damingalamlodi-blog
damingalamlodi-blog
Untitled
17 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Anting anting
Ang init ng panahon, si nanay abala na naman sa pagluluto ng pagkain. Malapit na din kasi magtanghalian at medyo kumukulo na rin ang tiyan ko pero kaya ko pa namang hintayin ang oras ng kainan. Sobrang init talaga ng panahon, bakit kaya ganun? Sana may kapangyarihan akong gumawa ng yelo para maging malamig sa bahay namin para naman di ganitong tagaktak na naman ang aking pawis. Basang-basa na ang sando ko sa pawis at di na din maganda ang pakiramdam ko dahil sa malagkit na kapit ng pawis sa aking di kaputiang balat.
Ahh teka, ako nga pala si Jojo, Jonathan sa totoong buhay. Eto ako ngayon at nag-iisip kung anong magandang kapangyarihan ba ang magandang taglayin pag naging super hero na ako pero ang pag-iisip na iyon ay naudlot ng bigla akong tawagin ni lolo na nakaupo sa kanyang tumba-tumba.
“Oh Lo bakit nyo po ako tinawag?” banggit ko pagkalapit ko sa kanya. “Wala naman apo, nais ko lang iwan sa iyo ang isang regalo na magpapabago sa iyong buhay.” Natawa na lang ako, si Lolo talaga mapag-imbento. Wala na naman siyang lupa na maipapamana sa amin dahil mahirap lang ang lahi namin, ano naman kayang pamana ang sinasabi ng lolo ko. “Eh ano ba yung ibibigay nyo sa akin Lolo?”
Kinuha niya ang  kaliwa kong kamay at ipinatong ang isang tila maliit na bato. Nang tingnan ko kung ano ang kabuuan ng batong iyon, napagtanto ko na isa palang kwintas na may palawit na bato ang ibinigay ni lolo. “Ahhh. Ang inyong anting. Bakit nyo naman po ito ibinibigay sa akin Lo?” “Apo, tapos na ang pangangalaga sa aking ng anting anting na yan. Dapat lang na ako’y lumisan na upang magkita na kaming muli ng iyong Lola. Mali na pahirapan ko pa kayo sa aking katandaan kaya apo tanggapin mo ang aking handog at ito’y pangalagaan.” Sabi niya sabay ngiti sa akin. Nakita ko pa tuloy ang bungal niyang bibig. Ngumiti na lang din ako bilang tugon at tinitigang muli ang kwintas. Pagkatapos noon ay sabay-sabay na kaming nananghalian kasama ang buong pamilya.
Kinagabihan, lumisan na si Lolo. Iniwan na nga niya kami at marahil ay masaya na silang magkasama ni Lola sa langit. Ilang araw na ibinurol si Lolo at sa kanyang libing ay isinuot ko na ang kanyang regalo bilang tanda ng paggalang kay Lolo at sa kanyang iniwang paniniwala.
Lunes ng umaga, may pasok na naman. Pagkatapos ng dalawang klase ay narinig kong nagkaayaan ang mga lalake kong kaklase. Nagtipon sila sa likuran ng silid aralan at nag-usap. Maya-maya pa ay lumapit sa akin ang isa sa aking mga kaklase at sinabi, “ Jo, sama ka sa amin mamaya.” “Bakit naman? Saan ang gala?” tanong ko. “Inom.” Napaisip ako. Mainit ang panahon, hindi magandang uminom ng mga ganitong oras at saka tinatamad ako kaya sabi ko na lang, “Pass muna ako tol.” “KJ mo naman Jo. Minsan lang ‘to.” Udyok ng kaklase ko. “Ayoko talaga bro. Sa susunod na lang. Init ng panahon oh.”
Kinagabihan pagkatapos naming kumain nakatanggap ako ng text mula sa nanay ng kaklase ko, hinahanap niya ang anak niya dahil hanggang ngayon ay hindi pa daw ito nauwi. Hindi naman ako nakasagot dahil hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Ayoko namang mapagalitan ang tropa dahil sakin pero ayoko din namang magsinungaling sa mga magulang niya.
-          Nagkayayaan po ang barkada na uminom ng konti. Hindi ko lang po alam kung nasaan sila ngayon.
Yan na lang ang naisagot ko sa mensahe ng nanay ng kabarkada ko. Kinabukasan nalaman ko na lang sa klase na napaaway pala ang mga kabarkada ko at mga nasa ospital ngayon dahil sa mga sugat na natamo nila sa pakikipag-away sa isang grupo. Naisip ko tuloy, buti na lang tinamad ako at hindi sumama.
Dumaan pa ang mga araw at ilan pang mga insidente ang nalagpasan ko. Isa na dito yung nagkayayaang magswimming ang buong klase, sumama ako dahil nandun ang crush ko pero nagkaroon ng aberya, naiwan ko yung anting ni lolo sa school kaya kinailangan kong bumalik. Hinintay naman ako ng buong klase sa sakayan pero pagdating ko, ayaw na nilang lahat tumuloy. Nabalitaan ko na nagkaroon daw ng banggaan sa daan na dapat tatahakin ng sasakyan namin papunta sa paliliguan namin. Dahil sa takot nagsiurungan na sila sa pagtuloy. Sabi pa ng isa kong kaklase, buti na lang naiwan ko yung kwintas ko ung hindi baka isa din kami sa mga namatay at nasugatan sa banggaan kung nagkataon.
Hanggang ngayon na ako’y nagbibinata na maraming beses na akong nakaiwas sa maraming aksidente. Hindi ko alam kung talaga bang epektibo ang anting ni lolo pero ang alam ko lang, ginagawa ko lang kung ano ang nararamdaman kong dapat. Dikta man ng anting o hindi, susundin ko kung ano ang aking kutob. Di pa din ako desidido sa kapangyarihan ng anting pero mas mabuti na din na nasa akin ito. Mas panatag ang aking damdamin dahil pakiramdam ko, ginagabayan ako ni Lolo kasama si Lola mula sa itaas.
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang araw at ang hangin
 Sino kaya ang ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nagaaway itong dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga. Isang araw, sinabi ng hangin, “O,gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa sa iyo?” Ngumiti ang araw. “sige, para hindi ka laging nagyayabang tingnan natin. Ayun, may lalakeng dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang kikilalaning mas malakas” “payag ako. Ngayon din!” “magkakasubukan tayo” malakas na sagot bg hangin. “Ako ang uuna” dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan. Sinimulan nyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan nito ang hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito. Nilakasan ng hangin ang paghihip. Isinara ng lalake ang lahat ng butones hanggang sa leeg ng kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa paghihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng mga braso ang damit dahil tila giniginaw na sya. Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa paghihip nya ay talagang hindi nya makuhang mapaalis ang damit lalake. “sige” sigaw nya sa araw “tingnan naman natin ang lakas mo, marahil hindi mo rin naman mapapahubad ang lalaking iyon”  Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalake. Dinagdagan pa ng araw ang inti na inilalabas nya at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang butones sa baro. Maya maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang lalake at tinanggal na ang lahat ng butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula nooon, di na nagyabang uli ang hangin. 
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Mahalin natin ang ating Ina!
Nanginginig na ang kaniyang mga pasmadong daliri. Tila giniginaw ang mga kamay. Mga kamay na umaakay sa iyo noong mga unang araw ng iyong pagtuntong sa eskwela. Mga kamay na pinagkukunan mo ng isang libo’t isang lakas upang mabuhay. Nakakurba na ang kaniyang tindig. Tila kawayang nakayuko ang kanyang likod. Mga likod na natutuyuan ng pawis sa paglalabada upang may mailaman ka sa iyong kumakalam na sikmura. Nakakunot na ang noo niya kapag tumitingin sa iyo. Parang laging may inaaninag ang mga mata. Mga matang laging nakatingin sa iyo habang ikaw ay natutulog sa banig. Mga matang nagmamasid at nagbabantay sa iyo mula pagsilang hanggang sa iyong paglaki. Mahina na ang kaniyang pandinig. Parang baradong lababo ang kaniyang mga tainga. Mga taingang dumirinig sa iyong pagngawa kung inaagrabiyado ng iyong mga kalaro. Mga taingang handang makinig sa iyong mga daing dahil sa kabiguan. Mabagal na ang kaniyang paghakbang. Sa wari’y binibilang ng mga binti at paa ang bawat minutong lumilipas. Mga binti at paang ginagamit niya upang masaklolohan ka sa mga panganib na sinusuong mo noong iyong kabataan. Mga binti at paang inaasahan niya upang makaraos kayo sa araw-araw. Kulubot na ang kaniyang balat. Parang chicharong bulaklak sa platong losa ang kabuuan ng kanyang mukha. Mukha na pilit niyang pinakapal upang lumapit at umutang sa kaniyang mga kaibigan at kakilala sa panahong ang enrolment ay malapit na. Mukhang pinakakapal ng katwirang gagawin ang lahat para sa iyo. Luyloy na ang kaniyang mga dibdib. Nilipasan na ng panahon ang kaniyang mga suso. Mga susong dati’y pinagkukunan mo ng matimyas na kalusugan. Mga susong nagbigay sa iyo ng lakas at tibay ng katawan sa pagsagupa sa mga karamdaman. Binura na ng kulay puti ang mga itim sa kaniyang tuktok. Tila abo ang kulay ng kaniyang buhok. Mga buhok na malasutlang hinahawakan mo kapag ikaw ay kanyang pinatutulog. Mga buhok na sagisag ng mga taon at panahong ginugol niya sa pag-aaruga at pagkalinga sa iyo. Mga Sanaysay sa Filipino 2011. Mahina na ang kanyang boses. Tila garalgal ng radyong walang signal ang kanyang tinig. Mga tinig na pinagbuhatan ng maraming magagandang aral ng buhay na ibig niyang maging gabay mo sa iyong pagkatao. Tinig na puno ng pangaral na magagamit mo sa iyong pagtahak sa sariling lakbayin sa daigdig. Lupasay ang kanyang katawang mortal. Sa iyo napunta ang kanyang lakas. Sapagkat pinagpala ka niya. Nagtingala siya ngayon sa iyo…. patuloy kang inaaruga at matiyagang naghihitay…. Sapagkat siya sa kanyang pagiging ina…. ay marubdob na nagnanais na matapunan din ng kahit kaunting pagkalinga… Mahalin natin ang ating mga ina!
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Alagaan ang kalikasan
Maraming isyu ang kinakaharap ng ating bansa sa kasalukuyan. Ngunit kung ako’y bibigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng mga isyung ito, ang una kong pagtutuunan ng pansin ay ang isyu tungkol sa ating kapaligiran. Ginawa ko ang sanaysay na ito upang mailahad ko ang mga bagay na aking naiisip na kaakibat ng ating kapaligiran sa kasalukuyang panahon. Patuloy na nasisira ang ating kapaligiran, dahilan upang magkaroon ng negatibong pagbabago hindi lamang dito sa ating bansa bagkus pati na rin sa buong sadaigdig. Ang lumalalang sitwasyon ay nagiging dahilan upang magkaroon ng pangyayari na tinatawag na global warming. Ang global warming ay ang pagtaas ng temperature ng ating mga karagatan at atmosphere at ang patuloy na paglala nito. Sinasabi ng mga scientist at mga eksperto na ang dahilan nito ay ang pagsusunog ng mga fossil fuels na nagiging sanhi ng pagkasira ng ozone layer n gating atmosphere. At dahil unti-unting nabubutas ang ozone layer, ang init na galing sa araw o itong tinatawag na sun’s rays na mapanganib sa ating kapaligiran kung ito’y direktang makapapasok ay siya na ngang nagyayari sa kasalukuyang panahon. Ang ozone layer ang siyang nagsisilbing taga-sala nito o filter upang hindi ang mga mabubuting sinag lamang ang makapasok sa ating atmosphere. Sa isyu ng global warming, napakahalaga na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na nagiging dahilan ng ganitong pangyayari. Alamin, sa abot ng makakaya, ang mga sanhi ng global warming. Sa ganitong paraan, malalaman natin ang mga dahilan ng pagkasira ng ating atmosphere at magagawan natin ng paraan. Maiiwasan natin ang mga gawaing nakapagdudulot ng unti-unting pagkabutas ng ating ozone layer gaya ng pagsusunod ng mga fossil fuels. Hindi lamang sa ating henerasyon maaaring makaapekto ang global warming. Higit na mararamdaman ito ng ating mga anak at kanilang mga pamilya kung hindi natin maaagapan ang pagkasira n gating kapaligiran. Marapat lamang na hanggang maaga ay kumilos tayo upang hindi na lumala pa ang sitwasyon. Kailangan lamang na magkaisa tayo upang masolusyunan natin ang problemang kinakaharap. Malaki ang ambag ng bawat isa sa pagkakaroon ng mabuti at malinis na kapaligiran. Huwag n asana tayong dumagdag pa sa mga taong patuloy ang pagsira sa ating kapaligiran.
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Pasko para sa bawat isa
May dahilan para pansamantalang magsaya at magpahinga. Pasko na naman, hindi ba?
Dito sa Pilipinas, ang Pasko ay okasyon para muling magsama-sama ang mga mahal sa buhay. Kahit na kapos sa pera, pinipilit pa ring magkaroon ng simpleng noche buenang puwedeng pagsaluhan ng mga kamag-anak at kaibigan. Mahal man o mura, hindi bale na basta’t may maibibigay ding aginaldo, lalo na sa mga bata.
Wala naman sigurong nag-iilusyong makakakuha ng regalong bagong bahay at kotse, kahit mula sa mayayamang kamag-anak. Kahit na hindi masamang mangarap, mainam na ring panatilihing makatotohanan ito. At sa panahong maraming kinakaharap na trahedya ang ating bansa, mas mainam din sigurong gawing makabuluhan ang mga adhikain.
Makatotohanan at makabuluhan. Sana’y ganito na lang ang ating mga pangarap. Kahit na mahirap maiwasan ang mga personal na pag-asam, posible namang labanan ang mga ito at magkaroon ng kaunting sakripisyo. Hindi lang ito simpleng “guilt trip” na pinagdaraanan ng “masuwerteng” mamamayan sa panahong may trahedyang kinakaharap ang kapwa niya. Gusto kong isiping nagmumula ang makatotohanan at makabuluhang pangarap sa mas malalim na pag-intindi sa kasalukuyang kalakaran ng ating lipunan.
May politikal na dahilan, halimbawa, ang desisyon ng maraming grupo’t indibidwal na magbigay ng donasyon sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre, pati na ang mga biktima ng lindol noong Oktubre at ang mga sibilyang naipit sa giyera sa Zamboanga City noong Setyembre. At sa mga nabalitaan nating mga kompanyang nagkansela ng Christmas party o ginawang simple na lang ang pagdiriwang, halata ang pakikisimpatiya sa mga kapwa nating nawalan ng buhay, bahay at kabuhayan sa kung anumang dahilan.
At sa usapin ng dahilan, ano ba ang tinutukoy mo – bagyo, lindol o giyera ba? Oo nga’t nangyari ang mga ito ngayong 2013, pero kailangan pa rin nating suriin ang konteksto. Gaano ba kahanda ang gobyerno para tumulong sa mga biktima? May mga opisyal bang nakinabang mula sa trahedya? Kapansin-pansin ba ang sinseridad ng mga nasa kapangyarihan sa pagtulong? O ginagamit lang ba nila ang okasyon para isisi sa mga katunggali ang nangyari?
Habang isinusulat ito, patuloy pa rin ang pagtatalo ng ilang opisyal ng gobyerno kung sino ang may kasalanan lalo na sa dami ng mga namatay pagkatapos ng bagong Yolanda. Ayon sa Situational Report No. 69 (Disyembre 14) ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa 6,033 katao ang namatay at 27,468 ang nasugatan. Posibleng tumaas ang bilang ng namatay dahil mayroon pang 1,779 na nawawala. Nakakalula din ang pinsala sa imprastruktura at agrikultura dahil nagkakahalaga ito ng P35.5 bilyon.
Ngayong Pasko, mainam na pagnilay-nilayan ang mga datos na ito. Mahalaga ang kagyat na tumulong sa mga nasalanta hindi lang ng bagyong Yolanda kundi ng iba pang trahedya.
Pero kung may mas mahalaga pa sa pansamantalang pagtulong, ito ay ang tuloy-tuloy na pagsusuri sa nakaraan at kasalukuyan para mapagtibay ang politikal na paninindigan. Kung may malalim na pag-intindi sa pinagdaraanan ng nakararaming mamamayan, mapapansin ang susing papel ng pagkilos para buuin ang katanggap-tangap na kinabukasan.
Mahirap tapusin ang sanaysay na ito sa pamamagitan ng pagbati ng Maligayang Pasko. Wala naman kasing ligayang nadarama sa gitna ng maraming trahedya. Para maging mapagpalaya ang mensahe, mainam na batiin na lang natin ang isa’t isa ng isang Makatotohanan at Makabuluhang Pasko, at isama na rin natin ang isang Mapagpalayang Bagong Taon!
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang kabataan
Pinalaki tayo sa kasinungalingan. Bata pa lang tayo, sinanay na tayo sa mga nilalang na hindi naman natin nakikita. Kapre, tikbalang, manananggal, tiyanak, multo at mangkukulam. Mga lamang-lupa daw ang tawag dito. Nagtataka ako kung bakit hindi isinama ang kamote, sibuyas at luya. Mga lamang-lupa din naman iyon. Kapag nagkakasakit tayo, ipinipilit ng Nanay na masarap ang lasa ng gamot para sa sakit mo. Kahit kalasa iyon ng tinta ng pentel pen o panis na mantika. Para mapainom ka, kailangang pasinungalingang pagkasarap-sarap ng gamot kahit pati sila kapag umiinom nito ay nagkakandangiwi na rin sa simangot. At may batok ka galing kay Tatay kapag nailuwa mo at naisuka. Sayang ang ipinambili ng gamot. Ipapanood sa iyo sa TV ang mas lalong pinakamalalaking kasinungalingan. Sesame Street na hindi mga totoong tao ang gumaganap. Palakang nagsasalita, mag-partner na puppet na parehong lalaki (sino kaya ang bading?), halimaw na mahilig sa biscuit, bampirang hanggang 10 lang ang kayang bilangin (minsan up to 12), ibon na kasing laki ng elephant at elepanteng balbon (saan ka nakakita ng elepanteng pagkahahaba ng balahibo sa katawan?) at isang nilalang na mahilig mag-ipon ng basura at nakatira sa basurahan. May tagalog version ito dito sa Pilipinas, ang Batibot. Ang problema, ang pinakabida sa program na ito, isang tuso at isang tanga. Ililipat naman sa ibang channel na ang tampok ay mga magkakaibigang superheroes. Marami sila sa istorya at lahat ay may angking super powers. Ipinakikita lamang dito ang kanilang kahinaan, na hindi pala kaya ng isang superhero lang ang problema ng mundo. Kailangan din ang tulong ng iba para masagip ang daigdig. Kawawang Superman, walang sinabi. Hindi kayang tumayo sa sariling mga paa. Tapos ka nang manood ng kasinungalingan este palabas pala sa TV. Gusto mong maglaro sa labas kasama ng ibang mga bata sa kapitbahay. Pero narinig mo ang sinabi ni Nanay. May bumbay na nangunguha ng bata sa kalsada. Tarantadong bumbay ito. Akalain mong pati mga batang nananahimik ay gustong kidnapin. Pero ang totoo niyan, hindi ka pwedeng lumabas dahil bagong paligo ka. At magkakalkal ka na naman ng dumi sa kalye kapag nakipaglaro ka. Tinatamad na si Mommy na maglinis sa iyo. Ayaw mong matulog sa tanghali? Lagot ka, andiyan ang “lizard”. Pikit ka na, bababa na yung “lizard”. Kaya, kasama sa paglaki ng bata na kahit ang pinakamaliit na problemang kasing liit ng butiki ay hindi kayang masolusyunan dahil “lagot ka, kayang-kaya ka ng lizard”. Sa hapunan, hindi pwedeng hindi mo uubusin ang pagkain. Mabubulag ka. Kahit magkandasuka ka sa pagsubo, ubusin mo. Hindi dahil sayang ang inihanda sa mesa. Kung hindi bahala ka, mabubulag ka. Isasama pa ba natin dito ang mga kasinungalingan tungkol kay Santa Claus, ang tatlong hari, ang mga pamahiin ni Lolo at Lola, ang pagiging “disente” (daw) ni Rizal, nakakabungang-araw ang pagkain ng sobra ng mangga at ang tungkol sa mga alamat ng pinya at Olongapo? Huwag na. Ayoko nang dagdagan ang mga kasinungalingan dito. Lumalaki ang bata sa kasinungalingan. At sa kaniyang pagtanda, pag-aasawa at pagkakaroon ng sariling mga anak, uulitin niyang muli ang istoryang ito ng mga kasinungalingan.
1 note · View note
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang kahalagahan ng Edukasyon
Ang pagkakaroon ng isang mataas at matibay na edukasyon ay isang saligan upang mabago ang takbo ng isang lipunan tungo sa pagkakaroon ng isang masaganang ekonomiya. Mataas na edukasyon na hindi lamang binubuhay ng mga aklat o mga bagay na natutunan sa ating mga university at paaralan. Bagaman, kasama ito sa mga pangunahing elemento upang magkaroon ng sapat na edukasyon, ang praktikal na edukasyon na nakabase sa ating araw-araw na pamumuhay ang siya pa ring dapat na piliting maabot. Matibay ang isang edukasyon kung ito ay pinagsamang katalinuhan bunga ng mga pormal na pag-aaral tungkol sa Mathematics, Science, English at mga bagay na tungkol naman sa buhay at kung paano mabuhay ng maayos. Ang edukasyon ang nagiging daan tungo sa isang matagumpay na hinaharap ng isang bansa. Kung wala nito, at kung ang mga mamamayan ng isang lipunan ay hindi magkakaroon ng isang matibay at matatag na pundasyon ng edukasyon, magiging mahirap para sa kanila na abutin ang pag-unlad. Marapat lamang na maintindihan na ang edukasyon ay siyang magdadala sa kanila sa kanilang mga inaasam na mga mithiin. Ang unang layunin ng edukasyon ay upang magkaroon ng kaalaman sa mga bagay-bagay at impormasyon sa kasalukuyan, sa hinaharap at sa kinabukasan. Ito ang nagsisilbing mekanismo na humuhubog sa isipan, damdamin at pakikisalamuha sa kapwa ng isang tao. Ito rin ang dahilan ng mga mabubuti at magagandang pangyayari sa ating mundo at ginagalawang kapaligiran. Ang edukasyon ay kailangan ng ating mga kabataan sapagkat ito ang kanilang magiging sandata sa buhay sa kanilang kinabukasan. Ang kanilang kabataan ang siyang estado kung saan nila hinahasa ang kanilang mga kaisipan at damdamin sa mga bagay na kailangan nila sa kanilang pagtanda. Ang edukasyon ay mahalaga sapagkat ito ang nagiging daan sa isang tao upang magkaroon ng mga kaalaman tungkol sa kanyang buhay, pagkatao at komunidad na ginagalawan. Ito ang naghuhubog ng mga kaisipan tungo sa isang matagumpay na mundo na kailangan ng bawat isa upang lubusang mapakinabangan ang daigdig at malaman ang mga layunin nito. Ang kabataan ay nararapat lamang na magkaroon ng sapat na edukasyon sa pamamagitan ng kanilang karanasan at pormal na programa na nakukuha sa mga paaralan. Ito ang kanilang magiging armas upang maharap nila ang mga bagay na kaakibat ng kanilang magiging kinabukasan. At dahil sila ang ating pag-asa, nararapat lamang na ibigay natin sa kanila ang lahat ng edukasyon na kailangan nila upang maabot nila ang mga pangarap na nais nilang matupad. 2011 Mga Sanaysay sa Filipino.
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang aking Pamilya
Sa mundong ito, simula nang ako’y mabuhay,
Ang mga magulang ko ang aking taga gabay.
Sa mundong puno ng lungkot at problema,
Hindi nila ko hinayaang mag-isa at walang kasama.
Sa loob ng labing-anim na pagkabuhay ko sa mundo,
Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko.
Mula sa araw ng aking pagsilang, sila’y nasa tabi.
Hindi nila ko hinayaan hanggang sa ako’y lumaki.
Laking pasasalamat ko sa kanilang pag-aalaga
Pagkat ako’y lumaki nang maayos at may kwenta.
Kapag may problema, laging nariyan para umalala
Dahil sa ako’y mahal at anak nila.
Bilang isang anak, hindi man ako perpekto.
Ayos lang dahil sila nama’y mahal ko.
Hindi ko man ipakita ang pagmamahal na ito
Alam kong nararamdaman ito ng kanilang puso.
Salamat sa inyo, aking ama’t ina.
Sa walang sawa niyong pagsuporta.
Alay ko sa inyo ang matatanggap na medalya,
Kapalit ng inyong maayos na pag-aaruga.
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang aking kaibigan
Sa bawat sandali ng ating buhay may mga tao tayong makikilala iba’t ibang ugali, iba’t ibang katangian may mga nakakasundo, mayroon ding hindi pero noong una tayong nagkakilala sa apat na sulok ng ating silid aralan di sadyang nagkatabi sa upuan at nagkakwentuhan na matagal kahit na ito ang una nating pagkikita at ito rin ang una nating paguusap bakit bawat salitang sabihin mo ay aking pinakikinggan kahit na minsan ay kakornihan. sa bawat mga araw na nagdadaan lalong gumagaan ang aking loob para sayo sa kwentuhan at tawanang ating pinagsaluhan lalong nagkakalapit ang ating loob. halos hindi mapag hiwalay sa isa’t isa laging magkasama san man magpunta magkaramay sa lahat ng pagsubok at problema nakahandang dumamay sa isa’t isa labis akong nagpapasalamat sa poong may kapal dahil ako ay biniyayaan ng isan kaibigan isang mabait, mabuti at isang tunay na kaibigan salamat sa iyo aking matalik na kaibigan.
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Pagkabigo
Maraming taon na ang lumipas aking puso ay di pa din makaalpas sa dating pag-ibig natin na kaylakas ngayon ay nagwakas hanggang kailan ba aasa? hanggang kailan ba magdurusa? hindi ba pwedeng ibalik ang dati? hindi ba pwedeng tayo ay muling magbati? sana sa susunod na pagtatagpo ang mga puso natin ay di na bigo alam ko na masaya ka na sa bago mo at alam ko pagdating ng panahon ako ay mayroon na ding bago.
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
May palad ka, kaya mapalad ka pa rin
Mapapalad ang mga walang pangarap Dahil hindi nila kailangang hagilapin, Ang mga “x” ni Math Na kaytagal nang hinahanap Hindi pa rin mahagilap. Mapalad ang mga walang pangarap, ‘Pagkat hindi nila kailangang sagutan Kung ano ang kahulugan Ng Statistics at Trigo Sa buhay ng tao. Mapalad ang mga walang pangarap, Dahil hindi nila kailangang magpasya, Kung ano ang pipiliin Aklat ba o DOTA, Facebook ba o Algebra. Mapalad ang mga walang pangarap, Dahil hindi nila kailangang magpumilit, Na magsalita ng English, At dila’y mamilipit Kapag kausap si Masungit. Mapalad ang mga walang pangarap, Dahil hindi nila kailangang pag-aralan, Ang mga bayani ng bayan At magkakasalungat na istorya, Sa libro ng akademya. Mapalad ang mga walang pangarap, Dahil hindi nila kailangang mamalimos, Ng mga uno at dos, Sa ilang gurong nakasentro Sa pagtitinda ng tocino. Mapalad ang mga walang pangarap, Dahil hindi nila kailangang mag-imbento Ng matataas na grado, Sa nanay at tatay, Na umaasang ang buhay, Ay maiaahon ng mahinusay... Silang mapapalad...
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ikaw ang aking iniibig
Ang iyong mga daliri Ang siyang sumusulsi Sa napunit na nilupi Ng damdamin kong tiwali! Sa masamang bumaliti At sa daigdig na imbi Ang kamay mong mapagtimpi Ang ibig kong kumakanti. Palad mong may kandili Sa lahat ng sumasapi, Ang tunay na nagwawagi, Na wika kong sinasabi. At ang bisig ng punyagi, Na nagbibigay ng lunti, Ay hinding-hinding-hindi Hindi ko maisasaisantabi. Mag-ingat nawang mabuti At manalanging matindi, Upang Gabay ay mangyari, Sa kaluluwa mo ay pumuri!
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Inspirasyon
Ipaubaya mo sa palad ng Poon, Itangis sa Taas at doon ituon, At galit sa dibdib kagyat na itapon, Upang sa daigdig ikaw ay maglaon! Dalangin na sana'y iyo nang makita, Buting nilalayon ng lalong Dakila, Tumingalang dagli doon sa Bathala Upang matukoy na ang tunay na nasa. Hindi ito dapat - pakinggan lamang, Dapat ay dinggin din hanggang walang hanggan, Tinig na nagbuhat doon sa ulapan, Ikabig sa dibdib, itibok din naman! Kung sa pangangarap sa dilim ng gabi, Tinanong mo na nga ang ibig isabi, Tinig na nagbangon sa mga sandali, Ay ang gabay mo sa mundong may imbi! Itanong ang daing sa Mahal na Poon, Kung sa diwa ay may tandang pananong, Makikitang dagling hindi maglalaon Ang sagot na ibig sa madaling panahon. Aalagaan ka, kapag ika'y nanalig, Kahit sinong kalaban iyong madadaig, Sa Itaas ibigay, pagsamba't pag-ibig, Kaligtasan ang bigay na premyong kapalit!
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ako at ang Tula
Ihalik mo ako sa pisngi ng tula, At iyakap mandin sa mga salita, Himasing mainam itong mga tugma, Upang madama ko ang libog at tuwa. Sa mga kataga'y idikit ang labi, At saka paikutin sa pagluwalhati, Dila ay ilabas himuring mabunyi, Tiyak malilimot ang luha't pighati! Hagurin ng palad ang ugat kong uhaw, At sa kadilima'y pumintig ng sayaw, Paigtinging lubos ng munting mga galaw, Ang titik na siyang tinig na mapanglaw! Ihiga mo kami sa wikang Tagalog, Kumutan ng letra't padapang lumuklok, Umulos kang kahit tila nauupos, Malalasahan mo ang luto ng Diyos! Sambahin ang katas na dito'y nagdaloy, Dito tilamsikin at ituloy-tuloy, Ang wika kung ginto ay maisasaboy, Sa kapwa nilalang na ibig magluoy! Kuyumin ang kuwit nitong aking puso, Lamasin ang tuldok ng luksong mga dugo, Ang tandang pananong na siyang nagbugso, Tandang padamdam ang 'yong ipangsuyo! Kung ikaw man ay mangagdalang-hiya, Sa paglalayag natin sa pagkakasala, Ikaw saka ako kasama ng tula, Magtatalik tayo hanggang sa magsawa! Hiwaga ang siyang makikipagniig, Sa ating tatlo, sa papag o sahig, At kung maabot ang rurok ng langit, Kalamnan at buto - tiyak manginginig! Huwag na rin nating isaalang-alang, Kung magbubunga man ang pagmamahalan, Pagkat bungang-supling ng pag-iibigan Magdudulot naman ng kapanabikan!
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang pag-ibig
Pag-ibig na ito’y pagkagulo-gulo, Kung minsa’y baluktot, kung minsan ay wasto, Bulag ang katulad, tila nalilito Kung minsa’y may sakit ng pagkasiphayo. Ngunit kung tunay nga, wagas at dakila, Madarama nama’y kilig sa simula, Sa gitna ay ngiti at dulo’y may tuwa, Kung magmamahal ka ng tapat at akma. Sa daraang araw, oras at sandali, Kahit na mag-isa, ikaw ay ngingiti, Kung maaalala ang suyuang huli, At ang matatamis na sintang mabuti. At ang minamahal kung makakapiling Ay tila kaybilis ng oras sa dingding Hahalik sa pisngi at saka yayakapin, Limot ang problema, hindi makakain. Kung ika’y iibig, tandaan mo lamang, Ang tunay na kulay, sikaping sulyapan, Pagkat marami diya’y nagpapanggap lamang, Sa baba ng lupa ang pinanggalingan!
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang Bulaklak
Sa mayamang lupa mayroong sumilip na halamang lunti’t anong pagkaliit, Pilit tumataas at nais mabatid ang ano at dahil ng munting daigdig. Hindi nga naglaon at naging malusog lumakin at saka nagkabukong lubo... Bukong di maabot ng araw at unos at himbing na himbing sa pagkakatulog. Ngunit napasok din ng sinag ng araw ang tulog na buko at saka pinukaw, binating masigla at pinagsabihang gumising at masdan ang lupang ibabaw. Kaya’t munting buko dito’y napahantad Sa init ng araw ay kukurap kurao nakita ang langit na napakalawak at mga naglipad na mga kulisap. Hinagkan ng hangin ang mga talulot at sa pagbukadkad ay agad nagsabog ng bangong matamis sa buong palibot bangong sinisinta ng mga bubuyog.
0 notes
damingalamlodi-blog · 8 years ago
Text
Ang mabait kong Kamag-aral
May katabi ako sa aking upuan Siya ay mabait, tahimik, magalang. Binibigyan ako ng baong tinapay, Isinusukob ako sa payong n’yang taglay. Noong isang araw, ako’y, nagkasakit Ako ay dinalaw, ng aking katabi.
0 notes