dimas-inag
dimas-inag
Dimas-inag
232 posts
Wala naman ako roon, marahil ay wala rin dito. Wala ni isa sa mga titik ng Abakada, gayundin sa likod ng talukap ng mga mata. Wala sa nararamdaman tuwing gabi; wala sa maingay na mga kulilig, sa matuling oras, o maski sa mga aninong maliliksi. Wala sa napanaginipan, wala rin sa 'yong mga nakausap. Wala. Wala sa mga babalikang alaala.
Don't wanna be here? Send us removal request.
dimas-inag · 4 months ago
Text
Disyembre 25, 2024
Nagtapos ang bisperas na may sanib ng maghapong kapaguran at antok. Noong nakaraang araw ko pa binabalak na muling makapagsulat ngunit ang mga ideyang maihahalintulad sa mango graham na siyang tamisan at puno ng sarap, siya ring bilis na ikinalalaho sa pridyider sa isang kurap - sa isang subo. Kung ano-ano nga ba iyon? Mga litanya lang naman na naipon sa buong taon. Litanya patungkol sa mga ikinaasar, ikinasawi, ikinabagot, ikinalungkot, at marami pang ika-ikang ikinasandal o ikinasalampak sa mga gilid-gilid. Ay siya't sa susunod na ang iba. Ihigop na muna natin ng kape ang umagang dinidiligan nang malamyang patak ng mga ulan. Maligayang Pasko!
0 notes
dimas-inag · 6 months ago
Text
Nobiyembre 4, 2024
Litanya ng Gitlang Dila 10: Si Batman at ang mga bahala
Limang kalye ang dinali
Bago nasambit ang sandali!
Ikaw ba ang makatutuos
O makakainumang kumpare?
Sa bigat nitong pasan
Wala ka bang brasong maipapahiram?
Baling mo ba’y malalamya na lang na titig
Hanggang sa sumubsob ang mukha ko sa putikan?
Ang tagal ko pa naman na ikaw’y hinangaan
Hanggang diyan na lang ba ang iyong patutunguhan?
Heto’t napundi na’t nawalan na nang silbi
Ang ilawang walang sawa sa kakatawag lang sa ‘yong ngalan.
Puro ka na lang ba pahangin?
Kapa mo na lang ba ang kakaway sa akin?
Gan’yan ba ang tingin mo sa amin?
Mga kababawan lang mula sa pababa mong masid?
Sa minsan pang maihahapag
Sigurado kaming may mailalantad
Hoy, Bata! Kay Batman, ‘wag kang magpapaniwala!
Pagka’t sarili mo ang tunay na bahala.
0 notes
dimas-inag · 7 months ago
Text
Oktubre 16, 2024
Likha ng Gitlang Dila 9: Ako at Ang Aking Motorsiklo
Noong una’y hindi sumagi sa isipan
Na ang sarili’y mailalarawan
Sa pag-upo’t pagbalanse sa lansangan
At sa pakikipagsapalaran sa malayong paroroonan
Sa unang puwesto’y puno ng kaba
Nginig sa kalamnan’y walang hupa
Ngunit anong pagkasabik nang mapaarangkada
Ang una ngang motorsiklong dala
Sa pagpiga’y siya ring ibinibilis ng tulin
Habang ang ngiti’y ibinibihis ng hampas ng hangin
At ano ngang balik ng taranta sa ikinapupuwing
O kiliti’t kati habang nasa biyahe
Sa paglaong inaangkas na ang mga panahon
Sa pagyakap ng tag-init
Sa paghalik ng tag-ulan’y
Ang hantong ay sa patuloy pa ring pagsulong
Mapag-isa mang makapaglakbay
O may makasabayang abay
Ang layon’t tuon ay kung saang magtutungo
Kasa-kasama ang aking motorsiklo.
0 notes
dimas-inag · 7 months ago
Text
Oktubre 9, 2024
Likha ng Gitlang Dila 8: Papuri sa Ina
Wala pa sa tanaw at pang-unawa
Kung ga’no ang ligayang namutawi sa ‘yong mukha
Nang mapaloob sa mainit mong kanlungan
Ang unga’y pinabanguhan mo ng pantuwang luha.
Sa mga mumunting hilik na binantayan
Giniliw sa heleng nangungumutan
At sa pagkunot at tangka ngang pag-uwa sa gabi’y
Ang bangungot ay pinapawi ng halik mong marahan.
Sa unang mga pantig, ngalan mo ang ‘yong pinanabikang maulinig
Sa unang hakbang, bisig mo’y may alalay ngang nahihitik sa pag-ibig
At sa pagkusang tindig, baling mo’y may tiwalang masid
Kinalakipan pa ng ngiting animo’y yapos ng langit.
Gumulong pa ang panahong may katiting nang pag-intindi
Ika’y naririya’t patuloy sa pangaral ngang mabuti
At kung sa pagsuway na siyang ikinaligaw sa sisi
Ika’y sa dulo’y yayakap pa ring may higpit.
At ngayong natatanto na ang iyong dalangin
Ang inaruga’y siya namang may pangakong bawi
Maiguhit sa ‘yong pisngi ang nabanaag sa una
At maipabaon pa kahit na sa tatawirin mong huli.
0 notes
dimas-inag · 7 months ago
Text
Oktubre 2, 2024
Likha ng Gitlang Dila 7: Sa Darating na Tag-ulan
Dama ko na ang nagbabagong hangin
Sa pagdapo sa mga balat
Sa pagbulong sa tainga’y
May mga ibinibiling panalangin.
Ang kulob sa katawan’y dahan-dahan nang napapawi
Ang kalooban’y pinapaypayang lubos
Ang diwa’y nangangandong na walang manhid
Ang puso’y nasasagana muli sa dilig.
Sa muling pakikisangkot sa mga lilim
Natatantong may magwiwisik
Kung malunod sa katwiran o mapasma sa kilig
Ang kainaman’y sa alok ng alulod na maisisilid.
At nang suminga ang kalangitan
Wala bang mailalakas na pamuhos sa malamyang kaibuturan?
Sa pinawi ngang ngiwi mula sa matagal na kainitan’y
Ang salok ba’y dalawampu’t limang tabo lamang ba nang panghihinayang?
Panaghoy ko lamang ay sunduin mo na ako sa ‘yong pagdating
Yapusin sa lamig, lunurin sa kahungkaran
Pagka’t sa ‘yong pagtatanghal ikaw lamang ang itinatangi
Mula sa mga patak mong panghilamos sa kahangalan.
0 notes
dimas-inag · 8 months ago
Text
Setyembre 25, 2024
Likha ng Gitlang Dila 6: Gabay sa Iibig
Hintayin mo ang pag-ibig
Sa pagtawid sa buhay na pinipilit maihabi
Sa kalampag ng mga nanggagambalang gabi
Piliin pa ring mag-abang sa ipagkakaloob ng langit
Walang irog na dagling dumadapo sa palad
O may liksing mamanhikang agad
Tiisin ang pait, damahin ang panahong bumubuklat
Hanapin ang sariling pamumukadkad
Magtiwala’t darating din ang sinisinta
Gamitin mo ang pagkakataong mumulat sa pang-unawa
Linisin ang isip, palakasin ang pananampalataya
Pagka’t ang nanalig ay siyang ginagantimpala
Kilalanin mo’t alamin kung ano nga ba ang pag-ibig
Timbangin mo’t sukatin ang ipinipintig ng dibdib
Pagka’t sa kababawan’y may hantungang sakit
Lalo sa mga lilong nagpaligaw lamang sa aliw
At kung sa dulo’y matagpuan ang inaasam
Sa lalim nang nararamdaman’y ‘wag pasisilaw
Umibig nang sapat, ‘di lalabis, ‘di rin kukulang
Magtira ng hiningang sa sarili’y magmamahal
0 notes
dimas-inag · 8 months ago
Text
Setyembre 18, 2024
Likha ng Gitlang Dila 5: 11:59
Heto at naririyan ka
Ang katangi-tangi kong kaibigan sa nahuhuling litanya
Tikom man ang bibig habang dilat ang mga mata’y
Ikaw lang ang nakakausap hanggang sa paparating na umaga.
Ikaw na nag-iingay at nangungulit sa pag-idlip
Ikaw na nangingiliti at naghahatid ng kilig
Siya mang ikaw na may handog ngang tamisan bago managinip
Siya ring ikaw na nagdaramot ng hilik.
Ang buong maghapon ay dagli mong binabalikan
At kagya’t mo ring iginagatong at hinahatulan
Kung sa pagpikit’y tapis o lambong ang siyang sa ’yo’y pagpipilian
Ang diin ay sa kung bangungot ba o himbing ang mangungumot sa balintataw.
At kung katawan’y palaring mamahinga
Habang ang diwa sa ’yo lamang nakatuon, wala ng iba
Ang iyong hele’t oyayi ang dinadalanging matamasa
Habang ang malahagupit mong tapik ang isinusumpa.
Ilang tagpo pa’t naglaho kang walang paalam
Kaya sa pamamaluktot ang hiraya’y siya ring nalusaw
Habang ang paningi’y lumilimlim at lumalamlam
Ang tanto - ang pumatak sa unang hikab ang nagtago sa nakaligtaan.
0 notes
dimas-inag · 8 months ago
Text
Setyembre 11, 2024
Likha ng Gitlang Dila 4: Sa Aking Mga Kababayan
Ikaw at ako ang mga anak ng bayan
Sa kabila man nang pagkamaputla ng ako
At kahinugang mong kayumanggi
Tayo ang mga tagapagmana ng lupang sinilangan.
Ang hininga mo’y bunton nating iisa
Sa pagyayapak mo man sa kabukiran
O sa pagtatampisaw ko sa dalampasigan
Tayo ang lahing kinikilala.
Ang pakikibaka mo’y pakikibaka ko rin
Sa pangako mo mang iginuhit sa bato
O sa panalanging kong ibinulong sa hangin
Ang nasa sa bukas natin ay may isang layong kakamtin.
Na sa ’yo man ang walong sumibol sa kapatagan
Habang nasa akin ang tatlong nagtatag ng iisang ngalan
Ang ugat ng mga ito’y may hinuhukay ngang lalim
Para sa paglayang minamahal.
Piliin mong maging ako
At pipiliin kong maging ikaw
Dahil sa huli’t huli at muli’t muli
Iisa lamang ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat at kalamnan.
0 notes
dimas-inag · 8 months ago
Text
Setyembre 4, 2024
Litanya ng Gitlang Dila 3: Tagong Liham Para kay B
Alam kong mayroong nang nagwagi.
Wala nang dapat pang ihabla, ‘di na rin kailangang manuri.
Alam kong sa simula nang maisuot mong muli ang ngiting matagal mong naitabi,
Nasambit ko na sa tagpong yaon, Siyang tunay! May nanalo na sa aking inibig.
Lampas limang taon na nang una ka ngang makadaupang palad.
Na sa kabila nang maaga at mababaw na panunukso’y pinili nating tumikom at magnakawan na muna ng mga sulyap.
At nang ang mga linggo at buwan ay maging daan upang magkapalagayan nga ang mga diwa
Walang mang pamagat o sukat, wala rin namang naipagkakaila.
Simula nang lumalim pa ang mga tipanan
Na ang mga katagang ating binibitiwan ay may tiyak na pinatutunguhan.
Sa dahan-dahang paglalakbay at pagpapatiagos sa takbo ng mga araw
Alam nating sa bawat dulo’y magsasaklolohan.
Nakatutuwang balikan ang ating pagiging malapit
Na saan man maglaro ang mga isip ay magkakabungguan pa rin kapag may maisasambit.
Humalakhak man o magbiro man tayo nang pilit
Kung maaalala ang mga ito’y minsan ngang hiniling na wala na sanang tumumbas o pumalit.
Ngunit may biro ang tadhanang namumukod sa naipagkakaloob.
May yugtong ipinipigtal
May bukas na nililimliman
May pag-ibig na ipinagdaramot.
Sa mga mata mong nangungusap ng kasiyahan
Na sa pagmumuni sa gabi’y idinidiin ng aking isipan na hindi dapat pagdamutan.
Ang matatamis na guhit sa’yong mga labi
Nauunawaang wala sa akin ang mga dahilan.
Magkagayong nahuli man ang dapat na ikinatauhan
Kumpol man ang pagsisisi sa pagkakasilahis na maibulalas ang nararamdaman
May napadparan mang dulo na wala ang ikaw
 Gulantang man ang kalooban, may natamo namang aral.
Hindi man ako inibig
Wala mang natupad sa minsang ipinanaginip
Sa kaibuturan ng dibdib kahit tikom man ang bibig
Ang aking taimtim na dalangin, nawa’y nakita mo na rin ang ligayang tunay mong maitatangi.
0 notes
dimas-inag · 8 months ago
Text
Agosto 28, 2024
Litanya ng Gitlang Dila 2: Timplang Kape
May tamis at pait ang bawat higop
Gaya ng mga inaasahan sa mundong umiinog
Walang makapagsasabi kung ang bukas ay hehele
habang ang kamakalawa’y mambubulabog
May init at lamig sa bawat lunok
Na sa ligamgam ngang nalagok ay walang masumpungang ligayang lubos
Gayundin mula sa nalaktawang pangangalong baba
habang iniihip ang basong umaalimuom
May ligaya at lungkot
Na kahit may tamisang pait
At paitang tumatamis
Ang hulog ay sa kapeng ‘di kinalimutang balik-balikan
sa paghagikgik man o pagtangis
May tula, awit, at epiko
Na kung maguguhit lamang sa limampung paghalo
Alam kong may itatangi
o ikalalabnaw sa matapang ngang anyo
May sikmurang mabubuhusan
May isipang kalalampungan
May lalamunang maaaring mahihirinan
Ngunit lubos ang natamo ng pusong nababanlian muli’t muli sa natatantong katotohanan.
0 notes
dimas-inag · 9 months ago
Text
Agosto 21, 2024
Litanya ng Gitlang Dila 1: Malamyang Padayon
May layong ‘di matanaw
Sa gitna ng uhaw
Sa mga hakbang na may katiting na puwang
Mayroon pa bang dahilan?
Milyon na itong iniyapak
Mga paa’y limahid na sa burak
Luha’y said na para pa pumatak
Saan ba ang dahilan sa mga halakhak?
Sa gabing niyayakap ng mga bangungot
Pangungulila’y siyang tangan na kumot
Kailan ba magiging kalahok
Sa pangmasayahang antok?
Sa libo bang pananaginip
May nanaisin pa bang masungkit?
Lalo’t kung ang mga iniibig
Ay siyang mga luhang ngumingilid na lamang sa paggising?
0 notes
dimas-inag · 9 months ago
Text
Agosto 14, 2024
Maraming araw, linggo, at buwan bago ko nasumpungang maghain sa hapag ng mga alaala. Ang lalim at kababawan; ang tamis at kapaitan; ang init at kalamigan; kung tutuusin ay wala akong naisasako sa mga nabanggit. Naririyan at manlalambing paminsan-minsan o kaya'y mambubulahaw sa mga tinatangkang kapahingahan. Mayroon at wala rin akong laman. Napupuno at siya ring nauubos. Para saan pa ang mga dahilan? Ang mga pakikibaka? Sa sampung Miyerkoles ay mayroon akong mga ibubulong. Di ko rin alam kung makaaamo ba ang mga yaon ng mga kahalumigmigan ng isip. Susubok lamang.
0 notes
dimas-inag · 1 year ago
Text
Disyembre 7, 2023
Matagal na rin huli kong paskil dito.
Gaya ng dati, may dahilan ang pagbabalik.
Inaatake na naman kasi ako ng mga agam-agam, guni-guni, at iba pang negatibong kaluluwa na naipon din sa mahabang panahon.
Pinipilit akong hilahin pababa mula sa mga pagtatanong kung kumusta na ang mga 'di nakamit na layon?
Tila ba ipinamumukha ang bagal nang itinatakbo ko sa liwasan ng pagsubok; na palagi na lamang ba akong mahuhuli o malulunod sa mga kadahilanan ng katamaran.
Wala akong mairason kaya't nalilibing sa katahimikan at ikinikimkim ang mga nais ibulalas.
Ang hirap maghila ng sariling mga paa lalo sa mga tanaw sa malayo ay ikinapapagod na agad sa mahabang tatahakin.
May makakasalubong pa ba sa daan? May mahihintuan ba na pahingahan?
Walang makapagsabi.
Kaya sa mga pagtitiis, kalahati ang dasal ay sa ikatatagumpay ng paglalakbay habang ang nalalabi ay sa kisap-matang pagkapawi sa animo'y daang libong taong ikinapapagod.
Walang padayon. Kundi nagpapakakampon lamang sa "bahala na."
0 notes
dimas-inag · 2 years ago
Text
Mayo 1, 2023
Mahabang panahon din ang lumipas bago ako bahagyang sipagin sa muling pagsusulat dito. Oo, bahagya lang dahil maski magpahanggang ngayon ay nalalasing pa ako sa katamaran. Minsan kasi, pasulat na, tsaka naman dahan-dahang naglalaho ang mga salitang gusto kong malikha. Badtrip ‘di ba par? 
Siguro, masasabi kong pang-uudyok muli para maligaw sa “talaarawan” ko ay ang masidhing damdamin na hindi ko na kayang sarilinin pa. Literal na nakauumay, nakasusuya, nakasusuka, at lalong nakawawalang gana na kasi ang buong perspektiba ko sa tatahaking hinaharap. 
Maraming tagpo na yung sumunog sa mga nais kong makamit. Nahihirapan na akong manampalataya sa tila hungkag na lakad. Nananaig yung kagustuhan kong magpahinga na lamang. At... at... taena. Sa susunod na lang ulit.
0 notes
dimas-inag · 3 years ago
Text
Oktubre 1, 2022
Dati'y mababaw ang damdamin kaya naman hindi ito pinapansin.
Ipinagkikibit balikat kung may dahilan ba para lumalim.
Hanggang sa ang panahon na mismo ang nagsasabing tiyak na ikaw'y kapupungawan sa 'yong paglisan.
Alam ko na sa una'y sinasabing "hindi ikaw" ngunit napagtatanto mula sa malalim mong pag-unawa sa mga bulong kong 'unga' na siyang ikaw'y dinalangin kong maging giliw sa pangakong walang hanggan.
Sa panahong sinayang, ang bawat pagkuyom sa mga palad ay tila kumpol ng mga buntong hiningang walang mapaglibingan.
Sa anyo ng hirayang ikaw ang natatabihan, bangungot ang katotohanang namumutawi't umaaninag sa paparating na bukas.
Hindi ako dahil hindi kita agad na pinili.
Masakit... ngunit ito talaga ang gaba nang pagsisisi.
0 notes
dimas-inag · 3 years ago
Text
Hunyo 22, 2022
May kiliting hindi sa akin.
Pinipilit kong pigilan ang kilig ngunit patuloy na nabibihag ang dibdib.
Sinusubukang tumindig sa matuwid ngunit nalulumpo sa matatamis na mga titig.
Nais kong isigaw at manindigang “hindi ako at wala sa dapat na pagpipilian”
Ngunit heto sa loob-loob nga’y bumubulong at nananalanging makabalik sa nakaraan…
Sa dakong wala pang nakasisilat ng iyong pangakong pang walang hanggan.
0 notes
dimas-inag · 3 years ago
Text
Marso 21, 2022
May gabing nasira sa isang tinig na umalingawngaw sa harap ng dapat sana’y masiglang hapunan. Maraming saksi. At tiyak ng mga tunay na nakarinig at nakauunawa na may isang nabasag na damdamin.
0 notes