Tumgik
incogkathnito · 5 years
Text
Pamana
Parte na ng kultura at sistemang Pilipino ang pagiging patriyarkal, at maging ng maraming pang bansa. Ito ay ang mataas na pagtatangi at pagtingin sa mga kalalakihan. Kakabit nito ay ang pagiging macho. Sa patriyarkal na pagtingin, dominate ang kalalakihan at inferior naman ang kababaihan. Nabibigyan naman na ng oportunidad katulad ng sa mga lalaki si Eba, ngunit hindi pa rin nawawaglit ang konseptong, “Ang mga Adan ay higit kaysa sa mga Eba”.
Laganap rin ang patriyarkal na pag-iisip maging sa pinakamaliit na sangay ng lipunan — ang pamilya. Kalimitang tatay ang tagapagtaguyod ng pamilya, ang nagtatrabaho upang may kakanin sa hapag ang kanyang mga anak at asawa. Samantalang, ang ilaw naman ng tahanan, ay pirming nasa loob lamang ng bahay at nag-aalaga ng mga anak. Maging ang pribilehiyong bumoto at makapagtamasa ng karunungan ay ipinapagkait sa mga Eba ng nakaraan.
Ang unang komiks na sinuri ng manunulat na si Isagani ay ang “Regalo” na likha ni Rufina Romero Juatoco at iginuhit ni Mark David Miralles. Ang kwentong ito ay nagpakita ng malinaw na pang-aapi sa baro ng mga kababaihan. Una, ipinakita na ang babae ay bagay lamang na maaring iregalo sa kung sino-sino. Ikalawa, ipinapalagay na kinakailangang magbenta lamang ng katawan upang kumita ng pera. Ikatlo, lalaki lamang ang may kakayahan bumuhay at magpalaki ng bata. Ikaapat, ipinapalagay na dapat mahalin pa rin ng babae ang lalaki kahit malaki ang naging kasalanan nito. Ikalima, upang matupad ang tungkulin ng lalaki, kinakailangang magsakripisyo ng babae.
Sa komiks naman na pinamagatang “Moral Values”. Ipinakita dito na ang ang kasal ay intrumento lamang upang malinis ang mga nagawang kasalanan, imbes na maging sagradong pag-iisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan at nagkakaunawaan.
Sa kuwentong naman na “A Man's Pride” na isinulat ni Jun R. De Leon. Ipinakita na kahit pagsalitaan at bastusin ng kalalakihan ang kababaihan, mangako lamang ang mga lalaki na magbabago sila, malugod pa rin silang papatawarin ng mga babae. Malinaw na masokismo ito para sa parte ng kababaihan, at pag-abuso naman sa hanay ng kalalakihan. Maaaring nanghihinayang ang babae sa maaaring masayang na panahon, ngunit hindi siya nanghinayang sa mga tiyansang nasayang.
Sa kwento namang “Marunong Bang Matakot ang Puso” na isinulat ni Lou Aguilar. Kabastusan ang paglayo ng lalaki sa babae lalo na kung ang dahilan nito ay gahum.
Sa gawi nga lang ba nakikita ang kabastusan ng Pilipino? Hindi, maging sa salita nakikita ang kabastusan. Ipinakita na kung kabastusan higit na mainam ang paggamit ng Ingles kaysa Filipino.
Sa usaping bomba, gahum pa rin ng kalalakihan ang naghahari. Karaniwang nakasulat sa punto de vista ng babae ang mga pagniniig, at ipinapakita nito na ang sarap at ligaya ng babae ay matatamo lamang sa kamay ng lalaki.
Napakalawak ng sakop ng gahum ng kalalakihan at mahirap itong putulin lalo na kung maging ang mga babae ay utak-lalaki na rin. Katulad ng telebisyon, sa mga komiks, nobela, at magasin rin nananahan ang gahum. Naipapalaganap ito ay naipapasa maging sa mga bagong tubong henerasyon. #
0 notes
incogkathnito · 5 years
Text
Entablado ng Pagkaalipin
(Isang pagmumuni mula sa akda ni Nicanor Tiongson na “Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang Idolo: Apat na pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino”)
Likas ang panonood bilang libangan para sa isang ordinaryong Pilipino. Sinusulit nila ang kanilang ilang oras na pahinga mula sa trabaho sa pamamagitan ng panonood ng telebisyon o ng sine. Napapagaan nito ng ilang saglit ang pasang mga problema. Kung kaya hindi na nakapagtataka na napakalaki ng impluwensya ng mga pelikula sa paghubog ng kamalayan, kaisipan, at maging paniniwala ng mga Pilipino.
Ang mga pagpapahalaga o values ng kasalukuyan ay siya pa ring pagpapahalagang negatibo ng nakaraang tradisyunal na pelikula. At apat sa mga ito ang pinakalaganap. 1) Maganda ang Maputi, 2) Masaya ang May Palabas, 3) Mabuti ang Inaapi, at 4) Maganda pa ang daigdig.
Dahil maganda ang maputi, naging kasalanan ang pagiging kayumanggi.
Pamana ng mananakop ang hindi pantay na pagtingin ng mga Pilipino sa kagandahan. Ito ay nagreresulta sa mataas na pagtingin sa mga mestiza at mestizo, habang mababa naman sa mga kayumanggi ang balat.
Sa panahon ng mananakop na Espanyol, ang Birheng Maria na mga rebolto ang depenisyon ng huwarang ganda na karaniwang sunod sa mukha ng mga Espanyol. Amerikanang manekin naman ang kagandahanag iniidolo ng mga Pilipino. Sa bodabil at stage show ay halos sambahin ang mga kamukha nina Elvis Presley at Tom Jones habang laging utusan, kaibigan, o kulang-kulang ang mga ginaganapan ng mga tipikal na kayumangging Pilipino. At nang yumabong ang mga Amerikanong pelikula, lalo ring dumami ang mga 'santong' di magkamayaw na haplusin ng mga Pilipino, sa pag-iisip na maaari rin silang maaambunan ng kinis at puti ng mga ito.
Ang bida para sa 'panlasang-pinoy' ay yaong 'tipong artista'. Ano nga ba ang tipong artista ng Pilipino? Sila yaong may mapuputing balat, matatangkad, matipuno o balingkinitang katawan, matangos na ilong, malalaki at bilugang mga mata at makipot ang bibig. Ito ay mga pisikal na katangiang matatagpuan lamang sa mga banyaga o Pilipinong may dugong banyaga. Ang mga artistang hindi nagtataglay ng ganitong katangian ay madalas na napupunta sa komedya.
Dahil sa katotohanang ito, lumaganap sa mga Pilipino ang inferiority complex o ang paniniwalang pangit ang ating lahi. At mga inangkat na produktong pampaputi at mga pampagandang kolorete sa mukha upang mapagtakpan at makasunod sa kung anong tingin ng lipunan na maganda.
Ang aliw ay hindi lamang dapat pampalipas-oras at pampagaan ng loob, kundi nagpapaalab sa pagnanasang baguhin ang sistemang bulok.
Napakamakapangyarihan ng aliw. Kaya nitong pigilan ang kritikal na pag-iisip ng manonood at lunurin sila sa emosyong hatid ng mga pagtatanghal. Kaya nitong isubo sa kaisipang Pilipino na tangkilikin pa rin ang mga gasgas na at lumang pormula ng pelikula, dahil ang bida naman ay ang kanilang idolong artista. Isa itong opyo na dadalhin ka sa alapaap na dala ng mga awit at sayawan, komedya, drama, at bakbakan.
Walang masama sa aliw, dahil ito naman ang pangunahing layunin ng sining— na tumatak sa puso ang mga likha. Nagiging mali lamang ang pagpapakahulugan sa aliw kapag ang layunin na nito ay ang makatakas sa pag-iisip ng suliraning panlipunan at kapag ang manonood ay hindi na nagsusuri. Paano magiging kritikal ang pag-iisip ng mga Pilipino kung patuloy pa rin siya sa pagsubo ng mga pelikulang gawa ng mga sugapang prodyuser? Paano uunlad ang ating bayan kung hinahayaan ng mga Pilipino na lukubin siya ng aliw hanggang matalikdan ang mapait na katotohanan? Hindi ba't ang pagharap sa suliranin ang unang hakbang tungo sa pagbabago?
Mapalad yaong mga naghihirap na espiritu sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
Karaniwang mapapanood sa mga palabas ang mga bidang dukha na nagdurusa sa kamay ng mga mapang-api kontrabida, ngunit sa dulo'y matatamasa ng bida ang 'happy ending', kung tawagin, ng dahil sa kanyang pagtitiis at hindi pag-inda sa bawat sabunot at hagupit. Ganito ang itinuturo ng Katolisismo— ang maging kagaya ni Kristo na kahit pinaparusahan na ay walang ginawa dahil paniniwala na itinataas ng diyos ang mga inaapakan. Depiksyon rin nito ang kaisipan ng mga Pilipino na tiisin lahat ng paghihirap nang walang pagtatanong.
Natural lamang ang paghihirap sa buhay ng tao. May paghihirap sa pagkamit ng maayos na grado kahit na ang propesor ay magaling sa larong roleta. May paghihirap sa pagtataguyod ng pamilya at relasyon sa kapwa. May paghihirap sa pagkamit ng demokrasya at pagsasakatuparan ng rebolusyon. May paghihirap sa bawat sulok ng mundo, ngunit hindi kasingkahulugan ng paghihirap ang masokismo, na malimit na naipag-uugnay sa isa't isa.
Masokismo ang hindi pagtatanong at pagtanggap na lamang ng mga paniniil at hindi makatarungang gawi. Ito ang pagtingin ng Pilipino sa bulok na sistema bilang 'normal', na hindi na dapat pang pagtuunan nang pansin dahil mas malakas ang hatak ng kumakalam na sikmura. Masokismo ang hindi pagsusuri sa nangyayari sa paligid. Ang mga masokista ay walang ginagawa sa pagbabago ng lipunan, ngunit dumaragdag sila sa mga tumatakas sa realidad.
Iba ang realidad na napapanood sa pelikula, sa kung ano ang realidad na tunay na nangyayari.
Ang pagpapahalagang 'maganda pa ang daigdig' ay bunga lamang ng pagpapahalagang 'masaya ang may palabas' at 'mabuti ang inaapi'. Pantasya anh bawat pagwawakas ng pelikula dahil magandang ang kahihinatnan ng aping mga bida. Ang mga mabubuting katulad ni Don Juan ay ginagantimpalaan ng Ibong Adarna, ang mga pulubi ay nanunumbalik sa pagka-prinsepe, samantalang, ang mga mahiyain bida ang nakakapag-asawa ng mga eredero, at maiiwang nagsisisi ang mapang-aping madrasta.
Simple lamang ang pinapakitang paglutas sa suliranin ng mga pelikula. Mapapawi ng diyos ang lahat ng iyong problema sa buhay. Ang simplistikong paglutas sa mga suliranin ng lipunan ay ang maling pananaw sa dulang 'moralidad', dahil hindi ito totoo at pantasya lamang.
Hindi katulad ng pelikula, sa tunay na buhay ay walang bababa mula sa langit upang tulungan ka sa iyong problema. Mali ang pag-asang ipinaparating ng mga pelikula, dahil isinusulong lamang nito ang hindi pag-iisip at pagsusuri ng kalupitan ng lipunan at paghihintay na lamang ng bababang milagro na magiging kanyang tagapagligtas.
Mga dula at pelikula ang pinakamabisang tagapagpalaganap ng mga pagpapahalagang bumubulag sa kaisipan ng masa. At nararapat itong gamiting upang wakasan na ang mga kaisipang patuloy na sinususo ng bawat henerasyon. Hindi ito magiging madali, dahil nakaugat na ang mga maling pagpapahalaga na ito sa pagkatao ng Pilipino, ngunit, mainam nang simula ang pagpapatatag ng mga independent films na salamin ng realidad ng buhay Pilipino. #
0 notes
incogkathnito · 5 years
Text
Grasya o Disgrasya
Ang pagpapalaganap ng wika ay ang pinakamabisang pananakop.
Batid ng mga Espanyol ang kapangyarihan ng wika, kung kaya't pilit nilang ipinagkait sa mga Indio ang wikang Kastila. Ang pagkatuto sa kanilang wika ay maaaring maging ningas ng rebolusyon dahil maiintindihan na ng mga maralitang Indio ang kanilang mga sinasabi at mga mensaheng nakasulat sa wikang Kastila. Nakita rin ng mga misyonero na, higit na magiging madali ang kanilang pagtuturo ng Kristiyanismo kung ang wikang Indio ang kanilang gagamitin. Inaral ng mga Espanyol ang wika ng mga Indio, habang ipinakakait nila ang wikang Kastila. Kabaligtaran nito ang ginawa ng mga Amerikano, kanilang ipinalaganap ang wikang Ingles kasabay ng pagtatayo ng mga pampublikong paaralan. Naging wasto ang pananamantala ng mga Amerikano sa kapangyarihan ng wika, kung kaya naging masunurin ang mga Pilipino sa lahat ng kanilang utos. Naging posas ng pagkaalipin ang wikang Ingles na masayang tinanggap ng mga Pilipino.
Hindi nararapat na ikulong lamang ang depinisyon ng wika bilang paraang ng komunikasyon o na ang tanging papel lamang ay ang malayang pakikipagpalitan ng mga ideya. Higit pa sa mga iyan ang kayang gawin ng wika: kaya nitong wasakin o buohin ang isang bansa.
Ingles ang ating susi para mapalapit at maintindihan ang mundo. Tinagurian nga itong universal language. Kapit natin ang Ingles sa pandaigdigang impormasyon, lalo na ngayon na ang lahat ng impormasyon na iyong hinahanap ay madali na lamang hanapin sa Internet. Ultimo sa paglalakbay palaging nariyan ang Ingles, lalo na sa mga road signs. Kung makita ng hindi marunong makaintindi ng Ingles ang mga signs na iyon, malamang ticket sa traffic enforcer ang makukuha niya. Laganap rin ang paggamit ng banyagang wikang yaon sa paggawa ng libro, pelikula, at balita sa radyo man o telebisyon.
Mahalaga ang wikang Ingles at kailangan natin ito. Ngunit pagkakamaling isipin ang ang wikang ito ang magiging dahilan ng kaunlarang pang-ekonomiya ng Pilipinas. Patunay rito ang mga bansang katulad ng Thailand at Japan. Maunlad ang kanilang bansa kahit na hindi sila bihasa sa Ingles katulad ng mg Pilipino. Bagamat mahirap ang paraan ng komunikasyon sa Thailand, hindi ito naging hadlang upang dayuhin sila ng mga turista. Katunayan nga, ang bilang ng turista ng Pilipinas sa isang taon, ay siyang bilang lamang ng nagiging turista ng Thailand sa loob ng isang buwan.
Grasya ito, ngunit maaari ring maging disgrasya sa pagkakabuklod-buklod ng mga Pilipino.
Ang Ingles ay mapag-hari, ang paggamit ng banyagang wika ay isang piping pagpayag ng pagpapaalipin sa kultura na hindi iyo. Ang wika ay makapangyarihan dahil kaya nitong pasukin ang kaibuturan ng iyong puso at pipigilang mahalin ang wikang iyong nakagisnan. Kaya rin nitong tanggalin ang iyong karapatan na makaalam. Halimbawa rito, ang ang State of The Nation's Address (SONA) bihira ko lamang yatang marinig na nakasulat sa wikang Filipino ang speech. Bakit ganoon? Hindi ba't mas maigi na sa wikang alam ng masa ito gamitin, sa wikang pambansa? Kailangan ring malaman ng mga ordinaryong mamamayan ang nangyayari sa bansa sa paraan maigi nilang naiintindihan. Ang wikang Ingles rin ay nagiging pigad ng diskriminasyon— mataas na pagtingin sa nga gumagamit ng wikang yaon, at mababa naman sa hindi.
Ang pagpapalakas ng wikang pambansa ay hindi nangangahulugan ng pagpapahina ng wikang Ingles — isa itong maling akala. Papalakasin ang Filipino, at papalakasin rin ang Ingles bilang pangalawang wika. Hindi maaaring malito ang Pilipino sa kung ano ang kanya at sa kung alin ang kaniyang hiniram lamang. Gayahin natin ang pananaw ng ating kalapit na mga bansa sa Asya, tayo rin ay humiram lamang at kumopya. Ang susi ng pag-unlad ay hindi nakabasa sa kung gaano kabihasa ang mga mamamayan sa paggamit ng banyagang wika, ito ay nakabase sa pagmamahal ng mamamayan sa kaniyang sariling pagkakakilanlan. #
0 notes
incogkathnito · 5 years
Text
Blogger = Gerilya
Ang mundo ay nasa dulo na ng ating mga daliri.
Ang henerasyon ng kasalukuyan ay tinatawag nang Digital. Ito ay dahil umiikot na ang mundo sa loob ng cyberspace o Internet. Ang mga dating gawaing tradisyonal ay nagkaroon ng modernong bersyon. Hindi na kinakailangang maghintay nang matagal upang makapagpadala ng mensahe dahil nandiyan na ang mga social networking sites, na hindi inaalintana ang distansya. Halos lahat ng kailangan ay nasa smart phones— calculator, calendar, timer, at iba pa. Maging ang tradisyonal na pagsusulat gamit ang papel at panulat ay naging unconventional na rin nang dahil sa mga blog.
Ang pagitan na naghihiwalay sa pribado at pampubliko ay nagiging mapusyaw na. Nang dahil sa pagkakandarapa sa pahapyaw na katanyagan ay nagiging komedya na pang-aliw ang mga pribadong buhay ng ilan. Tinuturuan tayo ng mga programa sa telebisyon, na matuwa sa dinaranas na paghihirap ng mga nasa Magpakailanman, o ang maging tsismoso at tsismosa sa mga kaganapan sa bahay ni Kuya sa Pinoy Big Brothers. Maging ang bandalismo at ang public display of affection (PDA) ay nagmimistula nang normal sa mga nakakakita. Dito rin mas na-eenganyong magsalsal ang mga tao, dahil maraming nakikiusyoso sa nagaganap sa kanilang buhay. Maraming gustong makialam, kaya maraming gustong magpapansin. Laganap rin ang ganitong siste sa social networking site na Facebook, nagba-viral ang mga video ng Raffy Tulfo in Action at tinatangkilik ng mga user ang mga nag-leak na private videos at ipinapakalat pa ito.
Tunay na walang mali sa pagapapahayag ng mga detalye ng buhay sa Internet, ngunit kung ganito't ganito lamang ang lalamanin ng mga blogs, mga tungkol sa uswal na ginagawa, mawawala ang tunay nito esensya — ang pagiging rebolusyonaryo at demokratiko. Dapat ginagamit ang blog upang maging progresibo at maging tagapagpalaganap ng katotohanan.
Ipinakita na ang nobela at telebisyon ay maraming pagkukulang, lalo na sa pagmumulat ng mga tao. Ayon kay Benjamin, hindi sapat ang nobela upang maging ningas ng pusong rebolusyunaryo. Ipinunto niya roon ang isa sa malaking kakulangan ng mga manunulat at libro sa kanyang mga mambabasa, ito ay ang kawalan ng komunikasyon sa kanilang pagitan. Sa duration nakikita kung anong pinapahalagahan sa telebisyon, at kakatwang malaman na mas mahaba ang inilalaan na oras sa patalastas at maikli naman sa realidad. Mas kapangyarihan din ang mga naghaharing-uri upang pagtakpan o baguhin ang bawat paksang inilalamas sa mass media.
“If you don't like the system, get out of the system” - bandanieli.blogspot.com
Ang mga katagang ito ay malinaw na pag-tolerate sa sistemang hindi maayos. Hindi ito madali dahil kung aalis ka sa sistema, lilipat ka lang rin sa panibagong sistema na may sarili ring problema. Maiiwan mo ang mga kamag-anak mo na bihag pa rin ng sistemang nilisan mo. Kung kaya't imbes na lisanin, dapat ay maging isa kang mamamayan na lumalaban at naglilinis ng sistemang kinalalagyan niyo.
Ang hypertext na makikita sa mga blog ay mga link ng iba pang blog. Ikinakabit ang hypertext sa rhizome, kung saan bukas ang pagtanggap sa mga bagong ideya at perspektibo. Rhizome rin ang nakikitang paraan upang wakasan ang totalitaryanismo.
Nagsagawa ng isang eksperimento si Michael Andrada, at otsentang estudyante ang nakipag-interact at nagbigay ng komento. Bakit naging mapagpalaya ang eksperimento ni Andrada? Ito ay dahil naging bukas ito sa lahat ng may gustong sabihin nang hindi nanghuhusga, nagkaroon ng diskusyon, paghahambing, at banggaan ng opinyon, at kolektibo ang pagkakasulat. Sa eksperimentong ito, natutuklasan na ang mga blogger ay hindi lamang tagapagkunsumo ngunit aktibong tagapaglikha rin ng kaisipan. #
0 notes
incogkathnito · 5 years
Text
Tatsulok
Madalas na pag-inom ng kape sa Starbucks kahit kakarampot lamang ang kinikitang pera. Laman ng iba't ibang mamahaling milk tea shops kahit kakaunti lamang ang allowance. Paggasta para sa bagong labas na beauty products nang dahil sa ang endorser ay ang paboritong artista. Pagbili ng mamahaling smart phone gamit ang perang nakuha sa barangay scholarship na dapat ang paggamitan ay sa pag-aaral.
Mataas ang pagtingin ni Pedro sa mga nasa taas ng tatsulok o mga taong nag-uugit sa ekonomiya at pulitika ng Pilipinas. Sila kasi ang nagtatakda ng kung ano ang magandang at marangyang buhay. Nais niya ring maging katulad nila. Ang mahiga sa kama ng kapangyarihan, salapi, at impluwensya. Ngunit hindi ito magiging madali dahil masyadong malayo ang agwat ng mga uri.
Ang paaralang pinapasukan ng isang estudyante ang nagpapahayag ng kanyang katayuang ekonomiko sa lipunan, kung kaya bata pa lamang alam na ni Pedro ang malaking kaibahan ng pribadong paaralan (o paaralang pantangi) at pampublikong paaralan. Ang mga paaralang pantangi ay pinamumugaran ng mga estudyanteng mula sa mayayaman at maimpluwensyang pamilya, samantalang sa pampublikong paaralan naman nag-aaral ang mga maralita at nasa laylayan ng lipunan.
Kapos sa pondo ang gobyerno kung kaya ang nagtayo ng mga paaralan ay ang mga namumuhunang korporasyon. Sa pagsakop ng Espanyol, madaling naakit ng mga padre at madre ang mga magulang na naghahanap ng paaralan para sa kanilang mga anak. Ang edukasyong hatid sa panahong ito ay mahal, ngunit barya lamang para sa bulsa ng mayayamang uri. Hindi rin nakakapagtaka na ang mga Pilipino lamang na marunong at nakakaintindi ng wikang Kastila ay yaong mayayaman at may impluwensya sa lipunan at pamahalaan. Nang dumating ang mga Amerikano ay siyang pagbubukas din ng mga pampublikong paaralan. Ngunit marami pa ring Pilipino, lalo na iyong nakakaangat, ang mas pinili ang paaralang pribado dahil sa tingin ng mga magulang, pampublikong paaralan ang sisira sa imahe at reputasyon na iniingatan ng kanilang pamilya.
Nang lumaon, naging tagapagpalaganap na rin ang mga pribadong paaralan ng Amerikanisasyon. Iba nga naman talaga ang nagagawa ng sistemang kapitalismo. Nababali nito ang paninindigan ng isang samahan, at hindi makakaligtas dito ang mga paaralang noong una'y ipinagtatanggol ang matandang kultura ngunit ngayo'y panatiko na ng modernong kultura. Nagsisilbing 'pabrika' ang mga paaralan na huhubog, at magtataas ng kalidad ng mag-aaral upang mailabas ito bilang magandang 'produkto' na magiging kapakinabangan ng mga 'mamimiling magulang'. May pangako rin naman ang pabrikang ito, na dahil sa mahusay nilang pagtuturo, maaaring pumasa ang kanilang 'produkto' sa kwalipikasyon ng mga paaralan ng Estados Unidos.
Hindi biro ang gastusin sa mga paaralang pantangi. Nariyan ang mataas na matrikula, ang mga aklat na State-side, mga kontribusyon na kailangang bayaran, maging ang pagpapakita na kamukha mo ng uri ang mga kamag-aral mong mayaman ay mahal. Ngunit hindi ito iniinda ng mga taga-ugit, dahil salapi lamang ang mawawala at higit na mas mahalaga ang koneksyon sa kanyang mga kauri. Ang kailangan nila ay mapanatili sa tuktok ang kanilang sarili kung kaya't nakipagtulungan sila sa mga Amerikano upang mapangalagaan ang kanilang salapi at pag-aari. Sa pakikipagtulungan ay siya ring pagtanggap ng kultura ng kolonyalista bilang parte ng iyong pagkatao, kaya naman si Juan ay nagmaskara bilang Uncle Joe at umakto bilang tunay na Amerikano, tangan ang wikang Ingles.
Maraming Pilipino ang nagpupumilit na makapasok sa mga reputable schools o mga paaralang pantangi. Maging si Pedrong Maralita na nasa laylayan ay nais makatuntong doon, kahit ang kapalit nito ay ang paggapang sa tinik ng kahirapan. Ito ay dahil sa kaisipang, ang pagpasok sa mga pribadong paaralan ang mag-aahon sa buhay na kanilang kinasasadlakan. Lubhang nabubulag ng karangyaang nakikita sa mga mayayamang pamilya si Pedro na nakakalimutan niyang magkaiba ang kanilang mga uri. Para sa mga uring nakatataas, madali lamang makapasok sa mga pribadong paaralan dahil hindi naman usapin ang pera at talino, madali lang naman para sa ganitong uri ang tapalan ng pera at impluwensya ang kakulangan ng talino. Ngunit hindi ganito ang kalagayan ng mga Pedro, kasing liit ng butas ng karayom ang tiyansang makapag-aral doon, lalo na kapag ang usapin ay salapi.
Ang pagduldol kay Pedro ng edukasyong para sa iilan ngunit ipinapalaganap sa karamihan ay nagreresulta sa kanyang masidhing pagnanais na umangat at maging kapantay ng kaniyang dati lamang ay tinitingala. Magpupumilit siya na marating ang nais, kahit pa nangangahulugan ito ng pag-apak sa kanyang sariling uri. Ang pagkakawatak-watak ng mga Pedrong Maralita ay ang pananatiling maginhawa ng nasa itaas, ngunit kung mapagtatanto nilang huwad ang kaginhawaan ng edukasyon para sa iilan, malalaman nila na ang basehan lamang ng pagtatangi ay ang yaman at pag-aari. Doon ay sama-sama nilang ipaglalaban ang pagkakapantay-pantay ng tao sa lipunan. #
0 notes
incogkathnito · 5 years
Text
Biktima o Nagpabiktima
(Isang pagmumuni mula sa akda ni Bienvenido Lumbera na “Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin”)
Subukang balikan ang nakaraan nang malaman kung bakit ganoon ang kasalukuyan.
Mula noon hanggang ngayon, mistula pa ring tanikala ang kapangyarihan ng kolonyang Estados Unidos (EU) na nagpapahirap sa mga maralita at pinakikinabangan ng mga 'tutang' sunod-sunuran.
Maraming beses nang nilinlang ng mga Amerikano ang mga Pilipinong ang tanging hangad lamang ay kasarinlan mula sa kanilang mga kamay na mapagpahirap. Simula't sapul ay pagbabalat-kayo na bilang kaibigan at bayani ang maskarang isinuot ng mga mananakop, ito ay upang pagkatiwalaan ng mga Pilipino.
Nagpakakasangkapan rin ang mga namumuno ng Republika ng Pilipinas upang maisakatuparan ng mga kolonyalista ang kanilang mga balakin na para lamang sa kanilang ikaaangat at pag-unlad ng mga 'tutang' makapangyarihan.
Nariyang pinagbigyan ang Bell Trade Relations Act sa panahon ng Presidente Roxas, layunin nitong gawing pantay ang karapatan ng Amerikano at ng Pilipino sa likas na yaman ng Pilipinas, na malinaw namang ang mga banyaga lang ang makikinabang at tiyak ang pagkatalo ng huli [Pilipino]. Naging pugad naman ng Central Intelligence Agency (CIA) ang Department of National Defense sa panunungkulan ni Presidente Quirino. Hayagan na ang pangingialam ng CIA sa patakarang panloob at panlabas ng Republika sa panahon ni Presidente Magsaysay. Ipinasa naman ni Presidente Garcia ang Anti-Subversion Law na katibayan na nasa kampo ang Pilipinas ng EU sa gitna ng Cold War. Bumagsak ang halaga ng piso at nagkaroon ng krisis sa kabuhayan ang mga Pilipino nang pahintulutan ni Presidente Diosdado Macapagal na maluwas ng mga Amerikano ang lahat ng tinubo nila sa loob ng panahong ipinatupad ng gobyerno ang kontrol sa foreign exchange. Ang isa naman sa dahilan ng pagpataw ni Presidente Marcos ng Batas Militar, ay upang makapagpayaman ang mga banyaga ng walang mga pagkilos-protesta na nagaganap. Ipinaglaban ni Presidente Corazon Aquino ang pananatili ng mga base-militar ng Amerikano sa Pilipinas. Ipinakilala ni Presidente Ramos ang kanyang sarili bilang mapagkakatiwalaan ng IMF-World Bank. At ang dating anti-imperyalista noon na si Presidente Estrada ay ikinampanya ang pagtanggap ng masa sa Visiting Forces Agreement.
Nasilaw ang mga Pilipino sa edukasyong hatid ng Amerika. Pinaniwala sila na ito ang makakapag-ahon sa kanilang buhay. Nais din nilang maging utak Amerikano ang mga Pilipino kung kaya't isinunod nila ang sistema ng edukasyon sa kanilang ideolohiya, paniniwala, at kultura. Pilit ipinakain sa mga pobreng Pilipino ang kulturang hindi naman kanila, hanggang sa siya na mismo ang malito kung ano nga ba ang kanyang pagkakakilanlan. Pinalaganap ang wikang Ingles bilang wikang panturo, at maging sa paghahanap ng trabaho, isa ito sa kwalipikasyon. Nagresulta ito sa pagiging mataas ng tingin sa mga taong bihasa sa pagsasalita ng Ingles dahil sila ang karaniwang nakakatamasa ng mga matataas na posisyon sa lipunan.
Edukasyon ang dahilan kung bakit ang dating agrikultural na Pilipinas ay naging industrialisado na. Ang pansamantalang pagluluwas ng mga mamamayan para maging empleyado ng ibang bansa, ang naisip na solusyong ni Presidente Marcos sa kawalan ng empleyong mapapasukan at dumaraming bilang ng lakas-paggawa. Kalaunan, naging permanente na ito nang makita na malakas magpasok ng foreign exchange ang patakarang Overseas Contract Workers (OCW) o Overseas Filipino Workers (OFW) ngayon. Nagmistulang produkto ang mga Pilipino na inilalako bilang manggagawa sa ibang bansa. Dito pinag-igting ni Presidente Arroyo, ang pagpapabalik ng kalidad ng paggamit ng wikang Ingles upang maging sandata ng mga OFW sa kanilang paglabas sa bansa. Higit na lugi rito ang mga Pilipinong walang kakayahang magpaaral. Kung ang kwalipikasyon ng mga kumpanya sa kanilang mga magiging empleyado ay yaong marunong at bihasa sa paggamit ng Ingles nang sa gayon ay makasabay sa pandaigdigang standard, paano na lamang ang mga hikahos sa buhay? #
0 notes
incogkathnito · 5 years
Text
Edukasyon < Komersiyalisasyon
(Isang pagmumuni mula sa dokumentaryo ng IBON Foundations na “Misedukasyon”)
Tunay bang pinalawak ng edukasyong hatid ng mga dayuhang Amerikano ang isipan ng mga Pilipino o naging taktika lamang nila ito upang mahulma ang ating isipan nang naaayon sa kanilang kagustuhan at pangangailangan?
Nang dahil sa ating pagka-uhaw sa kaalaman, na siyang ipinagkait ng mga unang mananakop, tayo'y nabulag.
Itinuring ng Pilipinas na kaibigan ang Amerika dahil ibinigay nito ang bagay na matagal nang hinihiling nang una [Pilipinas]— edukasyon para sa lahat, edukasyong may pangako ng pag-unlad. Nakalimutan ng mga Pilipino na mananakop ang mga Amerikano na nagbalat-kayo lamang bilang kaibigan at bayani. Ginamit na kasangkapan ang edukasyon upang mapagtakpan ang kanilang tunay na balakin at ang mga nagawa nilang destruksiyon sa kanilang pananatili. Kakatwang isipin na ang pagtingin natin sa edukasyon ay isang instrumento ng kaginhawaan at pag-ahon sa kahirapan, ngunit tila ang nangyayari ay mas lumalala pang pagkalugmok natin sa kumunoy ng pagdurusa nang dahil sa pagkiling ng edukasyon sa mga naghaharing-uri.
Kolonyal. Komersiyalisado. Elitista. Ganiyan ang mga katangian ng edukasyong pamana ng dayuhan. Nakapanig sa iisang uri, sa mas nakakataas at hindi sa masa.
Numero unong itinuro ng edukasyong maka-kolonyal na talikdan ng mga Pilipino ang pagtangkilik, pagsuporta, at pagmamahal sa mga bagay na maituturing nilang kanila, mga bagay na pagkakakilanlan ng kanilang pagka-Pilipino. Naging mas madaling magbigay ng edukasyong nasa oryentasyong Amerika, kaysa ang gumamit ng dahas sa pagpapalaganap ng kanilang mithiin. Naisakatuparan nila ang pagbuo sa isipan ng mga Pilipino na ang pananakop nila ay nangangahulugan ng progreso, pag-unlad, at modernisasyon.
Wika ang isa sa mga ginamit nilang kasangkapan upang sakupin ang mga Pilipino at maging ng mundo; patunay na rito na ang itunuturing na universal language ay ang Ingles na nagreresulta sa pagtingin ng mga Pilipino na lamang ang mga taong bihasa sa pagsasalita ng wikang iyon at mababa naman sa mga hindi marunong o nakakasabay. Naitatak na rin sa isipan nila na ang mga produktong kolonyal o imported ay sosyal, maganda, at maayos; samantalang, ang mga produktong lokal ay hindi pinapansin. Naloloko ang mga Pilipino ng mga mararangya at sikat na brand, at natatalikdan ang katotohanang isa ang Pilipinas sa mga pinagkukunan ng murang raw materials at murang lakas-paggawa.
“Quality education is expensive. You want quality education, you should be ready to pay for it.”
Mula sa isang Commission on Higher Education (CHED) official ang mga katagang iyan. Tunog elitista. Ang mga sinabi niya sa dayalogo kaharap ang mga kabataang mag-aaral, na nakikibaka para pigilan ang taonang pagtataas ng matrikula, ay isang malaking sampal at tila pagkutya sa ipinaglalaban ng mga maralitang ang gusto lamang ay magkamit ng murang edukasyon na may kwalidad. Repleksyon lamang ito na ang edukasyon sa Pilipinas ay isang negosyo na pinagkakakitaan lamang at ang dehado ay ang mga mag-aaral na walang kakayahang magbayad. Tila masarap na tindang ulam ang edukasyon, na niluto ng malalaking korporasyon, at ang mga walang perang pambili ay mananatiling gutom.
Bakit may nagra-rally? Bakit may mga magsasakang walang makain? Bakit bumababa sa siyudad ang nga katutubo? Bakit?
Ayon sa bidyo, ang edukasyong nakakapagpabago ng lipunan o transformative education ay nagsisimula sa loob ng paaralan kaagapay ng mga guro, ngunit hindi, ang edukasyong mulat ay nagsisimula sa pinakamaliit na sektor ng lipunan — ang pamilya. Sa tahanan nagsisimula ang pagpapaintindi sa mga kabataan ng kung ano nga bang nangyayari sa lipunan na kanilang ginagalawan. Ito ay upang maging bukas ang isipan nila sa katotohanan ng mundo. Kung magsisimula sa loob ng pamilya ang pagtalakay at pagpapaintindi ng mga isyu ng lipunan, hindi na mahihirapan ang mga guro na palaganapin ang edukasyong transformative. Ang ganitong uri ng edukasyon ay hindi lamang nakakulong sa apat na sulok ng silid at pagkakabisa ng mga aklat na nakaayon at likha ng mga multinational at transnational institutions, ito ay ang dinamikong pagharap sa suliranin ng bayan. Maaaring magsagawa ang mga paaralan ng isang lakbay-aral na ang layunin ay makadaupang-palad ang mga katutubo, mabuti ito dahil nalalaman nila nang personal ang kalagayan at sitwasyon ng mga oppressed group sa Pilipinas. Sa murang edad pa lamang ay maaari na silang makaisip ng mga solusyon sa mga suliraning kanilang nakikita. #
2 notes · View notes