Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Pagduyan at Pagsagwan sa Obando, Bulacan
Ang mga naninirahan sa Binuangan, Obando, Bulacan ay natagpuan ang pagkakakitaan at matatawag na tahanan sa gitna ng katubigan.

Ibong “Fish-eating Great egrets” na nagpapahinga sa kawayan ng isang bangkal.
Ang Binuangan ay isang baranggay ng baybay na munisipalidad ng Obando, Bulacan. Ito ay isang islang nakatayo sa katubigang binubuo ng ilog ng Binuangan at Muzon, maidudugtong din ito sa pampang ng Manila Bay. Ang malaking anyong tubig na kinatitindigan nito ang nagbibigay sa mga residente ng kanilang mga hanap-buhay.

Mga pampasaherong bangka sinasakyan patungo sa baranggay ng Binuangan.
Mga bangka ang nagdudugtong mula sa bayan ng Obando patungo sa baranggay ng Binuangan. Ang mga pampasaherong bangka ay maaari ka nang ihatid sa iyong patutunguhan sa halagang kwarenta pesos, kung ikukumpara sa mga bus sa Maynila ay halos magkapareho lang din. Ang kinaibahan nga lang ay tuloy-tuloy ang byahe at mas presko ang hangin na iyong malalanghap. Hindi rin tatagal nang higit sa bente minuto ang iyong byahe at maaaring hindi mo rin ito mapapansin kung gagawing pampalipas oras ang panunuod sa mga bahay na madadaanan ng bangkang iyong sinasakyan. Â

Mga bahay na madadaanan patungo sa sentro ng baranggay ng Binuangan.

Isang batang nakadungaw sa bintana ng kanilang tahanan.
Sa Binuangan din nagmumula ang mga nilalakong mga sariwang tinda sa palengke ng Obando. Kaya’t mapapansin din ang mga kaliwa’t kanang bangkal ng mga residenteng ang hanap-buhay ay pagbebenta ng mga lamang-dagat.Â

Mano-manong paggawa ng lambat.
Sa pagbaybay sa iba’t ibang sulok ng Binuangan, masasaksihan mo ang kanilang tiyaga upang mairaos ang kanilang mga pangangailangan sa araw-araw. Ang mga isdang inihahain sa hapag-kainan ay pinagtrabahuhang hulihin ng mga mangingisdang sinusuong ang alon at pagod. Kasabay ng pag-iral ng alat ng dagat at init ng araw ay ang determinasyon nila upang mairaos ang buhay nang may laman ang mga tiyan.

Dalawang lalaking inihahanda ang kanila bangka upang makapangisda.

Pagsisid ng isang lalaki sa maalong dagat.
Makikita rin dito ang paghahanda sa mga tahong upang maibenta sa merkado. Ang mga tahong, at paminsan-minsan ay talaba, ay pinapalaki sa mga bangkal na makikita sa iba’t ibang bahagi ng baranggay. Ang ilan ding residente rito ay binabayaran upang maglinis ng kabibi ng mga tahong na ibebenta nila nang maramihan sa palengke kinabukasan. Matatawag itong sariwa at galing sa tapat na gawa.

Dalawang binatilyong naglilinis ng mga ibebentang tahong.

Isang planggana ng sariwang tahong.
Hindi sila nalalayo sa reyalidad ng buhay, bagkus ay mas maalam pa sila kaysa sa iba. Hindi nagiging dahilan ang distansya at tubig na pumapagitna sa kanila mula sa bayan upang magpatuloy sa paghahanap-buhay. Ang hampas ng tubig sa pundasyon ng kanilang mga tahanan ay tila paalala upang bumangon at magpatuloy. Dahil katulad ng mga tao sa siyudad, sila rin ay nagpupumilit at nagsusumikap upang humarap sa hindi siguradong bukas.

Dalagitang nakatanaw sa maliit na bahagi ng Binuangan, Obando, Bulacan.
1 note
·
View note