iamsteph090589
iamsteph090589
IAMSTEPH
3 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
iamsteph090589 · 8 years ago
Text
To Speak or Not To… #BadTiming
Ikatlo. Kailan kaya magtatagpo?
“Paano kung ang taong nakalaan sa iyo ay dumating sa maling pagkakataon? Mali nga lang ba ang tadhana? O sadyang mali ka lang ng itinugon?”
Hindi ko inaasahan ang ating pagtatagpo. Tadhana tila ba’y sadyang mapaglaro. Pinaglapit ang puso nating pawang magkalayo. Ginulo at pinaingay ang nanahimik nating mundo.
Nag-umpisa sa simpleng batian, Nauwi sa malalim na pagtitinginan Hindi naiwasan ang sa puso’y naramdaman Ang dating pagkakaibiga’y lumagpas na sa guhit na nakalaan
Ang sayang isipin na sa wakas ay may makikita kang pag-asa Na pagkatapos ng araw ng pighati at pagdurusa May darating na magsusukli sa’yo ng natatanging pagsinta
Muling nangarap, ikaw at ako…  tayo at ang bukas Naglalakad, magkawahak, masasayang alaala mga iiwanan nating bakas Di alintana anumang pagsubok ang magdaan Habang tinatahak ang dulo ng walang hanggan
Subalit, sadyang maloko ang tadhana Nakalimutan nya na hindi ka pala malaya Hindi lang pala ako ang sa iyo’y naghihintay Nariyan sya, umaasa rin sa “KAYO” habambuhay
Magtugma man ang ating mga nararamdaman Hindi pa rin sapat na dahilan para tayo ang magkatuluyan Kailangan pang pumili, sino nga ba ang mas matimbang Sya na matagal mo nang kasama o ako na bagong salta lang?
Kahit ang sagot sa akin ay malinaw na Heto pa rin ako nag-aabang na baka magbago pa   Pero tama pa bang maghintay at umasa? O sumuko na at magbakasakali sa iba?
Ang hirap… Ang hirap makipaglaban sa pag-ibig na walang katiyakan. Na hindi mo alam kung meron ka bang aasaahan Oo, ngayon masaya ka, pero bukas makalawa, paano na? Uuwi kang luhaan. Pilit tatanggapin ang dulong walang kinahantungan
Pangarap ay biglang nabasag, ikaw, ako… walang tayo, walang bukas Mag-isang maglalakad, walang kahawak, walang iiwanang bakas Magbabakasakali na isang araw, baka naman. Baka lang. Makita ulit kita, at tayo na hanggang walang hanggan.
***
Ang istorya natin parang kina Athena at Kenji Nagtagpo ngunit hindi nagtugma. Isang kaso ng “Bad timing”, sabi nga nila. May pag-asa pa bang ito’y maging tama?
O tulad lang ba tayo nina Celeste at Jesse na pawang napadaan lang Manghihimasok, manggugulo… Pasisiyahin ang nanamlay nating pagkatao Bibigyang buhay lang ang “BUHAY”, darating, pero hindi mananatili, sa huli’y magpapaalam din.
Paano nga ba tayo humantong dito? Paanong ang dating sa ati’y sigurado, ngayon naging malabo? Bawat saglit ay pilit binalikan, inaalam “ano nga ba ang dahilan?”
Mali ba ang pagsukat ng tadhana sa oras, saan at kailan? Mali ba na mahanap natin ang pag-ibig na dapat nating paglaanan? Tama bang tanggihan ang pagkakataon at piliing maging masaya Tama bang isipin ang iba kaysa sa nararamdaman sa piling ng isa’t isa
Bad timing nga bang maituturing? Sino nga ba ang dapat sisihin? Si tadhana ba na walang ginawa kundi pagtagpuin lang tayong dalawa? O tayo, na mali ang pagkakaunawa mula pa lang noong umpisa?
Bakit hindi sapat na magmahal lang upang maging masaya? Bakit tila kulang ang mga salitang “MAHAL KITA” para piliin ka niya? Bakit hindi na lang ikaw at ako, tayo hanggang bukas? Bakit nga ba pinagtagpo, kung meron din namang wakas?
Ilang pagkakataon pa ba ang ating palalagpasin? Ilang beses bang mangangatok bago buksan ang pinto ni “happy ending”? Paano nga ba kung ang taong nakalaan sa iyo ay nariyan na? Paano ba dapat timbangin ang mali at tama?
***
1 note · View note
iamsteph090589 · 8 years ago
Text
To Speak or Not To... #Hulog
Ikalawa. Ang sumunod na kabanata.
“Mahirap mahulog kung hindi ka naman masasalo. Kaya habang maaga pa, tigilan na.” 
Hindi ko inaasahan ang bigla nating pagkakalapit.
Nagsimula sa isang gabing puno ng kwentuhan at tawanan, Nasundan ng mga halos araw-araw na kulitan at pansinan, Sa tuwing magkakasalubong, pihadong may mapag-uusapan, Kahit walang katuturan, napagtiyatiyagaan.
Noong dati’y mabibilang lang sa daliri ang ating eksena, Ngayon, sa loob ng isang araw, hindi na sasapat ang isa, Hindi ka rin nauubusan ng banat, mapang-asar ka ding hamak, Pati tuloy ako, lagi nang nag-aabang, Hindi dapat matapos ang araw nang hindi kita nasusulyapan.
Nagdaaan ang mga araw, nagpatuloy lang at hinayaan, Sinasamantala ang bawat oras na ika’y nakakadaupan, Baka bukas makalawa ito’y matigil na, Huhupa at mawawala na lang bigla.
Bumilang ng mga linggo… Isa, dalawa, tatlo, Tatlong linggo na pala ang lumilipas ngunit bakit parang halos walang pinagbago? Ang inakalang mamamatay nang tensyon sa pagitan nating dalawa ay nananatili pa, Patuloy at tila walang balak magsawa.
Mga kwentuhan natin ay palalim nang palalim, Marami akong natutuklasan at nalalaman nang hindi napapansin, Walang hiyaan, masayang nakikipaghuntahan, Hindi alintana ang oras, kahit abutin pa ng kinabukasan.
Hindi ko maintindihan kung bakit ganito, Bakit ang simpleng engkwentro natin ay ikinasisiya ko? Bakit sa aki’y ganito ang epekto mo? Pati mga importanteng bagay ay natatalikdan ko. Basta’t ikaw ang kaharap, walang pakialam, ‘Wag lang mawalay sa mga nakaw na usapan, Nahuhulog na nga ba? ‘Yan ang tanong.. Paano kung oo, ako kaya ang iyong tugon?  
Ang distansya natin ngayon sa akin ay hindi na sapat lang, Nais ko nang lumagpas sa guhit ng ating pagkakaibigan, Nangangarap.. Umaasa.. Baka sakali, sana, Ngunit hindi nga pala maari, hindi ka pala malaya.
Naisin mang manatili at hindi lumagpas sa nakatakdang guhit, Hindi mapigilan ang sarili at nagigipit, Nahuhulog na nga, diyan ako ay sigurado na. Ngunit tama pa ba? Tama pa bang umasa, kung alam ko namang sa dulo ay wala ng pag-asa.
Sa pagitan ng pag-aalinlangan at pagbabakasakali, isa lamang ang nananaig… Gustong-gusto kita, subalit, Mahirap mahulog kung alam mong nag-iisa ka. Kaya naman habang maaga pa, habang kaya pa, dapat ay tigilan ko na. Bago pa lumala at masaktan ng sobra.
2 notes · View notes
iamsteph090589 · 8 years ago
Text
To Speak or Not To... #Umpisa
Ito ang umpisa. Dito magsisimula.
Sabi nila, “’Wag kang matakot aminin kung ano ang tunay mong nararamdaman”.
Madaling sabihin. Mahirap gawin.
Matagal na tayong magkaibigan, isa.. dalawa.. tatlong taon na rin siguro. Noong una kitang makilala, aaminin ko nagustuhan kita. Pero hindi pwede. Hindi tayo pwede. Alam ko, umpisa pa lang, ako yung tipong hindi mo magugustuhan.
Lumipas ang panahon at nakalimutan ko rin naman. Nakalimutan ang minsan na ginusto kita at mas minabuti na lang makipagkaibigan. Hindi man ganoon kalalim ang pinagsamahan… Magbabatian kung may pagkakataon, magbibiruan kapag naisipan… Sa panahong ako’y naghahanap ng masasandalan, nariyan ka handang making at magpaalala. Nagbibigay payo sa mga katangahan na paulit-ulit kong nagagawa.
Hanggang sa hindi ko namalayan, ang inakalang nawala na na nararamdaman ay nanumbalik nang hindi inaasahan. Hindi ko alam kung paano umabot sa ganito. Biglang nag-iba ang pagtingin sa iyo. Noo’y kaibigan pa ang turing. Paanong sa isang iglap ay nag-iba at mas lalong lumalim?
Palagi na kitang hinahanap. Palaging nagbabakasali na ika’y makasalubong at masilayan. Na kahit saglit lang ay masulyapan ko ang iyong mukha, makita kang ngumiti… Makipagtawanan. Laman ka na maging ng aking isipan. Saan man ako mapunta, naroon ka. Naalala ka sa bawat salita, kanta at kung anu-ano pa. Sa bawat paglingon, maging sa pagpikit ng mga mata ay maligalig ka.
Hindi ko alam kung bakit, paano at kailan. Pero habang tumatagal, alam ko hindi lang ito basta paghanga lang. Gusto kita. Gustong-gusto na kita.
Ang distansyang dati ay sakto lang sa dalawang magkaibiga’y tila gusto nang higitan. Palapit nang palapit hanggang sa lumalagpas na sa nakatakdang guhit. Inisa-isa ang dahilan at pagkakataon kung bakit, paano at kailan. Naalala ang mga panahon ng pag-uusap, mga interes na nagtutugma, mga pagkakataon na nagkakasayahan at mga bagay na pinagkakasunduan. Bigla lang. Hindi inaasahan. Na para bang nagising sa pagkakahimbing at sa pagmulat ng mga mata’y bigla kang nakita.
Oo, nakikita na kita. Nakikita hindi bilang isang kaibigan kundi higit pa… Sana. Na Sana maging tayo… Kamay mo, hawak ang kamay ko. Magkahawak habang tinatahak ang bukas. Sana lang. Oo, sana lang. Sana lang dahil alam kong may mahal ka pang iba. At kahit naman wala, alam ko na wala pa ring pag-asa.
Gusto kong pigilan at tigilan ang lumalalim kong nararamdaman. Natatakot na dumating ang araw na sarili ko’y akin muling masaktan. Habang maaga pa, hangga’t kaya pa, titigilan ko na. Pero hindi ko magawa. Sabi ng utak ko, iiwasan na kita. Ngunit isang tingin mo lang, isang ngiti mo lang, nagbabago ang lahat. Puso ko’y ayaw paawat. Tila nagmamakaawa. Konti pa. Saglit pa.
Kung anu-anong paraan na ang naiispan. Sa huli, nanaig pa rin ang tunay na nararamdaman. Gusto kita. Gustong-gusto pa rin kita.
Ang sarap isipin na sa wakas, matapos nang kay tagal na pamamahinga ng puso kong minsa’y nawalan ng gana, ay biglang nakaramdam ng saya. Sa mga pagkakataong ika’y nakakasalamuha, ibang ligaya ang nadarama. Pero sa kabila ng lahat, puso ay nangangamba. Nangangamba na baka dumating ang panahon na ako ay umaasa na pala kahit na alam ko na wala ring mapapala. Mangangarap nang gising kahit walang nakikita ni katiting na pag-asa. 
At Ayoko na. Ayoko nang balikan ang sakit na minsan ko nang naranasan. Ayoko nang muli pang umiyak at umasa sa isang malabong tsansa.
Nagtatalo ang puso at isip. Alin nga ba ang dapat sundin? Gusto ko nang sayo ay aminin at ‘wag nang magtago. Nagbabakasakali na baka sa pag-amin, kasabay nito ang unti-unting pagbabago. Unti-unting maglalaho ang gumugulo sa aking utak at puso. Hindi ako umaasa na sa akin ay ganoon din ang pagtingin. Pero natatakot ako. Natatakot pa rin sa isasagot mo at sa posibilidad na ang pagkakaibigan natin ay tuluyang maglaho.
Sabi nila, “’Wag kang matakot aminin kung ano ang tunay mong nararamdaman”. Pero paano? Paano ba sabihin ang tunay na nararamdaman nang hindi ka masasaktan? Paano mo sasabihin na gusto kita lalo na’t alam mong wala rin namang patutunguhan? Paano ba umamin kung sa pag-amin na gagawin ay mawawala naman ang pagkakaibigan at pinagsamahan?
Gusto kita. Gustong-gusto kita. Ngunit pipiliin ko munang manahimik. Baka sakali isang araw, magising na lang ako na wala na. Bigla lang. Hindi inaasahan.
1 note · View note