Tumgik
itsmehazel-17 · 2 years
Text
Ang Nakamamangha at Nakabibighaning Paglalakbay sa Baguio City
Saan matatagpuan ang Baguio City?
Ang Baguio City ay kilala sa karamihan sa tawag na "City of Pines", ito ay tanyag na puntahan tuwing panahon ng tag-init kung kaya't pinangalanan rin ito bilang ''Summer Capital of the Philippines'' dahil sa taglay nitong malamig na temperatura na mabisang pantakas sa mainit na panahon na madalas maranasan ng ating bansa sa kadahilanang nabibilang ito sa tropikal na klimang nasa ibaba ng hating ekwador. Ito ay makikita sa hilagang parte ng Pilipinas na nakapaloob sa Luzon na kung saan ito ay napapalibutan ng mga kakahuyan, partikular na nakadapo sa isang talampas na 1,500 kilometro sa ibabaw ng antas ng dagat sa katimugang dulo ng Cordillera Mountain Ranges sa lalawigan ng Benguet, mga 250 kilometro sa hilaga ng Maynila. Ito ay nakasakop sa rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR) na mayroong kabuuang anim na probinsya: Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province.
Tumblr media
Ang larawang nasa itaas ay sinipi mula sa internet. Asian Development bank (2021). Helping the Philippines' Baguio City Smarten Up Against Disasters. https://www.adb.org/news/features/helping-philippines-baguio-city-smarten-against-disasters.
Paano makakapunta sa Baguio City?
Ako ay naglakbay lulan ng isang kulay itim na sasakyan kasama ang aking ina at iba pang mga guro na katrabaho niya. Mula sa Bataan, ang biyahe ay inabot ng mahigit 3 oras upang marating ang distansya nito na humigit kumulang 32.4 kilometro na nakadepende pa ang layo kung mabigat ang trapiko o mabilis ang usad ng mga sasakyan.
Tumblr media
Anu-anong mga destinasyon ang maaaring puntahan at anu-ano ang mga aktibidad na maaaring gawin sa Baguio City?
Ito ay puno ng mga maririlag at kaakit-akit na mga atraksyong pangturista kaya't maraming mga dayuhan ang nahahalina sa taglay nitong ganda. Maraming mga puwedeng gawin sa mga patok na pasyalan na maaaring mapuntahan sa Baguio City. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
Our Lady of Manaoag
Tumblr media
Ang simbahan ng Our Lady of Manaoag ay matatagpuan sa Pangasinan na aking nadaanan papunta sa Baguio City. Ang rebulto ng Our Lady of Manaoag ay isang 17th-century na yari sa garing at pilak na imahe ng Birheng Maria kasama ang batang Hesus na naka-enshrined sa mataas na altar ng Basilica. Dinala ito sa Pilipinas mula sa Espanya sa pamamagitan ng kalakalang galleon sa Maynila mula sa Acapulco, Mexico, noong unang bahagi ng ika-17 siglo ni Padre Juan de San Jacinto.
Tumblr media
Ako ay taimtim na nagdasal at nagsimba sa loob ng simbahang ito. Mayroon itong malawak na espasyo at may malaking hardin sa likod ng simbahan na kung saan ako ay masayang namasyal dahil nakabubusog sa paningin ang ganda ng iba't ibang mga rebulto ng mga santo kasama ng ibang mga magagandang kasabihan na nakaukit katabi ng mga ito o 'di kaya'y nakasulat sa ilang bahagi ng haligi ng hardin. Dagdag pa rito, mayroon din itong parang isang maliit na bahay na kung saan maaaring magtulos ng mga kandila kasabay ng pagsambit ng sariling kahilingan o panalangin. Walang kailangang bayaran para makapasok at maaaring kumuha ng mga litrato saan mang sulok nito at maglibot libot hanggang sa makuntento sa paniningin.
2. Burnham Park
Tumblr media
Ang Burnham Park ay tinaguriang "Mother of all Parks" ng lungsod na isa sa pinakasikat na destinasyon ng mga turista sa Baguio na matatagpuan sa kahabaan ng Harrison Road, isang maikling distansya mula sa Session Road, ang pangunahing highway ng Baguio. Ihinango ang pangalan na ito sa isang Amerikanong arkitekto na siyang nagplano at nagdisenyo ng parke at ng lungsod ng Baguio, si Daniel Burnham.
Tumblr media
Sa laki nito ay siguradong marami kang puwedeng gawin upang maglibang o mamasyal. Kaya noong nagpunta ako rito ay inilista ko ang ilan sa mga masasayang gawin dito. Ito ay ang mga sumusunod:
Sumakay sa bangka. Isang malaking man-made lake ang makikita sa gitna ng Burnham Park at ang bawat turista ay maaring mamangka habang tinatanaw ang magandang palibot nito.
Food trip. Hindi mapapalampas sa memorableng bakasyon ang pagtikim ng mga sikat na pagkain sa Baguio City. Isa sa pinupuntahan dito ay ang strawberry taho. Kilala ang lungsod sa produksyon ng mga strawberry, partikular na sa La Trinidad, Benguet. Dagdag pa rito, sa paligid ng Burnham Park ay makikita ang sari saring mga restoran. Mura, sariwa, at tiyak na nakabubusog ang mga pagkaing iniaalok nitong lungsod.
Pamimili o shopping. Makikita sa loob ng parke ang iba't ibang abot kayang mga pasalubong tulad ng souvenirs, pagkain, damit, walis tambo, at iba pa. May mga tiyangge rito na nagbebenta ng iba't ibang produktong matatagpuan sa Baguio City. Maaari rin mamili ng mga bracelet at key chains sa halagang swak sa bulsa.
3. BenCab Museum
Tumblr media
Ang BenCab Museum ay isang proyekto ng BenCab Art Foundation kung saan makikita ang mga koleksyon ng Pambansang Alagad ng Sining na si Benedicto R. Cabrera o BenCab. Mayroon itong iba't ibang galeriya, maging ng mga lugar kung saan maaaring magtanghal at magkaroon ng eksibit. Ito ay matatagpuan sa Asin Road, Tuba, Benguet. May bayad ang pagpasok sa loob nito at kailangan sundin ng mga bisita ang kanilang mga tuntunin at regulasyon tulad ng ipinagbabawal ang pagkuha ng mga bidyo at paghawak sa mga likhang sining na nakasabit o nakalagay doon.
Tumblr media
Makikita rito ang mga tanawin ng hardin, bukid, burol at isang maliit na gubat, mga nakapaligid na kabundukan, at ang Dagat Timog Tsina sa malayong kanluran. Bukod sa pagmamasid at paghanga sa mga koleksyon ng katutubong sining ng Cordillera at mga obra ng mga Pilipinong manlilikha, maaari ring mag-ikot sa hardin sa likod ng museo upang mapagmasdan ang ganda ng ilog pati na rin ang mga halaman at bulaklak na makikita roon na nakapagbibigay ng pagkakataon upang makakonekta sa kalikasan. Maaaring kumuha ng mga litrato ngunit kung ito lamang ay para sa personal na gamit.
Ano ang iyong naging karanasan, mga reyalisasyon, at natutunan sa iyong paglalakbay?
Masaya at may pananabik akong nagtungo sa lungsod at sa bawat araw na lumipas ng aking pananatili rito ay mas lalo kong napahalagahan at nagalugad ang kagandahang taglay nito. Sa kabuuan, lubos akong nasiyahan sa aking paglalakbay sa Baguio City. Hindi ko malilimutan ang masayang tatlong araw na pamamalagi namin dito na kung saan ang bawat oras ay talaga namang sinulit ko. Bagamat nakalulungkot isipin ang aming paglisan dahil marami pa akong nais makita at mapuntahan dito, itinuon ko na lamang ang aking atensyon sa pagbabakasakaling kami o marahil ay ako na lamang mag-isa ang makababalik muli upang ipagpatuloy ang nasimulang paglalakbay. Tungkol dito, mas napalawak ang aking pananaw sa buhay at nadagdagan ang aking kaalaman. Aking napagtanto na lahat tayo ay sadyang may maraming problema dahil ang buhay na walang problema ay sadya ring malungkot. Sadyang ganoon ang buhay, maraming gawain sa paaralan, problema sa tahanan, at marami pa. Ngunit ang sandaling tumakas at magpahinga mula sa mga problemang ito ay hindi kaduwagan. Ating nalilimutan ang ating mga problema ng panandalian, nakatutulong ito upang tayo ay makapag isip-isip nang mabuti. Ang paglalakbay kong ito ay nakakintal na sa aking puso't isipan na tiyak kong babaunin sa habambuhay.
Mga Sanggunian:
5 Things to Do in Burnham Park, Baguio City. (n.d.). TRIPAPIPS. http://www.tripapips.com/home/5-things-to-do-in-burham-park-baguio-city#.Y_SyNx9By3B
BenCab Museum - Wikfilipino. (n.d.). https://fil.wikipilipinas.org/view/BenCab_Museum
Del Rosario, K. M. (2020, August 19). Manaoag Church is Pangasinan’s most popular pilgrimage site. Getaway.PH. https://getaway.ph/blog/travel/manaoag-church-is-pangasinans-most-popular-pilgrimage-site/
Experience the True Beauty of Asia - hsma.org.ph: Credit Card Accepted Now! (n.d.). hsma.org.ph. https://hsma.org.ph/sos/things-to-do-baguio
Link:
1 note · View note