eginterno
eginterno
Untitled
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
eginterno · 4 years ago
Text
Pagtuklas ng HE sa He’s Into Her
Tumblr media
Para na rin makaramdam ka rin ng kilig mula sa He’s Into Her, maaari mong pakinggan ang kantang ito: https://open.spotify.com/album/3WNxdumkSMGMJRhEgK80qx?highlight=spotify:track:1UI0l2L66HJ9AtoEOlHzv4
Sariwa pa sa aking isipan ang mga alaala noong bakasyon bago ako tumuntong sa ikasiyam na baitang sa hayskul. Dati, madalas din naman akong nasa bahay pero malaya akong gumala kasama ang mga kaibigan ko noon. Nakakadalo pa nga ako noon sa summer classes. Oo, mukha nga akong maraming oras noon at sa palagay ko, tama lang na isipin iyon. Dahil na rin marahil sa pagkakaroon ko ng maraming oras sa panahong iyon, naisipan kong magbasa ng isang nobela mula sa wattpad, isang platapormang puno ng online na bersyon ng mga libro—parang mas modernong anyo ng ebook. Sikat din iyong wattpad noon kaya siguro mas lalo rin akong nahikayat na magbasa. Sa madaling sabi, nagbasa nga ako ng isa sa mga pinakasikat na nobela noon, ang He’s into Her na isinulat ng isang Filipinong nagngangalang Maxine Lat Calibuso, gamit ang pangalang maxinejiji. Sa nobelang ito, mauungkat ang mga konseptong nauugnay sa pagkalalaki tulad ng masculinities studies, kasarian bilang pagtatanghal, at intersectionality sa pamamagitan ng ilang karakter na sumasalamin sa iba’t ibang anyo ng pagkalalaki.
Tumblr media
larawan mula sa https://www.carousell.ph/p/he-s-into-her-season-1-and-2-set-by-maxinejiji-wattpad-228646494/
Umiikot ang He’s into Her sa istorya ng pag-ibig sa pagitan ni Deib Lohr Enrile at Maxpein del Valle. Tulad ng ilan sa mga istoryang may temang pag-ibig, nagsimula sa isang relasyong tulad ng sa aso at pusa. Si Deib, bilang isang gwapong bully na sikat sa buong eskwelahan ng Brint International School (BIS), wala siyang pinipiling ibully at isa sa mga iyon si Maxpein. Si Maxpein naman ay isang matapang, matatag, at astig na babaeng may misteryosong pagkatao. Ang hindi pangkaraniwang pagkatao marahil ni Maxpein ang dahilan kung bakit mas napagtripan siya ni Deib. Ngunit kaiba sa ibang istorya kung saan hahayaan na lang ng babaeng bidang apihin siya ng bidang lalaki, matapang na hinarap ni Maxpein ang bawat pambubully ni Deib sa kanya—isang bagay na kinainisan ni Deib. Dahil doon, nagsimula na ang kanilang koneksyon sa isa’t isa—isang koneksyong nabuo sa paulit-ulit nilang pakikipag-away sa isa’t isa na noong una ay inakalang nagmumula sa inis at galit. Sa paglipas ng panahon, unang makakaramdam ng pagkahulog ng loob si Deib kay Maxpein at mula sa puntong iyon, sabay nilang haharapin ang masasalimuot na hamon sa kanilang buhay.
Tumblr media
mula sa https://giphy.com/gifs/community-gif-gifs-PsBRTPKG71YVq
Marahil dahil sa nabanggit kong buod ng istorya, iisipin niyong mahilig ako sa mga pangkaraniwang istorya ng pag-ibig. Siguro nga, hilig ko ang pagbabasa ng mga nobela tungkol sa pag-ibig ngunit masasabi kong higit pa sa pagkahilig kong iyon ang dahilan kung bakit ko nagustuhan ang He’s into Her. Hindi lamang kasi siya basta istorya ng romantikong pag-ibig, kundi pati ng pamilya at pagkakaibigan na malalaman mo lamang kung magbabasa ka. Bukod pa rito, maraming plot twists dito, iyong tipong mawiwindang ka na lamang talaga sa mga pangyayari. Kung gusto mo ring umiyak nang madalas, maraming bahagi sa nobela ang talagang makakatulong sa iyo. Pero sandali lamang, balik na pala muna tayo sa mahalagang dapat pag-usapan tungkol sa kwento—ang mga konseptong may kaugnayan sa pagkalalaki.
Tumblr media
mula sa https://giphy.com/gifs/TheSwoon-netflix-kdrama-theswoon-U7h3U9PjpWiJCInptB
Simulan natin sa pagtalakay sa ilan sa mga lalaking karakter sa kwento. Una na syempre sa linya ang bidang lalaki sa kwento, si Deib. Tulad sa una kong nabanggit tungkol sa kanya, isa siyang gwapong bully na sikat sa buong BIS. Bukod pa rito, mayaman din siya at sa katunayan pa nga, lolo niya ang Dean ng BIS. Tulad din ng mga bidang lalaki sa mga nobela at palabas, maituturing siyang halimaw sa basketball court. Dahil dyan, masasabing isang tipikal na halimbawa si Deib ng isang lalaking kaakit-akit sa karamihan—gwapo, mayaman, sikat, magaling sa isports, at medyo “bad boy”. Bukod kay Deib, halos pareho lang din si Lee Roi Gozon—mayaman, sikat, at magaling sa isports. May kaunti nga lamang na pagkakaiba sa pagitan ni Deib at Lee—tahimik, kalmado, matalino, mabait, at sobrang pinapahalagahan ang kalinisan. Dahil sa mga katangiang iyon ni Lee, maaaring makita siya bilang isang halimbawa ng “gentleman type”. Pangatlo, dapat din nating pag-usapan si Yakiro Tobi Yanai kasi hindi mabubuo ang “popular handsome squad” kung wala siya. Tulad din naman siya ng dalawa pero ang pinakamalaking pagkakaiba niya sa mga nauna ay ang pagiging mapagbiro at medyo maloko niya. Kung iisipin, siya iyong “handsome funny type” sa tropa. 
Kung susuriin ang mga katangiang nabanggit para sa naunang tatlong karakter gamit ang konsepto ng masculinities studies, makikita kung paano nila sinasalamin ang iba’t ibang anyo ng pagkalalaking kaakit-akit sa paningin ng marami. Sila iyong patunay na may mga inaasahang katangian mula sa kanila—mga katangiang kadalasang itinatakda ng lipunan. Bukod pa rito, mapapansin ang malaki nilang pagkakahawig sa imahe ng ideal man na madalas ipinapakita sa mga palabas at telebisyon. May pagkakahawig sa mga oppa sa mga Korean drama hindi ba?
Ngayon naman, dumako tayo sa iba pang karakter na magpapakita ng dalawang mukha ng pagkalalaki. Unahin natin ang mga mukha ng hegemonic masculinities sa istorya—sila President Moon at Chairman Enrile. Pangalan pa lang, umaalingasaw na ang kanilang kapangyarihan. Isa sa kanila, nagmamay-ari ng BIS habang ang isa naman, nagmamay-ari ng isang hospital at syempre, pareho silang maraming lupa at ari-arian. Ganoon sila kayaman. Higit pa sa pagiging mayaman nila, taglay nila ang kapangyarihang magpasya para sa kani-kanilang pamilya. Kapag nagsalita na sila, mahihirapan ka nang kwestiyunin pa sila. Iyon ay dahil mataas ang pagtingin sa kanila—iginagalang silang higit nang karamihan at pinoprotektahan ng maraming tao. Ganoon sila kahalaga pero bukod sa mataas nilang posisyon sa lipunan, sinasalamin din nila ang karaniwang stereotype sa pagkalalaki—ang pagiging matatag, matapang, at kalmado kahit pa sa gitna ng trahedya. Isa sa mga pangyayari sa kwento na nagpakita nito ang pagngiti ng isa sa kanila sa bawat pamilya nila habang humaharap sa pag-atake ng mga may masasamang loob. Hindi rin sila umiyak kahit pa nasa panganib ang kanilang mga buhay at ang ilan sa mga kasamahan nila ay nasaktan. Sa kabilang banda naman, kilalanin natin ang anyo ng pagkalalaking higit na malayo sa ipinakita nila President Moon at Chairman Enrile sa katauhan ni Kev Gonza. Kung halimbawa ng hegemonic masculinities ang dalawang tauhang unang nabanggit, kabilang naman sa marginalized masculinities si Kev. Ipinanganak siya sa isang mahirap na pamilya kung saan madalas niyang masaksihan ang away sa pagitan ng kanyang mga magulang. Bukod pa rito, napilitan siyang gumawa ng iba’t ibang paraan upang makatulong sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang nakababatang kapatid na maysakit. Dahil din sa kinalakihan niyang kondisyon sa lipunan, mababa ang pagtingin sa kanya—naranasan niya pa ngang laitin ni Maze Moon. Dalawang mukha ng pagkalalaki kung saan makikita ang epekto ng katayuan sa lipunan bilang isa sa mga salik na nakaapekto sa pagbuo nila ng kanilang identidad—isang paliwanag na bahagi ng konseptong intersectionality.
Tumblr media
mula sa https://giphy.com/gifs/bustle-rainbow-pride-gay-qJDukWHSyFYxW
Bilang panghuli sa mga karakter na ipapakilala ko, mahalaga ring pagtuunan ng pansin ang karakter ni BJ, ang class president. Ipinakilala siya sa kwento bilang parte ng LGBTQIA+ community. Maituturing siyang isang social butterfly dahil nakakasundo niya agad ang mga tao sa kanyang paligid. Dahil sa katangian niyang iyon, popular din siya tulad nila Deib, Lee, at Tob. Bukod pa riyan, isa sa mga pinakamagagandang katangiang taglay niya ang pagiging magaling sa pagtimbang ng sitwasyon —ibig sabihin, alam niya kung kailan magbibiro at magseseryoso at magaling din siyang magdisiplina. Sa kwento, siya ang kinatawan ng LGBTQIA+ community.
Tumblr media
mula sa https://giphy.com/gifs/memecandy-KDE9WCj0VnAEVp5ATq
Dahil nakilala na natin ang iba’t ibang anyo ng pagkalalaking binigyang-buhay ng ilan sa karakter na nabanggit sa itaas, talakayin naman natin ang konsepto ng kasarian bilang pagtatanghal. Kung babalikan ang mga naunang bahagi ng blog na ito, kinilala natin si Deib bilang isang gwapo, mayaman, basketbolista, at sikat na bully sa BIS ngunit sa pagbabasa ng nobela, makikita ang iba pang bahagi ng identidad ni Deib bilang isang lalaki. Sa pagkakahulog ng loob niya kay Maxpein, makikita kung paanong ang gwapong bully ay magiging sentimental, malambot, at “#takot-mawala-ang-minamahal” pagdating kay Maxpein. Nagiging clingy, sobrang sweet, at minsan pa nga, matampuhin kapag kaharap na si Maxpein. Ang pagkakaibang ito sa mga ikinikilos ni Deib bilang bahagi ng kanyang identidad sa harap ni Maxpein ay pagpapakita ng kasarian bilang pagtatanghal. Iba nga talaga ang kapangyarihang taglay ng pag-ibig! 
Tumblr media
mula sa https://www.solutions360.com/lessons-learned-process/
Bukod sa pag-ungkat ng mga konseptong may kaugnayan sa pagkalalaki, may dalawang bagay akong natutunan sa proseso ng pag-ungkat ng mga nasabing konsepto. Una na rito ang pagkilala at pag-unawa sa iba’t ibang anyo ng pagkalalaki. Tulad nga ng sinasabi sa intersectionality, hindi lamang kasarian ang nakakaapekto sa pagbuo ng identidad ng isang tao kundi ang maraming salik na nakapaligid sa kanya tulad ng lahi, edad, paniniwala, relihiyon, at iba pa. Pangalawa, dapat ring matutunan ng bawat isa kung paano respetuhin ang mga pagkakaiba natin sa iba’t iba, tungkol man ito sa pagkalalaki, pagkababae, o pagiging bahagi ng LGBTQIA+ community.
Tumblr media
mula sa https://giphy.com/gifs/end-the-mayajett-Ely3cY20BUEu8rWtDH
Bilang paglalahat, hindi lamang isang nobela ang He’s into Her sapagkat kung titignang mabuti, makikita rito ang iba’t ibang anyo ng pagkalalaki na maipapaliwanag nang mas malinaw gamit ang mga konseptong tulad ng masculinities studies, intersectionality, at kasarian bilang pagtatanghal na nakapaloob din dito. - INTERNO, Eloisa_FILI 12V-Q4_PangwakasnaProyekto
1 note · View note