Don't wanna be here? Send us removal request.
jeromecarlemasa · 3 years ago
Text
PETA#1: Lakbay Sanaysay
Tumblr media
Ang Manggagalugad na Bosconian: Tuklasin ang Kagandahan ng Baguio isinulat ni: Jerome Carl Emasa (12-6)               Ang Baguio ay matatagpuan sa bandang hilaga ng Luzon. Noong 1930, ito’y binuksan para sa kalakalan, kaya mula dito, pinaganda ang Baguio at naging bukas sa iba’t-ibang turista sa loob at labas ng Pilipinas. Kilala ang Baguio dahil sa mga magagandang at nakakapagpapigil-hininga na mga tanawin kung saan mararamdaman ang kagandahan ng kalikasan. Kalakip nito, marami rin ang maaaring maging aktibidad o gawain sa loob ng Baguio, ang ilan sa mga ito ay ang hiking, camping, pakikipagsalamuha sa mga katutubo, makasakay sa kabayo upang malibot ang lugar, makakita ng mga lokal na pagkain tulad ng strawberry at ube taho. Bagama’t maganda ang aking naging karansan sa Baguio ngunit pahalagahan din natin ang pag-iingat dahil maaaring magkaroon ng landslides at, matatarik ang daanan.               Samu’t-saring tao ang makikita sa Baguio ngunit kapansin-pansin pa rin ang mga katutubong Ifugao dahil sa kanilang suot na bahag. Binibigyan ng kahalagahan at pansin ng mga katutubo ang pagpapanatili at pagpapahalaga sa kanilang sariling kultura at tradisyon. Mapagtanggap at mababait ang mga katutubong Ifugao sa mga dayo at kanilang ipinapadama ang sariling yaman sa kultura tulad ng panghahabi at pag-uukit sa kahoy. Sa kabila nito, dumarami ang tao sa Baguio at karamihan dito ay ang mga dayo; kaya sumisikip ang mga daanan. Bagaman sa nasabing isyu, kapansin-pansin ang kultura at tradisyon ng mga katutubong Ifugao, masagana ang kanilang kultura dahil sa kanilang pagpapahalaga sa pagpapanatili sa kanilang katangi-tanging kultura ng mga lokal na mamayan at mga katutubo.                 Hindi ko malilimutan ang masayang karanasan ko sa Baguio dahil dito ko napansin ang tunay na kagandahan ng kalikasan, at sa pagpapahalaga sa pagpapanatili ng kultura at tradisyon. Mula rito, sa Baguio, nakuha ko ang aking kagustuhan sa pagtangkilik sa ibang kulturang Pilipino; kaya aking binigyan ng kahalagahan at pansin ang kanilang kultura upang dumami ang mga tatangkilik at magmamahal sa kultura at tradisyon ng Pilipinas. Ngunit ako’y napaisip nang malalim, ang mga katutubo ay kapansin-pansin ang kanilang pagmamahal sa sariling kultura ngunit nahihirapan ibalik ang wangis na pagmamahal sa sariling kultura para sa mga Pilipinong lumaki sa siudad. Kaya, kapag mayroong natirang panahon, ating muling pag-aralan at makipagsalamuha sa mga iba’t-ibang katutubo upang matutuhan natin ang pagtatangkilik ng sariling kultura at muling buhayin ang tunay na pagmamahal sa bayan. Panghuli, sa aking naranasan, inaamin ko na napakaganda ng Pilipinas dahil sa naipamalas na kagandahan ng Baguio; kaya muli ating tangkilikin ang sariling atin. ----------------------
Tumblr media
Tuklasin ang Masaganang Tanawin  isinulat ni: Czedric Xavier Y. Tiu (12-6)               Sa pagbati ngayong tag-init, iminumungkahi ko ang Tagaytay bilang isang destinasyon upang maiwasan ang init mula sa mga problema, trabaho, o paaralan na umaambag sa mga alalahanin ng isang tao. Ang Tagaytay ay matatagpuan sa parte ng Luzon, partikular sa Cavite na kinikilalang destinasyon sa mga lokal at turismo dahil sa nakamamanghang tanawin at banayad hanggang malamig na klima. Bagama't hindi na kapani-panibago ang aking pagsalubong dito, labis akong natutuwa at nasasabik sa pagkabisita ko muli sa Tagaytay noong ika-3 ng Enero sa bagong bukas ng taong 2022. Ang tanawing napuntahan namin ay ang Highlands na matatagpuan sa kataas taasang bahagi ng Tagaytay na nagsisilbing bilang isang residential area na nag-aalok ng maraming paglilibangan na aktibidad sa anumang edad at may seleksyon ng mga restaurant.                Ang Tagaytay Highlands, sa kabila ng pagiging isang residential area, ay umaakit ng iba't ibang hanay ng mga tao dahil sa mga aktibidad na kinikasayahan ng marami at taglay nito pagtatangap ng mga tao hindi kabilang sa residence. Kapansin-pansin din na sa labas ng Tagaytay Highlands, ang mga lansangan ay napapaligiran ng mga paninda na nagpapakita ng pagkamalikhain ng mga taga-Tagaytay. Dito makakamit ang mga produktong tulad ng magkakaibang hanay ng pagkain tulad ng kinikilalang bulalo at buko pie, souvenir, pananim at produktong kahoy. Masasabi ring relihiyoso ang mga tao rito sapagkat malaki ang pananampalataya at pagdiriwang nila sa “Our Lady of Perpetual Help”. Ang mga simbahan tulad ng “Our Lady of Lourdes Church” at “Basilica of St. Martin” ay ang kanilang paghiling sa gabay at patnubay sa kanilang buhay.                Sa loob ng 3 kahabang araw dito sa Tagaytay, napagsaksik ko sa lugar na aming tinutuluyan ang nakamamanghang tanawin ng Taal Lake. Sinalubungan ako ng kanilang kayamanan sa atraksyon, kultura, pagkain, sining, at iba pa. Sa pagbisita ko dito, nagbigay itong daan upang maibsan at mabawasan ang aking mga alalahanin sa ilang bagay. Ito ay nag-alok sa akin ng katahimikan sa pamamagitan ng aking pakikipagtagpo sa kalikasan. Bagama’t ang araw na ginugol ko dito ay masasabing maikli, ang aking karanasan ay isang bagay na kapaki-pakinabang at irerekomenda ko ito sa iyo na naghahanap ng patutunguhan.  ----------------------
Tumblr media
Importansya ng Pamilya sa Pagliliwaliw: Tara na’t galugarin ang Nueva Ecija
isinulat ni: Reuel Joshua V. Serrano (12-6)
             Parte ng mga pakinabang ng pagiging bata ay ang kuryusidad na naipapamalas ng kagustuhan na galugarin ang mga bagay bagay na maibibigay ng mundong ito. At wala nang mas nakakagaan ng loob katulad ng pagsasaliksik ng kapaligiran nang kasama ang pinakamamahal mong pamilya. Sa aming paglalakbay sa probinsya ng tita ng aking tiyuhin, mabuting pakikitungo at kagandahang loob ang aming naranasan. Ganap na kasiyahan ang aming naranasan sa aming biyahe dahil sa walang katapusang paglolokohan at kulitan sa daan. Sa aming pagdating ay sinalubong kami ng masigasig ng iba’t - ibang kapamilya ng aking tiyuhin. Maliit man ang bahay at simple lang ang maibibigay na pagkain, Mabusisi naman sa kanilang mga bisita kaya naging kaaya-aya at komportable ang aming pansamantalang pamamalagi.              Kinabukasan ay napagkasunduan ng grupo ang pag-akyat ng isang bundok na nangangalang Mt. 387. Ang Mt. 387 ay isang bundok na namamalagi sa Carranglan Nueva Ecija at isang kursong parte ng Caraballo Mountain Range. Sa aming pag akyat ng bundok ay nanibago ang aming mga hita at paa dahil sa di naming inaasahang kataasan ng mga hakbang nito, ngunit kung tutuusin naman ay ito ang pinaka unang beses naming makaranas magtahak ng bundok. Sa aming pagtahak ng bundok ay nadiskubre namin ang iilang mga magagandang tanawin na makikita dito. Una naming nakita ay ang napakagandang talon na nangangalang Aloha Falls kung saan kami’y samantalang nakapagpalamig at nakapagpahinga habang natatanaw ang magandang tanawin na naipamalas ng talon. At panghuli naman ay ang tuktok ng bundok na nagpamalas ng napakagandang tanawin ng ibang mga bundok na nakapaloob sa Caraballo Mountain Range.                Ang aming paglakbay, pagtahak at pagtanaw ng bundok na ito ay nagturo sa akin ng pagtitiis pagpupursige at ng importansya ng pamilya sa mga kahirapang ating dinaranas. Sa bawat pagsubok at hirap na dinanas ko sa pagtahak ng bundok na ito ay hinalinhanan ng katatawanan at kasiyahan na naipamalas ng aking pamilyang kasama. Ako rin ay namangha dahil sa supporta na aking natanggap sa aking pamilya sa aking pagtahak. Hindi ko naramdamang naging hadlang sa akin ang pamimintig ng aking paa at pagod noong paglalakbay na iyon. At dahil doon ay masasabi kong mas tumibay pa ang aking pakikisama sa aking pamilya at nagtaglay ng pagkakaintindi namin sa mga ayaw at gusto ng isa't-isa at bagkus ay nagsilbing tulay tungo sa isang malusog na relasyon.
3 notes · View notes
jeromecarlemasa · 5 years ago
Text
PETA #1 - Pangkat 8
Ang Departamento ng SHS sa DBTI Makati
isinulat ni: Czedric Xavier Y. Tiu
Sa paaralan kung saan matatagpuan lubos na pagmamahal at pananampalataya sa diyos, kakayahang panteknikal, at sa kamangha-manghang talento, lubos kong ipinakilala ang SHS ng DBTI Makati. Malaki ang impluwensya ng SHS ng DBTI Makati sa usapin ng pananampalatayang katoliko, kaya naman dito matatagpuan ang malaking debosyon ng mag-aaral sa panginoon. Dito rin matatagpuan ang kabundukang bait at galang ng mag-aaral sa mga guro. Pero ano nga ba ang inaalok ng SHS ng DBTI Makati sa mga mag-aaral? 
Nilalayon ng departamento ng SHS na ihanda ang mga mag-aaral para sa mapipiling larangan sa kolehiyo, pero hindi dito nag tatapos ang SHS ng DBTI Makati.
Nagbibigay ang departmento ng SHS ng dekalidad na edukasyon at holistikong pagbuo na gumagabay sa mga mag-aaral tungo sa pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng isang kurikulum na may oryentasyong teknolohikal. Dahil sa magandang kalidad ng edukasyon mula sa kamay ng mga guro at mga masasayahing aktibidad inaalok nito sa mga mag-aaral, ito ay isang pakete para sa mga estudyante ng DBTI Makati. Ang mga walang sawang aktibidad na inaalok nito sa mga estudyante ay may ugnayan sa simbahan, talento, pang-akademiko, pang-teknikal at pisikal na aktibidad kung saan lahat ay inaasahan lumahok dito. Ang paglalahok dito ng mga mag-aaral ay makakabigay ng oportunidad mapagbuti ang kanilang mga katangian bilang isang tao.
Bagaman patuloy tayo tinutulak sa mga hamon dulot ng pandemya, patuloy pa rin pinapakita ng departamento ng SHS ng DBTI Makati ang serbisyo at layunin dapat matupad para sa kalagayan ng mga mag-aaral. Kamakailan lamang, naghanda ang departamento ng SHS ng Mental Health Symposium para sa kapakanan ng mga estudyante. Ito ay isang halimbawa na hindi mawawala ang  prayoridad at oportunidad mapagbuti ang kalagayan ng mga estudyante. Hindi rin mawawala sa usapin ang relihiyon sapagkat patuloy pa rin ang mga aktibidad tulad ng Virtual Mass para mapanatili ang pananampalataya sa Diyos. 
-----------------------------------------------------------------------------------------------------
Ang mga Makabagong Plano ng Departamento ng SHS sa Don Bosco Makati sa Panahon ng Pandemiya.
isinulat ni: Reuel Joshua V. Serrano
Edukasyon, isang salita ngunit maraming kahulugan. Karamihan ng mga tao sa mundong ito ay sumasang-ayon sa kahalagahan ng bagay na ito at sa kalakihan ng papel nito sa ating buhay. Sabi nga ni Nelson Mandela, Ang Edukasyon ang pinaka malakas na sandata na maari mong gamitin upang baguhin ang mundo. Sa panahon ngayon masamang makulong sa bahay nang walang ginagawa sapagkat katulad ng lahat ng ineensayo sa buhay, ang hindi pag-aaral nang matagal na panahon ay nakakapagpakalawang rin ng ating utak, at dahil nga sa ating sitwasyong kinakaharap ngayon, umuuso ang paggamit ng iba’t-ibang plataporma tulad ng Google Meet na nangangailangan ng internet upang makapagturo’t makapagbigay ng mga aktibidad ang ating mga guro sa mga mag-aaral. Subalit, sa mga pribadong paaralan lamang ito umuso dahil sa kanilang modular learning ang paraan ng pag-aaaral na itinalaga ng DEPED para sa mga pampublikong paaralan. Kaya naman masasabi nga natin na mas mainam na mag-aral sa mga pribadong paaralan tulad ng Don Bosco Technical Institute of Makati o mas partikular ang departamento ng Senior High School na may kakayahan at mga kagamitan upang maitaguyod ang mga mag-aaral para sa malinaw na kinabukasan. Mayroon itong apat na  pang-akademikong programa na tinatawag na strands, at ang mga ito ay STEM (Science, Technology, Engineering and Mathematics), ABM (Accountancy, Business and Management), HUMMS (Humanities and Social Sciences, at Arts and Design Track (Visual and Media Arts). Hindi lamang, mga aral na may kaugnayan sa mga kursong nakasaad sa itaas ang itinuturo rito sapagkat ito ay isang paaralan ng mga katoliko, kaya naman makakasaksi ka ng maraming mga mahahalagang at mabubuting aral na maari mong magamit sa iyong buhay.  Ang departamento na ito ay pinamumunuan ni Ginoong Alfred Lozanta bilang Punong Guro ng Senior High School at siya ay may tatlong kawani na mga Punong Guro na nangangalang Ginoong Marlowe Ingles bilang tagapangasiwa tungkol sa mga bagay na pang akademiko, Ginoong Ernesto Tauyan bilang tagapangasiwa tungkol sa mga bagay para sa mga mag-aaral, at si Fr. Renato De Guzman bilang Spiritual Moderator.      
----------------------------------------------------------------------------------------------------- 
Ang Aking Nasisimulang Paglalakbay sa Senior High School ng Don Bosco Makati.
isinulat ni: Jerome Carl Emasa
Bilang isang mag-aaral sa Don Bosco Makati ng halos 11 na taon, masasabi ko na mapapagkatiwalaan ang institusyon sa kanilang SHS Program. Marami sa aming batch ay ang nagsialisan sa Don Bosco Makati ngunit may mga ilan ay ang nanatili. Isa na ako sa mga mag-aaral na nanatili sa Don Bosco Makati sa kadahilanang napamahal ako sa paaralan at institusyon na ito; dito ko natagpuan ang aking mga talento at kasanayan at ito’y aking pinapahusay pa. Mayroong 4 na strand ang Don Bosco Makati at ako’y nakabilang sa STEM Strand; marami ang nagsasabi na ito’y mahirap dahil nakapokus ang strand na ito sa sipnayan; maaring mahirap siya ngunit ito’y makakaya dahil sa mga iba’t-ibang pamamaraan ng pagtuturo ng aming mga guro. 
Nagsimula ang aking paglalakbay sa Senior High School noong ika-24 ng Agosto ngayong taon. Isang karangalan ang aking pananatili rito sa Don Bosco Makati; dumaan man ang maraming sakuna at unos, kami’y nagpapatuloy upang may matutuhan at magkaroon ng mga panibagong at makikinabang na kasanayan at kaalaman. Ang mga asignatura na aming kinukuha at inaaral ay mahirap subalit ito’y ang daan upang mapalawak ang aming intelektuwal na kapasidad. Ang aking mga nararanasan ngayon sa SHS Program ng Don Bosco Makati ay ang mga daan patungo sa aking mga pangarap tulad nang pagiging isang ganap na Inhinyero sa aking kinabukasan; at ang Don Bosco Makati - SHS ay tuturuan at tutulungan ako upang maabot at makamit ang aking mga pangarap. Hindi lamang sa aspeto ng edukasyon at edukasyong pangteknikal ang maituturo sa iyo bagkus sa aspetong pag-uugali rin. Kaya aking masasabi na natatangi ang pamamaraan ng SHS Program ng Don Bosco Makati dahil sa mga ganitong aspeto ng pagtuturo.
Ngayon, ako’y nasa simula pa lamang ng aking paglalakbay dito sa SHS Program ng Don Bosco Makati, at alam ko na marami pa akong matutuhan at magagamit na kaalaman at kasanay sa aking pananatili dito sa Don Bosco Makati. Aking inaanyayahan ang lahat ng mga mag-aaral mula sa baitang 10 ngayong taon na subukan at piliin ang Don Bosco Makati para sa iyong buhay Senior High School at aking ipinapangako na ika’y hindi mabibigo.
--------------------------------------------------------------------------------------------------
2 notes · View notes
jeromecarlemasa · 5 years ago
Text
Ang kahalagahan ng asignaturang Filipino at Panitikan sa Kolehiyo.
Gawa ni: Jerome Carl Emasa ng 11 - 6 (Cimatti)
              Sa isang bansang malaya, mahalaga magkaroon ng pagpapahalaga at kaalaman ang bawat mamamayan sa kanyang sariling wika at kasaysayan upang makilala nila ang kanilang pagkakakilanlan at ang kanilang kultura. Sa ating kasalukuyang panahon, marami na ang nagbabago at ang isa na rito ay ang ating wika at kultura. Nagbabago ang ating pamamaraan nang pakikipagsalamuha at nagbabago rin ang mga ginagamit natin na salita at baybay.  Isang karaniwang pangyayari ang pagbabago ng sariling wika dahil naging bukas ang iba't-ibang kultura ng mundo sa ibang bansa at naging malaya ang pagpili ng mga tao. Ang isa na sa nagbago ay ang kurikulum ng CHED para sa asignaturang Filipino at Panitikan. Ayon sa CHED Order number 20 s. 2013 ay nakasaad dito na hindi na kailangang kumuha pa ng asignaturang Filipino at Panitikan sa Kolehiyo at ito'y binaba sa K to 12. Isa ito sa mga kontrobersyal na paksa na hanggang ngayon ay pinagdedebatehan pa ngunit ano nga ba ang tunay na epekto nito sa mga mag-aaral?
              Noong 2013, napagpasyahan ng Korte Suprema na tanggalin sa major subjects ang asignaturang Filipino at Panitikan sa Kolehiyo sa kadahilanang tatapusin at ibababa raw ito sa K to 12. Ayon kay G. Prospero De Vera, chairman ng CHED, na ang pilosopiya ng K to 12 ay gagawing university ready ang mga mag-aaral mula sa Senior High at tatanggalin ang asignaturang Filipino at Panitikan dahil ito raw ay natapos na ng mga mag-aaral sa Senior High at kinakailangan sa pagpasok ng 1st Year College ay dapat major subjects na lamang ang kukunin. Sa mga kolehiyong mag-aaral katulad ni Jeunnezeanne Peñaflor, sila'y nahihirapan sa pagsasalita ng Filipino sa kadahilanang hindi nila unang wika ang Filipino kaya siya ay nagpupursigi na mag-aral ng wikang Filipino upang lumawak ang kanyang kaalaman at maging matatas upang siya'y maintindihan ng ibang Pilipino. Mayroong mga Pilipino ang sumasang-ayon sa pinatupad na batas ng CHED ngunit mayroon din na hindi sumasang-ayon sa pinatupad na batas ng CHED. Sa aking palagay, sa konsepto ng pagiging makabayan at pagpapahalaga sa ating bansa ay hindi ako sumasang-ayon sa pinatupad na batas ng CHED. Naniniwala ako na dapat husayan pa natin ang ating kaalaman at paggamit ng wikang Filipino, hindi lamang ang ating wika pati na rin ang ating kasaysayan dahil kulang pa ang ating kaalaman.  Ang isa sa mga katangian ng malayang bansa ay ang paggamit ng sariling wika at magkaroon ng kaalaman sa sariling kasaysayan. Mahalaga pag-aralan ito dahil isa ito sa mga pagkakakilanlan natin bilang Filipino. Sa pinatupad na batas ng CHED, maaaring pinapatay nito ang ating wika at kasaysayan, at dahil dito paano natin mapupukaw at mabibigyan ng kahalagahan ang paggamit ng ating wika o kaya naman magkaroon ng kaalaman sa ating kasaysayan? Kailangan natin ipanatili sa Kolehiyo ang asignaturang Filipino at Panitikan upang mabigyan ng mas malawak at mas malalim na pagpapahalaga at kahulugan ang ating wikang Filipino. Nakalulungkot isipin na habang nagbabago ang panahon ay unti-unti natin isinasantabi ang ating wika at lalo pa tayong tumatangkilik ng ibang wika. Paalala muli na ang ating wika, kasaysayan, o kultura ay kasama sa ating pagkakakilanlan bilang mamamayan at kung hindi natin binibigyan ng pagpapahalaga ang ating wika, kasaysayan, at kultura ay parang hindi natin kilala ang ating mga tunay na sarili. Kung sa kolehiyo ay pinapanatili ang paggamit ng wikang Ingles at patuloy ang paggamit ng mga pinuno ng ating bayan ang wikang Ingles, paano natin mabibigyan ng pagpapahalaga ang wikang Filipino na sariling atin? Sana'y bigyan natin ng kahalagahan ang ating sariling wika, kasaysayan, at kultura.
               Maaring isang kontrobersyal na paksa ang aking nailathala ngunit huwag natin kalilimutan na bigyan natin ng paggalang ang bawat opinyon at pahayag ng bawat isa. Totoong mahalaga ang pag-aaral ng sariling wika upang mapalawak ang ating kaalaman at pagpapahalaga sa wikang Filipino. Gaya ng sinabi ni Dr. Jose Rizal: "Upang mahulaan ang patutunguhan ng isang bansa, kinakailangan magbukas ng isang libro na nagsasaad nang kanyang nakaraan". Kaya ako'y hindi sumang-ayon sa pinatupad na batas ng CHED sa kadahilanang pagpapanatili ng pagiging makabayan sa pamamaraan ng pagpapahalaga at pag-aaral sa wikang Filipino. Ating mahalin ang ating sariling wika, kasaysayan, at kultura dahil ito ay kasama sa ating pagkakakilanlan.
1 note · View note
jeromecarlemasa · 5 years ago
Text
Ang Wikang Filipino sa Kasalukuyang Panahon
Gawa ni: Jerome Carl Emasa ng 11 - 6 (Cimatti)
              Ang wika ay kabuhol ng ating kultura kaya naman isa sa mga pinakamahalagang katangian ng ating kultura ay ang paggamit ng sariling wika. Bawat mamamayan sa isang bansa ay kinakailangang matuto, makaunawa, at mapag-aralan ang kani-kanilang wika. Subalit, hindi madali pag-aralan ang isang wika. Isang kumplikadong paksa ang wika dahil mayroong mga baybay o mga salita na ngangailangan ng mas malawak na interpretasyon o kaya naman paliwanag. Sa kasalukuyang panahon, ang mga mag-aaral ay nakikitaan ng kanilang mga guro sa Filipino na humihina ang kanilang kaalaman sa wikang Filipino. Ang isa na rito ay si Gng./Bb. Mila Villanueva na isang guro ng Filipino.  
          Sa kanyang apat na dekada ng pagtuturo, napapansin niya na patuloy humihina ang kanyang mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino. Inihalintulad niya ang mag-aaral ngayon sa mag-aaral noon at napatunayan niya na totoong humihina na ang kaalaman ng bawat mag-aaral sa wikang Filipino. Ang kanyang dahilan kung bakit humihina na ang kaalaman ng mga mag-aaral ngayon sa wikang Filipino ay dahil sa paggamit ng Text Messaging o Internet. Sa aking palagay, ang dahilan nang pagkahina ng ating kaalaman sa wikang Filipino ay ang pagtatangkilik natin sa iba't-ibang kultura at pamamaraan ng pananalita ng ibang bansa. Ako'y sumasang-ayon kay Gng./Bb. Villanueva na totoong humihina na ang ating kaalaman o kasanayan sa wikang Filipino at sumasang-ayon din ako na dapat mas lalo pa natin bigyan ng tuon o pokus ang ating sariling wika upang lumawak ang ating bokabularyo o kaya naman ang ating kaalaman sa ating wika upang matuto tayo tumangkilik sa sariling kultura at gumamit ng wastong Filipino. Subalit, sa konsepto ng pagkaunawa habang nakikipagsalamuha, dahil sa nakasanayan ng maraming Filipino sa kasalukuyan panahon ang paggamit ng dalawang wika habang nagsasalita at dahil na rin sa pagbabago ng wika, ang aking pipiliin ay ang kanilang nakasanayan upang mas maging payak at magkaunawaan ang isa't isa. Sa aking palagay, mas mahalaga ang magkaintindihan ang bawat isa sa isang komunikasyon upang malaman natin ang kanilang opinyon o punto sa pinakapayak na salita.
          Nakalulungkot isipin na ang ibang Pilipino ay unti-unting nawawalan ng gana sa sariling wika o kultura ngunit pagdating sa ibang wika o kultura ay sobra sila tumangkilik nito. Hindi masama tumangkilik sa ibang wika o kultura, ang akin lamang ay sana pahalagahan pa natin ang sariling wika at kultura. Gaya ng sinabi ni Dr. Jose Rizal, ”Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda”, huwag na huwag natin kakalimutan ang sariling wika o kultura dahil ito ay ang ating pagkakakilanlan. Bilang pagtatapos ng aking blog, ang aking punto ay sumasang-ayon ako kay Gng./Bb. Mila Villanueva na humihina na ang ating kaalaman sa wikang Filipino kaya dapat lalo pa natin paigtingin ang pag-aaral ng wastong paggamit ng wikang Filipino ngunit sa konsepto ng pagkaunawa habang nakikipagsalamuha ay mas pipiliin ko ang nakasanayan upang mas maging payak at magkaunawaan ang isa't isa.
6 notes · View notes