Tumgik
angsilangan-blog · 5 years
Text
Pabili po ng isang edukasyon.
10th blog: Transformative Education
Wala sa apat na sulok ng silid ang tunay na katutuhan at hindi makakalkula ang tunay na kaalaman.
Sinabi sa amin ng aming guro na marapat lamang kaming pumili ng kursong hindi kami ilalagay sa selda, hindi kami ikukulong lang. Ang dapat naming piliin ay 'yung kursong maghuhulma sa amin upang maging isang tunay na iskolar ng bayan, at kadalasan daw ang ganitong mga kurso ay hindi pinapansin at pinipili ng karamihan.
Marahil ang pinipili nila ngayon ay kung saan sila mas kikita balang araw. Kung saan sila yayaman, dahil ang depinisyon ng karamihan sa pagbangon ay ang paglago ng salapi, hindi ang paglago ng tunay na kaalaman. Mas pipiliin nila ang kursong engineering kaysa pag-aaral ng mga teoryang may kinalaman sa kung ano ang ugat.
Malaking depekto ang pagtuturo at pagpapalago ng mga asignaturang hindi humuhulma sa pinakamaayos at dapat na hugis ng isang estudyante.
Ika nga, kapitalista ang mundo. Kung kaya't karamihan ng mga estudyante ang kumakapit at nagpupumilit sa mga kursong magbibigay sa kanila ng karangyaan.
Ito lamang ang natutunan ng mga estudyante, nagkakaroon sila ng paniniwala na kaya sila ay nag-aaral upang makapagtapos at magkapera, hindi upang matuto.
Kung kaya't kailangan natin ng mga asignaturang tutulong upang ibahin ang landas at direksyon ng mga estudyante, upang ibahin ang kani-kanilang mga paniniwala, at upang idilat ang kanilang mga mata sa tunay na mundo.
Marahil, sa tunay na mundo hindi mo kailangang mag-kompyut, hindi mo kailangan magsolba ng kung ano-anong matematika, hindi mo kailangang ulit-ulitin kung ano ang parte ng katawan, kailangan mong malaman ang mga bagay na hindi mo lingid nalalaman.
Hindi lahat ng bagay makukuha mo, hindi lahat pwedeng nasa iyo.
Kung kaya't ang mga kursong ganito ay maaaring hindi ka mabigyan ng karangyaan balang-araw. Kung kaya't maaaring ayaw 'to ng mga magulang mo. Kung kaya't maaaring maging isa ka rin sa mga gurong hindi nabibigyan ng tamang sweldo, kung kaya't baka ayaw mo nito.
Maaaring ito na ang pagkakataon, ngunit, hindi ito ang iyong gusto; kaya hindi ito para sa iyo, hindi ka para rito.
Ang mga asignaturang makakatulong sa pagbabago ng edukasyon ay kanilang hinaharang marahil maraming natatakot na ang mga estudyante ay matuto't lumaban sa mga mali nilang ginagawa.
Hindi nabibili ang edukasyon, tandaan mo 'yan.
0 notes
angsilangan-blog · 5 years
Text
Silang Nakakakita #WokeAF
9th blog: "Social Movement and The Current National Political Scene"
Sa mga taong mulat, hindi dilim ang kanilang nakikita sa t'wing ipipikit nila ang kani-kanilang mga mata; kun 'di pakikibaka.
Sa mga oras na ito, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na talamak na ang harap-harapang pagkilos ng mga politikong marapat na nilalangaw at natetetano sa selda. Sila'y bumabalik na naman.
"Iboboto ko si Bong Revilla— kasi pogi s'ya!" Kamakailan lamang noong mapadpad ako sa isang sikat na site kung saan napanood ko ang isang bidyo na naglalaman ng babaeng iniinterbyu kung sino at bakit n'ya iboboto ang nasabing senador sa darating na halalan.
Kung ganitong klaseng tao ang natitira sa ating bansa, paano tayo uunlad at aasenso? Kung ganitong mga nilalang na lamang, sino na ang pupukol sa mga kamalian. Palagi't palagi na lamang ba tayong magiging tuta, kung hindi ng ibang karatig bansa'y mga taong nasa loob ng bansa natin mismo, palagi't palagi bang magiging alipin ng mga naghaharing-uri?
Patay na ang Demokrasya
Matagal na nga sigurong patay ang demokrasya ng ating bansa. Bilang isang Estudyante ng PUP, una pa lamang ay pinipigilan na tayo ng ating mga Magulang na lumaban at tumindig dahil sa paningin ng mga taong hindi nakakakita ng tunay nangyayari, mali ang lumaban. Na maging ang ating mga magulang ay tutol dito, siguro nga aminin na natin na halos o karamihan ng ating mga magulang ay na brainwashed na noon o kung hindi man, maraming magulang ang sadyang walang alam sa mga nangyayari.
"Paano mo malalaman na ninanakawan ka na kung hindi mo alam kung ano ang pagnanakaw." Isang malaking parte ito, ang pagkakaroon ng walang alam. Kung kaya't tayong mga nabibigyan ng pagkakataon mag-aral at idilat ang mata sa tunay na buhay ay dapat manindig, at lumaban dahil tayo ang nabibigyan ng oportunidad na tumuklas sa mga kaalamang hindi nalalaman ng pangkalahatan.
Silang mga bulag na ang tanging litanya sa t'wing nagkakaroon ng sama-samang pagkilos ay "perwisyo!" "salot." habang hindi nalalaman kung ano ba talaga ang ipinaglalaban. Silang mga bulag na patuloy na kumakampi sa mga naghahari-harian sa bansa, silang patuloy na tumatango sa pagpukol ng bunga; at hindi ng ugat.
Sintunado
Hindi ako naniniwala na ang Social Movement o mga sama-samang pagkilos ay walang patutunguhan. Ito ay parang ritmong kinakanta ng sabay-sabay, patuloy ang pagdaloy. Kung hindi kakanta ang lahat, hindi magiging maayos ang yari ng tono. Kung ikaw lang mag-isa ang kakanta sa patimpalak na dapat ay grupo, walang mangyayari; maaaring maging sintunado.
Ang Paglaban ng mga PUPian
Ang paglaban ng PUPian, bilang iskolar ng bayan sa sintang paaralan ay isang malawak at mahabang kalsada, hangga't mayroong problema, hindi titigil sa pakikibaka.
Naalala ko noong nasa panahon ako ng enrolment bilang isang freshman ng sintang paaralan. Mayroon akong kaklaseng pinipilit na h'wag kumuha ng kursong AB Sociology marahil ito raw ay kurso ng mga aktibista, na ito'y magulo, at sa huli raw ikaw rin ay magiging aktibista kung kaya't napagpasyahan ng kanyang magulang na h'wag n'yang piliin 'yon.
Ang paglaban ng mga estudyante ng PUP ay parehong nasa loob at labas ng paaralan. Marami pa ring mga tao sa loob ng PUP ang tumutuligsa at tinitignan ang pagiging aktibista bilang isang masamang gawain. Marami pa ring nagsasabi na ito'y hindi dapat ginagawa.
Kung tayo'y padadaig sa mga ganitong sabi-sabi't kung tayo'y papatalo sa mga taong bulag at nagbubulag-bulagan, ang demokrasya ng ating bansa ay magyeyelo, mawawala ang puyos.
0 notes
angsilangan-blog · 6 years
Text
Ipopost ko ‘to, Weyt lang!
Tumblr media
6th Blog: Blog ang Mundo: Ang pagsasalsal at pakikibaka sa internet”
Bilang konklusyon sa mga naisulat at nailathala ko at bilang isang uri ito ng pagsasalsal sa internet, tinatanong ko pa rin lagi ang aking sarili kung bakit ko nga ba ginagawa ito, kagustuhan ko ba talaga o marahil lamang sa kailangan ko itong gawin? Tinatanong ko rin kung ano nga ba ang kapaki-pakinabang sa mga sinasabi ko. Katulad ng ibang madla, malaki ang kaugnayan ng paksang ito sa akin.
Katulad ng sabi ng aking propesor “Lahat tayo’y guilty rito.” dahil sa pag usbong nga ng internet masyado tayong nilamon nito, kum baga isa itong droga; tayo’y nalulong at patuloy na lumalakas ang pwersa ng pagkakalulong. Ang pagsasalsal sa internet ay maituturing na isang paraan upang kumuha ng atensyon. Katulad na lamang ng misis na galit na galit sa kanyang lasenggerong mister, inilalathala n’ya sa internet ang kanyang naghuhumindik na damdamin upang makakuha ng simpatya dahil sa hindi niya maunawaan kung bakit gano’n ang kanyang mister, humahanap s’ya ng ibang taong makakaintindi sa kanya.
Karamihan sa atin ay dumating na sa punta na gagawin mo ang lahat para lang mailagay ito sa internet, kapag may nakitang kakaiba sa daan, ilalabas agad nito ang kanyang telepono’t ito na ang simula ng kanyang pagsasalsal. Ito ang hindi natin maintindihan, ano naming pakinabang ng iba sa mga nalalaman nila sa’yo, anong pakialam nila kung monthsarry n’yo ng jowa mo. Kum baga, hindi na nga talaga natin nafifilter ang mga bagay na dapat at hindi natin dapat ilathala.
Malaking-malaki ang kaugnayan nito sa akin, dahil isa rin ako sa mga tinutukoy ko. Bilang pagtatapos sa konklusyon, mahal ko ang pagsusulat ngunit hindi ako magsisinungaling dahil malaking parte kung bakit ko ginagawa ito ay dahil kailangan. Ang ganitong uri ng pagsusulat ay may pakinabang sa mga taong bukas sa pag-intindi.  
Published on October 15, 2018.
0 notes
angsilangan-blog · 6 years
Text
SI EBANG MAKASALANAN
Tumblr media
8th Blog: "Ang Kabastusan ng mga Filipino."
"Makikita mo ang kalagayan ng isang bansa sa sitwasyon ng mga kababaihan." — Maya Santos, National Spokesperson of Gabriela Youth.
Noon, at hanggang ngayon the women's place is at struggle.
Noon pa man, malapit na ang puso ko sa mga kababaihan. Kung kaya't simula noong lumaki ang espasyo't nagkaro'n ako ng pagkakataon makapag-aral sa sintang paaralan, gusto kong sumali sa nag-iisang organisasyong demokratiko sa PUP na naglalayong ipaglaban ang karapatan ng kababaihan; gabriela youth. Lagi ko na noon nakikita si Ate Maya, sa mga walk-out, sa social media, sa kahit saang sulok ng PUP Lagi akong nangangahas, hanggang sa matapos ko ang senior high school na hindi nagiging aktibo. Akala ko wala na, wala ng pag-asa na maging aktibong miyembro. Noong nalaman ko na makakapasok pa ako sa PUP agad akong sumali sa Gabriela Youth, sinabi ko na kapag nagkaroon ng tyansang makadaan sa office. Magfi-fill up ako ng form para sumali. At siguro nga, tadhana na ang sumali ako dahil nagkaro'n kami ng requirement sa isang asignatura na kailangan naming mag-interview at kababaihan ang paksa namin sa ang report. Sa totoong pakiramdam, simula noong sumali ako sa Gabriela, nagsimula akong magising at mamulat sa katotohanan, kung ano nga ba ang tunay na kinahaharap ng mga kababaihan lalong-lalo na rito sa pilipinas. Hindi lang tungkol sa kababaihan ang mga ipinaglalaban ng gabriela, ipinaglalaban din nila ang train law, charter change, free education at kasapi rin kami sa laban bilang anti-marcos. Bago ko simulan ipaliwanag ang mga punto ko, ibinahagi ko lang ang koneksyon ng paksa na ito sa aking sarili. Nag-aral ako, nagsaliksik at nagbasa ng libro.
Sa kasaysayan, itinatala ang mga kababaihan bilang "mahina" at itinuturing bilang parausan lamang, na kailangan lamang ang kababaihan upang magluwal. Sa isang pamilya, at sa isang hapagkainan laging nasa gitna ang lalaki, at sa tabi lamang ang babae, sa isang pamilya, ang tinatanggap na dapat mangyari ay ang lalaki ang mag trabaho at bumuhay sa pamilya samantalang ang kababaihan ay dapat maiwan na lamang sa kanilang tirahan at mag-aruga sa kanilang mga anak, ang pagkakaroon ng etiketa bilang kabit ang mga kababaihan na hindi naman inaangkop sa kalalakihan, kapag nagkakaroon ng kalokohan ang kalalakihan tinatawag itong playboy, at kadalasan pa itong itinuturing bilang isang "compliment" samantalang sa kababaihan ay malandi, lahat ng ito'y representasyon na mayroong naghaharing-uri, at ito nga'y kalalakihan.
Ang paksang ito, nagpokus ito sa kasarian, nagbigay ng mga teorya't halimbawa si Isagani upang mas malaman natin kung gaano nga ba ka-opressed at marginalized ang mga kababaihan, 'di na tayo lalayo— dito na lamang sa pilipinas.
Isang halimbawa nito ay ang palabas na Bagani. Ang lalaking bidang ginampanan ni Enrique Gil ay tinawag na Lakas at ang babaeng bidang ginampanan ni Liza Soberano ay tinawag na Ganda. Napukaw ang pansin ko nito marahil hindi ko lubos maisip kung bakit nagmumukhang kabaligtaan ng malakas sa lalaki ay kagandahan sa babae. Hindi ba pwedeng malakas na lang silang pareho, nagpapatunay ito ng repleksyon kung paano tignan ang mga kababaihan. Kagandahan na lang ba talaga ang tingin na kayang ibigay at maiambag?
"Duterte, numero unong macho-pasista!"
Sa mga nagdaang interbyu, pagtitipon at panayam samu't saring pasaring ang narinig natin sa ating presidente. Kung ano-anong pambabastos ang natanggap ng mga kababaihan. Katulad ng: "Pagbabarilin n'yo sa Puke." Nagagalit s'ya sa mga militar na nanggagahasa ng kababaihan dahil daw maganda ito at s'ya dapat ang nauna, marami s'yang pasaring at biro tungkol sa mga kababaihan na nagpapatunay na s'ya ang numero-unong macho-pasista't gumagawa ng mga misogynistic acts. Kung ako'y taong antok na antok sa totoong kamulatan, iisipin ko na tama lamang itong kanyang mga sinasabi, na s'ya ay presidente at dapat tayong maniwala sa mga sinasabi n'ya.
"One is not born, but rather becomes a woman." — Simone De Beauvoir
Ito ang isa sa mga katagang tumatak sa akin noong binasa ko ang librong Feminista, at naniniwala ako rito. Hindi ka talaga pinanganak na babae, kun 'di nagiging babae ka kapag nasusunod mo ang dapat na ginagawa ng isang babae. Kung kaya't hindi lang basta Puke ang usapan pagdating sa mga babae. Hindi porket mayro'n ka na nito ay pasok ka na upang tawaging tunay na babae.
"Filipino women do not tolerate corrupt people in power. Even if it is a "she" hindi porket babae na ang nasa poder ay susuportahan na ito ng mga kababaihan. Hindi pwedeng i-recycle ang mga abusado sa kapangyarihan." — Emmi De Jesus, Gabriela Women's Party Representative.
Sinabi ito noong malamang si Arroyo na ang bagong House Speaker, hindi itinuturing na babae ang isang tao kung hindi nito nagagampanan ang pagiging babae ng tama.
Isa pang nakapagtataka na sa pilipinas walang kababaihan ang kasali sa lumaban sa politika, na tumayo para sa sarili nila. Lahat ito'y nag-ugat sa apelido ng kani-kanilang asawa, o pamilya katulad nina grace poe at corazon aquino. Sa ganitong bagay makikita natin na nananatili ang gahum, narito pa rin ang opresyon, maituturing pa ring patriyarkal ang ating bansa.
Bukod pa rito, maraming kabastusan ang mga pilipino na pinapatibay ng gahum. Kabastusan sa wika, kabastusan sa pagiging pilipino at marami pang iba. May mga tinatawag ding utak maka-lalaki na babae, ito ay ang mga babae na kung mag-isip ay parang isang lalaki. Mula sa aking nabasa, itinuturing ang mga kalalakihan bilang primaryang dahilan kung bakit nga ba marginalized o opressed ang mga kababaihan.
Ginagamit ang salitang peminismo bilang paraan upang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan laban sa abuso, inilulunsad din nito ang pagkakapantay-pantay at ginagamit itong salitang peminismo upang ipakita kung ano ang mga kayang gawin at i-ambag ng kababaihan sa mundong ito at ang salitang peminismo ay hindi lamang tumutukoy, nag-uugat o sinasarili lamang para sa kababaihan. Bukas ito sa mga lalaking handang lumaban para sa karapatan ng kababaihan.
Ang gustong iparating ni Isagani sa kanyang akda na "Ang Kabastusan ng mga Filipino" ay mamulat tayo sa kung ano ang mga kinahaharap ng mga kababaihan sa ating lipunan. Na gumising tayo't baka tayo'y isa na rin sa mga gumagawa ng ganitong bagay. Matagal na pakikibaka na ito, at wala ako at kahit na sino sa amin ang titigil hangga't 'di namin ito nakukuha ng tama dahil hawak ng kababaihan ang kalahati ng langit.
Hindi ka ba nagtataka na noon pa lang ay mayro'n ng opresyon sa kababaihan, simula pa lamang kina adan at eba, isinisi kay eba ang kasalanan, at simula noon nabuo na ang hindi pagkakapantay-pantay.
Hindi ako naniniwala na puke lang ang kayang ibigay ng kababaihan. Magandang talakayin ang ganitong usapin lalo na't talamak ang mga kaso ng panggagahasa't pang-aabuso sa mga kababaihan.
Hanggang kailan isisisi kay Eba ang lahat, hanggang kailan sila ituturing bilang mahina, hanggang kailan sila aabusuhin at hindi pakikinggan?
Ang kasalanan nina Eba't Adan ay nagresulta bilang malaking kasalanan ni Eba, si Eba ang makasalanan.
Published on October 2, 2018.
1 note · View note
angsilangan-blog · 6 years
Text
Si Darna at Ang Tunay na Mundo
Tumblr media
7th Blog: "Si Kristo, Ronnie Poe at Iba pang "Idolo" : Apat na Pagpapahalaga sa Pelikulang Pilipino."
Bata pa lamang tayo ay tuwang-tuwa na tayo sa mga pinanonood natin sa ating telebisyon. Patok na patok ang mga superhero sa mga kabataan at kadalasan ginagamit ito sa mga front page ng mga notebook, coloring book at iba pang pwedeng pagkakitaan.
Hindi naman pinagbabawalan na panoorin sina Captain Barbel, Dragona, Lastikman, Darna at marami pang iba. Sa kabilang banda, dumagsa rin ang mga palabas at pelikulang tampok ay komedya. Ito ay nagbibigay aliw sa mga manonood. Punto, kailangan ng mga madla ang mga ganitong klase palabas upang maka-alpas ng panandalian sa mga pansariling problema sa buhay. Nakakagaan ng loob, nakapagpapahinga.
Subalit, ang ganitong klase ng palabas ay nagkakaroon din ng iba pang apekto, katulad ng pagtakas sa realidad, at hindi na pagbalik. Ang pamumuhay na lamang sa pantasya. Binibigyan tayo ng ganitong klaseng mga palabas upang makalimutan natin ang tunay na nangyayari sa mundong ating ginagalawan. Hindi ba't mali na isiping darating si Darna sa gitna ng karahasan? Minsan, binibigyan tayo ng tunay na problemang sabay lalapatan ng maling solusyon. Ngunit, kadalasan pati ang problemang ibinibigay sa atin ay hindi naman totoo at ito ang dapat puksain sa paglalabas ng ganitong klaseng palabas o pelikula.
Hindi darating si Darna upang puksain ang pagkalat ng kapitalismo. Hindi susi si Darna upang tulungan ang mga manggagawa't magsasaka na sila'y ma-regular. Hindi mo hihintayin si Darna, ang bato ay hindi nilulunok, ito'y dapat ipinupukpok sa kokote na karapatan mong malaman na ginagayuma ka ng telebisyon.
Isa pang pagkakamali ay ang pagpapalabas ng mga pelikulang mayroong kontrabidang minamahal din natin 'di iniisip ang mga kasuklam-suklam na ginagawa. Nakikita pa rin natin kung saan sila nanggagaling, kung bakit sila lumabas bilang isang kontrabida, at ayon ang tingin natin sa tunay na mundo. Inaangkop natin ang lahat ng galing sa pantasya sa tunay na mundo na magiging resulta'y malaking pagkabigo. Sa susunod, hindi ka na kikilos, hihintayin mo na lang na dumating ang superherong iniisip mo. Sa kakapanood ng mga komedya, naisasawalang bahala na ang mga issue at problemang kinahaharap ng ating bansa.
Kung ano ang napapanood natin, ayon ang inilalagay natin sa ating hapag. Ayos lang sa'yo na api-apihin ka ng ibang tao, tadyak-tadyakan ka ng mga naghaharing-uri dahil pinaniniwala mo ang sarili mo na sa dulo magiging maayos pa rin ang lahat. Papayag ka na dilaan ang mga paa, katulad ng mga mahihirap na ginagawang katulong sa palabas.
Isang magandang halimbawa rito ay ang pagpapalabas ng Pelikulang "Heneral Luna" Ang heneral ay matabil, tarantado kung umasta, ngunit magaling. Handang patayin ang sino mang lalabag sa kanyang mga utos. Kung kaya't ang tingin natin sa ginagawa ng ating presidente ay tama lang, dahil iniaangkop natin ang palabas sa tunay na estado ng ating mundo.
Kung ikaw man ay inaalipusta, hindi ka lalaban kasi hihintayin mo ang mga "to-the-rescue-powerful-superhero."
Masasabi ko na masayang makapanood ng ganitong palabas noong bata pa ako, pero kung tatanungin ako ngayon, sana simula noong nagkaisip ako, namulat na agad ako sa tunay na mundo. 'Wag natin pilitin ang mga bagay na wala sa hapag at harapin natin kung anong nakahain.
Hindi pantasya ang magpapanatiling buhay sa'yo kun 'di kung ano ang nasa tunay na buhay. Wala kang hame-hame-weyb, pero may utak ka at ayan ang armas mo laban sa mga naghaharing nilalang.
Aanhin mo si Darna, kung nandyan ka't patuloy na lumalaban?
Published on September 13, 2018.
0 notes
angsilangan-blog · 6 years
Text
IKAW ANG WIKA
Tumblr media
4th blog: "Wika ng kapangyarihan, kapangyarihan ng wika"
"Ang Wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog at kahulugan na pinili at inayos upang magamit sa komunikasyon ng mga tao na nabibilang sa isang kultura."
Maraming bagay ang kadalasang pinamamagitan ng dalawang pagpipilian. Katulad ng puti at itim, kaliwa o kanan at itaas o ibaba. Katulad na lamang ng tanong na: Anong pipiliin po, ang gumamit o ang magpagamit?
Ang wika ang pinakamabisang armas upang makipagtalastasan sa ibang tao. Ito ang pangunahing paraan upang magkaintindihan at magkaunawaan— simple upang isagisag ang pakikipagkomunikasyon. Katulad ng edukasyon, ito ang isa pa sa mga ginamit na paraan ng Amerikano para sakupin tayo, kaya't napakalaking bagay nito.
Sa konsepto natin mga pilipino, ang "kapangyarihan ng wika" ang sumisimbolo sa ating wika, at ang "wika ng kapangyarihan" ay ang sa ingles. Kung iisipin mong maigi, makikita mo rin na sa usaping wika ay mayro'ng naghaharing uri at ito nga ay ang ingles. Marami rin ang ganitong mag-isip kung kaya't marami rin ang bumabatikos. Ang punto, "bakit nga raw kailangang mas unahin pa natin ang ingles?" Na patuloy pa rin tayong pinamumudmudan ng mga makasariling sagot. "Dahil ito ay unibersal, kailangan ito upang maintindihan at makaintindi ng mga taong galing sa ibang bansa." Oo, maaari. Ngunit, ang lagi nating iisipin, ano ba ang dapat nating unahin, ang wika ng iba, o ang wikang sa atin mismo. Pipiliin mo pa bang maintindihan ka ng iba gamit ang ibang wika kung sa sarili mong bansa hindi n'yo na magawang makapag-usap?
Sa tekstong may naghaharing-uri, natukoy ko ito marahil nakikita ko na nagkakaroon ng standard o pamantayan ang wikang ingles sa bansa natin. Kailangan pasok ka rito upang matawag kang magaling, mahusay, matalino o intelektwal. Kung hindi, hindi ka katanggap-tanggap. Tatawanan ka lang ng madla— tatawanan ka nila marahil hindi nila lubos maisip na sila ang katawa-tawa.
Si Janina San Miguel ang isa sa biktima ng ganitong klaseng pamantayan. Nasa labing pitong taong gulang noong sumali sa isang kilalang pageant na taon-taon idinadaos sa pilipinas. Marahil sa kaba, at sabihin na natin na hindi naman talaga s'ya gano'n kahusay sa ingles dahil hindi naman ito ang kanyang wikang pambansa, wala s'yang nagawa kun 'di ipagpatuloy ang pageant dahil ingles ang kailangang wika ng pagsagot. Ang resulta'y tawanan mula sa madla.
Bukod pa rito, ang pag dagsa ng mga palabas katulad ng korean novelas ay nakikita kong isang uri ng pangongolonya na nakabatay o nasa antas ng wika.
Kaya't nakakatawa na dati ay nagkaro'n ng balitang aalisin na ang mga asignaturang may kinalaman sa filipino at baka palitan pa nga ito ng lenggwahe ng mga koreano.
Tampukan ito ng mga biruan, kwela at komedya sa iba't ibang lugar. Maraming nagsusulputang memes at mga kalokohan sa internet, at ito ay isang halimbawa kung paano tayo kinokolonya sa antas ng wika.
Mga pilipinong tumatawa sa kapwa pilipinong napilitang gumamit ng hindi n'ya pangunahing lenggwahe. Nakakatawa 'yon?
Tumblr media
"My pamily... my pamily... oh my god."
Ito ang mahirap sa ating mga pilipino, hindi kasi natin niyayakap nang buong puso ang mga bagay na nagmula sa atin, 'di rin tayo nagtitiwala sa ating sariling kakayahan kung kaya't madali tayong nauuto, madali tayong naniniwala.
Naniniwala ako na ang wika ay repleksyon ng sarili mo, kung ano sa'yo at kung ano ang wika sa'yo, ayon ay ikaw. Hindi ka ba nagtataka na ang mga job interviews, pageants at maging sa loob ng silid-aralan ay nagiging mandatory ang ingles?
Bunga ito ng kakapusan sa sariling pagtanggap, at bunga ito ng matagal nating pagkakabilanggo sa naghaharing-uring mananakop.
Ikaw ang gagamit, ikaw rin ang pipili kung magpapagamit ka. Ikaw ang wika.
Published on August 2, 2018.
1 note · View note
angsilangan-blog · 6 years
Text
Pedro The Rich Kid
Tumblr media
4th blog: Edukasyong Para sa Iilan: Kung bakit Asal Mayaman si Pedrong Maralita.
__END_OF_PART__IMG_20181013_22380749_gallery.jpg__END_OF_PART_
4th Blog: "Edukasyong Para sa Iilan: Kung bakit asal mayaman si Pedrong Maralita"
Malaki ang kinalaman ng pagkakaroon ng "Capitalist Mind" kung bakit ba ganito na lamang si Pedro kung umasta at s'yempre katulad ng ibang bagay, malaki ang papel ng kanyang mga magulang. Si Pedro ay gustong maging magaling na manunulat, gustong magpursigi, aaralin ang mga letra't pagkakatugma, ngunit kailangan n'yang magsakrispisyo dahil hindi ito ang gusto ng magulang n'ya. Hindi dahil ayaw s'yang makitang nagsusulat, kun 'di ayaw sa trabahong hindi kumikita ng maayos, mauuwi sa salat. Aanhin mo nga raw ang mga naisulat mo, kung hindi ka naman kumikita, sayang lamang ang pagpapa-aral sa'yo. Nakikita kong isang malaking dahilan kung bakit ba tayong mga kabataan ay mahilig umastang mayaman katulad ni Pedro ay dahil sa impluwensya o bulong ni Nanay at Tatay, o maging ng ating mga nakakatandang kapatid.
"Nak, igagapang natin ang matrikula mo makapagtapos ka lang ng pag-aaral sa magandang paaralan."
Una, ano nga ba ang konsepto natin sa isang magandang paaralan? Ito ba ay ang pagkakaiba ng pasilidad? Tunay. Kung pag-uusapan ang pasilidad, mas maganda talaga ang pribadong paaralan kaysa sa pampubliko. Bukod doon, ano pa ang maganda, ang presyo?
Kung hindi natin tatanungin si Pedrong naimpluwensyahan ng kanyang mga kapitalistang magulang, ang mga makikita mo sa pribado ay nasa pampubliko, ngunit ang nakikita mo sa pampubliko ay maaaring wala sa pribado. Bukod sa pasilidad at pagpapabango ng mga mamahaling paaralan wala ka ng makikitang mayro'n sa pribado na wala sa pampubliko. Ngunit bakit ito pa rin ang pinipili ng mga tao? Isa lang ang sagot, dahil gusto nilang makisabay.
Sa mga palabas, kadalasan ang bida ay nabibilang sa hindi mayamang pamilya, ngunit dahil mataas ang kanyang pangarap at mataas din ang pangarap ng kanyang mga magulang, nakapasok s'ya sa isang mamahaling unibersidad at nakasalamuha ng iba't ibang tao, sa kagustuhang umangat at makisabay, kahit hindi na kaya, pinipilit pa rin. Pinipilit na dagdagan ang baon, ginagawa ang mga bagay na labag naman sa sarili. Kahit na puro utang na ang mga magulang sa kanilang mga kapit bahay, pipilitin pa rin. Tama nga na kahit anong gawin mo, ito ay magmumula pa rin sa "uring kinabibilangan mo." Mali ang piliting makisabay sa mga taong hindi mo naman kauri, at nagreresulta ito ng pagiging hipokrito o hipokrita.
Ang tingin ng mga magulang at tingin ng ibang tao'y mabibigyan ka ng magandang kinabukasan kapag nag-aral ka sa mga paaralang hindi abot ng lahat. Kung kaya't tayo'y naniniwala, dahil pasok din dito ang values na mas alam ng mga magulang ang makagaganda para sa'yo at makinig ka sa mga magulang mo dahil tama sila.
Kaya kung nagtataka ka kung bakit marami pa rin ang pumipiling mag-aral sa mga mamahaling paaralan kahit na wala ng ulamin sa pangaraw-araw na pamumuhay, gano'n 'yon, pera nga raw ang bagay na nagpapaikot sa mundo, 'di ba.
Hindi naman sa sinasabi kong ang mga magulang na gano'n mag-isip ay kahindik-hindik na nilalang. Siguro'y hindi lamang bukas ang kanilang mga pag-iisip na mali ang kanilang naiisip tungo sa magandang hangarin. Oo, halos lahat ng mga magulang natin gusto maging maayos tayo, pero hindi nila naiisip na mali na ang kanilang mga paraan at pagpaplano.
'Wag kang mangarap mag-aral sa isang silid kung saan may aircon, mangarap ka na makapag-aral sa isang silid na hindi lamang nagkakaroon ng katutuhan sa apat na sulok ng gusali. Kung titignan mo maigi, hindi ito ang tutulong sa iyo upang lumawak at maging mahusay.
Isang produkto ng mala-kapitalistang pag-iisip ay ang pressure o bigat na ibinibigay sa mga "panganay o bread winner" ng pamilya. Swerte ka kung ang kagustuhan mo ay kumikita ng limpak-limpak na salapi, ngunit kung gugustuhin mo lang ang bagay dahil sa kikita ka ng malaki, hindi talaga 'yon ang gusto mo. Napipilitan ka lang, at ayon ang kadalasang nangyayari sa mga panganay, dahil sabi ni Nanay kailangan n'ya pag-aralin pa ang kanyang mga kapatid, kaya kailangan magtatapos s'ya sa trabahong malaki ang sasahurin.
Kung pera nga ang nagpapaikot sa mundo, pwede bang huminto?
Published on July 26, 2018.
1 note · View note
angsilangan-blog · 6 years
Text
Ang Mga Pilipinong in Prison
Tumblr media
3RD BLOG: EDUKASYONG KOLONYAL
Nabuo ang konsepto ng lider at mga taga-sunod noong matagal na panahon na, kung pag-uusapan natin ang parte ng isang tao, ang lider ang tumatayong utak at ang mga taga sunod ay nahiwalay sa iba't iba pa nitong parte gaya ng kamay, braso, hita, bewang at iba pa. Kung ano ang sinasabi ng ating utak, ayon ang ginagawa ng ating iba't ibang parte ng katawan. Kapag sinabi ng utak na ikaw ay tumayo, bubuhatin mo ang sarili mo, itutuwid ang mga paa't ilalakad ito. Kapag sinabing hawakan mo ang isang bagay, gagalaw ang kamay mo at kapag sinabi ng utak mo na ito ang gagawin, at ito ang tama, susunod ka. Kung kaya't ito ang sa tingin kong isa sa pinakamainam na konsepto kung bakit ganito ang mundo natin ngayon. Marami ang nagpadaan sa takot, marami ang nagpadaan sa sariling interes, marami ang nagpauto at marami ang makitid, at ang resulta ay makikita mo hanggang ngayon. Maraming kolaboreytor ang umusbong, mga balimbing at taksil, kaya't hindi na rin ako magtataka ngayon kung bakit kitang-kita na natin ang lahat ng kamaliang binibigay sa atin, tinatanggap pa rin natin ito nang buong ngiti, na tila ba ang lahat ay dapat nating ipagpasalamat.
Naniniwala ako sa sinabi ng isa naming propesor na "Hindi lahat ng nasa bilangguan ay nakakulong, karamihan ay nasa labas." Ako, hindi ako nagpapakahipokrito na sasabihing nakikita ko ang kamalian sa mundong ginagalawan ko ngayon, nakikita ko nang totoo. Nananaig pa rin sa akin ang pagkasuklam sa mga banyagang nanakop sa atin na hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin tila isang agos ng tubig. Ang mga kolaboreytor ang unang tumanggap ng mga ganitong bagay, at nagsalin-salin sa iba't ibang lahi't henerasyon.
Naiisip ko rin, sobrang wais at talino mag-isip ng mga Amerikano, naisip pa nila gamitin ang katagang "Make Love, Not War" sa pinakamadumi't madilim na paraan. Katulad nga ng makamulat na pagpapaliwanag sa atin lagi, ginamit nila ang edukasyon para sakupin tayo't manipulahin. Kum baga, hindi sila mag-aaksaya ng oras gumamit ng kahit na anong dahas, ayaw nila ng mabilisan na sa dulo, apektado rin sila dahil malalagas din ang iba nilang kasapi. Ang gusto nila, dahan-dahan ang progreso at hindi sila mababahiran kahit hiwa.
Matik na sa tuwing pag-uusapan ang kolonyal na pag-iisip, umuusbong ang usapin tungkol sa paggamit ng ingles, kung bakit nga ba sa ating mga pilipino karamihan pa rin ang tumatangkilik dito, alam n'yo na kung bakit.
Kung pagmamasdan mo nga ang paligid, obserbahan mo minsan, makikita mo 'yung mga bagay na may bahid na lang ng purong pagkapilipino, dahil kahit saan ka tumingin, lahat ay produkto na ng banyaga.
Tunay na karanasan, nakakita ako ng isang pagsasalsal mula sa isang english major sa isang sikat na social media site.
"Bakit ba kasi kami may filipino subject? ENGLISH MAJOR nga 'di ba."
Sa ganitong kalala at kahalatang pag-iisip makikita natin na ang pag-uutak natin at nabahiran na talaga ng makabanyagang pag-iisip. Hindi na nahiya ang lapastangang ito, nagsalita pa bilang isang pilipino. Kung kaya't hindi ako naniniwala na lagi lang natin iniisip na kaya tayo'y patuloy na nag-aaral ng ingles dahil kailangan nating maging "globally competitive." dahil, sa isang taong nag-iisip, matutukoy natin na hindi lamang ito ang dahilan. Sa ganitong paraan ng pag-iisip pinapatunayan lamang nito na ang edukasyon natin ay nagbubunga ng isang kolonyalismo.
Kung mas naiinis ka marahil maraming pilipino ang nagkakamali sa pag-iingles, at hindi sa mga pilipinong simpleng tagalog na lamang ay hindi pa kayang itama, umalis ka na sa bansang 'to, hindi ka bagay tawaging pilipino.
Halos lahat ay nagiging makabanyaga na, papayag ka ba na kinabukasan ay isa ka na rin sa kanila? Hindi ka ba natatakot na baka sa susunod na paggising mo, wala na ang pilipinas at hindi ka na pilipino?
Ikaw ang titingin ng iyong paroroonan, utak mo ang iisip kung ano ba ang dapat at hindi dapat at ikaw ang pipili ng iyong paniniwalaan, hindi ka lang dapat tumawa sa tuwing nakakabasa ka ng mga pilipinong nagkakaro'n ng kalituhan sa "your at you are" dahil tayo'y nagiging mababaw, at higit sa lahat, nagiging makabanyaga.
Maraming lider na ang nabigo, 'wag mo sundan ang yapak ng mga ito, katulad ng laging sinasabi sa akin ng aking lola, "Minsan wala 'yan sa utak kun 'di nasa puso."
Iniibig ko ang aking pagka-pilipino.
Published on July 16, 2018
1 note · View note
angsilangan-blog · 6 years
Text
Tumblr media
Ang pambihirang larawan ng taong nakatuklas sa pilipinas ayon sa mga ginawang libro’t babasahin para sa elementarya’t hayskul.
Published: July 13, 2018.
1 note · View note
angsilangan-blog · 6 years
Text
Napipilitan? We Are The Answer!
Tumblr media
Misedukasyon Part 2: Komersyalisado, Elistista’t Edukasyong Transpormatibo.
"Anong pangalan mo?"
"Rodrigo."
“Wow, ang ganda naman ng pangalan mo. Matalino ka siguro ‘no? E, Ikaw anong pangalan mo?”
"Jose."
"Ah, sige bye!"
Habang nag-aaral ka sa kung saan mang paaralan o unibersidad ang pangalan nito'y mistulang pangalan mo na rin. Ano mang tingin ng madla sa loob at lalo na sa labas ay tingin na rin sa'yo. Ops, ‘wag kang papalag! Advance mag-isip ang mga tao noon lalo na ang mga tao sa loob ng mga kumpanya— banyagang kumpanya na nagpaparami sa loob ng ating bansa.
Sabi ko nga, advance sila mag-isip marahil papasok ka pa lang sa pintuan (‘yung iba nga hanggang flyers at ad lang sa labas, uuwi na agad) Isipin mo na lang para ‘tong listahan ng noisy sa classroom. Ang maiiwan ang mga nakalista, ang wala paalam na’t maaari ng lumabas. Kung ‘di nakalista ang paaralan mo, ‘di ikaw ang hinahanap. Lungkot, hindi ikaw ang The One. Sa kabilang banda, hindi ka malaya kasi malakas ang impluwensya ng tanong na “Ito ba 'yung hanap ng karamihan sa kanila?” Kaya ikaw, ipipilit mo na isiksik 'yung sarili mo sa hinahanap nila, nang sa gayon, kailangan ka nila.
Oo, maaaring gusto mong maging manunulat, guro, brodkaster at iba pa. Ngunit, sinong tatanggap sa'yo kung ang hinahanap nila ay mga manggagawa’t empleyado ng kanilang lumalagong kumpanya? Doon tayo napipilitan. 'Empre, 'ala ka na lugar brodie, siksik mo na lang hanggang keri mo pa.
Wala naman silang pakialam sa pangarap mo, 'yan ang totoo. Parang 'yan 'yung crush natin na 'di naman tayo 'yung crush. Ang sarap i-crash ng mukha, 'di ba. Kung hindi ka taga UST, DLSU at ADMU. Hindi ka nila tatanggapin kasi wala kang breyshesh. Kaya ikaw, 'wag ka na lang daw mag-aral kung 'di ka rin naman makakapasok sa magandang paaralan. Gago 'di ba? Kung mahirap ka, kuwawa ka. Gano'n na lang daw dahil sabi ng isang kupal “Quality Education is Expensive, if you want Quality Education you must be ready.” Sa totoo lang mga kabisyo, hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag kung gaano ako naasiwa sa paratang na 'yan. Pinapalasap lang sa ating mga mahihirap na “Ikaw, kung nabuhay kang mahirap, mahirap ka na. Hindi mo afford para maging katanggap-tanggap. 'Wag ka nang gumapang kasi 'di ka rin naman makakabangon.” Paano kung hindi ako handa? Ibig sabihin ba no'n ay hindi ako karapat-dapat?
Maganda ang layunin ng Edukasyong Transpormatibo, binabawasan nito ang mga bilang ng taong bulag, 'di literal na bulag kun 'di hindi lang nila maidilat ang tunay nilang mga mata. Totoo, kailangan alam natin kung ano ang mayro'n sa bansang tinatayuan natin. Nandito ka 'di para makinig lang, unawain mo tsaka ka tumindig, nandito ka para makialam, ngunit paano ka makikialam kung wala ka namang alam, 'di ba?
Bakit mo dapat ito unawain?
Dahil isa ka sa maaaring makaranas nito, 'wag kang basta sasabay lang sa agos, languyin mo 'yung kabilang direksyon, doon mo matatamasa ang tunay na edukasyon.
Published: July 09, 2018.
0 notes
angsilangan-blog · 6 years
Text
Ang Tuta of the Great Americans
Tumblr media
Misedukasyon Part 1: Kolonyalismo.
Noong nasa elementarya ka, nakita mo na siguro ang mga librong inilathala na may iba’t ibang disenyo ang pabalat na iisa lamang ang paksa; Ang kasaysayan ng pilipinas. Noong nasa elementarya ka, ang nasa isip mo ay ang laman ng iyong mga libro ay pawang katotohanan lahat, na ang mga sinasabi at isinasaksak sa kokote mo ng iyong mga guro ay totoo. Hindi kita masisisi, ako rin ay isa sa mga batang tinukoy ko.
Sa panahong ‘yon, sobra sigurong pasasalamat ang naramdaman mo, tipong gusto mong lumuhod at sabihing “Besh! Gagawin ko lahat, kapalit ng mga ginawa mo sa aking kabutihan. Please, sabihin mo kahit ano, gagawin ko.” Marahil iniluluklok sa isip nating mga bata at hindi pa mulat sa totoong kalamayan ay dapat tayong magpasalamat sa mga bayaning nagturo at nagbigay sa atin ng Edukasyon; Silang mga Amerikano.
Lingid sa ating kaalaman, tinatakpan nito ang katotohang hanggang ngayong sinusulat ko ‘to'y mistulan pa rin tayong mga tuta’t alipin nila. Isa na rito ang pagsibol ng kaisipang tayo'y mas matalino kapag tayo'y nag-iingles, tayo'y mas aangat kapag tayo'y nag-ingles. Masyadong mababa ang tingin ng mga tao sa'yo kapag ikaw ay nagkamali, kapag hindi mo alam ang pagkakaiba ng Is, Are, Was, Were. Kapag napagpalit-palit mo ang There, Their at They’re.
Hindi mo na maipagtatanggol ‘yung sarili mo, Mamsh! Hayaan mo na lang na husgahan ka’t kimkimin mo na lang na “Putangina n'yo! Kasalanan ko bang pinipilit isaksak sa utak ko ‘yung mga salitang kaya ko naman mabuhay ng wala ang mga ito.” kasi ayun nga Mamshie, Magandang buhay! Hindi ka nila pakikinggan kasi bobo ka. Dagdag mo pa rito ang sinasabi nilang tayo'y Globally Competitive na bansa na, kailangan natin makipagsabayan sa iba’t ibang mga bansa. Kasi ano? Kasi pabibo tayo? Hindi mo ba naiisip na kailangan mong makipagsabayan sa iba, kailangan mong maging magaling sa wikang igles kahit sa katunayan hindi mo na napapansin ang sarili mong wika, lagi mo na lang ipinagwawalang bahala.
Pustahan tayo, brad! Karamihan sa mga tao ngayon kapag nakakita ng maling paggamit ng wika natin, wala lang. Hindi nila papansinin kasi ang mas matindi pa ro'n hindi naman talaga nila napansin dahil kahit sila hindi alam kung ano ang tama, and yet we still have to study english? Ay putangina, pwede wika muna natin? Hindi naman tayo tutol sa paggamit ng ingles, pero kailangan pa bang unahin ‘yon bago ang atin? ‘Di ka pa rin kumbinsido? ‘di mo rin ba pansin, besh? Ito pa, sa produktong mga umuuso ngayon, sa mga palabas, sa mga iba’t ibang gawain, tignan mo kung saan ‘yan nagmula, minsan nakakaawa na nga ‘yung bansa natin, hindi natin maipagmalaki kasi ‘di natin sinusuportahan baka kasi nauubos 'yung oras natin sa panonood ng Korean Dramas and Netflix Series, PBO pa rin mga ulol! 'Di ka na magtataka kung bakit ganyan ang mga tao ngayon sa pilipinas. Hugas na hugas na ba ang mga utak? Siguro kasi 'di ba, bata pa lang tayo mas itinututok na tayo na sanayin at aralin ang ABCD kaysa sa ABAKADA. Kaya 'wag na tayong magtaka. Kanta na lang tayo, Twinkle twinkle little stars, 'di ba?
Bilang mag-aaral sa Sintang Paaralan o PUP, dapat ba tayong matuwa na tayo'y una sa mga hinahanap at pinipili ng iba’t ibang kumpanya na karamiha'y galing sa mga banyaga? Hindi ba ito ay simbolo ng pagiging alipin? Na tayong mga PUPian ay nakikitaan nila ng mga potensyal maging magaling na empliyado? Nakakatuwa ba talaga? Katulad ng mga Technical and Vocational Courses, ginawa itong kurso para tayo'y maging mamimili, simpleng halimbawa na lamang ay pag-aaral sa kompyuter at pag-luluto, natural lamang na gumamit ka ng mga kailangan para doon kung saan mabibili 'to karamihan sa mga tindahan ng banyaga. Isipin mo, ang ganitong panggigiit sa atin at pananakal noon ay makikita mo pa rin hanggang ngayon, hindi man sa antas ng pakikipag pisikalan kun 'di bumuo ito ng iba’t ibang paraan upang tayo'y gawing tuta’t manipulahin.
Ngayon, bakit mo ba 'to dapat unawain? Simple lang, para hindi ka lang cool kid na naka-iphone, mulat kid ka rin. Gising ka rin sa realidad na nararanasan natin ngayon dahil ang ganitong pananarantado, pananakal at pananamantala'y mararamdaman mo lamang kapag bukas na ang iyong tunay na mga mata.
Ang una kong naramdaman ay takot at pangamba na baka sa susunod at darating na panahon ay 'di ito mawala’t mas lalo pang tumindi.
Published: July 03, 2018.
0 notes