Tumgik
Text
Panitikan sa Mata ng Isang Dalubbuhay
Sean Lemuel L. Santos
Buhay ang panitikan. Katulad ng mga letra nito ang bawat organismo sa kalikasan na may relasyon at may sariling tungkulin. Katulad ng mga salita nito ang bawat dugong dumadaloy sa katawan ng tao na siyang bumubuhay dito. Katulad ng mga pangungusap nito ang mga mata na nagpapakita ng mundong ating ginagalawan. Katulad ng panitikan ang nilalang ng kalikasan—isang likha na buhay, may damdamin at may kapangyarihan.
Sinasalamin ng panitikan ang mga iba’t ibang pananaw sa haynayan. Hindi lamang nito binibigyang kulay ang kalikasan, binibigyang kahulugan niya rin ito. Kung susuriin, makikitang ang mga tema ng haynayan ay parang tema rin ng panitikan.
Kaayusan at Kayamanan. Sa kalikasan, maganda at mabusisi ang anyo ng lahat ng buhay. Sa kanilang napakaayos na anyo, parang silang nilikha ng isang reloherong alam kung saan dapat at bawat tornilyo at bakal ng isang relo. Sa panitikan, kaayusan at kayamanan ang susi sa isang magandang sulatin. Kailangang maging maayos at maganda ang bawat ideya, pangungusap, salita, at kung minsan maging ang tunog ng mga letra.
 Ebolusyon. Nagbabago-bago ang mga organismo. Mula sa pagiging simpleng mga mikrobyo apat na bilyong taon na ang nakakalipas, lumaki at naging komplikado ang mga organismo. Mula sa pananatili sa dagat, umahon ang mga ninuno ng mga puno, insekto at mga hayop na may gulugod patungo sa lupa. Ganito rin sa panitikan. Sumasabay ang paraan ng pagsulat at nilalaman ng mga sulatin sa pagbabago ng panahon. Dahil dito, nakikita natin kung paano hinuhubog at binabago ng kasaysayan ang mga ideya at istilo sa panitikan.
 Istruktura at Tungkulin. Ang bawat istruktura ay may sariling tungkulin. Pahaba ang mga buto sa binti upang makalakad ka. Bilog ang mga mata upang mas malawak ang iyong makita. Malaki ang iyong tenga para mas marami kang masagap na tunog. Sa panitikan, may tungkulin ang bawat istruktura ng mga katha. Minsan, pare-parehas dapat ang bilang ng salita kada linya, makikita dapat ang bawat salita kada parte o di kaya, may uulitin dapat na salita. Sa pamamagitan ng istruktura, nakukuha ng mambabasa ang aral at emosyon na siyang pakay ng bawat sulatin.
 Interaksyon. May relasyon ang bawat organismo sa isa’t isa direkta man o hindi. May ibang magkakaaway o kaya ay magkakampi. May mga iba naman na nananakit o di kaya ay nakikinabang lamang. Ang mga interaksyong ito ang nagpapanatili ng balanse at kayamanan ng kalikasan. Sa panitikan, interaksyon ng mga salita ang nagbabalanse at nagpapayaman sa mga likha. Sa pamamagitan ng masusing paghabi ng mga salita, nadadala ang mambabasa sa mundong pinipinta ng manunulat.
 Pagkakaisa sa kabila ng Pagkakaiba. Magkakaiba ang lahat ng organismo ngunit iisa lang ang kanilang pinagmulan. Nagmula ang lahat ng nilalang sa sinaunang mikrobyo. Sa paglipas ng apat na bilyong taon, nagsanga-sanga ang buhay at naging iba-iba ang anyo. Gayon pa man, hindi natin maitatanggi na hindi tayo magkakahiwalay kundi magkakasama. Hindi tayo iba sa puno, sa mga isda, mga ibon at liyon. Tayo ay pare-parehas na isinilang ng mundo. At ganito rin ang panitikan. Kalipunan ang mundong ito ng iba’t ibang uri ng mga katha mula sa iba’t ibang manunulat ng ibat’t ibang henerasyon. Ngunit ang pagkakaiba ng mga ito ang nagbibigay-daan upang mapagkaisa ang lahat ng tao tungo sa kamalayan at magandang kinabukasan.
 Magkasama ang haynayan at panitikan. Para itong yin-and-yang na naghahabulan. Walang buhay kung walang panitikan. Walang panitikan kung walang buhay. Dahil ang buhay at panitikan ay iisa.
0 notes
Text
Tunguhin ng ideyal na pambansang panitikan
Isinulat ni: Sean Lemuel L. Santos Base sa sulatin ni Rolando S. Tolentino Ang tunguhin ng ideyal na pambansang panitikan ay ang palayain ang mambabasa mula sa kamangmangan patungo sa karunungan. Ibig sabihin, ang pakay ng panitikan ay ang pagbabago ng sistema na ginagalawan ng isang tao, hindi ang paglagay ng tao sa sistema. Bukod dito, layunin din ng panitikan na baguhin ang estado ng mambabasa, hindi ang kamalayan nito. Nagbigay ng ilang halimbawa ang may-akda patungkol sa tunguhin ng panitikan. Una, ay ang tungkol sa edukasyon. Naging layunin ng Amerikanong kolonyalista ang pagtanggal sa ating primitibong kaalaman at ang pagtaguyod ng kosmopolitang edukasyon. Ito ay mali dahil ginamit ang panitikan bilang isang kasangkapan ng pagbulag ng kamalayan. Ikalawa ay ang ekonomiya. Ayon kay Tolentino, ang layunin ng panitikan ay ang paglalatag ng ekonomikong kondisyon hindi ang pagdiin sa kung ano ang moda ng ekonomiya. Sa ganitong paraan ay maaari nating mabago ang problema---ang sistema---hindi ang mga tao sa loob nito.
0 notes
Text
Ang paraan ng pagsulat ni Bomen Guillermo
Isinulat ni: Sean Lemuel L. Santos
May anim na paraan na ginamit si Bomen Guillermo para mailahad ang kanyang pinaniniwalaan sa pagsulat ng kasaysayan at panitikan. Una, gumamit siya ng sarili niyang karanasan upang madaling maintindihan at magustuhan ng mga mambabasa ang kanyang sinasabi. 
Ikalawa, gumamit siya ng iba pang mga teksto upang mapatibay ang kanyang mga argumento. Binanggit niya sina Renato at Leticia Constantino at Carlos Bulosan na mahuhusay na manunulat. 
Ikatlo, hinsi siya gumamit ng mga teknikal at akademikong sulatin upang maunawaan ng karaniwng tao ang katotohanan na sapat nang ilahad gamit ang mga simpleng salita. 
Ikaapat, gumamit siya ng mga direct quotations upang dalhin ang mambabasa sa kanyang karanasan. Nang ikinwento niya ang pag-uusap nila ng kanyang ina, gumamit siya ng direct quotes. 
Ikalima, hindi siya nagsulat ng mahaba para hindi mawala ang interes ng mambabasa. Kung mapapansin, dalawang pahina lang ang isinulat niya. 
Ika-anim, kinumpara niya ang kathang-isip at katotohanan nang inilahad niya ang mga kasinungalingan at katotohanan sa Martial Law.
0 notes
Text
Kwento ng “Ang Makina ni Mang Turing” ni Ramon Guillermo
Isinulat ni: Sean Lemuel L. Santos 1.     Nakasalubong ng persona si Don Arturo sa calle comercial sa Quiapo 2.     Nag-aral ng kolehiyo 3.     Nagtungo sa Alemania at sinimulang isulat ang kanyang novela social 4.     Nagsimulang mag-aral sa Universidad Complutense de Madrid para sa      Licenciatura en Derecho 5.     Pumunta sa Gante, Belgica at hinanap ang isang nagngangalang “Banog” 6.     Pumunta sa Leipzig at tumira ng pitong buwan para buuin ang huling kabanata ng novela at maghanap ng murang imprenta ngunit hindi nagtagumpay 7.     Sumakay ng tren mula Leipzig patungong Hamburgo 8.     Sumakay sa isang lumang carruaje sa Hamburgo 9.     Tumuloy sa isang tirahan sa Stortebeker-Strasse sa Hamburgo 10.  Tumungo sa bahay na dating tinutuluyan ni Don Arturo at kinuha ang    kanyang mga gamit 11.  Bumalik sa kanyang tirahan 12.  Sinadya si Waruno at nakipaglaro ng sungka 13.  Bumalik sa kanyang tirahan 14.  Pagkaraan ng ilang araw ay nagtungo sila ni Kawamoto sa Kneipe 15.  Naglakad pauwi sa tinutuluyan 16.  Pumunta sa tirahan ni Kawamoto 17.  Lumabas at nagpunta sa mayroong cerveza 18.  Namili sa Fischmart ng Hamburgo 19.  Bumalik sa kanyang tirahan 20.  Pinuntahan muli si Waruno 21.  Bumalik sa kanyang tirahan 22.  Pinuntahan sa ikatlong beses si Waruno 23.  Bumalik sa kanyang tirahan 24.  Bumalik ng maraming beses kinala Waruno 25.  Nakipagkita kay Kawamoto sa 38 Grosse Freheit 26.  Pinuntahan muli sa Waruno 27.  Tinapos ang huling kabanata ng kanyang novela social 28.  Kininis ang buong manuscrito 29.  Tumuloy kinala Waruno 30.  Pumunta sa isang ristorante ng Zinggs Hotel ng Adolphsplatz, Hamburgo 31.  Umuwi sa tinutuluyan 32.  Binisita si Waruno at nagpaalam na aalis na 33.  Nag-empake siya ng gamit bago umalis ng Stortebeker-Strasse 34.  Lumabas siya at tumingin sa langit
0 notes
Text
Los Baños Interlude II
Isinulat ni: Juaniyo Arcellana Isinalin ni: Sean Lemuel L. Santos
Mainit ang ulan, tulad ng alak sa lumang tindahan. Hinahanap ng mga batang paslit, mga kapatid ng nilimot na henerasyon, ang daan pauwi mula sa maputik na landas.
Juana ang kanyang pangalan, ang babaeng pinaglihi sa kanggaro, binibisita siya sa perya, isang piso kada tao. Sa kabilang dako, pwede kang manalo ng isang lata ng pork and beans sa larong beto-beto.
Ito na lang ba ang masasabi tungkol sa bayang kilala sa paggawa ng buko pie at espasol, at sa mga bukal na naluma na sa gabok ng mga bisita at turista, mga kwento ng matatandang tinamaan na ng rayuma at galimgim?
Ah, buti’t buhay pa si Maria Makiling, na may mga susong binuo ng hamog, at inanakan ng mainit na ulan at dugo ng mga rebeldeng hindi susuko kailanman.
0 notes
Quote
Ang hindi magmahal sa sariling bayan at musika ay tulad ng isang bingi sa mundo ng mga musikero.
from Rosario Cruz Lucero’s “The Music of Pestle-on-Mortar” (a Filipino translation by Sean Santos)
0 notes
Text
Ang Dapat Mabatid ng mga DU30 Warriors
Isinulat ni: Sean Lemuel L. Santos
Noong nangangampanya pa lamang si Duterte, mabait at magaling na pinuno ang imahe na ipinakita niya sa taong bayan. Tulad ng isang pulitikong sanay na sa kampanya, marami siyang ipinangako sa mga Pilipino sakaling mahalal siya bilang susunod na pangulo ng bansa. Ibinida niya ang kanyang plano na ‘war on drugs’ na kung saan ay susugpuin niya daw ang lahat ng droga sa bansa sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan. Nanindigan siya na kanyang wawakasan ang kontraktwalisasyon na nagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino. Ipinangako niya na kanyang ipagtatanggol ang West Philippine Sea na siyang inaangkin ng Tsina. Sasakay daw siya ng jetski papuntang Spratlys at doon ay itatanim niya ang watawat ng Pilipinas. Minsan niya na ring ipinahayag na aalisin niya ang korupsyon sa gobyerno. Ipapakain niya daw sa mga isda sa Manila Bay ang mga itutumbang kurakot sa pamahalaan. Nangako siya na magkakaroon ng reporma sa buwis at gagawing mura ang presyo ng mga pagkain. Sisimulan daw niya ang ‘national healing’. Papatawarin na daw niya ang kanyang mga nakalaban sa halalan at mga nakabangga sa kanyang kampanya.
 Dalawang taon na ang nakalipas buhat ng maluklok si Duterte sa pwesto ngunit hindi niya natupad ang kanyang mga pangako. Ngayon, hindi nasugpo ng kanyang ‘war on drugs’ ang mga droga sa loob ng anim na buwan. Nagdulot lamang ito ng libo-libong mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao at pagpatay sa mga inosente. Ngayon, laganap pa rin ang kontraktwalisasyon kahit na ipinagutos na ng DOLE ang pagtanggal nito. Ngayon, ang West Philippine Sea na inaangkin ng Tsina ay tila ipinamimigay na ng administrasyon ng hindi nito kinilala ang Hague ruling. Naging malabnaw rin ang pagsumite nila ng mga diplomatikong protesta at naging masunurin rin si Duterte sa mga hiling ng Tsina. Ngayon, ang mga kurakot sa gobyerno ay lalo pang lumaganap nang italaga niya sa kanyang gabinete at iba pang mga ahensya ng gobyerno ang mga dating tauhan ni Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi niya rin kinakasuhan ang mga taong sangkot sa katiwalian. Ngayon, ang mga kumakalaban sa kanyang administrasyon ay kanya ring binagsak o pinatahimik. Minsan niya nang tinakot ang Philippine Daily Inquirer, ABS-CBN, at Rappler na kritikal sa administrasyon. Pinatalsik niya sa pwesto ang Punong Mahistrado na si Maria Lourdes-Sereno, pinakulong si Sen. Leila De Lima at tinanggalan ng amnestiya si Sen. Antonio Trillanes na kapwa mga kumakalaban sa administrasyon. Ngayon, ang kanyang TRAIN Law ay nagdulot lamang ng pagtaas ng presyo ng bilihin na higit pang nagpahirap sa mga Pilipino.
 Dahil dito, masasabing isang palpak at masamang pangulo si Duterte. Ang pagbabago na minsan niya nang pininta ay nanatili lamang sa papel. Tunay nga na hindi naihatid ni Duterte ang dapat matamasa ng mga Pilipino. Kaya, itinuturo ng katwiran na imulat natin ang ating mga mata sa mga kamalian at kasakiman ni Duterte. Itinuturo ng katwiran na tayo ay magkaisa upang ipamukha kay Duterte ang mga kabaluktutan, kasinungalingan at kasamaan na ginawa ng kanyang administrasyon. Itinuturo ng katwiran na sama-sama nating labanan ang mga pwersa ng administrasyon na nagtutulak sa atin sa higit na kahirapan, kahinaan, at kamang-mangan. Itinuturo ng katwiran na magkaisa tayong patalsikin si Duterte at ang kanyang mga tauhan sa gobyerno. Itinuturo ng katwiran na gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang hindi na ulit tayo magkaroon ng pinunong tuta, diktador, at demonyo na tulad ni Duterte. Panahon na ngayon dapat na makita natin ang tunay na kalagayan ng bansa sa pamumuno ni Duterte. Panahon na ngayong dapat na malaman natin ang pagpapahirap na ibinabato sa atin ng kasalukuyang administrayon. Panahon na ngayong dapat na kilalanin natin na tayo ay may karapatang mabuhay ng malaya at payapa. Panahon na ngayong dapat na hangarin natin ang magandang kinabukasan at iwaksi ang madilim na kasalukuyan.
Kaya! O mga kababayan! Ating ialay ang ating buong puso, isip, at lakas para sa Bayan upang tuluyan na nating madurog ang kasamaan at mabuo ang isang mapayapa, maayos, at makatarungang lipunan.
1 note · View note
Text
Paggising mula sa himbing
Sagot sa tula ni Juaniyo Arcellana Isinulat ni: Sean Lemuel L. Santos 
Ang mga kwento ay tungkol sa bayang binibisita ng galimgim. Ang ganitong mga salita ay buhay at mainit. Kanyang ginising ang mundo na maputik at nagkukulay-abo na. Ang salita na ito ang landas na magliligtas sa henerasyong niluma. Marahil siya na ang nagsabing ngayon na ang oras ng hindi pagkahimbing.
0 notes
Text
Los Banos Interlude I
Isinulat ni: Juaniyo Arcellana Isinalin ni: Sean Lemuel L. Santos
Marahil ngayong gabi na lamang.  Nagugulumihan ang mga buwan, kinakampay ang mga kamao sa hangin, Ginising ng kalmadong ginaw ang mga dahon mula sa kanilang tulog, sa libong-taong pagkahimbing.  
Puminta, tumanaw siya sa bintana at nagsabing: “ang mundo ay nagkukulay-abo sa ganitong oras… at naisip ko na hindi lamang tayo sa salita mabubuhay”.
0 notes
Text
Tatlong Akda na Dapat Pag-aralan sa Klase
NOBELA: Dekada ’70 ni Lualhati Bautista KWENTO: Ang Kalupi ni Benjamin P. Pascual TULA: Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Andres Bonifacio
0 notes
Text
Ano ang Panitikan?
“Ang panitikan ay ang kabuuan o koleksyon ng mga nakasulat na ideya at kwento na ginagawang realidad ang imahinasyon at imahinasyon ang realidad sa pamamagitan ng malikhaing pagsisinungaling at pagpapangalan sa mga bagay-bagay.” 
(Depinisyon ng Panitikan ayon sa Grupo Makata)
0 notes