Don't wanna be here? Send us removal request.
Text

PAMAMAALAM
Sa totoo ako'y di marunong gumawa ng tula;
Ngunit wari'y mga salita sa isipa'y kusang nabuo at gustong kumawala.
Kaya aking ipagpapatuloy at isusulat,
Para mailabas ang nararamdama't makapagpapasalamat.
Ilaw ng tahanan kung siya'y tawagin,
Dakilang handog ng Diyos para sa amin;
Sinuman ang kapiling tiyak na dulot ay kaligayahan,
Sa taglay na buti ng kanyang kalooban.
Hindi man ikaw sa'kin ang nagluwal,
Di ka naman nagkulang sa pag-aalaga't pagmamahal.
Ako ay sadyang namamangha;
Sa mapag-arugang puso mo na isang biyaya.
Sa iyong paglisan ay labis na di makapaniwala,
Kasabay sa pagpatak ng ulan ay pag-agos ng luha.
Puso ko'y sobrang nasaktan at nangungulila,
Di na muling masilayan ang guhit ng iyong mukha.
"Salamat Nay" "Patawad Nay" mga katagang lubos kong pinagsisihan,
Hindi ko man lang nasabi hanggang sa kahulihulihan.
Mga pagmamahal at sakripisyo mo'y di na ba talaga matutumbasan?
Labis-labis ang pagsisisi at kirot ang nararamdaman.
Maraming salamat sa mahigit dalawampu't isang taon Nay,
Na iyong walang sawang pag-aaruga't pag-aalalay.
Lahat ng itinuro mo ay di malilimutan habang buhay,
Bagkus gagawin kong inspirasyon at isasabuhay.
Pano ko ba tatapusin ang tulang pamamaalam?
Pagbigkas sa salita'y kayhirap bitawan.
Sadyang hindi maalis sa akin ang kalungkutan,
Subalit wala akong magawa dahil ganito talaga ang buhay.
Hanggang dito nalang, PAALAM NAY...😢
1 note
·
View note