang hindi mo aakalain na mabibitawan katulad ng jebs na pinagandang tawag sa tae na ayon sa gawa ni Nancy Kimuell Gabriel na pinamagatang “Kubeta” ay nauso ito noong dekada 90, samantalang ang salitang ebak naman ay dekada 70 hanggang 80.
Hindi mo lubusang maisip na sa simpleng titulo na “kubeta” mapapalawak ito ng husto ng may-akda. Nang dahil sa kanyang malikhaing pag-iisip naipakita nya ang mga representasyon ng kubeta sa ating lipunan. Sinabi nga dito na ang klase ng kubeta ng mamamayan ay sukatan din ng kalagayan ng lipunan. Hindi lahat ng tao ay nakakaranas ng kaginhawaan sa buhay o hindi lahat ay pantay-pantay. Halos lahat ng pinabasang creative works ay patungkol sa mga kinahaharap ng ating lipunan o mga kinahaharap na suliranin ng bawat indibidwal sa mundong ating ginagalawan. Nang dahil sa ating mga manunulat nasisiwalat ang mga baho ng ating bansa.
0 notes
guanezbea16 · 5 years ago
Text
Panitikan
Ang panitikan ay tumutukoy sa mga naisulat o nailimbag ng mga taong malalawak ang imahinasyon sa pagsulat. Ito ay nagpapahayag o nagsasabi ng mga kaisipan, karanasan at hangarin ng tao. Ito ang nagsisilbing representasyon ng mga kaganapan sa paligid, kritisismo, kasaysayan, problematisasyon sa lipunan. Ang panitikan ay tumutukoy sa mga akdang nasusulat at nakilala sa pamamagitan ng malikhaing pahayag at pandaigdigang kaisipan. Nanggaling ang Panitikan sa salitang “pang-titik-an”, ang unlaping “pang” ay ginamit at ang hulaping “an”. Ang salitang “titik” ay nangangahulugang literatura (literature) nanggaling sa Latin na litterana na nangangahulugang titik.
Kailangan pag-aralan ang panitikan sapagkat ito ang makatutulong sa atin upang mas lalo pang mahasa ang ating pag-iisip. Nahahasa ng husto ang kritikal na pag-iisip ng tao at mas higit na nagiging sensitibo tayo. Mahalagang pag-aralan natin ito dahil nakakatulong ito upang maiwasan ang kamang-mangan. Ang isang tao na basa ng basa ay tiyak na maraming kaalaman ang matututunan. Napakaraming maipagkakait sa ating pagkatuto kung hindi man lamang natin mapaglaanan ng panahon pag-aralan ang panitikan. Kailangan natin pag-aralan ang panitikan sapagkat dito natin makikilala ng husto ang ating sarili bilang Pilipino at mabibigyang halaga natin ang mga minana nating yaman at talinong taglay ng ating lahing pinagmulan. Ang pag-aaral ng panitikan ay makakatulong sa atin upang magkaron tayo ng ideya sa ating sariling mga tradisyon at kultura at higit sa lahat malalaman natin ang mga naging impluwensya sa atin ng ibang bansa. Ang panitikan din ang magiging susi natin upang mabuksan at pasukin ang mga mundong nilikha ng mga manunulat. Nang dahil sa pag-aaral ng panitikan, malalaman natin o mababatid natin ang mga kamaliang mayroon sa ating bansa. Maikukumpara kung ano ang estado ng ating bansa noon sa estado ng bansa ngayon.
Pinag-aaralan ang panitikan sa pamamagitan ng pagsisimulang unawain ang nilalaman ng isang akda. Kumabaga ay nakikisalamuha sa teksto, gumagawa ng ugnayan, at tumutuklas ng iba’t-ibang perspektiba. Kung habang pinag-aaralan natin ito ay mayroong parte na hindi tayo nalinawan o naintindihan ang dapat gawin ay magtanong-tanong kung may gustong malaman, humihingi tayo ng paliwanag kung may bagay tayong hindi naintidihan sa isang akda. Isang malaking paraan upang mas lalo natin maunawaan ang panitikan ay ang pagsasaliksik. Sa ganitong paraan marami tayong makakasalamuha na iba’t-ibang perspektiba galing sa mga dalubhasang manunulat. Malaking tulong ang makahiligan natin ang pagbabasa ng mga libro sapagkat dito nag-uumpisa na ang ating pagkatuto sa panitikan. Maraming mga bagong ideya ang ating makakalap. Pagdating sa pagbabasa, kailangan natin itong unawain ng husto, lawakan natin ang ating pag-iisip. Hayaan ang sarili na damahin ang mga nais iparating sa atin ng ating mga binabasa. Huwag lamang tayong tumutok sa mga mababaw na kahulugan ng ating mga babasahin, mas makabubuti kung ang mambabasa ay huhukayin ng husto ang bawat pahayag upang mas lalo natin maunawaan ang ipinababatid nito.
1 note · View note