Tumgik
akosiulrik · 3 years
Text
Liham kay Nanay
Magigising nang wala ka Aruga mo’y inaasam Hindi ko mawari, Inay Ang ginawa mong paglisan Lingid sa’king kaalaman Kalinga’t alaga mo’y sa Ibang pamamaraan na Tadhanang mapagkait ay Ayaw tayong ipagsama Ma, handa akong ibigay Ang lahat, basta’t dito ka
0 notes
akosiulrik · 3 years
Text
Ganap na pagmamahal sa katagang “Mahal Kita.”: Paggalugad sa salita at kundisyon ng lipunang/wikang Filipino
“Kaya ang usapin ng wika at lahat ng mga usaping kaakibat ng wikang Filipino ay hindi lamang simpleng usapin ng wika, kaakibat nito ang usapin ng ating pagiging Pilipino, pagiging makatao, at makabayan. Ang ibig sabihin nito ang usapin ng wika gaya ng salitang “kita” ay dapat pagtuunan ng pansin ng lahat ng mga Pilipino dahil kaugnay ito sa lahat ng mga Pilipino” (Tauro-Batuigas, n.d., p. 3)
Tao. Pilipino. Filipino. Bayan. Bago natin simulan pagtuunan ng pansin ang salitang “kita”, umpisahan natin ang panggugulo ng isipan at pagtatanong sa kung paano nga ba nagsasanib at nagkukrus ang pagkakakilanlan natin—bilang tao, bilang Pilipino, bilang mga nagtatalik at ipinagbubuntis ang wikang Filipino, at bilang makabayan.
Sabi ni Rebecca T. Añonuevo, “…isa akong tao, bago isang babae.”, sa kanyang tula na Bago ang Babae. Humalaw naman sa tula ni Anonuevo si Ralph Galan at sinabing “…isa akong tao, bago isang bading.”, sa kanyang tula na Bago ang Bading. Ang mga tula na ito ay tula ng pagbabago, pagbabagong sumasalamin sa wika, dahil pag sinabi nga natin na wika ayon kay Dr. Tauro-Batuigas, hindi nahihiwalay ang usapin ng iba’t ibang aspekto ng buhay. Ang dalawang tula na ito ay halimbawa ng buhay at nagbabagong wikang Filipino, dagdag sa paksa ng pagbabago ng kalagayan ng kababaihan at bakla sa lipunan. Ngunit sa kabila ng matagumpay na pag aangkin ng kababaihan at mga bading sa espasyong matagal nang nararapat naman talaga para sa sinumang tao, hindi pa rin maitatatwa ang katotohanan ng pagsubok at kahirapan sa buhay lalo na sa pangkaraniwan o masang Pilipino maging anuman ang kasarian nila. 
“Ang babae, kapag bigay nang bigay, tanga! Kapag inuna naman ang sarili, masama! Saan ba talaga kami lulugar Ate V? Di ko na alam, ‘e. Ang pagmamahal ba sa sakripisyo lang maipapakita, ‘ha?”. Sa papalapit na pagtatapos ng pelikulang Hello, Love, Goodbye, ito ang mga binitawang salita ni Sally Daraga, isa sa mga OFW sa Hong Kong, na ginanapan ni Kakai Bautista habang humahagulgol sa pinapanood nilang “Anak” ni Vilma Santos habang magkakakumpol ng mga kasama niyang OFW roon. Sa sanaysay na Ang Pagbubuo ng Anak, inihalintulad sa anak ang wika, at siyempre, para sa isang magulang, hindi nawawala ang pangangalaga at pagmamahal dito. Sa sanaysay, tinalakay din ang pagmamahal sa konteksto ng katangian ng wikang Filipino na nagpapamalas ng pagsasanib o pagsasama ng ating sarili sa ating kapwa tulad nalang tuwing sasabihin natin ang mga salitang “Mahal kita.”. Balikan natin ang mga binitawang salita ni Sally sa unang bahagi ng talatang ito. Manggugulo muli tayo ng isipan at magtatanong. Babalikan natin ang sinabing katotohanan ng pagsubok at kahirapan ng buhay na naunang banggitin. Sa kabila ng mga wagi ng kababaihan, bakit tila nakukulong pa rin ang babae? At bakit tila dahil sa pagmamahal siya nagkakaroon ng mga pasakit, paghihirap, at pagsubok sa buhay na hindi naman patas na kanyang nararanasan? Ganito nalang ang makikita sa pangkalahatang danas na umiral sa pelikula—mula kay Sally na mismong nagbitiw ng mga salitang sinipi, sa ina ni Joy na nagbunyag ng lihim ng pagpapakasal niya sa kanyang amo na mapang-abuso na ayon sa kanya ay dahil sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya at sa tatay ni Joy na kalaunan ay napalitan ng galit, at sa mismong bida ng kwento na si Joy mula sa lahat ng mga sakripisyo, pagtitiis, at pangangarap alang-alang sa kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya.  
Bagaman makatotohanan at laganap ang naratibong inilahad sa pelikula, ang trope sa naging desisyon ni Joy sa huli ay hindi alinsunod sa mga pangkaraniwang pantasyang inilalahad sa mga pelikula. Hindi ito kwento ng damsel in distress na naghintay at umasa kay prince charming upang siya ay sagipin. Hindi ito kwento ng babaeng mahirap na sinwerteng maibigan ng isang lalaking malayo sa kanyang antas sa lipunan. Hindi ito kwento ng surrender at pag-oo ng babae dahil wala na siyang ibang magagawa.
Ang pelikula na ito ay kwento ng tunay at ganap na pagmamahal. “Mahal kita.”, madalas natin marinig ang mga salitang ito, at sa mga pelikula ay kaakibat nito ang matinding sakripisyo na pinagdadaanan ng bida. Madalas mapapanood na ibinibigay ng bida ang sarili. Ang bida ay pinipiling magparaya, magpaubaya, at limutin ang sariling pangarap, aspirasyon, at mga mithiin sa buhay alang-alang sa kanyang minamahal. Ngunit sa pelikulang ito, hinamon at tinutulan ang mahabang panahon ng pamimilit at pagnonormalisa sa pananaw na ang pagmamahal ay sa pagsasakripisyo lang maipapakita. Dahil sa pelikulang ito, napupukaw ang ating isipan upang tayo ay tumutol at maging mapanuri sa esensya ng pagmamahal. Dahil sa pelikulang ito, tayo ay pinaaalalahanan na maaari tayong pumiglas sa nakasanayang konsepto ng romantisisasyon ng resilience at pagpapakasakit alang-alang sa pag-ibig. Hindi na natin kailangan ipalaganap ang romantisasyon ng pagpapakasakit sa halaga ng ating sarili at pagkatao. Tapos na ang mga araw na wala tayong tinitira sa ating mga sarili alang-alang sa pagmamahal. Tapos na ang mga araw ng paglimot sa ating mga pangarap dahil lang may mas convenient na oportunidad na lumitaw sa ating buhay. Nalilimutan natin na kapag sinabi nating “Mahal kita.”, sinasama natin ang ating sarili doon sa taong sinasabihan natin. Magkaiba nga iyon sa “I love you.” sa Ingles. Huwag natin kalimutan ang ating sarili tuwing inihahayag natin ito. Paano tayo makapaghahayag ng ganap na pagmamahal kung hindi natin sinasama ang ating sarili sa pagmamahal na iyon. Ang pagsabi ng “Mahal kita.” ay nangangahulugan din ng pagmamahal sa iyong sarili, at hindi magiging ganap ang pagmamahal na iyon kung wala kang tinitira na pagmamahal para sa sarili mo. 
Sa huling eksena ng masinsinang pag-uusap ni Joy at Ethan sa pagtatapos ng pelikula, sinabi ni Joy “Ethan, mahal kita. Pero sa ngayon mas mahal ko ang sarili ko.” Masasabi ko sa mga sumunod na palitan nila ng linya ay naging ganap ang paghayag nila ng pagmamahal nila sa isa’t-isa na taliwas sa naging usapan nila noong eksena ng kanilang tunggalian na matatandaang sinabi ni Joy “Hinanap ako kung nasaan ako doon…Lahat ng gusto mo para sa akin, pero hindi mo ako tinanong kung ano ang gusto ko, kung ano ang kailangan ko.”
Bagaman mahal ni Joy si Ethan, pinili niyang umalis. Bilang pagtatapos, nais kong isipi ang kanyang sinabi kay Ethan doon sa eksena ng kanilang tunggalian. “It’s not a question of love. Mahal na mahal kita. Sana maniwala ka doon. Pero may tanong sa loob ko, na ako lang ang makakasagot. May kulang sa sarili ko na hindi kayang mapunan, kahit ng pagmamahal mo. Gustong gusto ko sabihin sayo na “Yes, dito nalang ako. Hindi na ako aalis dahil na mahal na mahal kita.”. Pero hindi ko mapapangako na hindi ako malulungkot, na walang araw na hindi ko maiisip, “What if?”, na hindi ako magagalit sayo, na hindi ako makakaramdam ng regrets sa mga hindi ko nagawa dahil nagmahalan tayo. Natatakot akong umabot tayo doon.”
Magsilbi sanang paalala ang pelikula na ito na magiging ganap lamang ang paghayag natin ng “Mahal kita.” kung ang pagmamahal sa sarili ay kapantay ng pagmamahal sa pinag-uukulan ng mga salitang iyon, dahil kabilang din ang iyong sarili sa pagsambit ng “kita”. At para sa mga kababayan natin na mga OFW, sana ay mahanap at pairalin nila ang pagmamahal na iyon na hindi pinababayaan ang kanilang sarili sa kabila ng mga iba’t ibang pagsubok at mapanghamon na mga sitwasyon na kanilang pinagdadaanan.
0 notes
akosiulrik · 3 years
Text
PHSDIAS Drabble: Proudly Pinoy
Unang pagkakataon kong imbitahin ang isang kaklase sa bahay.
“Bry.”
“Yeah?”
“Just curious.”
“Mhm?”
“What’s that measuring cup in your bathroom for?”
“What measuring cup?”
“The round thing with a handle.”
“The red one?”
“Yeah.”
“That’s called a tabo.”
“What do you use it for?”
“That’s what you use for washing your ass after you take a dump.”
“Is that a thing in the Philippines?”
“What is?”
“Washing your ass after you take a dump.”
“Yes.”
“I see.”
“We haven’t had time to install the bidet yet though.”
“What’s a bidet?”
I chuckled, salamat sa Diyos at lumaki akong Pinoy.
0 notes
akosiulrik · 3 years
Text
PHSDIAS Blog Post 1
“It was however, then president Corazon Aquino, who succeeded Marcos, which started to call migrant Filipinos as “modern-day heroes” or bagong bayani in Filipino, in our local parlance. This label has discursive origins in Catholic notions of suffering and sacrifice, so it is something very powerful for most Filipinos. Banks, remittance centers, movies, television shows, shopping malls, use this or appropriate this label towards migrant Filipinos. I argue however, that it is a legitimating tool to normalize suffering and sacrifice in working abroad and justifies the state’s role as the “protector” and not a labor supporter.”
“While they are heroes and front liners, they have long been heroes and front liners even before Covid, and the fact that the discourse of heroism is being waged repeatedly due to Covid whether on the part of local nurses or Filipino migrant nurses, is not something that should be promoted. Yes, they are heroes, but to the extent that this has consequences on how their work is going to be perceived is something problematic. I hope that the discourse on heroism and then being front liners should not be seen as a way to downplay their working conditions, working conditions that have to be reformed, that have to be improved whether there is Covid or other diseases in the future.”  
Ito ang mga punto mula sa ispiker na di ko malilimutan dahil ito rin ang pananaw ko sa ikinakabit na “bayani” na titulong kunwari ay pagpaparangal sa mga OFW ngunit sa katotohanan ay isang taktika ng pagsmokescreen sa mga kakulangan sa/kawalang aksyon, pagtugon, at polisiya di lamang kaugnay ng karanasan ng OFWs at mga migrante kundi pati na rin sa totoong kalagayan ng paghahanapbuhay sa bansa. Isiniwalat ng ispiker ang estratehiya at pinagmulan ng pagpapakete sa mga OFW bilang mga bayani na nagmumula sa katangian ng pagmamartir sa Kristiyanong pananaw. Nagkakaroon ng false o problematikong gloripikasyon sa pagpapakasakit at umiiral ang hindi makatarungan na romantisasyon sa resiliency o katatagan. Nagiging normalisado o katanggap-tanggap ang mga di-makataong kundisyon ng paghahanapbuhay sa ibang mga bansa. At sa pagiging katanggap-tanggap ng ganitong pananaw bilang “katotohanan” ng pangingibang-bansa upang maghanapbuhay, nabibigyang puri ang pamahalaan para sa imahinasyong nabubuo na katangi-tangi ang kanilang pagiging tagapagligtas o “savior” tuwing may mga matitinding mga krisis na nararanasan ang mga OFW. Ito ay performative lamang at pagpapakitang-tao ng pamahalaan, walang katangi-tangi ukol sa pagiging “tagapagligtas” nila dahil ito ay kanilang tungkulin at maikakatuwiran pa nga na bare-minimum lamang ito sa pagtugon nila sa gampanin bilang pamahalaan. Nilalayon lang gamitin ang mga pag-aksyon sa mga extreme o life-threatening na mga sitwasyong hinaharap ng mga OFW para magpabango o ikubli o i-mask ang kawalan ng pagtugon ng pamahalaan sa ugat ng problema ng oportunidad at aksesibilidad ng trabaho o employment sa Pilipinas, at ikinukubli rin nito ang alternatibong mga motibo ng mga polisiya ng pamahalaan na yumuyuko sa dikta ng kanluraning mga kapangyarihan upang pagtuunan at isatisfy ang mga neokoloniyal pwersa.
0 notes
akosiulrik · 4 years
Text
TA7: Reaksyong Papel sa It’s not you. Phones are designed to be addicting. ni Ulrik Espinosa
Sa pambungad na gawain nang ipakilala ang paksa ng bagong midya, ipinasulat ang mga salita na pumapasok sa isip kapag nakita o nairinig ang salitang “smartphone.”
Hindi nahihiwalay sa katawan.
Ekstensiyon ng katawan.
Kung anu-ano ang nilalaman.
“Smartphone” pero hindi “smart” ang user.
Iyan ang mga isinulat kong salita na agad pumasok sa aking isipan nang makita ko ang salitang smartphone. At pagkatapos ko mapanood ang It’s not you. Phones are designed to be addicting., doon ako nagkaroon ng mas malalim na kaalaman sa kung bakit nga ba ganoon ang aking obserbasyon at nararamdaman sa mga smartphone.
Una, magandang maliwanagan na hindi pala sa dahil hindi “smart” ang user kaya halos maging alipin na tayo ng ating sariling mga smartphone. Ang pagkadisenyo pala sa mga ito ay para talagang mahumaling at tuluyan tayong malulong sa walang katapusang pagscroll, pagdutdot, at pagpindot sa ating mga smartphone.
Ikalawa, bilang ekstensiyon ng ating mga katawan, tila hindi na nga mahiwalay sa ating kamay ang ating mga smartphone. Kung hindi natin hawak ay siguradong ito’y nasa tabi lamang natin maging sa ating pagtulog. Ngunit sa bidyo na napanood, mas malalim ang pagpapaliwanag ng kaugnayan ng di natin mabitaw-bitawan na mga smartphone. Dahil sa pagprograma sa mga notification sa iba’t-bang mga plataporma ng social media tulad ng Facebook, ipinaliwanag na nagdudulot ito ng pag-asam sa social interaction hanggang sa punto na di natin namamalayan ay halos maging papet na tayo dahil sa epekto ng mga non-human notifications na maitutulad sa paghatak o pagkontrol sa isang papet ang naidudulot sa atin na pakiramdam ng pag-aasam na magkaroon ng social interaction.
Kaugnay naman sa notifications, makikita rin ang sikolohiya at agham sa likod ng pagkalulon natin sa ating mga smartphone. Kung sa naunang talata ay isiniwalat na kailangan maging mulat sa epekto ng mga non-human notification na may sala sa pagkakaroon natin ng matinding pagnanais sa social interaction dahil nairereplika nito ang ating nararandaman mula sa mga human notifications, dito naman ay isisiwalat ang itinalakay na infinite scrolling sa bidyo. Nakakagulat na di natin namamalayan na ang pagdisenyo pala para sa ating user experience ay talagang may dahilan kung bakit may pagkakatulad ang porma ng mga social media platforms na ating kinahuhumalingan. Dahil sa infinite scrolling o ang pull to refresh feature, nagkakaroon ng mabisa na epekto sa ating pagkalulong sa isang app dahil ang sikolohiya sa likod nito ay maitutulad sa mga slot machine. Masasabi na mas mabisa pa ito na makapagkonsumo ng atensiyon at panahon ng tao dahil walang katapusan ang masasabing reward o gantimpala mula sa pag-scroll o pagrefresh na nasa anyo ng panibagong impormasyong pumapasok sa bawat pull to refresh na gawin.
Naiiba naman nang kaunti sa infinite scrolling ngunit kasing bisa pa rin nito ay ang itinalakay rin na video autoplay feature, dito naman ay nagkakaroon tayo ng pakiramdam ng pagkalulong at pagnanais na makapagkonsumo ng impormasyon dahil sa tuloy-tuloy o masasabing walang hangganan na pagpasok ng bagong content o bidyo, dahil ang feature na ito ay kadalasan na iniuugnay sa video content at streaming platform na Youtube.
Bilang konkulsyon, mainam nga na pagngilayan natin kung anu-ano nga ba ang mga bagay na nararapat natin bigyang pansin at tunay na dapat paglaanan ng oras at atensiyon lalo na sa panahon ngayon na tila walang katapusan ang pumapasok na ipormasyon saan man tayo tumungo, lalo na sa mga platapormang digital. May naaalala akong pagtatalakay na kung di ako nagkakamali, sinabi na ang lahat ng mga bidyo na nakaupload sa Youtube ay hindi matatapos panoorin ninuman sa loob ng lifetime o lifespan ng isang tao—ganoon na lamang karami ang impormasyon o content na nakaupload at patuloy na dumadagdag sa patuloy na pag-uupload na mula sa isang digital platform pa lamang, kaya mahalaga na tayo ay magkaroon ng kamalayan bilang aktibong tagapagsuri ng impormasiyong dumadaloy sa atin sa halip na pasibong mga tagatanggap lamang ng mga impormasyong ito. Dapat rin tayong magkaroon ng sariling kusa o aktibong inisyatibo na pangunahan ang mga mekanismo na may kakayahan at kapangyarihan tayong baguhin tulad ng mga settings na makatutulong sa ating pananaw at sikolohiya upang magkaroon ng hangganan sa impormasyong ating tinatanggap at naikokonsumo.  
0 notes
akosiulrik · 4 years
Text
TA6: Repleksiyon ni Ulrik Espinosa
Mula sa pagtatala sa loob ng pitong araw o isang linggo, 112 na oras ang aking iginugol sa tapat ng screen mula sa cellphone, laptop, hanggang sa telebisyon. Kung aking ikukumpara sa aking karanasan bago mag pandemya, masasabing higit na mas maraming oras ang inilalaan o iginugugol sa mga gadget, digital devices, o anumang platapormang pinanggagamit sa mga online o digital na mga gawain sa panahong ito. Ito ay sa kadahilanan na sa kasalukuyang panahon, ang mga klase at pagkikita kaugnay sa pang-akademiko o co-curricular na mga gawain ay kinakailangan gawin sa mga digital o online na plataporma dahil sa pandemya.
Noong mga panahong bago ang pandemya, pisikal na ginagawa ang mga klase at sa mga oras ng klase ay kaunti o limitado lamang ang pangangailangan sa mga gadyet, kumpara ngayon, lahat ng mga takda, gawain, at maging ang mismong mga klase ay kinakailangan ang mga digital na midyum upang maisagawa ang mga kahingian at mga lektyur.
Dahil rin sa pandemya, limitado ang kilos ng mga tao. Apektado di lamang ang larangan ng edukasyon kundi pati na rin ang mga maaaring libangan ng mga tao. Dahil sa mga limitasyon na ito, pili rin lamang ang mga gawain na mas aktibo at di ginagamitan ng mga gadyet ang maaring gawin. Dahil rin hindi hinihikayat na lumabas ang mga tao kung hindi naman kinakailangan, ang pinagkukunan ng paglilibangan ay mas nanggagaling sa mga online na midyum o mga gadyet at teknolohiya.
Kaugnay rin nito, ang komunikasyon ay naaapektuhan rin dahil bago magpandemya, pisikal ang ating pakikisalamuha sa iba’t-ibang mga tao, pisikal ang komunikasyon sa ating mga kaibigan at ibang mga mahal sa buhay. Ngunit dahil sa banta sa kalusugan at kaligtasan ng tao, ang ating komunikasyon sa ilan nating mga kaibigan at mahal sa buhay na hindi natin kasama sa bahay ay nalilipat sa espasyong online at digital.
Para sa aking personal na karansan, bagaman mas marami ang oras na aking iginugugol ngayon sa mga online o digital na midyum, sa tingin ko ay nagkakaroon ako ng sapat na oras ng pagtulog kumpara dati dahil ngayon ay nasa bahay lang ako at walang pagod at oras ang nasasayang sa mahahabang biyahe papunta sa paaralan at pauwi. Maipagmamalaki ko rin sa aking sarili na kahit nagpandemya ay nanatili pa rin ako na walang hilig sa mga kompyuter games, gaming apps, o iba’t-ibang mga libangan tulad nito bukod sa panonood ng mga pelikula, dokumentaryo, at serye na kadalasan ay galing sa Netflix. Masasabi ko na produktibo ang aking paggamit ng mga online at digital na mga plataporma dahil ang pinakamalaking oras na inilaan ko dito ay para sa mga gawaing pang-akademiko at co-curricular. Susunod naman dito ay ang aking panonood ng mga pelikula, dokumentaryo, at serye sa Netflix, at ang huli ay ang oras na aking iginugugol sa social media. Aaminin ko na kung may isa akong gustong mabago at maipagpapabuti pa, ito ay ang pagbabawas pa lalo ng oras sa social media. Ngunit isa itong pagsubok dahil lalo na sa panahon ngayon, ito ang mga platapormang mapagkukunan na ng pinagsama-samang impormasyon tulad ng mga mahahalaga at napapanahong balita hanggang sa pakikipag-usap at komunikasyon sa mga kaibigan at makita ang kanilang kalagayan pati na rin ng mga ibang mga kamag-anak at mga mahal sa buhay.
Sa panahong ito, sa tingin ko ay nababalanse ng sapat na oras ko ng pagtulog ang paglaki ng oras na aking ginagamit sa mga online o digital na midyum, ngunit kahit ito ang aking palagay, hindi pa rin maitatanggi ang makaramdam ng burnout dahil sa dami ng gawain na kinakailangan ng mga digital o online na mga platapormang ito. Bukod sa mga gawaing pang-akademiko at co-curricular, isang konkretong halimbawa na aking mababahagi sa epekto ng mas mahabang paggamit ng digital technologies ay bilang isang host. Iba ang pagod na nararamdaman sa paghost ng isang webinar o online event kumpara sa mga pisikal na pagdiriwang at mga pagtitipon. Nakakapagod manatiling nakaupo at nakatapat ang mata sa screen para sa isang event. Noong nakaraang Biyernes at Sabado ay naghost ako ng 2-day webinar na ginawa mula ika-10 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon at unang araw pa lang, pagkatapos na pagkatapos ng event ay napahiga ako sa kama at tuluyang nakatulog sa pagod. Iba ang strain at drain na idinudulot ng tuloy-tuloy or matagalang paglalaan ng oras sa tapat ng mga screen.
0 notes
akosiulrik · 4 years
Text
Teoryang Gay sa Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend?
Mapangahas ang tinahak na daan ng pelikulang Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend? ni Jun Luna sa paghamon sa mga construct na dinidikta o kaya naman ay inoobserbahan ng lipunan sa usapin at ekspektasyon sa pagkalalaki o masculinity.
Ang pelikulang ito ay sumusunod sa buhay ni Kylie na ginaganapan ni Anne Curtis sa kanyang pakikipagsapalaran na makahanap ng tunay na lalaki na magmamahal sa kanya. Ito ang naging misyon niya bunga ng sunod-sunod na karanasan sa kanyang mga naging kasintahan na napag-alaman niyang mga paminta o mga baklang kloseta (closted) o tago, na ginamit siya upang makapagpanggap na maging lalaki o kaya naman ay “labanan” o tanggihan ang kanilang paggiging bakla. Dahil dito, naniniwala siyang kaya niyang matukoy kung ang lalaki ba ay beki sa isang tingin pa lang.
Gagamitin ng kritika na ito ang teroyang gay sa pagpuna at pagsusuri ng pelikula. Ito ay humahango sa at ginabayan ng mga kaisipan mula sa sulatin ni J. Neil Garcia na Redefining Masculinity mula sa Slip/pages, Essays in Philippine Gay Criticism.
Sa pamagat pa lang ay makikita na natin na naglalaro sa isipan ang isang kundisyong pumapaloob sa usapin ng pagkalalaki o masculinity. Ano nga ba ang ibig-sabihin ng tunay na pagkalalaki? Di maiiwasan na naka-embed sa mga kalalakihan ang imahe ng pagkalalaki bilang macho, matipuno, at brusko. Pinapakita ng pelikula na ito na may mga bakla na tumatanggap sa “hamon” na “magpakalalaki” sa anyo, bihis, hilig, porma, at kilos--mula sa pagpunta sa gym at pagpapalaki ng katawan, at pagkakaroon ng mga nobya (minsan pa nga ay mga asawang babae) nakikipagsabayan ang bakla na umaasa na mula sa pag-aayon nila sa construct na ito ay una, magkakaroon sila ng mas malaking pagkakataon na magkaroon partisipasyon sa “male bonding” na itinuturing na pagsasama ng mga heterosekuwal na lalaki na mas may intimasiya ngunit hindi pa rin kinikilala bilang kabaklaan ang kanilang gawain dahil sa pagtanggi ng heteroseksuwal na lalaki sa anumang pag-aakit sa kapwa heteroseksuwal na lalaki o bakla o kaya ang pangalawa naman na maari nilang mahanap ang “kiliti” ng mga heteroseksuwal para magduda ang mga ito sa kanilang orientasyon.  
Kapuna-puna rin sa pelikula na sa pag-aayon ng mga bakla sa imaheng masculine, natutukoy o naamoy pa rin nila ang kapwa bakla. Kahit hindi ipinakita sa pelikula, nais kong ilantad bilang kritiko, na isa sa mga negatibong resulta ng pag-aayon ng mga bakla sa umiiral na imaheng macho ng lalaki (maging bakla o heteroseksuwal man) ay ang bunga nito na kulturang masc4masc o kagustuhan ng bakla sa mga kapwa macho o masculine lamang na bakla. Nagkakaroon ito ng internalized homophobia o diskriminasyon mismo sa loob ng gay community laban sa mga baklang malamya o di-umaayon sa macho na imahe ng lalaki. Nagkakaroon lamang ng hangganan ang tolerance o pagtanggap ng mga masc4masc na bakla sa mga baklang effem o nagpapakita ng effeminacy lagpas sa kung ano ang dinidiktang katanggap-tanggap ng mga masc4masc na bakla bilang pamantayan nila sa pagpatol (pakikipagdate o pakikipagtalik) o kahit ang simpleng pakikisalamuha. Ito ang aspektong masasabi ko na nagkulang o mahina ang pelikula dahil hindi makatotohanan ang paglalahad nila ng gay community sa konteksto na lahat ay tanggap at walang panloob na pagtangging nagaganap sa mga baklang effem.
Sa kabilang dako naman at sa mas positibong pananaw sa pagsusulong ng teoryang gay, makikita natin ang pagbuwag o paglihis mula sa nakasanayang masculine stereotype na inaasahan mula sa mga lalaki sa pakikipagsapalaran ni Kylie at ng kanyang kaibigang si Benj na ginaganapan ni Paollo Ballesteros upang malaman kung bakla ba ang gwapong nitong kababata na si Diego na ginaganapan ni Dennis Trillo.
Si Benj ay matalik na kaibigan ni Kylie na katrabaho rin niya bilang wedding planner. Sila ay naging magkasintahan ngunit si Benj, tulad ng ibang naging nobyo ni Kylie, ay bakla. Ang paglalantad na iyon ni Benj ay nanatili sa kanilang dalawa lamang ni Kylie. Naging malapit na magkaibigan sila habang tinatamasa ni Benj ang mga munting kaligayahan ng isang kloseta (closeted) na bakla. Sa obserbasyon ng karakterisasyon ni Benj, hindi siya ang tipong masc4masc na nabanggit sa naunang talata, bagaman di siya naglalantad at conscious siya sa kanyang mga galaw sa publiko bilang kloseta, may mga pagkakataon na “nadudulas” siya at lumalabas ang mas likas niyang pagkalambot.
Kung iuugnay naman natin ngayon ang papel at karakterisasyon ni Diego, siya ay kababata ni Benj na bukod sa matalik niyang kaibigan ay may matagal nang lihim na gusto ni Benj sa kanya. Si Diego ay itinayo sa pelikula bilang isang gwapong lalaki na habulin maging ng babae man o bakla. Ngunit, si Diego ay may natural na kilos na malambot at malamya. Kung ikukumpara sa macho at bruskong pagkakatayo ng lalaki sa lipunan, malayo si Diego rito. Masasabing siya ay maaalahanin, mapagmahal, at butihin. Pinaglaruan ng pelikula ang paggiging maginoo bilang isang katangiang madalang nang mahanap sa isang lalaki kaya isa ito sa mga naging dahilan ng pagdududa nila Benj at Kylie sa seksuwalidad o “pagkalalaki”ni Diego na nag-udyok sa kanila na hanapan pa ng mga ebidensiyang magpapatunay o bubuwag sa hinuha nilang may tinatagong lihim ni Diego.
Pinaniniwalaan ni Benj na dahil sa mga karanasan ni Kylie na lahat ng kanyang mga naging nobyo ay mga bakla, ay mapagkakatiwalaan ang kanyang “gaydar” sa pagtukoy kung bakla ba ang isang lalaki. Kaya naman ang naging plano nila ay magkunwaring magkasintahan habang tumutulong sa pagplano ng kasal ni Diego at ng kanyang fiancé na si Fiona upang malaman kung palabas lamang ba ang kasal na iyon at magkaroon ng kumpirmasyon si Benj na may pagkakataon siyang umamin ng kanyang tunay na nararamdaman kay Diego. Kung babalikan ang sinabi kanina tungkol kay Benj na hindi siya isang masc4masc gay, isa ito sa patunay na walang isyu si Benj sa pagkamalambot at pagkalamya ni Diego. Bagaman hindi streyotypical ang pagkalalaki o masculinity ni Diego ay hindi ito inapektuhan ang pag-aakit na naramdaman ni Benj para sa kanya.
Makikita na marami ang nalagyan ng tsek ni Kylie sa kanyang “gaydar” bilang mga ebidensiyang makapagkukumbinse na bakla si Diego mula sa kanyang obserbasyon at imbestigasyon. Sa bawat pagkakataon na bibigyan siyang dahilan na isipin na hindi bakla si Diego, may agad-agad na sumusulpot na mga pagpuna si Kylie para taliwas dito ang paniwalaan niya.
Mula sa pagkakaalam ni Diego ng modelo at brand lipstick, hanggang sa kanyang bihis at porma, kalinisan sa katawan/grooming, ang kanyang gupit at ayos ng buhok, ang lahat ng mga ito ay naging salik upang makumbinse si Kylie na bakla si Diego. Dagdag pa rito ang pamilyang kanyang kinalakihan—mula sa isang sundalong ama, relihiyosong ina, at ang kaniyang “Tiya” Lexi na kambal na lalaking kapatid ng kanyang ama na malapit na malapit sa kaniya, inilatag ito bilang mga ebidensiyang magpapaniwala sa kahit sino na sapat na upang makumpirma na bakla nga ang isang tao dahil sa mga kundisyong ito. Di rin mapipigilan ang tawa sa reaksyon ni Kylie sa mga eksena ng pagtili ni Diego sa sinehan, pagtingin niya sa kanyang mga kuko, at pag-inom mula sa tasa, na pati ang gawaing ito ay may isinusunod sa social construct o gendered na paraan ng paggawa.
May tatlong natatanging eksena rin sa pelikula na manipestasyon ng ilang pagpuna ni Garcia sa pagsusulong ng isang mas inklusibong pagpapakahulugan sa masculinity. Una ay ang pagpuna niya na kahit sa kilusan ng post-feminism, may mga pag-atake at pangmamaliit na mararanasan ang mga bakla at lesbian mula sa mga heteroseksuwal na mga feministang babae. Makikita sa pelikula ang halimbawa na ito sa sama ng loob na nilabas ni Kylie sa mga bakla nang akusahan niya ang mga panauhin sa pagdiriwang ni Tiya Lexi na mga bakla hanggang dumating sa punto na nilaglag o iniladlad niya si Benj kay Diego bilang isang bakla. Ang ikalawa ay ang pagpuna ni Garcia sa problema ng kasalukuyang kahulugan ng masculinity na inuugatan ng ideolohiyang naimpluwensiyahan na “natural” na agresibo, bastos, at abusado ang katangian ng pagkalalaki. Makikita na noong sinubukan ni Kylie na makipagdate sa lalaking iminungkahi sa kanya, bagaman tama ang kanyang “basa” na “tunay” na lalaki ang nakadate niyang iyon, ay di naman niya naiwasang makaramdam ng pagka-ilang at pagkaharass. Makikita na noong binigyan nga siya ng pagkakataon na makadate ang isang macho at bruskong lalaki ay di maiiwasan na nakadikit ang mga di kaaya-ayang katangian ng pagkalalaki. Ang huli naman ay ang esensiya ng paghamon ni Garcia sa kinagihasnang pagpapakahulugan ng masculinity o pagkalalaki. Kanyang isinusulong na dapat magkaroon ng bagong pananaw na nagbibigay kahulugan sa pagkalalaki—kasama dito ang pagtanggap na hindi ikababawas o ikawawala ng pagkalalaki ang paggiging bakla. Nakita natin sa pelikula na bagaman hindi bakla si Diego ay hindi rin kawalan ng pagkalalaki niya ang paggiging malambot at pagkakaroon ng mga katangiang inaasahan sa bakla. Dagdag pa rito, ipinakita niya na handa siyang maging bakla kung ibig-sabihin nito na mamahalin siya ni Kylie. Iyon ang pinakamahalagang pahiwatig mula sa pelikula sa isinusulong ni Garcia--na mas nakakalalaki pa ang pagiging bading kaysa sa kinagisnang macho na imahe ng lalaki.
0 notes
akosiulrik · 4 years
Text
Nik-Nik ni Nikkei Bernal
Ulrik A. Espinosa
PHSPAMI
Simple, direkta, ngunit puno ng pag-asa’t may surpresa. Ganyan inilahad ang kwento ni Nik-Nik, isang batang kyut na kyut na tiyak na kagigiliwan ninuman. Sasamahan siya ng manonood sa kanyang misyon na buuin ang rubik’s cube sa kanyang hangarin na ihandog ito bilang regalo sa kaarawan ng kanyang guro sa matematika na si Teacher Anna na lubos niyang hinahangaan.
Si Nik-Nik, tulad ng sinumang naging mag-aaral sa kanyang kabataan, ay may malaking paghanga sa isa sa kanyang mga guro. Sa isang punto sa ating buhay marahil ay nagkaroon tayo ng guro na ating tinitingalaan, na abot-tainga na lamang ang ating ngiti kapag tayo’y binigyang papuri at marinig ang matamis na pag-apruba sa ating mga gawain sa klase. Ganoon kabisa ang pagganap ni Nik-Nik bilang isang estudyanteng may bituing nagnining sa kanyang mata kapag klase na ng kanyang paboritong guro. Sino ba naman ang mag-aakala na ang paghanga na ito ni Nik-Nik sa kanyang guro ay dahil may crush pala siya sa kanyang guro? Ito ang unang halimbawa ng simple ngunit mahalagang pahiwatig ng kuwento. Siguro’y di maiisip ng karamihan sa atin na ang giliw na nararamdaman ni Nik-Nik ay dahil crush niya ang kanyang guro. Kahit na tayo minsa’y nagka-crush na rin sa isa sa ating guro, ang naratibong naglalaro sa ating isipan ay nagmumula sa heteronormatibong kaisipan na normal lang magka-crush ang isang batang lalake na estudyante sa kanyang guro na babae. Di lamang ito isang pagpapahiwatig ng kaisipang sentralisado sa heteroseksuwal na pananaw kundi maaari rin maipagtanto na kung ito ba ay nagmumula sa impluwensiyang patriyarkal, dahil kung mas katanggap-tanggap ang ideya na ang batang lalaki na estudyante na magka-crush sa kanyang babaeng titser ay pangkaraniwang pangyayari sa kanyang paglaki kaysa sa senaryo na ang mga batang estudyanteng na babae ay magka-crush sa kanilang kanilang lalaking titser na masasabi natin ay taboo o discouraged o di-masyadong pinag-uusapan, eh ano pa kaya ang maggiging reaksyon sa bata na si Nik-Nik na isang batang babae na estudyante na nagka-crush sa guro niyang babae kung mas lantaran ang paglalahad ng pelikula sa nararamdamang ito ni Nik-Nik.
Ang masasabi kong kalakasan sa piniling subtlety sa pagsasalarawan ng admirasyon ni Nik-Nik kay Teacher Anna ay isang kalakasan dahil ito ay mabisang sumasapul sa damdaming pamilyar sa ating lahat -- ang magkaroon ng lubos na hinahangaan. Di agad mababahiran ng prejudice ang mga manonood o magkaroon agad ng biyolenteng reaksyon dahil walang lantarang pag-amin sa uri ng paghahangang nararamdaman ni Nik-Nik, imbis, ang paglalarawan sa kanyang nararamdaman ay kumakatok sa puso ng manonood gamit ng mga karaniwang pangyayari na halos direktang maiuugnay sa ating sariling karanasan sa ating pagkabata.
Makikita sa isang eksena na inihayag niya ang kanyang interes na makipaglaro sa mga lalaki niyang kaklase, ngunit tinanggihan siya dahil hindi naman daw siya lalaki. Sa halimbawang ito, makikita muli natin ang kamusmusan at banayad na hangarin ni Nik-Nik na makipaglaro. Sa payak na paghahangad nito, muli itong nakapanumbalik ng pamilyar na pakiramdam at ala-ala sa ating kabataan na tayo rin minsan ay tinanggihan ng iba nating mga kamag-aral at kaibigan na makisali sa kanilang laro dahil sa kung-anumang mababaw o inimbentong dahilan. Mabisa ang eksenang ito na muling maipakita na tayo rin ay minsang tumayo na sa kinatatayuan ni Nik-Nik, at bilang manonood, maiintindihan natin ang kanyang hangarin na makipaglaro sa inosente niyang tanong na kung mali ba na siya’y maging lalaki upang makasali sa laro na gusto niya laruin.
Sa dalawang perspektibo natin ito ngayon maaaring suriin: ang una ay sa nabanggit na pagpapahiwatig ng eksena na tayo rin ay nakaranas na tanggihang makasali sa isang laro tulad ni Nik-Nik kaya’t nagagawa natin siyang kampihan sa kanyang hinanaing; ang ikalawa naman ay ang paghamon sa nakagawiang pagkakahon o pag-uuri ng mga gawain bilang panlalaki o pambabae. Ginamit ng pelikula ang simpleng halimbawa ng laro, ngunit sa ating kinalakihan, mas marami pa ang halimbawa ng pag-uuri na ating kinalakihan na naging dahilan ng pagkulong sa ating isipan. Isang angkop na halimbawa nito sa konteksto ng pelikula bilang mag-aaral ay ang mga pag-uuri ng mga gawain, pangngalan, o pandiwa bilang panlalaki, pambabae, di-tiyak, o walang kasarian. Sa makitid na pagkakahon na ito, bata pa lang ay nagkakaroon na ng mga limitasyon sa kung ano lamang ang maituturing akma na gawain ayon sa kasarian. Ang tanong na nais iiwan ng eksenang ito ay, kailangan ba talaga maging lalaki ni Nik-Nik upang makasali? Di ba dapat ay malaya tayo na makapili o gumawa ayon sa kagustuhan natin nang di nagpapakahon o nagpapasailalim sa anumang pag-uuri o pag-stereotype?
Sa unang sulyap sa pamilya ni Nik-Nik ay may mapapansin na tila may pagkukulang na di-agad matukoy sa uri ng relasyon na meron sila sa isa’t-isa. Masasabi ito dahil kapuna-puna na ang kanyang mga magulang ay walang natatanging pagpapamalas ng labis na paglalambing na karaniwang makikita sa isang pamilya ng kwelang bata na bida ng isang kwento. Ngunit, kung iisipin, ang pagganap bilang mga magulang ni Nik-Nik ay masasabing mabisang paglilihis sa nakasanayang ekspektasyon ng manonood na nag-uuri sa mga magulang ng batang bida ng kwento bilang cheesy o ang sinasabing pa-tweetums sa eksagerasyon. Ang napiling pagganap sa karakter ng mga magulang ay sumasalamin sa katotohanan na hindi lahat ng mga magulang ay inaasahang maging tulad ng nakasanayan na nakikita sa pelikula na tila hindi nangangawit ang mukha sa kakangiti at matinis at may lundag sa pananalita sa bawat sasabihin. Ang paglalarawan sa mga magulang ni Nik-Nik ay mas makatotohanan dahil may mga magulang na iba iba ang lengguwahe ng pag-ibig, may mga iba na hindi vocal o hindi pala-yakap o pala-halik, ngunit mararamdaman pa rin ang kanilang pagmamahal at suporta, at doon naman naipamalas ng mga magulang ni Nik-Nik ang kanilang pagmamahal sa kanilang anak. Marunong silang makapansin sa nararamdaman ni Nik-Nik at nandoon sila upang tulungan siya pag siya’y nangangailangan kaya nagampanan nila ang kanilang tungkulin kahit na lumhis sila sa isteryotipikong karakterisasyon ng magulang sa dyanrang tulad ng pelikula.
Ilan pang mga natatanging simbolismo na ginamit ay ang mismong rubik’s cube. Makikita na ito ay ibinigay ni Teacher Anna kay Nik-Nik dahil nais niya iparamdam na siya ay espesyal. Nabalikan ngayon ni Nik-Nik ang kaklase niyang lalaki na hindi siya pinayagang sumali kasama ng iba pang mga lalaki niyang kaklase nang nagka-interes ito na laruin ang kanyang rubik’s cube nang sagutin niya itong, “Bakit? Unique ka ba?” Nakakatuwa ang eksenang ito dahil si Nik-Nik ay nagkaroon ng kanyang maaring panghawakan na laro o bagay na para lamang sa kanya at mga tulad niyang maituturing “unique.”   Bukod pa rito, makikita natin na ang isang kapansin-pansin na kaklase niyang lalaki na katabi niya ay may-alam sa rubik’s cube at kanyang inaalok ng tulong si Nik-Nik. Mapapansin na sa umpisa pa lang ng pelikula ay mabait na at may pagnanais siyang maging malapit kay Nik-Nik sa kanyang nakabungisngis na pagbati at mga inisyatibong makipag-usap sa kanya. Sa unang sulyap, maaring isipin ng manonood na may crush ang kaklase niyang ito sa kanya, ngunit, maari rin itong ituring na paglilihis ng pelikula sa steryotipikong karakterisasyon ng kwento na inaasahang makikita ng manonood. Sanay na sanay ang masang makakita na magkaroon ng isang kyut na batang manunuyo sa kyut na bida ng kwento, gawin pa ito sa tagpuan ng kwento na isang paaralan, at mapapaniwala pa lalo ang manonood sa ideya na may magaganap sa dalawang magkaklase dahil kadalasa’y dinedema o sinusungitan ni Nik-Nik ang kaklase niyang ito na karaniwang pagpapahiwatig ng isang nabubuong love-team na maasahang magkakatuluyan sa bandang huli. Ang aking pahayag na ito na nagsasabing isang paglihis sa nakasanayang kwento ang katabi ni Nik-Nik ay dahil sa mas tutok na obserbasyon na ang kaklase niyang ito ay mapapansing nasa sarili niyang mundo sa mga eksena sa pelikula at hindi gaanong nakikipaglaro o halubilo sa iba niyang mga kaklase partikular na ang grupo ng mga lalake niyang kamag-aral. Makikita rin sa isang eksena na ang kaklaseng ito ni Nik-Nik ay malapit rin kay Teacher Anna, mababalikan ang eksenang ipinakita ni Nik-Nik ang natapos niyang bahagi ng rubik’s cube kay Teacher Anna at nandoon ang kaklase niyang iyon sa tabi ng kanilang guro. Taliwas sa maaring isipin ng manonood tungkol sa kaklase niyang ito na sinasabing may crush kay Nik-Nik, ang aking mapagtatanto ay malapit siya kay Teacher Anna at sinusubukan mapalapit kay Nik-Nik dahil siya rin ay “unique.” Sa kabuuan, ang hangarin ni Nik-Nik na mabuo ang kanyang rubik’s cube ay kanyang natupad dahil sa kanyang mga karansan at mga taong nakasalamuha niya, at siyempre sa suporta ng mga taong nakapaligid at nagmamahal sa kanya, ang kanyang guro na si Teacher Anna, ang kanyang mga magulang, at ang kanyang katabing kaklase na rin na kahit di pa niya makikita, ay tumulong sa paghubog niya upang mabuo ang rubik’s cube o ang sumisimbolo ng kanyang pagkatao.
Mula sa paggamit ng paaralan, mga laro, at iba pang simbolismo, tayo’y nanumbalik sa karanasan ng ating kabataan bilang isang estudyante. Iniimbitahaan tayo na suriin ang ating nakaraan, dahil ang nararamdaman ni Nik-Nik ay minsan na rin nating naramdaman, at halos di nagkakalayo ang mga eksenang napanood sa totoong buhay. May magbabago ba sa ating pagkakaugnay sa kanyang nararamdaman kung malaman natin na iba ang kaniyang kasarian? Ang dulo nito sa usapin ng kasarian, na mainit pa rin na paksa hanggang sa panahong ito, ay binigyang humanidad ng pelikula. Di tulad ng mga ibang pelikulang gumagamit o masasabing pinagsasamantalahan ang sekswal na mga tema na halos parating idinidikit sa mga pelikula tungkol sa kasarian at sekswalidad, ang Nik-Nik ay gumamit ng mga karanasan at elemento na malapit sa puso ng mga tao o kaya naman ay mga nakaraang karanasan na mabisang nakatulong upang maiugnay ng manonood sa kanyang sarili ang kwento.
0 notes
akosiulrik · 4 years
Text
Seklusyon (2016)
Rebyu ni Ulrik A. Espinosa
Ang Seklusyon ni Erik Matti ay isang kagila-gilalas na atake sa dyanrang horror na mapangahas na hinahamon ang kinagisnang bulag na paniniwala ng mga Filipino sa usaping pananampalataya. Dagdag sa balangkas ng pelikula, sa pamamagitan ng mga tagpuang ginanap sa makalumang panahon, biswal na antigo, at mga natatanging close-up at establishing shot ay matagumpay na naiparamdam ang uri ng pagkabalisa at takot na di mapupuno ng pangakaraniwang metodong ginagamit sa dyanrang horror na labis na nakasalalay sa jump scare o gulatan at sigawan ng mga tauhan sa kwento upang mabisang makapanakot sa mga manonood.
Isang milagrosang nagkatawang tao bilang inosenteng musmos at nagpakilalang sugo ng Diyos si Anghela Santa Ana. Siya’y naging malapit sa mga deboto na kanyang natulungan at ang kanyang mga himala ay magalak na ipinagbunyi ng mga nakatataas na pinuno ng Simbahang Katoliko, lingid sa kanilang kaalaman, taliwas ang tunay na intensyon ni Anghela sa ipinahihiwatig niyang kapangyarihan na nagmumula sa Diyos.
Sa mga opisyales ng Simbahan, isa lamang ang nagtangkang kumuwestiyon sa mga kababalaghang naliligid kay Anghela, si Padre Ricardo, na siya ring inatasan upang imbestigahan ang lehitismo ng mga milagro ni Anghela bago tuluyang angkinin ng Simbahang Katoliko at bigyang opisyal na basbas. Siya lamang ang tanging nag-iwan ng espasyo para sa duda kabila ng panatisismo ng kanyang mga kasamahan sa Simbahan na naging dahilan rin ng mariin nilang pag-atake kay Padre Ricardo na inakusahan nilang mahina ang pananalig.
Ang panatisismong iyon ay siya ring sumasalamin sa kasalukuyang kundisyon ng lipunan, di lamang bilang isang binansagang Katolikong bansa, kundi pati rin sa idolatriya ng mga panatiko sa mga personalidad tulad ng mga pulitiko at ang ilan ring mga kilusang nag-uudyok ng walang tutol na suporta mula sa mga kasapi. Sa pagpapalaganap ng temang panatisismo sa kasalukyan, lubhang nangangailangan ang lipunan ng mga mamamayang tulad ni Padre Ricardo na handang mag-iwan ng espasyo para sa diskursong sumasalungat at hindi bulag na sumusunod sa mga isyu o perspektibong pinaniniwalaang mas tanggap ng nakararami.
Karagdagang pananaw na tinatahak ng pelikula ay ang kumpleksidad ng kahulugan ng mabuti at masama, makikita sa mga pangunahing tauhan na mga dyakono ang hamon na kanilang hinarap sa panahong nakasalamuha nila si Anghela. Minsa’y di mababatid na ang tukso ay nakatalukbong sa mga matatamis na salitang maghahantong sa panganib ng isang indibidwal. Mabisa ang pagganap ni Anghela bilang instrumento ng tukso, may pagkabalisang mararamdamang lumiligid sa kanyang bawat kilos sa kabila ng kanyang pag-aanyong batang walang kamuwang-muwang.
Hinihikayat ng pelikulang ito ang manonood na mamulat at mag-isip: tayo ba ay nagpapakaalipin sa isang imahen, ideolohiya, guniguni, hanggang sa puntong tuluyan na tayong nabulag at nabingi sa kasakimang tumutupok sa atin. Bilang tao, matutuklasan natin na tayo’y di kasing laya ng ating inaakala, lingid sa ating kaalaman, tayo ay tuluyang binilanggo ng ating nakaraan na pilit nating itinatanggi o di kaya’y tinatakbuhan. Nasa atin ang kakayahang pumiglas sa demonyong nagdudulot ng ating pangamba. Hindi na tayo malilinlang ng mga huwad na propeta at matatamis na salita.
1 note · View note