Tumgik
astrothalassa · 5 years
Text
Transpormatibong Eksploytasyon sa Edukasyon
Sa paanong paraan nga ba nagiging transpormatibo ang edukasyon? Paano nga ba ito nakakapagpabago sa paraang patuloy na hinuhubog ang mga estudyante at mga iskolar ng bayan?
Ang kapital ay ginagamit sa negosyo o sa sari-sari store ng mga mamumuhunan, ngunit paano kung sa usapin ng magulang at anak, hindi na lang ito isang simpleng maternal na relasyon kundi relasyon na din sa pagitan ng mamumuhunan, ang kanyang kapital, at ang produkto. Simula pa lamang nang mga bata tayo, nakaugat na sa ating mga isipan na dapat makapagtapos ng pag-aaral para matulungan sina 'nanay at tatay' pero hindi ba't ang ganitong paniniwala ng mga anak at magulang ay mas nakakapagsimula pa ng mga sigalot at problema? Upang makapagtrabaho agad ay kukuha ng isang maiksing programa sa kolehiyo ang anak ngunit sigurado naman ang trabahong makukuha nya dahil 'in-demand' naman daw ito, o di kaya yung may mga negosyong pamilya na itinaguyod pa ng mga kalololohan nila sa tuhod, upang matulungan ang pamilya ay kukuha ang anak ng kursong konektado sa negosyo nila, kinalimutan ang pangarap, habang buhay na nabulok sa likod ng utak ng bata. Nasuppressed hanggang sa nagpakamatay, pero nagjjoke lang naman ako. Pero ano nga ba kasi ang transpormatibong edukasyon? Ano nga bang kinakailangan para maabot ito? Saan ba dapat magsisimula? Sa akin ba? Sa kaklase? Sa magulang? Sa academya? O sa sangay ng mataas na edukasyon?
Ayon sa akda ni Tajun, ang edukasyon ay may papel din sa larong pang-ekonomiko, tulad ng agham at teknolohiya upang makapagprodyus ng mga produkto at lakas-paggawa. At isang daluyan din ng agham sa interaksyon at sosyolohiya, na tumutugon naman sa kawalan ng hustisya sa lipunan, kakulangan at problema sa paglago ng ekonomiya. Eh kung ganun naman pala kahalaga ang edukasyon, bakit hindi magawang pahalagahan ng nasa itaas? Bakit patuloy nila itong binubuwag, matapos ang pagmamaniobra nila dito sa mahabang taon upang ang kapangyarihan ay manatiling kanila?
Ganun na lang ba talaga kaimportante ang kagalingan sa Ingles, at ang pagkokomersyo dito?
Kahit na libu-libo kada taon ang nagtatapos sa kolehiyo, ganap na ganap pa din ang opresyon at eksploytasyon sa masa, hindi pa din napipigilan sa kabila ng tumataas na na populasyon ng nagtatapos sa pag-aaral.
Ano nga ba ang naiisip na solusyon ni Tajun dito? Transformative teaching. Isang paraan ng pagtuturo kung saan makabuluhan ang bawat oras sa klase taliwas sa tradisyonal na paraan ng pagtuturo na kung saan hindi lamang sa apat na haligi nakakulong ang estudyante kundi pati na din sa lipunang kinabibilangan nito. Sa paraang ito ay mas malalaman ng estudyante kung ano nga bang kasalukuyang nangyayare at kung anu-ano ang iba't ibang sistema na pumapaloob sa kanilang lipunan. Sa pamamagitan nito ang progresibong edukasyon ay nagiging isang panibagong yugto na sa panahon ng edukasyon, eksploytasyon, opresyon at kurapsyon.
Bata, wag kang matakot mangarap. Tumindig para sa bayan at lumaban para sakanya.
0 notes
astrothalassa · 5 years
Text
Kapag Bastos, Takpan ang Mata.
Anong uri nga ba ng kabastusan ang patuloy na umiiral sa sistema ng Pilipinas ngayon at sa paanong paraan natin ito tinitignan habang nakapikit ang pareho nating mga mata?
Ang akda na 'Ang Kabastusan ng mga Filipino' na nilikha ni Isagani R. Cruz ay nagpapakita lamang ng kung gaano nahahaluan na ng kabastusan ang ating kultura. Isa rin sa mga argumento nya ay wala namang mangbabastos kung wala namang magpapabastos.
Kung sabagay, makikita natin sa ating paligid ang pagiging patriarkal sa atin at sa kapwa natin. Kung sa paanong nakadepende tayo sa mga kalalakihan para sa pagpapakasal, pagtatrabaho at pagiging padre de pamilya at kung anu-ano pa.
Sa simula ay tinalakay ni Cruz ang popular culture na binabatikos naman ng Amerika dahil sa ang popular culture daw ay hindi dapat na binigyang depinisyon bilang pampubliko, dahil hindi lang naman daw iisa ang depinisyon ng pampubliko kundi marami at iba-iba ilan dito ay ang popular, mass, folk, consumer, national at middle class. Siguro ay pwede na nating gawing depinisyon ang salitang 'Masa' para gawing pangkahulugan sa popular culture. Ipinasok din dito ni Cruz ang Hegemony o Gahum ni Antonio Gramsci. Kung saan hindi na gumagamit ng dahas ang nasa kinakataas upang mailunsad ang kanilang planong yurakan ang nasa laylayan kundi nagiging consensus na ito o tayo na mismo na nasa laylayan ang pumapayag upang gawin nila ito dahil na rin sa sistema kung saan tayo nakakulong ngayon.
Ang kabastusan ng mga Pilipino ay yumuyurak na din sa pagkatao ng isang babae. Sa paanong paraan nga ba naipapahayag ang pambabastos sa kababaihan dito sa ating bansa? Ang kabastusan ng Pilipino laban sa sarili nitong kababaihan ay naging isang stiryotipo na tinatanggap na lang ng mga tao sa lipunan.
Katulad na lamang sa kwento sa mga komiks, kung saan sa mga kwentong pagiibigan ay kadalasang nakadepende pa din ang mga babae sa kalalakihan kahit pa na hindi na katanggap-tanggap ang ginawa nito sa kanya. Sa usapin ng pornograpiya at bomba films naman sa bansa ay masasabi nating, isa din itong pangbabastos, hindi sa usapin ng sex dahil karaniwan naman itong ginagawa ng mga magulang natin at ng mga mag-asawa, kundi sa usapin ng pangbaboy sa mga kababaihan na ipinapakita sa mga bomba films. Kalimitan ding may mga nakikita tayo sa internet na mga ads patungkol sa mga friendships and marriage, kung saan nagiging 'cheap' ang tingin ng mga dayuhan sa ating mga Pilipina. Oo, maaari ngang mga puta o prostityut ang mga kinokomersyo sa mga ads na ito, pero patuloy pa din itong humuhubog sa patuloy na pangbabastos sa atin ng mga kalalakihan dahil sa mga ito.
Nagbago na ang henerasyon natin, nakakapagtrabaho na at nakakapagaral ng libre ang mga kababaihan, ngunit patuloy pa ding umiiral ang kabastusan na ito sa kanila. Kailan ito matatapos? Hindi na sapat ang pagsasabing kapag bastos, dapat ipikit ang mga mata. Kundi, kapag may nakikita kang bastos matutong tumindig at ipaglaban ang api, ang mga walang bibig, ang bulag, at ang mga walang boses, di na dapat tayo nagbubulag-bulagan, hija.
0 notes
astrothalassa · 5 years
Text
Pelikula para sa Lahat?
Ano na nga ang pamantayan sa pagiging maganda?Nababago ba ito? Nawawala? Kumukupas?
Sa akda ni Nicanor G. Tiongson, na Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang 'idolo': Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino, isiniwalat nya at kinutya kung sa paanong paraan tayo pinapanatili ng mga pelikulang ito sa dilim. Gamit ang pelikula, ikinulong tayo nito sa kung ano dapat ang maging pamantayan natin sa kagandahan, sa kung paano natin titignan ang buhay sa paraang 'chill lang' dahil kahit naghihirap tayo, pagpapalain naman tayo ng Diyos.
Magpasahanggang ngayon, naging pamantayan pa din natin sa kagandahan ang pagiging maputi o mestisahin. Nag-ugat ito sa kung paano natin tanawin ang mga kastila sa panahon ng pagiging kolonya natin sakanila, ika nga sa mga panahong yaon sila ang ating 'Diyos' mayari ng lupa, may pinag-aralan, matatangkad, matatangos ang ilong at kay puti-puti ng kutis. Nang dumating naman ang mga Amerikano sa ating bansa tila baga, nagbago din sa kung paanong paraan natin tignan ang uri ng kagandahan. Noong umusbong ang mga puti at magagandabg artista sa hollywood tulad nina Elizabeth Taylor, Audrey Hepburn, Rudolf Valentino at Elvis Presley, gayun din naman ang paggaya natin sakanila sa pamamagitan ng mga artistang may dugong amerikano at kastila tulad nina Eddie Gutierrez, Dante Rivero, George Estregan, Joseph Estrada, Fernando Poe Jr., at sa mga Amalia Fuentes, Gloria Romero, Trixia Gomez, Gina Pareño, Elizabeth Oropesa at Nida Blanca na kapwa naging ala mga prinsesa o prinsipe sa mga pelikula. Hindi din lingid sa atin ang mga papel na ginagampanan ng mga moreno o karaniwang di kaputian ang balat sa pelikula. Sila kadalasan ang nagiging sidekick o mga komedyanteng mahihina ang ulo sa pelikula, binabatuk-batukan, sinasampal-sampal at minamaltrato sa ngalan ng komedya. Ang steriyotipong ito ay nadala natin sa labas ng pelikula, sa ating realidad kung saan panget ang maiitim. Ngunit may mga iilan din naman sa di kaputian ang balat ang nagiging bida, dahil sa likas nilang talento o pagiging henyo. May mga morena din namang maganda ang tinatawag nating 'eksotiko' o pag panget 'mukhang unggoy'.
Hindi na nakaligtas ang mga tao sa pangungutya sa likod man o sa labas ng pelikula, dahil na rin sa kaisipang inginungudngod nito ss ating utak at pananaw.
Hindi din pinalagpas ng pelikula ang pananaw natin sa buhay, at sa paraan ng pagpapala ng Diyos. Ipinapakita lamang ng pelikula na pinagpapala ng Diyos ang api at lahat ng naghihirap. Para saking pananaw, mali at nakakapagalipin ang kaisipang ito. Kung matututo lang sana tayong magtrabaho, magbanat ng buto hindi ba't mas pagpapalain ng Diyos ang nagsisipag at tapat sa kanyang trabaho? Dahil sa pinapakitang ito ng mga pelikula, ang pang-aaliw ay inaliw na tayo sa hirap at ginhawa, sa pang-aalipusta at kurapsyon na nagaganap sa ating bansa. Dahil dito, kahit na sa kabila ng paghihirap natin, ay nagiging kuntento tayo at nawawala ang kamalayan natin para maghimagsik, lumaban at makibaka. Sa mga nangyayare ngayon ay dapat lamang na natatakot tayo't hindi nakakampante ngunit iyon ang pinapakita ng mga pelikulang ito sa atin. Sa kabila ng sapakan at pagiibigan na nakikita natin sa pelikula ay binulag na tayo nito at pinokus ang mga tingin natin sa pakikipaglandian at pakikipagbasag-ulo 'onscreen'.
Sa panahon ngayon, marapat lamang na maging parte na ng pakikibaka ang pelikula. Dapat nang nagpproduce tayo ng mga pelikulang makakapagpagising sa kamalayan ng mga tao, yun bang nakakatakot sagad sa buto oara magising sila sa katotohanang, hindi na dapat umiiyak at naglulupasay ang mga api. Ang mga api dapat sa panahon ngayon ay sumisigaw para sa pagbabago, sama-samang nakikibaka sa highway man o kalsada.
0 notes
astrothalassa · 5 years
Text
Pakikibaka sa Cyberspace
Sa pilosopiya at usaping pansarili, may tinatawag tayong pampribado at pampublikong katotohanan, subalit paano kung ang dalawang ito ay tuluyan ng mawalan ng dibisyon? Ano nga ba ang pagsasalsal sa usaping pamboboso?
Ang akda ni U Z. Eliserio na Blog ang Mundo: Ang Pagsasalsal at pakikibaka sa Internet ay nagbigay ng ibang kahulugan sa kung paano nga ba tayo dapat na nakikibaka at naghahayag sa pamamagitan ng internet. Sa tulong ng blogs ay naihahayag natin ang ating nararamdaman, punto, kuro-kuro sa isang click lamang, at sa isang kisap ng mata libo-libo na ang makakakita nito. Sinabi ni Jean Baudrillard, isang sosyolohista na ang pampubliko at pampribadong espasyo ay kasalukuyang naglaho nang dibisyon nito dahil sa mga bagay na ibinabahagi natin sa internet na wala namang 'sense'.
Ngunit hindi ito sinangayunan ni Michael Andrada, na isang guro at aktibista. Nakikita nyang wala namang mali sa pagsasalsal paminsan minsan sa internet kaso ay kung puro pag-iyak na lamang daw sa atensyon ang layunin nito, hindi ba't nawawala na ang esensiya nito? Sinabi din ni Joseph Gordon Levitt (di talaga to kasama sa blog, isisingit ko lang sana) isang kilalang batikan na artista sa hollywood, sinabi nyang ang palagiang paghingi o paghahanap ng atensyon sa pamamagitan ng internet ay nakakaabala na sa mentalidad, pisikalidad, at emosyonal na estado ng isang tao. Kung gagamitin lang sana natin sa mas progresibong pamamaraan ang internet, katulad nang paggamit dito bilang isang platform na para ipakita ang talento o pagkahilig mo sa musika, pagsayaw, pagkanta, o pagsusulat. Hindi ba't mas nagiging makabuluhan ito?
Tinalakay din ni Eliserio kung paanong mas nakahihigit ang blog kaysa sa nobela, gamit ang argumento ng Marxistang si Walter Benjamin. Sinabi nitong reaksyonaryo at hindi progresibo ang pananaw nya sa nobela. Sa pamamagitan nito ipinakilala ni Eliserio ang pamamaraan ng 'rhizomes', sa kung paanong itinatapon ng ideolohiyang ito ang struktura ng kaalaman bilang isang puno, dahil ang kaalaman daw ay nasa istrukturang ugat-ugat at magkakaugnay, hindi natatapos at hindi malaman kung saan nga ba talaga nagsimula. Katulad ng hyperlink na nagsasangay-sangay sa iisa pang panibago o kaugnay na paksa.
Si Michael Andrada, bilang isang hayag na Marxista, ipinaliwanag ang konseptong 'if you don't like the system, get out of the system' sinabi nyang posible ito, pero may mga implikasyong posibleng harapin. Tulad na lang ng paano kung umalis ka nga dito sa Pinas, dahil sobrang bulok na ng sistema at ayaw mo na, kahit pa umalis o lumisan may posibilidad pa din na ang pupuntahan mong bansa ay ang katulad o kaparehas natin ng sistema. At kahit pa umalis ka, maiiwan pa din na nakakulong sa sistema ang mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan mo.
Kaya't ang blog o paghahayag ng saloobin sa internet ay isang uri ng pakikibaka na maaaring maghudyat ng rebolusyon hindi lamang sa cyberspace kundi pati na din sa sarili nating bansa.
0 notes
astrothalassa · 5 years
Text
Wika mo
Sa lipunang ginagalawan natin, kung saan malaki ang tsansang maglaho ang sarili nating Inang Wika, kelangan ba talaga nating kalimutan ang wikang Ingles? Ito ba talaga ang sumisira sa mga pagkakataong dapat nating mahalin ang sarili nating wika?
Ayon kay Conrado de Quiros, mahalaga ang pagiging edukado o 'literate' sa salitang ingles dahil na rin sa hinihinging kwalipikasyon sa ating lipunan, tulad na lamang sa pagmamaneho; ultimo mga simbolo at warning signs sa daan ay nakasulat sa Ingles, pati na din sa samu't saring social media sites o mga search engines na pinagkukunan natin ng iba't ibang impormasyon (pati ito ay nakasulat din sa salitang Ingles). Subalit pinabulaanan ni de Quiros, na ang wika ay isang paraan lamang ng komunikasyon, 'pagkat ang wika ay kultura at sensibilidad.
Ang wika ay kultura na patuloy sa paglago at yumayabong sa pagtanda ng ating sibilisasyon.
Ang wika ay sensibilidad na tumutukoy sa katayuan at estado ng buhay, kung ang pangunahing wikang ginagamit mo ay ang salitang Ingles, kung gayon ay pwede kang mapabilang sa mga matatalinong maykaya sa buhay kadalasan ang salitang Ingles ay hinahaluan pa ng Tagalog. Ito'y kadalasang ginagamit ng mga mayayamang estudyante sa mga pribadong paaralang pantangi tulad ng Arneyow (Ateneo de Manila University), at LaSalle, kung saan ang mga simple at payak na salita ay mas nagiging kumplikado pa sa pagmamashup ng dalawang magkaibang wika. Kung matigas at matatas na tagalog naman ay posibleng matawag ka na mahirap o walang pinag-aralan, ang karaniwan pang stereotype sa mga ito ay ang pagsambit nila ng matigas sa Ingles o ang tinatawag nating English Karabao (sa paghahambing pa lamang na ito, makikita na natin ang social structuralism nang wikang binibigkas natin sa isang simple at normal na araw), kung bisaya naman o iba pang Pilipinong diyalekto, maaari kang makarinig ng mga mapasaring na 'ay probisyana o probinsyano'. Ito ang kaugalian sa ating bansa, kaugalian kung saan di mo alam kung saan ka lulugar.
Kadalasan tuwing magbuBuwan ng Wika, ay nagoorganisa ng 'Balagtasan' ang bawat pampribado o pampublikong paaralan. Karaniwang nagiging paksa nila ay ang pag-alis ng Wikang Ingles sa ating bansa upang mamayagpag ang sarili nating Wikang Filipino. Pinabulaanan na naman ito ni de Quiros, at sinabing di naman talaga kinakailangang alisin ang Ingles, ang kailangan lang naman ay ang makagawa ng balanse sa pagitan ng dalawa. Hindi pwedeng isa lang ang pinapayabong natin, hindi pwedeng iisang wika lang ang pagtuonan natin ng pansin habang naiiwan naman sa pedestal ang isa. Marapat lang daw na habang pinapalakas natin ang pagbigkas o sa pagsulat ng Wikang Ingles, dapat lang din nating mas palawigin pa ang kaalaman sa sarili nating wika.
Binigyang halimbawa nya dito ang Thailand, kung saan sakabila ng sulat bulate nilang pamamaraan nang pagsulat ay namamayagpag naman sila sa paraan ng turismo. Hirap man sila sa pagiintindi at pagsasalita ng Ingles ay tinuturing naman ang kanilang bansa bilang isang tigre sa larangan ng turismo sa asya.
Ito ang nais ipabatid sa atin ng akda, na ang wikang Filipino ay hindi lamang convenient upang maintindihan tayo ng ating kapwa, kundi ang wikang atin ay sumisimbolo sa kung ano tayo, kung ano ka.
0 notes
astrothalassa · 5 years
Text
Mga Pedrong Maralita sa Mata ng Lipunan at Edukasyon
Sa akda ni Bienvenido Lumbera na pinamagatang Edukasyon para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita, matatanaw natin kung sa paanong paraan nagbago ang tingin ng isang Pedrong Maralita, matapos nyang malaman na kahit pa pilitin man nyang sungkitin ang kanyang pangarap ay nakakulong pa din sya sa isang sistemang tila baga naging isang 'norm' na sa ating lipunan.
Sisimulan kong isalaysay at magbigay ng ibang kulay sa akda sa saling baligtad o pagsisimula sa dulo.
Inihayag ni Lumbera na matapos malaman ni Pedro ang kanyang kinasasapitan, namulat ito sa katotohanang mapanlinlang ang pangako at kasaganaan, na ang edukasyon ay tunay na para sa iilan lamang.
Ang sabi nila kabataan raw ang pag-asa ng bayan, ngunit patuloy itong binabago at sinisira ng mga taong nasa itaas. Ginamit nila ang edukasyon para baguhin at linangin nang pabaligtad ang kaisipan ng mga estudyanteng Pilipino. Hindi ito naging makatarungan, ngunit naging kapaki-pakinabang naman para sa mga mamumuhunang maykaya.
Ayon kay Lumbera, itinayo ng mga mamumuhunang maykaya ang mga pampribadong paaralang pantangi para sa iilan lamang at hindi para sa nakararami. Ang kalidad at mataas na edukasyon na inaalok ng mga paaralang ito ang nagbigay ng lakas ng loob para mangarap na makapasok ang isang Pedrong Maralita sa isa sa mga prestihiyosong paaralan na ito. Dahil rin sa pag-usbong ng mga paaralang ito, nabuo din sa ating kaisipan na ang dekalidad at magandang edukasyon ay maaabot lamang gamit ang mahal na matrikula, sosyal na kasuotan, at mataas na estado ng posisyon sa buhay. Hindi na naalis sa atin ang sistematikong kaugalian na ito hanggang sa wala tayong kamalayang ikinikulong sa isang ideolohiya na 'pag sa mataas at pribadong paaralang pantangi ka nag-aaral, kabilang ka sa antas ng mga sosyal at mataas na estado ss buhay.
Tinignan ni Lumbera sa mata ng isang kapitalista ang usapin tungkol sa mga pribadong paaralang pantangi; ang mga estudyante bilang produkto at mga magulang bilang isang mamimili. Bilang isang magulang hindi sila pipili ng isang paaralang posibleng magdulot ng kagaslawan sa pagkilos at pagiging matabil sa pagsasalita ang kanilang mga anak, bagkus ay hahanap sila ng parish schools kung saan mga pawang pari at madre ang namumuno. Dahil dito mas kumikita ang mga paaralang higit na nagpapakita at nag-aalok ng mga kinserbatibo at tradisyonal na paraan ng pagtuturo.
Ang dekalidad na edukasyon ay marapat lamang na makamit ng nakararami at hindi lamang ng iilan. Pinaghihiwalay man ng pribadong paaralang pantangi ang nasa laylayan, tunay ngang minulat nito ang masa sa mata ng lipunan at edukasyon, lahat sana ay iisa at tinatanggap sa ngalan ng solidaridad.
0 notes
astrothalassa · 5 years
Text
Kolonyalismo at ang mga Pilipino
Mula sa akda ni Bienvenido Lumbero na isang manunulat at kritiko, ang kolonyalismo raw sa ating bansa ay mas nagiging pabor sa ating mga maniniil, sapagkat sino ba ang yumayaman? Saang bansa ba ang mas yumayabong?
Patay na nga ang giyera, malaya na daw ang Inang bayan ngunit bakit hawak pa din ng mga dayuhan ang pisi ng ating kamalayan?
Ginamit ng mga mapaniil na amerikano ang sandatang dudurog sa karupukan ng ating mga damdamin, sabagay, kung 'di lang sana uhaw sa pagkatuto ang mga Pilipino marahil hindi tayo nagpadala sa matatamis na salita ng mga dayuhan, 'di sana tayo natakot lumaban at makibaka upang kumawala sa mga bisig nila.
Pagkakaalala ko, nagtataka pa ako dati kung bakit tila mas marami pa yata ang mga teksto naming nakasalin sa wikang Ingles kesa sa sarili nating wika. Ang obserbasyong ito ay nagbigay ng kaguluhan sa aking isip, subalit sa paglipas ng panahon ay ipinasya ko nang iwaglit. Habang tumatagal mas nahilig ako sa mga pagkain, damit at aksesoryang galing sa ibang bansa ultimo paraan ng kanilang pananamit ay 'di ko pinalampas, unti-unti ay di ko man lang namalayan ang pagiging parte ko sa isang malaking sistemang kasalukuyang sakit ng ating bansa. Kindergarten pa lamang ay hinubog na tayo ng mga tekstong kolonyal na mahalin ang mga produktong dayuhan, mas maghangad ng mararangyang bagay at isuka ang sarili nating kultura't kasaysayan. Pilit nilang binago at minanipula ang kasaysayan, pinalimot kung sino talaga ang mga tunay na bayani, ibinaling ang ating mga tingin sa karangyaan ng pamumuhay ng pagiging Amerikano at kung gaano kasarap ang maging isa at mamuhay ng katulad nila. Isa ito sa naging sandata nila upang makontrol ang kaisipan ng mga Pilipinong hayok na hayok naman sa posibilidad na ibinibigay ng dayuhan sa atin. Habang sa iba tayo nakatingin, pilit na nilang itinatanim sa ating kaisipan, ideolohiya at pananaw ang kolonyalismo. Ngunit hindi pwedeng maging Amerikano ang mga Pilipino. Sa kabilang banda ang pagkahumaling natin sa kultura ng mga dayuhan ang nagbigay daan upang magbukas ang samu't saring negosyo ng iba't ibang dayuhan sa ating bansa at walang kupas natin itong tinatangkilik. Malinaw na ang opresyong nangyayare at mas luminaw pa noong ginamit nila tayo upang maging lakas-paggawa sa mga dayuhang negosyong ito na tayo din ang tumatangkilik, ang pansamantalang pag-eexport ng mga manggagawa sa ibang bansa ay naging isang sistema na patuloy na ding lumalaki at mahirap nang puksain.
Naging bulag at pipi tayo sa ating mga nakikita, pero 'wag sana nating kalimutan ang lupang tinatapakan natin. Tayo lamang ang pag-asa ng ating Inang bayan.
0 notes
astrothalassa · 5 years
Text
Edukasyon SANA
Isa ako sa mga monotonous na estudyanteng papasok at uupo sa aking upuan, at animo’y spongha sa pagaabsorb at pagaanalisa ng mga bagay-bagay na tinuturo ng guro sa aming klase. Hindi bale nang wala kaming kamalayan kung magagamit namin ang mga iyon sa hinaharap o sa pangaraw-araw na buhay, ang mahalaga lang naman ay maipasa ang asignatura, makakuha ng mataas na grado, makakamit ng pribiliheyong tumuntong sa susunod na baitang, makapagtapos at mabuhay ng marangya (ayon sa iba’t ibang pamantayan ng karangyaan sa iba’t ibang uri ng tao). Nakakalungkot, na ang kabataang si Juan ay patuloy na nagpapaalipin at nagpapabulag sa kasalukuyang kurikulum na nagbibigay daan sa gobyernong elitista na ihain tayo sa mga banyagang mangangalakal. Sa panunuod ng maiksing dokumentaryong ito ay may mga katotohanang naging lihim, ang panandaliang naisiwalat sa kaisipan ng mga manunuod, mga katotohanang naging limitado sa proseso ng edukasyon sa kasalukuyang henerasyon.
Ang sabi nila ay higit na masagwa pa ang mga Amerikanong kolonyalista kaysa sa mga Kastilang mananakop. Subalit, kung sasangayunan ito ng ating kasaysayan, katotohanan nga ba ito? Sandata ng Kastila ang relihiyon upang mabago ang pananaw ng mga mamamayan sa bayan ni Juan, subalit ‘di ito ang kanyang nais, ‘pagkat si Juan ay uhaw sa karunungan at sa pag-asang matuto, kaya’t siya’y naglunsad ng rebolusyon at itinakwil ang mga banyagang Kastila. Nawala man ang mga ito, isang panibagong lahi ng mga banyaga ang lumitaw sa isla ni Juan, dala ang matatamis na ngiti, sila’y walang takot at di naglabas ng sandata, ngunit lulan sa kanilang palad ang napakalaking bitag at ito ay ang Edukasyon. GInamit ng mga Amerikano ang edukasyon upang maging instrumento at magkaroon ng saysay ang kanilang pananakop, at sa maraming ulit na pagkakataon, nagpasiil ang bayan ni Juan.
Sa pamamagitan ng mga Thomasites, mga sundalong ipinadala ng Amerika sa ating bansa na nagsanay at may kakayahang maging mga guro. Marahil dahil dito ay nagkaroon ang mga kabataan ng panibagong oryentasyon na ang bansang Amerika ay batayan at tahanan ng marangya at magagandang bagay, mga produktong dekalidad at bago sa ating panlasa. Patuloy na naghangad ng kumportableng buhay si Juan na nakabatay sa pamumuhay sa States side, naniwala tayo na upang magkaroon ng dekalidad na edukasyon base sa balangkas ng kurikulum ng ibang bansa ay kinakailangan nating magbayad ng malaki. Dahil sa patuloy na pagtaas ng matrikula at pagtaas ng batayan ng edukasyon at pasilidad sa mga pampribadong Unibersidad, nagkaroon ng dibisyon ang mga estudyante ng mga pangpubliko at pangpribadong Unibersidad, na nagpapakain sa ideyang mas paburan ang mga estudyante mula sa international at pribadong eskwelahan dahil sila lamang ang pinagpalang magkaroon ng kumpetitibong edukasyon. Ngunit, sa paglaki ng utang ng ating bansa sa iba’t ibang institusyon tulad ng World Bank at United Nations, higit na napagtuonan ng pansin ang pagbabayad ng gobyerno rito kaysa sa kakulangan ng kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Ang kasalukuyang sistema ngayon ay mababang kalidad ng edukasyon para sa mga mahhirap habang tumataas ang kanilang matrikula at nagdudulot ng kabawasan sa mga estudyanteng nagtatapos taon-taon. Naging sistema na ito sa ating bansa, at wari mo'y isang monotonous na pangyayari sa pangaraw-araw na buhay ng mga estudyante.
Ngayon, tayong pag-asa ng bayan ay hindi nararapat na tumindig at manuod lamang. Hindi din matatawag na paglaban ang pag-alis sa kasalukuyang sistema, maging parte din tayo nito. Maging parte tayo upang kumawala at baguhin ito.
1 note · View note