Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
"BABAe"
ni Miguel Francisco G. Sebastian III
“SINO BA KAYO?” ng Dulaang Sibol
Ang dulang ito’y tungkol sa isang malaking maling akala. Kung anu-ano ang mga hinala ng mga tauhan sa dulang ito. Nakakatawa ang anyo ng dula sapagkat ito’y isang komedya. Mayroong tatlong lalaki at tatlong babae sa dula, at mayroon ring dakilang ekstra na nagsisilbing pandikit ng mga kuwento ng bawat tauhan. Masasabi kong sinusulong ng dula ang Feminismo dahil pantay-pantay lamang ang mga babae’t lalaki dito. Walang nangingibabaw sa dalawang kasarian. Hindi naman binuwal ang tatsulok ng dulang ito, pero masasabi kong sinusulong na rin ng “Sino Ba Kayo?” ang Feminismo. Kapuwang mababaw ang mga babae’t lalaki sa kuwento. Ang madalas na nangyayari’y ang mga babae lang pinapakitang mababaw, mabilis magalit at mabilis mambintang at magsapantaha. Lagi na lang na ang mga babae ang Ngunit, sa pagkakataong ito, parehong babae’t lalaki ang napunta sa kalagayang ito. Sinusulong ang Feminismo sa dulang ito, simulang-simula pa lang at hanggang sa huli. Dahil sa kapantayan ng pagkababaw ng mga tauhan at sa kabilisan ng pagbibintang ng bawat tauhan ng dula, masasabi kong sinusulong talaga ng “Sino Ba Kayo?” ang Feminismo.
“SILVERTOES” ng Parokya ni Edgar
Ang awit na ito ay naiiba. Minsan lang magsulat ng kanta ang Parokya ni Edgar na may ganitong kagalit na tono. Ngunit, mayroon pa ring mga aspetong nakakatawa sa mga sinasabi ng awit na ito. Pinag-uusapan lang ng kanta ang pagkagalit at pagkaasar ng isang lalaki sa pagiging makapal ang mukha ng isang babaeng iniisip na napakaganda niya. Base sa sinasabi ng persona, ang pangit-pangit ng babae at ng ugali niya. Hindi kaakit-akit ang mga pinaggagawa at pinagsasabi ng babae sa kanta, kaya napipikon ang persona sa kanya. Nagbibigay ng mga halimbawa ang persona sa mga maaaring paraan para bumawi sa babae. Naging halimbawa sa kanta ang hiling ng personang ikaskas ng babae ang mukha niya sa semento. Isa lamang iyan sa napakaraming ibang paraan kung saan masasabing talagang binabastos ng persona ang babae. Sa awit na ito, pinapakitang mabababaw ang mga babae. Samakatuwid, ang pagiging mababaw nila ay sapat nang dahilan para bastusin sila nang basta-basta lamang. Walang ipinabahaging kahit kapirasong respeto ang persona sa babae sa kanta. Dahil dito, masasabi kong binabali-wala lamang ng lalaki ang babae sa buong kanta. Kahit na papaano man, walang bahagi kung saan isinulong ng kanta ang
Feminismo. Dahil sa kababawan, kayabangan at kapal ng mukha ng babae sa awit, wala nang karapatan siyang mabigyan ng respeto sa awit. Kaya, muli kong masasabing binali-wala ng “Silvertoes” ang Feminismo
“EL FILIBUSTERISMO” ni Jose Rizal
Napakasikat ng “El Filibusterismo.” Sinusulong nito ang kabayanihan ng mga Pilipino laban sa mapangahas na mga Espanyol. Ngunit, kadalasa’y hindi napapansin ang mga aspetong nagsusulong o nagbabali-wala sa Feminismo. May mga bahaging sinusulong ng nobela ang Feminismo at may mga bahagi namang hindi. Sa paniniwala ng mga bihasa sa panitikan, sinusulong talaga ni Rizal ang Feminismo. Para sa aking pagsusuri, nakursunadahan kong gamitin ang pagbali-wala ng nobela ang Feminismo sa pamamagitan ng kuwento ni Paulita Gomez. Sa mga unang pagkakataong nabanggit siya, nasabing kasintahan niya si Isagani. Ngunit, sa bandang huli ng nobela, sinabing kinasal ni Paulita si Juanito Pelaez sapagkat may paniniwala siyang mas maganda ang kinabukasan niya ‘pag kasama si Juanito. Pinapakita nito ang kababawan ng babae sa pagkakataong ito. Pinili ni Paulita si Juanito sapagkat mas mayaman siya’t mas nakakasigurong nakabubuti ang kinabukasan niya kung makipagtalik siya kay Juanito. Basta-bastang tinalikuran ni Paulita ang pag-iibigan nila ni Isagani para sa mga mabababaw na dahilan. Naging masama ang imahe ni Paulita sa huli dahil sa desisyon niyang iyon. Dahil dito, masasabi kong hindi naging masaya ang katapusan para kay Paulita, base sa pananaw ng mga mambabasa. Sapantaha ko’y hindi sinusulong ng “El Filibusterismo” ang Feminismo sa bahagi ng nobelang ito.
Sa kalahat-lahat, ang napansin ko’y pinapakita ng mga akdang napili ko ang kababawan ng mga babae. Sundan man ng pagiging mababaw na ito ang paggagawa ng masasamang desisyon o ang pagmamayabang, ang pagiging mababaw ng mga babae ang napansin kong aspetong tumutulong sa pagkakaisa ng tatlong akda. Sa una at huling akda, ang dula’t nobela, masasabi kong pinakita nito ang pagkapareho ng babae’t lakaki sa posibilidad na maging mababaw at gumawa ng mga hindi kanais-nais na mga desisyon. Sa pangalawa naman, tinuturo ng kanta, sa paraang hindi naman diretsuhan, na kailangan bigyan pa rin ng respeto ang mga babae kahit maging mayabang man o mababaw sila. Sinulong man o binali-wala ng mga akda ang Feminismo, ginamit ng mga akda ang kababawan ng mga babae para gumawa ng mga punto sa kani-kanilang paraan. Ang leksyong makukuha ko naman sa pagsuri ng mga akdang napili ko’y dapat bigyan ng paggalang ang mga babae kahit maging mababaw at gumawa ng mapapangit na mga pasiya man sila.
0 notes
Text
"KKK: Kababaihan sa Kasasayan at Kultura"
ni John Timothy F. Bautista
Matagal nang nakikita sa kasaysayang ng mundo kung paano ang imahe ng kababaihan ay ipinipinta ng kababaihan. Kahit noong panahong prehistoriko, ang mga papel ng mga lalaki at babae sa lipunan ay idinikta ng mga lalaki. Sila ang mga mangangaso at mandirigma, tagakuha ng pagkain at tagapagtanggol ng pamilya. Ang mga babae naman ay nag-alaga at nag-asikaso sa mga bata, mga halaman, at ibang mga bagay sa kanilang bahay, mga trabaho na para sa mahina, ayon sa mga lalaki. Nanatili ang mga istiryotipong ito lalo na dahil sa pag-iral ng mga lipunang patriyarkiyal. Maraming mahalagang trabaho ang ginampanan ng mga lalaki. Sa maraming bansa, ang kalalakihan lamang ang pinayagang mag-aral, maging pinuno, at magkaroon ng trabaho. Sa kabilang banda, ang mga babae ay inaasahan na maging mabuting asawa na sumusunod sa kagustuhan ng mga lalaki, at isang mabait na ina. Kahit sa literatura na halos lahat ay naisulat ng mga lalaki, ang mga lalaki ay laging pangunahing tauhan at ang mga babae ay tumutulong lamang sa lalaki o nagiging hadlang para sa pangunahing tauhan. Malinaw na ang lipunan sa kasaysayan ay umiikot sa mga ideya at pamantayan na ginawa ng mga lalaki. Nag-iba lamang ang mga ito nang nagsimula ang Kilusang Feminista sa huling bahaga na ikalabinsiyam na siglo. Sa panahong ito, nakilala ang dignidad ng mga babae. Lumaban ang mga babae para sa kanilang mga karapatan, at marami rin ang nagsimulang mag-aral, magkaroon ng trabaho, magboto para sa mga pinuno, magsulat, at gawin ang mga bagay na dati ay ginawa lamang o pinayagang gawin ng mga lalaki.
Umunlad na ang mundo sa aspeto ng pagkilala sa dignidad ng mga babae. Bagaman mayroon pa ring mga bansa na medyo patriyarkiyal, maraming babae ay naging kilala sa mga larangan na dati ay para sa kalalakihan lamang. Ang bansang Pilipinas din ay sumasabay sa panahon at nakikita ito sa dalawang babaeng pangulo at iba pang mga babae na naging tanyag sa iba’t ibang mga okupasyon. Nakalulungkot lamang na dahil tradisyunal ang bansa, maraming Pilipino ay may konserbatibong pag-iisip tungkol sa mga papel ng kasarian sa lipunan. Ang lalaki ay dapat malakas, matapang, at pinuno ng pamily, habang ang mga babae ay inaasahang maging mahinhin, maganda, at taga-asikaso ng gawain sa bahay.
Kahit sa larangan ng literature at “media,” ang mga karaniwang istiryotipo ng mga babae ay ipinapalaganap pa rin, maraming taon pagkatapos ng Kilusang Feminista.
Sa musika, marami ang mga kanta na isinulat ng mga lalaki na nagsasaad ng negatibong imahe ng kababaihan. Isang malinaw na halimbawa ang kantang “Hahabul-Habol” ni Freddie Aguilar. Ipinipakit rito ang karaniwang mga istiryotipo ng mga babae tulad ng pagiging mahirap intindihan, pakipot, at palaging umaasa sa mga lalaki. Hindi lamang nakikita ang mga imaheng ito sa awit na ito, pero sa marami pang ibang kanta. Ang mga negatibong imahe ay nakikita rin sa telebisyon, kung saan ipinapakita ang mga babae bilang mahina o bagay na pagnanasahan lamang. Isang patalastas mula sa Lucky Me ay nagpapakita ng isang babae na nakasuot ng isang maliit at masikip na palda na nakarinig ng paghiyaw ng isang lalaki. Akala ng babae na siya ang tinutukoy ng lalaki at nagustuhan niya ang pakiramdam na ito. Ipinakita sa huli na humihiyaw ang lalaki dahil nasasarapan siya sa sabaw na kinakain niya ngunit ipinipinta ang babae bilang sekswal at gusto lamang na makuha ang pagnanasa ng mga lalaki.
Kahit na ang mga istiryotipo ng mga babae ay palaging nakikita sa lipunan, marami pa rin ay kumukilala sa dignidad at pagiging pantay ng mga babae. Alam ng mga tao na mahalaga rin ang mga papel na ginagampanan ng mga babae. Kahit ang mga manunulat ay naipapakita ang babae sa isang positibong aspeto. Sa kwentong “Superman ang Misis Ko” ni Abdon M. Balde Jr, ang persona ay nagkukwento tungkol sa kanyang asawa na may mga katangian na kadalasang ipinapakita ng mga lalaki tulad ng kalakasan at katapangan, at gumagawa ng trabaho na “panlalaki.” Nakikita rito na bukas ang isip ng mga Pilipino dahil alam nila na kailangang pantay ang pagtingin sa mga babae dahil kaya rin nilang gawin ang mga ginagawa ng mga lalaki, at ang ilan ay maaaring mas magaling din.
Mahirap talagang lipulin ang lahat ng masasamang istiryotipo o imahe ng kasarian sa lipunan. Ang mga tradisyon ng mga mamamayan ay hindi medaling ibahin sa maikling panahong, ngunit mahalagang alalahanin na lumagpas pa sa kasarian sa pagtingin sa mga tao. Kailangang tingnan ang isa’t isa bilang tao na may kakayahan na magdulot ng positibong epekto sa lipunan. Ang pagbibigay ng kahalagahan sa mga mabuting katangian ng isang tao ay magkakaroon ng magandang relasyon sa pagitan ng mga tao at solusyon sa mga suliranin ng lipunan.
1 note
·
View note
Text
"Masusing Pagtingin sa Buhay-Probinsyana"
ni John Maverick M. Cuyugan
Malinaw ang imahe na pinapakita ng mga probinsyanang babae sa mga sanaysay o dula. Nilalarawan silang malumanay at likas ang kagandahan. Ngunit, minsan ay nilalarawan din sila bilang mga inosenteng babaeng madaling lokohin, dahil hindi pa sila mulat buhay. Sa isang banda, mahiyain sila na hindi kaagad tumitiwala sa mga ‘di nila kilala. Sa kabilang banda, dahil ‘di pa sila mulat sa mundo, madali silang naloloko ng mga lalakeng may masasamang balak. Ito ang mga imaheng pinapakita ng mga napili kong materyal: ang tulang “Sinta” na sinalin ni G. Onofre Pagsanghan, and kantang “Probinsyana” ng bandang Bamboo, at ang teleserye na “Katorse” sa ABS-CBN.
Ang “Sinta” ay isang tula tungkol sa pag-iibigan ng isang dalaga at binata. Pinaparating ng kanilang mga tatay na bawal silang mag-ibigan, ngunit ang totoo’y pagpapanggap lang upang mas lalo silang magkita, dahil ang kabataan daw ay likas na tumatanggi sa mga utos ng magulang. Nakatutuwa ang unang bahagi ng tula, sumisimbulo sa tamis ng ibigan kapag bago pa lamang. Ngunit magbabago ang tono sa ikalawang bahagi ng tula. Makikita ng dalawang tauhan na hindi pala palaging matamis ang pag-iibigan kapag tumagal. Sila’y nagsawa sa isa’t isa, pati ang mga tatay nila’y nag-away. Ang lalaki’y umalis upang maranasan niya ang sarap ng mundo, habang ang babae’y nanatili sa kalungkutan sa kanilang bahay. Lumipas ang panahon at ang babae’y napamahal sa ibang lalake. Ngunit, siya’y iniwan at ito ang tuluyang nagpasakit sa damdamin ng dalaga.
Ang “Probinsyana” naman ay isang kantang tumatangkilik sa kanila. Ang imahe ng mga probinsyanang pinapakita sa kantang ito ay sila’y mahinhin at hindi basta-basta maloloko. Sila rin ay magaganda at kakaiba ang tindig, tila Maria Clara. Kapag nakuha mo raw ang tiwala ng isang probinsyana, hindi ka na raw kailangang maghanap ng iba.
Ang “Katorse” naman ay isang teleseryeng lumabas sa ABS-CBN noong 2009 hanggang 2010. Ito’y tungkol sa isang babaeng-probinsya, si Nene, na napa-ibig sa kaniyang kaibigang galing Maynila. Nabuntis si Nene ng lalake, at ang kwento’y sumesentro sa buhay niya at ng buhay ng lalake pagkatapos mangyari ito.
Ang lahat ng sinuri ko ay nagpapakita ng buhay-probinsya at kung bakit ganoon ang ugali ng mga probinsyana. Totoong mas simple ang buhay sa probinsya kung ikukumpara sa buhay sa Maynila. Ito ang pinapakitang dahilan kung bakit hindi pa mulat ang mga babaeng ito sa mga maaaring mangyaring sakuna sa kanila. Makikita sa mga sinuri ko na iba-iba ang imahe ng mga probinsyanang pinapakita sa mga akda at palabas, may positibo at may negatibo. Ang negatibong imahe nila’y madali silang lokohin dahil wala silang muwang. Pinapakita rin na wala silang laban sa mga umaapi sa kanila, nagmumukmok na lamang sa bahay. Lumilitaw naman ang positibong imahe nila sa kantang “Probinsyana” na tumatangkilik sa kanila. Ibang-iba raw ang probinsyana kumpara sa babaeng-Maynila dahil mas likas ang kaniyang kagandahan at mas maganda ang tindig. Ngunit, kahit negatibo man o positibo ang imaheng pinapakita ng mga akda sa kanila, sinasabi lang ng mga ito na talagang naiiba ang babaeng taga-probinsya. Iba ang kaniyang dating at ang kaniyang ugali, lalung-lalo na kapag bagong-dating pa lamang sa Maynila. Siguro’y natatakot sila dahil bagong lugar ito sa kanila at wala pa silang kilala. Ang mga taga-Maynila nama’y nabibighani sa kanila dahil nga naiiba sila sa mga karaniwang mga babaeng nakikita nila.
0 notes
Text
"Katauhan ng Kababaihan"
ni Nicolo Miguel Simplicio D. Tolentino
Sa panahon natin ngayon, makikitang iba na ang pagtingin sa kababaihan kumpara sa pagtingin sa kanila sa nakaraan. Dati, mababa ang tingin sa kanila kahit sino pa man sila o ano pa man ang gawin nila. Palaging mas nakatataas ang kalalakihan kaysa sa kababaihan. Palaging mas mahalaga ang pagturing at pagtrato sa isang lalaki at sa kanyang mga gawain. Palaging may mga hangganan ang pwedeng gawin ang mga babae at mga papel na pwede niyang gampanan.
Ibang iba na ang turing ng mga tao sa kababaihan ngayon. Hindi na masama o mahina ang pagtingin sa kanila. Kaya na nilang gawin ang kahit anumang kayang gawin ng isang lalaki. May mga pagkakataon pa nga na makikitang mas magaling ang isang babae sa isang lalaki. Hindi na sila limitado sa gustong gawin nila o kung anong gusto maging nila. Lahat ng tao ngayon ay magkakapantay at kasama na roon ang kababaihan.
Isang halimbawa ng akdang sumusuporta sa kakayahan ng kababaihan ay ang kantang “Babae” na sinulat ni Divine Gil Reyes. Una sa lahat, ito ay kinanta ng mga kilalang babae na hinahangaan ng mga tao, hindi lang sa ating bansa, ngunit sa buong mundo. Ito ay sina Lea Salonga, Pops Fernandez, Kuh Ledesma, Sarah Geronimo at Bayang Barrios. Kahit sinong makarinig ng mga pangalang ito ay alam kung gaano kagaling at kamangha-mangha ang mga babaeng ito. Isa itong magandang kanta na maraming nais sabihin sa pagiging isang babae. Sinasabi na kailangan alagaan at igalang ang isang babae. Hindi sila mga bagay lamang na pwedeng hipuin at pagawin ng kahit ano mang gusto ng isang lalaki. Tao rin sila at may mga karapatan na dapat respetuhin. Sinasabi rin na tanging sila lang ang pwedeng magbigay ng bagong buhay sa mundo kaya sila at ang katawan nila ay mahalaga. Sinasabi na kailangan pantay ang lahat ng tao at pareho ang mga pagkakataong ibinibigay sa isang babae tulad ng sa isang lalaki. Kailangan hindi sila hadlangan sa kanilang mga gustong gawin dahil sila ay babae. Tao rin sila kaya malaya silang ipakita kung sino sila at kung anong kayang gawin nila. Kahit sino man sila sa lipunan, basta babae, kailangang mabuti at maganda ang paturing at pagtingin sa kanila. Sa akdang ito, ipinahahayag kung sino talaga ang mga babae at kung paano dapat ang pagtrato sa kanila. Nililinaw ng kantang ito ang mga karapatan at dignidad ng mga babae sa ating lipunan.
Isang patalastas sa telebisyon na malinaw na nagpapakita na pantay, kung hindi man mas nakatataas, ang babae kaysa sa lalaki ay ang patalastas na pinamagatang “Ehem” ng Coffee-Mate. Nagsisimula ito sa pagpapakita na oras na ng almusal. Kumakain ang lalaki habang nagbabasa ng dyaryo ang babae. Kakainin na sana ng lalaki ang tinapay ngunit nag-“ehem” ang babae kaya hindi niya tinuloy. Maglalagay na sana ng bacon ang lalaki sa kaniyang plato ngunit nag-ehem muli ang babae kaya hindi niya tinuloy. Sinubukan naman ng lalaki maglagay ng Coffee-Mate Creamer sa kanyang kape at nagpatingin siya sa babae para makita kung payag ba ito sa gagawin niya. Ngumiti lang ang babae bilang pagpapakita na payag siya sa gagawin ng lalaki. Ipinapakita sa patalastas na ito na ang babae ngayon ay may impluwensiya sa mga desisyon at pwedeng gawin ng lalaki. Nag-“ehem” ang babae sa mga ayaw niyang gawin ng lalaki at sumunod naman ito kaagad ng walang pagdadalawang-isip. Hindi tulad noon na palaging inuutasan o pinagbabawalan ng mga lalaki ang mga babae, pwede na ring gawin ng kababaihan ito ngayon. Isang patunay ang patalastas na ito na iba na ang tingin sa mga babae sa panahon natin ngayon at kung hindi man mahalaga ay pantay na ang tingin sa kanila.
Isang sanaysay naman na nagpapakita ng kahalagahan ng kababaihan sa ating lipunan partikular na sa mga nanay ay ang “Anak Ka ng Ina Mo”. Sa sanaysay na ito, inilalarawan ang isang matandang ina. Inilarawan ang mga nangyari sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ngayon na matanda na siya at mga ala-ala kung saan tinulungan at inalagaan niya ang kanyang anak gamit ang mga ito. Ilan sa mga binigay ng manunulat ay ang mga kamay na nagbigay lakas, mga matang nagbabantay at marami pang iba. Isinasalaysay kung paano nagkaganito ang ina dahil sa mga sakripisiyong ginawa niya para sa kanyang anak. Ipinapakita na binigay at ginawa ng ina ang lahat ng kanyang makakaya para sa kanyang anak. Sa sanaysay na ito, ipinapakita na malaki at mahalaga ang papel ng mga ina sa katauhan ng kanyang anak o mga anak ngayon. Ang isang tao ay siya ngayon dahil sa pagpapalaki ng kanyang ina. Isinusulong ng akda na ito ang feminismo sa pamamagitan na pagpapakita ng importansya ng isang ina sa paghubog ng kanilang mga anak na bumubuo ng ating lipunan.
Sa tatlong akdang ito, makikita na talagang iba na ang tingin sa kababaihan kumpara sa nakaraan. Pantay na ang lahat ng tao ngayon kahit ano pa man ang kanyang kasarian. Kailangan respetuhin, galangin at pahalagahan sila dahil malaki ang kontribusyon nila sa atin at sa ating lipunan.
0 notes
Text
"Asenso"
ni Martin Luis T. Malabanan
Sa lipunan natin noong panahon ng Batas Militar hanggang sa ating kasalukuyang lipunan, marami pa ring hindi nagbabago. May mga tao pa ring nagugutom sa kalsada, may mga tao pa ring inis na inis sa kapalpakan ng ating mga pinuno, at may mga tao pa ring inaapi ng mga may-kapangyarihan. Akakalain natin na maiiba na ang lipunan ng Pilipinas ngayon kumapara noon, ngunit parang hindi pa tayo umuunlad o umaasenso bilang bansa. May nagsasabi na ang dahilan dito ay kasi wala namang ginagawa ang mga mahihirap para maayos ang estado nila sa buhay. May nagsasabi naman din na ang dahilan ay kasi nasa tuktok pa rin ang mga may-kapangyarihan habang ang mga mahihina ay pinapabayaan na lamang sa ilalaim ng tatsulok. Sa marxismong pagsusuri ko ng isang komersiyal, tula, at kuwento, mahihinuha natin ang ilang mga solusyon ng mga manunulat para makamit natin bilang bansa ang maliwanag na kinabukasan kung saan walang mahihirap at walang inaapi.
Ang una kong sinuri ay ang komersiyal ng Gawad Kalinga na nagpapakita nang bayanihan na pinpamalaki parati ng mga Filipino. Naguumpisa ang komersiyal na ‘to sa mga magsasaka na nakakita ng mga taong bumubuhat ng bahay sa totoong estilo ng bayanihan. Nakisali na rin ang mga tao sa paligid sa pagbuhat ng bahay na ‘to, ngunit marami sa nagbigay ng tulong ay mukhang mahihirap dahil sa kanilang pananamit. Ang mga isteryotipo ng mga mahihirap katulad ng magsasaka, galing probinsiya, at pati ang pagiging Muslim ay ginamit para ilarawan ang mga mahihirap. Sa gitna ng komersiyal, makikita na ang binubuhat ay mga barung-barong bahay pala na gawa sa yero at kahoy lamang, na simbolo ng kahirapan. Binuhat ng mga tao ang mga bahay na ‘to sa isang talampas kung saan nila tinapon ang mga barung-barong bahay at yung “kahirapan”. Ang tagisan na makikita natin dito ay sa hulihan nung lumabas ang teksto na nagsasabi na kailangan natin magsama para tapusin ang kahirapan. Sinasabi ng komersiyal na kinakailangan magtulungan ang mga mahihirap at mayayaman para mabuwag ang problema na ‘to. Hindi lang puwede na ang mga mahihirap lamang ang kumikilos para mawala ang kahirapan, pati ang mga mayayaman ay may panananagutan sa problemang ito. Kinakailangan daw wasakin ang tatsulok kung saan nasa taas ang may-kapangyraihan at nasa baba ang mga dukha. Sa ganyan, isinusulong ng komersiyal na ‘to ang layunin ng marxsismo na dapat maging pantay-pantay ang mga nasa tuktok at nasa ilalim ng lipunan. Dahil sinasabi na lahat tayo ay kailangan tumulong para mawala ang kahirapan sa ating bansa.
Sa pagsuri ko rin ng tula na “Panata ng Pilipino” na sinulat ni Joi Barrios-Leblanc, may nakita rin akong mga layunin ng marxsismo na isinusulong. Sinasabi ng persona sa tula na hindi na papayag ang mga Filipino na mangyari ulit ang mga karahasan na nangyari noong panahon ng Batas Militar. Ang tula ay nagpapakita ng iba’t ibang masasamang bahagi ng Batas Militar na nilarawan ng mga tula nina Jose Lacaba, Amado Hernandez, Rio Alma, at Bienvenido Lumbera, na kilala bilang mga manunulat na ayaw sa Batas Militar. Ang persona dito ay ang pangkaraniwang Filipino na masasabi natin ay nasa ilalim din ng tatsulok dahil ang mga masasamang pinuno ay nasa tuktok. Sinulat ang tula na ‘to noong panahon ni Pangulong Arroyo noong kinukumpara na siya kay Marcos bilang isang palpak na presidente. Sinasabi ng persona na hindi na uulit ang mga nangyari noong panahon ni Marcos dahil natuto na ang mga Filipinong lumaban para sa kapayapaan, at hindi na sila takot maghimagsik laban sa mga masasamang pinuno. Isinusulong ng tula na ‘to ang paghihimagsik ng mga nasa baba ng tatsulok para mawala ang mga masasamang may-kapangyarihan sa taas. Sinasabi nito na hindi sila takot lumaban basta lamang hindi uulit ang karahasan na nangyari sa mga pangkasalukuyang mamamayan noong panahaon ng Batas Militar.
Ang huli kong sinuri ay ang kuwetong “Kalatas” ni Anna Maria M. Gonzales. Sa kuwento, si Dado at ang kanyang lolo ay tagagawa ng mga malalaking paskil ng mga sine. Hindi marunong magbasa si Dado dahil hindi siya nakatapos mag-aral, ngunit mahusay siya kumopya ng larawan, salita, at kulay kaya magling siya bilang pintor ng paskil. Makikita rin natin sa kwento na pumanaw na ang lolo ni Dado, at nagiisa na lamang siya. Sa gitna ng kuwento, sinsasabi ni Dado na gusto na siyang paalisin ng bahay niya dahil may dumating galing gobyerno para kausapin siya. Nung nakita ng mga tao na hindi kaya asikasuhin ni Dado ang mga papeles dahil hindi siya marunong magbasa, umalis na lamang sila ngunit sinabi rin nila na patahimik na bobo si Dado. Makikita natin rito na ang mg taga-gobyerno ay may-kapangyarihan at marahas sa mga “mababang” tao, at si Dado, na hindi matalino, ay ang nasa ilalim ng tatsulok. Sa hulihan, sinsasabi ni Dado na may-kapangyarihan rin naman siya at marami siyang ginagawang magaling sa buhay niya sa pamamagitan ng kaniyang mga paskil. Hindi niya papabayain na matawag na bobo dahil alam niya may kakayahan siya bilang tao.
Ang tatlong pagsusuri ay nagpapakita ng iba’t ibang paraan para isulong ang marxsismong pananaw. Ipinapakita nito na kinakailangang maging isa ang mga mayayaman at mahihirap para umunlad ang ating bansa. Kinakailangang din mawala ang mga marahas na pinuno na walang pakialam sa mga mahihirap, ngunit puwede rin naman natin sila patalsikin dahil may kapangyarihan rin ang mga mahihirap. Oras na natin ito, anong gagawin mo?
0 notes
Text
“Bagay Lamang?”
ni Francis Joshua M. Beloy
Lahat tayo’y nilikha ng Diyos na may pantay-pantay na dignidad bilang tao.
Kung ganoon, dapat lang pantay-pantay ang pagtingin ng mga tao sa kanilang kapwa. Pare-pareho naman tayong tao, kaya kahit anuman ang ating lahi, kasarian o kalagayan sa buhay, kailangang magkaparehas din ang pagtrato natin sa isa’t isa. Ngunit sa katunayan, mayroon pa ring mga taong nangingibabaw sa ating lipunan. Itinuturi nila ang kapwa nilang tao bilang mga may mababang dignidad o kalidad ng buhay. Minsan, sa ilang kaso, parang bagay lang ang pagtingin nila sa kanilang kapwa. Kitang-kita ang pangingibabaw na ito sa pagitan ng mga lalaki at babae. Para sa ilang lalaki, bagay lamang ang isang babae na ginagamit para sa kagustuhan nila. Gamit ang peministang pananaw, makikita natin kung paano ipinipinta sila nang ganito sa isang awit, patalastas at sanaysay.
“Katawan” ng Hagibis
Sa liriko ng awit na ito, makikita kung paano ipinipinta ang mga babae bilang isang bagay na nagbibigay kasiyahan sa mga lalake. Ang mga linya tulad ng “Lumalake ang aming pagkalalake 'pag mayroon magagandang mga babae” at “May lumalabas sa aming pagkalalake 'pag mayroon magagandang mga babae” ay nagpapakita na may kakaibang nangyayari sa mga lalaki na ang babae lamang ang may nakakagawa sa kanila. Kung titingnan ang mga ito kasama ng mga linyang “Lalo na kung malaki ang kanilang pu-sod” at “Lalo na kung sa ibabaw ko'y gumigiling”, mahihinuha na malaswa ang mensaheng ipinaparating ng awit. Masasabing ang paglabas ng “pagkalalake” ay nagpapahiwatig sa pagpukaw ng sekswal na interes ng mga lalaki tuwing kapiling nila ang isang magandang babae. Dagdag dito, mahihinuhang ari ng babae ang kahulugan ng salitang “pu-sod” dahil may hinto sa pagitan ng “pu” at “sod” sa pagbigkas nito sa mismong pagkanta ng awit. Sa kabuuan, lalo na sa huling tatlong linya ng awit, makikita na napakalaswa ang pagtingin at pagtrato ng mga lalaki sa mga babae. Sila’y itinuturing “katawan” lamang o kasinghalaga lang ng kanilang katawan.
Isang Patalastas ng Axe na kasama si Angel Locsin
Sa patalastas na ito, makikita na parang bagay lamang na napapanalunan o nabibili ang isang babae. Sa unang bahagi, ipinapakita na maaaring mapanalunan ng isang lalaki ang kalahating milyong piso at ng pagkakataon na makasama ang isang babae na artista tulad ni Angel Locsin kung bibili sila ng Axe. Nang sabihin ng tagapagsalaysay sa patalastas na “Choose the girl, spend her money”, mahihinuha na parang bagay lamang na pinipili ayon sa kagustuhan ng lalaki ang mga babae. Kung pagmumunihan, napakababa ang tingin sa dignidad o halaga ng buhay ng mga babae sa patalastas na ito. Nakakagulat na maaari lamang pili-piliin ang isang babae ayon sa kagustuhan ng lalaki. Dagdag pa rito, ang mga salitang “spend her money”, kahit na ang tunay na kahulugan nito ay mapanalunan ang premyo na pera, mahihinuha rin na parang dapat samantalahin ng mga lalaki ang mga babae. Napakababa ang pagtingin ng mga lalaki sa kanila.
“Pornograpiya” ni Miguel Singson
Sinasabi sa unang bahagi ng sanaysay ang kahulugan at kahalagahan ng Pornograpiya bilang isang malaswang bagay, lalo na para sa mga babae. Ito’y isang bagay na hindi dapat ginagawa o tinatangkilik ng mga tao sa ating lipunan. Ngunit, ayon sa may-akda ng sanaysay, tama lamang na magkaroon at tanggapin ng pornograpiya sa lipunan. Dinagdag pa niya sa akda na hindi karapat-dapat na mandiri ang mga babae sa pornograpiya dahil hindi nila maiiwasan na mangyayari rin ang mga malalaswang bagay na iyon sa kanila sa buhay. Bukod dito, ipinaparating ng linyang” Face it, YOU Women are destined in this world to be Devirginized.” na parang inilikha ang babae ng Diyos para sa malalaswang bagay lamang. Wala silang silbi kundi sa pagbibigay kasiyahan sa mga lalaki at sa pagsusunod sa mga kagustuhan nila. Ipinawawalang bahala rin ang kabirhinan ng mga babae, na sinasabing hindi na raw “uso”. Sa kabuuan ng sanaysay, masasabing ipinapahiwatig na halos wala masyadong halaga ang buhay ng babae.
Sa paglalagom, sa lahat ng mga ito na sinuri natin, hindi nasusunod ang layunin ng mga peminista na buwagin ang maling imahen ng mga babae sa lipunan. Makikita sa lahat ng mga sinuri na ipinawawalang bahala nga ang layuning ito sa pagtatrato ng mga babae bilang isang bagay lamang sa lipunan na inaayon ang sarili para sa kagustuhan ng kalalakihan. Matapos makita ang nakakalungkot na katotohanan at pagmunihan, sana’y may magagawa tayo upang baguhin ang ganitong pagtingin at pagtatrato sa kababaihan.
0 notes
Text
"Obra Maestra Nga Ba?"
ni Paolo L. Guzman
Karaniwang kaakit-akit ang larawan ng isang babae. Ngunit sino nga ba ang nagdidikta kung ano ang maituturing na kaakit-akit? Ang sumunod ay isang pagsuri sa tatlong akdang naghahain ng iba’t ibang pananaw ukol sa batayan ng kagandahan at kahalagahan ng isang babae.
“Mayumi, mahinhin, mabina, sa lahat ng ayos. Malinis ang puso maging sa pag-irog…
Yan ang dalagang Pilipina, karapatdapat sa isang tunay na pagsinta…
‘Pang aliw sa pusong may hirap.”
Kung susuriin ang lyriko ng “Dalagang Pilipina,” mapapansing panay mabulaklak na papuri ang bukambibig ng kanta. Ipinipinta ng kanta ang isang perpektong larawan ng kababaihan: isang tala ng umaga, dakilang pahiyas, batis ng ligaya, at hantungan ng madlang pangarap. Subalit ano mang ganda ng larawan, hindi pa rin nabibigyang ganap na katarungan ang kababaihan. Totoong pinupugay nga ang dalagang Pilipina subalit, kasabay nito’y kinakahon ang pagkatao ng isang babae. Makikita sa awiting ito ang obra maestra ng babae ayon sa pananaw ng isang lalaki at dito makikita ang ‘di makatotohanang pamatayang tinayo ng kalalakihan para sa isang babae. Bukod sa magandang tanawin, mapapansin din sa awiting ito ang pagtrato sa mga babae bilang isang bagay na tagadulot ng aliw. Kagaya ng mga nakasiping salita sa itaas, ang babae, matapos ang pambobola, ay para rin lamang sa ikatutuwa ng kalalakihan.
“Kita kita sa isang magasin…
’Di ko inakalang sisikat ka, tinawanan pa kita. Medyo panget ka pa noon ngunit ngayon…
Napatingin, natulala sa iyong kagandahan.”
Ang sumunod na kanta’y sinulat humigit kumulang na tatlumpung taon matapos isulat ang “Dalagang Pilipina.” Subalit, pare-pareho pa rin ang mga nananaig na katotohanang pinipilit ng kalalakihan. Ayon sa awiting ito, batayan ng halaga ng babae ay kanyang kagandahan (base sa patunay mula sa akda na nakasaad sa itaas). Binabalikan rin rito ang pagpapahalaga sa mga babae bilang tagadulot ng aliw. Higit pa rito, ang aliw na ito’y maaaring makamtan sa pamamagitan ng salapi. “Sana’y walang problema. Pagka’t kulang ang dala kong perang, pambili, pambili sa muhka mong maganda.” Totoong pinapahalagan at hinahangan ang kababaihan, basta’t sila’y pasok sa pamantayang ginawa ng mga kalalakihan. Ito ay isang malinaw na pagpapakita ng maling pagpapahalaga sa pagkatao ng isang babae. Sa ganitong pagtingin sila’y ‘di na hinahangaan kun’ ‘di, pinagnanasaan at halos ipinapantay na lamang sa isang kaakit-akit na laruang manika.
“One look and then yun iba na, malagkit dumikit ang tingin ng mata.
One smile, iba na ang ibig sabihin. ‘Di na friends ang tingin niya sakin.
This guy’s in love with you pare.”
Ang huling akda ay isang dula ukol sa dalawang magkaibigang lalaki. Ang isa sa kanila’y napaibig sa kabila. Subalit hindi handang maging higit pa sa magkatoto ang isa. Bagaman sa unang dalawang akda ipinakita ang malakas na pagnanasa ng mga kalalakihan sa mga kababaihan, makikita sa dulang ito na ‘di, kahit konti, kinasasabikan ng kalalakihan na matulad, sa ano mang paraan, sa mga babae. Mapapansing, sa kabila ng lahat nang papuri sa kababaihan, hindi pa rin katanggap-tanggap at tila nakaiinsulto pa para sa isang lalaki na mahabing sa isang babae. Ang lalaking kaibigan ay unti-unting lumayo at tila nandidiri sa kanyang kaibigan nang mapansing siya’y nagbabago (nagiging bakla). “Everyday daw ay rainy day ang Monday, ‘coz di na ako maaya to come out and play. Tinataguan na nga palaging late o absent…” Subalit ano ba talaga ang masama? “... ang sabi pa rin, ‘I’ll always have a friend that you can depend on.’”
Ang tatlong akda ay nagpamalas ng pananaw ng mga kalalakihan ukol sa kung ano ba dapat ang isang tunay na babae. Subalit hindi naiipinta ang buong katotohanan. Bagaman panay mabulaklak na papuri nga ang bukang bibig ng mga lalaki hindi pa rin ito makatarungan sapagkat kinakahon pa rin nito ang kababaihan. Sino mang hindi maabot ang pamantayang ito’y tinuturing na mas mababang uri at ‘di karapatdat sa pagsinta ng isang lalaki. Upang tunay na mabuo ang obra maestra ng babaeng pilit na pinipinta ng kalalakihan dapat mamulat sila sa buong katotohang higit sa kagandahan ang kahalagahan ng kababaihan.
0 notes
Text
"Utopia, darating ka ba?"
ni Nicolas Antonio R. Carunungan
Ang lenteng Marxismo ay tumutuon sa konteksto ng isang akda at ang may-akda at mambabasa nito. Parating hinahanap ng Marxismo ang tunggalian sa pagitan ng mga tao sa iba’t ibang antas sa lipunan. Minsan, may rebolusyon ring nakikita sa mga akdang Marxista. Tatlong akda ang susuriin ng sulatin na ito lenteng Marxismo. Una ay ang tulang Nakatingin sa Bituin ni Jose Lacaba, pangalawa ang dulang Ang Paglilitis Ni Mang Serapio ni Paul Dumol, at pangatlo ay ang awiting Balita ng Asin. Lahat ng akdang ito ay may pagka-Marxista sa iba’t ibang lebel. Makikita natin kung paano nagsisimula ang Marxismong ideolohiya sa sarili, tapos kumakalat sa ibang tao, at huli ay nakikita na sa lipunan.
Ang tulang Nakatingin sa Bituin ay nagsasalaysay ng kuwento tungkol sa isang taong naglalakad sa kalsada isang gabi. Nakatingin lamang ang taong ito sa mga bituin sa langit at hindi napapansin ang kalsadang nilalakaran hanggang sa mabangga niya ang isang tambak ng taeng-kalabaw sa daan. Sa pagkalat ng tae sa kaniyang paa, napagtanto niyang dapat muna iugat ang sarili sa mundo bago tumingala sa mga bituin. Dito rin niya napapansin ang kalsadang malayo sa karikitan at kayamanan. Malamang, ang ninanais ni Lacaba na mambabasa ng tulang ito ay ang mga taong nagbubulag-bulagan tungkol sa estado ng lipunan. Sa tulang ito makikita na ang lipunan ay hindi lamang puro pangarap para sa hinaharap, kailangan ring pagtuunan ng pansin ang mga problema ng kasalukuyan – ang mga inhustisiyang nagaganap sa lipunan. Kabilang na sa mga inhustisiyang ito ang tunggalian sa pagitan ng mayayaman at inaaping mahihirap na mamamayan. Sa palagay ko, ang kalsadang ginagalawan ng persona sa tula ay ang lipunang kinabibilangan niya. Ang nais lang niya tignan ay ang mga bituin, pero hindi pa rin niya maipapagkait ang katotohanan na may mga inhustisiyang nagaganap sa lipunan niya, at ang taeng-kalabaw ay ang simbolo ng simula ng kaniyang pagkamulat.
Ang dulang Ang Paglilitis ni Mang Serapio ay ang mas lantad na paglalarawan ng mga inhustisiyang nabanggit. Sa dulang ito, isinasalaysay ang paglilitis sa isang pulubi dahil sa sinasabing kaso niya ng pagnanakaw sa Federacion. Ang pulubing ito ay kasapi ng isang grupo ng mga pulubing pinapatakbo ng mga taong may kapangyarihang nagpapataas sa kanila sa mga pulubi. Kitang-kita rito ang Marxistang ideolohiya dahil sa pag-usad ng dula, makikitang inaapi nang sobra-sobra ng mga hukom ng paglilitis ang pulubing hinatulan. Dito na nakikita ang isang aktwal na larawan ng mga inhustisiyang nagaganap sa lipunan. Ang pulubing nais lamang ay mabuhay nang mapayapa at magtrabaho nang tapat ay kailangan pa dumaan sa pang-aabuso at pananakit ng mga mas nakatataas sa kaniya. Sa dulo ng dula, lumalabas rin ang galit ng pulubi sa istraturang kumakahon sa kaniya. Subalit wala rin siyang magawa dahil kumikita ang mga iba sa istrakturang umaapi sa kaniya. Nais panatilihin ng mga may kapangyarihan ang istrakturang ito.
Huli, ang awit ng Asin, ang Balita, ay isang malungkot na awiting tungkol sa lipunang wasak-wasak dahil sa digmaan. Malamang, ang hangad na tagapakinig ng kantang ito ay mga Pilipino, lalo na ang mga hindi nakaaalam tungkol sa mga rebelde sa probinsya. Nakikita rito ang huling lebel ng Marxismo, ang rebolusyong bubuwag ng tatsulok. Dito na makikita ang pinakamalupit na pang-aapi ng mga may kapangyarihan, at ang paglaban ng mga inaaping tao. Sa kahuli-hulihan, hangarin ng Marxismo ang pagkapantay-pantay ng lahat ng tao sa lipunan. Maririnig sa awiting ito na ang daan lamang papunta sa destinasyong ito ay ang sa pagitan ng isang rebolusyon.
Subalit sa aking paningin, mas gagana ang tama at tapat na pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga tao sa isang lipunan. Ito ay ang pinaka-epektibo at pinakamapayapang paraan upang malaman ang ideya ng lahat tungkol sa ano dapat ang maging solusyon sa mga inhustisiyang nagaganap sa lipunan.
0 notes
Text
"Huling Sulat"
ni Kendrick Vince M. Pinpin
Ang impluwensiya ng mga dayuhang mananakop ng Pilipinas ay isang bagay na nakikita sa ating lipununan mula sa panahon ng mga Kastila, hanggang sa kasalukuyan. Maraming bagay ang naibago dahil sa panahon kung saan nasa ilalim tayo ng mga Kastila, at sa mga Amerikano.Nagkaroon ng mga pagbabago sa pag-iisip sa mga tao at pagbabago rin sa mga ugali nila. Isang halimbawa ay ang pagbabago sa tingin sa mga babae. Sa sinaunang panahon, mataas ang papel ng mga kababaihan na Pilipino sa kanilang mga barangay. Ngunit, dahil sa impluwensiya ng mga Kastila, naging mas mahinhin at malumanay ang imahen ng mga babae. Nakikita rin ito sa ilang mga halimbawa na ilalarawan ko.
Ang una kong akda ay ang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. Sa nobelang ito, nakikita ang maraming mga problema sa lipunan na resulta ng pananakop ng mga Kastila. Isang halimbawa nito ay ang pag-aabuso ng mga taong nasa kapangyarihan sa mga mas mababa sa kanila. Ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para mas lalong yumaman sila kahit nasasaktan na ang mga ibang tao. Ang mga prayle sa kuwento tulad ni Padre Damaso ay nag-aabuso ng kanilang kapangyarihan at ginagamit nila ang relihiyon para makontrol nila ang mga Indio. Makikita rin dito ang ilang elemento ng Marxismo dahil sinubukan rin ng ilang mga tauhan na baguhin ang kanilang kapalaran sa pamamagitan ng paglalaban sa mga nag-aabuso sa kanila. Ang isang halimbawa ng tauhan na gainto ay si Crisostomo Ibarra. Sa simula, kapayapaan lamang ang ninanais niya ngunit dahil sa mga abuso sa kanya, nagpalit ang kanyang pananaw at sinubukan niyang magsimula ng rebolusyon.
Ang pangalawa kong akda ay ang “American Junk” na kinanta ng Apo Hiking Society. Ito ay tungkol sa isang Pinoy na sawa na sa mga bagay na dulot ng impluwensiya ng mga Amerikano. Ipinapakita rin na ang habol lamang ng mga dayuhan sa bansa ay ang mga likas-yaman na mahahanap sa Pilipinas, at dahil dito, ginagamit lamang ang mga Pilipino para maikuha nila ang mga gusto nila. Naibago rin ang kultura ng Pilipinas dahil naihalo rin ang impluwensiya ng Amerika dito. Isinusulong ang Marxismo dito dahil ipinaglalaban ng persona ang kanyang pagka-pilipino so pamamaraan ng pagtanggi ng mga ideya na idinala ng mga dayuhan.
Ang huli kong akda ay ang patalastas ng Mcdonald’s na tungkol sa French fries. Sa patalastas na ito, sinasabi ng batang lalaki na hindi pa siya handa na magkaroon ng isang syota dahil ang mga babae ay mahirap alagaan. Ngunit pumayag siya nang nalaman niya ng Mcdonald’s Fries lang pala ang hinihingi ng babae. Hindi naisulong ang peminismo dito dahil hindi nagbago ang negatibong imahen ng babae.Ipinapakita sa patalastas na ito na makukuha ang babae sa pamamaraan ng pagbili ng bagay para sa kanya.Ang imahen na ito ay naidulot rin ng impluwensiya ng mga dayuhan dahil nagkaroon ng kultura ng consumerismo sa Pilipinas na galing sa ibang bansa.
Para wakasin ang sulat na ito, sasabihin ko na bagaman maraming masamang mga epekto ang impluwensiyang ng mga dayuhan, hindi ito maiiwasan. Ang pinakamagandang solusyon ay magkaroon ng pagkamulat sa isyung ito.
0 notes
Text
"Kamulatan Kung Wala Nang Paraan"
ni Iñigo Teodoro G. Santos
Kung sabihin kong dalawa lang ang uri ng tao sa Pilipinas, mayaman at mahirap, siguro ay maniniwala ka. At alam nating lahat na mas gugustuhin ninumang maging mayaman kaysa maging mahirap. Kung tanungin mo ang isang nasa trabaho kung para saan ang kanyang trabaho, malamang ay may sasabihin siya tungkol sa pera o sweldo. Kung magtanong ka ng isang estudyante kung bakit siya nag-aaral, malamang naman ay para makakuha ng mabuting trabaho para makakita ng matinong sweldo. Ayaw nating maging mahirap. Siguro, dahil mahirap. O baka mas angkop, pinahihirapan. Dapat siguro ay walang mayaman o mahirap, walang antas, para walang nananamantala, walang nahihirapan. Iyon din ang sabi ng mga Marxista. Buwagin daw ang tatsulok.
Ang Marxismo ay naglalayong magkaroon ng pagkakapantay-pantay ng lahat. Ayon dito, ang pagbuwag ng mga tinatawag na antas o estado sa lipunan ang solusyon. At kaya naman, umabot ang ideyang ito sa iba’t ibang disiplina, kabilang na ang pagsuri ng panitikan. Maraming halimbawa ng panitikang paksa ang tunggalian ng dalawang antas. Sa panitikang Pilipino, kadalasa’y ang mga antas na ito ay ang mayaman at mahirap.
Sa tulang “Musmos sa Lansangan” ni Roy Movido, ipinapakita ang isang batang lansangang kinakausap. Nang tanungin ang bata kung ano ang kanyang kailangan, sinabi nitong nais niyang magkaroon ng karunungang katangian ng mayaman, katarungan, at lunas sa kaniyang kahirapan. Nang tanungin naman kung ano ang hinaharap, sagot ng bata’y kagipitan. Klarong-klaro ang ipinintang estado ng mas mababang antas, ang mahirap. Karalitaan ang kanilang nararanasan, at dala ito ng isang mas mataas na antas, na makikita sa pagsasabing walang katarungan. Nais makaangat ng mahirap mula sa kanilang estado at matulad sa mas mataas na antas. Ngunit, sa dulo ay nanatili lamang sa estadong ito ang mahirap, na walang magawa. Hindi naisulong ng akda ang ideya ng Marxismo, at hindi nag-iba ang pagiging nasa laylayan ng mahirap.
Sa sanaysay naman ni Lourd de Veyra na “Sa Ikaaayos ng Mundo, 'Wag Mag-Sando!”, ipinaliwanag ng may-akda na hinding-hindi dapat magsuot ng sando ang kahit sino sa publikong lugar. Kung unang tingnan ang sanaysay, tungkol lamang ito sa galit ng may-akda sa taong nagpapakita ng kanilang kili-kili. Subalit, kung suriin ang ilang detalye ng sanaysay, may naipapakita ito tungkol sa pagtingin ng mas mataas na antas sa mababang antas. Binanggit sa sanaysay na kabilang sa mga maaaring magsuot ng sando ay mga matador sa palengke, tindero sa kalye, at iba pa. Mahalaga ring tingnan ang konteksto ng akda. Sa Pilipinas, tila sikat ang sando sa mga nasa mas mababang antas ng lipunan. Makikita sa mga detalye na ito na may mababang pagtingin ang mas mataas na antas sa mahirap. Sa pagsabing walang dangal ang pananamit na ito, halos sinasabi nitong hindi tatanggapin sa lipunan ang mahihirap. Sumakatuwid, hindi rin nito naisusulong ang Marxismo dahil sa paningin na pinag-usapan ng may-akda.
Ang maikling kwento namang “Pork Empanada” ni Tony Perez ay tungkol kay Bototoy, isang watch-your-car boy na nagsikap para maibili ang sarili niya at ang kaniyang kapatid ng empanadang palaging binibili ng mayayaman. Ipinapakita sa kwento ang mahirap na buhay ni Bototoy, na nagtatrabaho na upang makaipon kahit siya ay bata pa. Bukod pa rito, sa kaniyang pakikisalamuha sa mga tao, siya ay nilalayuan o di pinapansin. Nang bumili naman siya ng empanada, ang binigay sa kanya ay ang mga naluma na. Ang mga detalyeng ito ay nagpapakita na hindi kinikilala ng mas mataas na antas si Bototoy, o ang mahihirap. Hindi sila mahalaga para sa kanila at hindi dapat pagsayangan ng oras. Naipapakita rin sa pamamagitan ng pagbigay ng lumang empanada ang pagsamantala ng mas mataas na antas sa mga mahirap. Sa dulo rin ng kwento ay walang nagawa ang mahirap upang maibago ang estado nila at ang tingin sa kanila ng iba, kaya’t hindi naisulong dito ang Marxismo.
Ikinalulungkot ko mang sabihin, naipakita ng tatlong akda ang mga kadalasang pagtingin ng mga Pilipino at ang nangyayari sa mahihirap. Ngunit kahit hindi direktang isinulong ng mga akda ang Marxismo, masasabing nakapagbibigay ito ng kamulatan ukol sa isyu ng tunggalian ng nasa sentro at nasa laylayan, at kamulatan na nangyayari nga ito. Nakatutulong pa rin kahit papaano ang mga akda sa layunin ng pagkakapantay-pantay. Depende na lang siguro sa mambabasa.
0 notes
Text
"Kayamanang Tunay"
ni Eman C. Quion
Kitang-kita sa kasalukuyang panahon ang paglaganap ng kahirapan sa mundo. Kitang-kita rin ang malinaw na paghihiwalay ng mga mayayaman at mahihirap sa lipunan. Makikita sa mga tula, maikling kuwento, at dulang Filipino ang problemang ito. Tatalakayin ko sa sulating ito ang “Tingala Sa Baba”, “Walang Natira” at ang “Lamesa ng Mayaman”.
Ang Tingala Sa Baba ay isang komersyal ng Nestle na nagpapakita ng paghihiwalay ng mayayaman at mahihirap na bata. Ito ay naganap sa isang palaruan ng isang paaralan. Nakaupo sa magkabilang dulo ng laruang timbangan ang dalawang bata. Ang isa ay mayaman at ang kapares nito ay isang mahirap na bata. Hindi sila makapaglaro nang maayos dahil mas mabigat ang timbang noong mayaman kumpara sa mahirap na bata. Inisip ng mayamang bata na bigyan na laman ng baon ang mahirap na bata upang siya ay bumigat, subalit ito ay hindi gumana. Ang problemang ito ay ang pinagsimulan ng kanilang paglalarawan ukol sa kanilang buhay. Habang sila ay nag-uusap, kadalasan ay may darating na mga matanda at ang mahirap na bata ay laging nagtatago sa kanila. Pinagkumpara ng dalawa ang kanilang karanasan, nagkaintindihan, at naging magkaibigan. Sa huli, nakisama ang isa pang mahirap na bata, na sumama sa kanila dahil inalukan ng sorbetes, at dumagdag sa timbang upang silang tatlo ay makapaglaro nang maayos. Sa kuwentong ito at sa Marxismong pananaw, ang pagbibigay ng baon mula sa mayaman para sa mahirap ay hindi ang tunay na solusyon ng hindi pagkapantay ng dalawa. Ang pagsulyap ng mga matanda ay nagpapakita ng mga matatandang maaaring maging sagabal sa pag-iintindihan ng dalawa dahil sa sila ay hindi sanay sa pakikisalamuha sa mga mahirap at hindi nila alam ang nararanasan ng mahihirap. Ayaw ng mayamang bata na magkaroon ng opinyon ng matanda sa dahilang ito. Nang sila ay naging magkaibigan, nawala ang pagkakahiwalay ng mayaman at mahirap. Nang magsama ang mayamang bata at ang dalawang mahihirap na bata, nabigyang lunas ang kanilang problema.
Ang kantang Walang Natira ng Gloc9 kasama si Sheng Belmonte ay tungkol sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, dahil sa katiwalian ng mga pinuno, upang kumita ng mas mataas na halaga. Ang paglisang ito ay nagdudulot ng pagkawala ng magagaling na tao, na may iba’t ibang trabaho, mula sa Pilipinas. Nawawalan din ng magulang ang mga anak ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay mayroon ding hamak na maaaring maranasan ng mga Pilipinong ito. Sila ay nananatili pa rin doon dahil hindi ninanakaw ng mga pinuno ang sahod nila. Sa Marxismong pananaw, ang mga pinuno ng Pilipinas na may nagawang katiwalian ay ang nasa taas at ang mga manggagawa ang nasa ilalim na antas. Sa halip na buwagin ang tatsulok ng antas, nagpasailalim ang mga manggagawa sa ibang antas kung saan mas marami silang makukuhang pera ngunit may kapalit na hamak sa kanilang buhay. Ang hamak na ito ay ang paghihiwalay sa pamilya at hindi magandang kondisyon ng pagtatrabaho. Hindi nalutas ang problema ng mahihirap. Sa halip na pera ang kanilang kulang, nawalan sila ng kaligtasan mula sa hamak.
Ang Lamesa ng Yaman na isinalin ni Abigail Faith Cawili na Hango sa The Table Where Rich People Sit ni Byrd Baylor ay tungkol sa isang anak na babaeng tingin niya ay mahirap lamang ang kalagayan ng kanyang pamilya. Sila ay nakatira sa kalikasan. Nagpulong ang pamilya sa isang lamesa dahil gustong pabutihin ng anak na babae ang kanilang mahirap na kalagayan. Ginamit ng anak na babae ang lamesa bilang patunay ng problema. Nagpasiya ang mga kasapi ng pamilya na ilista kung magkano ang kanilang gastusin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Nang mabanggit ng mga magulang na ilang milyon ang halaga ng nakapaligid sa kanilang mga sulyap ng kalikasan na nakaugnay sa kanilang kapanganakan at iba pa, biglang napaisip ang anak. Naiba ang tingin ng anak sa pagiging mayaman nang maikumpara ang listahan niya ng mabibiling kagamitan sa sinabi ng mga magulang. Sa Marxismong pananaw, makikita ang pagkataas ng antas ng mga mayayaman laban sa mahihirap sa isipan ng anak. Nang mabigyan ng depinisyon ng mga magulang na hindi lamang ang mga may-ari ng mamahaling bagay ang mga mayayaman sa pamamagitan ng pagbigay atensyon sa kagandahan ng kalikasang lagi nilang nakikita at nagbibigay yaman sa kanila. Nabuwag nito ang isipang ang mga may-ari ng mamahaling bagay lamang ang mga mayayaman.
Sa kasukdulan, ang mga literaturang Pilipinong ito ay nagpapakita ng pangangailangang buwagin ang tatsulok ng mga antas partikular na ang mahihirap na napasasailalim sa mga mayayaman. Ito ay upang mabuksan an gating mga mata sa kasamang naidudulot ng tatsulok as ang kabutihan ng pagbuwag nito sa pamamagitan ng pag-unawaan at pagrerespeto sa isa’t isa.
0 notes