Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Baka Bukas, Puwede Pa
Alas-10 ng gabi. Ika-9 ng Mayo. Nakaupo, nakapila pa sa presinto. Nasa West Avenue pa lang daw yung machine na para sa amin. Facebook, Twitter, at halos lahat ng news outlet binabalita na ang kasalukuyang resulta. Nung una, talagang tinatanggi, inilalaban na marami pa kami, marami pa kong kasama na tuloy lang sa paghihintay. Ayaw ko sanang umiyak pero ala-5 ng hapon, sinabihan kaming malapit na yung machine, nakaalis na ng Laguna, dalawang oras na lang na paghihintay pero maghahatinggabi na, nasa presinto pa rin at walang klarong balita kung gaano katagal pa. Ang pag-iyak ay dala na ng halo halong pagod, dismaya, galit, at takot. Pagod sa uri ng trato na natatanggap mula sa mga nakaupo. Hanggang eleksyon, grabe ang aberya. Wala ba talaga tayong karapatan magpahinga mula sa abala na sila mismo ang may dulot? Dismaya sana para sa kanila pero parang sa sarili ko na lang din talaga dahil nakuha ko pa rin magulat sa mga nangyayari. Nagalit at nagagalit ako dahil ayaw kong matakot bilang nakihanay sa mga lumalaban para maibsan ito pero nandito pa rin. May takot para sa galit na wala nang mapaglagyan, may takot para sa galit na baka sa kung ano o kanino maibuhos, at may takot dahil kahit gaano kalakas ang apoy, baka tuluyan ding maupos kalaunan. Dumating ang mga kaibigan ko at hindi na ako makausap. Alas dose na ng madaling araw, kadarating lang ng machine. Halos limang pahina, back to back, ang nakapila sa presinto ko, nasa pang apat akong pahina. Pahina nang pahina. Mag-a-alas dos ng umaga, nag-live si VP Leni. Tumabi muna sa mga kaibigan para na rin humugot ulit ng lakas, kung sakaling meron pa. Pare pareho kaming hindi mapinta ang mga mukha, hindi mapagtanto kung maiiyak o ano. "Ah basta, magkakasama lang tayo, tuloy lang." Kahit na ganoon kalaki ang agwat, baka bukas puwede pa. Ilang minuto pagkatapos mag alas dos ng umaga, nakahawak na ko ng balota. Halos limang minuto rin ata ako, paulit ulit sinisigurado na pulido ang pagka shade sa lahat. Kahit papano gumaan ang pakiramdam at lumakas ang tiwala na baka bukas puwede pa pero bilang mag-a-alas tres na nito, baka mamaya puwede pa, makakalamang pa. Bumalik ako sa mga kaibigan ko na sobra kung magpagaan ng pakiramdam. Damayan. Nagpatuloy na kami at lumipas ang oras. Alas-9 ng umaga, humihikbi na 'ko sa tabi ng natutulog na kaibigan. Nagising sila sa kaiiyak ko at kalaunan, sabay sabay na kaming nagsisipunas ng mga luha. Hindi naging madali ang unang dalawang araw. Grabe ang paniniwala kong pupuwede pa sa bawat paggising, na may pag-asa pa, pero heto tayo. Nag-FB live si VP Leni at trinato ito ng lahat bilang therapy, kasama na ako do'n. Ilang araw ang lumipas, umabot na ng linggo, at iilan pa, bahagyang nakaahon din sa pagkalunod sa lugmok. Kasama sa takot ang hinala na baka kasabay ng 'pagkatalo' ay pagkatalo rin ng mga ipinaglalaban at ng mga tinutulungan ngunit hindi pala kinailangan nito. Noong Tayo Ang Liwanag, ibinahagi ni VP Leni ang pagbubukas ng Angat Buhay NGO, ang tatanghaling pinakamalaki at malawak na pagsasama sama ng mga volunteers sa bansa. Wala akong ibang nagawa kung hindi sabayan ang mga pumapalakpak at humihiyaw no'n sa Ateneo. Sa iyo na baka katulad kong natakot din na hindi maitaguyod ang mga ipinaglalaban at hindi lang iyon, pati na rin ang baka pagkaupos ng kagustuhang makisangkot— ang dami pa rin nating pagkakataon na panatilihin itong nakasindi at umaapoy ng pagkaliwanag. Tama sila, hindi tayo iniwan ni VP Leni, bagkus ay ipinaramdam niya sa atin na kaya rin nating gawin kung ano ang ginagawa niya, kaya rin nating sumama at kumausap sa ground, kahit paunti unti, ang mahalaga nadiskubreng may kakayahan at magpapatuloy na dala ito. Unti unting nababawasan ang takot makisangkot kasama at para sa mga taong nangangailangan ng tulong sa kani kanilang mga isinusulong. Maraming maraming salamat sa serbisyo, Vice President Leni. Ang pakikipaglaban kasama ka at nang labing limang milyon at higit pa ay sapat para maipagmalaking muli ang pagiging Pilipino. Ibabalik ka na namin sa mga anak mo na pinaghugutan din namin ng inspirasyon, lakas, at magandang ehemplo. Ang liwanag mo at ng pamilya mo ay gagamiting gabay sa darating na anim na taon at higit pa. Patuloy lang at baka bukas, puwede pa— hindi...... bukas, puwede na. Angat Buhay NGO, magsisimula na. 🤍
4 notes
·
View notes