Tumgik
enzosaibangmundo · 6 years
Text
Chapter 1 - Bagong Simula
===================== Enzo sa Ibang Mundo =====================
Chapter 1 - Bagong Simula
------------------------------------- Chapter 1 - Bagong Simula -------------------------------------
"Hala totoo nga? Nasa ibang mundo talaga ako?"
Hi, ako nga pala si Enzo, isang college student. At eto ang kwento kung paano ako napunta sa ibang mundo.
****
Balikan natin unti ang mga nangyari.
Inumaga ako sa paghahabol ng isang project namin sa school. Nahuli kasi ng pasa yung kagrupo ko ng part nya, tapos nung chineck ko e nakita ko na ang dami pa palang error. Gusto ko na sana syang awayin kaso gahol na talaga kami sa oras, kaya pinili ko na lang magfocus sa pagedit ng part nya para maipasa na namin. Akala ko talaga okay syang kagrupo, kaso ayun nung tumagal puro na sya dahilan kung bakit di nya nagagawa nang maayos yung part nya.
"Shet, 6AM na?"
Kumalam ang sikmura ko. Naisipan kong bumili ng pandesal sa kalapit na bakery. Ginising ko yung kadorm ko para sabihin na lalabas ako. Maaga din naman daw ang pasok nya ngayon kaya hindi naman siguro sya magagalit pag ginising ko.
"Pre, pre..." tapik ko sa kanya. "Bili lang ako ng pandesal jan kina ate Mary."
"Huh... anong oras na ba pre?" inaantok pang sagot nya.
"6AM na pre. Bangon ka na rin, di ba maaga pa pasok mo?"
"Hala oo nga pala pre! Buti ginising mo ako! 7AM class ko ngayon!"
"O sya sya, bili muna ako. Dala ko naman susi ko kaya rumekta ka na sa pagligo."
"Geh geh pre, salamat sa paggising sa'kin!"
Lumabas na ako ng dorm. Ah, ganda ng sikat ng araw ngayon. Medyo malamig-lamig pa kaya presko pa maglakad-lakad. Bago bumaba, nag-check muna ako ng notifs sa phone ko.
"Uy may update na? Mabasa nga mamaya!"
Mahilig ako sa anime, manga, at mga web novels. Trip na trip ko lalo yung mga nasa fantasy genre. Sa gaya kong hindi masyadong gala, naging alternatibong paraan ko para makapunta kung saan-saan ang pagkahilig ko sa mga ito. Sobra akong nawiwili sa panonood o pagbabasa, na minsan tipong nakaupo lang ako sa kwarto maghapon dahil may sinusundan akong kwento. Minsan pag nase-stress ako o di kaya e sobrang nalulungkot, nagbabasa lang ako or nanonood para maging okay ulet ako.
"Ate, pabili po ng pandesal. Bente pesos."
Kaunti lang ang tao nang dumating ako sa bakery nila ate Mary. Siguro nasaktuhan ko lang na walang namimili, kasi madalas madami yung namimili lalo pag ganitong umaga. Hindi nagtagal ay inabot na nya sa akin yung isang supot ng pandesal.
"Mmmm! Iba talaga pag mainit pa!" sabi ko pagkatapos kumagat ng isang pirasong pandesal. Buti na lang talaga at may malapit na bakery sa dorm na tinutuluyan ko. Pabalik na ako ng dorm nang...
*screech*
May mabilis na tumama sa akin. Bigla akong nawalan ng malay.
Nang nagkamalay na ako, nasa isang puting silid na ako. Walang gamit sa loob ng malawak na silid.
"Nasaan kaya ako?" banggit ko sa sarili habang tinigtignan ang paligid ko.
"Maligayang pagdating, Enzo" sabi ng isang tinig mula sa likod ko. Napalingon ako agad sa kanya. Isang nilalang na nakasuot ng puti... sobrang liwanag kaya hindi ko maaninag ang kanyang mukha.
"Ikinalulungkot kong ibalita na may mga di inaasahang pangyayari, kaya ngayon ay nandito ka. Marami ka sigurong mga tanong ngayon, kaya sana pakinggan mo muna lahat ng mga nais kong sabihin sa iyo ngayon."
"Sige po, makikinig ako..." napasagot na lang ako habang nakayuko, dahil sobra akong nasisilaw sa kanya.
"Una sa lahat, hayaan mo akong magpakilala. Ako ang punong diyos sa mundong ito, tawagin mo akong si Alpha. Ngayong kilala mo na ako, dumirecho na tayo sa importanteng bagay na dapat mon malaman. Gusto kong malaman mo na ikaw ay pumanaw na."
Alpha? Iba ang alam kong pangalan ng punong diyos. Tsaka teka ha? Ako? Pumanaw na?
"Ikaw ay pumanaw nang mas maaga kesa sa nakatakda mong araw. Dahil sa nangyari, napagpasyahan na ikaw ay bigyan ng pagkakataong mabuhay muli kung iyong gugustuhin."
Teka, parang katulad ito ng mga kwento na nababasa at napapanood ko ah. Tutal nandito na rin naman ako, naisip ko nang sakyan ang mga pangyayari. Minabuti kong ibahin ng unti yung pagsasalita ko, dahil nga diyos daw itong kausap ko ngayon.
"Butihing diyos Alpha, sa totoo lang po ay hindi ko pa lubusang ma-absorb yung mga sinabi ninyo. Pero kung inyong mamarapatin, maari ko po bang malaman kung ano ang aking ikinamatay?" sabi ko sa kanya.
"Ano ba ang iyong huling naalala?" tanong nya sa akin.
"Hmm..." sagot ko habang nagkakamot ng ulo, pilit na inaalala ang mga nangyari. "Ang huli ko pong naalala e bumili ako ng tinapay kina ate Mary, tapos may mabilis na tumama sa akin kaya ako nawalan na ako ng malay. Paggising ko e nandito na ako."
"Nabangga ka habang tumatawid sa kalye. Ibang tao sana ang mababangga, kaso naharangan mo sya habang ikaw ay nagbabasa sa iyong cellphone."
Grabe, akalain mong dahil sa cellphone kaya ako namatay. Alam kong lagi akong pinagsasabihan ni ermats patungkol sa sobra ko raw na paggamit ng phone, pero di ko akalaing ikakamatay ko yun.
"Huh... ganun pala ang nangyari..." nanghihina kong sagot. "Medyo mahirap po tanggapin, pero salamat po sa pag-inform sa akin."
"Gaya ng sinabi ko, napagpasyahan na ikaw ay bigyan ng pagkakataong mabuhay muli. Yun nga lang, hindi ka na pwedeng mabuhay muli sa dati mong mundo."
"Paano po yun? Saan po ako mabubuhay?" tanong ko.
"Dadalhin kita sa isang mundo na may mahika. Katulad ng mga kwentong hilig mong basahin at panoorin. Yun ang mundo na kung saan ako ang punong diyos."
Sayang at di na ako makakabalik. Pero kung katulad to ng mga kwentong binabasa ko, alam ko na ang posibleng mangyari...
"Ngayon, hahayaan kita na pumili. Okay ba sayo na mabuhay muli sa ibang mundo? Matatanggap ko kung--"
"Tinatanggap ko po ang inyong offer. Pipiliin ko pong mabuhay muli." sagot ko.
"Totoo ba yan?"
"Totoo po. Nagpapasalamat po ako sa pagkakataon na ibibigay nyo. Alam ko pong bibihira lang ang mabibigyan ng pagkakataong mabuhay muli matapos mamatay nang biglaan. Nais ko pong magpatuloy na mabuhay."
"Mabuti at iyon ang iyong sagot. Bilang gantimpala, bibigyan kita ng iba't ibang kakayahan at kaalaman. Nawa ay gamitin mo itong mabuti para mabuhay ka nang ligtas at wasto sa mundong iyon."
Pinatong nya ang kamay nya sa tuktok ng buhok ko na para bang binabasbasan. Uminit ng saglit ang parteng iyon, at matapos ng ilang saglit ay inalis din nya agad ang kamay nya.
"Nawa ay mabuhay kang bilang isang mabuting nilalang sa mundong pagdadalhan ko sa iyo. Hanggang sa muli, Enzo..."
Unti-unti akong nawalan ng malay matapos nyang sabihin yun. Eto na siguro, dadalhin na ako sa ibang mundo.
========
Itutuloy...
0 notes