Manunula, Mananayaw, Nangangarap... Welcome to my Blog. ✨
Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
UNANG PAGLALAKBAY SA 'CVAP'. TIWALA, AKO MUNA.
"Sa panahong walang naniniwala sa iyo, huwag mong kakalimutan na may ikaw na mas nagtitiwala sa kakayahan mo."
Hindi 'yan ang eksaktong narinig ko mula kay Ginoong Pocholo "The Voice Master" Gonzales sa aming unang session na workshop sa CVAP (Certified Voice Artist Program) pero alam ng puso ko ang pinakapinupunto ng kasabihan at kahulugan na iyan, na talaga namang kumurot sa aking damdamin at nagpaiyak sa akin nang tuluyan.
Unang-una, nagpapasalamat po talaga ako sapagkat hanggang ngayon hindi ako makapaniwala na, naro'n ako sa mga sandaling iyon. Sobrang "magical", dahil alam ko sa sarili ko na wala sa hinagap ko ito(ang voice acting), pero nakagugulat na nandoon ako nagsalita't nagpakilala sa nabuong grupo sa BR 4 (Breakout Room) kasama ang aming 'mentor' na si Tatay Freddie H. Tayoan, CVA - Batch 7. Kung saan narinig ko at ng aming grupo ang lahat ng aming natutuhan sa mga sandaling ibinuka ni Sir. Choi ang kaniyang bibig upang magbahagi ng mga salita na didirekta sa puso't isipan maging sa 'realizations' namin.
Kaya't mabalik tayo sa kaniyang panandaliang pagbabahagi ng kaniyang 'motivational words', hindi ko maitatanggi na sobrang lakas ng dating ng mga salitang namutawi sa kaniyang labi na halos dinala ako sa nakaraan at sa mga pagkakataong walang naniniwala sa akin. 'Yong mga panahong nag-uumpisa na akong mangarap na maging isang sikat na Theater Actress, maging isang guro, arkitektor at mamamahayag. Ang lahat ng 'yan ay unti-unti naglalaho sa mundo ng aking mga pangarap, may hadlang sa madaling salita. Sa kadahilan raw wala akong patutunguhan sa pag-arte at pagsayaw, kaya napilitan akong hindi ito kunin. Ang maging pangalawang ina sa paaralan ay kanila ring hinadlangan dahil mainitin daw ang aking ulo at baka kung ano raw ang aking magawa sa aking mga estudyante (pabiro itong sinasabi sa akin, pero alam ni'yo ba simula pa no'ng bata ako gustong-gusto ko talaga ang pagtuturo, natigil lang nang marinig ko ang mga salitang 'yan, hindi biro ang naging dating sa akin, naging mahina ako.) Gayon ding napapasaya ako ng mga simpleng pagguhit at kapag nakakakita ako ng mga larawang gusali, bahay at kung ano-ano pa, talagang may tumatalon sa aking pagkatao, kinikilig kumbaga, ang kaso mahal ang mga materyales para sa kursong architecture, at panghuli na maging isang mamamahayag, na sa una ayaw rin nila dahil alam ng aking mga magulang na delikado ang maging kabahagi ng midya, subalit heto ako nasa kurso ng Bachelor of Arts in Communication ngunit magulo pa rin ang aking mga nais sa buhay, wala kasing espesipikong daan para sa ganitong kurso, malawak masiyado.
Sa totoo lang may network kasi akong gustong pasukin, subalit ipinasara ito ng administrasyon sa taong 2020. Nakakapanlumo, dahil maging ang paghahanap ng papasukan para sa aming OJT (On the Job Training) ay naging mahigpit, walang on site at higit sa lahat dapat may gamit ka para makasabay sa mga gawain, at wala ako no'n. Cellphone at earphones lang ang meron ako sa buong taon ko sa kolehiyo, pero sabi ko sa sarili ko kakayanin, kaunting kembot na lang magkakaroon na akong mikropono at 'laptop', matagal-tagal pa pero ilalaan ko talaga ang mga ito para sa aking mga kagustuhan na makapagpasaya ng iba, at ng aking sarili.
Bakit ko nga ba naikwento ang mga iyon? Dahil gaya nga sa kasabihan na nasa panimula ng kuwentong ito na totoo, sa mga panahong walang naniniwala sa iyo, nandiyan ang ating sarili upang higitan ang paniniwalang hindi naibibigay ng mga taong inaasahan mong susuporta sa iyo, at heto ako pinipili ang kagustuhang magpatuloy kahit wala pa ang mga kagamitan na makatutulong sa aking pag-unlad sa CVAP, pinipili na maging masaya at maging mabuti gayon ding maging matulungin sa iba. At siyempre hindi lamang sa CVAP, pati na rin sa mga pagkakataong hinahadlangan ako at walang naniniwala sa akin, mas bibigyan ko ng pagkakataon ang sarili ko sa mga bagay na alam kong magpapasaya at magpapaunlad sa akin, ako na muna.
Ngayon pa lamang masasabi ko na, malaki ang maitutulong ng mga kaganapang ito sa aking buhay, at naghihintay na si 'future self' upang magpasalamat dahil hindi ako nagpadala sa takot at kakulangan sa gamit. Padayon!
#CVAP #BATCH8 #DAY1 #PADAYON
5 notes
·
View notes