Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
REPLEKSYON SA ARTIKULO NA BLOG ANG MUNDO: PAGSASALSAL AT PAKIKIBAKA SA INTERNET
Sa panahon natin ngayon, uso pa ba ang mga sulat-kamay na diary? May nagsusulat pa kaya sa mga notebook ng kung anong nangyari sa araw nila o ng kahit anong nais nilang sabihin na hindi nila alam kung paano ibibigkas? Kasi ngayong buhay na ang internet, na kung saan ginagamit natin upang maka-access sa iba’t ibang websites at para makakonekta sa ibang lugar sa pamamagitan lamang ng paggamit ng computer o cellphone, maaaring dito nalang natin sabihin ang ating mga ideya, kaisipan at saloobin. Sa internet, nariyan ang Facebook, Twitter at Instagram. Maaari kang gumawa ng blogs, nariyan ang Tumblr, Wordpress, at iba pa. Maraming pwedeng paggamitan ang internet, at sa ngayon, ito ang kadalasan nating ginagamit na outlet para sa mga ideyang kagaya nito dahil mas convenient. Para itong notebook na kung saan pwede nating isulat ang mga bagay bagay nang hindi na ginagamitan ng aktwal na pagsusulat.
Sa sobrang dalas ng isang tao ngayon sa pagbababad sa Internet, siguro halos buong buhay niya ay naikwento at nailagay na nya rito. Pero ano nga kaya ang maaari nyang maging dahilan? Siguro dahil proud sya sa buhay na mayroon sya. Siguro dahil gusto nya lang maibahagi sa iba ang mga kaganapan sa buhay nya. Maaari ring dahil gusto nya ng validation mula sa ibang mga tao.
Bilang isang tipikal na estudyanteng may cellphone at may access sa internet, aminado ako na madalas ako sa Twitter. Ito ay isang website o application na kung saan maaari kang mag-tweet ng kahit ano, at ang mga tweet na ito ay mababasa ng mga follower mo at maaari mong mabasa ang mga tweet ng user o page na pina-follow mo. Tingin ko, ito ang pinakagamit na application ng mga tao ngayon lalong lalo na sa pagra-rant. Halos araw-araw akong nakakabasa ng mga rant nila tungkol sa mga nangyayari sa buhay at paligid nila, halos araw-araw akong nakakabasa ng “mga masasamang mga words”.
Aakalain ng iba na puro mga walang kwenta lamang ang makikita mo sa Twitter, pero sa aking depensa naman, may mga tao sa Twitter na ginagamit ito upang maibahagi ang kanilang kaalaman at upang makapagturo sa iba. Ito ang dapat maintindihan at maunawan ng lahat ng gumagamit ng Internet. Na sana ay hindi natin ito abusuhin sa pamamagitan ng paggamit nito sa mga walang katuturang bagay. Bagkus ay gamitin ito sa mga bagay na mas may kabuluhan at mas kapupulutan ng aral. Hindi yung basta na lamang magsasabi ng kung anu-ano sa internet sabay babanat ng “May kanya kanya tayong opinion.”
Ito ang aral na aking napulot sa araling ito. Ang paggamit ng internet upang makapagbahagi at makibahagi sa mga isyu o usaping may magandang epekto o dulot sa iba pang users, nang sa gayon ay ma-utilize ang platform na ito sa mas makabuluhang paggamit. Hindi sana ito gamitin para lang makalimos ng atensyon sa iba, makakuha ng papuri at empatiya mula sa iba. At kailangan rin nating matutunan na, kahit pa tayo ay nasa mundo na ng teknelohiya, hindi dapat sa internet umiikot ang ating mga buhay. Kailangan natin maunawaan na ang mga buhay natin ay higit pa sa kung ano ang nasa internet at kilalanin natin ang ating tunay na realidad.
0 notes
Text
REAKSYON SA ARTIKULO NA ANG KABASTUSAN NG MGA FILIPINO NI ISAGANI CRUZ
“Ang pagkabastos ay bunga ng kamangmangan.”
Iyan ay isa lamang sa mga linyang tumatak sa aking isipan noong diskusyon ng araling ito. Dahil tama nga naman, hindi ka magiging bastos sa iyong kapwa kung hindi ka mangmang at kung bukas ang iyong isipan sa pagtanggap ng mga bagay-bagay at kung may kagustuhan kang buksan ang iyong isipan sa mga pagbabago. Pero ano at saan nga ba nagmula ang “pagkabastos” na ito? Ito ay, aking masasabing, kaugalian ng mga sinaunang tao na nasalin nang nasalin hanggang sa henerasyon ngayon na nagmula sa mga pansariling interest, o masasabi kong para sa pansariling ego o validation.
Noon pa man, mababa na ang pagtingin ng mga lalaki sa babae. Mataas ang tingin nila sa kanilang mga sarili kung kaya’t na sa isip nila na dapat sila ang mas nasusunod kaysa mga babae. Gaya na lamang ng sitwasyon sa isang pamilya na kung saan ang tatay ay tinatawag na haligi ng tahanan. Ang tatay ang nagbibigay at tumutugon sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Sila ang “bumubuhay” at nagpoprotekta sa buong pamilya. Ang mga nanay naman ay dapat lang manatili sa loob ng kanilang tahanan upang mag-alaga ng kanilang mga anak at gawin ang mga gawaing bahay. Kung magkaroon man ng sitwasyon na kumakayod din para sa mag-anak ang isang nanay, parang hindi ito nagiging kaaya-aya sa paningin ng iba dahil parang lumalabas dito na hindi sapat ang ibinibigay ng tatay sa pamilya, parang nagmumukha siyang mahina sa paningin ng iba. At para sa taong may patriarkal na pag-iisip, hindi ito magandang tignan dahil parang natatapakan ang ego ng isang lalaki. Dahil, bigyan natin ng emphasis, mataas ang tingin nila sa sarili nila.
Ang nakakalungot pa rito, hindi lamang lalaki ang patriarkal mag-isip. Maging ang mga babaeng ay ganito rin mag-isip, kung tutuusin. May ilang mga babaeng na ang tingin sa sarili nila ay bilang isang ilaw ng tahanan lamang, na para bang nalilimitihan ang kanilang pangarap sa buhay. Hindi naman masama at hindi ko sila masisisi dahil maaaring ito ay bunga ng mga itinuro o itinanim sa kanyang isipan ng kanyang pamilya at komunindad na ginalawan. Ang sa akin lamang, we women are more than just are vagina and womb.
Sa ganitong mga sitwasyon umusbong ang feminism nating tinatawag. Ito ay isang kilusang pinasimulan ng mga kababaihan upang ipagtanggol ang mga karapatan at para ipaglaban ang pagkakapantay-pantay sa karapatan ng mga babae at lalaki sa ating lipunan. Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang pagpapalaganap ng kaisipan at kaalaman kung bakit may pantay na pagtingin dapat sa mga babae at lalaki at para puksain ang patriarkal na pag-iisip ng mga tao. Ilan lamang sa mga tagumpay ng mga feminist ay ang pagkakaroon ng karapatang bumoto tuwing eleksyon, pagkakatanggap sa mga trabahong sinasabi ay para lamang sa kalalakihan, pagkakaroon ng posisyon sa gobyerno, at marami pang iba. Kung tutuusin ay para itong uri ng isang rebolusyon sa mapayapang paraan. Dahil ang mga kababaihan ay humihingi lamang ng karapatan na nararapat naman talaga para sa lahat. Mangmang lamang ang mga hindi makakita ng ganitong katotohanan. “Ano ka? Diyos?”
Kung iisipin lahat natin ito, ang kabastusan ng mga Filipino ay nagmula pa noon na parang naging tradisyon. Naging tradisyon ba nating mga Filipino ang maging bastos? At upang mabago ito, kailangan nating labanan at puksain ang ganitong tradisyon nang sa gayon ay makamit natin ang kaunlaran at pagbabago.
0 notes
Text
REPLEKSYON SA ANG KAPANGYARIHAN NG WIKA, WIKA ANG KAPANGYARIHAN NI CONRADO DE QUIROS
Ang wika ay kadalasang idinedepina natin bilang isang instrumento upang magkaintindihan ang dalawang indibidwal. Ito ay ginagamit sa pakikipag komunikasyon, pakikipag talastasan at makipagpalitan ng ideya o mensahe, may saysay man o wala. Ngunit parang hindi natin binibigyang pansin o kahalagahan ang iba pang gamit ng wika at ang kapangyarihang dala nito.
Ang wikang Ingles ang sinasabing universal language dahil sa bawat bansang maaari mong puntahan, may mga taong malamang ay marunong magsalita ng Ingles. Ito ang wikang ginagamit ng dalawang indibidwal, magkaiba man ng lahi, upang sila ay makapag-usap at magkaintindihan. Kumbaga, itong wikang Ingles ay ang nagsisilbing tulay upang magkaunawaan ang dalawang taong magkaiba ng lahi.
Noong panahon ng pananakop ng Amerika sa ating bansa, hindi maitatanggi na marami silang karunungang itinuro at ipinama sa ating mga Pilipino. Ginamit nila ang edukasyon upang tayo ay sakupin nang hindi natin namamalayan. Itinuro nila sa atin ang wikang Ingles upang masabi na tayo ay kapantay nila at upang hindi natin maramdaman ang agwat sa estado ng mga Pilipino at Amerikano. Simula noong kanilang pananakop hanggang ngayon, tayong mga Pilipino ay nag-aaral pa rin maging matatas sa wikang Ingles upang matugunan ang standards ng lipunan at makasabay sa iba pang mga bansa o lahing magaling sa pananalita ng wikang Ingles. Maging sa mga paaralan, sinasanay tayong magsalita ng Ingles sa lahat ng pagkakataon dahil sinasabi nilang ito ay magiging advantage o strength natin sa paghahanap ng trabaho sa hinaharap na para bang ito ang batayan ng kagaling ng isang tao o batayan ng kaniyang katalinuhan at kakayahan.
Tunay namang kahanga-hanga ang isang taong mahusay magsalita ng Ingles, pero hindi naman ibig sabihin nito ay lamang o superior na siya sa isang taong hindi matatas sa wikang ito. Hindi ba natin napapansin na nagkakaroon ng diskriminisasyon sa pagitan ng mga taong mahusay sa Ingles at sa mga taong hindi naman ganon ka-husay sa ganitong wika? Sinabi natin kanina na ito ang nagsisilbing tulay upang matawid ang agwat sa pagitan ng dalawang indibiwal pero dahil sa diskriminisasyon na iyon, ito rin ang siyang nagpapalaki ng agwat at nagiging sanhi ng disconnection ng mga tao. Kadalasang ikinakabit natin ang kahusayan sa wikang Ingles sa uri o estado ng pamumuhay ng isang tao. Halimbawa na lamang ay yung katotohanang madalas sa mga estudyanteng nag-aaral sa mga pribadong unibersidad tulad ng Ateno, La Salle, UST at iba, sila yung mga magagaling magsalita gamit ang dayuhang lenggwahe na ito. Sila pa nga yung mga tinatawag na conyo, like parang kapag may narinig tayong mahusay magsalita ng Ingles sa kalsada, iniisip agad natin na baka galing nga sila sa mga unibersidad na ito. At ang tingin natin sa mga estudyanteng dito nakakapag-aral ay galing sa mga mayayamang pamilya. Parang mayroon tayong mindset na mahusay sa Ingles = matalino; mahusay sa Ingles = mayaman. Ang pagkakaroon ng ganitong mindset ay ang siyang patuloy na naglalagay ng gap sa pagitang ng mga tao sa ating lipunan. Pare-pareho tayong nasa iisang bansa pero nang dahil sa lenggwahe ay nagkakaroon tayo ng pagkakawata-watak, lenggwahe na dapat sa atin ay nagbubuklod.
Hindi kailanman naging masama ang pag-aaral ng mga dayuhang lenggwahe ngunit sa aking palagay, bilang isang Pilipino ay mas dapat muna nating pag-aralan at pagyabungin ang ating sariling wika. Wikang sumasalamin sa ating makulay at masaganang kultura at nagbibigay ng pagkakakilanlan sa ating lahi. Pero sa kabila nang lahat ng ito, anuman ang wikang ating gamitin, ang mensaheng ating nais iparating pa rin ang siyang tunay na may dala ng kapangyarihan at may kakayahang makapagpabago ng ikot ng mundo.
0 notes
Text
REPLEKSYON SA EDUKASYON PARA SA IILAN: KUNG BAKIT ASAL-MAYAMAN SI PEDRONG MARALITA NI BIENVENIDO LUMBERA
Sino nga ba si Pedrong Maralita? Si Pedrong Maralita ay isang mahirap na mamamayan na kailangan pang kumayod sa araw-araw para lamang may maipakain sa kaniyang pamilya. Isang tipikal na Pilipino– manggagawa; empleyado; trabahador. Pero bakit siya nag-aasal mayaman kung ganyan naman pala ang kaniyang sitawasyon? Ewan. Siguro dahil sa ito yung itinanim sa kaniyang isipan ng mga makapangyarihan? Siguro dahil ito yung kaugaliang itinuro ng mga nasa itaas sa mga nasa laylayan para hindi magreklamo at manahimik na lang si Pedrong Maralita? Pero sino nga ulit yung mga makapangyarihan? Sila yung mayayaman, sila yung mga matataas ang estado ng pamumuhay sa lipunan. Pero bakit sila yung may kakayahang magdikta at bumilog sa mga isipan ng mga mahihirap gayong higit na mas madami ang bilang ng mga mahihirap kaysa mayayaman? Ganoon ba talaga sila makapangyarihan at nagagawa nilang pamunuan at mapasailalim ang mas madami kaysa kanila? O baka naman dahil hindi marunong magreklamo si Pedrong Maralita dahil sya ay may “False Consciousness”? False Consciousness na itinanim ng mga mayayaman sa mga mahihirap upang maparamdam o mapakita sa kanila na “Hindi talaga kayo mahirap, belong kayo sa amin kaya hindi dapat kayo magreklamo at hindi niyo dapat ami kalabanin.”
Si Pedrong Maralita, na may sakit na False Consciousness, ay nasa loob ng bawat isa sa atin, kung hindi man ng lahat sigurado ako na karamihan. Aminin man natin o hindi, sinubukan na natin isang beses o higit pa magpanggap o umakto ng higit pa sa tunay na estado ng buhay natin. Marahil halos lahat tayo ay pinangarap mapabilang sa mga grupo ng mayayaman, makapag-aral sa mga pribadong paaralan, makapunta sa mga sosyal na pook pasyalan, makakain sa mga restaurant kahit gipit na sa budget. Aminin man natin o hindi, sinubukan nating maabot ang boujee life (boujee = luxurious lifestyle).
Aminado ako na isa ako sa mga taong ganto ang pag-iisip at hindi ako proud sa ganitong pag-iisip ko. Bago magkolehiyo, ginusto kong maapag-aral sa pribadong unibersidad gaya ng University of Sto. Tomas o kaya naman ng Far Eastern University, dahil syempre pribado nga, matik na magaganda ang pasilidad ng kanilang ekwelahan at mataas ang expectation ko na mataas din ang kalidad ng edukasyon doon. Ginusto kong mag-aral doon kasi sila yung mga unibersidad na madalas makita sa mga telebisyon. At kung tatanungin ako ng iba kung saan ako nag-aaral, UST ang maisasagot ko. Oh hindi ba, shala (shala = mayaman).
Naalala ko pa noong high school, first time kong o-order sa Starbucks kasama yung mga kaibigan ko at wala kaming ideya sa mga pwedeng mabili doon at kung magkano ba ang mga presyo ng produkto nila doon. Pero kahit ganon, pumasok pa rin kami, nagpanggap na para bang sanay na sanay na at araw-araw nagpupunta sa Starbucks, at bumili ng tag-iisang kape na hindi lalagpas ng P200 ang presyo, kape na kalasa lang naman ng maaari mong mabili sa tindahan sa mas murang halaga. Isa kami doon sa mga taong kinunan pa ng litrato yung plastic cup na kita ang logo ng Starbucks at may litrato pa kami habang iniinom ito. Napaka-pasosyal.
Hindi naman masamang maging isang Pedrong Maralita. Hindi masamang maghangad o mangarap ng maranyang buhay. Hindi rin dapat tayo makunteto sa buhay na mayroon tayo, dapat patuloy tayong maghangad ng pansariling kaunlaran at panlipunang kaunlaran. Hindi porket nakakasabay tayo sa buhay ng mga nakaka-angat, eh nakaka-angat na rin tayo. Matuto tayong magbukas ng mga mata at magbukas ng isipan upang maging mulat tayo sa katotohanan at kakulangan sa ating buhay na dapat punan.
0 notes
Text
REPLEKSYON SA THE SOCIAL MOVEMENT AND THE CURRENT NATIONAL POLITICAL SCENE NI ANTONIO TUJAN JR.
“Aktibista ka ba?”
“Nagsusunog pa ba kayo ng upuan?”
“Sumasama ka ba sa mga rally?”
Iyan ang mga tanong na madalas kong marinig sa ibang tao at maging sa aking mga kamag-anak magmula nang ako ay pumasok sa PUP upang mag-aral. Binalaan pa nga nila ako na huwag daw makiisa sa mga rally sa lansangan at magpokus na lamang sa aking pag-aaral dahil iyon lang naman daw ang aking pangunahing tungkulin dito sa Maynila. Ngunit kailanman, wala pa akong narinig na nagtanong kung bakit may mga rally na nagaganap, kung bakit may mga estudyanteng nag-aaklas, kung anong karapatan ang kanilang mga ipinaglalaban. Wala ni isa ang nagnais malaman ang punto at panig ng mga taong nakikiisa sa mga kilusang ganito. Wala pang naging interesadong malaman kung bakit nangyayari at kung saan nagmumula ang mga kilusang ganito.
Aminin man natin o hindi, ang mga malawakang kilos protesta ang nakapaglaya sa atin mula sa mga mapang-abusong pamumuno sa ating bansa nina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating Pangulong Joseph Estrada. Ang mga protesta rin ang nagsulong at ang naging daan upang marinig ng masa ang daing ng mga taong naaagrabyado at nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan bilang isang indibidwal, manggagawa o bilang isang kasapi ng pamayanan. Isa itong platform upang maipakita ng mga taong nagigipit ang kanilang tunay na kalagayan sa ibaba at kung ano ang repormang nais nilang makuha, kung ano nga pagtratong nararapat para sa kanila. Naniniwala ako na mabisa itong paraan upang maiparinig sa mga namumuno ang mga hinaing ng mga nasa ibaba, ngunit ito ay nagiging depektibo at nababalewala nang husto kapag nagtataingang kawali ang mga dapat makarinig at ipinagsasawalang bahala na lamang ang kapakanan ng kanilang nasasakupan.
Paano nga ba nagkakaroon o paano nagsisimula ang isang kilusang panlipunan? Ito ay nagmumula sa mga kondisyong panlipunan o mga isyung lipunan na nararamdaman ng karamihan, problema ng karamihan at nararanasan o nararamdaman ng karamihan. Kapag nagpatuloy ang ganitong klaseng kondisyon o problema at hindi nabigyang solusyon ng kinauukulan, dito nagsisimula ang pag-oorganisa ng mga kilusan upang sila ay mapakinggan at mabigyan ng atensyon ang kanilang mga ipinaglalaban. Sa isang kilusang panlipunan isinasaboses ng mga kasapi ang mga problema o isyung dapat bigyang tugon ng mga taong responsable dito. Hindi lamang sila basta nagsusumigaw ng kung anu-ano sa kalye, mayroon silang ipinaglalaban kaya hindi dapat ito binabalewala.
Sa aking palagay, ang isa sa mga aral na maaaring mapulot sa isang kilusang panlipunan ay ang pagkakaisa o pagkakabuklog-buklod ng mga mamamayan. Makikita natin dito kung paano sila nagsasama-sama bilang iisa na may pare-parehong nais makatamnan. Sa isang kilusang panlipunan natin makikita na bagamat mahihirap at salat sa yaman ang mga kadalasang lumalahok, sila naman ay mayaman sa karunungan at lakas ng loob na kanilang ginagamit upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Sila ay mayaman sa karunungan dahil bukas ang kanilang isipan sa mga ganitong bagay at sila ay may kamalayan sa mga pangyayari sa kanilang paligid kaya’t nalalaman nila kung may baluktod ba na dapat ituwid.
Bilang isang estudyante, naniniwala ako na makakatulong ako sa paglulunsad ng pagbabago sa ating lipunan sa pamamagitan ng pagbabahagi ko ng aking mga kaalaman sa iba pang tao. Gagamitin ko ang kaalamang napupulot at itinuturo sa amin sa eskwelahan upang maibahagi sa iba ang kanilang mga dapat pang malaman ukol sa ating lipunan. Tutulungan ko silang buksan ang kanilang mga isipan upang nang sa gayon ay makita rin nila ang mga kamalian sa ating sistema at sama-samang solusyunan ang problemang panlipunan na kinakaharap ng bansa. Hindi lang dapat hanggang Twitter o Facebook nakakarating ang ating mga hinaing, dapat itong makaabot sa mga dapat makarinig, at maririnig nila ito kung tayong lahat na mga bukas ang isipan at malalakas ang loob ay sama-sama at sabay-sabay isasatinig ang mga salitang makakapagpabago ng takbo ng sistema.
0 notes
Text
REPLEKSYON SA ARTIKULO NA TRANSFORMATIVE EDUCATION NI ANTONIO TUJAN JR.
“Mag-aral kayo mabuti para magkaroon kayo ng magandang trabaho, ayan lang ang maipapamana namin sa inyo.” Hindi ko malilimutan nang sabihin ‘yan sa aming magpipinsan ng aming lolo. At dahil hindi naman kami galing sa mayamang pamilya, ayan ang linyang kinalakihan namin at patuloy na ginagamit bilang inspirasyon sa pag-aaral nang mabuti. Marahil ganyan din ang sinasabi ng ibang magulang sa kanilang anak at kung minsan pa nga ay pinipilit o dindiktahan pa sa kursong dapat kuhanin sa kolehiyo para “malaki ang sweldo” kapag may trabaho na, na sa aking palagay ay hindi tama dahil naniniwala ako na mahirap pag-aralan ang isang bagay na wala sa iyong hilig o hindi ka interesado.
Ang mga estudyante naman, ginagawang inspirasyon ang maluluhong bagay para mag-aral nang mabuti. Tulad ko na laging linya ay, ”Gagalingan ko na sa pag-aaral para kapag may trabaho na ‘ko, mabibili ko na ‘to at makakapunta na ‘ko sa kung saan man.” Hindi naman mali ang mangarap at maghangad ng para sa sarili, dahil naniniwala ako na kahit papaano, deserve naman nating i-spoil ang ating mga sarili gamit ang perang pinaghirapan at pinag-ipunan natin nang husto.
Tunay nga namang ginagamit natin ang edukasyon bilang stepping stone sa pag-aabot ng ating mga personal na pangarap at maging ng pangarap ng ating pamilya. Ngunit huwag naman sanang matigil lamang doon ang hangarin. Huwag naman sanang maputol sa sarili at sa pamilya lamang ang hangarin nating kaunlaran at kasaganahan. Bagkus ay gamitin ang edukasyong ito upang mabago natin ang takbo ng mga pangyayari sa ating lipunan na s’yang may malaking epekto sa uri ng pamumuhay natin bilang isang indibidwal at bilang isang parte ng pamilya at komunidad. Gamitin natin itong gamut para masolusyunan ang kanser ng ating lipunan, gawing lunas sa mga sakit na sumisira at nagpapahina sa ating kapaligiran. Gamitin sana natin ang edukasyon bilang daan tungo sa mas maginhawang landas at kapangyarihan o pwersa upang mapuksa ang kahirapan sa ating bansa. Gamitin sana natin ito na hindi lamang sarili ang iniisip, ngunit pati na rin ang ating mga kapwa na may pagkakahalintulad sa ating mga ipinaglalaban at mga nararanasan. Gamitin sana natin ang edukasyon para makamit ang maganda, maayos at pasulong na pagbabagong minimithi ng lahat.
Pero paano nga ba natin ito maisasakatuparan kung ang gobyerno mismo ay hindi ganito ang pagtingin sa edukasyon? Kung gumawa sila ng mga batas na mas naka-pokus sa paghahasa at paghuhubog sa mga estudyante sa pagsasalita ng Ingles? Na ang tanging dahilan nito at patutunguhan ay para maging empleyado at manggagawa ang mga Pilipinong mag-aaral na tutugon sa daloy ng globalisasyon, na tutugon at magiging sunud-sunuran ng mga dayuhang kapitalista o ng mga naghaharing-uri sa ating lipunan. Paano natin magagamit nang husto ang edukasyon kung kulang kulang nga ang mga materyales na magagamit sa pag-aaral at walang kaayusan ang mga pasilidad sa eskwelahan? Kung ang administrasyon ng paaralan ay walang pake sa kanyang mga estudyante at kung ang mga guro ay may hindi sapat na bilang para tugunan ang lahat ng mga mag-aaral? Paano gaganahan ang mga guro na magturo kung sila ay hindi sumuweldo nang sapat habang may mga opisyales tayo sa gobyerno na sobra-sobra ang sweldong natatanggap mula sa taong-bayan pero wala namang nagawa para sa bayan?
Pinagkaitan man tayo sa maraming bagay, gamitin sana nating mga estudyante ang edukasyong ating tinatanggap sa ngayon para buksan ang isipan ng iba sa mga isyung lipunang nabanggit sa itaas at upang ang mga ito ay maipaglaban at maitama.
0 notes
Text
LITERATURA NG URING ANAKPAWIS
Panahon pa lamang ng pananakop ng mga Kastila hanggang ng mga Amerikano sa bansang Pilipinas ay kitang kita na kung paano ipinagkait ng mga mananakop ang mga karapatang pantao sa mga Pilipino. Tanging mayayaman at angat sa buhay lamang ang may kakayahang mag-aral noong panahon ng pananakop ng Kastila kaya’t karamihan sa kabataan ay napilitang maghanap-buhay sa murang edad. Mas marami ring mga manggagawa at trabahadong Pilipino ang nagsisilbi sa mga Kastila, pinagsilbihan na nga ang mga dayuhan sa sariling bansa ngunit tayo pa rin ang lubusang naalipusta at naagrabyado. Bakas dito ang kaisipang mas angat ang mga dayuhang ito kaysa ating mga Pilipino. Noong panahon ng pananakop ng Amerikano naman, nabigyan nga ng pagkakataong makapag-aral ang mga Pilipino ngunit ginamit naman itong daan upang tayo ay mas lalong mapailalim sa kanilang kapangyarihan, ginamit ang edukasyon para ituro ang kanilang kultura at para makalimutan ang sariling atin. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Pilipino ay naging Amerikanisado na hanggang sa kasalukuyan ay halata pa rin at dala pa rin ng nakakarami. Sa ganitong paraan, bumaba ang tingin natin sa sariling kultura at sa ating mga kapwa. Noong nakalaya naman sa hawak ng mga Amerikano, isang pangyayari pa ang gumipit sa mga karapatan ng mga Pilipino. Ito ay ang iproklama ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law na siyang nagtanggal sa mga Pilipino ang kalayaan at karapatan na magsulat o magpahayag ng mga tunay na mga nangyayari sa loob ng bansa sa ilalim ng pamumuno ng pangulo.
Ilang taon na ang nakalipas mula nang makalaya tayo sa mga kamay ng mga mananakop ngunit parang wala pa ring pinagbago ang sitwasyon ng mga Pilipino, lalong lalo na ang mahihirap nating kapwa. Wala nang dayuhan ang sumasakop sa ating bansa pero may mga kapwa naman tayong mataas ang tingin sa mga sarili na siyang sumasakop at nang-aalipusta sa masa, lalong lalo na sa mga mahihirap. At iyon nga ang ipinupunto ng mga manunulat na nabanggit sa artikulong binasa. Ang mga manunulat na ito ay ang mga nagsiwalat ng mga tunay na katayuan sa lipunan ng mga anakpawis. Kung paanong ang mga manggagawang Pilipino, bagama’t ‘di hamak na mas marami sa mga naghaharing-uri, ay napapasailalim, inaalipusta at inaabuso pa rin. Layunin nila gamit ang literatura na maipakita at imulat ang mga mata ng mga mambabasa sa tunay na nangyayari sa karamihan sa ating mga Pilipino.
“Kaya ka mahirap kasi tamad ka.”
”Hindi mo kasalanang ipinanganak kang mahirap, pero kasalanan mo na kapag namatay kang mahirap.”
Ilan lamang iyan sa mga linyang madalas nating marinig sa kung saan. Oo, hindi nila kasalanang ipinanganak silang mahirap. Hindi nila kasalanan na ipinanganak sila na tanging pangingisda, pagsasaka o kung ano pa, ang bumubuhay sa kanilang pamilya. Hindi nila kasalanan na ito lamang ang kabuhayang mayroon sila, kung ito lamang ang nagtatawid sa kanila sa hirap sa araw-araw. Pero hindi rin naman tamang isisi sa kanila ang pagiging hirap sa buhay. At mas lalo mali na tawagin silang tamad dahil hindi sila makaahon sa hirap ng buhay. Sa katunayan, sila nga itong mga halos magkanda-kuba na sa pagtatrabaho para lamang may maipakain sa kanilang mga pamilya, para lamang maibigay ang mga pangangailangan ng mga umaasa sa kanila.
Sa halip na sisihin sila, hindi ba mas dapat natin bigyang pansin kung paano sila matutulungang makaahon? Alam naman natin na ito ay isang trabahong dapat gawin ng ating gobyerno. Dapat nilang tulungan ang kanilang mga nasasakupan, at tuparin ang mga ipinangako nila sa publiko kapag may halala, ang “iahon sila sa kahirapan”. Ngunit sa nangyayari ngayon sa kasalukuyan, yaong mga nasa taas ang mas lalong umaangat at ang mga nasa laylayan ng lipunan ay patuloy ang paghihirap. Nasaan na ang kaunlaran ng nakakarami?
0 notes
Text
SI KRISTO, RONNIE POE, AT IBA PANG “IDOLO”: APAT NA PAGPAPAHALAGA SA DULA AT PELIKULANG PILIPINO
Tunay nga namang hilig nating mga Pilipino gawing pampalipas oras ang panonood ng mga palabas sa telebisyon kasama ang buong pamilya. Pagkagising ka umaga, kasabay ng almusal ang panonood ng balita para sa mga matatanda, at cartoons naman para sa mga bata. Sa tanghalian, nariyan din ang mga nakakaaliw na palabas na siyang nagpapasaya sa mga naiiwan sa tahanan, karamihan sa ating mga nanay o lola. Kasunod pa niyan ang mga teleseryeng talaga namang kinahuhumalingan ng mga manonood dahil sa mga nakakagigil o nakakadalang mga eksena. At sa pagsapit ng hapunan, mayroon na namang ulat ng mga balita habang sabay sabay kumakain sa hapag ang buong pamilya. Iyan ay isa lamang halimbawa kung ano nga ba ang tipikal na senaryo sa isang tahanan ng pamilyang Pilipino na ang panonood sa telebisyon ay naging bahagi na ng ating mga buhay sa araw-araw.
Pero hindi lang naman sa telebisyon madalas nabababad ang ating mga mata at nasasayang ang ating mga oras. Paano naman yung mga taong wala sa tahanan? Yung mga taong walang telebisyon sa trabaho o dormitoryo? Nariyan ang cellphone, laptop, desktop, o kung ano mang device na ating ginagamit na libangan. Magpaload ka lamang at maaaring ka nang maka-access sa internet gamit ang iyong cellphone. Sa ganitong paraan, nakakapaglibang tayo sa mga oras na wala tayong magawang makabuluhan. Sa ganitong paraan, naaaliw tayo habang naghihintay ng pagkain o habang kumakain, habang nasa byahe papunta at pauwi ng trabaho o eskwelahan, habang wala pa yung susunod na guro, o minsan nga kahit kapag pagod na tayo sa mga gawain, pipiliin pa rin natin manood ng mga palabas at sasabihing “Pahinga muna ako, saglit lang naman itong papanoorin ko,” at hanggang sa hindi na natin natapos ang mga dapat gawin dahil tayo ay nahumaling sa pahinga.
Hindi kailanman naging mali ang pag-aaliw at magpalias ng oras, pero napapansin ba natin ang nagiging epekto ng mga palabas na ating pinapanood sa kung paano tayo mag-isip at kung paano nating tignan ang mga bagay-bagay? Naiisip at napoproseso ba natin ang mga mensaheng nais iparating ng mga napapanood natin? Naiisip ba natin kung tunay bang may kahulugan at saysay ang mga ipinapalabas sa telebisyon at mga nakikita at napapanood natin sa internet?
Marahil hindi nating hustong napapansin na dahil sa mga ito, nagigig mapurol ang ating pag-iisip at bumababa ang ating kamalayan sa mga bagay na ating dapat mas pagtuunan ng pansin, mga bagay na mas may kabuluhan at kapakinabangan sa ating buhay. Dahil sa mga napapanood o nakikita natin sa mga teleisyon at internet, nagkakaroon tayo ng standards na hindi naman dapat gawing standards, at dito rin nagsisimula o nauuso ang stereotyping na tinatawag. Halimbawa na lamang sa mga komersyal sa telebisyon, kadalasang ginagawang modelo ang mga mapuputi kaya’t tumatatak sa isipan ng mga manunuod na magaganda ang mapuputi. Dahil dito, nagiging basehan na ng kagandahan ng isang tao ang kulay at kompleksyon ng balat. Isa pang sitwasyon ang pagiging humaling natin sa mga palabas na kung kaya’t naiisip natin na maaari itong mangyari rin sa ating realidad. Na para bang ginagaya na lamang natin ang ginagawa noong bida sa serye na akala natin at umaasa tayo na maaaring ganoon din ang ating kakahinatnan. Ngunit hindi naman tama na gayahin natin ang mga iyon, dahil dito nawawalan tayo ng kahusayan sa paggawa ng sariling desisyon at parang hindi natin pinag-iisipan ng husto ang mga bagay at desisyon na makakaapekto sa takbo ng ating buhay.
Kailangan nating mabuhay sa realidad. Hindi dapat natin iasa at idepende ang lahat ng mga pananaw at prinsipyo natin sa buhay base lamang sa kung ano ang pinaniniwalaan ng iba, sa mga sinasabi ng mga nakakarami at sa kung ano ang ipinapakita ng media. Ngunit dapat natin itong gawaing instrumento para tayo ay makapag-isip ng tama, lubusang maunawan ang mga bagay bagay at magkaroon ng malalim na komprehensiyon sa mga isyu at usaping makakatulong sa pagiging progresibo at kaunlaran ng isang tao.
0 notes
Text
EDUKASYONG KOLONYAL: SANHI AT BUNGA NG MAHABANG PAGKAALIPIN
Alam naman nating lahat na tayong mga Pilipino ay napasailalim ng pamamahala ng mga bansang Espanya, Hapon at Amerika sa loob ng mahabang panahon. Ngunit matapos basahin at suriin ang babasahin, tayo nga ba ay tunay nang nakalaya sa mga kamay ng dayuhang nanakop? Ilang taon na nating iginugunita ang pagiging bansang malaya ng Republika ng Pilinas ngunit tayo ba ay tunay nang malaya kung ang mga naging pinuno ng ating bansa ay hawak ng dayuhan, pinapaburan ang mga dayuhan at itinuturing silang kalahi? Sila ngang mga makapangyarihang pinuno ng bansa ay kanilang nakokontrol, paano pa tayong mga simpleng mamamayan lamang at walang kapangyarihan? Hindi ba’t para tayong sinasakop at sinasakal ng kapwa nating Pilipino sa ganitong kalagayan?
Naging madali ang pagsakop ng Amerika sa ating bansa dahil ibinigay nila sa atin ang matagal na ipinagkait ng mga Kastila – ang edukasyon. Lubos na ninais noon ng mga Pilipino na makapag-aral at maging edukado kaya ginamit itong sangkap ng mga Amerikano upang tayo ay kanilang mapasailalim. Tayo ay kanilang tinuruan at binigyan ng oportunidad at karapatang makapag-aral, na hanggang sa kasalukuyan ay atin pa ring ginagamit. Sila rin ang nagtatag kay Jose Rizal bilang ating Pambansang Bayani. Tinitingala siya ng lahat dahil siya ang sinasabing bayani na ang ginamit lamang na sandata at armas sa pakikipaglaban para sa ating kalayaan ay ang kanyang pluma, kagalingan sa pagsulat at ang pagiging edukado. Marahil ito rin ang itinanim nila sa ating mga isipan na kaya kailangan nating maging edukado at makakuha ng mataas na antas ng edukasyon dahil ito ang magdadala sa atin sa katanyagan.
Sa kasalukuyan, ginagamit pa rin nating ang sistema ng edukasyong iniwan sa atin ng mga Amerikano ngunit maaaring ito rin ang sistemang bumubulok sa ating sariling kaunlaran bilang isang bansang malaya. Isinubo sa atin ang sistemang ganito para tayo ay maging Amerikanisado, makuha ang kanilang kultura nang hindi natin namamalayan at para tayo ay kanilang patuloy na maging kontrolado. Ito ay sistema ng edukasyon na naghahanda sa atin para sa pagtatrabaho at tinuturuan tayo kung paano maging empleyado, hindi upang mamulat sa kung ano nga ba ang nangyayari sa kapaligiran at sa kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng kaunlaran. Kumbaga, tinuturuan nila tayong maging sunud-sunuran sa mga taong matataas ang kalagayan sa buhay na siyang wala naman o maaaring katiting lamang ang dulot na kaunlaran sa ating sariling mga personal na buhay.
Sa aking palagay, ang pinaka signipikong trato ng pagiging Amerikanisado nating mga Pilipino ay ang mindset na kapag ang isang tao ay matatas sa wikang Ingles, siya ay pinapangalanan agad bilang mayaman at matalino. Halimbawa, sa isang argumento ay may narinig tayong ang husay sa pagsasalita ng Ingles, parang karamihan sa mga reaksyon ng tao ay, “Wow, ang talino niya.” Ngunit hindi dapat lamang ito ang maging basehan ng kagalingan ng isang tao, dapat din nating busisiin at lubusang unawain ang mensahe ng kaniyang sinabi at ang basehan ng kaniyang sinabi. Hindi dapat tayo magbase lamang sa lenggwaheng ginamit, bagkus mas dapat nating pagtuunan ng pansin ang mensahe at kaisipang nakabalot dito at ang kahalagahan nito sa kaunlaran ng komunidad. Ang lenggwaheng ito ay hindi natin dapat gawing standard ng antas sa buhay at katalinuhan ng isang tao.
1 note
·
View note
Text
MISEDUKASYON
Ilang taon na ang nakalipas matapos mailagay sa YouTube ang dokyumentaryong Misedukasyon ng IBON Foundation, ngunit may mga bagay pa rin na hindi nagbago at naiiba sa mga kaganapan sa lipunan ng taong kasalukuyan. Marahil kung hindi man lahat tayong mga estudyante, halos lahat sa atin ay naghahangad na magkaroon ng oportunidad at karapatan na makapag-aral upang makapagtapos dahil ito ang sa tingin natin ang ating magiging asset para makakuha ng magandang trabaho. At naniniwala tayo na ang kung ang isang tao ay may magandang trabaho, maganda rin ang kita nito at ito ang tutulong sa atin makaahon sa hirap at upang matustusan ang mga sariling pangangailan. Ngunit bakit parang ang hirap makuha ng edukasyong mataas ang kalidad at libre mula noon maging hanggang ngayon? Bakit hanggang ngayon pilit pa rin nating ipinaglalaban ang ating dapat na karapatan?
Noon, ipinaglalaban ng mga estudyante ang mababang matrikula sa mga paaralan. Ipinapahinto nila ang sunod sunod na pagtaas ng matrikula dahil na rin siguro sa kahirapan. Ngayon, patuloy pa rin ang laban ng mga estudyante para naman sa libreng edukasyon para sa lahat. Oo nga at wala na tayong binabayarang matrikula sa mga State Universities and Colleges, ngunit naging pahirapan naman ang pagpasa at pagiging kwalipikado sa mga paaralang kabilang dito. Marahil ito sa kadahilanang limitado lamang ang slots sa bawat kurso sa bawat paaralan dahil limitado lang din ang perang nilaan ng ating gobyerno sa sektor na ito.
Masaya ako dahil nakapasa ako sa paaralan na may libreng matrikula at isa ako sa mga tinatawag na Iskolar ng Bayan, ngunit paano naman ang mga hindi pinalad na makapasa lalo na kung hindi naman nila kaya makapag-aral sa pribadong unibersidad? Hindi ba nakakalungkot din isipin na may mga estudyanteng napipilitang tumigil pansamantala upang unahin ang pagtatrabaho para makaipon ng pera para sa pag-aaral, na may mga magulang na gumagapang sa hirap para lamang mapag-aral at mapagtapos ang kanilang mga anak? Lingid pa sa kaalaman ng nakararami ay maraming pa rin ang mga Pilipinong hindi nabibigyan ng oportunidad na makapag-aral lalo na sa mga lugar na malayo sa sibilisasyon at nalulugmok sa kahirapan. Kabilang sila sa mga dapat pagtuunan ng pansin n gating pamahalaan at ang mga ito ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit tayong mga estudyante ay dapat magpatuloy sa pakikipaglaban para sa libreng edukasyon para sa lahat ng mga Pilipino.
Ang isa pang isyu na aking napansin sa bidyong napanood ay ang pagkakaroon ng diskriminisayon sa mga estudyante o mga aplikanteng naghahanap ng trabaho na kung saan ang mga kumpanya ay nagbabase kung saang kolehiyo o unibersidad ka nagmula. Nagkaroon ng hindi patas na pagtingin sa mga estudyante o aplikante dahil mas binigyang pabor ang mga nakakapag-aral at nakapagtapos sa mga unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University at University of the Philippines. Nakakalungot lang isipin na hindi ka na nga nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa isang tanyag at kilalang unibersidad, hindi ka pa nila bibigyan ng pagkakataon na mapatunayan ang iyong galing at kakayahan magtrabaho dahil lamang sa iyong paaralang pinanggalingan. Hindi dapat dinedepende at binabase ng mga kumpanya ang kakayahan ng isang tao sa paaralang kanyang pinaggalingan, bagkus dapat ang lahat ay mabigyan ng patas na pagtingin at pagkakataon para magpamalas ng galing.
1 note
·
View note