batubatongbaboy-blog
batubatongbaboy-blog
Kayang gumawa ng monologue sa loob ng 5 minuto
12 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
batubatongbaboy-blog · 6 years ago
Text
Bawal magkamali ng Grammar sa ating bayan.
Hindi na kailangan pa ng mahabang panimula, ika nga sa wikang Ingles. "The title says it all."
Ito ang katotohanan sa ating bansa. Mahina ang iyong kokote kung ang iyong Ingles ay "English Carabao" o "barok-barok". Palibhasa'y namulat tayo sa kolonyal na pag-iisip tungkol sa kahalagahan ng wikang Ingles kumpara sa ating mga sariling dialekto o wika. Marahil ay para ating mga naunang Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Mas nakakaangat ka sa iba kapag ang matatatas ka sa wikang banyaga.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 6 years ago
Text
Ang Bilis ng Buhay
Titulo pa lamang, makikita mo na ang nais kong ipabatid. Oo nga't napaka-bilis ng buhay. Hindi mo lubos na aakalain na darating ang araw na gigising ka't makakatanggap ng malungkot na balita. Na ang minsan mong nakakwentuhan, nakatawanan, nakabangayan, nahawaan ng sakit, nahingan ng payo, nautangan, nailibre, nacheckan ang test paper, at kahit nakilala lang. Ay permanente nang mawawala sa ating mundo.
"Mamatay rin naman tayong lahat". Siguradong lahat tayo'y nagamit na ang ganyang kataga. Sa t'wing tayo'y pinapangaralan tungkol sa bisyo, sa t'wing tayo'y pinapaalalahanan na huwag magpagabi't baka madisgrasiya, at kahit ang simpleng pagkain ng mga pagkaing ibinilin sa atin ng mga nakakatanda na huwag kainin dahil marumi. Kung sa bagay, totoo nga naman na darating rin ang araw na tayo'y maglalaho rin dito sa mundo. Sa kung anong paraan na naisin ng kapalaran. Mapa-sakit, krimen, pagpapakamatay at aksidente. Lahat ng ya'y maaring magpatigil sa pagtibok ng ating puso.
Kaya nga "Ang bilis ng buhay" ang aking ginamit na titulo. Dahil ito ang katotohanan. Hindi natin alam kung kailan tayo bibiruin ng pagkakataon. Paano kung isang araw habang tayo'y papatawid ay may walang pakundangan drayber ng kung anong sasakyan ang sa ati'y makasagasa? Paano kung may isang raid ang mga pulis at natiyempuhan tayong nasa labas at pinagbintangan na drug pusher o user at nanlaban kaya tinadtad ang bala ng katawan?
Napakaraming "paano kung" na maaring maging katapusan ng ating hiram na buhay. Kaya nga dapat at sinusulit ang bawat araw. Sa pag-gawa ng mga bagay na sa tingin natin ay tama, sa pagpapasaya hindi lang ng sarili kundi ng kapwa. Sa pagiging inspirasyon sa nakararami at pagiging mabuting ehemplo sa mga kabataan.
Dahil hindi natin alam kung kailan tayo mawawala. Kaya mas maiging gumawa ng napakaraming tama. Para sa ating burol ay maraming pumunta. Mas maraming pupunta, mas malaki ang abuloy na ating makukuha.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
Galaw Galaw upang mga maralita naman ang mangibabaw.
Napakalaki ng papel na dapat gampanan ng mga mag-aaral at mga mulat nating mga kababayan sa pagbabago sa ating bansa. Malaki man ang maging kabayaran ng mga ganitong hakbang wala namang bayad na malaki kung ang lahat ay mag-aambagan. Hindi lingid sa kaalaman ng isang mulat na kabataan na ang ating bansa ay pinapatakbo ng mga lider na bulok, relihiyosong hipokrito, mayayamang sugapa at mga mapang-aliping mayayaman sa loob at labas ng bansa. Tiyak kong mananatili tayong ganito kung wala sa atin ang sasalungat sa agos ng ilog na ilang henerasyon nang nagpapahirap sa buhay ng mga maralitang Pilipino. Hindi masamang lumaban upang itama ang mali sa paligid. Kung patuloy tayong aalipinin sa at patuloy itong pahihintulutan ng pamahalaang nakikinabang sa ganitong klaseng mapang-aliping kalaran. Dapat na itong labanan. Sino ba ang may nais nang ipanganak, lumaki, magkaroon ng sariling pamilya at mamatay ng isang mahirap? Kalokohang maituturing ang sinasabi nilang “Edukasyon ang takas mo sa kahirapan” dahil kung ika’y magtatapos sa pag-aaral at magtatrabaho upang maging alipin rin ng mga taong hindi mo naman kababayan. Wala rin itong malaking pinagkaiba sa pagiging alipin. Dahil ang tanging lamang mo lang sa kanila’y mayroon kang “diploma” o katibayang nakapagtapos ka upang mag-silbi sa mga dayuhan at mga mapang-abusong mayayaman. Ang pagkilos ay hindi lamang para sa atin at mga maralita. Para rin ito sa mga kabataang pikit ang mga mata. Kailangan nilang mamulat upang hindi maging permanenteng bulag at bingi sa mga isyung pang-politikal at pang-lipunan ng ating inang bayan. Walang magiging lugi dahil lahat tayong hindi pa nakakatikim ng pag-unlad ay sa wakas mabubusog na rin. Panahon na upang baliktarin ang tatsulok na magpahanggang ngayo’y sumisimbolo sa estado ng lipunan sa ating bayan.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
Bagong uri ng libro para sa lumang uri ng mambabasa
Alam ko kung gaano ang pakiramdam ng pagkaurat sa sistema ng edukasyon hindi lamang ang mga estudyante kundi pati ang mga guro. Nakakamanghang napagtiya-tiyagaan ito ng mga guro kahit alam nilang hindi ito gaanong angkop bilang sistemang pang-edukasyon sa bansa. Sistemang nakatali pa rin sa Amerika na nag-pamana sa atin ng ganitong uri ng edukasyon. Sistemang pabor sa mga mayayaman, mapang-alila at mga kapitalista. Gaya nga ng binanggit ng ni Bienvenido Lumbera “Ang sistemang kapitalismo ang isang pabrika upang hindi malugi ay dapat gumawa ng produktong tumutugon sa pangangailangan ng mamimili. Ang pabrika, sa paghahambing na ito, ay ang paaralan, at ang mga mamimili ay ang mga taong nagpapadala ng mga anak nila sa paaralang yaon.” Upang hindi malugi ang mga mayayaman kailangan nila ng murang mapagkukunan ng mahusay at murang produkto at iyon ang Pilipinas. Kahit saan nating tignang anggulo. Napakalaki ng dapat baguhin sa sistema ng ating edukasyon at napakalayo pa ng dapat tahakin upang ito’y maisakatuparan. Dapat maging handa ang mga Pilipino sa ganitong klaseng edukasyon, sila’y dapat mamulat na ang bagong klaseng edukasyon ay sumesentro sa pangangailangan ng bansa. Dapat ito’y holistik, moderno, at kalahok ang bawat isang mag-aaral upang mas lalong maging malinaw sa kanila ang mga tinatalakay. Ito ay dapat nasa proseso ng pagtuturo sa mga tao na maging liberal, maka-Pilipino, at maka-mahirap. Naniniwala ako na hindi magtatagal ay magiging ganito na rin ang sistema ng edukasyon sa bansa. Kailangan lang ng tulong ng bawat isang Pilipino dahil sa huli ang inang bayan rin ang makikinabang sa radikal na pagbabagong ito.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
Sumulat gamit ang tintang pawis
Para mabuhay ka ng isang, kailangan mong kumayod ng kumayod hanggang ang katawan mo'y mapudpod.
Sa hirap ng buhay, may mga manggagawang handang talikuran ang pagbabasa at pagsulat ng mga kathang maka-mahirap para lamang kumita ng sapat nang makakain ng tatlong beses sa isang araw ang iyong pamilya.
Yan ang bagay na nakita ko sa aking ama na noo'y isa sa mga estudyanteng lumalaban sa mga kahayupang ginagawa ng mga pulitiko, mayayaman at mga naghaharing-uri.
Ayon sa kanya nagbago siya noong sinilang ng aking ina ang aking nakakatandang kapatid. Tinalikuran ang pinaglalaban para maghanap ng trabaho at na-swertehan naman siya at naging kusinero sa barko.
Maayos man ang pinatunguhan ng kanyang kwento. Iilan lamang sa mga manggagawa ang nakakatikim ng kaunting piraso ng swerte mula sa mga mayayamang nang-aalila sa kanilang manggagawa iba't-ibang lugar sa bawat sulok ng bansa.
Halimbawa na riyan ang mga empleyado ng Nutri-Asia at mga magsasaka sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng mga mayayamang angkan sa bansa. Nang subukang magreklamo at lumaban ng kanilang mga inaalila. Binalik nila rito'y bala.
Ilan pa ba ang magti-tiis sa ganitong klaseng kahayupan ng ating mga kupal na mayayaman sa ating manggagawa na kapwa nating maralita.
Kung iyong tatanungin kung nasaan ang pamahalaan. Sila'y nasa panig ng mga mayayaman dahil karamihan sa kanila'y nasa kapangyarihan rin.
Bibihira ang mga manggagawang nakakapagsulat ng kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng tula, dagli at mga kwento dahil mas pinipili nilang mag banat ng buto. Bukod riyan, ang ilan sa kanila'y walang kakayahang magsulat at magbasa.
Kaya ang tayong mga kabataang mulat ang kanilang inaasahan. Inaasahang mag-mulat ng mata ng mga kapwa nating kabataan, inaasahang mag-ingay at mangalampag sa mga opisyal ng gobyernong hindi nakakaranas ng pagkalam ng tiyan.
Tayong mga marurunong magbasa at sumulat at hawak ang ating sariling oras ang inaasahan nilang maging boses nila. Ngunit hindi ito kaya ng iilan lamang. Kailangan ng pwersa ng nakararami upang may mangyaring pagbabago na pabor sa mga tulad nating pobre. Hindi natatapos sa pag-iingay at pagkilos ang lahat. Itinutuloy ang laban sa tulong ng pagsusulat ng mga literaturang sumasalamin sa hirap at sakripisyo ng mga mahihirap na patuloy na naghihirap dahil sa kawalan ng pakialam ng mga pinunong hung hang na magaling lamang mangako.
.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
Isang Kutos para sa mga Bastos
Hindi ko alam ang rason kung bakit naging tila naging parte na ng popular na kultura sa loob at labas ng bansa ang mga bagay na kahit saan mong tignan ay nakakabastos sa ilang sektor ng lipunan. Lalo na sa sektor ng kababaihan.
Makailang ulit binastos ng mga kilalang personalidad ang mga babae sa kanilang mga salita at gawa. Hayaan mong banggitin ko sila Rodrigo, Vicente, Joey, Enteng at napakarami pang iba.
Silang mga dapat maging ehemplo sa mga kalalakihan bata man o matanda dahil sila ang mga kadalasang nakikita sa telebisyon at pinapakinggan ng karamihan ay tila nakakalimot sa kanilang responsibilidad.
Pero hindi lamang sila ang mga "bastos" sa bayan ni Juan. Maka-ilang ulit mo nabang narinig ang mga katagang "iniyot, binetchot, nilaspag, babae lang yan". Mula sa iyong ama o mga tiyuhing lasing at nagkakatuwaan? Habang ang iyong ina at mga tiyahin ay nakikitawa rin?
Malaki ang impluwensiya ng media, internet at mga kwentuhang tungkol sa pakikipag-talik para maging bastos ang mga Pilipino.
Sino ba naman kasi ang nagsabing nakakadagdag ng pagkalalaki kung marami kang natikmang babae?
Inaamin kong ako'y isang dambuhalang hipokrito pagdating sa mga bagay na ganito. Dahil maging ako naimpluwensiyahan ng aking ama, tiyuhin at napapanood pagdating sa kabastusan. Bagay na kahit ilang beses kong pagsisihan ay hindi ko na magagawang baguhin.
Ang kabastusan ng mga Pilipino ay epekto ng paglawig ng popular na kultura mula sa buong mundo. Nagawa nitong pasukin ang ating konserbatibong bansa. Ano ang naging resulta? Dumami ang mga nababastos. Hindi dahil sa mga babaeng may suot na maikling damit o halos wala nang suot na pang-itaas. Kundi dahil may mga kalalakihang bastos. Gayundin sa panggagahasa. May mga nagagahasa dahil may mga nabulungan ng kung sinong demonyo para gahasain ang kung sinong kawawang babae.
Hindi totoong wala na tayong magagawa upang ito'y mapigilan at may magbago. Nasa kamay ito ng mga magulang at mga nakakatanda sa bahay man o paaralan. Ang maagang pagkamulat sa kamunduhan at kung anong tama at mali sa kamunduhan ang isang solusyon upang ang kabastusan sa ating bayan ay mabawasan. Base na rin sa aking sariling karanasan.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
Idoling
Hindi ko alam kung anong mayroon sa baril ni FPJ, Robin Padilla, Rudy Fernandez, Jeric Raval, Lito Lapid at Bong Revilla. At bakit hindi ito nauubusan ng bala.
Ilang ulit mo na ba silang nakita sa pelikula na tila naka "cheat" na god 1, sv_infinite_ammo 1, clientrace, wall hack at professionalskill sa kanilang mga pelikula. (Bago ako magpatuloy. Ang mga cheat codes na yan ay ang madalas kong ginagamit sa mga first at third person shooting games sa computer.)
Silang mga allergic sa "reload" na tila hindi tinatablan ng bala ay ang mga action stars na tila wala ang salitang "kamatayan" sa kanilang bokabularyo ay ang mga iniidolo ating mga lolo, ama at tiyuhin noon hanggang ngayon.
Paano nga ba maging 80's at 90's action star? Kailangan mo lang ng leather jacket, aviator glasses, baril na di nauubusan ng bala, sexy leading ladies, cliché storyline, basurang script at title na maririnig mong sasabihin ng bida gaya ng "isang bala ka lang, kung marunong kang magdasal simulan mo na at gawa na ang balang papatay sa'yo"
Yan ang kadalasang nakikita ng isang taong mas pinipiling patayin ang telebisyon kesa mag-aksaya ng kuryente para manood ng mga pelikulang alam mong hinango sa mga pelikula ng mga kanluranin tulad ng "James Bond franchise, Rambo, Top Gun, Mga pelikula ni Steven Seagle at marami pang iba."
Kung ang mga palabas naman ngayon ang pagbabasehan. Mas pinipili ng mga Pilipino mapa-bata, matanda, babae, lalake, bading at tomboy ang mga palabas na laging may problema sa pag-ibig, nawalan ng tatay o iniwan ng nanay, ampon at kinupkop ng kung sinong Poncio Pilato na may kontrabidang tila nagkatawang tao na kanang kamay ni Satanas dahil sa sobrang sama.
Mga palabas na ginaya lang naman sa mga libro at pelikula ng ibang bayan.
Ito ay isang matibay na ebidensya kung gaano tayo naimpluwensyahan ng mga kanluraning bansa pagdating sa mga dula at pelikula. Na hanggang ngayon ay talamak pa rin.
Kailan ka ba nakakita ng mga bida sa pelikula na itsurang Pilipino talaga? Kung mayroon kang makikita pihadong bilang lamang sa iyong daliri dahil iba ang "appeal" sa ating mga Pilipino ang mga artistang itsurang banyaga. Kung baga sa aso'y mas pipiliin nating alagaan ang mga asong may lahi kesa sa mga "aspin" at yun ang depinisyon ng pagiging "dog-lover" sa ating bansa.
Iba ang ibig sabihin ng pagiging pogi at maganda sa ating bansa. Kung ika'y maputi, matangos ang ilong, matangkad na mala-Gabby Conception ang itsura instant "heartrob" ka na. Gayun din sa mga babae.
Ang ganyang kaisipan ang itinanim sa atin ng mga Amerikano na hanggang ngayon ay nagsasalin-salin at daig pa ang mga kwentong bayan.
Kung ika'y itsurang kano o "mestizo" pogi ka at pwede kang bida. Samantalang kung ika'y itsurang Pilipino pang-"extra" ka lang.
Mula sa mga pelikula, teleserye, dula at pati senakulo. Mas pipiliin ng mga namamahala ang mga nabanggit kong katangian para maging bida. Maaatim mo ba na makita si Maria o Kristo na gumaganap sa senakul ay maitim, maliit at pango?
Malayo pa ang daang tatahakin ng ating mga kababayan para mayakap at matanggap ang ating pagka-Pilipino sa mga pelikula at teleseryeng pinapanood.
Siguro kapag may pambato na tayong purong Pilipino na may natural na itsurang pasok sa kraytiryang pang-Pilipino sa mga "beauty pageants" maniniwala na akong umuusad tayo patungo sa ating sariling "identity" o pagkaka-kilala sa depinisyon ng kagandahan at kapogian sa bansa.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
Hindi yan "internet" kung walang "intelligence".
Sa mundong pinaliit ng internet. Napakadali na lamang makipagkaibigan, diskusyon, talastasan at magbahagi ng mga kaalaman sa buong mundo.
Kailangan mo lamang ng "personal computer", " laptop" o kahit "smart phone" at syempre "internet connection" kahit gaano ka bagal pa yan. May susi ka na para buksan ang pintuan ng daigdig.
Dito mo makikita ang iba't-ibang klase ng tao mula sa iba't-ibang bansa. May mga maka-Diyos, mukhang pera, ignorante, malibog, mahilig sa musika, bobo at marami pang iba.
Sa tulong ng internet maaring mabago ang kaisipan ng marami sa atin. Sa laki ba naman ng pangangailangan ng halos lahat sa atin dito. Hindi na mahirap makahanap ng mga taong katulad mong ang tingin sa mundo'y patag o 'di naman kaya'y nasa loob ng isang garapon.
Sa tulong rin ng "internet" mas madali mong makakahalubilo ang mga taong mulat at maaalam sa mga bagay na hindi pa tayo gaanong namumulat. Silang mga tao na ang puhunan lang sa pagtuturo ay mga letra na nagiging salita, mga salitang nagiging talata, talatang nagiging artikulo, sanaysay o "blog" kaya nilang baguhin ang ating mga pananaw.
Pananaw sa mga kamalian na patuloy pa rin nating ginagawa dahil akala nati'y tama. Pananaw na akala nati'y normal sapagkat dito tayo namulat, pananaw na nagdidikta sa ating mga sinasabi at ginagawa sa araw-araw. Pananaw na maaring mabago at maituwid sa tulong ng mga "blogs" sa internet.
Kung tutuusin ang kailangan lang ng mga tao ay tiyaga sa pagbabasa at pagintindi para matuto at mamulat. Kung wala ka nitong dalawa. Magkulong ka nalang sa loob ng kweba dahil hindi ka matututo kung ang utak mo'y sarado.
Dahil sa panahong talamak ang kabobohan sa mundo ng internet. Malaking bagay ang mga taong may alam sa mga bagay bagay dahil sabi nga ng isang istasyon ng telebisyon "lamang ang may alam"
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
WEAKA
Ang wika ay isang mabisang gamit upang malaman ang pagkakakilanlan ng isang tao.
Saang lupalop man siya nanggaling alam mong hindi siya kabilang sa inyo kung iba ang kaniyang wikang sinasabi. Bagay na masasabi nating kapangyarihan ng wika.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may mayamang wika. At sa paglipas ng panahon, kasabay ng pagbabago ng "trend" o uso. Nagkakaroon ng mga bagong salita sa ating personal na bokabularyo. Signos ito sa patuloy na pagyabong ng ating sariling wika.
Ngunit gaano man kayaman ang ating wika, naging mabisang paraan pa rin ito para kunin ng mga mananakop ang ating tiwala at ang ating pagka-Pilipino.
Ilang beses ka na bang nagkamali sa pagbigkas ng mga wikang sariling atin? Mas marami pa kesa sa pag "mispronounce" mo sa ibang mga wika hindi ba?
Aminin man natin o hindi. Dumating sa puntong tinawag "bobo" ang mga taong hindi matatas sa wikang Ingles at mas binibigyang prayoridad natin ang kaalaman sa wikang Ingles kesa sa ating sariling wika.
Ito na marahil ang negatibong epekto ng ating pagkatuto ng ibang lenggwahe mapa-Ingles, Mandarin, French o Nihonggo pa man yan.
Ang kawalan ng pakialam at pagmamahal sa sariling wika ay kawalan ng pakialam sa pagka-Pilipino.
Pero masisisi nga ba natin silang mga mas masahol pa sa hayop at malansang isda?
Masi-sisi ba natin silang lumaki at pinalaki sa kapaligiran at sistemang mas pinapahalagahan ang wikang banyaga at tinitingala ang mga matatas dito?
Masi-sisi ba natin silang mga nag aral sa mga paaralan na ginawang patakaran ang "Speak English all the time" at mas bibigyan ka ng mas mataas na grado kung mas magaling ka sa wikang Ingles kaysa sa sariling wika
Masi-sisi ba natin silang mga may magulang na ang mga tinuturo sa anak ay nasa wikang Ingles tulad at mas magiging proud sila kung "spokening dollars" ang kanilang mga anak. Sila rin ang nagtuturo sa kanilang mga anak nila na mas mahalaga ang Ingles para kanilang hinaharap para kung sila'y makapagtapos ay makatrabaho sila sa ibang bansa at kumita ng dolyares.
Masisisi ba natin silang mga takot mapagiwanan ng kanilang mga tropang konyo kaya mas madalas gamitin ang wikang banyaga sa pakikipagtalastasan o kahit sa normal na pakikipagusap dahil sa kanilang pananaw ito ay "cool" at ito ang uso na kahit kailan hinding-hindi malalaos.
Masisisi ba natin silang nagnanais ng mataas na grado mula sa paaralang pinagaaralan nila, kumita ng dolyares kapag sila'y nagtrabaho na at maging mas "cool" sa iba dahil kabilang sila sa tropang konyo?
Yan ang ilan sa mga bagay na hindi kayang talikuran ng isang pangkaraniwang kabataang Pilipino. Kaya sa kanilang pananaw mas aangat sila sa iba kung mas matatas sila sa lenggwaheng banyaga. Mga pananaw na dapat baguhin ng lahat ng mga tao sa ating bansa.
Walang masama kung may matututunan kang ibang lenggwahe at walang mawawala kung mas pagtutuunan mo ng pansin ang ating sariling wika.
Sa huli ang desisyon ay nasa kamay pa rin ng ating mga kapwa Pilipino. Handa ba silang maging mas makabayan sa tulong ng pagmamahal sa ating sariling wika o mas pipiliin nilang maging mas masahol pa sa hayop at malansang isda.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
Urat sa Edukasyong Pamana ng Kano
Ang sabi ng aking mga guro. Ang mga Espansyol man ang pinakamatagal na sumakop sa ating inang bayan. Ang mga Amerikano pa rin daw ang may pinakamalaking impluwensiya sa ating bayan.
Noong una'y ayaw kong maniwala sapagkat wala naman talaga silang direktang partisipasyon sa ating pang araw araw na buhay, o meron?
Mula sa kinder hanggang kolehiyo, tinuturo ang wikang Ingles. Tinuturo kung paano ito bigkasin, gamitin, ang kahalagahan nito at kung paano nito "mapapaunlad" ang ating bayan.
Mapapaunlad? Sa paanong paraan? Kung marami sa atin ang maalam sa wikang Ingles. Mas madali tayong makakausap ng mga Amerikano. Mas madaling makakausap, mas madaling makukumbinsi na sila'y may mabuting hangarin na paunlarin ang ating bayan. Mas madaling makumbinsi, mas madaling masasailalim ang ating bansa sa kanilang impluwensiya, at kapag tayo'y nasa kanila nang mga kamay (na nangyayari na magpasahanggang ngayon) mas madali tayong magiging alila, bagay na nangyayari pa rin hanggang ngayon.
Naalala ko ang aking sinabi sa aking mga kaibigan noong kami'y nagkaroon ng munting talastasan. "Walang mayamang bansa, kung walang mahirap na bansa".
Walang America ngayon kung walang Pilipinas at iba pang mahihirap na bansa na kanilang naging kolonya noon.
Simpleng paliwanag sa napakalawak na pangungusap na sumasalamin sa katotohanan.
Ngunit bakit nga ba ganito? Bakit patuloy ang pagiging utu-uto ng mga kapwa natin sa mga Kano?
Sino ang dapat sisihin?
Sino pa kundi ang mga lider na patuloy na hinahayaang maging maka-Amerikank ang ating sistema nang edukasyon.
Bakit hindi bawasan ang mga pagtuturo sa Ingles at iba pang banyagang lenggwahe? Bakit hindi ituro sa kabataan ang mga maka-Pilipinong lektura? Bakit hindi ituro sa mga bata mula kinder hanggang high school ang sinaunang alpabetong Pilipinong "baybayin"?
Napakaraming pamamaraan upang palitan ang ating sistema ng edukasyong maka-Amerikano. At gawin itong maka-Pilipino. Ngunit bakit hindi ito ginagawa?
Dahil ang Pilipinas ay isa sa mga bansang hindi tuluyang lumaya mula sa pagiging kolonya ng America at marami sa atin ay mga nananatiling dukha. Marami pa rin ang nag-aasam na makatung-tong sa Amerika upang kumita ng mas malaki sa ating bansa. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga maka-banyagang lektura at kurso mas madaling makuha ka sa ibang bayan dahil bukod sa nag-aral ka ukol sa naturang kurso. Mas pipiliin ka nila dahil ikaw ay Pilipinong desperadong kumita ng dolyar para ipalit sa piso.
Kaya nga isang malaking sampal para sa iilan sa ating mga makabayan ang mga katagang binibitawan ng ibang banyagang negosyante na ang Pilipinas raw ay isa sa mga bansang pinagkukuhanan nila ng "cheap labor" o murang bayad para lakas panggawa.
Kaya dapat mamulat na ang mga kapwa nating Pilipino na huwag nang magpa-alipin sa mga banyaga.
Ibahin ang maka-Amerikanong uri ng edukasyon. Dahil ito ang pinakamabisang pangkumbinsi sa ating mga kabataan na ang mga Amerikano ang susi sa kaunlaran ng bayan.
Sa huli ang tanging makakapag-paunlad sa ating bayan ay ang ating mga sarili.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
NALIMUTANG LAGYAN NG TITULO
Sa ating bansa mahirap mabuhay kung wala kang trabaho. Kaya ka mag-aapply sa kahit saan kumita lamang ng sapat para mapunan ang pangangailangan mo at ng pamilya mo dahil sa hirap ng buhay.
Para makaapply ka kailangan mo ng bio- data o kung saan mo ilalagay ang mga dapat malamang impormasyon tungkol sa'yo.
Maituturing mo itong butas sa iyong kaluluwa na pwedeng silipin ng/mga tao na binabayaran ng kumpanyang nais mong pasukan. Kung makita nilang pogi o maganda ka sa loob at labas. Pasok ka.
Pero bukod sa pisikal na kapogian o kagandahan. Mas nakakadagdag ng "pogi points" kung ika'y nakapagtapos sa kolehiyo. Mas malaking "pogi points" pa kung ika'y nakapagtapos sa pribadong pamantasan. Bagay na karamihan sa mga manggagawang Pilipino ang hindi nakamit dahil sa hirap ng buhay.
Bakit nga ba ganito? Bakit nga ba pina-prayoridad ng mga kumpanya't korporasyon ang mga taong nag-aral at nakapagtapos sa mga pribadong unibersidad?
Sa ating bansa, ang mga salitang "mataas ang pinag-aralan" ay laging dinudugtungan ng "sa FEU, UST, ADMU, LaSalle, UP (oo kasama na ang UP) o kung ano pa mang paaralang pang-burgis". Marahil ay mas aangat sila sa mga nagtapos sa mga pampublikong unibersidad. Gaya ng PUP, EARIST, RTU at marami pang iba. Dahil na rin sa iba't ibang kadahilanan.
Una na rito ang kalidad ng pagtuturo at mahal ng matrikula.
Hindi biro ang laki ng matrikula sa mga unibersidad ng mayayaman. Ngunit ang katumbas naman (raw) nito ay ang de-kalidad na pagtuturo. Na hindi naman itinatanggi ng ilang nga propesor sa mga paaralang pang-maralita.
Madalas nilang binabanggit at pinagkukumpara ang mga paaralang pang-burgis at pang-maralita.
Pangalawa ay ang mga pasilidad. Mas kaaya-aya nga namang tumae at umihi sa banyong mas malinis pa kesa sa sarili niyong bahay kesa sa banyong nanlilimahid, barado at naghahalo ang anggo ng ihi at baho ng tae na nabubulok dahil barado at walang tubig pambuhos. Dito mo makikita na salamin ng isang unibersidad ang kanilang banyo.
Kung sapat ang budget nila para panatilihing maayos ang kanilang palikuran at may mga mag-aaral silang may disiplina o "class" sa pag-gamit ng palikuran malamang ito'y pangmayamang unibersidad. Taliwas sa pampublikong unibersidad na mas malaki yata ang tiyansang mamatay ka sa sakit sa bato dahil sa pagpipigil ng ihi kesa sa katandaan o sakit sa puso at kanser.
Pero bakit nga ba tayo umabot sa puntong ganito?
Salamat kay Bienvenido Lumbera sa kanyang sanaysay na "Edukasyon para sa Iilan: Kung bakit asal-mayaman si Pedrong Maralita"
Sa naturang sanaysay, makikita natin ang pinagkaiba ng mga unibersidad na pang-mayaman at pang-mahirap, ang puno't dulo nito at kung bakit nananatiling bulok ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Ani niya "Ang sistemang kapitalismo ang isang pabrika upang hindi malugi ay dapat gumawa ng produktong tumutugon sa pangangailangan ng mamimili. Ang pabrika, sa paghahambing na ito, ay ang paaralan, at ang mga mamimili ay ang mga taong nagpapadala ng mga anak nila sa paaralang yaon."
Ang edukasyon sa ating bansa ay isang malaking negosyo na pinapatakbo ng mga mayayaman, dayuhan man o Pilipino, mga relihiyosong hipokrito, mga pari at madre, mga pulitiko at kung sinu-sino pang mga mayayamang nais pang yumaman.
Kumikita sila sa tulong na rin ng mga kapwa nilang mayayaman na nagbabayad, nagpapabaon gumagastos sa mga pangangailangan ng sa eskwelahan at mga luho sa katawan ng kanilang mga anak para sa pangakong "de-kalidad na edukasyon" na ang totoo'y pagpapalawig pa rin ng impluwensiyang Amerikano. Kumikita rin sila mula sa mga OFW na nagsisikap upang maigapang sa pag-aaral ang kanilang mga anak na kadalasa'y hindi naman pinapahalagahan ang hirap ng kanilang mga magulang.
Anu't-ano pa man. Ang edukasyon sa ating bansa ay mananatiling bulok kung ang mga namamahala'y napapalitan lang ng mga kapwa nilang bulok. Na hindi pinagtutuunan ng pansin ang estado ng pampublikong paaralan sa ating bayan.
Ang pagkamulat sa katotohanan ay dapat sinisimulan mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo. Basura ang edukasyong maka-dayuhan sa ating bayan na noon hanggang ngayon ay umiiral.
Panahon na para ipamukha sa mga pangkaraniwang Pilipino na hindi porket sila'y nagtapos sa pampublikong paaralan ay mas mababa sila sa mga nanggaling sa mga paaralang pang-mayaman.
Para hindi na dumami pa Pedro Maralita na "feeling mayaman" sa ating bansa.
0 notes
batubatongbaboy-blog · 7 years ago
Text
BLOG tungkol sa Misedukasyon.
Ang edukasyon raw sa Pilipinas ay isang punung-puno ng kapalpakan at kabulastugan. Bagay na pilit mang-itago ng mga nasa kapangyarihan ng pamahalaan at mga paaralan. Lalabas at lalabas pa rin.
Pero ano nga ba ang pinag-ugatan nito? Sino nga ba ang dapat sisihin? Ano ba ang dapat gawin? May nagbago ba sa sistema ng edukasyon natin? Iyan ang mga tanong na binigyan kasagutan ng "Mis-edukasyon".
AMERIKANO AT EDUKASYON.
Kung mayroon mang magandang naidulot sa atin ang mga mananakop na ito na binili ang ating bansa mula sa mga Espanyol ito ang sistema ng edukasyon na ginagamit natin hanggang ngayon. Sistemang nagbigay sa ating mga kababayan noon ng kaalaman na mula mismo sa Estados Unidos. Sistema na lumikha ng iba't-ibang klaseng indibiduwal. Sistemang lumikha sa mga naunang guro. Mga gurong gumamit rin ng naturang sistema para ituro sa mga susunod pang henerasyon. Ang sistemang ito ay nakabuti para sa ating mga kababayan ngunit mayroon pa lang nakatagong agenda ang mga Amerikano kaya nila ibinahagi ang ganitong sistema sa atin.
Hindi tulad ng mga Espanyol na gumamit ng dahas para masakop ang Pilipinas. Ang mga Amerikano'y gumamit ng higit na mas mabisang paraan upang matagumpay na makuha ng buo ang ating bansa at mga mamamayan nito. Ito'y sa pamamagitan ng edukasyon. Sa tulong nito mas naging madali ang kolonisasyon kaysa gumamit pa ng mas dahas na maaring ikasawi pa ng mas marami sa kanilang sundalo. Ika nga ng kasabihan "Mas madaling matatalo ang kalaban kung sila'y iyong magiging kaibigan".
Ginamit ng mga Amerikano ang edukasyon upang hubugin ang mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino para maging maka-Amerikano. Nais ng mga Americanong tingalain at idolohin sila ng mga Pilipino sa lahat ng aspeto. Mula sa pagiging modernisado at progresibong bansa nito hanggang sa pagturo sa mga Pilipino na tangkilikin ang lahat ng bagay na likha ng mga Amerikano. Kahit anong produkto mapa-pagkain, damit, maging kanta, pelikula, libro at marami pang iba. Sa pamamagitan ng edukasyon nagawang lasunin ng mga Amerikano ang kaisipan ng mga Pilipino ng walang kahirap-hirap na kinagat naman nating mga Pilipino kaya hanggang ngayon napaka-lakas parin ng ating "colonial mentality". Salamat sa mga Amerikano na tinuruan ang mga nauna sa atin na tangkilikin ang mga bagay na mula sa kanila kaysa sa ating mga sariling gawa.
Maliban dito. Nais rin ng mga Amerikano na panatilihin ang kanilang impluwensya sa pamumuhay, kabuhayan at maging sa gobyerno kahit na wala ang kanilang presensiya sa pamamagitan ng "commercialized education" na ang layunin ay tignan natin sila hindi bilang mananakop na sumira sa mga kumunidad, kumamkam ng mga lupa at kung anu-ano pang kasakiman, kundi bilang mga bayani na nagligtas sa ating sa kamay ng Espanyol at mga hapon.
GLOBALLY READY O GLOBAL FOOLS?
Hanggang ngayon ang ginagamit parin nating sa ating bayan ay ang uri ng edukasyon na binigay sa atin ng mga Amerikano. Kahit wala na sila dito sa Pilipinas, ang ating uri ng edukasyon ay parang isang kolonya pa rin ng Estados Unidos.
Ito ang tinatawag ng mga ekspertong "neocolonialism" na kahit wala ang mga Amerikano dito para makialam sa ating sistemang pang-edukasyon. Napapanatili pa rin nila ang kanilang impluwensya sa atin sa pamamagitan ng edukasyon.
Ang neokolonyal na kurikulum na ito ng edukasyon sa elementarya at high-school ay nakatuon sa pag-aaral ng mga "technical science" gaya ng "Science", " Math" at ang mismong wikang Ingles na "universal language" daw. Taliwas ito sa "science" na mas kailangan nating mga Pilipino na iba't-ibang mga asignaturang may kaugnayan sa "social science".
Pero bakit nga ba dito nakatuon ang ating neokoloniyal na kurikulum ngayon? Ayon sa mga eksperto para daw maging "globally ready" ang mga Pilipino. Pero para nga ba talaga doon?
Ayon kay Propesor Carol Almeda. Nilikha at kasalukuyang ginagamit itong neokoloniyal na kurikulum na ito hindi lamang sa primarya o "elementary", sekondarya o " high school" kundi sa "tertiary level" o sa kolehiyo. Kapansin-pansin na mga "vocational courses" noon ay mga "degree courses" na ngayon isang halimbawa na nga ang computer science. Para saan? Una, kailangan ng mga korporasyon na prodyuser ng mga nauusong mga gadyets ngayon ng mga tatangkilik sa kanilang mga produkto o mga konsyumer, mas maraming maalam sa halaga ng kanilang mga likha mas maraming bibili, mas maraming bibili mas maraming kita. Simpleng lohika. Pangalawa, nais nilang gawing "source" ng mga "raw materials" o mga kasangkapang panggawa ng kanilang mga produkto, at mga murang maggagawa ang mga "third-world countries" gaya ng Pilipinas. Maganda sana kung pantay ang pakinabang natin sa kanila. Ang kaso pinapatos ng ating mga kababayan kahit sa huli tayo ang lugi para lamang sa ikakaganda ng ating buhay. Kaya rin tayo maaring matawag na "global fools".
EDUKASYON PARA DIN SA MAHIHIRAP.
Ayon sa isang opisyal ng CHED o Commission on Higher Education. Ang de-kalidad o magandang edukasyon raw ay mabigat sa bulsa. Kaya paano na ang mga katulad nating mga nasa mahihirap. Paano tayo magkakaroon ng dekalidad na edukasyon? Diyan na papasok ang mga "state universities" o mga unibersidad na pinopondohan ng pamahalaan para mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang ating mga kababayang hikahos sa buhay salamat sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pamumuhay sa bansa.
Ngunit kahit halos wala ka ng babayaran sa mga "state universities" na matrikula. Marami pa rin ang mas pinipiling kumuha na lamang ng "Tech. Voc" o "Technological and Vocational courses". Dahil sa maikling panahon na humigit-kumulang kalahati ng mga "degree courses". Magkakaroon na sila ng " certification " na maari nilang gamitin kapag gustong pumasok sa nais nilang trabaho na may kaugnayan sa kanilang "Tech. Voc course".
Pero paano ang mga walang-wala? Sila yung mga hinahanap sa mga pabrika. Pabrika ng sabon, shampoo, pang-linis ng kubeta pati na ketchup, toyo at suka tulad ng NutriAsia, kung di naman kaya bilang "construction worker". Mga trabahong mabibigat, mga trabahong pakyawan, mga trabahong walang benepisyo, trabahong mas maliit pa sa " minimum wage", trabahong may kontrata at kung may kontrata may "ENDO" o "end of contract", trabahong mapagtiya-tiyagaan para ang tiyan ng pamilya'y malagyan ng laman, trabahong mas mainam na kaysa wala at trabahong para mapayaman lalo ang iyong mga "bossing" habang ang mga katulad mo na manggagawa ay manatili sa ibaba sa laylayan ng lipunan.
Ganyan ang kagahaman ang mga korporasyon. Tipong mapapakamot ka na lamang sa dalawa mong ulo dahil sa dismaya. Kung iisipin parang may sabwatan ang mga kapitalistang edukador at mga may-ari ng mga korporasyon. Tataasan ng mga kapitalistang edukador ang matrikula para mas lalong humirap ang buhay ng mga mag-aaral at mas pipiliing mag-trabaho ba lang para makatulong sa pamilya kaysa piliting mag-aral. Na samamantanlahin naman ng mga gahamang may-ari ng korporasyon na kontraktwal lang tinatanggap nila para magtrabaho sa kanila.
Totoo man o hindi. Napakalaki ng hirap ng pag-aaral ngayon at mas lalo pang humi-hirap. Kasabay ng pagtaas ng matrikula, ang paglobo ng populasyon sa mga "state universities" dahil sa mga naglilipatang mga estudyante mula sa mga pribadong unibersidad na hindi na kaya ang pagtaas ng matrikula. Hindi nakakasabay ang mga "state universities" na tinitipid pa ng gobyerno ang budget kaya nagkagulo-gulo na.
MA-TIYAGA O UTO-UTO?
Ayon sa mga panayam hindi lang dito sa "video" kundi pati narin sa ibang mga panayam. Napakalaking bentahe kung ang ika'y nanggaling sa mga universidad na pang-elitista. Sapagkat ang tingin nating nga pangkaraniwang Pilipino sa kanila ay may katalinuhang angat sa ibang nagtapos sa mga "state universities"
Pero kinontra ito ng iba't-ibang pag-aaral. Ayon sa nasabing pag-aaral. Mas nais raw ng mga employer ngayon ang mga nagtapos sa mga "state universities" gaya ng P.U.P kesa sa mga unibersidad pang-elitista. Sa kadahilanang mas masipag, mas matiyaga at mas magagaling daw kaysa sa ibang galing sa mga pang-yayamaning unibersidad. Hindi ko alam kung pang-uuto lang yung mga sinabi nilang rason o totoo. Maganda itong pag-aaral dahil nagbubukas ito ng mga oportunidad para sa mga kakatapos pa lamang na iskolar ng bayan na ang nais ay magtrabaho agad.
Pero tulad ng mga Amerikano. Alam nating may "hidden agenda" sila kaya nila iyon sinabi. Halata naman kasing mas maliit ang pasahod sa mga nanggaling sa mga pampublikong unibersidad na ang nais lang ay makatulong agad sa pamilya o kumita ng sariling salapi kumpara sa mga elitista na para makapagtrabaho ng maayos ay kailangan mong bigyan ng mas malaking sahod.
EDUKASYON PARA SA LAHAT.
Anu't-ano pa man. Napaka-laking tulong ng mga ganitong klaseng dokyumentaryo na likha ng mga taong mulat na ang nais ay mamulat rin ang nakararami tungkol sa kung ano ang tunay na lagay ng ating sistemang pang-edukasyon sa ating bansa. Ngunit nagsisimula pa lamang ang lahat. Dahil hanggat may batang mag-aaral na tinuturuan ng mga bagay na parte ng neokolonyal na kurikulum ng mga Amerikano, hanggat hindi pinagtutuunan ng kaukulang pansin ng gobyerno ang estado ng edukasyon sa bansa, hanggat may gahamang kapitalistang edukador na ginagamit ang kanilang unibersidad para kumita, hanggat may mga elitista at mga kapwa nating tinitingala sila dahil mayayaman sila, hanggat may mga taong hindi pa mulat sa tunay na kalagayan ng edukasyon sa ating bansa. Magpapatuloy ang laban para sa libre at de-kalidad na edukasyon.
Kung paano tayo kinuha ng nga Amerikano noon. Iyon din ang pamamaraan na gagamitin natin para mabawi at magising sa katotohanan, maituwid ang baluktot na maka-Amerikanong kaisipan ng ating mga kababayan.
EDUKASYON MAKA-PILIPINO, MULA SA PILIPINO, PARA SA PILIPINO
0 notes