Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
UNTI-UNTING PAGBABAGO (The Social Movement and the Current National Political Scene)
Kinakailangan ng pagkilos upang sa gayo'n makamtan ang nais makamtan. Kumilos ka upang maisagawa ang "transformative education" dahil ito ang kasagutan sa puno't dulo ng ating problema. Malaki ang naiaambag ng malawakang protesta, kinakalampag nito ang diwa ng mga panatikong bingi at bulag. Naalala ko ang una kong pagsama sa isang malawakang protesta, akala ko puro lamang sila rally na hindi pinag-iisipan ang kanilang ginagawa pero nagkamali ako. Saksi ang ating kasaysayan kung paano pinakilos at pinaalis nito ang mga mapangabuso sa kanilang kapangyarihan. Maraming klaseng 'social movement', nariyan ang People Power Revolution I at II. Ipinakita nito kung gaano kalakas ang pwersa ng mga nagkakaisang mamamayan. Hindi tayo nagpatinag sa mga pananakot at pangaalipusta sa atin bagkus tumindig tayo at lakas loob na nagmartsa sa daan upang madinig ang hinaing ng bayan. Naalala ko no'n na sa bawat pagsigaw ko ay naluluha ako, hindi ko alam kung bakit. Hindi ko alam kung awa o kasiyahan, awa dahil gan'to pala ang nararanasan ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan at iba pang sektor na pinagsasamantalahan at tuwa dahil ngayon ay nakiisa na'ko sa pakikibaka nila. Napagtanto ko rin sa akdang ito na iba ang nagagawa ng sama-samang pagkilos. Nagbibigay ito ng kalayaan sa mamamayan at tumutulong sa pagtamo ng ating karapatan. Sa tulong ng 'social movement' mas napapakinggan tayo gobyerno at nalalaman nila ang mga baluktot na batas na kanilang inihain na hindi naman makakatulong sa lahat. Huwag kang maging bulag sa lipunang maraming pinapatay at nakikitang nakahandusay sa langsangan, huwag kang maging bingi sa lipunang puno ng panlilinlang. Walang mali sa ginagawa mo dahil hindi naman lagi dapat tanggapin ang ginawang kasalanan ng gobyerno maaring hindi ka apektado kaya't huwag mo naman sana hintayin na maranasan mo ang nararanasan nila. Gising kaibigan! Ang 'transformative education' ang siyang magbibigay daan upang mamulat ang tao; maging kritikal kung mag-isip, mayroong 'social conscious', at maging isang mapagpalayang mamamayan. Sa dalawang taon ko sa Sintang Paaralan natuto ako sa labas at loob ng silid aralan. Binigyan ako ng pagkakataon na malaman ang tunay na kondisyon ng lipunan sa pamumuno ng iba't-ibang administrasyon. Nariyan si Arroyo, na hindi ko alam kung tunay ngang umangat ang ekonomiya ng bansa sa pamumuno niya. Si Aquino na nanumbalik ang mga 'political elites' na naghari muli sa ating lipunan. Dumating si panginoong Duterte, na ang tingin sa sarili ang siyang magliligtas sa bansang Pilipinas, na siya ang magiging solusyon sa kinakaharap ng problema ng bansa. Marami ang nagawang paglabag sa karapatang pantao at hindi man kayang ipaglaban ang soberanya ng bansa. Sa tulong ng mapagpalayang edukasyon magiging bukas ang mga estudyante sa lahat ng nangyayari sa loob o labas man ng ating bansa. Bilang isang estudyante, nawa'y maging isang responsableng mamamayan ka ng bansa. Hindi ikaw ang aabuso sa mga karapatan ng iba at gagamitin ito upang makapanakit. Mag-isip bago sana tuluyang gawin ang pagbabago. Dahil ang isang pagkilos ay dapat magbibigay ng matagalang epekto na mararanasan ng lahat. Binibigyan tayo ng kaalaman at karapatang mag-isip dahil ang tunay na edukasyon ay hindi natatapos sa isang tuldok. Hangga't nagbabago ang lipunan, patuloy tayong makikibaka at walang sawa na magtuturo sa tunay na kondisyon ng bansang Pilipinas. Erwin John D. Rimando BAPS 1-3
0 notes
Text
BAGONG ANYO (Transformative Education)
"Bakit kaya hindi kayang ituro sa paaralan ang tunay na nangyayari sa lipunan?" "Bakit kaya pilit na ikinukulong ang mga estudyante sa apat na sulok ng silid-aralan?" Minsan naisip mo bang tanungin 'yan sa iyong sarili, na bakit hanggang ngayon marami pa ring aktibista ang sumisigaw para sa tunay na edukasyon. At kung bakit hanggang ngayon walang ginagawang pagkilos ang gobyerno tungo sa magandang edukasyon. Kung susuriin ang akda ni Antonio Tujan Jr., binalangkas niya ang mga problemang mayroon sa sistemang edukasyon sa Pilipinas. Binigyang diin niya rin na ang edukasyon ang siyang magiging susi sa maunlad na buhay. Makikita mula sa ating lipunang ginagalawan na ang edukasyon ay parang isang negosyo. Pag-aaralin ka ng gobyerno hindi para sa bansa kung hindi para maglingkod ka sa ibang bansa. Ginagawa tayong trabahador na mura ang pasahod at pinagtratrabaho ng sobra sobra. Gan'yan ang gustong ipamukha sa atin ng kasalukuyang sistema; para makasunod ka sa sinasabing globalisasyon kinakailangan ang mga Pilipino ay kayang makipagsabayan- makipagsabayan bilang katulong at utos-utusan. Tila ayaw pa nga ng gobyerno na ikaw ay magtanong, magtanong sa napansin mong kabulukan ng sistema. Pinipigilan nila na mag-isip ng kritikal ang mga estudyante. Natatakot sila na baka magkaroon ng pagalsa laban sa kanila. Ginamit nilang sandata ang edukasyon upang maloko at malinlang ang mga Pilipino. Mula elementarya kinulong tayo sa isang malaking kahon; kinulong tayo sa mga terminolohiya na kinakailangan kabisaduihin dahil kailangan daw natin sa pagtanda. Ikinulong tayo sa mga 'formula at solution', at ikinulong tayo sa mga tekstong dapat kabisaduhin. Hindi man lang tayo nabigyan ng pagkakataon na magtanong tungkol sa labas ng kahon. Pinuno tayo ng mga teorya at nagkulang sa kung paano natin isasabuhay ang mga ito. Kinakailangan ng isang "transformative education" na kung saan mapagtatanto mo na dapat ang edukasyon ang gigising sa diwa ng ating pagkapilipino; na dapat ang edukasyon ang siyang magbubuklod sa bawat isa sa atin, at na dapat ang edukasyon ang sasaklaw sa tunay na kalagayan ng bansa. Sa tulong ng panibagong anyo ng edukasyon maitatama ang maling mentalidad o pag-iisip. Magbibigay daan ito upang bumuo ng sariling kultura na tanging tatatak sa pagkasino ng mga Pilipino. Maitatama rin ang maling kasanayan, kasanayan na nakuha natin sa mga dayuhang mapang-abuso. At maitatama ang pag-uugali ng mga Pilipino. Dahil sa bulok na sistema nagkaroon ng hati tayong mga Pilipino. Nagkaroon ng inggit at pagmamalupit sa kapwa. Nabigyan nang sobra sobrang kapangyarihan na nagtulak upang mang-api ng kapwa. Maraming bagay ang kayang maitutuwid sa tulong ng 'transformative education'. Sa bagong anyo nito magkakaroon nang pantay pantay na karapatan ang lahat ng uri. Mas mapagtutuunan natin ang mga problema ng sariling bansa. Magkakaroon ng matibay na pundasyon ang bawat mamamayan dahil sa iisa at mapagpamulat na edukasyon, na kahit ano pang pilit na palitan o bihisan ng panibagong anyo ang edukasyon ay hindi ito mabubuwag. Huwag ka sanang malito sa mga huwad na ipinapakita ng edukasyon. Dapat ang edukasyon ay mayroong iisang layunin ito ang mamulat ka sa kamalian ng bayan. "Dahil ang edukasyon ang magbibigay kamalayan sa lahat" "Dahil ang edukasyon ay isang instrumento sa pagbabago ng Pilipinas" "Dahil ang edukasyon ang siyang kakalampag sa mga taong nakaupo sa itaas" Erwin John D. Rimando BAPS 1-3
0 notes
Text
MAKIBAKA (Ang Kabastusan ng mga Pilipino)
"Lalaki ako kaya dapat ako ang masunod, lalaki ako kaya dapat ako ang magdedesisyon" Nagpapatawa ka ba? Hindi dahil lalaki ka ay ikaw ang tama at may karapatan kang magmaliit ng ibang tao. Hindi dahil lalaki ka mataas na ang tingin mo sa sarili mo. Hangga't ganyan ang tinuturo ng sistemang panlipunan hindi matatapos ang laban; laban para sa pantay na karapatan at laban para buwagin ang patriarkal na sistema. Maraming kabastusan ang tinutukoy sa akda, una na nga ang pataasan ng ihi ng mga kalalakihan, na akala nila ay nakakadagdag sa pagkalalaki nila. Maaring nakakasabay na ang mga kababaihan sa mga lalaki ngayon pero talamak pa rin ang pang-aabuso. Tinitingnan ng mga kalalakihan ang mga babae bilang isang bagay na pagkatapos gamitin ay itatapon na lamang. Tinitingnan bilang parausan, imbakan ng kanilang anak na hindi naman kayang suportahan. Kahit musmos na bata ay pagsasamantalahan at kung ang bunganga ng isa sa mga namumuno ay ginagawang "normal" ang panggagahasa ay tunay na nakakabahala at isang implikasyon na mahaba haba pa ang laban ng mga kababaihan sa isang pantay at ligtas na lipunan. Bumubuo ang kalalakihan ng isang gahum na kapag hindi napigilan ay magpapatuloy ang gan'tong kultura sa ating lipunan. Binabalangkas ng mga kapitalista at naghaharing uri ang kultura ng mga Pilipino, pinapasikat nila ng kulturang pang-kaunlarin. Matapobre at mapang-api ang ugaling pilit na itinatago, kung tutukuyin mo ang kulturang pang- masa, ito ang magsasaka, mga manggagawa, at mga sektor na inaapi. Ginagamit ng kapitalista ang ating problema, ang ating kahinaan upang tuluyang mahawakan tayo sa leeg at makontrol ang lipunan. Gumagawa rin sila ng panibagong gahum sa pamamagitan ng mga produktong pampaganda, mga porselana at alahas na tanging mayaman lang ang may kayang bumili. Binibigyan tayo ng pag-iisip na dapat tularan natin sila. Nagiging uto-uto tayo at sunud-sunuran. Nagpapasikat sila ng mga bagay at ito naman tayo na nagmamadaling bumili kahit walang makain sa araw-araw. Negosyo ang tingin sa atin ng mga kapitalista, pera para sa kanila ang ating kahinaan. Ang gahum ang siyang nagbibigay daan upang malinlang at maloko tayo ng mga naghaharing uri. Ang kabastusan ay hindi lamang sekswal o ano mang pagsasamantala. Maituturing na kabastusan ang mga bagay na umaapi sa atin bilang tao, kabastusan ang mag-isip tayo ng masama at manloko ng kapwa. Kung lalaki ka dapat marunong kang kumilala sa karapatan ng bawat isa, gayo'n din sa mga kababaihan. Ang lipunan ay umuunlad at nagbabago. Kinakailangan natin na mamulat sa iba't- ibang uri ng panloloko. Kinakailangan ng kamalayan upang maging ganap ang pantay- pantay na karapatan sa lipunan. Biguin natin ang ideolohiyang pilit isinasaksak sa'tin ng lipunan, biguin natin ang orientasyon na naghahati sa atin. Hindi nakukulong ang kababaihan sa gawaing bahay at hindi dahil lalaki ay kinakailangan magtrabaho. Nawawala ang karapatan nating mamili sa mga bagay na nais nating tahakin, mga karapatan na dapat tayo ang nagdedesisyon at hindi ang ating lipunan. Gumising ka dahil hindi pa natatapos ang laban natin sa bulok na sistema ng lipunan. Tanggalin ang mahabang tanikala na siyang gumapos sa'tin upang maipahayag ang ating sarili sa mundo. Erwin John D. Rimando BAPS 1-3
0 notes
Text
MAUNAWAAN MO SANA (Literatura ng mga Uring Anakpawis)
“Tay, gising na po huli ka na po sa bukid” “Anong oras na ba anak?” “Alas kwatro na po ng umaga, itay” Nakakalungkot isipin na gigising ka nang maaga para sa kakarampot na sahod at gigising ka nang maaga para may makain lamang ang iyong pamilya. Kulang ang iyong dugo para mabayaran ng sapat ang hirap at pagod mo sa buong araw na pagsasaka. At paano kung ang gobyerno mismo ang pumapatay sa iyong hanapbuhay at unti- unting kumikitil sa iyong buhay. Ilan lamang sa ating bansa ang tinatawag na panginoong may lupa, ngunit maraming magsasaka ang napagsasamantalahan at ninanakawan ng lupa. Tila ang pawis ang siyang magdidikta kung magkano ang iyong sasahurin sa araw na iyong pagsasaka. Kulang ang isang balde ng pawis upang tustusan ang pangangailangan sa araw-araw. Kapag bumale ka pa sa panginoong may lupa mukhang takot na takot pa na hindi sila mabayaran. Naisip ko lamang gano’n ba kalaki ang kanilang uutangin para hindi mapagbigayan? Siguradong may matinding suliranin na kinakaharap ang kanilang pamilya kung kaya’t kinakailangang mangutang, maaring nagkasakit ang anak o ang asawa nito. Hindi pa ba sapat iyon, kailangan pa ba ng isang baldeng dugo para makautang? Marami pa sa ating lipunan ang napagsasamantalahan, nariyan ang mga nagtratrabaho sa pabrika. Walong oras kang nakatayo o higit pa at tapat mong ginagawa ang iyong trabaho ngunit dahil nga sa kulang ang kagamitan, naaksidente ka ng hindi inaasahan. Sisihin ka na hindi ka nag-iingat, hindi pa sasagutin ang iyong pampaospital dahil kasalanan mo naman. Nakakagalit. Nakakapanlumo. Tinitingnan tayo ng mga kapitalista na isang robot, robot na sunud- sunuran sa kanilang mga utos. Kapag wala ka nang silbi papalayasin ka nila na hindi man lang nabayaran ang hirap at pagod na ginugul mo sa pagtratrabaho. Panigurado hindi ka matutulungan ng gobyernong ito, nagbulag-bulagan sila dahil natatakot na hindi masuportahan ng mga kapitalista ang kanilang proyekto na ang tanging magbebenepisyo ay ang mga matataas na uri. Nakasulat na siguro sa ating lipunan na kapag mahirap dapat aapihin. Nakasulat na rin siguro sa ating konstitusyon na kapag mayaman dapat tinitingala. Huwag mong hintayin na may dumanak na dugo muli sa lansangan, huwag mong hintayin na magkaroon na naman ng rebolusyon, kumilos ka hangga’t maari at ipaglaban ang nararapat. Napakahusay ng mga uring anakpawis sa kabila nang pagpapahirap ay tumindig pa rin sila at hindi nawala ang kanilang prinsipyo. Taas noong maglalakad dahil walang sinuman ang kanilang niluhuran dahil ang anakpawis ang siyang gagawa ng kasaysayan na masasaksihan ng lahat. Hindi matatapos ang pakikibaka hanggat hindi kinikilala ng mga kapitalista, gobyerno ang karapatan nila bilang isang manggagawa at mamamayan. Hindi matatapos ito hanggat hindi nila tayo nirerespeto bilang tao. Hindi naman labis at sobra- sobra ang hinihingi ng mga uring anakpwais, kailangan lang nila mabayaran nang sapat at irespeto ang kanilang karapatang pantao. Napagtanto ko na hindi lang pala dapat mamamayan ang mamulat kun’di pati ang ating gobyerno, malaki ang kanilang gampanin para sana lamang makatulong sa pagbabagong hinahangad. Huwag sanang tuluyang isara ang isip, magbigay lagi ng espasyo para sa realidad ng buhay. Dahil hindi kailanman nalalayo ang laban nating estudyante sa mga uring anakpawis. Tayo mismo ay nakakaranas nang panggigipit at pang-aabuso. Kaya’t huwag matakot na tumindig at makibaka dahil tayo ang magdudusa sa mga pinaggagawa nila pagdating ng panahon. Maunawaan mo sana.
0 notes
Text
IDOL KO 'TO (Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang “Idolo”: Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino)
"Kung ano ang nakikita ng ating mata ay siyang huhubog sa ating pagkasino. Mata ang unang magmamahal sa lahat ng uri at antas sa buhay." Paano kung ang pinapanood mo no'ng bata ka pa ay ang mga bagay na ginagawa mo ngayon? Maaring may malaking epekto ang ating napapanood sa telebisyon, sinehan sa kung ano ang interes, hilig, at pangarap natin. Paano naman kung ang palabas na ating pinapanood ay kinokondisyon tayo sa kasalukuyan nating buhay, na okay lang maging mahirap, na okay lang wala kang makain dahil naghihintay ka na may magbibigay sa'yo dahil 'yon ang napanood mo sa telebisyon. Nakakatuwang isipin na ang dapat palabas sa telebisyon ay mapagpamulat at hindi tayo nililigaw sa totoong nangyayari sa lipunan. Sa akdang ito, tinalakay dito kung bakit hanggang ngayon ay mahal na mahal ng mga Pilipino ang pelikula kahit paulit-ulit na lamang ang kwento. Naalala ko noon, may pinanood kaming palabas, akala ko napanood ko na ngunit hindi pa pala, parehas na parehas ang daloy ng istorya ngunit nagkaiba lamang sa tauhan, pook, at mga salitang ginamit. Tinalakay din sa akda kung paano hinahati ng mga palabas ang Pilipino. Una, sa tuwing may gaganap na artista kinakailangan maputi o kutis porselana. Hindi ko masisisi kung bakit naging gano'n nalamang ang pananaw ng mga Pilipino dahil sinakop tayo ng mahabang panahaon ng iba't- ibang bansa, nariyan ang Estados Unidos. Lumaya man tayo ngunit hindi naalis ang kultura at paniniwala ng mga mananakop. Binigyan tayo nang pag-iisip na kapag maganda ay dapat maputi at dapat naayon sa dikta ng lipunan. Pangalawa, nag-iwan nang impresyon na masaya kapag may pelikula. Tama nga naman, bibigyan ka ng panandaliang aliw ng mga palabas na iyong pinapanood. Likas na sa ating mga Pilipino na gustong- gusto ang kasiyahan dahil natatakot tayo na harapin ang realidad, realidad na kung saan iisipin mo muli ang iyong problema. Hindi natin namamalayan ginagamit na lamang ng mga matataas na uri ang ating kahinaan upang sa gayo'n ay yumabong pa ang kanilang kayamanan. Ang isa pang paborito kong parte kapag nanood ng teleserye o palabas ay ang walang sawang pang-aapi sa mga mababang uri. Lagi nalamang mahirap at mabuting tao ang inaapi, minsan naisip ko nasa sistema na siguro ng ating lipunan kung kaya't hanggang pelikula ay gano'n ang nangyayari. At huli, lagi na lamang natatapos na masaya ang pelikula. Bakit nga ba? Dahil natatakot ang mga kapitalista na hindi bumenta ang kanilang palabas, masasayang sa wala ang kanilang pera. Natatakot ang mga nasa mataas na uri na mamulat ang mga tao sa tunay na estado ng lipunan. Dahil ang pelikula at mga palabas ay isa sa magandang daan upang mapaikot at mamanipula ang pag-iisip ng mga nasa mababang uri. Ito ang realidad ng buhay, may nang-aapi at may naapi. Hangga't walang aayos ng sistema patuloy na magdurusa ang mga tao. Hindi man natin nararanasan ang hirap ng buhay sana maging sapat na dahilan na may nagdurusa at may nasasaktan kaya't huwag matakot na ipaglaban at itama ang dapat itama. Ang ating nakikita at naririnig ay isang magandang instrumento upang magbukas ang ating isipan at maging malawak ang pag-iisip. Isa ring magandang sangkap ang pelikula at mga taong gumaganap sa maunlad na lipunan dahil sila ang magiging susi sa ganap na pagbabago at sila ang magiging tulay upang maparinig ang hinaing ng tao. "Idol ko 'to, dahil minulat niya ako sa bulok na sistema ng lipunan"
0 notes
Text
AKO LANG ITO (Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet)
Nais ko sanang ihayag ang buhay ko sa harap ng maraming tao ngunit natakot ako na baka bukas makalawa ako na ang magiging laman ng balita. Napakadaling kumonekta sa bawat isa, sa tulong ng social media mas mabilis nating nasasabi ang nais nating sabihin. Ipinakita ng akdang ito kung gaano ka-importante ang blog at kung paano nakibaka at nagsalsal ang mga tao. Dahil dito naging mas malawak ang connection ng mga tao, mas naging madali sa kanila ang pagkuha ng mga impormasyon. Hinahayaan din natin na makapasok ang mga tao sa mundo o buhay natin. Unti-unti nating nagugustuhan ang atensyon, atensyon mula sa maraming tao. Itinukoy din ng akda ang mga bagay na nakakaapekto sa internet, kung bakit nagkakaroon ng masamang dulot sa lipunan. Ang paggamit ng social media platform ay naging daan upang mailahad ang saloobin natin sa gobyerno, paaralan, trabaho, pamilya, o sa mga simpleng bagay na napupuna natin. Naging batayan natin ang likes at reactions kung ano ang totoo, humingi tayo ng validations mula sa lipunan. Bawat galaw ay laging naayon sa gusto o dinidikta ng mga taong nakapaligid sa'tin. Dahil kapag mas nakapukaw ng atensyon sa madla 'yon ang paniniwalaan, 'yon ang mas tama. Nakakatawa lang dahil mas pinipili nating maniwala sa mga gano'ng bagay kahit hindi dumaan sa masusing pagsusuri. Nawala ang tunay na dahilan kung bakit nagkaroon ng internet, nawala ang pagiging daynamiko nito sa ating lipunan at nakalimutan na rin natin ang tunay na importansya ng blog. Tamang nailalabas natin ang ating saloobin, ngunit bakit dumating sa punto na nakakasakit na tayo at maging dahilan para maging isang salot sa lipunan, hindi na tama ito. Nagiging isa ka sa problemang kinakaharap ng bansa, hindi ba dapat solusyon ka at hindi pabigat. Masasabi ba natin na maganda ang modernong mundo kung ang esensya ng bawat isa ay nawala; nawala ang dunong na sana mayroon ang lahat, nawala ang pagiging kritikal mag-isip, at nawala ang diwa nating makabansa. Sa kabila nang negatibong epekto ng internet ay may maganda ring naidulot ito. Una, mas napadali ang komunikasyon ng ma tao. Naramdaman natin na mas naging malapit ang malalayo nating minamahal sa tulong social media. Pangalawa, malaya nga na'ting nasasabi ang ating saloobin. Pangatlo, tinulungan tayo na maging bukas sa lahat, binigyan ng kumpyansa sa sarili at lakas ng loob. Hindi lang siguro masyadong napagtuunan ng pansin dahil naging ganid at makasarili ang tao. Binalot tayo sa ideya ng mga kapitalista, Ayon nga kay Andrada ang blog ay maaring maging tulay upang makabuo ng adbokasiya at makapagpaabot ng tulong dahil ang blog sa kasalukuyang panahon ay nasa porma ng facebook, twitter, at iba pang social media platform. Nagiging boses ito ng mga maliliit na tao, dahil ang social media ay nagiging tulay upang marinig sila ng mga nakaupo sa puwesto sa gobyerno. Dahil ang blog ay walang limitasyon at malaya, dahil ang blog ay tumutulong upang makalaya sa mahabang tanikalang nakagapos sa paa, at dahil ang blog ay isang rebolusyon sa reaksyonaryong estado at umalis sa sinasabi ng lipunan. Huwag ka sanang tumigil sa pagsusulat hanggat marami pang nagbabas, At Huwag ka sanang tumigil sa pagsusulat hanggat may mga taong sarado ang isip sa tunay na kalagayan ng lipunan. Erwin John D. Rimando BAPS 1-3
0 notes
Text
UGAT NATIN (Ang Kapangyarihan ng Wika, ang Wika ng Kapangyarihan)
Ang wika at bayan ay hindi nalalayo sa isa't- isa, ang wika ay kasaysayan nang mahabang pakikibaka ng bayan. Makikita sa kasalukuyan kung paano naapektuhan ng wika ang pamumuhay ng mga Pilipino at kung paano nahati ang bawat isa. Minsan naitanong ko kung kasalanan ba natin kung bakit tayo nasakop ng mga Kastila at Amerikano, kung bakit hanggang ngayon nasa ilalim pa rin tayo ng kanilang pamumuno. Ginamit ng kastila ang relihiyon upang masakop tayo, pinagkait ang wikang kastila na matutunan na naging isa sa dahilan kung bakit nag-aklas ang mga Pilipino. Samantalang napatunayan naman ng mga Amerikano kung gaano kalakas ang wika, ituro nila sa atin ang wikang Ingles kung kaya't naging sunud- sunuran tayo ng hindi namamalayan at unti- unting natutunan ang kanilang kultura, -kulturang mapagmataas at mapang- api. Maganda ang wikang Ingles, nakakapag- ugnay tayo sa mga karatig bansa, nauunawaan natin ang mga nakasulat sa internet, street signs, direksyon at iba pa. Malaki ang maiaambag nito sa lipunan, pero bakit naging mapagmataas at mapang- api? Mapagmataas na kung saan nagiging tulay ito upang umabuso, umabuso sa kapangyarihan. Dahil sa wikang Ingles nagkawatak- watak tayo, "nagkaroon ng social classes". Natutong mang- api ang mga taong nasa itaas, sa tulong ng Ingles naging mabagsik ang lipunan sa mga taong hindi makaunawa at makapagsalita nito. Nagkaroon tayo ng kamalayan na kapag mahusay magsalita ng Ingles ay matalino at galing sa mayamang pamilya, na ang wikang banyagang ito ay para lamang sa mayaman at para sa mga taong may kapangyarihan. Nakakalungkot lang ay dahil isa rin tayo sa dahilan kung bakit naging gano'n nalamang ang ating pananaw sa wikang Ingles. Mula paaralan, social media, at pamahalaan ay Ingles ang ginagamit. Paaralan, nakasulat sa Ingles ang mga libro, mayro'n pang "English Only Please". Inihahanda tayo para magtrabaho sa ibang bansa at hindi para sa ating bayan, napakabaluktot na hangarin at tunay na nakakaawa. Social media, nagiging daan ito upang maging basehan ng talino ng isang tao, kapag nagpost ng Ingles ay mamamangha ka kahit hindi mo naintindihan at pipilitin mo pang gayahin para lamang ikaw ay tingalain at palakpakan. Hindi ba natin susuriin kung totoo ba ang kanyang pinagsasabi o binibigyan lamang tayo ng maling paniniwala. Pamahalaan, makikita natin na ang gamit na pakikipagtalastasan ay Ingles, mga liham na umiikot sa iba't- ibang sangay ay nasa wikang Ingles. Nakakatawa, hindi ba dapat itong institusyon na'to ang magsilbing huwaran at manguna sa pagsulong ng wikang Filipino? Naisantabi at pinagwalang bahala ang sariling atin, ang wikang Filipino. Dapat kasabay ng pag-unlad ng wikang Ingles ay ang pag-unlad din ng Filipino. Mayaman ang wikang Filipino, mayaman sa kultura at kasaysayan. Kung tutuusin kaya ng wikang Filipino na pagbuklurin ang mamayang Pilipino. Sa tulong ng wikang Filipino, uunlad at aangat ang ekonomiya ng ating bansa. Kaya nating magpakilala sa buong mundo gamit ang ating wika dahil ang wika ay sumasalamin sa kung anong klaseng tao o bansa tayo. Tunay na makapangyarihan ang wika, ito ang magiging susi para sa kinabukasan. Ito ang magbubukas at magbibigay kaliwanagan sa bawat isa dahil ang wika ay pundasyon ng isang estado. Erwin John D. Rimando BAPS 1-3
0 notes
Text
NASAAN AKO? (Edukasyon para sa iilan: Kung Bakit Asal- Mayaman si Pedrong Maralita)
"I want to buy some fishball sa baba, ang sarap sarap kasi eh" Hindi ko malaman kung mahirap ba 'to o nagfefeeling na mayaman dahil sa kung paano niya sabihin ang kanyang nais. Nakakalungkot isipin na pinipilit natin ang mga bagay na hindi naman para sa'tin. Pinipilit nating sumunod sa agos kahit hindi agos ng ating buhay. Mas pinipili nating magpakita ng ibang mukha sa harap ng maraming tao dahil natatakot mahusgahan o baka dahil ayan ang tinuturo sa'tin ng sistemang lipunan. Sistemang nagtutulak sa atin bumili ng mga mamahaling kagamitan kahit wala na tayong makain sa hapag-kainan. Laging may gustong patunayan at laging gusto ang atensyon ng lahat. Tunay na mahalaga ang ating nakaraan, sinasalamin nito kung paano at bakit naging ganto ang asal ng marami. Ang edukasyon na malakolonyal at mapang-alipin, na hanggang ngayon tanging mga naghaharing uri ang nakakatamasa ng magandang edukasyon. Hinubog tayo na kapag mayaman, paniguradong nasa pribadong paaralan. Mapapa- "sana all" na lamang dahil sa hirap ng buhay, hindi makayanan ang binabayarang matrikula at anu-ano pang bayarin. Hinubog din tayo kung paano umastang mayaman, sa pagbili ng mga pagkaing mayaman mararamdaman natin na isa rin tayo sakanila, na once in our life naranasan natin kung paano maging mayaman. At mas lalong hinubog tayo ng nakaraan na kapag nasa pampublikong paaralan ay asal kalye o barumbado, matatandaan natin na ang mga madre at pari ang namamalakad ng pribadong paaralan noong panahon ng Kastila kaya siguro gano'n na lamang ang nagiging pananaw natin sa pampublikong paraan. Pati na rin ang mga unibersidad sa Pilipinas, na kung saan nagiging saksi sa pahirap at pabigat ng malakolonyal na edusyon. Pero syempre kung ikaw ay mayaman, hinding hindi mo iindahin o titingnan ang inyong binabayaran. Tunay na nakatatak na sa ating isipan ang mga ganitong klaseng pag-iisip, hinayaan natin na pabilugin at lasunin ang ating utak. Ginawa tayong puppet at robot na aayon sa kilos at galaw ng mga burgesya. Hindi lamang ang edukasyon ang ginawang negosyo kundi mga taong nasa mababang uri. Marami sa atin ang maihahalintulad kay Pedrong Maralita na mas pinili na lamang na gayahin at tingalain ang mga ito. Nagpapatunay lamang ito na mananatili pa ang mga nasa itaas sa itaas. Isa sa mga natutunan ko sa akdang ito na malaking ambag ang internet at social media kung paano tingnan ng mga mahihirap ang lipunan. Nakukuha nating magpost ng mamahaling pagkain at damit kaya't pagdating sa kagipitan hindi na alam kung saan kukuha. Nagiging daan ang social media upang magmalaki sa ibang tao kahit walang wala naman ito. Maaring sa gan'tong paraan ay gumaan ang kanilang pakiramdam. Pakiramdam na kailanman ay hindi sila papakainin nito. Hindi pa sapat ang panggigising ng lipunan sa atin, kinakailangan pa ng matinding pakikibaka upang maging pantay-pantay ang mga tao sa lipunan. Hanggat nandiyan pa rin ang pag- iisip ng mga Pilipino patuloy na mahihirapan ang pagkalampag sa mga naghaharing uri. Isa lang naman ang hangad ng mga kapitalista o mga naghaharing uri, ang mapanatili ang kanilang puwesto pero sa tingin ko mukhang tayo rin nagkakaroon ng iisang hangarin ang manatili sa mababang uri. Basta't natatamasa ang iilan at kakarampot na pribilehiyo ng mga mayayaman ay magiging kampante na sila sa kanilang buhay. Nawa'y maging bukas lamang ang iyong mata upang makita ang tunay na kalagayan ng mga mahihirap kung bakit kinakailangan nila umasta o magbuhay mayaman. Erwin John D. Rimando BAPS 1-3
0 notes
Text
TINIG AT TUNOG ( Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahahabang Pagkakaalipin )
Ang hirap sigurong maging isang aninong bansa, na kahit anong pilit mong kumawala hinahabol- habol ka pa rin nito, at hindi mo namamalayan unti-unti ka nang nagiging katulad niya. Pero, katulad nga ba? O ginawang alipin na hindi mo napapansin? Sa ilang daang taong pananakop ng Espanya, na sinundan pa ng imperyalistang Amerika tuluyan na nga'ng nalason ang pag-iisip ng mga Pilipino. Dahil dito, nahati ang mga Pilipino na kung saan lahat ng oportunidad ay nasa mga may kapangyarihan. Ang mahabang pananakop ng iba't-ibang imperyalista na bansa ang nagbigay daan upang maging komersyalisado ang edukasyon. Tanging mga mayayaman lamang ang nakakatamasa sa sinasabing 'quality education'; kapag may pera, sigurado na ang seguridad sa magandang edukasyon. Edukasyong ipinagkait sa lahat, ginawang negosyo ng mga kapitalista, kumprador burgesya at mga burukratang kapitalista. At kung bakit siguro nagtagal ang pananakop sa'tin ay maaring bunsod ng maling paniniwala na tutulungan nila tayong umunlad o baka naman dahil sa mga pinili nating mamuno sa'ting bansa. Ilang presidente na ang dumaan sa ating Republika ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo tuluyang malaya- Malaya mula sa mga bansang mapagsamantala, Malaya mula sa mga kapitalistang lahat na lamang ay ginawang negosyo, at Malaya mula sa mga namamahala na ang tanging hangad ay ang ikakalobo ng kanilang bulsa. Hindi naman gano'n kahirap alamin ang sanhi kung bakit naghari ang mga imperyalistang bansa nang napakatagal, makikita natin sa mga pinuno na makakolonyal mag-isip kung sasaliksikin natin ang ating kasaysayan halos isa lamang ang kanilang nais ngunit nagkaiba lamang kung paano ito makukuha. Batas na dapat prumoprotekta sa karapatan ng mamamayan, ngunit bakit tila'y ang batas na nilikha ang naging dahilan upang magpatuloy ang pangaapi at pagsasamantala ng mga taong may kapangyarihan. Nawalan na ng boses ang mga magsasaka, uring mangagawa napalitan ng mga matatayog na gusali, subdivision ang mga lupang sakahan- hindi sapat ang kinikita para sa pamilya, ang sahod na dapat katumbas ng pagod at hirap ng mga magsasaka tila'y ginigipit pa ng panginoong may lupa. Nasaan ang hustisya? Ang sakahan na dapat pagmamay-ari ng mga magsasaka ay mukhang iba ang nakikinabang. Sa tulong ng Espanya at Amerika tinulungan nila ang mga burgesya na mapanatili ang kanilang puwesto na hanggang ngayon sila ang matatawag na naghaharing uri. Mula noon, wikang Ingles ang kanilang gamit kapag nakikipag-usap sa mga tao. Bumuo ito ng kaisipan sa mga tao na kapag ikaw ay nagsasalita ng wikang Ingles; ikaw ay mayaman, edukado, at may pwesto sa gobyerno. Kung babalikan natin, tunay na ang wika ang humubog sa kamalayan ng bawat Pilipino. Kung saan, ginamit ang wikang banyaga sa pagtuturo, mg aklat na nakasulat sa wikang Ingles na sumasalamin sa kultura ng mga Amerikano at lumipas ang ilang taon pang pananakop, ang kultura ng Amerika ay nasalin na rin sa atin, hindi na namalayan nawala na ang diwa ng pagkaPilipino. Habang patuloy pang pinag-aaralan ang ating edukasyon, nawa'y maging isa kang tinig ng kabataan at magiging tunog ng katotohan. Magiging tulay at boses ng mga naaping uri. Dahil ang bayan at ang wika, patuloy na lalaban.
0 notes
Text
NAKALIMUTAN KO ANG KALIMUTAN KA (Misedukasyon)
Hindi ba dapat kapag alam mong nasaktan ka na dahil sakanya, kakalimutan mo? Bakit tila tinitingala mo pa rin? Kahit harap-harapan kang niloloko, masaya ka pa rin sakanya. Sana matauhan ka at gumising ang diwa mong makabansa. Namulat ako na ang wikang Ingles ay dapat kong matutunan, na dapat maunawaan ko ang mga nakasulat sa aking libro at magaling ako wumika ng Ingles. Kaya siguro napapatingin talaga ako sa mga batang gamit ang wikang Ingles bilang komunikasyon sa kanilang magulang kahit Pilipino ang mga ito. Naipakita ng dokumentaryo na tunay na nanatili ang pag-iisip na kolonyal, mula sa tahanan hanggang sa lipunan, umikot ang mundo na tinitingnan na bayani ang mga Amerikano. Salamat dahil binigyan tayo ng mga Amerikano ng edukasyon, pero ang tanong haggang kailan tayo mananatili sa ideolohiyang pang-Amerikano? Napagtakpan ng edukasyong ito ang pangaabuso at pangaapi ng mga Amerikano sa mga Pilipino noon. Na naging batayan ng ating talino ay kung anong lenggwahe ang ating gamit, hindi ba maari na gamitin sa pakikipagtalastasan ang wikang Filipino? Sana umabot hanggang Kongreso at Senado at sana ang tulay ng ating pakikipagkomunikasyon ay Wikang Filipino. Ang edukasyon sa Pilipinas ay nagiging isang negosyo na kailangang palaguin. Akala natin hindi totoo ang komersyalismo, pero totoo ito at lahat tayo ay nagiging biktima sa pagbabagong nagaganap dahil sa mga komprador burgesya, kapitalista at ang mga opisyales ng gobyerno na mas inuna ang mga bagay na hindi naman kailangan nang agarang solusyon. Sa tulong ng mga Amerikano, nakuha nila ang kamalayan ng mga Pilipino kung kaya't pati ang orientasyon natin ay natulad sa mga Amerikano, kolonyal na pag-iisip."Okay lang na igaya ang edukasyon sa ibang bansa kasi maunlad naman sila baka sakaling umunlad din tayo" Ganito mag-isip ang karamihan sa atin dahil mismong sistema ng edukasyon ay gano'n ang ipinapamukha. Naging modelo o halimbawa natin ang bansang Amerika sa kung paano at ano ang isang maunlad na bansa. Nakuha natin ang kultura ng Amerikano at masyado nating dinakila at tiningala, na hanggang ngayon ay nakatatak sa ating pamumuhay. Kailanman hindi magiging batayan ang paaralan na iyong pinapasukan sa husay at talino na 'yong tinataglay. Itinuro sa atin na ang unibersidad ang magiging simbolo nang husay ng mga estudyante, ngunit para sa akin, ang estudyante ang sisimbolo sa kahusayan ng unibersidad. Pare-parehas lamang ang itinuturo ng mga unibersidad na ito, ito ay ang pagiging malakolonyal na pag-iisip. Tila'y pineperahan na lamang tayo ng edukasyon; ginagawa tayong robot na kung saan nagiging sunud-sunuran, nakalimutan nating mag-isip at tanungin ang ating lipunan. Nakalimutan kong kalimutan ang ideolohiyang pang-Amerikano. Nakalimutan kong kalimutan ang wikang Ingles, na ang wikang ito ay wikang banyaga. Dahil ang edukasyon ay dapat pampamulat at hindi nakukulong sa apat na sulok ng silid-aralan. Dahil ang edukasyon ay mapagpalaya na dapat ang ating kamalayan ay dapat sumasalamin sa kung anong kultura mayroon ang mga Pilipino. Bukas, pagising mo taas noo kang titindig dahil nakalaya na tayo! Erwin John D. Rimando BAPS 1-3
0 notes