johnmile012-blog
johnmile012-blog
JOSE CORAZON DE JESUS
8 posts
Ang blog na ito ay naglalaman ng mga tulang akda ni Jose Corazon De Jesus.
Don't wanna be here? Send us removal request.
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
Maikling pagpapakilala kay Jose Corazon De Jesus.
Si José Corazón de Jesús at ipinanganak noong 22 Nobyembre at namatay noong 1896-26 Mayo 1932, kilala rin bilangHuseng Batute, ay isang makatang Pilipino na sumulat ng mga tula saTagalog upang ipahayag ang pagnanasa ng mga Pilipino na maging malaya noong panahon ng pananakop ngEstados Unidos sa Pilipinas (1898-1946). Tinawag ring “Pepito” noong kanyang kapanahunan
0 notes
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
SINTESIS:
Puso, Ano Ka?
Nais ipahiwatig ng tulang ito na ang puso ay nakakaramdam ng iba’t ibang damdamin. Minsan masaya, minsan nama’y sabig, minsan ay puno ng sakit. Ano man ang damdamin ng ating mga puso, kapag nasobrahan ay nagiging manhid. Kung lagging pait at sakit ang ating nadarama, kapag may dumating pa ay tila hindi na natin iniinda. Dapat nating pangalagaan ang ating puso, hindi lamang dahil parte ito ng ating katawan, o di lang dahil isa ito sa mga dahilan kung bakit tayo nabubuhay, kundi dahil ito ang nakadarama ng lahat.
Pag-ibig
Ang pag-ibig ng isang tao ay masasabi nating tunay kung kaya niya nang hamakin ang lahat. Totoo ang pag-ibig ng isang tao kung kaya niyang tanggapin lahat ng mga bagay na kapintas-pintas sa iyo. Totoo ang pag-ibig kung kaya niyang sabihin sa buong mundo na ikaw ang iniibig niya. Kung lahat ng nabanggit ay hindi niya maipakita at maiparamdam, hindi ka niya kayang tanggapin sa kung ano at sino ka, hindi niya kayang sabihin sa iba na iniibig ka niya, hindi mo masasabing totoong mahal ka niya. Ang pag-ibig, ipinaparamdam, ipinapakita. Kung hindi mo ito Makita, at lalong hindi maramdaman, hindi ito tunay.
Ang Buhay ng Tao
Ang buhay ay puno ng pagsubok. Hindi madali ang mabuhay. Maraming mga kinakailangang pagdaanan. Minsan, sa buhay ng tao, kung sino pa ang lubos na pinagkakatiwalaan mo, siya pa ang maghihila sa iyo pababa sa kinaroroonan mong tagumpay. Hindi dapat tayo maging kampante. Sikapin nating laging maging mabuti, sa lahat ng bagay. Sikapin natin na patuloy maging mas higit pa sa kung ano na ang narating natin ngunit dapat manatili tayong nasa wasto, tama ang paninindigan at siguraduhin nating wala tayong ibang natatapakan. Dapat tayong maging handa sa bawat hamon ng buhay, pagsubok man yan, o tao man yan sa buhay natin na susubok sa atin.
Ang Tren
Mayroong mga dumarating at umaalis. Bawat pagdating ay may hatid na saya, pagkasabik. Ngunit bawat pag-alis ay may iwang sakit at lungkot ng paglisan. Ang buhay ay parang tren. Patuloy sa paglalakbay. Minsan maliwanag ang daan, minsan naman ay may kadiliman o mga pagsubok na kailangang lampasan. ganoon pa man, dapat na magpatuloy ang buhay, dahil higit sa ating sarili, mayroong mga taong umaasa satin at naghihintay.
Isang Punongkahoy
Ipinapakita sa tulang ito ang buhay ng tao, mula ng siya’y bata pa lamang hanggang sa siya’y tumanda. Ipinapakita ditto na habang ang tao ay nabubuhay, dapat nating pasalamatan at sambahin ang Diyos na siyang nagbigay satin ng buhay. At sa ating pagpanaw, maiiwan natin ang mga mahal natin sa buhay na tiyak na may madaramang kalungkutan. Tulang ng isang punongkahoy, ang buhay ng tao ay hindi permanente, darating ang panahon na tayo ay mamamaalam sa mundong ibabaw. Gayon pa man, ipaubaya natin ang ating buhay sa Maylikha simula ng tao ay isilang hanggang sa tayo ay mamatay.
Manggagawa
Ipinapakita dito ang bawat sakripisyo at hirap na pinagdaraanan ng bawat manggagawa. Ang bawat manggagawa ay dapat na ipagmalaki. Kung hindi dahil sa kanila, wala ang mga imprastrakturang nakatayo sa kasalukuyan. Kung hindi dahil sa kanila, walang mga simbahan, walang mga pamilihan, walang mga bahay na ating tinitirahan. Bukod pa dito, dugo’t pawis ang kanilang puhunan sa pagtataguyod ng kanilang bawat pamilya. Bawat patak ng pawis, bawat galaw ng kamay, bawat buhat ng mabibigat, katumbas nito’y masaganang buhay para sa kanilang asawa at mga anak. Ang bawat manggagawa ay tunay na mga kahangahanga.
Kabuuan
Lahat ng tula na natalakay ay nagpapakita ng mga totoong daloy ng buhay ng isang tao. Ipinapakita ng mga tulang ito sa bawat makakabasa ang totoong buhay. Makikita sa mga tula na ang buhay ng tao ay hindi madali at puno ng pagsubok. Mismong ang umibig ay mahirap. Hindi lang lagging masaya, mayroon ding hirap at lungkot. Ano man ang mangyari, panatilihin ang tiwala sa Diyos at pag- igtingin ang pananampalataya sa Kanya.
0 notes
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
MANGGAGAWA ni Jose Corazon De Jesus
Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan; mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan. Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw, nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw, si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon’y nagyayabang. Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang, kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan mula sa duyan ng bata ay kamay mo ang gumalaw hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay. Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan….. Bawat patak ng pawis mo’y yumayari ka ng dangal, dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay. Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan, at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.
Kaisipan ng Tula:
Ang tulang “Manggagawa” ay isang tulang oda na nagbibigay pugay sa mga manggagawa. Ito ay pagkilala sa kanila para sa hirap at sakripisyo na kanilang ginagawa. Sinasalaysay rin dito na sila ang pinagmulan ng mga bagay na mayroon tayo. Sinasabi rin dito na tayo ay may malaking utang na loob sa kanila sapagkat may mga bagay na wala kung sila ay wala. Ang tulang ito ay pagkilala kanila. Hinihikayat nito ang mas pagbibigay pansin, pagkilala, at pagpapahalaga sa mga manggagawa. Isa rin itong paalala na sila ay karapatdapat dakilain.
Mensahe ng Tula:
Ito ay dedikasyon para sa mga manggagawa. Sa bawat saknong ay makikita ang mga dahilan kung bakit sila nararapat dakilain. Mababasa sa tulang ito ang kanilang mga paghihirap at ambag bilang mga manggagawa. Ang mga bagay na mayroon tayo ay dahil sa kanila, ito ay produkto ng kanilang hirap, pawis, at pagod. Ang iba’t ibang materyales ay nagagawa nilang kapakipakinabang na bagay na siya naman nating ginamit. Marami at malaki ang kanilang ambag sa lipunan at sa pagpapayabong at pagpapaunlad ng ekonomiya. Sinasabi sa tulang ito na ang mga manggagawa ay dapat dakilain, hindi silang mga manggagawa “lang”. Sila ay may malaking ambag at kahalagahan sa mundong ating ginagalawan. Hindi sila dapat maliitin at balewalain. Paalala din ito na tayo ay may malaking utang na loob sa kanila sapagkat kung wala sila ay magiiba ang takbo ng mundo. Kung mawawalan ng mga manggagawa ay titigil din ang ikot at takbo ng pamumuhay ng tao.
Etika
Ang tulang ito ay may kaugnayan pa rin sa kasalukuyang panahon at ito ay napapanahon pa rin. Hanggang ngayon ay may mga tao pa rin na minamaliit ang pagiging manggagawa na tila ba ang respeto ay nakadepende sa propesyon ng isang tao. Mataas ang tingin at respeto sa mga propesyong tulad ng mga doktor, inhinyero, at mga abudago, ngunit ang pagkilala sa mga manggagawa ay hindi sapat. May mga tao pa rin na ang tingin sa kanila ay mga manggagawa “lang.” Ang kaisipan na ito ay dapat mabago. Ang mga manggagawa ay esensyal sa ating lipunan, malaki ang ambag nila sa mundo na ating ginagalawan. Ang kanilang pagod at hirap ay hindi mapapantayan. Sa panahon ngayon kung saan ating kinakaharap ang isang epidemya, maraming manggagawa ang nagbubuwis ng kanilang buhay at ginagawa ang lahat para lamang matugunan ang ginagampanan na serbisyo sa bayan. Hindi lang mga nars at doktor ang nasa delikadong sitwasyon, sa likod ng media at mga balita ay may mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakayan, mga nag hahatid ng mga pagkain at iba pa tulad ng Grab, mga nagsisilbi sa mga kainan, mga janitor sa mga ospital, mga security guard at iba pa na ginagawang gawin ang kanilang trabaho sa kabila ng takot sa epidemya. Sa problemang ating kinakaharap ngayon ay mas marapat na sila ay kilalanin, pahalagahan, dakilain, at pasalamatan.
Kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan:
Sa tulang ito ay mapupulot ang aral na dapat silang bigyan ng halaga at pagkilala. Ang aral na mapupulot ay magsisilbing hakbang sa pagiging mas mabuting tao na may pahahalaga at respeto sa lahat ng manggagawa, mataas at kilala man ang propesyon o hindi. Ang kaisipan na sila ay manggagawa “lang” ay binabago ng tulang ito. Kung ang aral at mensahe ng tulang ito ay itatatak sa puso at isip ng mambabasa, magkakaroon ng mas mataas na respeto sa mga manggagawa. Ang pagkilala sa kanila ay lalawak din. Kung naging epektibo ang pagunawa sa tulang ito, mas magkakaroon ng pagpapahalaga sa kanila, ang propesyon ay hindi magiging hadlang o dahilan ng pagkakaiba ng lebel ng respeto sa mga tao. Mas magkakaroon ng maayos na ugnaya ang iba’t ibang propesyon at manggagawa sapagkat walang magiisip na sila ay nakakalamang. Paalala ito na ang mga manggagawa ay sandigan ng ating lipunan.
0 notes
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
ISANG PUNONG KAHOY ni Jose Corazon De Jesus
Kung tatanawin mo sa malayong pook, Ako'y tila isang nakadipang krus; Sa napakatagal na pagkakaluhod, Parang hinahagkan ang paa ng Diyos. Organong sa loob ng isang simbahan Ay nananalangin sa kapighatian, Habang ang kandila ng sariling buhay, Magdamag na tanod sa aking libingan… Sa aking paanan ay may isang batis, Maghapo’t magdamag na nagtutumangis; Sa mga sanga ko ay nangakasabit Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig. Sa kinislap-kislap ng batis na iyan, asa mo ri'y agos ng luhang nunukal; at tsaka buwang tila nagdarasal. Ako’y binabati ng ngiting malamlam. Nagpapahiwatig sa akin ng taghoy; Ibon sa sanga ko'y may tabing ng dahon, Batis sa paa ko'y may luha nang daloy. Ngunit tingnan niyo ang aking narating, Natuyo, namatay sa sariling aliw; Naging krus ako ng magsuyong laing At bantay sa hukay sa gitna ng dilim. Wala na, ang gabi ay lambong na luksa, Panakip sa aking namumutlang mukha; kahoy na nabuwal sa pagkakahiga, Ni ibon ni tao'y hindi na matuwa! At iyong isipin nang nagdaang araw, isang kahoy akong malago’t malabay; ngayon ang sanga ko'y krus sa libingan, dahon ko'y ginawang korona sa hukay.
Kaisipan ng Tula:
Ang tulang “Ang Isang Punongkahoy” ay isinulat ni Jose Corazon De Jesus noong mga panahong malapit na siyang bawian ng buhay. Ang tula ay nagpapahiwatig ng mga mahahalagang aral tungkol sa buhay ng isang tao at nagpapaalala na ang buhay ay sadyang maikli lamang. Ang tula ay umiikot sa mga sitwasyon, pangyayari o karanasan ng may-akda tungkol sa kaniyang buhay na katulad ng isang punongkahoy, darating ang panahon na ang ating matitingkad at mayayabong na dahon ay unti-unti ring malalagas at mawawalan ng buhay.
Mensahe ng tula:
Ipinapahiwatig ng may akda sa tula na sa panahon na tayo ay nalalapit na sa dulo ng ating buhay, tayo ay nag-uumpisa ng mag-isip-isip sa mga bagay bagay at tayo ay unti-unti na ring napapalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdadasal sa kanya. Sa ikatlo at ika-apat na saknong, inilalarawan na katulad ng isang punongkahoy na maraming naitutulong sa paligid, ito ay maihahambing sa isang tao na likas na may mabuting loob. Subalit sa kasalukuyang panahon, ang mga ganitong klase ng tao ay unti-unti ng naglalaho. Dahil dito, binigbigyang pansin sa tula kung sino nga ba ang mga taong tunay na magdadamlahati sa ating pagkawala at kung saan ang bawat patak ng luha ng mga ito ay hindi pakitang tao lamang.
Sa ika-lima at ika-anim na saknong, inilalarawan ang mga pangyayari sa huling hantungan ng buhay ng isang tao. Sa tula, ang kampana ang siyang naging hudyat na malapit na syang ihatid sa kanyang huling hantungan. Kasabay nito, siya ay nagagalak na may mga taong patuloy parin na umiiyak sa paanan ng kaniyang kabaong. At nang siya ay maihatid na sa kanyang huling hantungan at nang matabunan na siya ng lupa ay nakaramdam na siya ng pag-iisa sapagkat ang mga tao ay hindi na nakaabang sa kanyang puntod upang bantayan siya. Sa ika-pito at huling saknong ng tula, inilalarawan na katulad ng isang punong kahoy na matapos ng mabuwal sa lupa, ang mga tao’y hindi na pinapansin ito. Ipinapahiwatig dito na katulad rin sa reyalidad ng buhay, may mga tao ring mabilis na makalimot sa mabubuti mong nagawa at naitulong mo sa kanila. Dahil dito, ang may akda ay napaisip sa mga panahon ng kanyang kabataan at inaasahan na ang kanyang mga nagawa ay maging inspirasyon sa kapwa.
Etika
Totoo nga bang ang pagkamatay ay ang katapusan ng kaligayahan? Mula sa mensahe ng tula, isa sa mga aral na ating mapupulot ay ang pagpapahalaga sa oras. Ang oras ay isa sa mga bagay na hindi na natin maibabalik kahit ano pa man ang ating gawin. Dahil dito, bilang aral sa tula, habang tayo ay nabubuhay, marapat na ating pahalagahan ang bawat segundo, minuto, at oras na mayroon tayo. Lagi tayong gumawa ng mabubuting bagay at gawing makabuluhan ang mga panahon na tayo ay nabubuhay pa upang sa huli ay wala tayong pagsisihan. Sa pamamagitan nito, makikita rin natin ang bunga ng ating mga naitulong at magagandang naipakita at nagawa sa ibang tao. Bilang kasagutan sa tanong na “Totoo nga bang ang pagkamatay ay ang katapusan ng kaligayahan?”, ang kasagutan ay hindi. Ito’y sapagkat kung ikaw ay nabuhay ng walang pagsisisi at puno lamang ng kasiyahan sa puso, ikaw ay magiging masaya pa rin at kuntento na sa iyong naging buhay. At sa panahong na kung ikaw man ay lumisan na sa mundo, ikaw ay nasa mga ala-ala at puso parin ng mga taong tunay na nagmamahal sa iyo. May kasabihan ngang, “There are no regrets in life, just lessons learned.”.
Kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan:
Para sa kaunlarang panlipunan at pangkatauhan, masasabi kong malaki ang gampanin ng tula sa pagpapamulat sa isip ng bawat isa ukol sa pagpapahalaga sa buhay ng tao. Ang tula ay hindi lamang tungkol sa kamatayan kung hindi tungkol na rin sa pagpapahalaga sa ibang tao. Katulad na lamang sa kasabihan na, “No man is an island”, sa reyalidad ng buhay, ang isang indibidwal ay hindi kayang mabuhay ng mag-isa lamang. Dahil doon, upang ating makamit ang isang bagay, kinakailangan natin ng tulong ng ibang tao. Sa buhay, kinakailangan rin nating tanggapin ang pagkakaiba-iba ng bawat isa sa atin at matuto tayong yakapin ang parehong magaganda at hindi man magaganda nating katangian bilang isang tao. Kinakailangan man natin ng tulong ng iba upang umangat at maging masaya sa buhay, ngunit kung hindi man tayo mamahalin ng ibang tao hanggang sa huli, importanteng mahal natin ang sarili natin upang magpatuloy na maging masaya at kuntento na sa buhay.
2 notes · View notes
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
ANG TREN ni Jose Corazon De Jesus
Tila ahas na nagmula sa himpilang kanyang lungga, ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga, ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana. Ang rail na lalakara’y nakabalatay sa daan, umaaso ang bunganga at maingay na maingay, sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan. O, kung gabi’t masalubong ang mata ay nag-aapoy, ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon. Walang pagod ang makina, may baras na nasa r’weda, sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada, tumetelenteng ang kanyang kampanada sa tuwina. “Kailan ka magbabalik?” “Hanggang sa hapon ng Martes.” At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig, sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangis.
Kaisipan ng Tula:
Ang tula na ito ay tungkol sa kulturang transportasyon. Ang kaugnayan ng ating transportasyon sa mga Pilipino ay nakaakibat sa paglakbay sa ating buhay. Ito ay nakaikot sa pamumuhay at paano nasusugpuan ng mamamayan ang kanyang mga hamon sa buhay. Napakaraming ideyang onomatopoeia ang ipinakita ni De Jesus mula sa tunog ng tren.
Mensahe ng Tula:
Inihahambing ni De Jesus ang buhay ng isang ordinaryong Pilipino at ang pagbyahe nito. Tulad ng paglakbay ng isang tren, ito ay dumadaan sa mga pagsubok at estasyon sa buhay. Ang paglakbay na ito ay dadaloy sa ating pagkatao at paano rin tayo papasok sa ating mga desisyon, tulad ng pag-ibig.
Ang bintana sa unang saknong ay nagpapahiwatig sa mga pangarap natin sa buhay. Ang Pilipino marami daw yang plano. Napakahilig mangarap na kahit gaano man kaimposible ay gagawa ng paraan. Ang bukas na bintana’y nakikita ang pag-asa sa kanyang kinabukasan.
Ang pangalawang saknong ay nagpapahiwatig ng mga daan na ating tatahakin. Ang bawat segundo nito’y mahalaga dahil ito ang sisibol sa ating pagkatao. Ang ating fighting spirit na maingay ngunit ito rin ang magpapatakbo sa atin. Ito ang magsisilbi nating lakas para sumulong sa ating paglalakbay.
“Ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol, at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.” Ipinapahiwatig ng linyang ito ang bitbit na alaala, magaganda man o masasama. Ito ay nakadipende sa tao kung dadalhin nya ito sa kanyang buhay. Magiging matalino rin dapat ang paggamit nya dito, lalo na ang mga masasamamang alaala, na sisiguraduhin natin na hindi na mauulit ang mga pagkakamali natin. Ito ay magsisilbing aral sa ikahahantong ng ating buhay.
Etika
Kahit sa panahong ngayon, kung mapapansin natin, hindi gaano kaganda at kaayos pa ang transportasyon ng ating mga pampublikong sasakyan, lalo na ang LRT, MRT and PNR. Dahil dito, napeperwisyo ang araw ng ibang tao at tumatatak ang masasamang alaala. Nakakalungkot pero parte na ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ngunit, dapat ganito na lang ba tayo? Wala na ba tayong gagawin?
Sa ganitong problema, hindi masama ang matuto at humingi ng tulong. Sa ibang bansa, napakaganda ng kanilang train system at ang iba pinagmamalaki ito. Magtulungan at maging bukas sa isipan at ideya ang kailangan natin para lumago. Hindi nakakahiya para iangkin natin ang ating mga pagkakamali sapagkat ito ang sisibol sa ating industriya. Maging mapagmatyag sa mga bagay lalo na’t ang panahong ito ay napakabilis na ang pagproseso at pagunlad. Kung tayo ay magtutulungan at gamitin ang ating mga kakayahan, tayo ay makakagawa ng napakagandang bagay na sa hinaharap.
Kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan:
Ang inspirasyon ng tulang ito ang pagbuhat natin sa ating mga alaala sa ating mga buhay. Nasa kamay na natin kung gagamitin natin ito ng maayos at gawing aral ito sa mga susunod na hakbang sa buhay. Marami tayong makakasalamuha sa paglalakbay na ito. Maging maliit o malaki man ang parte nito, sila ang huhubog sa ating pagkatao. Ito ang karga natin sa ating “tren” kasama ng iba pang mga pangyayari sa ating buhay, maganda man o kabiguan. Masasabi kong hindi lahat ng tren ay pare pareho ang kanyang pag-andar. May natatanging kaanyuhan ang “tren” ng bawat Pilipino. May mga tren na mabilis at maganda ang paglalakbay, may mga tren naman na makupad at luma luma na. Ngunit hindi dapat ito hahadlang sa ating paglakbay patungo sa ating mga pangarap sa buhay. May mga estasyon tayo sa buhay na kailangan rin nating magpahinga at tanggapin ang pagdating ng iba’t ibang klaseng tao sa ating buhay. Ika nga sabi ng iba “Appreciate where you are in your journey. Even if it’s not where you want to be. Every season serves a purpose”.
0 notes
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
ANG BUHAY NG TAO ni Jose Corazon De Jesus
Inakay na munting naligaw sa gubat, ang hinahanap ko’y ang sariling pugad; ang dating pugad ko noong mapagmalas nang uupan ko na ang laman ay ahas. Oh! ganito pala itong Daigdigan, marami ang sama kaysa kabutihan; kung hahanapin mo ang iyong kaaway, huwag kang lalayo’t katabi mo lamang. Ako’y parang bato na ibinalibag, ang buong akala’y sa langit aakyat; nang sa himpapawid ako’y mapataas, ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak. Mahirap nga pala ang gawang mabuhay, sarili mong bigat ay paninimbangan, kung ikaw’y mabuti’y kinaiinggitan, kung ikaw’y masama’y kinapopootan. At gaya ng isdang malaya sa turing ang langit at lupa’y nainggit sa akin; subalit sa isang mumo lang ng kanin, ako’y nabingwit na’t yaon pala’y pain. At sa pagkabigo’y nag-aral na akong mangilag sa mga patibong sa mundo; kahit sa pagtulog, huwag pasiguro’t bangungot mo’y siyang papatay sa iyo. Ang buhay ng tao ay parang kandila habang umiikli’y nanatak ang luha; buhat sa pagsilang hanggang sa pagtanda, ang luksang libinga’y laging nakahanda. Ang palad ay parang turumpong mabilog, lupa’y hinuhukay sa ininug-inog; subalit kung di ka babago ng kilos, sa hinukayan mo’y doon mahuhulog.
Kaisipan ng Tula:
Ang tulang “Ang Buhay ng Tao” ay tungkol sa buhay ng tao na kung saan itinatalakay dito ang mga pinagdaraanan o maaring pagdaanan ng tao sa buhay. Pinapakita dito na ang buhay ay hindi perpekto at palaging may kaayusan. Lahat ng tao ay nakakaranas ng paghihirap at problema sa buhay. Tinatalakay rin ng tulang ito ang mga pagsubok at mga maling desisyon sa buhay na maaaring mangyari o nangyayari sa buhay. Isa din sa kaisipan ng tula ay tungkol sa pagtitiwala at pagsira ng tiwala, pati na rin ang pakikipagsapalaran sa buhay.
Mensahe ng Tula:
Ang kabuuan ng tula ay tumutukoy sa mga karanasan ng tao sa buhay. Itong paksang ito ay nahati sa walong saknong, kung saan ang bawat saknong ay may kaniya kaniyang mensahe tungkol sa buhay ng tao. Sa unang saknong, isinasabi dito na ang persona ay muling nakabalik sa kaniyang pinanggalingan. Ang mensahe ng unang saknong ay tungkol sa pagbalik ng alaala mula sa nakaraan. Sa muling pagalala ng persona sa nakaraan, tila namulat siya sa katotohanan at nakita ang mga kamalian ng kaniyang naging desisyon sa buhay. Maaaring sa panahong iyon, nakikita niya na mabuti ang desisyong kaniyang nagawa. Datapwat noong naranasan na niya ang epekto ng kaniyang desisyon, nalaman niyang nagkamali siya sa desisyon niya noon. Sa pangalawang saknong, naniniwala ang persona na mas marami ang kasamaan kaysa sa kabutihan, sapagkat itinatalakay dito na madalas ang kaaway ay malapit lamang sa atin. Ito ay tungkol sa pagiingat sa pagtitiwala sa tao. Maraming tao na ang nagkamali sa kaibigan at nagkamali sa iniibig. Pinapaalalahanan lamang ng ikalawang saknong ang bawat isa na maging maingat at isiping mabuti kung sino ang pagkakatiwalaan.
“Ako’y parang bato na ibinalibag, ang buong akala’y sa langit aakyat;”. Ang linyang ito naman ay nanggaling sa ikatlong saknong, kung saan isinabi dito na ang buhay hindi palaging masaya at sa pakiramdam. Mararanasan at mararanasan natin ang mga paghihirap. Sinasabi din sa ikatlong saknong na hindi lamang ibang tao ang makakapaghila saatin pababa. Maaari din tayong hilahin ng ating sarili pababa kung tayo ay patuloy na magpapadala sa problema imbis na dalhin natin ang ating problema. Ang ika-apat na saknong naman ay may kaisipang tungkol sa hirap ng pagdala ng problema at hirap sa pagpapalugod ng tao. Isinasabi dito ang katotohanan na hindi natin kayang lugurin ang bawat isa, sapagkat ang bawat tao ay nanghuhusga ng kapuwa, mapa ikaw man ay masama o mabuti. Ang kaisipan ng ika-limang saknong ay nalalapit sa ikaapat na saknong. Sinasabi sa ikalimang saknong na talagang may mga taong maiinggit sa atin. Ang iba sa mga taong ito ay kasama sa mga nanghuhusga sa atin okaya naman may itinatanim na galit sa atin kahit na wala tayong ginagawa sa kanila. Minsan, kahit simpleng bagay lamang ang mayroon tayo, may maiinggit at maiinggit parin sa atin. Lahat ng tao ay may kinaiinggitan sa mga taong may pag aaring wala sakanila.
Sa ika-anim na saknong, dito nagsimulang talakayin ng persona ang kaniyang mga natutunan mula sa kaniyang karanasan. Sa saknong na ito ay isinasabing huwag tayong makampante sa ano mang sitwasyon. Dapat tayo ay maisip at laging maging maingat sa ano mang pwedeng mangyari, tulad na lamang ng pagtataksil. Sa ika-pitong saknong, tinatalakay naman dito ang pagsapit ng kamatayan. Walang ni isang tao ang maaaring makatakas rito, kaya naman ito ay dapat nating tanggapin. Lahat ng naririto sa sanlibutan ay may hangganan, at kasama dito ang buhay na ipinahiram sa atin ng Dios. Ito ay maaari Niyang bawiin sa hindi natin nalalaman na oras. Ang huling saknong naman ay tungkol sa pagbabanta ng persona. Sinasabi dito na kung paulit-ulit natin gagawin ang mga maling desisyon o kasalanan natin sa buhay, sarili natin mismo ang magiging dahilan kung bakit tayo’y madadapa at mapapadpad sa maling daan.
Etika
Ayon sa kaisipan ng tula, makikita rito na ganito padin ang kaugalian ng mga tao sa kasalukuyan. Bagamat maraming taon na ang nakalipas mula noong naisulat ang tula, makikita parin na sa kasalukuyang panahon, may mga tao paring nanghuhusga sa atin at naninira ng ating tiwala. Isa din sa nabanggit sa tula ay ang mga patibong ng mundo. Minsan, may mga oportunidad na darating sa atin, ngunit ang iba rito ay kadalasan maghahatak sa atin pababa. Isang halimbawa nito ay ang buhay ng ilang OFW sa ibang bansa. Ang pagbigay sa kanila ng trabaho sa ibang bansa ay isang malaking oportunidad, sapagkat ito ay makakapagbigay ng malaking pera na kanilang magagamit para sa kanilang kinabukasan. Ngunit hindi lahat ng OFW ay may magandang kinabukasan pagdating sa ibang bansa. Ang iba ay hindi nabibiyayaan ng mabuting kumpaniya o amo. Ang iba ay minamaltrato. Ito ang katotohanan ng buhay. Kahit matagal nang naisulat ang tula, napapakita parin ng tula ang mga pinagdaraanan ng mga tao sa kasalukuyan. Maraming tao ang naloko na ng sariling kaibigan o minamahal. Maraming tao na rin ang sumuko dahil sa bigat ng problema. Dahil dito, masasabi ko na ang tulang ito ay malaki ang kaugnayan at importansiya sa kasalukuyan.
Kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan:
Dahil sa malaking kaugnayan ng tula sa kasalukuyan, masasabi kong maraming mapupulot na aral dito. Ang tula ay nagsisilbing babala sa atin tungkol sa mga patibong ng buhay, pati na rin sa mga problema, pagsubok, at malalaking desisyon na darating sa atin. Ang tulang ito ay mahalaga sa panlipunan at pangkatauhan, sapagkat ang tula ay nagbibigay ng aral tungkol sa pagharap sa mga maling desisyon, mga paghihirap, at mga problema. Sinasabi sa tula na dapat tayo ay matutong harapin ang mga ito. Tulad na lamang ng kaisipan ng ikaanim na saknong, nawa’y lahat ng ating mga nararanasan ay magsilbing aral sa atin upang hindi natin muli magawa ang ating mga maling desisyon at mas kayanin harapin ang mga pagsubok na darating sa ating buhay. Sa kabuuan, ang tula ay nagsisilbing gabay para kayanin natin ang buhay, kaya naman masasabi kong mahalaga ito sa kaunlarang panlipunan at pangkatauhan
0 notes
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
PAG-IBIG ni Jose Corazon De Jesus
Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha! Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata. Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata, tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa. Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso; pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro. Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo… naglalaho, layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo. Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan, parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman. Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan, at ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang. Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos, walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos. Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog. Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral, tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw, ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang! Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip. Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig, pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit. Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina, umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa. Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila. Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag, ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak. Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak, o wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat! “Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.” Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal. Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay. Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais, kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid. Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib, at ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!
Kaisipan ng tula:
Ang tulang ito ay nagpapatungkol sa buhay pagibig kung saan pinapakita ng may akda na hindi puro kasiyahan ang naidudulot ng pagibig kundi may kaakibat din ito mga kahihinatnan sa ating buhay. Bukod dito, isang kaisipang tinatalakay ng tulay ay ang pagiging komplikado ng katangian at nararamdaman sa pagibig kaya dapat paganahin ang puso at isip ng tao. Nagsisilbi din itong babala at aral sa mga desisyon patungkol sa pagibig.
Mensahe ng tula:
Pagibig ay isang salitang pamilyar sa pandinig ng tao kaya isa ito sa naging pinakasikat na paksa ni Jose Corazon de Jesus bilang makata ng pagibig. Ang paksa ng tulang ito ay tungkol sa pagibig tao, katangiang kaakibat nito at mga naidudulot nito sa buhay. Mayroong sampung saknong ang tulang ito na may kanya kanyang paliwanag sa pagibig sa pananaw ng may akda. Ang unang saknong ay nagpapakita ng pagmamahal na may halong pait. “Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!” ay nagkakahulugang kalungkutan dahil sa pagibig at kawalan ng pagasa. Sa pangalawang saknong naman ay pinapakita kung ano dapat pairalin sa pagibig, puso o isip. Ayon sa may akda, dapat lamang na konsiderahin parehas ay para sa ikasasaya, at maging wais sa mga desisyon ukol sa pagibig. May mga pagibig na panadalian at pangmatagalan dipende sa mga pangayayari at desisyon ng bawat isa sa atin. Sa pagdedesisyong ito ay may mga pagkakataong ibibigay na dapat sulitin. Ito ay pinakitsa ikatlong saknong. Sa pangapat na saknong ay pinapakita ang katangian ng tao sa pagibig dahil sa pagapekto nito sa emosyon ng tao. Ang pagibig ay may malaking impluwensya sa paggalaw, pagiisip at nararamdaman ng tao. Ang pagibig ay kaakibat ng emosyon at nararamdaman nating mg tao.
Batay sa karanasan naman ng may akda, ang panlimang saknong naman ay nagpapakita na ang pagibig ay mapanlilan. Isang araw ay sarili mo lamang ang iyong iniisip at sa susunod na araw ay umibig ka na parang tila’ynakalimot ka sa mundo nangdahil sa pagibig. Ang pagibig ang ipaparamdam sayo ang walang hanggang kasiyahan o kalungkutan sa buhay. Sa lahat ng pangyayare sa pagibig, sinasabi ng pang-anim na saknong na dapat maging handa sa mga problemang kakaharapin sa pagibig. Walang madaling mahuka sa mundong ito kaya dapat handing magsakripisyo at gumawa ng malalaking desisyon. Kinakailangan ng pagkakaroon ng lakas loob at mga sakripisyong gagawin sangalan ng pagibig dahil ang mundo ay puno ng pagsasakripsyo upang makamit ang iyong gusto. Tinuturo din sa atin na ang pagibig ay may halong lungkot at saya. Pinapakita din ang mensaheng ito sa pangwalo ng saknong na sa kabila ng paghihirap, sakit at kasiyahan ay may magandang maidudulot ang pagibig sa ating pagkatao. Walang impossible kapag nagmamahal, kaya mong ibigay lahat. Ngunit itong lahat ay dapat limitahan dahil lahat ng sobra ay nakakasama. Sa kahuli-hulihang saknonhg ay payo sa mga umiibig sa munti edad nila na maaring maksira o mapahamak ang buhay. Isa pang kahulugan nito ay ang walang muang sa pagibig, walang kapanahunan sa pagiisip ay mahihirapan sa pagibig. Sa kabuuan, maari tayong baguhin, buoin at durugin ng pagibig dahil simula pa nung unang panahon ay malaki na ang kinalaman nito sa ating buhay. Ang pagibig ay nasa iba’t ibang anyo ayon sa may akda, di lamang sa dalawang taong nagmamahalan. Ganitong kalawaka ng paksang pagibig.
Etika
Sa kasalukuyang panahon, ang tula ay nagpapakita ng mga totoong nagaganap o nangyayari sa buhay ng tao kung kaya’t may bahid ito ng Realismo. Ito ay dahil ang tulang ito ay nakasentro sa masidhing damdamin ng tao. Batay sa pangaraw araw na pamumuhay ng tao, maliki ang epekto ng nararamdaman sa pagdedesiyon. Ang tulang ito ay nagpapakita ng mga pangyayaring may kinalaman sa pagibig. Kung iuugnay ito sa kasalukuyang panahon, ang maling pagdedesiyon sa pagibig ay nagreresulta sa hiwalayan ng mga kasintahan. Padalos dalos oh kakaunti ang kinokonsidera ng sa pagdedesiyon. Ang ganitong sitwasyon ay nagreresulta din sa pagkakaulila ng mga bata na may malaking epekto sa kanilang paglaki. Madami ding mga kabataang ngayon ang natutong magrebelde dahil sa problema sa pamilya, maaring kakulangan sa pagaruga o kaya naman ay kakulangan sa atensyon na may kinalaman din sa paghahanap ng pagibig mula sa magulang. May mga taong naming makasarili dahil ang pagibig nila ay nakasentro sa sarili lamang. Madami na ding kaso ng kamatayan dahil sa pagkalungkot o pagkakaroon ng problema sa pagibig. Ang pagibig din ay nararanasan ng kabataan na pinapakita ng may akda na mahihirapan sil dahil sa kakulangan sa karanasan kaya’t kailangan silang gabayan. Ang saya, kilig, lungkot, pagtitiis at paghihinagpis ay ilan lamang sa mga emosyong ating nararamdaman at nararanasan sa tuwing tayo’y umiibig. Bilang aral sa tula, marapat na tandaan na kaakibat ng kasiyahan na ating nadarama dulot ng pag-ibig ay may kalungkutan at pagtitiis rin na kapalit.
Kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan:
Ang tulang ito ay may malaking epekto sa pangkatauhan at panlipunan dahil ang pagibig ay may kakayahang baguhin ang mundo. Ang pagkakaroon ng malasakit ay isang pagpapakita ng pagmamahal at inapaganda nito ang pakikisama nating mga tao na binibigyan tayo ng kakayahahan tumulong at magpaunalad ng ating komunidad. Dahil nagkakaroon din ng pakikiramay sa bawat mamayan, mas mabibigyan ng oportunidad ang mga ito. Ngakakaroon ng pagtulong mula sa gobyerno at sa mga sarili natin. Isa pang kapakinabangan nito ay ang pagiging wais sa mga desisyon sa buhay ay isang katangian na dapat mayroon ang lahat ng tao. Sa. Buong buhay natin ay madaming taong mga dapat pagpilian. Ngunit sa pagdedesiyong ito, isa sa pinakamahalaga ay ang pagbabalanse ng puso at isipan. Ito ay nagagamit di lamang sa pagibig kundi pati na rin sa pangaraw araw na pamumuhay. Sa kabuuan, malika ang nagging ambag ng konsepto ng pagibisa kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at katauhan. Ang lahat ng pagunlad ay nagsisimula sa ating mga sarili.
0 notes
johnmile012-blog · 3 years ago
Text
PUSO, ANO KA? ni Jose Corazon De Jesus
Tumblr media
Ang puso ng tao ay isang batingaw, sa palo ng hirap, umaalingawngaw hihip lang ng hapis pinakadaramdam, ngumt pag lagi nang nasanay, kung minsan, nakapagsasaya kahit isang bangkay.
Ang puso ng tao’y parang isang relos, atrasadong oras itong tinutumbok, oratoryo’y hirap, minutero’y lungkot, at luha ang tiktak na sasagot-sagot, ngunit kung ang puso’y sanay sa himutok kahit libinga’y may oras ng lugod.
Ang puso ay ost’ya ng tao sa dibdib sa labi ng sala’y may alak ng tamis, kapag sanay ka nang lagi sa hinagpis nalalagok mo rin kahit anung pait, at parang martilyo iyang bawat pintig sa tapat ng ating dibdib na may sakit.
Kung ano ang puso? Ba, sanlibrang laman na dahil sa ugat ay gagalaw-galaw, dahil sa pag-ibig ay parang batingaw, dahil sa panata ay parang orasan, at mukhang ost’ya rin ng kalulwang banal sa loob ng dibdib ay doon nalagay.
Kaisipan ng Tula:
Inihahambing sa tulang ito na ang puso ay kinumpara sa isang kampanilya at isang orasan, bukod sa iba pang mga bagay, inihayag ito sa malinaw at makataong paraan. Ang tulang ito ay nagpapatungkol rin sa iba’t ibang damdamin, estado, at saloobin na nagmula sa galak ng pagmamahal. Ito ay sumasangguni sa isang damdamin ng isang kalakip. Dahil ang tulang ito ay nagbibigay kahulugan rin sa isang katangian na kumakatawan sa kabaitan ng tao, pakikiramay, at pagmamahal. Ang hindi makasariling tapat at mapagkaloob na malasakit ay para sa ikabubuti ng iba. Maaari rin na ipinapahayag sa tulang ito ang pagkaawa at mapagmahal na aksyon sa ibang tao o sa sarili.
Mensahe ng Tula:
Ipinapahayag ng tula na, ang puso ay ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Ang puso ang isa sa may pinakamalaking bahagi ng buhay pag-ibig ng isang tao. Hindi tayo makakaramdam ng pagmamahal, dahil sa puso nakaimbak ang lahat ng uri ng damdamin gaya ng saya, galit, lungkot, sakit at lahat-lahat na. Dahil sa puso tanging tayo ay nakakadama ng ating mga nararamdaman. Maaaring sa estado ng puso ng isang tao nakabase ang estado ng relasyon nito sa taong minamahal. Ang puso sa pag-ibig ay parang emosyon na hindi maiintindihan ng tao kundi sa pamamagitan lamang ng puso.
Etika
Dito ko masasabi na napakalaking halaga na gamitin ang puso natin sa bawat desisyon sa buhay lalo na sa kasalukuyang panahon natin ngayon. Dahil dito, agagamit ang puso upang ihatid tayo sa kaligayahan na gusto nating tahakin. Puso lang makakapagbigay saya sa bawat desisyon natin sa buhay. Ngunit maaaring dapat pairalin rin natin ang utak at puso natin sa lahat ng bagay. Dahil ang utak ay para magabayan ang puso natin sa pagpili ng mga desisyon sa buhay maging lalo na sa buhay pag-ibig. Hindi rin ito magiging maganda kung masobrahan ang paggamit ng puso sa mga desisyon kung hindi naman pinag-iisipan ang mga bagay-bagay.
Kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan:
Patungo sa kaunlaran at pangkatauhan, napakahalagang gamitin ang puso natin sa lipunan. Isa sa maganda maidudulot ay ang pagkapantay-pantay na tingin ng bawat tao sa isa’t isa na makakatulong sa pag-iisip ng bawat tao o sa terminong ingles ay mental health. Mas nakakatulong ito sa mga tao na mas makapag-isip ng mabuti dahil sila ay walang hinaharap na problema sa pakikisalamuha sa ating lipunan. Dahil wala silang masyadong iisipin sa pakikisalamuha sa bawat isa, mas magiging kalmado ang isipan at maari sila ay maging produktibo sa kanilang ginagawa na maaring maka-tulong sa pagtaas ng ekonomiya ng ating bansa. Bagamat noong unang panahon ang ating nakasanayan ay ang babae ay dapat nasa bahay lamang dahil sa wala itong lakas bumuhay ng pamilya, samantala ang lalaki ay dapat mag hanap buhay para mabuhay ang kaniyang sariling pamilya. Ngunit ang ating paligid at kinagagalawan ngayon ay nagbabago sa paglipas ng panahon, kung kaya’t may gustuhin man ang taong kumilos o gawin para sa kanilang kagustuhan at para sa pamilya ay dapat tayo ay magbago para sa kanilang kalayaan at umayon sa ating kinagisnang panahon dahil kung ito ay ating gagawin ay magkakaroon tayo ng kapayapaan sa ating lipunan at sa ating mga sarili.
1 note · View note