Tumgik
biancakeuu-blog · 6 years
Text
Kahirapan
Ang pagkakataong makapag-aral sa isang pribadong paaralan ay isa sa mga bagay na dapat ipagpasalamat ng mga taong nakatatanggap ng pribilehiyong ito. Bilang mga miyembro ng kabataan, unti-unti tayong namumulat sa mga bagay ng mundong ating ginagalawan bawat araw.
 Isa sa mga bagay na ating mapapansin ay ang mga batang lansangan na nagsusumamo, makatanggap lang ng pera o pagkain. Sa madaling salita, tayo ay mayroon nang kamalayan tungkol sa kahirapan. Nakikita na ng ating dalawang mga mata ang nakalulungkot na sitwasyon ng ating bansa. 
Marahil bawat isa sa atin ay nagtataka kung bakit mayroong kahirapan. Maaari bang ito ay dahil sa atin, mga mamamayan? O maaari bang ito ay dahil sa gobyerno? Ginagamit ba ng mga opisyal ng gobyerno ang pera ng bayan para sa pag-unlad ng ating bansa? O para lamang sa kanilang mga sarili? 
Ano nga ba ang sanhi ng kahirapan? Ito’y ating hindi matutuklasan kung hindi natin titignan ang iba’t ibang kalagayan ng mga taong nakararanas ng kahirapan. Narito ang iilan.
Una nating tignan ang mga Pilipinong hindi nakapag-tapos ng pag-aaral. Sa Pilipinas, mayroong mga pampublikong paaralan na pinopondohan ng gobyerno mula K-12. Subalit kung iisipin natin, bakit mayroon pa ring mga Pilipino na humihinto sa pag-aaral kung ito naman pala ay libre? Ito ay dahil: wala ka ngang babayarang matrikula, ngunit mayroon pa ring mga bayarin pagdating sa uniporme, mga pagsusulit, proyekto, at iba pa. Kaya mayroon pa ring mga humihinto ay dahil mabigat pa rin ito para sa mga mahihirap.
Sa kabilang banda, mayroon pa rin namang mga iilan na nakayanang tustusan ang kanilang pag-aaral hanggang sinyor hayskul. Ang sunod naman nilang haharapin ay ang mga nagtataasang matrikula sa iba’t ibang unibersidad. Ito ay alinman: kumuha ka ng iskolarship (na hindi naman makukuha ng lahat) o magbabayad ka.
Ang sinasabi ng mga tao, “Okey lang ‘yan, pwede ka naman nang magtrabaho kahit sinyor hayskul lang natapos mo.” Oo, pwede ka nang mag-aplay. Pero, tatanggapin ka ba? Lalo na’t matataas ang pamantayan ng mga kumpanya at kinakailangan mo ng digri sa kolehiyo.
Ang dahilan kung bakit hindi sila nakakapagtapos ng pag-aaral ay dahil sa kanilang kahirapan. Imbes na pagandahin ng gobyerno ang kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan gamit ang pera ng bayan ay ito’y napupunta lamang sa kanilang mga bulsa.
Maliban sa mga mahihirap na hindi nakapagtapos ng pag-aaral, mayroon ding mga nagtatrabaho ngunit hindi sapat ang sweldo. Hindi ibig sabihin na may trabaho ka, hindi ka na pwedeng maging mahirap.
Gawin nating halimbawa ang mga manggagawa katulad ng mga magsasaka, mangingisda, trabahador sa konstruksyon at iba pa. Sila ay nagpapakahirap sa kanilang mga trabaho para lamang mapatakbo ang ating bayan. Bilang kapalit, sila lamang ay nakakatanggap ng sweldong hindi sapat.
Hindi rin natin pwedeng hindi kilalanin na kasama sa mga mahihirap ang mga tamad magtrabaho o maghanap nito. Kaya patuloy na nabibigatan ang isang pamilya sa kahirapan ay dahil sa (mga) miyembro nito na hindi interesadong magtrabaho. Ang nangyayari ay napapasa ang responsibilidad na magtrabaho at kabigatan sa ibang mga miyembro ng pamilya. Kung ang isang tao ay nasa tamang edad na para magtrabaho, nararapat lamang na ito ay kaniyang gampanan.
Ito lamang ang konklusyon ng lahat ng ito. Maliban sa korapsyon, ang kahirapan din ay isang isyu ng ating sistema. Lahat ng mga bagay na nagdudulot ng kahirapan ay konektado sa iba pang mga problema ng ating lipunan. Ang kahirapan ay bunga lamang ng ekonomiya at pulitika ng isang bansa.
3 notes · View notes