Text
For my Ending(?) Game Post
Siguro gulat kayo noh? Hindi ito basta bastang laro na makikita mo sa kahit anong free game sites. Sa totoo lang, wala kang makikitang laro na ganto sa internet. Pero para sa akin at sa aking kapartner, isa na itong laro na maaring laruin ng iba at panigurado ay kaaadikan ng lahat lalo na ng mga anime lover dyan.
Ang larong ito ay NEET Hero, isang laro na binuo namin ng aking kagrupo sa aming subject na game development. Sa totoo lang, hindi pa tapos ang larong ito pero hindi ito hadlang upang masabing hindi ito magandang laro. Dahil kapag nakita mo na ito, tiyak na masisiyahan ka.
Isa itong top-down adventure,action shooting game kung saan ang karakter na ginagamit mo ay kailangang lutasin ang kababalaghan na nangyari sa kanilang lugar. Ang larong ito ay inspired sa anime na “No Game No Life” kaya asahan mo na maganda ang kwento na inihanda namin dito.
Para maliwanagan kayo sa sinasabi ko, ang kwento nito ay tungkol sa isang tao na hindi mahilig makihalubilo sa ibang tao at mas gugustuhin niya pa ang maglaro na lang ng computer games. Isang araw, sa festival ng night of the fox, nagkaroon ng pagdiriwang ang mga tao. Ngunit lingid sa kanilang isipan ang mangyayaring kababalaghan sa naturang kasiyahan (Bawal masyado i-ispoil, pang next sem pa :P). Magsisimula ang laro kung saan walang kaalam-alam ang bida kung anung nangyari. Dahil dito, gagawa siya ng paraan upang maresolba ang kababalaghang nangyari sa kanilang bayan. Hahanapin niya ang isang bagay kung saan imumulat ang kanyang kaisipan sa reyalidad na dati’y pantasya niya lang.
Kaya guys!. Kung sakaling magawa ang larong ito at mailagay sa internet. Pramis, di namin kayo bibiguin, Kwento pa lang busog ka na, pano pa kaya kapag gameplay na? Kung ira-rate ito, 10/10 walang halong biro. Pero bilang isang prototype na laro, marami pa itong bugs na kelangan pang ayusin. Ngunit kung merong game dev next sem, balak naming ayusin ang bugs at mas palikihin pa ang twist ng kwento upang sa gayo’y mas masaya ang larong ito.
“NEET Hero: Make your fantasy the REAL WORLD”
0 notes
Photo

Ito ay isang laro na bumuo sa aking pagkabata at ngayong nalaro ko ulit ito, feeling ko bumalik ako sa nakaraan. Ang raft wars ay laro kung saan kailangan mong tatalunin ang mga kalaban sa pamamagitan ng pagbaril sa kanila ng kanyon. Hindi ito basta basta ganun kadali dahil gagamit ka ng anggulo dito sapagkat ang kalaban mo ay malayo. Nakakawili ang larong ito dahil nakakatuwa kapag tumatama ang mga bala mo at natatalo ang mga kalaban mo.

Bukod din sa magandang laro na meron ito, nagtataglay din ito ng nakawiwiling kwento kaya malalaman mo talaga kung baket kelangan nilang makipaglaban. Yung bida sa laro ay yung batang naka-superman na costume. Ang kasama naman niya ay yung batang kapatid niya. Nagsimula ang paglaban nila noong hindi sinasadyang nakakuha ng ginto at dyamante ang kanyang batang kapatid. Dahil dito, nasulat siya sa iba’t ibang pahayagan at telebisyon. Lingid sa kanilang kaalaman na nakita pala ito ng ibang pirata at bounty hunter. Nais ng mga ito na kuhain ang mga kayamanan na ito sa batang kapatid niya ngunit handa siyang makipaglaban para dito.



Nung nilaro ko to nung una, nakuha na agad nito yung atensyon ko. Naastigan kasi akong laruin ito. Naalala ko pa noong bata ako, ito lang ang dahilan kung bakit nauubos ang baon ko. Yung isang oras ko kase na dapat ay pinangkakain ko sa school ay pinagkokompyuter ko para makalaro nito.
Kung alam nyo yung larong Boomz, maiintindihan nyo yung larong ito. Mas malaki nga lang ang larong ito at online. Pero kung titignan ang gamelplay ay halos at walang pinagkaiba. Kaya kung nalaro nyu na ang boomz, paniguradong mawiwili din kayong laruin ito. Kung irarate ko ito, solid 10/10 to. Kaya ano pa hinihintay nyo? I try nyo na, pramis mag eenjoy kayo ng sobra. Baka nga di niyo na tigilan laruin :D.


0 notes
Photo

Mahilig ka ba sa tricks? Hindi yung tricks ng pang iiwan sayo kundi yung tricks ng mga rider. Kung oo, Bagay sayo ang larong ito. Hill Climb Racing, isang laro na sumikat noong ako’y highschool pa lamang at ngayong nilaro ko ulit ito ay bumabalik sa aking isipan kung gaano kaganda ang larong ito. Nakakatuwa ang larong ito dahil gagamit ka ng physics (acceleration, speed, time and gravity) upang makagawa ng mabibigat na tricks nang hindi ka naaksidente.
Ang larong ito ay isang racing game kung saan kailangan mong makagawa ng malalayong distansya nang hindi nagtitricks at hindi naaksidente. Matinding tricks, kapalit ay malaking points at gold. Magagamit mo ang mga gold para makabili ng magaganda pang kotse at para mapalakas ang engine, gas at tires ng kotse mo. Bukod din dito, nakakabili ka din ng ibang mapa na may iba’t ibang effects. Tulad ng sa moon, at mapang umaapoy at apoy at may lumot(hindi ko na kasi ulit ako nakaabot doon :D). Merong mahihirap na mga slopes at mga pampabagal na mga obstacles at kailangan mo itong lampasan habang nauubos ang gas mo.
Pero ang pinakatumatak sakin na mapa dito ay ang Moon na mapa tapos ang sasakyan mo rollercoaster. Nakakatuwa ito dahil ang gravity sa moon ay mainam para gumawa ng maraming tricks at ang rollercoaster naman ay astig dahil kapag naaksidente ka ay marami kayong titilapon o hahampas sa mga slopes.
Kung maihahambing koi to sa mga dati kong pinakilalang laro, hindi ito malalayo sa larong earn to die, bagamat ang earn to die ay may kwento, ang larong ito naman ay para lang pampalipas ng oras at kapag bored ka. Wala itong kwento o story line kaya na sa manlalaro na kung tatangkilikin ang larong ito. Pero para sakin, dabes 9/10 ang larong ito dahil sa masaya itong laruin at lingid pa sa kaalaman ng iba na habang naglalaro ka nito ay may napupulot ka ding kaalaman lalo na sa field ng physics.
0 notes
Photo


Gusto mo ba magdrawing? Kahit ayaw sayo ng arts pero masaya ka dito, may alam akong laro para sayo. Draw my Thing, isang laro kung saan susubukan ang galing mo sa panghuhula, at pag dadrawing. Hindi kailangang mag ala artist ka para magdrawing ng sobrang ganda, basta masaya ka sa ginuguhit mo at naiintindihan ito ay okay lang.
Ang larong ito ay nagmula sa OMGPop, isang american site para sa mga online na laro at chat room. Ngunit sa hindi maintindihang dahilan ay nagsara ang site na ito. Dahil dito, nawala ang larong Draw My Thing. Maraming gumaya sa larong ito dahil maganda ang logic ng larong ito ngunit ang pinakasumikat sa lahat ng gumaya ay ang pinturillo 2. Ginawa nilang pinturillo ang pamagat ng laro na para bang inaangkin na nila ang laro.

Ang Draw My Thing o Pinturillo ay isang mini classic game kung saan nasa loob kayo ng isang online room at maglalaro kayo. Magdadrawing ang isang player ng bagay base sa binigay na word ng computer. Magpapaunahan naman ang mga natitirang player para masagutan ang ginuguhit ng drawer. Ang larong ito ay hindi naiiba sa larong Pictionary dahil kailangan mo din doong hulaan ang ginuguhit ng iyong kakampi at magpapaunahan din kayo doon. Ngunit ang larong draw my thing ay hindi pang grupong laro at ang makakalaban mo dito ay hindi lang mga kaibigan mo kung hindi mga taga ibang bansa rin mismo.

Noong Draw My Thing palang sa OMGPop ay talagang hanga na ako sa kung paano laruin ang larong ito. Kaya isa din ako sa nalungkot noong magsara ang site na ito. Ngunit natuwa ako dahil bumalik ang larong ito sa pangalang Pinturillo. Kung titignan, nasa 9/10 ang larong ito. Kahit na yung iba sa mga players ay KJ (sinusulat nalang mismo yung keyword) ay hindi pa rin matatawaran ang ibang player na sobrang competitive sa laro. Kaya kung lalaruin nyo ito, pramis mag eenjoy kayo. Maganda din kung magkakaibigan kayo na maglalaro, naka private room kayo para walang sasali. Magpapagalingan kayo sa paghula at mag aasaran dahil sa panget ng drawing at kawalan ng konek nito sa keyword.
Payong Solid: kapag di mo alam yung word, gumamit ng makapangyarihang “sounds like”. Halimbawa ang carpenter ay pwedeng car + painter. O diba? Solid trick!

0 notes
Photo


Isang laro para sa mga tunay na lalaki. Laro na kahit makikita mo sa pambatang site, masasabi mong pang astiging tao ito. Ito ay ang The Ultimatum. Isa itong uri ng stickman assassin shooting game na puno ng kwento. Ang larong ito ay aking nalaro sa Y8 ngunit ibahin mo ito sa ibang mga laro dahil hindi ito basta laro na magsusuot ka ng damit, maglalagay ka ng bomba o ano pa mang pakulo na pambata na tatamarin ka nalang bigla. Dahil ang larong ito ay sa mga matitikas, mga astig, at mga matitipunong manlalarong katulad ko :D.

Ang The Ultimatum ay laro tungkol sa isang grupo na kinabibiliangan ni Vinnie na hindi sang-ayon sa pagsanib ng kanilang mafia sa mga yakuza. Dahil ayaw nila makipagsanib dito, gagawa sila ng paraan upang mapigil ang mafia sa mga balak nito. Makakalaban din nila dito ang mga pulis na pilit silang hinahabol. At talaga namang mararamdaman mo ang bigat ng laro na ito.

Ang larong ito ay katulad lang din ng Lonewolf. Pero kung pagkukumparahin ang dalawang larong ito, kaht na stickman ang laro ay di hamak na mas panalo ang The Ultimatum dahil unang una, storyline pa lang nito ay kaya na agad umakit ng mga manlalaro.
Noong nilaro ko ito, hindi ko ito natapos ngunit kahit ganoon, masasabi kong 9/10 ang larong ito. Kaya ikaw, kung gusto mo ng matinding aksyon na laro sa Y8. Bisitahin mo ang larong ito. Sa ngayon, ang pangalan na nito sa Y8 ay Sift Heads World-Ultimatum. Pero ang laro ay ganun parin.

2 notes
·
View notes
Photo


Mutant Fighting Cup
Isang arena kung saan gamit ang iyong pet monster, ay lalaban ka sa iba’t ibang monster na may iba’t ibang lakas at kapangyarihan. Isa ito sa sumikat na laro mula sa Y8 at nailabas na din sa Google Play Store. Ito ay isang monster combat game kung saan tatalunin mo ang isa ding mutant monster pet. Gamit ang mana na nadadagdagan kada round, may mga skills ka na pwedeng gamitin upang matalo ang kalaban. Matibay na stratehiya ang kailangan upang Manalo sa larong ito.
Ang mga skills ng monster pet ay pwedeng mag iba iba. Magkakaroon ka rin ng mga bagong skills depende sa body part na meron ka. Mas astig na body part, mas astig na set ng skills ang meron ka. Gaya ng sinabi ko kanina, stratehiya ang kailangan sa larong ito. Dahil bukod sa skills na panlaban, meron ding pang depensa at pang dagdag buhay. Ang mahirap din dito ay limitado lang ang mana ng monster pet para gamitin ang mga skills. Kaya paniguradong utak ang magsisilbing susi upang manalo sa laro.
Ang larong ito ay hindi mahirap matutunan ngunit habang tumatagal ang paglalaro mo nito ay kusa ka nang mag-aaral sa mga maaaring maging combo buffs at skills na pwede mong gamitin sa laro. Tunay ngang nakakaadik ang larong ito lalo na kapag sunud sunod na ang panalo mo. Pero wag kang mag alala dahil ang larong ito ay merong energy bar na tulad ng sa Candy Crush. Ibig sabihin, kapag naubos na ang energy mo ay di ka na muna maglalaro at hihintayin mong marestore ulit ito kaya medyo makakapagpigil ka sa pag aadik sa larong ito.

Maganda ang larong ito at masasabi kong solid kapag nilaro mo. Masasabi kong 8/10 ang larong ito base na din sa sarili kong karanasan sa paglalaro nito. Ang nakakainis lang sa larong ito ay sa sobrang hirap na nung ibang kalaban ay mapapa uninstall ka nalang sa laro ngunit ii-install mo ulit ito dahil alam mong maganda ang laro.

0 notes
Photo

Kung isa ka talagang batang 19’s na game addict, Hindi pwedeng hindi ka laman ng mga playstation ng kapit bahay nyo. At malamang sa alamang na hindi pwedeng hindi mo narinig ang tunog na “It’s Tricky”. Hindi rin pwedeng hindi mo nadinig ang mga pangalang Elise, Eddie at Mac na siyang kilala sa larong ito. Walang sinumang 19’s gamer ang hindi dumaan sa paglalaro nito, ito ang SSX Tricky.

Ang larong ito ay isang snowboarding game na binuo ng EA Sports. Ang larong ito ay isang simpleng snowboaring na laro ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay sobrang nakaka engganyo. Bukod kasi sa isa itong racing game, kailangan mo ding kumuha ng points mula sa paggawa ng tricks. Ang larong ito ay hindi lang paunahan kundi pataasan din ng iskor sa pamamagitan ng paggawa ng mabibilis at magagandang tricks habang nasa ere. Ang larong ito ay walang masyadong kwento na sinusundan ngunit meron itong tournament tulad ng world cup na kailangan mong manalo upang maging kampeon.


Dahil sa playstation ito nilalaro na may dalawang gamepad, pwedeng magkasama kayo sa iisang laro, pwedeng 1 on 1 lang kayo or madami kayo. Ang maganda din sa larong ito ay may trashtalkan kayo sa isat isa lalo na kapag ang isa sa inyo ay bumagsak mula sa maling pagtitricks.
Ang larong ito ay talagang masaya dahil binuo nito ang aking pagkabata at sigurado akong halos lahat ng batang 19’s gamer ay dumaan sa paglalaro nito. Kung hindi man puno ng cheat ang kanilang notebook para ma-unlock ang mga karakter sa laro, puno naman ito ng mga codes ng tricks na gagawin nila o ang mga secret passage ng mapa na lalaruin nila upang sa muli nilang paglaro ay talagang mananalo na sila. Sa ngayon hindi ko na alam kung buhay pa ang larong ito. Sayang at hindi ito naabutan ng ibang kabataan na tiyak na mag eenjoy sa larong ito.
0 notes
Photo

Ang Earn to Die 2 ay binuo ng Toffee Games. Isa itong uri ng racing game pero imbis na magpaunahan ang mga kotse ay gagamit ka ng kotse upang banggain ang zombie. Sa larong ito, hindi mo kailangan ang magandang kotse dahil gagamitin mo lang naman ito para pampatay ng mga zombie sa kalasada. Kailangang makasurvive ka sa bawat araw na dadaan.
Sa larong ito, babanggain mo lang ang mga zombie haggang magkaroon ka ng gas. Makakakuha ka ng pera sa bawat pagpatay mo sa mga zombie. Ang perang ito ay gagamitin mo para sa pagbili at pagpapalakas ng kotse.

Sa Earn to Die 1, ang obdyektib ng laro ay kailangan ng karakter(ikaw) na maabot ang helicopter na nasa malayong pwesto. Ngunit hindi madali ang tatahakin mo dahil maraming zombie ang nagkalat. Ang paraan lamang para makapunta doon ay ang gamitin ang ayusin ang mga sira sirang sasakyan upang banggain ang mga zombie at makaabot doon sa helicopter. Ang Earn to Die 1 , ay mayroon ng kwento ngunit mababatid ng manlalaro na hindi pa tapos ang kwento nito.
Dito papasok ang Earn to Die 2. Ang Earn to Die 2 ay ang kasunod na kwento nito, pagkaalis ng karakter sa lugar na iyon, nakatanggap siya ng isang public message mula sa kinauukulan na may kailangan silang bagay na maaring makapigil sa pagkalat ng virus. Dito, napagpasyahan ng karakter na hanapin ang bagay na ito upang siya na mismo ang tumapos sa lumalalang sakit. Bukod sa pagbabago ng obdyektib ng laro, nagbago din ang paraan ng paglalaro nito, kung dati ay paulit ulit lang ang mga pangyayari, Dito sa Earn to Die 2, lumilipat na ang bida ng lugar. Siya ay nag iikot na sa buong city at bukod pa dito, mas maganda na ang mga kotse na nakukuha niya at pwede niyang patibayin.
Bago pa lang ako sa paglalaro ng Earn to Die 2 pero mahahalata mo maganda ang pagkakagawa dito. Masasabi kong 8/10 ang larong ito dahil bukod sa tema nito, ang gameplay at objective ay madaling intindihin at laruin. Subukan nyo din ito dahil panigurado na matutuwa kayo.

0 notes
Photo

Into the Dead 2
Ang larong ito ay binuo ng PikPok. Ang larong ito ay sequel ng larong Into the Dead 1. Sa larong ito, kailangan mong tumakbo sa mga zombies na nasa harapan mo, bawal kang tumalikod dahil mas marami pang zombie doon. Magkakaroon ka ng mga baril sa mga supply crates na nakakalat sa laro.
(Into the Dead 1)

Sa Into the Dead 1, ang kailangan mo lang yan ay tumakbo hanggang sa pinakamalayong distansya na kaya mo. Tapos magkakaroon ka ng gold sa bawat layong maaabot mo at ito ang gagamitin mo pambili o pang upgrade ng mga baril. Maganda ito ngunit may kulang sa larong ito. Walang kwento yung laro kaya madali kang tatamarin sa larong ito. Tinigilan ko na ang paglalaro nito dahil paulit ulit lang naman ito.
(Into the Dead 2)

At noong nakaraan lang napansin ko ang sequel ng laro. At dito na makikita na nilagyan nila ng kwento ang laro. Ang bida ng laro ay nasa sasakyan pauwi sa kanyang pamilya pagkatapos kumalat ng sakit. Ngunit habang siya ay tumatawag at nagmamaneho, bigla nalang siyang nabangga at nasira ang kanyang sasakyan. Pagkatayo niya mula sa aksidente, napansin na niya ang napakaraming zombie na papalapit sa kanya. Ang tanging hawak niya lang ay ang kanyang radyo para makausap ang kanyang pamilya. Ang Into the Dead 2 ay mas pinagandang laro nang una nilang nilabas. Mas pinahirap ang laro dahil imbis na tatakbo ka sa pinakamalayong distansya na kayo mo, may distansya ka na ngayon na kailangang abutin.
Hanggang ngayon nilalaro ko parin ito. Ngunit hindi masyado kapag gabi dahil kasabay ng paghirap ng laro ay ang pagganda ng effects, sounds at pati hitsura ng mga zombie na talagang nakakatakot. Promise, I try nyo yung laro dahil sobrang intense ng laro. Sa mga true gamer diyan, Da best itong laruin.

0 notes
Photo


“The zombies ate your brain” . Isang laro na pumukaw sa atensyon ng sangkabataan ang larong Plant vs. Zombies. Ito ay isang sikat na tower defense game na gawa ng PopCap games, kung saan kailangan mong pigilan ang pagpunta ng mga zombie sa bahay sa pamamagitan ng pagpatay sa mga ito gamit ang ibat ibang uri ng halaman na may ibat ibang kapangyarihan. Ang takbo ng laro ay magsisimula nang humingi ng tulong si Crazy Dave, ang may-ari ng bahay, na talunin ang mga zombie na balak kainin ang kanyang utak. Sa pamamagitan ng mga buto ng halaman, itatanim mo ito sa kanyang bakuran upang labanan ang mga zombie na nagbabalak pumasok. Ang larong ito ay pumatok sa mga bata pati na rin sa matatanda dahil sa magandang pagkakagawa ng laro at magagandang pagsubok na talaga namang kinagigiliwan ng karamihan. Isa sa mga ito ay ang pagdami at pagiiba ng mga zombie sa bawat stage at level. May mga zombie na tumatalon, nalangoy, isang grupo ng ski divers, nakasakay sa traktora, michael jackson at iba pa na talagang mahirap labanan. Pero di dapat matakot dahil may ibat ibang uri ng halaman na kaya itong labanan. Bukod sa mga zombie, dagdag pagsubok din ang mga stages ng laro. May mga pool, night time, foggy, at rooftop. Matatapos ang laro kapag natalo na ang leader ng zombie na si Dr. Zomboss na siyang kumokontrol sa isang malaking zombie robot. Makakalaban siya sa dulo ng laro.
Isang tatak na laro para sa akin ang Plant vs. Zombies. Garantisadong 10/10 sakin ito dahil isa ito sa bumuhay ng high school life ko. Hindi naman mahirap intindihin ang laro dahil makikita mo agad sa laro ang dapat mong gawin. Ang maganda din sa larong ito, kapag medyo nagsasawa ka sa takbo ng laro, meron itong mga mini games na hihikahatin kang laruin. Bukod dito, pwede ka din mag alaga ng mga halaman sa Zen Garden (nagbibigay ito ng pera). Ang larong ito ay masarap laruin lalo na kapag marami kayong maglalaro dahil maaari kayong gumawa ng strategy para matalo ang mga kalaban.
Sa ngayon meron na din itong kasunod, ang Plant vs. Zombies 2. Maganda din ang laro dahil mas tinaasan nila ang difficulty ng laro. Pero para sa akin mas maganda na ang unang PvZ at mas masaya laruin. At may kanta pang “There's a zombie on your lawn, there's a zombie on your lawn, we don't want zombies on your lawn”.

0 notes
Photo


Ang House of Slendrina ay isang first person horror game kung saan hahanapin mo ang sagot sa misteryo ni Slendrina. Sa pamamagitan ng pagpunta sa bahay ni Slendrina, hahanapin mo ang mga piraso ng puzzle na magbibigay sayo ng susi. Ang susi na ito ang siyang magiging daan mo para mapunta ka sa basement ng bahay kung saan makikita mo ang sagot tungkol kay Slendrina. Pero di magiging madali ang lahat dahil sa buong takbo ng laro, di ka titigilan ni Slendrina hanggang sa mamatay ka sa loob ng laro.
Ang larong ito ay nalaro ko na at natapos noong ako ay 4th year highschool. Ang larong ito ay masasabing maganda na din, 6/10 para sa akin. Maganda ito dahil para ka talagang nasa bahay ni slendrina dahil unang una, ang tunog ng laro ay talagang nakakatakot (kasama na ang tunog kapag nakikita mo si Slendrina), pangalawa ay ang mismong bahay ay talagang nakakatakot dahil sa hitsura at kulay nito na talagang nakakatindig balahibo, at huli ay ang mga level ng laro na mula sa easy, medium hanggang hard. Ang hindi lang maganda sa laro ay kapag natapos mo na ang laro. Dahil sa bahay ni slendrina iikot ang laro, madali mong masasaulo ang bahay at ang mga pwedeng taguan ng mga puzzle. Madali mong mahahanap ang bawat piraso nang hindi nakakabangga si Slendrina. Bukod pa dito, sa sandaling natapos mo na ang laro ay malalaman mo na ang tunay na katauhan na slendrina at ang kwento niya kaya sa susunod na laruin mo ito ay tatamarin ka na dahil uulit ka lang ulit sa umpisa.
Kung susubukan niyo ito, siguruhing may kasama ka kung gabi at kung umaga na man ay dapat nasa malambot na lugar tulad ng kama dahil baka mabitawan mo ang cellphone o tablet ng biglaan. Lakasan mo din ang tunog at maghanda sa pagpasok sa bahay ni Slendrina.
Spoiler Alert! : Si Slendrina ang anak ng sikat na mythical figure na si Slenderman.

0 notes
Photo


Ang Champions and Challengers ay isang larong binuo ng Cartoon Network Company. Ito ay nagmula sa isa sa kanilang sikat na palabas na “Adventure Time” na binibidahan ng isang taong si “Finn” at ang kaibigan nitong aso “Jake”. Ang larong ito ay isang tactical-role playing game kung saan bubuo ka ng isang grupo gamit ang higit sa pitumpu (70) mga karakter upang talunin ang mga kalaban.
Umikot ang istorya ng laro nang sirain ng isang kakaibang nilalang ang maayos na pamumuhay ng mga tao sa Land of Ooo. Ang nilalang na ito ay tinatawag na “Dice King” na may kakaibang kapangyarihan. Gamit ang kanyand dais, kinulong niya ang halos lahat ng mga nakatira sa Land of Ooo kasama na si Jake. Ang natirang si Finn ay susubukang iligtas ang kanyang mga kasama. Ngunit kailangan niya ang tulong ng ibang mga karakter na nakaligtas sa pagsalakay ni Dice King. Magsisimula ang laro na ang manlalaro ay may isang karakter lamang. Ito ay maaaring si Finn o ang isang babaeng kamukha ni Finn. Dito, kailangan niyang labanan ang bawat alagad ni Dice King at mahanap ang ibang mga nakaligtas sa dito.
Isa lamang ang manlalaro nito, ang layunin ng larong ito ay matalo ang Dice King at ang mga alagad nito. Ngunit limitado lamang ang paglalaro dahil ito ay gumagamit ng Energy na siyang dahilan para maibsan ang tuluy-tuloy na paglalaro nito. Ang challenge din ng larong ito ay hindi biro. Dahil bukod sa normal na paglakas ng mga kalaban sa bawat level/stage. Ang laro din ay mayroong iba’t ibang “power class” na dahilan upang maging malalas ang isang class sa isa. Ang mga class na ito ay ang sumusunod: Might, Fire, Dark, Science at Magic class. Ang might ay malakas sa fire, ang fire ay malakas sa dark, ang dark sa science, ang science sa magic at ang magic naman ay malakas sa might. Kailangan sa larong ito ay magandang strategy sa laro dahil kailangan ang mga karakter mo ay yung mga nasa “power class” na mas malakas kesa sa mga kalaban nila.
Ang larong ito ay talagang magandang laro dahil nasusubok dito ang iyong utak. Hindi lang siya basta gagamitan ng utak dahil ito ay hindi lang critical thinking game kundi isang tactical/strategic game na tunay talagang kinagigiliwan ng mga tunay na gamer. Bilang isang player na nasubukan na ito, Masasabi kong 8/10 ang laro dahil bukod sa storyline nito na konektado sa palabas, ang challenge ng larong iyo ay isang magandang pampalipas ng oras.
0 notes
Photo

Snake and Ladders
Players: Ang mga manlalaro ay maaring higit sa dalawa (2) at hindi na tataas ng apat (4) na.
Objective: Para manalo sa laro, kailangang makapunta sa ika – 100 ang manlalaro.
Procedure: Ihahagis ng manlalaro ang dais at kung ano ang bumagsak ay iyon ang hakbang na gagawin ng manlalaro. Kapag lumapag ang manlalaro sa kwadrado na may paakyat na hagdan, makakaakyat siya subalit kapag ang nilapagan niya ay may ulo ng ahas, bababa siya hanggang sa kwadrado kung saan nandoon nag buntot nito.
Rules: Kailangan sundin ng manlalaro ang panuntunan ng pagakyat sa hagdan at pagbaba sa ahas.
Conflict: Kapag nawala ang dais.
Boundaries: Ang larong ito ay may “physical boundary” gaya ng board, dais at ang mismong manlalaro.
Outcome: Isang manlalaro ang mananalo at makakaabot sa dulo.
Challenge: Ang pinakamabigat na challenge dito sa laro ay dapat maiwasan ang mga kwadrado na may ahas.
Play: Dahil sa pangalan ng larong ito, naipapakita na ang mga “rules” ng laro ay nagagamit sa buong laro. Ang mga manlalaro ang may hawak sa buong laro.
Story: Ang larong ito ay walang kwento gaya ng ibang laro dahil isang buong round lamang ang larong ito.
Ang larong ito ay sobrang simpleng intindihin at laruin. Dahil sa sobrang pagkasimple ng larong ito, maraming mga tao ang naengganyo sa larong ito. Ang kailangan mo lang naman dito ay purong swerte sa pagikot ng dais dahil kung babagsak ka sa hagdan, bibilis ang pagpunta mo sa dulo. Ngunit kapag napunta ka sa ahas, paktay kang bata ka dahil kakainin ka nito hanggang sa makapunta ka sa buntot nito.
Lagi mong tatandaan: Ingat ka lagi sa mga ahas. Paggala gala lang yan sa paligid.

Pictionary
Players: Ang mga grupo ay maaring higit sa dalawa (2) at hindi na tataas ng apat (4). Ang myembro ng bawat grupo ay maaring kahit ilan depende sa gusto ng mga manlalaro. Mas maganda kapag ang mga manalalaro ay may magandang abilidad sa pagguhit.
Objective: Para manalo sa laro, kailangang makaabot ng grupo sa “finish line”.
Procedure: Huhulaan ng mga manlalaro kung ano ang iginuguhit ng kanilang kagrupo. Kapag “all play”, ang isang myembro sa bawat grupo ay magpapaunahan gumuhit at dapat mahulan ito ng kanilang kagrupo. Ang unang grupo na makahula ay siyang magpapaikot ng dais, ang lumabas na numero sa dais ang magsasabi ng bilang ng hakbang na kanilang gagawin. Kapag ito ay pumunta sa alin mang hakbang na hindi “all play”, pipili ang grupong nanalo ng grupong kakalabanin niya sa “jack en poy”, kapag sila ang nanalo, ito ay magiging solo play kung saan bibigyan sila ng oras para gumuhit at maghulaan. Kapa gang nanalo naman ay ang kinalabang grupo ay magiging “all play” ang laban. Magpapatuloy ang laro hanggang sa makaabot sa “finish line” ang isang grupo.
Rules: Sa larong ito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsulat ng mga letra o salita. Bawal ding tumingin ang manlalaro na huhula sa salitang ibibigay ng tagapamagitan sa manlalarong guguhit. Bawal din humingi ng dagdag na oras ang mga manlalaro.
Conflict: Kapag nawala ang dais at kapag nag kapikunan na sa laro.
Boundaries: Ang larong ito ay may “physical boundary” gaya ng board, dais at ang mismong mga manlalaro.
Outcome: Isang manlalaro ang mananalo at makakaabot sa dulo.
Challenge: Ang pagsubok sa larong ito ay ang oras at dapat ay may mabilis na pag iisip ang manlalaro. Kailangan din ang maayos at malinaw na pagguhit at tiwala sa ginuguhit ng kagrupo mo.
Play: Sa larong ito, ang mga manlalaro ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa laro.
Story: Ang larong ito ay walang kwento gaya ng ibang laro dahil isang buong round lamang ang larong ito.
Masaya ang larong ito lalo na kapag marami kayo. Dito nasusubok ang galing mo sa pagguhit at galing mo sa paghula. Hindi rin madali ang larong ito dahil bukod sa masakit sa utak ang paghula ng kalaykay na guhit, masakit din sa lalamunin dahil sisigaw ka kapag nahulaan mo na at syempre lalakasan moa ng pagsigaw lalo na kapag ang tagapamagitan ninyo ay bingi.
Lagi mong tandaan: Yung laro, parang babae lang, Ang hirap hulaan.

Monopoly
Players: Ang mga manlalaro ay maaring higit sa dalawa (2) at hindi na tataas ng walo (8).
Objective: Para manalo sa laro, kailangan ikaw ang matirang manlalaro/negosyante sa buong laro.
Procedure: Ang mga manlalaro ay magkakaroon ng 3500 pounds bilang paunang salapi, sila ay magpapaikot ng dalawang dais na magsisilbing bilang ng hakbang nila. Kapag lumapag sila sa mga lugar, maari nilang bilhin ito o rentahan lang, ganun din sa mga stasyon at “utilities”. Kapg nabalikan nila ulit ang nabiling lugar, maari silang magtayo ng bahay o isang “hotel”. Ang ibang manlalaro na lalapag sa lugar na pag aari ng ibang manlalaro ay kailangan magbayad sa nagmamay ari, depende sa laki ng pag aari niya sa lugar na iyon. Kapag nakabuo ang manlalaro ng isang buong ikot, magkakaroon siya ng dagdag na 2000 pounds.
Rules: Sa larong ito, kapag napunta ka sa “Go to Jail”, hindi ka dapat makakapag paikot ng dais ng isang beses. Kailangan din ng manlalaro na magbayad ng renta o upa sa “banker” o sa manlalaro. Bawal ang umutang o magnakaw ng pera at ari arian sa laro.
Conflict: Sa sobrang tagal ng larong ito, hindi na ito natatapos dahil tinatamad at nauumay na ang mga manlalaro. Kalimitang umaabot ng 4 oras pataas ang larong ito.
Boundaries: Ang larong ito ay may “physical boundary” gaya ng board, dais at ang mismong mga manlalaro subalit habang naglalaro ang mga manlalaro, nag kakaroon ng “conceptual or virtual boundary” sa kanilang imahinasyon.
Outcome: Isang manlalaro ang mananalo at makakaabot sa dulo o maaring mag ayawan na ang mga manlalaro dahil sa tagal nitong laruin.
Challenge: Kailangan ng manlalaro ng tiwala sa sarili, stratehiya, lakas ng loob sa pagbili ng ari arian at syempre galling sa pag “salestalk” sa mga kapwa manlalaro.
Play: Sa larong ito ang “banker” ang may hawak ng buong laro ngunit habang tumatagal ito, ang manlalaro na ang kumokontrol ng buong laro at sila na ang naglalaban laban.
Story: Ang larong ito ay walang kwento gaya ng ibang laro dahil isang buong round lamang ang larong ito. Ngunit habang naglalaro ang mga manlalaro, nabubuo ang isang magandang kwento sa kanilang mga imahinasyon.
“Magiging mayaman ka sa larong ito” iyan ang isang magandang paraan ng pangengganyo sa mga manlalaro para laruin ito. Ang larong ito ay sobrang tagal laruin dahil magsisimula ang mga negosyante “kuno” bilang mahihirap na tao hanggang sa yumaman. Kapag naglaro ka ng tanghali, panigurado matatapos ka ng gabi sa haba ng laro. Nandito ang agawan ng ari arian, kapag naghirap magbebenta o magsasanla tapos kapag yumaman ay bibilhin ulit kaya paikot ikot lang ang larong ito.Sa totoo lang, sa larong ito mas hirap ang bankero dahil hawak niya lahat ng ari arian at sobrang sakit sa ulo kapag napakadaming manlalaro dito. Pero masayang laro ito lalo na at natututo ka sa nagiging takbo ng ekonomiya sa kapanahunan ngayon at ang larong ito ay talagang magandang halimbawa na katagang “Pamatay-oras”
Lagi mong tandaan: Kahit anong yaman mo na, kapag mas mayaman siya, talo ka.
0 notes
Photo

Royal Game : Enter the Battlefield
Sa aming aktibidades, kami ay pinaglaro ng aming guro ng tatlong laro sa pamamagitan ng baraha at gumawa ng sarili naming repleksyon sa mga larong ito. Ang mga larong napili namin ay Unggoy-ungguyan, Lucky 9 at 123 pass. Sa unguy-unguyan, masasabi kong talagang tatak Pilipino ang larong ito, mula sa pamagat ng laro pati sa paraan ng paglalaro, ito ay simpleng laro lamang ngunit makikita mo sa paraan ng paglalaro ang masayang idudulot nito. Sa Lucky 9 naman, bagamat isang simpleng laro lang ito, hindi ito ganun kasaya dahil ang larong ito ay madalas ginagamitan ng pera bilang pantaya. Sa 123 pass, isa itong hindi masyadong sikat na laro pero masaya. Ang paraan ng paglalaro nito ay simple lang at madaling intindihin kaya panigurado lahat ay magsasaya dito. Sa tatlong larong ito, masasabi kong lahat ay maganda at kagiliw-giliw laruin.
Pagkatapos naming maglaro ng tatlong laro gamit ang baraha, kailangan naman naming gumawa o mag imbento ng isang laro gamit ang baraha. Sa totoo lang, isa itong hamon sa amin dahil halos lahat ng laro na maaaring maisip mo ay mayroon na sa internet at kailangan mong gumawa ng laro sa limitado lamang na oras. Kahit mahirap, sumubok ako at ang aking mga kagrupo ng mga larong hindi pa naming nakikitang nalaro ng iba. Sa pamamagitan ng paulit ulit naming paggamit ng baraha, nabuo ang isang laro na maaari naming gawin. At ang larong ito ay tinawag naming Royal Game.
Base sa pangalan, nakatuon ang pansin ng larong ito sa mga face cards o royal cards. Kabaligtaran ng Lucky 9 na hindi kailangan ang mga ito. Ginamit din namin ang ideya ng 123 pass kung saan maglalapag kami ng baraha ngunit sa amin ay dapat kasunod na bilang ng huling bagsak. Sa larong ito, mas kailangan moa ng ideya ng UNO kung saan ang magsisilbing “power ups” mo ay ang mga face cards: Jack para sa pag “set” ng bagong numero, Queen para sa pagbunot mo ng baraha na parang katulad ng sa Unggoy-Ungguyan, King para sa paghamig o pagkuha ng lahat ng cards na nakalapag at ang Joker bilang tagatapon o tagatanggal ng lahat ng baraha na nakalapag. Ang mga baraha na hindi face cards ay magsisilbi mong tauhan na siyang lalaban mo.
Sa larong ito, isip ang dapat mangibabaw at may halo na din dapat na swerte sa mga baraha na makukuha mo. Ang laro ito, para sa amin, ay isang maganda laro. Kahit hindi ito tulad nung sa iba na mabilis lang, masasabi kong sulit ang pag – iisip naming sa larong ito dahil kami mismo na gumawa at sumubok ng larong ito ay nag enjoy dito. Kaya kung sa tingin mo kaya mong gamitin ang mabilis na pag – iisip mo sa isang laro, subukan mo ang larong ito.
1 note
·
View note
Text
Tekken 6: Chekken Ba-SIX


Ang Tekken ay isa sa mga sumikat na laro galing sa japan. Karamihan sa mga Batang 90’s ay lumaki sa larong ito. Ito ay isang adventure-fighting game na pinagbibidahan ni Jin Kazama. Dahil sa kasikatan ng larong ito, nagkaroon ito ng iba’t ibang palabas at nabilang sa pinaka sikat na laro ng bawat taon. Dahil din sa kasikatan nito, nagkaroon ito ng iba’t ibang bersyon tulad nga ng Tekken 2, Tekken 3 at iba pa. At isa sa mga larong nasubukan naming ay ang Tekken 6.
Batid naming hindi na bago sa mata naming ang larong ito dahil bukod sa nalaro na naming ito noong aming pagkabata, may ganito ding uri ng laro sa mga “fun park” tulad ng Tom’s world at Quantum. Sa larong ito, may arcade mode, kung saan pipili ka ng gagamiting mong karakter na magsisilbing gamit mo upang makaakyat sa tuktok, ang pagiging Tekken God. Mayroon ding ghost mode kung saan pwede ka gumamit ng kahit anong karakter na katulad din ng nasa arcade mode, gagamitin mo para maabot ang pagiging Tekken God. Para maging Tekken God, magsisimula ka muna sa pagiging low rank player o tinatawag na beginner. Sa bawat laro mo, makakaharap ka ng isang karakter na magtataas sayo ng ranggo na tinatawag na promotion game. Ang ranggo sa Tekken ay tulad ang mga sumusunod: kyu (9th – 1st), dan (1st – 4th), mentor, master, rouge, brawler at marami pang iba hanggang sa pagiging Tekken God.
Lunes, ika – 20 ng Nobyembre, aming nilaro ang Tekken 6. Sa una, sinubukan muna naming magpainit sa isang quick match. Nang medyo nagamay na naming ang laro. Napagpasyahan naming maglaro sa Ghost Mode. Ginamit ko si Eddy, isang karakter na nagamit ng kanyang “breakdance moves” para lumaban. Ang isang game ay may tatlong rounds na paunahang maka dalawa. Sa mga unang laro ko bilang nasa beginner na ranggo. Masasabi kong “basic” dahil napakadaling talunin ang kalaban. Kahit ang paraan ng pagpindot ko sa keyboard ay sobrang mabilis at hindi ko na malaman, nananalo pa rin ako. Maging nasa ranggong kyu na ako ay nadadalian pa rin ako. Halos lahat ng laro ko ay puro 2-0. Makikita mo sa paraan ng paglalaro ko na hindi ako sanay sa Tekken 6 dahil sa paraan ko ng pagtipa sa keyboard, yung distansya ko mula sa monitor na sobrang lapit, pati yung paminsan minsa’y maling kong napipindot sa keyboard. Ngunit nang dumating ako sa puntong dan, doon na pumasok ang hirap sa paglalaro. Yung 2-0 kada round, umaabot na ng 2-1 na minsan ay kamuntikan na akong matalo. Hindi na epektib ang mabilisang pagpindot sa keyboard sa panahong iyon. Dapat ay alam ko na dapat ang tulong ng bawat pipidutin ko sa keyboard. Natalo na ako sa laro na nasa 4th dan lang ako.
Sunod naman na sumubok ng laro ay ang partner kong si Dagusing. Kilala na siya sa aming kurso bilang isa sa pinaka magaling sa larong ito kaya hindi na bago sa kanya ang mga titipahin sa keyboard. Maging ang mga combo at special skills ay gamay na niya kahit nakapikit pa siya. Ang karakter na ginamit niya ay si Leo, isang manlalakbay na may angking bilis at lakas na ginagamit niya sa paglaban. Habang naglalaro siya, isa lang ang masasabi ko. Talagang “basic” lang sa kanya ang laro dahil halos hindi na niya hinahayaang tumayo pa ang kalaban. Makikita din sa paraan ng paglalaro niya na sanay na siya dito. Alam niya ang bawat gagawing kilos ng kalaban at alam niya din ang tamang oras para sugudin ang mga ito. Natapos siya na may ranggo na Destroyer ngunit ikinwento niya sa akin na nakaabot na siya ng Tekken God at ako ay lubos na humanga sa kanya.
Kung pagsasamahin ang aming karanasan, hindi kataka- takang kami ay nagsaya sa larong ito. Tunay na isa ito sa pinakamagandang laro na nalaro namin. Hindi rin kataka-taka kung bakit napuri ito ng maraming manlalaro at nagawan ng palabas dahil ang laro at ang kwento nito ay talagang maganda.
1 note
·
View note