Tumgik
ibarrajonalyn-blog · 5 years
Text
Nakaupo ako sa harap ni mama, ngayon ko na lang siya makakausap dahil sa sobrang busy ko sa school. Halos mag iisang buwan ko na siyang hindi nabibisita. Nakokonsensya ako kaya nung nagka oras ay pinuntahan ko siya
"Kumusta ka na ma?" tanong ko.
"anak may ikukwento ako sa iyo" masaya at excited nitong sabi. Ngumiti at tumango na lang ako kahit hindi niya sinagot ang tanong ko at nagsimula siyang magkwento.
"pumunta ako sa isang isla kagabi, maganda dito at payapa, walang gulo, mababait din ang mga tao, hayop at pati ang mga puno" panimula nito.
"Nagulat nga ako at biglang nag iba ang damit ko, yung parang sa fairytale na may pakpak at bigla din akong lumipad papunta doon sa islang lumulutang. Mula sa itaas ay kita ko ang ganda at kulay ng lugar, kahit gabi na ay kitang kita ko pa rin ang mga makukulay na suot ng mga tao dito, kagaya ng saakin, kumikinang din ito sa ganda. Nakakaakit ang kapaligiran madaming hayop at mga punong nagsasalita at binabati ako habang naglalakad. Nakakatuwa"
Habang nagkukwento siya ay naramdaman ko ang init sa aking mata. Naalala ko noon nung bata pa ako, kinukwentuhan niya kami ng kapatid ko bago matulog, madalas ganito ang mga kwento sa libro na binabasa niya sa amin.
"Habang naglalakad ako ay nakita ko si Angela, hindi ko alam na andoon din pala siya kasama niya yung kaibigan niyang pusa na nagsasalita"
At naramdaman kong may pumatak na butil sa aking mata.
"Niyakap ko siya ng mahigpit kasi ang tagal na naming hindi nagkita, ang ganda talaga ng kapatid mo, sabihin mo naman sa kanya na bumisita naman siya dito, tapos pupunta ulit kami doon sa isla"
Tumango na lang ako at nakinig ulit sa kwento niya, tinititigan ko lang siya hinayaan na magpatuloy sa kanyang pagkukwento.
"Nagkantahan pa kami ng kapatid mo at ng kaibigan niyang pusa"
nagulat ako at biglang tumayo si mama at akmang sisigaw
"Romeo save me somwhere we can be alone..."
At nagsimula siyang kumanta ng napakalakas. Ito ang paboritong kanta ng kapatid ko, madalas nya itong kantahin sa videoke. Sa sobrang lakas ng pagkakakanta ni mama ay naagaw nito ang atensyon ng mga tao sa paligid. Nagsimulang pumunta ang mga tao sa amin upang awatin si mama pero patuloy pa rin ito sa kanyang pagkanta.
"Maam, dadalhin na po namin siya sa kwarto para makapag pahinga" sabi ng isang nurse sa akin.
Tumango ako habang ramdam ko ang pagtulo ng aking mga luha. Patuloy pa rin siya sa pagkanta niya habang dinadala siya sa kanyang kwarto. Nang tuluyan na siyang nawala sa paningin ko ay umalis na rin ako. Habang palabas ay naalala ko ang lahat 3 taon makalipas, nagdadrive si papa sa aming sasakyan, kasama si mama na nasa tabi niya, ako at ang aking kapatid na si Angela sa likod. Birthday ito ni Angela at gusto niya na pumunta kami sa enchanted kingdom, kaya yon ang ginawa namin, sobrang saya noon at madaling araw na kami nakauwi, umuulan at halos madilim pa sa daan nang mga oras na iyon, biglang nawalan ng preno ang aming sasakyan at nabangga kami sa isang puno. Tatlong taon na ang nakalipas pero sariwa pa din sa utak ko ang lahat. Himala na lamang na nakaligtas ako at si mama, pero si papa at Angela ay nawala nung araw na iyon. Hindi kinaya ni mama ang lahat ng sakit ilang buwan siyang tulala at wala sa sarili pagkatapos ng pangyayaring iyon. Noong nag isang buwan ay dumalaw kami kina papa at Angela sa sementeryo kasama ang aking mga tita at tito, nagulat kaming lahat dahil may kinakausap si mama sa hangin, lumingon siya sa amin at sinabi na bumangon daw si Angela sa kanyang libingan habang tinuturo ang kawalan sa tabi ng puntod nito. Pagkatapos nito ay lagi nang tumatawa si mama mag isa at tila may kinakausap. Tuluyan na akong nakalabas at hindi pa ako nakakalayo ay muli kong tinanaw ang mataas na gusali sa likuran ko, gusali ng isang ospital, ospital para sa mga may diperensya sa pag iisip.
4 notes · View notes
ibarrajonalyn-blog · 5 years
Text
Snowglobe
"Sir, inaantay na po kayo sa hapagkainan" agad akong nagising dahil sa lakas ng sigaw at katok nito. Bisperas na pala ng pasko, isang kakaibang araw para sa akin, bumangon ako mula sa malambot na kama, pinagmasmasdan ang muwebles sa bawat sulok ng kwarto, inaamoy ang mga mababangong bulaklak mula sa hardin na noon ko lamang naamoy. Dahan dahan akong bumaba papuntang kusina at doon ay nakita kong nakahain sa mahabang lamesa ang mga paborito kong pagkain. Mukhang masasarap kaya naman ay dali dali akong umupo kasama ang aking pamilya, na nakapagtataka dahil tila isang ordinaryong araw lamang ito para sa kanila. Hinayaan ko na lamang at saka ako nagsimulang kumain nang kumain nang kumain, grabe ang sarap pala ng manok!. "hindi ba't sasamahan mo akong bumili ng mga panregalo?" ani ni mama. Pagkatapos mag almusal ay naligo na ako upang samahan si mama mamili. Ginamit ko ang shower, ang sarap sa pakiramdam kaya medyo natagalan pa ako. Sa byahe ay binuksan ko ang bintana habang nakasilip sa labas, nakakatuwang pagmasdan ang mga naglalakihang bahay malapit sa aming subdivision. Sa mall, habang naglalakad ay nakita kong papalapit saamin ang isang magandang babae. "oh Cassie, sinong kasama mo?" "ah ako lang po tita, bibili po sana ako ng pangregalo para sa boyfriend ko" sabay tingin sa akin na nakangiti. Nagulat ako magkakilala pala sila ni mama. Hindi na lamang ako nagsalita. Sobrang nakakatuwa dahil ang dami naming pinamili, sa sobrang pagod ay kumain na muna kami, nagkukwentuhan sina Cassie at mama na tila ang tagal na nilang magkakilala habang ako ay ineenjoy ang masasarap na pagkain, minsan lang naman ito kaya hinayaan ko sila. Pagkatapos ay nagpasya na kaming umuwi at si Cassie ay nagpaiwan para daw bumili ng regalo, ayaw ko pa sanang umuwi dahil magpapalamig pa ako sa mall pero sabi ni Cassie ay umuwi na daw ako. "Boy nasan ka? andito kami sa tapat ng mall", si mama habang tinatawagan ang aming driver. Pauwi na kami nang biglang pumreno ng malakas si mang boy, "ano iyon?" tanong ni mama na napasigaw sa gulat. "may itim na pusa po kasing dumaam maam". Bigla akong kinabahan, malas daw ang pusang itim sabi nila. Pagkauwi ay nakita naming may basag ang snowglobe na ipangreregalo sana namin, dahil siguro ito sa biglang pagpreno ni mang boy kanina. Sayang at ang ganda pa naman ng design sa loob, may 'Perfect Christmas' pa na nakasulat. Nabasag din daw ang screen ng cellphone ni mang boy. Umakyat na ako sa aking kwarto, at humiga sa aking malambot na kama. Nakakaexcite dahil una kong beses na mararanasan ang paskong pinapangarap ko. Mga regalo, mga masasarap na pagkain at malaking chirstmas tree kasama ang malaki kong pamilya. Hindi na ako makapaghintay! Isang napakasaya at nakakapagod na araw, kaya't nakatulog ako.
"Anaaaak, ano na? bumangon ka na jan at sasamahan mo pa akong maglako sa palengke". Panggigising sa akin ni mama, madalas ito na ang alarm clock ko, minsan naman mga batang hambog dito, minsan ay yung away ng mga kapitbahay. "Kailangan natin ng pera para bukas may panghanda tayo" dagdag nito. Agad bumungad sa akin ang mababahong tambak ng basura sa likod ng aming bahay, at mga kapatid kong natutulog pa sa aking tabi. "Bumangon na ka na!" utos nito. Sa daan ay natatanaw ko ang mga kabahayan na punong puno ng palamuti at mga taong abala sa paghahanda at pamimili ng masasarap na pagkain, napapangiti ako pero hindi ibig sabihin ay masaya. Kaagad naubos ang aming panindang ampaw. Habang naglalakad pauwi ay may napansin ako sa likod ng aming bahay, isang bilog at babasaging bagay at may sira sa gilid. Halos sira na ngunit mababasa mo pa ang nakasulat sa loob na 'Perfect Christmas'. Sa bagay na ito ay may naalala ako. Pinagmasdan ko at doom ay may nakita akong isang repleksyon, repleksyon ng isang lalaking umiiyak.
0 notes
ibarrajonalyn-blog · 5 years
Text
Mga kwento ni Jun Cruz Reyes
'Utos ng Hari', 'Doon po sa amin' at 'Kwento ng mga Pobre' ay mula sa malikhaing pagsulat at pag iisip ni Jun Cruz Reyes. Sino nga ba siya? Si Jun Cruz Reyes o "Amang" ay isang tanyag na manunulat, pintor, sculptor at filmmaker na nagtapos ng Political Science sa UP Diliman noong Dekada 70. Sa panahong ito ay matindi ng aktibismo sa pamamahala ni Marcos, isa sa mga lumalaban sa pamahalaan si Jun Cruz Reyes, isa siyang aktibista. Kung kaya't hindi nakapagtataka na ang mga kwentong ito ay tumatalakay sa isyu ng panlipunan. Sa unang kwento ay naipapakita dito ang estudyanteng pasaway na si Jojo, dito ay nakakulong siya sa mapaniil na sistema ng institusyon. Maiuugnay ito sa sistema ng gobyerno na kung saan ang mga tao ay mistulang mga estudyante na pilit sumusunod sa sistemang hindi naman naaayon para sa lahat. Ang ikalawang kwento ay tumatalakay sa diskriminasyon sa pagitan ng mahihirap at mayayaman, marxismo ika nga. Paggamit ng kapangyarihan laban sa mga mahihirap. Ang ikatlo nama'y kwento ng mga mahihirap, na binigyan ni Jun Cruz Reyes ng iba't ibang mukha, na ang kahirapan ay hindi lamang iisang konsepto kundi madami. Sa klaro at diretsong paglalarawan ni Jun Cruz Reyes dito ay tila makukuha mo agad ang menshe ng kwento pero sa mababaw na kwentong ito ay may malalim na pinanghuhugutan, hindi lamang iisang tao ang pinagtutuunan ng pansin dito, halimbawa na lamang ni Jojo, hindi lamang sarili niya ang inirerepresenta nito, kundi ang buong Pilipino, ang mga Linda, mga Nelson, mga Mon na nirerepresenta ang mga mahihirap. Pasimpleng atake para sa pamahalaan ang ginawa dito ng manunulat.
Sinabi ni Jun Cruz Reyes sa 'Kwento ng mga Pobre' na ang dahilan ng kanyang pagsulat ay gusto niyang may makarinig sa kanya, tila napakababaw na dahilan ngunit sa panahon noon ay limitado ang kanilang kalayaan sa pagsasalita kaya idinadaan na lamang niya sa pagsulat ang nais niyang sabihin, hangad din niyang mapayabong ang tinig o diskurso na naglalarawan sa kalagayan ng lipunan. Kung kaya't ayon sa kanya "Writing is Power" na kapag nagsimula ka nang magsulat ay maririnig ka kahit hindi ka nagsasalita, mabubuhay mo ang tao sa paraang hindi mo namamalayan at maiimpluwensyahan mo ang iba. Nagsusulat siya hindi dahil siya ay manunulat kundi dahil gusto niyang mapakinggan ng mga taong nais niyang makarinig sa kanya. Sa bawat akda ay may kanya kanyang target ang mga manunulat, dito ay nais niyang mabasa ito ng taong biktima ng sistema sa lipunan kung kaya't ang paraan ng kanyang pagkukwento at ang mga gamit niyang salita ay lengguwahe ng masa, kumbaga balbal. Sinabi ni Jun Cruz Reyes mas magandang gamitin ang lengguwaheng masa para mas maka relate ang kanyang mambabasa. "May mga ilan kasi kung magsulat akala mo gumagawa ng term paper. Sa hirap basahin, wala nang nagbabasa nito." Pag gumamit ka ng salitang hindi maiintindihan ng target mo, mawawala ang purpose ng pagbabasa, ang makipag ugnay o makipag usap sa mambabasa. Nakakatuwa rin basahin dahil parang kinakausap ka ng may-akda. Patunay nito ang kwentong 'Doon po sa amin' kung saan ay parang baliw na nakikipag usap ang isang mensahero sa wala, ngunit hindi mo alam na ikaw mismo ang kanyang kinakausap. Mga akdang makapagpapamulat sa iyo sa katotohanan tungkol sa lipunan. Magandang basahin? Ano sa palagay mo?
0 notes
ibarrajonalyn-blog · 5 years
Text
Lohika ng mga bula ng sabon ni Luna Sicat-Cleto
Sa pamagat pa lamang ng teksto ay mapapaisip ka na kung anong klaseng kwento ang ipapakita sa atin ng may akda. Masyadong malalim at wala akong maisip na pwedeng maging laman ng teksto kung kaya't sinimulan ko itong basahin. Matapos basahin ay napatanong ako, 'Sino si Sandali? Tao ba ito? Alagang hayop? O baka naman bagay?', para akong naglalaro ng pinoy henyo sa mga tanong na ito. Nakakabaliw, nakakalitong basahin ang tekstong ito lalo na sa akin na hindi mahilig magbasa, tanging may malalim na pag unawa lamang ang makakaintindi nito. Kaya kung sa tingin mo ay matalino ka, para sa iyo ang 'Lohika ng mga bula ng sabon'.
Naiiba ito sa lahat ng aking nabasang akda; 'kasal', 'dangal' at 'kubeta' mula sa paraan ng pagsulat, sa porma, laman at tema nito. Masasabing naging malikhain ang pagsulat ni Luna Sicat Cleto gumamit siya ng mga salitang matatalinhaga na nagbibigay timpla sa kwento ngunit ang mga salitang ito ang siya ring nagpapagulo nito. Isa pang dahilan ng hindi ko pagkakaintindi ay ang porma ng teksto na kung saan ay hindi mistulang kilala ni Luna si tuldok. Ang isang talata ay naglalaman lamang ng isa o dalawang pangungusap kung kaya't naging magulo para sa akin ang nais niyang iparating. Kawalan ng direksyon sa kwento ang isa rin sa mga dahilan, naging liko liko ang paraan ng pagkwento kung kaya't nagkabuholdin ang aking ideya ng interpretasyon.
Dahil sa hindi ko maintindihan ang teksto ay nagbasa ako ng mga review sa internet tungkol dito. Dalawang isyu ang tinatalakay sa teksto, una ay ang isyu ng konseptong femenismo na kung saan ay iniiba ng may akda ang tradisyunal na pag iisip patungkol sa mga kababaihan. Mag-aaral, mag aasawa, manganganak at mananatili sa bahay hanggang sa mamatay ang isang tradisyunal na buhay ng isang babae. Nakaugat na sa ating mga Filipino na ganito ang buhay ng babae at ang lalaki naman ang magtatrabaho para sa pamilya. Dito ay pinilit niya na ipakita ang pagiging iba ng kababaihan, pinilit niyang baguhin ang takbo ng kanyang buhay bilang babae, nagtrabaho para sa pamilya at namuhay mag isa ngunit kaakibat nito ang isa pang isyu na tinatalakay sa teksto, ito ay ang depresyon o kalungkutan, dahil sa pagbabago ng bihis ng kababaihan ay pangungulila ang naging resulta. Dumaranas ng kalungkutan ang tauhan sa teksto ngunit mayroon siyang kaibigan, si Sandali. Sinasabi dito na si Sandali ay ang panahon na kung saan ay nakakalaya siya sa kalungkutan na dala ng buhay. Si Sandali ay madalas dumalaw sa kanya, kapag nariyan siya ay naipapakita ng tauhan ang kanyang tunay na pagkatao. Sinabi dito na kapag dindalaw siya si Sandali ay nagsisiping sila, naghuhubad at nag uumpisang maglayag, maaaring sa sandaling panahon na nakakalaya siya sa kalungkutan ay naipapakita niya ang tunay na pagkatao niya. Si Sandali ang kanyang imaginary friend, lover at enemy.
Sa tekstong ito ay binigyan ng bagong timpla ang pagpapahiwatig ng isyung femenismo at depresyon, hindi siya literal na naghahayag ng mga isyu kundi ay binigyan niya ng kakaibang katauhan ang mga karakter sa teksto. 'We write to become other than what we are'. Sa puntong ito ay naging matagumpay ang may akda sa nais niyang pagbabago ng perspektibo.
0 notes
ibarrajonalyn-blog · 5 years
Text
Kubeta ni Nancy Kimuell-Gabriel
Mabaho, madumi, nakakadiri, mga bagay na talagang mararamdaman mo kapag binasa mo ang kwentong 'kubeta' ni Nancy Kimuell-Gabriel. Dito ay idenetalye ng buo ng awtor ang kanilang kubeta sa Tondo. Kung iniisip mo na nakita mo na ang pinakamaduming, ay nagkakamali ka, sa kwentong ito ay masasaksihan mo ang pinakamadumi at pinakamabahong kubeta sa buong buhay mo. Talagang maaamoy at makikita mo ang kubetang kanyang inilalarawan. Hindi mo gugustuhing basahin pero kailangan dahil kapupulutan mo ito ng realisasyon, yung tipong mapapa "oo nga no" ka na lang habang binabasa ito. Sa kwentong ito ay may ipinapaglaban ang awtor na si Nancy tungkol sa kalagayan ng mga palikuran hindi lamang sa lugar nila kundi sa buong bansa.
Nagsaliksik ako tungkol sa awtor, kung personal bang naranasan niya ito ngunit wala akong makitang mga article tungkol dito pero masasabi kong totoo ito, hindi man sa buhay ng awtor ngunit sa buhay ng iba. Karamihan sa atin ay dumaranas ng ganitong uri ng siatema na kung saan ay naghahati hati ang ilang kabahayan sa isang lugar sa iisang palikuran. Ngunit ang iba ay swerte dahil mayroon silang maayos na suplay ng tubig sa kanilang lugat kung kaya naman ay napapanatili nila ang kalinasan ng kanilang palikutan ngunit nakalulungkot isipin na ang iba ay minalas, gaya na lamang sa kwento.
Naaalala ko noong mga sampung taong gulang pa lamang ako ay nakaranas ako ng ganitong uri ng sistema, kung saan ay kinakailangan mong maghintay bago mo mailabas ang tawag ng kalikasan, ngunit sa estado ko ay maayos ang aming palikuran noon, may tubig, kumpleto ang gamit sa loob ng kubeta at simentado and pader nito. Masasabing mahirap ang ganitong uri ng sistema, paano pa kaya yung karanasan sa kwento?. Kung iisipin ay talagang maawa ka sa kalagayan ng pamilya at sarili mo.
Maging sa mga paaralan ay nararansan natin ito. Wala namang paaralan na bibigyan ka ng sarili mong kubeta kahit na nasa pampribado ka pa. Kinaibahan nga lang ay higit na mas malinis ang sa mga pribado kaysa sa mga pampublikong paaralan. Sa kabilang banda, Sa napapanahong isyu sa sintang paaralan , ang pagbabago o pagrerebisa sa student handbook. Nakapaloob dito ang pagtaas ng GWA sa mga latin honors, paghihigpit sa dresscode at iba pa. Maraming nagprotesta at nagalit sa planong pagbabagong ito, sinasabi na bakit hindi nila unahin ang pag aayos sa mga pasilidad katulad ng palikuran sa PUP. Masasabing pili lamang sa paaralan ang may magandang palikuran, hindi nalilinisan ng maayos ang iba sa mga ito. Marahil sasabihin nila na nasa aming estudyante ang pagpapanatili ng malinis na palikuran dahil wala namang kaming binabayaran na tagalinis, may katwiran, ngunit paano naman magagawa ito kung walang mga gamit na panlinis kung minsan pa ay walang tubig. Maraming mga estudyante ang nagtitiis na lamang dahil marumi ang mga palikuran at mula dito ay maaari silang magkasakit. Masasabing malaki ang papel ng malinis na palikuran sa atin lalo na sa ating kalusugan.
Naging mabaha ang kwentong ito dahil kinuwento niya ang lahat ng kanyang karanasan sa iba't ibang uri ng palikuran na kanyang nagamit at marahil na rin sa detalyadong paglalarawan niya sa kubeta nila sa Tondo, na nakakapanindig balahibo kung kaya naman ay sadyang nakakabagot para sa akin na hindi mahilig magbasa. Ngunit sa kabilang banda, gaya ng sinabi ko sa simula ay talagang ramdam mo na nandon ka mismo sa kanilang lugar habang binabasa ito, patunay lamang na naging epektibo siya bilang isang manunulat. Tila isang panawagan ito sa ating gobyerno patungkol sa kalagyan ng palikuran sa ating bansa.
0 notes
ibarrajonalyn-blog · 5 years
Text
Dangal ni Norman Wilwayco
Ang tao bumibigay kapag pera na ang pinag uusapan, kaya ibenta ang lahat para sa malaking halaga ng pera.
Dangal, puri, pagkatao, ilan lamang sa mga bagay na iniingatan natin ng husto. Iniingatan mula sa mga tao o anumang bagay na makakasira nito, lalo na ang mga taong may higit o kilalang pangalan. Sa kwentong 'Dangal', alam ng tauhang si Chris kung paano sirain ang bagay na pinakaiingatan mo. Dito ay nasira niya ang magandang pangalan na binuo ni Marissa sa kanilang paaralan. Masasabing maraming tao ang kayang ipagbili ang kanilang dangal, ngunit mayroon namang mga tao na hindi, sa kwentong ito ay ipinakilala si Marissa bilang isang matalino, mahinhin, malumanay, mabait at maganda, masasabing hindi niya kayang ipagbili ang kanyang dangal ngunit sa dulo ay bumigay siya sa halagang 1.1 milyon. Sino ba namang hindi masisilaw sa ganito kalaking halaga? Para sa akin maaring may dahilan si Marissa kaya niya ito nagawa, may malalim na dahilan kung saan kinakailangan niya ng malaking halaga ng pera kung kaya't nagawa niya ito. Dahil sa kwento ay hindi nabanggit ang dahilan, hindi din nagkaroon ng kwento sa perspektibo ni Marissa at hindi nasundan ng iba pang pangyayari ang pagmura, paglait at pag iwan ni Chris kay Marissa. Masasabi kong naging bitin ang kwentong ito dahil ang dulo ng kwento ay tila papataas na aksyon pa lamang para sa akin.
Maganda ang porma ng kwentong 'Dangal', naging madulas at klaro ang daloy ng kwento, tradisyunal din ang ginamit na paraan ng awtor sa pagsulat nito kung kaya naman ay nakakawiling basahin. Batay naman sa mga salitang ginamit ay masasabing naging diretso ang awtor, kung ano ang nais niyang sabihin ay isinulat niya, kahit pa ito'y magiging bastos o masama sa pandinig ng mga tao lalo na sa mga bata. Ngunit sa kabila nito ay talaga namang dumagdag sa emosyon na nais iparating ang mga salitang ganoon na ginamit. At higit sa lahat ay binasag nito ang isip ng tao sa magiging katupasan ng kwento, kumbaga binigyan niya ito ng kakaibang pagtatapos na hindi namin inaasahan, at para sa akin ito ang pinaka sikreto ng magandang kwento. Yung para bang matutuwa kang tapusin dahil gusto mong malaman yung magiging dulo ng kwento at yung parang magugulat ka dahil hindi mo iyon inaasahan. Tradisyunal man ang paraang ginamit ay hindi naging predictable ang katapusan.
Pasok dito ang teoryang marxism na kung saan ay ipinapakita ang pagkakaroon ng diskriminasyon sa pagitan ng mahihirap at mayayaman, ipinakita din dito kung paano tratuhin ang mga mahihirap dahil sa estado nila sa buhay. Ngunit nang ang tauhang si Chris ay biglang yumaman ay bigla ring nag iba ang trato sa kaniya ng mga tao, masasabing malaki ang impak ng pera sa pagtingin ng tao sa iba, kung mayaman ka, maganda ang pakikitungo sa iyo, ngunit kung hindi ay wala ka. Napapanahon at kita ang ganitong uri ng sitwasyon sa lipunan natin ngayon at maging noon at nakakalungkot isipin na marami ang ganito, na ang batayan ay ang karangyaan sa buhay. Pag may pera ka, makapangyarihan ka.
0 notes
ibarrajonalyn-blog · 5 years
Text
Kasal ni Eli Rueda Guieb III
Kung titignan ang pamagat ng maikling kwento na ito ay matutuwa kang basahin, marahil ay kikiligin din dahil nabubuo sa iyong isipan na tungkol ito sa dalawang taong nagmamahalan. Dalawang taong masayang nagsasama, mga tipikal na kwento ng mag asawa kumbaga. Ngunit sa mensahe ng kwento ay tila kabaligtaran nito ng aking naiisip. Sa pagsisimula ng kwento, masasaktan ka na agad sa binitiwang salita ng lalaki sa kwento, napakalalim at napakasakit na kung broken hearted ka ay siguradong madudurog ka. Hindi ko rin maiwasang maging malungkot dahil punong puno ng hugot ang buong kwento. Ika nga, ang panitikan ay tungkol sa karanasan ng tao, kung kaya naman ay naisip ko na marahil ay buhay ito ng awtor na kinuwento at itinago lamang niya sa ibang tauhan. Marahil ay siya mismo ang lalaking nagkukuwento kung kaya't hindi niya ito pinangalanan.
Hindi ordinaryo o tradisyunal ang paraan ng pagkukwento sa akdang ito. Nagsimula ang awtor ng pagkukwento sa dulo, kung saan naghiwalay na ang mga tauhan, kaya naman ay medyo naguluhan ako sa simula ng kwento, dagdag pa dito na walang ipinakilalang tauhan sa umpisa ng kwento. Ngunit nang tumagal ay unti unting lumabas ang mga ito at dahil dito ay unti unti ding lumilinaw ang kwento. Naging malinaw din ito dahil sa pagsisingit ng awtor ng kwentong may kaugnay dito, gaya na lamang ng mga kwento ng pagkakakilala ng lalaki at ni Joanne, pagpasok ng ibang tauhan gaya nina Michael at Lizette, pagkamatay ng kanilang anak at mga pangyayari bago sila maghiwalay. Maikli ang kwento ngunit naging mahaba ang pagsasalaysay nito, dahil sa detalyadong paraan ng pagkukwento ng awtor. Bawat paggalaw at paghinga ng mga tauhan ay talagang naisasalaysay.
Masasabing hindi na bago ang ganitong uri ng istorya, mga mag asawang naghihiwalay o pagkakaroon ng ibang karelasyon habang nasa isang relasyon, ngunit sa kwetong ito binigyan ng awtor ng kakaibang paraan ng paghihiwalay, kakaibang emosyon na mararamdaman at kakaibang timpla ang kwento. Binago nila ang konsepto ng pahihiwalayan, na hindi lahat ay kailangang maging masakit, malungkot at nakakaiyak. Na hindi din lahat ay kailangang daanin sa sakitan bago ang hiwalayan. Medyo nakababagot nga lang basahin dahil sa detalyadong pagkwento dito, pero dumagdag ito sa emosyon at damdamin na nais iparating ng kwento.
Sa ikatlo at ikaapat na talata ay may binanggit ang awtor;
"Hindi naman siguro mahirap intindihin ‘yon. Dahil maraming bagay sa mundo ang hindi pwedeng bigkisin sa mga kontrata ng relasyon. Iisa lang naman ang batas ng relasyon, pagmamahal. Kapag iyon ang nawala, wala na ring silbi ang katotohanan ng mga kontrata. Ang tanging katotohanang naiiwan ay ang pait ng pinawalang-bisang kontrata.
At kahit na anong pagkakait ang gawin, kahit na anong pagkukunwari ang ipantapal, kung talagang wala na ang pagmamahal, anuman ang kahulugan nito, anuman ang anyo nito, anuman ang ekspresyon nito, ay totoong tapos na nga ang kontrata. At kung minsan nga ay tinatapos din ang relasyon kahit wala namang pag-ibig na tinatapos."
Para sa akin, totoong ang pagmamahal ang pundasyon ng relasyon. Masasabing kailangan ng ibang bagay katulad ng respeto, pagtitiwala at pag uunawa, ngunit naniniwala ako na kapag ang tao ay nagmamahal, papasok na ang ganitong mga bagay, kung mahal mo ang isang tao ay rerespetuhin mo siya, magtitiwala ka at uunawain mo siya. Kung kaya't nararapat lamang na malaman ng magkasintahan kung gaano kalalim ang pagmamahal nila sa isa't isa bago magpakasal.
Hindi man ako fan ng libro o pagbabasa ng mga panitikan, pero masasabi kong nakakatuwang basahin ang kwentong ito, bukod sa maikli ito ay talaga namang maganda ang laman. Hindi dahil sa nakaka relate ako sa kwento, kundi dahil iba ito sa mga tipikal na kwento ng pag ibig na napapanood ko. Nakakasawang makapanood ng mga kwentong sa una pa lang ay alam mo na ang katapusan o kahihinatnan ng istorya. Mas magandang panoorin o basahin ang mga kwentong malapit ka na matapos pero hindi mo pa din mahuhulaan kung paano matatapos ang kwento, dahil sa karanasan ko, sa pamamagitan ng ganoong kwento ay maeengganyo kang tapusin ang akda.
1 note · View note