Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Tila nga, malaki na ang puwang natin sa isa' t isa. Hindi na tayo hawig nang sa dati. Ngunit, ikaw pa rin ang kaibigan na hanap ko.
0 notes
Text
Umalis siya upang magpagal. Payapa ang isip ko, pati puso.
1 note
·
View note
Text
Hulyo Siyam
Siyam ng Hulyo na naman. Simpleng araw rin naman tulad ng nakaraan. Walang masyadong ganap tulad ng sa ilan, tahimik lang at payak na araw.
Maayos din naman ang walang masyadong sorpresa, o handa na nakapatong sa mesa, o kaya naman ay keyk na may dedikasyon at kantahang walang humpay mula sa pamilya.
Gayunpaman ay masaya, puso at isip ay payapa. Mas mainam na regalo mula sa Kanya, magandang kalusugan ng pamilya.
Di man tulad ng sa iba, iba pa rin ang saya kapag sama-sama. Di man uso sa kanila ang sorpresa sa araw na sa akin nakatakda, ramdam pa rin ang pagmamahal nila.
Simple lamang ang Hulyo, gayundin ang ika Siyam na petsa. At ang ika dalawamput siyam na eksistensiya 'yon ang tunay na mahalaga.
2 notes
·
View notes
Text
"I love you always mommy and everything you do"
Ani mo, habang natutulog....
1 note
·
View note
Text
Sin is not ended by multiplying words, but the prudent hold their tongues. Proverbs 10:19
Salamat sa palagiang pagsagip. Kaybuti Mo.
1 note
·
View note
Text
Ayaw ko munang magsalita, ng kahit na ano at sa kahit kanino. Pinipigilan ko rin munang makaramdam ng kahit ano. Lungkot, galit o anupaman. Mahirap, ngunit dapat. Pigilan muna ang lahat hanggat kaya pa. Ipaubaya sa taas.
Kailangan ko ng kausap. Kailangan ko ng karamay. Kailangan ko ng kakampi. Siya lamang naman ang sagot, ngunit sa ngayon, wala siya. Wala siya? Wala siya.
2 notes
·
View notes
Text
LABIS NA KAPE
Tunay ngang kaylakas mo. Hanggang sa ngayon ay gising na gising pa rin ako. Maya maya pa'y magpuputakan na ang mga manok ay mulat na mulat pa ako.
Mulat na rin ang diwa ko, sa mga bagay bagay na dati'y malabo. Akala ko'y tama ako, tama ka. Ngunit, mali pala tayo pareho.
Tunay na hindi mapapantayan ng panahon ang ating pagkakaibigan. Lalo pa ngayon na mas lalo tayong nagkaunawaan.
Handa ako makinig palagi. Sa mga kwento mo sa buhay. Sa mga hinanaing at pagsubok na patuloy mong pinaglalabanan. At sa hinaharap na muling pag-igkis ng iyong laman kapag nakararamdam ka ng kakaibang saya at pagbilis ng tibok ng iyong puso.
Handa akong makita kang umiiyak. Iyan nga ang aking gusto. Hindi ang iyak kundi ang pagluwag ng iyong loob matapos ang humahangos at humihikbi mong pagtangis. Ayos lamang iyan. Nakagagaan ng loob mo, pati ako.
Huwag mong tumbasan ng lakas ang iyong hina, palagi. Minsan ay ilabas mo at ipakita ang kahinaan upang may lakas ka ulit para maging matatag. Iyan ang silbi ko sa iyo kaibigan.
Nais kong sabay tayong tumawa at maging masaya sa lahat ng magagandang pangyayari sa ating buhay, at sabay na umiyak at humagulgol sa lahat ng sakit, hirap, pagsubok at hamon ng buhay.
Salamat sa napalabis na kape. Nakatatatag. Nakagagana.
Ayos lang paminsan minsay lumabis o kahit kumulang.
Gawin mo lang sakto, kaibigan.
Para sa iyo ang bahaging ito ng aking likha. Sapagkat, napakatatag mo. Napakalakas mo. Napakatibay mo.
2 notes
·
View notes
Text
Lalim.
May mga pagkakaibigang nagsisimula pa lamang sa kabila ng mahabang panahong pagsasama.
1 note
·
View note
Text
HINDI SIYA TULAD MO
Iba siya sa iyo, magkaiba kayo ng pagkatao. Bagaman pinag-isa kayo.
Maging mabuti kang kabiyak. Sa kahit anong sitwasyon ng buhay. Piliin mong maging mabuti at tuwid, piliin mong maging kaagapay at kakampi niya sa lahat ng bagay. Kahit ano pa man ang iyong nararamdaman.
Emosyon lamang iyan! Isang malaking kasinungalingan. Hindi mo dapat iyan pagbatayan, sapagkat wala iyang katiyakan. Maging patas ka, sapagkat, napakapatas niya.
Subukin mong sukatin ang lahat ng salita, pangaral at mga sabi niya. Di ba't napakaganda - malaman, tunay at makabuluhan.
Huwag mo siyang itulad sa iyo, sa nakaraan. Sa mga multong ginawa mo, sa mga mali at balikong desisyon na kahit napagsisihan na ay bumabalik pa rin sa hinagap. Harapin mo. Bunga iyan ng iyong gawa.
Subalit, di ito dahilan upang maging mabuti ka, o maging masama siya. Haka iyan, walang katiyakan.
Balik balikan mo lamang ang iyong mga pagmumuni, at matatagpuan mo ang kapanatagan sa malikot at magulo mong isipan.
Balikan at alalahanin mo ang minsang isang gabi'y napabigkas siya ng matamis na salita sa iyo ng pagmamahal, at isang makirot sa dibdib na pag-amin ng kanyang pagkukulang.
Huwag mong ipamukha ito sa kanya, kundi suklian mo ng walang kondisyong pagmamahal.
Labanan mo ang iyong takot. Ang iyong isip. Labanan mo ang emosyong tumatalo sa iyong pagmamahal. Maging rasyunal ka. Sapagkat, hindi siya tulad mo na mahina, na marupok. Matatag siya, gaya ng pagmamahal Niya.
3 notes
·
View notes
Text
IISA
Sa gabing ito, wala ka nang dapat pang isipin. Kundi lahat ng mabuti sa kanya. Huwag kang mag-isip ng kahit anong taliwas sa kanyang pagkatao. Sa halip, tingnan mo siya batay sa iyong pagkakakilala sa kanya bilang tao at bilang isang mabuting lalaki.
Hindi mo na dapat pang balik balikan ang nakaraan, dahil hindi siya iyon. Sya ang hinaharap. At tunay nga nyang kinakatawan iyon. Totoong mabuti siya tulad ng dati. At hindi tulad ng iniisip mo ngayon. Marahil dala lamang ng guniguni at kalimitang nangyayari sa ngayon - sa mga kwento, teleserye, kwento ng kaibigan, narinig sa ibang tao at kathang-isip.
Huwag kang mag-alala, tunay ang sinabi niyang ikaw, kayo lamang ang iniisip niya. Huwag mo ring isiping kalaban mo ang prayoridad niya noong una pa lamang na wala pa kayo. Hindi totoo iyon, marahil ay malaking bahagi ng oras niya ay kumayod ngunit di ibig sabihin malaking bahagi niya ang para roon - dahil sa tunay, ay para sa inyo.
Mahal ka niya kahit walang sabi, kahit walang paramdam. Mahal ka niya kasi yon ang tunay. At di matutumbasan ng kahit anong bagay. Hindi sa text, sa chat, sa tawag o sa limit at dalas ng kanyang pagpaparamdam.
Damhin mo sa iyong puso ang totoong dahilan, kung bakit kasama mo siya - hinintay ka niya habang naglalakad ka sa dambana. Una siyang pumalaot bago ka, sumunod ka lamang sa kanya tulad ng araw na kayo ay nag-isa. Magkahiwalay kayo talaga, ngunit sa paglabas kayo ay iisa na.
Ganyan dapat kayo sa buhay. Huwag kang mangamba sa hampas ng malakas na hangin o sa ingay ng patak ng ulan, ng kulog o kahit pa sa kidlat. Kumapit ka sa sagwan at magpatuloy na humayo, mabigat man at masakit, mahirap man at matigas, magpatuloy ka dahil sabay kayong dapat na sumagwan. Huwag kang tumigil nang hindi doble ang kanyang hirap. Huwag kang magpaapekto sa iyong takot, sa iyong isip. Tingnan mo ang kanyang pawis, tingnan mo ang kanyang ngiti na sa kabila ng daluyong ay patuloy na sumasagwan at sumasabay sa alon ng dagat.
Pagsubok lamang iyan. At marami pa. Huwag mong isipin na ikaw lamang ang gumagawa, dahil sa tunay, doble ang pasan niyang hirap.
Alam kong iniisip mong ikaw ang dahilan, ngunit hindi, at pinipilit na paniwalaang hindi. Wala na siya sa nakaraan, huwag na at di na kailangang balikan. Tingnan mo ang hinaharap at maniwala sa Kanya at sa kanya. Panahon mo na upang lumaya sa madumi at masamang karanasan na ikaw lamang ang gumawa. Hindi mo ito kasalanan, ito ay aral.
Yakapin mo siya ng iyong mapag-arugang kamay, hagkan ng matamis at mabulaklak na labi't bibig, payapain mo ang alon sa kanyang dibdib na ikaw lamang ang magpapahupa, gamit ang iyong mapagkumbabang pagmamahal.
Hindi mo na kailangang mag-isip at makipagtalo, tapos na ang laban. Humupa na ang ulan, payapa na ang hangin, banayad na ang alon at sumisikat na ang araw. Mahinahon na ang inyong pagsagwan, nakangiti at may galak sa mga labi, sa mga ngiti. Tingnan nyo ang mata ng bawat isa, balikan ang araw na kayo ay nag-isa, at damhin at alalahanin ang mga pangako na binigkas at binigkis kayo upang magkahawak at magkasamang harapin ang lahat. Huwag nyong tingnan lamang ang isa't isa, sa halip maghawak kayo ng kamay habang humahakbang at tumingin sa iisang direksyon, sapagkat kayo'y iisa.
Tapos na ang gabi, ngunit simula pa lamang nang paglabas ng mga salita para sa panibagong bukas.
0 notes
Text
IKAW
Piliin mo naman ang sarili mo ngayon.
Oras na para ibalik...
Ibalik ang dating ikaw
'Yong masaya, masayang ikaw.
0 notes
Text
HINDI IKAW, KUNDI DAPAT AY SIYA
Minsan mapapaisip ka
Bakit ako?
Pero, hindi mo napapansin
Bakit hindi siya?
Nalilimutan mo madalas ang sarili mo
Kaya minsan napapagtanto mong walang nakaaalala sayo.
Minsan nagtatagpo na lang ang mga tanong at sagot sa isip mo.
Bakit?
Minsan, di mo maintindihan
O madalas pa nga.
Minsan magbibitaw ka na lang ng mga salitang buhat sa nararamdaman mo.
At minsan, at madalas tahimik ka na lang.
May mga bagay na nasasagot lang ng katahimikan.
Nuon, naisip mo, sana hindi ka na lang nagsalita.
Sana, hindi mo na lang inisip ang sarili mo.
Sa halip, ay siya na lang.
Minsan, sana, madalas gusto mo nang bumitaw.
Lalo't pinahihirapan ka ng sitwasyon,
O siguro ng isip mo.
Minsan, sana, madalas ikaw ang nagpapakumbaba
Ngunit sa dulo ikaw pa rin ang mali.
Tanggapin mo na
Dahil hindi dapat ikaw.
Kundi siya.
Isipin mo siya, yan ang dapat madalas
At hindi ikaw.
Unawain mo siya, yan ang dapat na madalas
At hindi ikaw.
Minsan, tingnan mo ang sarili mo
Sa salamin
At sabihing....
Magaling ka. Kapuri-puri ka.
Mabuti ang ginawa mo. Kahanga-hanga ka.
Minsan, kapain mo ang balikat mo
At sabihin mong...
Kaya mo yan. Ikaw pa.
Malalampasan mo ang lahat. Panandalian lamang ito.
Sana, kaya mong ibulong ang mga bagay na makapagpapagaan sa iyo.
Sana, kaya mong yakapin ang sarili mo
Kahit sa salita lamang ay maitaas mo ang iyong sarili.
Sana hindi mo na madalas at minsang gustuhing bumitaw na.
Kahit pagod at hirap ka na.
Sapagkat, sa dulo
Hindi ikaw, kundi dapat ay siya.
0 notes
Text
KALAWAKAN
Binabaybay ko na naman ang kalawakan Kalawakang hindi ko batid kung may paroroonan o hangganan Kalawakan na marahil ako ang lumikha Masama bang lumikha? Masama bang maghanap? Ng mga bituwing hindi mo rin alam kung kailan nabuhay at mamamatay Mali ba ang makadama? Mali ba na lapitan ang araw at sabihin at itanong ang lahat ng ano at bakit? Mali ba na lumapit kahit na alam mong masusunog ka sa init nito? Ngunit paano kung ito lang ang paraan? O kalawakan, o araw.... Alin ba ang tamang daan? Mayroon ba itong hangganan? Hiling ko sa mga bituwin, Mahanap ang sagot sa lahat, Ng paano, ng bakit, ng ano... Mahanap ang kalawakang nababagay sa akin, sa akin na mapaghanap ng liwanag... Liwanag ng buwan, ng araw, ng mga bituwin... Liwanag na marahil ako rin ang makalilikha mula sa kalawakang ako rin ang gumawa....
0 notes
Text
TIRA
Sana'y dalhin mo na lamang hangin ang papagayo Duon sa mataas at malayo Duon sa hindi makikita ng marami At sa hindi ko na kayang matanaw at masilip Sinlakas ng umiihip na hangin Ang panaghoy na bigla na lang tangayin Dalhin at ilayo sa paningin Nang sa gayo'y matapos na at tumigil Marahil tutulungan ka ng mga ulap Upang takpan at itago ka Mas maigi nga sana Kung sa ulap ay magtago muna Alam kong hindi ito tatanggapin ng langit Pilit itong ibabalik, ilalaglag nang pilit Alam kong nais mo'y ayusin Ang papagayong sumabit bumitin Ngunit paano kung sa aki'y Iba na Ayaw na Maaari bang ako na? Dalhin mo ako o hangin Sa himpapawid ay ilambitin Ipadala sa ihip ng hangin ang damdaming nais alisin Isama mo na ako sa ulap Upang matakpan nang bahagya Ang malabo at magulong isip Na sa langit ay inilalapit Ibalik mo sa akin langit Ang tamis ng ngiti na sa akin ay ninakaw at pilit na winaglit Langit na mabuti, marahil sa akin ay galit Sa hiling na isinasamo tila malabo Sa aki'y huwag maglalaho Sapagkat mas pipiliin kong tumira sa ulap na malabo....
0 notes
Text
MAHAL
Madali ang magpanggap, sabi nila... ngunit sa iyo mahal ko, ay iba. mahal, oo mahal... tulad ng pag-ampon sa bagong bahay, tulad ng paggising sa malamig na umaga, tulad ng sagitsit ng mantika sa kawaling nag-iinit, tulad ng bumubulak na tubig pampaligo, tulad ng pag-iinit ng plantsa, na humahagod sa dadamping saplot mo sa katawan, tulad ng araw-araw na pag-akyat at pagbaba sa hagdanan, tulad ng madiing pag-igit ng mga bakal sa pagbubukas ng gate, tulad ng madalas na pagkusot sa brief at boxer short, at tulad ng pagmamahal ko sa buwan, sa mga bituwin, at sa kalawakan... ang sinlawak na pagmamahal... pag-ibig na para sa iyo mahal, mahal kita, mahal ko ang mga sandali... kapag nararamdaman ko ang init at hangin na lumalabas sa iyong ilong, ang lagi kong pag-asam dito, lalo na ang iyong mga yakap sa tuwing darating ka sa bagong bahay... lalo na ang pag-imik sa gitna ng malalim na gabi, at pagsambit ng mahal na mahal kita habang mahimbing ang iyong pagtulog... ang pagdampi ng iyong mga labi sa aking pisngi, ang pangungulit, ang pagtatanong sa akin kung mahal kita... ang pagpapaalala ng pag-iingat... lahat ng ito, at ng mga wala rito, lahat ito mahal ko... lahat ito ang nagpapag-igting ng aking pagmamahal sa iyo... Mahal.... Mahal Na Mahal Kita... Mahal...
0 notes