jmperonce-blog
jmperonce-blog
John Michael Peronce
1 post
PUP HUMSS 12-11 Student
Don't wanna be here? Send us removal request.
jmperonce-blog · 7 years ago
Text
Philippine Contemporary Aesthetics: Isang Pagsusuri
"Ang sining ay isang nagsisilbing instrumento upang makilala natin ang bawat isa at upang maikalat ang pagkakakilanlan natin sa mundo," wika ng bantog na iskultor na si Olafur Eliasson. Nagsisilbing pagkakakilanlan, dahil lubos kong pinaniniwalaan na sinasalamin ng sining ang kultura at aydentidad ng isang bansa. Napakahalaga ng gampanin ng sining sa kung ano tayo bilang mamamayan at bilang bahagi ng ating bayang sinilangan. 
Sa kaniyang artikulong "Philippine Contemporary Aesthetics", inilahad ni Alice Guillermo ang mga mahahalagang puntong patungkol sa sining. Isa na rito ang pagkilala sa nilalaman, porma, at pinagmulan ng isang likhang sining, na kinikilala bilang "aesthetics". Bawat likhang sining, pagguhit man, pagpinta, pagsulat, at pag-ukit man ay masasabi kong natatangi at naiiba sapagkat bawat isa sa mga ito ay nagtataglay ng kani-kaniyang natatagong mensaheng nais iparating sa lahat. Kaya dapat lang nating pag-ibayuhin ang pagpalaganap ng sining, hindi lamang sa ating mga kanayunan kundi pati na rin sa mga siyudad. Nararapat ding panatilihin at pahalagahan ang tradisyon dahil ito ang magtatanghal sa ating kulturang Filipino. 
Ang sining ay nakahubog at nakaayon naman sa mga kagamitang mayroon ang isang bansa. Para sa akin, sinasalamin ng mga materyal-pansining ang pagkakakilanlan ng pinagmulang lugar ng isang likhang sining. Nakakalungkot lamang isipin na patuloy pa rin tayong nasasakop ng ibang mga bansang sagana sa mga kagamitang pansining, dahilan upang halos wala nang mga Pilipino ang lumilikha ng mga lokal na materyales na ito. Dahil din sa mga banyagang materyales, nawawala ang pagiging natatangi ng ating mga obra sa mundo.
Ayon din sa nilalaman ng artikulo, ang sining ay hinuhulma ng partikular na lugar at panahon. Gaya na lamang sa sarili nating bansa, masasabi kong mahalaga ang naging papel ng ating mga sining upang ipakita sa buong bansa at buong mundo ang paghihirap at kalbaryong naranasan ng kapwa nating mga Pilipino sa panahon ng mga mapaniil na mga mananakop. Dahil sa mga kaganapang ito, naapektuhan ang tema at mensahe ng mga likhang-sining noon, na siyang sumasalamin ngayon sa ating kasaysayan. Naging daan ang maraming klase ng sining upang mulatin tayong lahat sa mga nangyari noon at sa mga nangyayari pa rin sa ating lipunan hanggang ngayon. 
Dumating na nga tayo sa makabagong panahon, at kahit ang mga istilo at paraan ng paglikha ng sining ay nagbabago na rin. Ngunit kasabay ng mga pagbabagong ito, huwag nating hahayaang tuluyang tumigil sa pagbuo ng mga obra't sining, sapagkat ito ang magpapatuloy sa ating pambansang aydentidad at pagkakakilanlan sa mga darating pang panahon at henerasyon. 
Dagdag pa rito, sana rin ay paglaanan ng sapat na badyet ng gobyerno taun-taon ang paghubog sa sining ng Pilipinas, mula sa mga kagamitan hanggang sa mismong paggawa. At panghuli, huwag sanang manatili lamang sa apat na sulok na museo ang ating mga ipinagmamalaking likhang mga sining, bagkus ay mamalagi rin ito sa mga puso't isipan ng bawat isa sa tuwi-tuwina. 
(Peronce, John Michael A.- HUMSS 12-11)
1 note · View note