jamaalfilhc2-blog
jamaalfilhc2-blog
JAMAAL
2 posts
Why Not?
Don't wanna be here? Send us removal request.
jamaalfilhc2-blog · 8 years ago
Video
youtube
Bakit ka naglalaro sa mineski?
0 notes
jamaalfilhc2-blog · 8 years ago
Text
PISONET
Tumblr media
Mula pagkabata, nawili na ako sa paglalaro ng mga computer games. Nagsimula ang hilig ko  dito sa pagsama ko sa aking mga kapatid na nakatatanda. Madalas akong mapagalitan ng aking magulang sapagkat sa aking murang edad, hindi raw ako dapat nagpupunta sa mga computer shop. Kung saan-saang computer shops kasi ako napapadpad kasama ang aking mga kapatid. Minsan sa mga mall, minsan diyan lang sa mga computer shop sa mga eskinitang malapit sa aming bahay.
Seguridad ang isa sa mga katwiran ng aking nanay kung bakit ayaw niya akong pumupunta sa mga computer shop. Maaari raw akong mahawa sa mga may sakit na gumamit ng kompyuter na paglalaruan ko.  Lahat ng salitang may kaugnayan sa kapahamakan na pwedeng mabanggit ng aking nanay tulad ng baka raw manakawan, madukot, mawala at mapaaway ako.
Tumblr media
Naging malaya na ako sa pagpunta sa computer shop noong nag-aaral na ako sa mataas na paaralan sa Ateneo de Manila. Isang tawid lang kasi mula sa eskwelahan ang mga computer shop na parang kabuteng nagsulputan na lang bigla sa Katipunan. Tulad ng dati, computer games pa rin ang habol ko sa mga computer shops, subalit mga kabarkada ko na ang mga kasama ko ngayon at hindi na mga kapatid. Counter-Strike, DOTA at League of Legends ang ilan sa mga nilalaro naming magkakaibigan. Tulad ng karaniwang samahan, may mainit na kompetisyon lagi sa paglalaro kaya’t nahuhumali kaming maglaro tuwing libre mula sa klase. Subalit, limitado lang ang aming paglalaro sapagkat hindi lang dahil hahanapin pa rin kami ng magulang namin at may mga gagawin pang gawaing-bahay mula sa eskwelahan, kundi mauubusan kami ng pera kung araw-araw namin pamimihasaan ang paglalaro. Nasa 30 hanggang 35 pesos kada oras ang bayad sa mga computer shop. Malayo sa mga pinaglalaruan ko sa tabi ng aming bahay na 10 hanggang 15 pesos lang kada oras ang singgil. Sabagay, higit na malinis, maaliwalas, makabago at maganda tingnan ang computer na nasa tabi ng aking paaralan kumpara sa tabi ng aking bahay.
Tanong ng marami sa akin kung bakit hindi na lang sa bahay ako maglaro upang makatipid sa gastos ng paglalaro sa computer shop. Una, mabagal ang internet sa bahay. Apat kaming magkakapatid at isang nanay na halos buong araw tumitingin ng Facebook kung kaya’t nakaiinis lang kung maglalaro ako ng computer games sa bahay. Pangalawa, higit na gusto kong kasama ang aking mga kaibigan sa paglalaro ng computer games sapagkat masaya kasi ang karanasan kapag magkakatabi kaming naglalaro. Higit na madaling maglokohan, mag-isip ng plano sa paglalaro at panatag ang loob ko habang naglalaro sa labas sapagkat kasama ko ang mga kaibigan ko.
Sa paglalaro ko ng computer games, napansin kong maraming panlalait ang nangyayari. Sa loob ng computer shops kung saan nagmumurahan ang ibang magkakampi, nagsisisihan, nagtuturuan at nauuwi sa paggamit ng mga salitang bobo, tanga, walang alam, at marami pang iba. Sa mismong laro, o cyberspace, ganoon din ang kalagayan tuwing na sa kainitan ng paglalaro ang mga tao. Nakababasa ako ng mga salitang “peenoise”, jejemon, “pinoy ka talaga”, “ggwp”, at kung minsan bastos na ang hirit ng mga manlalaro. Ginagamit bilang panlait ang salitang “pinoy” ng mga taong naglalaro ng computer games. Para sa akin, ipinapahiwatig nito ang posibleng kabobohan at kalabuan ng ilang sitwasyong nagaganap sa ating bansa na nai-uugnay ng ilang manlalaro sa cyberspace sa computer games. Kadalasan sinasabihan pa ng ibang manlalaro na mag-aral naman ang ilang manlalaro sapagkat wala na raw atang ginagawa kundi maglaro ng computer games.
Sa halos araw-araw kong paglalaro, pagtambay at pagpunta sa computer shop naisip kong nakikita rito ang iba’t ibang uri sa antas ng lipunan sa Pilipinas. Sa mga computer shop, nakikita ang kaibahan ng mayaman sa mahirap, at nakikita rito ang pagkakahati nila. 
Ang computer shop bilang negosyo ang unang pinagmumulan ng pagpapakita nito ng iba’t ibang uri sa lipunan. Hindi pare-pareho ang singgil ng mga computer shop sa kada oras na paggamit. Sa mga mall, ang institusyong inaasahan na dapat may perang pang-gastos ang mga taong pumupunta, higit na malaki ang singil sa computer shop. Ganoon din ang singgil ng mga computer shop tulad ng Mineski na malapit sa mga pribadong paaralan tulad ng Ateneo, UP at La Salle. Sa kabilang banda, sa mga computer shop na makikita sa tabing kalye, sa tabi ng pampublikong eskwelahan, at mga eskinita, higit mura ang singgil. Nakikibagay ang mga computer shop sa kanilang inaasahang taga-konsumo ng kanilang produkto kaya’t iba-iba ang presyo  kahit pare-parehas lang naman ang maaaring laruin at gawin sa mga computer shop.
Sa mga computer shop na mataas ang singil, higit na maganda ang astetika at teknolohiyang ginagamit kumpara sa mas mga murang sumingil na computer shop. Sapagkat mas mayaman, elegante at minsan maarte ang nais na maakit na madla ng mga mamahalin na computer shop, sinisigurado nilang malinis at maaliwalas tingnan ang lugar. Bago ang ginagamit na mga kagamitang panlaro upang mas mawiling bumalik ang mga tao. Samantala, sa mga computer shop sa tabi-tabi o sa mga maliliit na eskinita, basta kayang magbayad ng 15 piso kada oras, pasado na. Hindi ganoon kalinis, madalas walang aircon, at minsan sirain na ang mga kagamitan, tuloy pa rin ang pagtakbo ng mga negosyo. Sa madlang nais maaakit ng mga computer shop na ito, nakikita ang hindi pagkapantay-pantay ng ating lipunan.
Importanteng kasangkapan sa negosyong computer shop ang mabilis na koneksyon sa internet. Walang maaakit na manlalaro o taong gagamit ng computer kung hindi mabilis ang internet. May iba’t ibang kompanya at institusyon ang nagpapatakbo ng operasyon na may kaugnayan sa internet. Subalit malaking tanong sa akin hanggang ngayon kung paano naging mabilis ang internet sa halos lahat ng internet shop. Halimbawa, sa aming bahay, ang pinakamahal na promo ng internet ang aming kinuha dahil inaasahan namin ang mabilis na internet. Subalit hindi araw-araw mabilis ang internet sa aming bahay. Dito, napaisip ako na baka sinasadya ng mga kompanyang may hawak sa koneksyon ng internet na pabilisin ang internet sa mga malalaking kompanya ng computer na posibleng makinabang ang dalawa sa negosyo. Sa mga mumurahing computer shop, may mga tinatawg na “pisonet” kung saan literal na naghuhulog ka ng piso upang makagamit ng internet. Kung gaano kamura ang paggamit, mapapamura ka rin sa inis sapagkat ubod ito ng bagal. Sa kaso ng serbisyong hatid ng internet, makikitang sanga lang ang computer shop mas malalaking kumpanyang nagbibigay ng internet tulad ng PLDT at Globe. Makikita rito ang hindi pagkapantay-pantay sapagkat maraming nagbabayad ng malaking halaga para sa internet subalit hindi nakukuha ang magandang serbisyo. Tila kailangang may balik tangkilik muna mula sa mga negosyo tulad ng computer shops at mga call center bago magbigay ng maayos na serbisyo  ang mga malalaking kumpanya ng telecommunications.
Isang espasyo kung saan malaya ang paggamit ng wika at iba’t ibang uri ng salita ang internet o cyberspace. Sa paglalaro sa mga computer shop, maraming kaso ng cyberbullying o paggamit ng mga mararahas na salita tuwing naglalaro ng mga computer games. Halimbawa sa mga laro, may mga pagkakataong pwede kang gumamit ng report for verbal abuse at ipasa ito sa mismong programa ng laro. Sa aking karanasan, madalas iniuugnay ang mga panlalait sa pagiging maledukado ng mga manlalaro dahil sa pagkakamali sa baralila tuwing nakikipag-usap sa chat ng laro. Nandiyan din ang pagtawag na “jejemon” sa mga taong gumagamit ng shortcuts sa pakikipag-usap. Sa konteksto naman ng paglalaro, sinasabihan ng salitang “peenoise” ang mga manlalarong mali ang diskarte sa paglalaro. Ginagawang salitang pang-uri para sa mga maling gawain ang tawag sa mga Filipino na “pinoy” at dito mahihinuha ang tila gustong maiparating ng mga tao na maraming pagkakamaling nangyayari sa Pilipinas. Sa simpleng paglalaro ng computer games may mga lumilitaw na diskriminasyon at panlalait sa mga Filipino. Sa kaso ng mga batang naglalaro lang ng DOTA at hindi na nag-aaral, nakikita rito ang kawalan ng supporta, pagkakataon at tamang pag-gabay ng mga magulang sa mga batang nawawala sa tamang landas at responsibilidad.
Sa pamamalakad at negosyong computer shop makikita ang iba’t ibang uri sa antas ng lipunan sa Pilipinas, mula sa astetiko at madlang inaakit ng mga ito hanggang sa mga negatibong bansag sa mga manlalaro nito sa cyberspace dahil usapin ng wika. Mapanganib ang kapangyarihan ng teknolohiya sapagkat mabilis itong makaimpluwensiya sa panahon natin ngayon, kung saan maraming itinuturing komoditi na ang paggamit ng teknolohiya pagdating na lalo sa negosyo.
Tumblr media
Noong bata ako, pumupunta ako ng computer shops upang makasama ang aking mga kapatid. Ngayon, naglalaro pa rin ako sa mga computer shops upang makasama ang aking mga barkada. May taglay rin pa lang kaisipan at kakayahan ang teknolohiyang maghati ng lipunan taliwas sa pananaw kong ang teknolohiya na siyang dapat nagbibigay daan para magkasama at maiugnay ang mga tao.
0 notes