egelcolinares-blog
egelcolinares-blog
Norie Baldoza
7 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
egelcolinares-blog · 6 years ago
Text
Ang Kabastusan ng mga Pilipino
Malayo  na ang nararating ng mga kababaihan sa kanilang pakikipaglaban upang makamtan ang pantay na karapatan para sa kalalakihan at mga kababaihan at sa paglipas ng panahon ay unti-unting nakasasabay ang mga kababaihan katunayan rito ay ang kanilang ambag sa takbo ng ekonomiya at kasaysayan ng bansa. Ilan lamang sa halimbawang aking mailalahad ay sina Gabriela Silang na isa sa mga nanguna ng rebolusyon sa Ilocos laban sa mga kastila at dating pangulong Corazon C. Aquino, ang kauna-unahang babaeng presidente ng republika ng Pilipinas. Gayunpaman ay hindi pa rin nawawala ang mababang pagtingin sa mga kababaihan hindi lang rito sa Pilipinas ngunit maging sa buong mundo.
Tinalakay sa akdang ginawa ni Isagani Cruz ang hindi pantay na pagtingin ng mga Pilipino sa kalalakihan at kababaihan. Ito ang itinuturing niyang kabastusan ng mga Pilipino. Ang patriyarkal na pag-iisip ang sumisira sa usaping pagkakapantay-pantay, na maaring makita sa pang-araw araw na buhay. Mula pagkabata ay ipinapakita nan ang lipunang atin ginagalawan na mas mataas ang kalalakihan, sa mga palabas na pambata kung saan lagging mahina ang kababaihan at kailangan ng prinsepe upang makaligtas o magkaroon ng magandang buhay. Ang ilang hanap-buhay na noo’y para lamang sa mga lalaki tulad ng pagiging pulis o sundalo. Ika nga ng ilan, ang lalaki ang haligi ng tahanan ngunit lalaki lang ba ang maaring maging pundasyon ng bawat pamilya? Madalas ring ang mga ina ang nagiging ilaw at haligi ng iba’t ibang tahanan. Hindi hadlang ang pagkawala ng lalaki sa isang pamilya upang hindi na ito matawag na pamilya.
Maituturing din na isang klase ng opresyon ang kaisipang ito para sa mga kababaihan. Madalas angkinin ng mga lalaki ang kanilang mga karelasyon na tila isang bagay na walang kakayahang alagaan at magdesisisyon. Hindi rin lingid sa kaalaman ng ilan ang katagang  “trophy wife” na madalas makita sa mga lalaking ang nais lamang ay gawing disenyo sa kanilang tabi ang mga babae upang mayroon maipagmalaki, ang mga kababaihang ito ay madalas magaganda o matatalino na napunta sa mga kalalakihang mas Malaki pa ang pride kaysa sa kanilang mga ulo.
Minsan na ring nakita ang ganitong kabastusan sa ilang pinuno ng bansa. Halimbawa rito ang paninisi ng isang senador sa kababaihang biktima ng rape. “Ang may kasalanan ng lahat na iyan ay yung pag-inom. Yung pa-shot shot. Kababae mong tao, shot shot shot ka,” ani ng senador. Bagamat hindi ito pinalagpas ng mamamayan ay hindi pa rin natigil ang ganitong opinion ng ilang may pwesto sa lipunan. Karagdagan pa sa ganitong uri ng pambabastos ay ang sinabi ng isa sa may hawak ng pinakamataas na posisyon sa bansa. Ayon sa kaniya, kasalanan ng magagandang kababaihan kung bakit sila nagagahasa. Maging sa ilang pampublikong okasyon ay hindi nito napigilan ang kanyang bibig sa mga malalaswang jokes. Hindi rin malilimutan ang pagtawag nya sa mga kababaihan bilang “puta” sa isang female empowerment event na kaniyang dinaluhan. Ayon sa kanya, “depriving me of my freedom of expression. You criticise every sentence or word I say, that is my freedom to express myself.” Ito ay matapos niyang tawaging mga baliw ang kababaihan. Ayon sa kanyang tagapagsalita ay sanay na ang mga tao sa ganitong uri ng katatawanan na ginagawa ng nasabing opisyal. Ito raw ay para lamang mapatawa ang mga manunood at kanyang tagapakinig.
Lumipas man ang maraming panahon ay hindi pa rin kayang matuldukan ang ganitong uri ng panghahamak sa mga kababaihan, matagal na panahon na mula ng sinimulan ng mga bayaning puro kababaihan ang paglaban sa pantay na karapatan ngunit kung patuloy pa rin ang paniniwala ng kababaihan sa kasalukuyan na mas mataas ang kalalakihan kaysa sa kababaihan at kung hindi kayang tumayo ng mga kababaihan sa mga birong umaatake sa kanilang karangalan bilang babe ay matagal na panahon pa ang kailangang hintayin upang mawala ang ganitong kabastusan sa bansa.
0 notes
egelcolinares-blog · 6 years ago
Text
Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang "Idolo": Apat na pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino
Hindi maipagkakaila ninuman na parte na ng buhay ng ilan sa atin ang panonood ng mga pelikula sa sinehan man o teleserye sa telebisyon, patunay rito ang patuloy na pag-abang ng mga mamamayan sa bawat eksena ng Kadenang Ginto at Ang Probinsyano sa channel 2. Kapansin-pansin na halos predictable ang ilang palabas ay patuloy pa rin ang panunood ng mga Pilipino rito, halimbawa na lamang rito ang paulit-ulit na eksenang may kabit ang asawa, ampon ang bida o di kaya’y nawawalan ng anak at inaaping bida. Ito ang mga madalas kong mapansin sa bawat teleserye at ilang pelikula sa takilya.
 Dahil sa lubos na pagkahumaling ng mga mamamayang Pilipino sa pelikula, ayon kay Nicanor Tiongson ay mayroong apat na pagpapahalaga sa pelikula “sa ayaw nati’t gusto, ang mga pagpapahalagang ito, at pati na ang pananaw na kaakibat ng mga ito, ang siyang humuhubog sa kamalayan ng karaniwang Pilipino sa ating panahon.” Ang apat na pagpapahalagang ito ay ang sumusunod: (1) Maganda ang maputi; (2) Masaya ang May Palabas; (3) Mabuti ang Inaapi, at (4) Maganda Pa Ang Daigdig.
 Maganda ang Maputi
Maaaring dahil sa tagal ng pagkaalipin ay namana ng mga Pilipino ang pananaw ng mga banyaga sa kagandahan. Mula noon hanggang sa kasalukuyang panahon ay naging batayan ng mga Pilipino ang kulay ng balat at itsura ng isang tao sa pagpili ng kagandahan. Naging batayan ng Pilipino ang mga mukha ng Kanluranin kaya’t kahit saang dako ng takilya ay hindi mawawala ang mapuputi o retokadang bida. Patunay rin rito ang patuloy na pagsikat ng mga make up at cosmetics brand sa bansa upang makamit ang kutis at itsura ng mga dayuhang sinasamba ng iilan sa atin.
 Masaya ang may Palabas
Hindi na bago kaninuman ang pagkakaroon ng panakip butas sa tuwing may problema, ang iba’y dinaraan sa pagbabasa, pag-inom o di kaya’y panunood ng pelikula ang pagkalimot sa samu’t saring problemang pinapasan. Katulad nito, ay nagiging panakip butas rin ang mga pelikula sa totoong nangyayari sa ating bansa dahil mas nais ng ilan na maging updated sa bawat pelikula ni Vice kaysa sa balitang mas madalas mapalabas sa telebisyon. Minsan nama’y nababago ng pelikula ang pananaw ng tao sa iba’t ibang isyu sa lipunan tulad na lamang sa palabas ng Jadine kung saan ay ginawang kaaliw-aliw ang pagsusunog ng upuan sa PUP. Naisama kasi ang upuang naging tulay upang magkausap ang dalawang bida sa mga upuang sinunog ng mga mag-aaral. Sa totoong buhay ay nangyayari nga ang ganitong uri ng eksena dahil may ipinaglalaban ang mga kabataan sa loob ng Pamantasan. Batay sa tala ni Kathryn dela Cruz ng ABS-CBN, ang pagsusunog ng upuan ay isan protesta ng mga mag-aaral upang mapigilan ang pag-taas ng tuition fee sa PUP at UP. Ito ay isa lamang sa daan-daang issue na na-romanticized sa pamamagitan ng pelikula.
 Mabuti ang Inaapi
Mahilig ang mga Pilipino sa Masokista. Nakatatawang isipin ngunit totoo. Kapansin-pansin sa ating mga pelikulang inilalabas sa takilya na hindi pwedeng mawala ang mga bidang inaapi at babangon muli matapos maapi o pahirapan ng kamag-anak. Sinumulan ng mga Epanyol at Amerikano ang ganitong konsepto kung saan inaapi, sinasaktan, inuutos-utusan ang prinsesang dehado ( na madalas ay isang maganda at maputing dilag) o di kaya’y ang mayuming tindera, labandera o utusan na madalas mapagsalitaan at saktan ng matapobreng Donya o madrasta. Halimbawa lamang nito ang Cinderella na isang pambatang pelikula. Isang babaeng inaalipin ng madrasta matapos mamatay ng kanyang ama, matapos niyang pakasalan ang prinsepe ng kaharian ay guminhawa ang kanyang buhay. Sa katunayan ay ito ang pinagkuhanan ng isang sakit kung tawagin ay Cinderella Complex, kung saan ay natatakot o di kaya’y hindi kaya ng isang indibidwal na alagaan ang sarili kaya’t kailangan niya ang ibang tao.
 Maganda pa ang Daigdig
Sa pelikulang Pilipino ay hindi maaaring mawala ang masasayang wakas, kung mayroon mang pangit ang kinahahantungan ng bida ay bihira laman ito. Maaaring dahil na rin sa pagiging masiyahin ng mga Pilipino kaya’t hindi nawawala ang pag-asang sa dulo ng mga masasamang pangyayari sa buhay ay mayroong magandang bagay na naghihintay. Na sa likod ng pang-aapi, pangungutya at paghihirap ay mayroong magandang buhay na maaaring makamtan.
0 notes
egelcolinares-blog · 6 years ago
Text
Blog ang Mundo: Pasasalsal at Pakikibaka sa Internet
Kung pag-uusapan ang pagsasalsal, malamang ay mas marami ang pipiliing manahimik at hindi pag-usapan ang isang pribadong usapin na madalas ituring na taboo sa ating bansa. Kung tutuusin, hindi lamang pasasalsal ang dapat itinuturing na pribadong gawain na dapat ay hindi inilalabas sa publiko ngunit tila isang normal na bagay na ang patuloy na pag-post sa social media sites ng mga Pilipino sa kanilang bawat gawain.
“What’s on your mind?” ang unang pangungusap na iyong mababasa sa oras na buksan mo ang iyong facebook account. Sa dami nga naman ng problema na ating nababasa at napapanood sa balita, isang nakapang-aayayang tanong ang ibinungad ng naturang social media sites sa mga taong nais ipahayag ang kanilang mga saloobin at hinaing sa mga isyu ng bayan. Maliban sa mga ito, madalas rin mabasa sa social media lalo na sa facebook at twitter ang mga rants ng bawat kabataan tungkol sa iba’t ibang bagay tulad ng problema sa pamilya, buhay pag-ibig, kaibigan at marami pang-iba.
Isa rin sa umuusong gawain sa social media ay ang pag-gawa ng iba’t ibang uri ng vlogs o video blogs tulad ng iba’t ibang tutorial at ang pinaka-inaabangan ay ang daily vlogs o life vlogs ng isang youtuber. Ang daily vlogs ay ang pagbabahagi ng iba’t ibang ganap sa buhay ng isang vlogger araw-araw. Dito madalas lubusang nakikilala ang vlogger maging ang mga taong madalas nitong kasama. Dito madalas nakikita kung paano namumuhay ang isang tao, mga lugar na madalas nilang puntahan, pagkaing madalas nila kainin at maging ilan sa mga pribadong okasyon na hindi naman talaga nararapt ipinanandalakan. Maaring dahil mayroong nakukuhang sweldo kaya’t para sa kanila ay hindi na rin masama ang pagpapakita ng konting parte ng buhay para lamang may maipangbili ng makakain sa araw-araw.
Inihambing sa akda na Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet ang mga websites na puno ng mga hinaing ng mga gumagamit ng mga ito na dapat sanay isinasarili o derektang sinasabi sa kinaiinisan upang hindi na lumaki pa ang gulo, tulad lamang ng mga sagutan at parinigan ng mga kabataan sa kanilang facebook accounts dahil inahas daw umano ng kaibigan ang kanyang sinisinta, o dahil kinampihan nito ang mortal niyang kaaway.
Inilikha ang freedom of expression ngunit hindi lahat ng bagay ay dapat malaman ng buong bayan. Mas nararapat sigurong suriin muna bago tuluyang ipamahagi sa buong mundo ang ilang pahayag na dapat lamang manatili sa loob ng ating katawan at hindi na malaman at makita pa ng iba kung gaano ito kalaki, ang problema.
0 notes
egelcolinares-blog · 6 years ago
Text
Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan
Batay sa depinisyong inilahad ni Henry Gleason, ang wika ay “isang masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang magamit sa komunikasyon ng mga taong kabilang sa isang kultura.” Ito ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan na binubuo ng mga simbolo, tunog at mga kaugnay na bantas upang maipahayag ang mga nais sabihin at iparating ng isang indibidwal.
Mula pagkabata ay iminulat na tayo ng lipunan na dapat lahat ng kabataan ay matutong magbasa at magsalita ng ingles sapagkat ito ay wika ng matatalinong uri. Marahil dahil sa pag-usbong ng teknolohiya at sa pagiging abala ng mga magulang sa kanilang mga trabaho ay hindi maiiwasan na gawing pampakalma ng mga batang nagta-trantrums ang pagbibigay ng gadyets upang ito ay may pagkaabalahan at dahil mas marami ang mga palabas na pambatang nasa wikang ingles mula rito ay unti-unting nakasasanayan ng bata ang dayuhang wika hanggang sa ito’y maging parte ng kanyang pakikipapg-usap. Maging sa mga programa sa telebisyon ay kapansin pansin na maging ang mga katulong sa pelikula ay bihasa sa ingles at kayang makipagsabayan sa kanilang amo.
Bilang isang bansa, ang Pilipinas ay mayroong dalawang opisyal na lenggwahe, ito ay ang Filipino na binansagang pambansang wika at ang Ingles na isang banyagang wika mula sa dayuhang bansa na sumakop sa Pilipinas. Kung iisipin, mas kapansin pansin na mas napagtutuunan ng pansin sa mga paaralang elementarya ang wikang Ingles, madalas itong gamitin sa halos lahat ng asignatura tulad ng siyesya, mathematika, musika at maging sa kasaysayan ng bansa. Pansin din sa ilang sulok ng paaralan ang ilang karatula na may nakasaad na “English Speaking Zone”.
Nakasaad sa akdang Ang Kapangyarihan ng Wika, Wika ng Kapangyarihan na isinulat  ni Conrado de Quiros na hindi maipagkakailang ang wika ay isang kasangkapan sa komunikasyon at ang wikang Ingles ang susi sa pandaigdigang impormasyon lalo na sa pamamagitan ng internet. Ang internet ay isang systema na ginagamit sa iba’t ibang parte ng mundo upang makakonekta sa kompyuter upang makagamit ng iba’t ibang websites at social media. Marahil dahil din sa social media kaya’t mas napalalaki ang ugali ng mga pilipinong ituring na naghaharing wika ang ingles. Sa social media sites tulad ng facebook, twitter, Instagram atbp. madalas makita ang mga Grammar Nazi (mga taong madalas magtama ng gramatika ng iba).
Kailan man ay hindi masasabing hindi importante ang Ingles ngunit kaalinsabay rito ang totoong importansya ng wika sa isang bansa. Ang ingles ay isa lamang dayuhan sa bansang Pilipinas, ang Filipino ang dapat kinikilalang unang wika dito sa bansa ng mga Pilipino.
0 notes
egelcolinares-blog · 6 years ago
Text
Edukasyon para sa Iilan: Bakit Asal Mayaman si Pedrong Maralita
Bagamat mahirap pakinggan ngunit patuloy pa rin tumatakbo ang ideolohiyang iniwan sa atin ng mga Amerikanong kinilala nating tagapagligtas mula sa kamay ng mga Espanyol. Sa bawat sulok ng Pilipinas hindi nawawala ang mga produktong amerikano, ang wikang ingles at ang kaisipan na sila ang mas nakaaangat sa ating mga Pilipino.
Isang halimbawa na lamang rito ang pangarap ng ilang kabataang Pilipino. Mula pagkabata ay ninais na ng ilan sa atin na makatapak at makapag-aral sa ilang prestihiyosong paaralan tulad ng La Salle, Ateneo de Manila at Unibersidad ng Pilipinas. Bagamat napakataas ng matrikula sa mga institusyong ito ay hindi pa rin mawawala ang pag-asang makapasok sa mga unibersidad na ito.
Batay sa datos ng abs-cbn news.com, kabilang ang Miriam College (120,000 – 160,000 pesos), San Beda College (146,000 – 155,000 pesos), Ateneo De Manila (180,000 pesos), De La Salle College- College of Saint Benilde (180,000 – 240,000 pesos) at De La Salle University (196,000 – 230,000 pesos) sa 10 pinakamahal na unibersidad sa Pilipinas at batay naman sa datos ng  philpad.com, kabilang ang University of the Philippines- Diliman, Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of Santo Tomas at Mapua University sa Top Universities sa Pilipinas.
Sa paglipas ng panahon parami nang parami ang iba’t ibang pamantasan na maaaring pasukan ng mga mag-aaral. Marami man ang naitayong paaralan ngunit hindi pa rin nawawala ang problema ng mga iilan sa ating mga kababayan dahil sa patuloy na pagdami ng iba’t ibang institusyon ay patuloy ang pagiging ekslusibo ng bawat paaralan. Karagdagan rito ay ang pagiging ekslusibo ng iba’t ibang kurso sa ilang paaralan.
Hindi grado sa iba’t ibang asignatura ang magiging pamantayan ng pagiging matagumpay ng isang tao at lalong hindi rin magiging basehan ang paaralang kaniyang pinagtapusan upang matawag na masipag at matagumpay ang isang tao.
0 notes
egelcolinares-blog · 6 years ago
Text
Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin
Matagal na mula noong nakamit ng bansang Pilipinas ang kalayaan mula nang sakupin ng mga bansang tulad ng Espanya at Estados Unidos ngunit sa paglipas ng panahon ay patuloy pa ring nadarama ng mgapilipino ang iniwang marka ng pananakop ng bansang Amerika. Inihayag man ang kalayaan ng bansa ngunit maituturing bang ganap nang malaya ang Pilipinas?
Hindi maipagkakaila ninuman na simula noon hanggang sa ngayon ay hindi pa nawawala ang kapit ng bansang Estados Unidos sa Pilipinas. Bagamat naibigay na ang ating kasarinlan noong 4 Hulyo, 1902 ngunit patuloy pa ring nasa ilalim ng kontrol ng amerika ang ating bansas, patunay lamang rito ang mga batas na naipatupad noon upang patuloy na magamit ng EU ang ating bayan sa kanilang mga idelohiyang kolonyal.
Bilang unang hakbang ay binili ng Amerika ang Pilipinas mula sa kamay ng Espanya noong 4 Pebrero 1899. Dahil rito ay nalinlang ang mga Pilipino sa pag-asang nailigtas na ang Pilipinas sa Espanya ngunit sa katunayan ay nais lamang din sakupin ng Amera ang Pilipinas. Unang ipinalaganap ang Benevolent Assimilation na ayon sa dayuhang bansa ay isang paraan upang tulungan ang Pilipinas para hindi na muling masakop ng ibang bansa. Ayon sa proklamasyon, nais ng presidente ng amerika na si McKinley na ituring ng mga Pilipino bilang kaibigan ang mga dayuhan at hindi kalaban o mananakop.
Batay sa tulang White Man’s Burden ni Rudyard Kipling, ay tinuturing na responsibilidad ng lahing puti (Amerika) na tulungan at paunlarin ang bansang kanilang nasasakupan. Isinulat ito ni Kipling para sa bagong gobernador ng New York na si Theodore Roosevelt. Ito ay panghihikayat sa pamahalaang amerika na sakupin ang Pilipinas na sa panahong iyon ay nasa ilalim ng bansang Espanya. Ayon din kay Kipling ay dapat pamahalaan ng EU ang Pilipinas tulad ng pamamahala ng Britanya sa India at Africa.
Sa kasalukuyang estado ng bansa, pansin pa rin ang malawakang kontrol ng amerika sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas, halimbawa na lamang rito ang pag-gamit ng ingles bilang pangunahing wika sa ilang asignatura sa paaralan, mga librong nakasulat sa wikang ingles na ginagamit mula elementarya hanggang kolehiyo at mga dokumentong ingles ang wikang ginagamit. Ginagamit din ang banyagang wika bilang panturo sa loob at labas ng paaralan.
Marahil dahil sa tagal ng panahon ng pang-aalipin at pananakop ng dayuhan sa ating bansa, mahirap nang tanggalin ang kanilang iniwang bakas tulad ng mga tradisyon at kultura ngunit hindi ilang taon man ang muling lumipas, darating ang panahon na ang bakas na naiwan ay unti-unting mawawala hanggang mauwi sa alaalang dapat hindi na maulit muli.
0 notes
egelcolinares-blog · 6 years ago
Text
MisEdukasyon
Bagamat ilang taon na ang lumipas ngunit patuloy pa rin tayong naapektuhan ng ilang suliraning inilatag ng mga mag-aaral, kawani ng gobyerno at mga paaralan sa dokumentaryong Misedukasyon na isinagawa noong taong 2014. Isinalaysay rito ang mga problemang kinaharap ng bawat mag-aaral na Pilipino patungkol sa kalidad at uri ng edukasyong kanila at ating tinatamasa. Mula nang ilabas ang dokumentaryo hanggang sa panahong ito, ano na ba ang mga nagbigyan ng solusyon at alin rito ang hanggang ngayon ay tinuturing na dagok para sa magandang kinabukasan ng mga mag-aaral at ng bayan na ating sinilangan?
Ayon sa Ibon Foundation Incorporation, maraming bagay ang nakaaapekto para sa misedukasyon dito sa Pilipinas at isa na rito ang pagiging kolonyal ng ating edukasyon sa bansa. Mula sa unang gurong mga amerikano, ginamit nito ang edukasyon upang patatagin ang kontrol ng Amerika sa lokal na ekonomiya at pulitika ng bansa at noong 1901, isinabatas ang Act. No. 74 ng Philippine Commission na naglalayong magtatag ng sentralisadong pampublikong edukasyon sa bansa at dahil dito, ipinadala sa bansa ang 600 na guro mula sa Amerika na kinilala sa tawag na “Thomasites”. Ipinatayo ang Philippine Normal School (kilala sa tawag na Philippine Normal University) upang magsanay ng mga gurong papalit sa pagtuturo sa pampublikong paaralan. Dito rin pinatupad ang Ingles bilang wika sa instruksyon at mga librong batay sa kultura ng mga Amerikano. Dahil din sa paggamit ng mga librong ito, unti-unting nabura sa isip ng mga kabataan ang kasaysayan ng pakikibaka ng mga pilipinong bayani sa mga Amerikanong nais sakupin at nakawin ang kalayaang dapat ay satin. Ilang daang taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin nawawala ang bakas ng pagsakop ng Amerika sa ating bansa, mula sa direktang kolonyalismo ay naging neokolonyal ang Pilipinas o ang hindi direktang pagsakop ng isang malakas na bansa sa isang mahinang bansa. Halimbawa rito ang pagiging mas ‘matalino’ raw ng mga taong may kakayahang magbasa at makapagsalita ng deretsong ingles, ang panggagamit ng mga multinational at transnational na kompanya sa mga pilipinong kanilang tinuturing na cheap laborers.
Bago pa man maipasa ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na naglalayong magkaroon ng libreng matrikula sa mga state universities at colleges sa bansa, ay hindi lingid sa kaalaman ng mga mamamayan na bago makapagtapos ang isang estudyante sa kolehiyo ay gagastos muna ito ng malaking halaga upang magkaroon ng magandang edukasyon. Ayon sa artikulo ng becoming deutsch, noong 2015 ay humigit kumulang sa 9,000 ang nagagastos para sa pumpublikong pag-aaral ng isang anak sa loob ng metro manila mula elementarya hanggang kolehiyo. Taong 2013 nang lagdaan ni dating pangulo Benigno Aquino III ang Enhanced Basic Education Act of 2013 na angdadagdag ng dalawang taon sa pag-aaral ng sekondarya mula apat na taon hanggang anim na taon. Layon nito na magkaroon ng sapat na oras ang mga mag-aaral upang makapaghanda sa kolehiyo. Mayroong vouchers na ibinigay para sa mga mag-aaral mula sa pampubliko na nais lumipat sa pribadong paaralan para ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral ngunit hindi ibig sabihin nito na wala nang babayaran ang mga magulang. Tuition Fee at Miscellaneous lamang ang kayang bayaran ng voucher at kung hindi pa ito sakto ay kailangang magdagdag sa bayad ang mga mag-aaral.
Ang edukasyon ay para sa lahat ng mamamayan at layunin nitong makalikha ng mga mamamayang may pakialam sa bayan at makatutulong sa pag-unlad ng bansa. Ayon sa historyador na si Renato Constantino sa kanyang sanaysay tungkol sa makabayang edukasyon, “Dapat itong ibatay sa mga pangangailangan at adhikain ng bansa. Ang layunin ng edukasyon ay hindi lamang ang makalikha ng mga lalake at babaeng marunong bumasa at sumulat at marunong magkuwenta. Pangunahing layunin nito ang mahubog ang isang mamamayang may malasakit sa bayan at nauunawaan ang kanilang pagiging bansa. Isang mamamayang binibigkis ng layuning paunlarin ang buong lipunan hindi lamang ang kanikanilang mga sarili.”
Tila isang sirang plaka na kung ituring ang paulit-ulit na pagbibigay diin sa iniwang salita ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal ngunit pauli-ulit ding sasabihin nino man na ang kabataan ang pag-asa ng bayan at bilang mga pag-asa ng susunod na panahon, karapatan ng bawat kabataan ang edukasyong magbibigay buhay sa dugong nasyonalismo at makabayan ng batang Pilipino dahil ang edukasyon ay susi sa tagumpay hindi lang ng isang indibidwal bagkus ng buong sambayanang Pilipino.
2 notes · View notes