" Napagisip-isipan ko, kung gaano ako kababaw bilang isang tao. "
Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Kawalan ng Kinabuksan: Pilipino Ligaw sa Sariling niyang Bayan
Isinulat ni: Nikolas C. Lacson
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

“Walang mang-aapalin kung walang paalipin.” - Dr. Jose Rizal
Pagtanggal ng wikang Filipino sa Kolehiyo, may idudulot ba na ikabubuting pagbabago? O isa nanaman ba itong simbolo ng pagkawala nang ating pagkatao? Pagkawala ng ating pagka-Pilipino? Ayon kay Prospero De Vera, Chairman ng Comission on Higher Education o (CHED), hindi na kailangan ilagay ang pag-aaral ng wikang Filipino sa kolehiyo sapagkat inaasahan na ito’y ituturo na sa Senior High School. Ayon sa CHED ay dapat puro major subjects na lamang ang kukunin ng mga estudyante sa kolehiyo. Ngunit kung yan ang gagamitin nilang rason, hindi ba dapat ay tanggalin na nila ang lahat ng “minor” na asignatura sa kolehiyo? Eh aba’y inaasahan naman pala nilang ituturo ang lahat ng mga asignaturang ito sa senior high school. Tanggalin niyo na lahat, iwan niyo nalang yung English, Science tsaka mga mga iba pang asignatura na pasok sa kurso ng estudyante. Dapat wala rin mga asignaturang Philosophy o mga gawaing tulad ng Thesis Papers. Lahat naman yan ay matuturo sa high school.

“Mapaglilingkuran lamang natin ang ating bayan sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan gaano mang kasakit ito.” - Dr. Jose Rizal
Gumagawa lamang uli tayo ng rason para talikuran ang ating pagka-Pilipino. Isa na naman itong halimbawa kung gaano na ka laganap ang kanser sa ating lipunan at nawala na ang ating nasyonalismo. Kapag may magandang balita tungkol sa isang Pilipino, kahit na wala naman tayong ambag tuwang-tuwa tayo. Sisigaw tayo ng mga salita na “ang galing talaga ng mga Pinoy!” Pero sino rin ba ang unang sumisira sa atin kapag may masamang mga nangyayari? Sino sa atin ang kinakahiya ang ating sariling bayan kapag tinanong sila kung taga saan sila? Hindi ba tayo din? Kapag may job interviews ang gamit ay ang wikang Ingles kasi hindi daw propesyonal ang wikang Filipino? Pag nagkamali ka sa paggamit mo ng Ingles pagtatawanan ka at tatawagin ka na mangmang na walang alam? Ngunit hindi nga nila alam kung ano ang salin sa wikang Filipino ng mga iba’t-ibang kulay? Hindi nga nila alam “cat” ay pusa sa Filipino? Pilipino tayo pero hindi tayo natatawag na bobo kapag hindi natin kayang gamitin ito? Masasabi ko ng dayuhan tayo sa ating sariling bayan. Mga taong hindi man lang alam ang ating sariling Panatang Makabayan. Para saan pa ba ang lahat ng ipinaglaban ng ating mga bayani kung sa huli’y ating papabayaan ang mga ito. Tinatawag natin silang bayani sapagkat pinrotektahan nila ang ating mga pinapahalagahan. Pero matatawag pa ba natin silang ating mga bayani kung tayo din naman ang naninira nito?

“ Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, ay hindi makakarating sa pinaroroonan.” - Dr. Jose Rizal
Paano natin haharapin ang kinabukasan kung hindi natin titingnan ang ating pinanggalingan? Ito ang mga iniwan na salita sa atin ng ating pambansang bayani. Napaka importante na aralin pa din ang wikang Filipino sa kolehiyo sapagkat ito ang panahon kung saan mas mulat na ang isipan ng mga kabataan at mas maiintidihan na nila ang wikang ito. Napakababaw lamang ng itunuturo sa elementarya, samantalang sa high school ay puro panitikan lamang. Hindi sapat ang pagtuturo ng Filipino sa senior high school lamang sapagkat hindi natin napapalawak at maituturo ang lahat ng kailangan sa 2 taon lamang. Maari niyong sabihin na noong wala pa ang K-12 ay 2 taon lamang din inaaral ang Filipino sa kolehiyo. Ngunit ang diperensya dito ay ang paraan ng pagtuturo at ang kapaligiran ng pag-aaral. Malaki ang pinagkakaiba ng senior high sa kolehiyo, baguhan man lang ako sa sa senior high at hindi pa ako nakakapag kolehiyo nasasabi ko ito sapagkat marami din akong kilala na nasa kolehiyo na. Ayon sa kanila ay napakalaki ng diperensya noong nag-aaral pa sila sa senior high kung ikukumpara nila sa kolehiyo. Kapos na kapos tayo sa oras para matutunan ang wikang Filipino kaya kailangan natin ang lahat ng oras na makukuha natin.
Kung titingnan mo din sa panahon ngayon, kahit na hindi ka magaling magsulat sa wikang Ingles madaming solusyon at paraan para gumanda ang iyong sulat. Maraming applications tulad ng grammarly na aayusin ang iyong pagsulat. Kahit ang isang estudyanteng elementarya ay kaya ng magsulat ng pormal na sanaysay gamit ang applications na ito. Ngunit walang ganun para sa Filipino, kahit nga google translate mahirap pa din gamitin para sa Filipino eh. Kung kaya’y dapat mas bigyan pa talaga natin ng pansin ang wikang ito. Mahirap siya oo, pero naging mahirap lang naman ito kasi binitawan at pinabayaan natin ito dati. Ito ang rason kung bakit ganito na ang estado ng wika natin sa panahon ngayon. Kaya kailangan natin ito ibalik sa luma nitong anyo. Nadadalian tayo sa pag-aaral ng salita ng wikang banyaga tulad ng Ingles, Chinese, German, Spanish, Korean atbp. Bakit ba tayo nahihirapan sa wikang Filipino? Bawiin na natin ang ating mga pagkukulang, at isibol na natin ang bagong kinabukasan.
I do not write for this generation. I am writing for other ages. If this could read me, they would burn my books, the work of my whole life. On the other hand, the generation which interprets these writings will be an educated generation; they will understand me and say: 'Not all were asleep in the nighttime of our grandparents.' - Dr. Jose Rizal
Kung hahayaan na talaga nating mawala ang wikang Filipino sa kolehiyo? Masasabi ba natin kung hindi rin ito mawawala sa high school? Kung mawawala na talaga ito ng permanente sa curriculum ng pag-aaral? Ang pagtanggal ng wikang Filipino sa kolehiyo ay magsisimula ng isang domino effect kung saan sa huli ay matutulad ang wikang Filipino sa wikang Latin. Unti-unting mawawala hanggang sa wala ng Pilipinong marunong magsalita ng Filipino. Kung hindi na tayo marunong magsalita nito, matatawag pa ba natin ang sarili natin na mga Pilipino? O tatawagin na natin ang sarili natin na mga Amerikano? Ngunit wala din naman nagsasabing tatanggapin tayo ng mga Amerikano. Sa huli ay hindi natin mapapalitan kung ano tayo, tao tayo, Pilipino tayo, nabuhay sa Pilipinas at kasama natin ay ang ating mga kapwa Pilipino. Kahit anong gawin natin hindi natin mapapalitan yun. Kahit ako naman eh, hindi ko din naman trip maging Pinoy kaso wala eh ganun talaga buhay. Kaya kung ikinahihiya mo ang pagiging Pilipino, kung ikinahihiya mo ang sarili mong bayan, kung ikinahihiya mo ang sarili mong wika. Edi ikaw ang magsimula ng pagbabago! Gumawa ka ng paraan para hindi mo ikahiya ang iyong pagka-Pilipino kundi ipagmalaki mo! Oo nakakahiya tayo ngayon, dami-daming kanser na Pinoy eh may nalalaman pa silang #CancelKorea eh sinisiraan din naman nila mga kapwang Pilipino nila. Kapal ng mukha niyo.
Napakaraming ungas sa atin kaya ibahin na natin ang ating mentalidad. Gumawa tayo ng paraan para malubsan ang kanser sa ating lipunan. Unti-unti nating patayin ang sakit na lumaganap na sa ating buong bayan. Sabi nga naman ng unang tao na nakatapak sa buwan: “That’s one small step for man, one giant leap for mankind.” Bale kung lahat tayo ay kikilos tungo sa pagbabago at pagpapahalaga sa ating wika, maaring umunlad talaga sa tamang direksyon ang ating bayan. Kaya ano pa ba hinihintay natin? Sabay-sabay na nating kamitin ang bagong kinabukasan. Ang kinabukasan na pinapahalagahan natin ang ating wika. Kinabukasan kung saan hindi na natin ikahihiya ang ating sariling bayan. Sa kinabukasan kung saan hindi na tayo dayuhan sa ating sariling bayan. Kinabukasan kung saan hindi na tayo alipin ng ibang bayan.
“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga. Wala.” - Andres Bonifacio
Maliit na ibon na nakakulong sa isang hawla, isang ibon na kumakanta, nakitingin sa langit nangangarap lumipad at maging malaya. Hindi mo ba naiisip na parang tayo yung ibon na ito? Sirain mo na ang iyong hawla, tanggalin na ang iyong mga kadena. Lumipad na sa langit ng malaya at isigaw mo sa lahat na hindi mo pinili maging Pilipino, pero ikaw mismo ang gagawa ng paraan para matanggap mo at maipagmamalaki mo ang iyong pagiging Pilipino.
ncl-ccblog || Nikolas Christian Lacson - Caged Canary Blog
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
0 notes
Text
Filipino: Wikang Pinaglaban, ngunit sa huli’y Kinalimutan
Isinulat ni: Nikolas C. Lacson
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

“ Kailangan natin ang wikang dayuhan para mabuhay sa kasalukuyang panahon. Pero kailangan natin ang wikang sarili para mabuhay nang habampanahon.” - Ricardo Ma. Nolesco
Wikang Flipino, wika na ginawa ng mga Pilipino para sa mga Pilipino. Kung hindi tayo? Sino? Sino ang gagamit at magmamahal ng wika na pinaghirapang protektahan ng ating mga ninuno? Tuluyan na ba nating kakalimutan ang nakaraan upang tumungo sa kinabukasan? O pipiliin ba nating dalhin ito at isabay natin itong dalhin at paunlarin para sa pinangarap na kalayaan ng dating sanlibutan? Wikang Filipino sa ika-21 siglo tuluyan ng namamatay, tuluyan ng kinakalimutan, hindi na naalagaan, maituturi ba nating ito bilang isang uri ng kamangmangan? Sa paglaganap ng social media at pagpalit ng panahon, pati ang mga tao'y nagbabago na, ngunit naniniwala ako na mayroon dapat mga bagay na hindi lang pinapalitan at tinatanggal ng basta-basta. Sa aking opinyon dapat ay alagaan pa din natin ang wikang Filipino sapagkat ito ang isa sa mga pinamana sa atin ng ating mga ninuno. Parte na ito ng ating pagkakakilanlan. Hindi ang wikang Ingles o Espanyol ang maituturi nating atin, kundi ay ang wikang Filipino! Kahit sino naman ata ay minamahal at pinoprotektahan ang kanilang ari-arian diba? Bakit hindi natin ito ginagawa para sa ating sarling wika?

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda" - Dr. Jose Rizal
Ito ang mensahe sa atin ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal upang idiin sa ating isipan ang kahalagahan ng ating sariling wika. Ang wika ay ang nagsisimbolo kung tunay ngang malaya ang isang bansa! Ngunit ano na ang nangyayari sa panahon ngayon, isang panahon kung saan hindi marunong magsalita ng Filipino ang isang Pilipino na nabuhay at pinanganak sa kanyang sariling bayan. Nakakalungkot isipin na sa pag-unlad ng ating bansa ay kaagimat nito ang pagbagsak nang ating wika at ang pagkawala ng ating tunay na kalayaan. Ayon sa isang dokumentaryo ng GMA noong kinausap nila si Ginang Mila Villanueva isang guro ng asignaturang Filipino, hindi man lang marunong magsulat ng mayroong maayos na gramatika ang kanyang mga estudyante ngayon. Kung ikukumpara niya ang mga estudysante niya noon sa ngayon ay mayroong malaking agwat sa kanilang kaalaman. Aba'y tinanong din ang ilan sa mga estudyante ni Ginang Mila at ayon sa kanila nakakalimutan na talaga ang wikang Filipino, kahit ang mga tawag sa iba't-ibang kulay ay hindi nila alam.Mayroong mga nagsasabi na ang pagusbong ng iba't-ibang wika ang sanhi ng suliraning ito, ngunit ako'y naniniwala na hindi ito ang problema! Naniniwala ako na ang puno't-dulo ng suliraning ito ay ang mismong pundasyon ng wikang Filipino! Sabi nga nila na kung hindi matibay ang pundasyon ay bubuho ang buong gusali. Nakakalimutan nang kabataan pati ang pangungusap at parirala na itinuro pa noong sila'y elementarya. Kakulangan ng pansin at pangangalaga ang sanhi ng ating mga suliranin. Isa pa sa mga sanhi ay ang "toxic mentality" ng mga Pilipino, kung saan iniisip nila na masmataas ang wikang Ingles kung ikukumpara ito sa wikang Filipino. Sa kasalukuyang panahon, hindi importante kung magaling ka magsalita ng wikang Filipino kung di ka naman marunong mag-Ingles. Hindi ka makakapasa sa mga job interview kung ang gamit mo ay ang wikang Filipino. Nasaan ang hustisya doon? Kailan pa naging mas mataas ang isang wika kung ikukumpara mo ito sa iba? At sasabihin niyo ang rason ay para sa globalisasyon? Ang kausap mo ay isang Pilipino at kayo ay nasa bansang Pilipinas ngunit ang gagamitin niyo para sa komunikasyon ay ang wikang Ingles? Hindi niyo tatangapin sa trabaho ang isang tao kahit gaano pa siya kagaling kung ang pinipiling niyang wika ay ang Filipino? May nalalaman pa kayong mga salitang "pride" ngunit sa huli tinapon niyo lang ang iyong pagkakakilanlan bilang Pilipino? Parang masyado naman atang makapal mukha niyo? Mga Pilipino, mga taong nakikita lamang ang gusto nilang makita. Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan hanggang kailan ba natin tataklubin at iiwasan ang maruming katotohanan? Ang katotohanan na itinapon at binalewala na natin ang ating sariling bayan para lamang maging alila nang ibang mga bayan.

"Ang kabataan ang pag-asa ng bayan" - Dr. Jose Rizal
Kabataan, tunay na ba tayong pag-asa ng bayan? O tayo ba ang magdadala ng pagbagsak nang ating bayan? Patuloy na lamang ba tayong magpapahatak sa ating mga kasakiman? Kabataan, simulan na natin ang pagsibol ng ating wika. Isang pamilya tayo, ating gamitin ang wikang ito. Wikang Filipino ay ating bigyang halaga. Kabataan, huwag na tayo magbulag-bulagan. Isibol na ang bagong kinabukasan. Ang kinabukasan kung saan tayo'y tunay na malaya, isang kinabukasan na bukas para sa lahat ng mamamayang Pilipino.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
2 notes
·
View notes