Tumgik
francineblog · 3 years
Text
Ang Makulay na Literatura ng Pilipinas
Makulay, mayaman at tila ba nag-iisa ang literatura ng bansang Pilipinas dahil sa pagiging malikhain ng mga Pilipino at sa pagkakataong ito ay aking susuriin ang isa sa mga mitolohiya ng bansang Pilipinas na siyang pinamagatang, “Nagkaroon ng Anak Sina Wigan at Bugan.” 
Tumblr media
Source: Google
Aking uumpisahan ang pagsusuring isasagawa sa mga tauhan ng kwentong ito na siyang tugma sa mga katangiang nararapat na tinataglay ng mga karakter sa isang mitolohiya. Una ay ay ang mga Diyos at Diyosang binigyang pansin sa kwento na nagngangalang Ngilin, Bumabbaker, Bolang at ang Diyos ng mga Hayop. 
Ang mga naturang tauhan na lubos na para sa isang mitolohiya ay ang mga Diyos na tumulong kay Wigan at Bugan upang magkaroon ng anak at ang mga hayop na nasalubong ni Bugan sa kanyang paglalakbay upang makita ang mga Diyos at Diyosa.
Tumblr media
 Source: Pinterest
Ang kauna unahang tauhan ay si Ngilin na isang Diyosa na may mabuting kalooban dahil sa pagtulong sa mag-asawang mortal upang magkaroon ng anak. 
Tumblr media
Source: Pinterest
Pangalawa ay si Bumabbaker na siyang isang makisig na Diyos na unang nakahanap at nakipag-usap kay Bugan sa labas ng kaharian ng mga Diyos. 
Tumblr media
Source: Pinterest
Pangatlo ay si Bolang na isa ring Diyos na kasama sa mga nagbigay ng tulong sa mag-asawang sina Wigan at Bugan upang mabiyayaan ng buhay na tumitibok sa sinapupunan ng babae. 
Tumblr media
Source: Pinterest
Ang panghuli ay ang Diyos ng mga hayop na bagaman walang ngalan na taglay ay kilala pa rin bilang isang Diyos ng mga hayop na siyang katulong nila Ngilin, Bumabbaker at Bolang sa pagtupad ng kahilingan ng mag-asawang sina Bugan at Wigan na magkaanak. 
Tumblr media
Sa kabilang banda ay may mga hayop na malaki ang natulong kay Bugan sa paglalakbay nito patungo sa Silangan. 
Nauuna rito ay si Igat na siya ring unang hayop na nakita ni Bugan sa kanyang paglalakbay nang makarating siya sa Lawa ng Ayangan. Heto rin ang nagpagaan ng loob kay Bugan sa pamamagitan ng pagsambit na magpatuloy lamang siya sa Silangan at makipagkita sa mga Diyos.
Tumblr media
Source: Insperion Graphix via Youtube
Pangalawa ay ang nakakatakot na si Buwaya na ikalawang nakasalubong ni Bugan sa kanyang paglalabay nang narating niya ang Lawa sa Lagud. Imbis na kanyang lamunin ang babae ay tinanggihan niya ito dahil sa taglay na kagandahan ni Bugan, bagkus, kanyang sinambit na magpatuloy na lamang siya sa paglalakbay. 
Tumblr media
Source: Pinterest
Ang panghuli ngunit pinaka nakakatkot sa lahat ay si Pating na kilala bilang mabangis at mapanganib na nilalang, subalit nang makita niya si Bugan sa kanyang puder ay tinanggihan niya lamang ang pagmamakaawa ng babae na kainin niya ito sapagkat isang kahihiyan ang pagkain sa isang babaeng ubod ng ganda, sa halip ay inaya niya lamang ito upang kumain sa kanyang tahanan. 
Tumblr media
Source: Pinterest
Ang mga tauhang nabanggit ay nagtataglay ng mga kapangyarihan at kakayahan na siyang makikita sa mga tauhang tampok sa mitolohiya. Una ay ang mga Diyos at Diyosa na may mga supernatural na kapangyarihan upang gawing posible ang mga imposible sa pagtingin ng mga mortal, tulad ng pagkakaroon ng anak ni Wigan at Bugan. Pangalawa ay ang mga hayop na kumausap kay Bugan sa kanyang paglalakbay sapagkat sila ay may kakayahan upang magsalita at kumausap ng mga tao na isang kababalaghang makikita sa mitolohiya
Tumblr media
Source: Pinterest
Ang panahon na binigyang pansin sa mitolohiya ay sinauna, base sa paninirahan, pananamit at pamumuhay ng mga tauhan, partikular ay ang dalawang mag-asawang sina Wigan at Bugan. Nagmula sa Pilipinas ang kwentong ito kung kaya ay sumasalamin din ang kulturang nabanggit sa mitolohiya sa mismong bansa. Isa na rito ay ang pagbibigay ng ritwal para sa mga Diyos o sa mga sinasamba nang sa gayon ay matupad ang iyong kahilingan, tulad na lamang ng pagsasagawa ng Bud-ad, isang ritwal na isinasagawa upang mabiyayaan ng mga anak, masaganang ani at pamumuhay ang mga nagsasagawa nito. Pangalawa ay ang paraan ng pananamit ni Wigan at Bugan na siyang nagpapakita ng sinaunang kasuotan ng mga katutubong Pilipino.
BANGHAY
Maikli man ngunit napakaraming pangyayari ang tinalakay sa mitolohiyang “Nagkaroon ng Anak Sina Wigan at Bugan.” Ang unang banghay na siyang natalakay ay ang kapana-panabik na aksyon kung saan ay naglakbay si Bugan upang makita ang mga Diyos sa Silangan subalit sa kanyang paglalakbay ay nagkaroon ng pakikipagtunggali si Bugan sa kanyang sarili nang kanyang ninais na lamang na magpakain sa mga mapanganib na hayop na siyang nagpapakita ng tensyon at panganib para sa kanyang buhay.
Tumblr media
Pangalawa ay ang pagtalakay sa suliranin at kung paano ito malulutas na siyang naipakita noong hindi magkaroon ng anak sina Wigan at Bugan sa tagal nilang pagsasama kaya bilang isang solusyon ay pumunta si Bugan sa Silangan kung saan naninirahan ang mga Diyos at Diyosa na may mga supernatural na kapangyarihan upang matulungan sila ni Wigan sa pagkakaroon ng anak. 
Ang pang huling parte ngunit isa sa mga pinaka binigyang pansin na banghay sa kwento ay ang ugnayan ng tao at ng mga Diyos at Diyosa. Ito ay napatunayan nang nakipag-usap at nakipag-ugnayan ang mga Diyos at Diyosa na sina Ngilin, Bumabbaker, Bolang at Diyos ng mga Hayop kay Bugan at Wigan ukol sa kanilang kahilingan na pagkakaroon ng anak, bukod dito ay biniyayaan pa nila ang mag-asawa ng regalong baboy, manok, kalabaw at ang pagkakaroon ng masaganang ani at pamumuhay.
TEMA
Ang tema ay ang isa sa mga pinakamahalagang elemento ng mitolohiya kung kaya’t nararapat na taglayin ito ng kwentong “Nagkaroon ng Anak sina Wigan at Bugan.” Base sa aking pagsusuri ay ang aking unang napansin na temang tinutukoy nito ay ang iba’t ibang pag-uugali ng tao.
Tumblr media
Una ay ang natural na pagnanais ng mga taong makamit ang kanilang mga kahilingan o pangarap kung kaya ay kahit ano pa man ang kinakailangan nilang gawin ay isasagawa nila ito, sa halagang makakamit nila ang kanilang pagnanais. Nabigyang patunay ito sa paglalakbay ni Bugan patungong Silangan upang bisitahin ang mga Diyos na may kakayahang tulungan sila ng Wigan upang magkaroon ng anak. Pangalawa ay ang pagkawala ng pag-asa at pagsuko sa isang bagay na siyang natukoy noong biglang nagbago ang isipan ni Bugan at ninais na lamang niya mag palamon sa mababangis na hayop, kaysa mag baka sakaling magkatotoo ang kanyang kahilingan sa mga Diyos at Diyosa. 
Ang sumunod na tema ay ang paniniwalang panrelihiyon kung saan noong unang panahon ay walang tiyak na relihiyon ang mga tao,  bagkus ay may kanya kanyang pinaniniwalaang Diyos at Diyosa na kanilang sinasamba sa halos araw-araw na kanilang pamumuhay sapagkat sila’y naniniwala na tinutulungan sila nitong mabuhay at matupad ang kanilang mga sari-sariling kahilingan. 
Ang sumunod na tema ay ang pagbibigay pansin sa katangian at kahinaan ng tauhan. Ang pinaka binigyang pokus na karakter sa mitolohiyang ito ay si Bugan kung saan ay ipinakita ang kanyang katangian na siyang mapagmahal sa asawa at sa pamilya kung kaya’t ninanais nito na magkaroon na sila ng anak ng kanyang asawa na si Wigan, dahilan upang maging determinado siyang maglakbay patungo sa Silangan upang bisitahin ang kaharian ng mga Diyos at Diyos, subalit sa pagkakataon ding ito ay pinakita ang kahinaang taglay ng babae, at ito ay ang mabilis na pagkawala ng pag-asa sa gitna ng pagsubok at dilim ng buhay sapagkat sa kanyang paglalakbay ay ninanais na niya lamang kitilin ang sariling buhay dahil sa sakit na kanyang nadarama dulot ng hindi nila pagkakaroon ng anak ni Wigan, ang kanyang kasintahan. 
Ang pinakahuling tema ngunit ang pinaka nararapat na bigyang pansin sa lahat ay ang mga aral sa buhay. Una ay ang pagpapakita na sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos at matutupad natin ang ating mga kahilingan. Pangalawa ay ang pagpapatuloy sa buhay, ano man ang mangyaring hindi kanais nais sa ating perspektibo at ang pang huli ay ang sinisimbolo ng mitolohiyang ito, ang ating kultura na siyang nagbibigay aral at paalala sa mga mambabasa o manonood na kinakailangang yakapin at mahalin ang kulturang pinagyaman ng ating mga ninuno sapagkat ang lahat ng ito ang sumasalamin sa ating bansang Pilipinas.
Tumblr media
Patuloy na mangarap ang bawat isa katulad ng pangangarap ni Wigan at Bugan na magkaroon ng anak. Bagaman hindi mabilis at madali ang pagkamit ng pangarap, mas mabuting piliin ang rutang ito kaysa manatili lamang sa kung nasaan ka man ngayon nang wala pinatutunayan sa iyong sarili na kaya mo. Na mas kakayanin mo dahil may Diyos na gagabay sa iyo. Sana ay may natutuhan ka rin sa kwento sa pamamagitan ng aking pagsusuri tulad ng aking pagkatuto habang nasa proseso ako ng pagsusuri ng matalinhagang akda na ito. 
Padayon!
2 notes · View notes