iJuander: Pagtangkilik ng mga Pinoy sa tradisyunal na panggagamot sa modernong panahon
Don't wanna be here? Send us removal request.
Video
youtube
Araw-araw, dinarayo ang Quiapo ng daan-daang Pilipino. Nariyan ang simbahan sa gitna, naghihintay na masindihang mga kandila, at maging bagong pitas na sampaguita. Hindi maipagkakaila na itinayo ang distritong ito ng pananampalataya. At isa pa sa makapagpapatunay nito ay ang mga nagkalat na panindang halaman, langis, ugat, agimat, at iba pang pinaniniwalaang makalulunas ng sakit o tuluyang makapaghahatid ng maganda at maayos na kalusugan sa kung sinumang gagamit nito.
Ito ang mga tinatawag na hiwaga ng Quiapo: mga sikretong kupkop ng bawat bote, bawat inukit na kahoy, bawat bungkos ng dahon. Sa kabila ng pamamayagpag ng makabagong medisina ngayon, tila nakapagtataka — bakit patuloy pa ring tinatangkilik ni Juan ang tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot sa modernong panahon?
0 notes
Text
Ano nga ba ang Tradisyunal na Panggagamot?
Halamang herbal
Ito ay tradisyonal na ginagamit upang lunasan ang mga sakit. Nagtataglay ito ng mga natural na katangiang nakapagpapagaling. Maaari itong inumin at gamitin sa maraming paraan, gaya ng mga tsaa, dekoksiyon, o di kaya naman ay panapal.
Pagsusuob
O mas kilala bilang Pagtatawas. Ayon sa depinisyon ng Academia.com, ito ay isang uri ng tradisyunal na panggagamot na kalimitang tinatangkilik ng mga mamamayan ng Pagbilao. Isinasagawa ito gamit ang tawas, bendita o palaspas at kamangyan (o incense) at sinasamahan ng orasyon o bulong na iwiniwika ng manggagamot. Diumano ay nakapagpapaalis ito ng karamdamang dulot ng masasamang espiritu na nabulabog ng biktima.
Mangtatawas
Ang tawas ay isang popular na panimulang ritwal na isinasagawa ng karamihang alternative healers para magbigay ng hinuha sa sanhi o kadahilanan ng sakit ng isang pasyente. Nakuha ang pangalan ng pagtatawas sa salitang alum, ocrystalline double sulfate ngaluminum at potassium at mulanga noon ekslusibong ginamit naito sa panimulang ritwal. Sa ngayon, ang tawas ay ginagamit sa diagnostic ritual o pamamaraan gamit ang iba’t-ibang bagay gaya ng kandila, itlog, salamin, plain paper, balat ng sigarilyo at alum.
Hilot
Isa pang katutubong paraan ng panggagamot sa Pilipinas. Sa prosesong ito, hindi lamang ang kalusugan ng katawan ang tinitingnan ng manggagamot kundi pati ang ibang aspeto ng tao, ang kanyang pag-iisip, damdamin, pakikitungo, at pati na rin ang aspetong espirituwal. Layunin nito na manumbalik at panatilihin ang katahimikan at balanse sa kalooban ng tao.
Manghihilot
Kadalasan, limitado lamang ang ginagawa ng mga hilot sa mga nararamdamang sakit sa katawan na naiibsan sa pamamagitan ng panghihilot at masahe. Kabilang sa mga kagamitan ng isang hilot ay isang anting-anting, isang “empowered” cane, isang nazarene-garb na pinamana ng isang guro at mga ilang ritwal para malaman ang karamdaman. Isang sinaunang teknik ng pagmamasahe ay paggamit ng simbolo ng krus, koronang tinik, rosaryo at ang pagpako ng kamay at paa. Kadalasang ginagamit ng manghihilot ang langis ng niyog at mga dahon na ginagawang pantapal sa apektadong parte ng katawan. Nilalapitan ang manghihilot sa mga pilay, tapilok, nabalian at pagmamasahe.
Iba pang tradisyonal na paniniwala o paraan ng panggagamot:
Agimat
Ito ay ang naturang bagay na nakapagbibigay diumano ng kakaibang kapangyarihan at abilidad sa kung sino man ang may hawak nito. Kadalasan, nagtataglay ito ng simbolismo o mga katagang Latin na ayon sa mga babasahin ay madalas ay nakatago sa pitaka o di kaya'y nakatahi sa damit.
Anting-anting
Ito ay naglalarawan sa mga bagay tulad ng medalya, bandana, sinturon, baston o kahit ano na mayroong nakapaloob na mistikong kagamitan. Ang mga letra, bibliato, salita, dibuho at dekorasyonay likha ng mga sinaunang Pilipino na maaaring naipasa, namana o rebelasyon sa kanila.
Tsart na nagkukumpara ng mga herbal na gamot at Generic drugs na nabibili sa botika:

0 notes
Photo

PANANALIKSIK.
Ang Quiapo, Maynila ay kilala dahil sa tanyag nitong simbahan na Quiapo Church. Madalas itong dinudumog ng mga Katoliko, partikular na sa mga deboto ng poong itim na Nazareno. Ngunit bukod pa rito, kilala rin ang Quiapo sa mga pamilihang nakapalibot sa simbahan, kung saan karamihan sa paninda ay mga tradisyunal o herbal na gamot. Marami ring matatagpuang mga manghuhula at faith healers na patuloy pa ring pumapraktisa nito sa likod ng pag-usbong ng kanluraning pamamaraan ng paggagamot o mas kilala bilang Western Medicine sa bansa. Sa aming paglilibot, nasaksihan namin ang iba't ibang stratehiya ng mga tao upang mahikayat ang mga mamimili na bilhin ang kanilang paninda. Sa kabilang banda, may mga nagbebenta rin ng produktong natural o herbal na ginagamit sa iba't ibang sakit sa katawan tulad ng rayuma, pamamanhid, lamig, pasma, arthritis, varicose, sipon, pilay, at iba pa. Ang ilan sa mga ito ay inilalagay sa mga bote at ipinangangalan kay Nazareno na sinasabing may basbas o healing power. Ang pinaka-pumukaw na siguro sa atensyon namin ay ang gamot na nakalagay sa bote ng alak at may label na "pamparegla". Sa unang tingin, aakalain mo na pamparegla lamang ito ngunit kung pag-iisipang mabuti, matutuklasan na ito pala ay ginagamit bilang pampalaglag ng bata. Natuklasan din namin sa aming paglilibot ang iilang mga mambabara, manghuhula, at faith healers. Isa sa amin ang sinubukang magpahula sa tinatawag na “Hari ng Quiapo”. Ang faith healer na ito ay si Bro. Ariel Red, at ayon sa kaniyang pagsusuri, maganda raw ang hatid ng kanyang palad: maswerte sa trabaho, hanapbuhay, at negosyo. Iwasan daw ang tukso sa pag-ibig. Siya raw ay ligawin hanggang sa siya’y magkaroon ng boyfriend o asawa at magkakaroon daw siya ng apat na anak. Itinanong ng nagpahula kung tama ba ang kaniyang napiling kurso at ang sabi sa kanya ay “Kahit ano namang piliin mo magagampanan mo pa rin iyon, okay ang palad mo lalo kapag mag-business ka…”
Matapos ang kaniyang pagpapahula, kinuha na rin namin ang pagkakataon upang siya’y makapanayam patungkol sa kaniyang ginagawang panghuhula at panggagamot. Napag-alaman namin na siya pala ay dating kusinero ngunit nang magkaroon ng sakit, ay idinala sa ospital at namatay daw ng higit sa isa at kalahating oras. Sabi niya, “Tapos, naka-akyat ako sa itaas kaso madilim pero pag gano’n ko, ginano’n ako sa ulo (pinalo) - malaki…si Hesus yun kasi ang laki ng kamay… pag angat ko ginano’n ako”. Dagdag pa niya, “Pag naglalakad ako, mayroong bumubulong sa dalawa kong tenga na nagsasabi na ‘pag mayroon akong makitang tao na may sakit… sabi sa’kin, gamutin mo ‘yan kawawa ‘yan, tulungan mo yan pagalingin mo ‘yan… ‘yun na ‘yun nag-start na”. Sinimulan niya raw ang nasabing misyon sa pamamagitan ng paghihilot sa mga bata, hanggang sa patuloy niya na itong ginawa nang maging epektibo ito.
0 notes
Text
Nang matanong kung bakit sa tingin niya’y patuloy pa ring tinatangkilik ng mga Pilipino ang ganitong pamamaraan, sagot niya’y “Kasi isa lang ang sagot diyan. Noong unang panahon, wala pang doktor - puro manggagamot na matatanda, hilot-hilot. Pinanganak ako sa hilot sa probinsya, mga dahon-dahon lang puro herbal…”. Ayon sa kanya, ang lolo niya raw na namatay sa edad na 120 ay dating manggagamot. Ipinamana nito ang kanyang lakas sa kapatid ng kanyang ama. Ngayong pumanaw na ang dalawa, siya na raw ang manggagamot sa pamilya. Gayunpaman, ang kanyang kapangyarihan, ‘di gaya ng sa mga kamag-anak, ay bigay ng Itaas. Ang paggagamot niya raw ay libre at nanghihingi lamang siya ng donasyon mula sa mga napagagaling niya. Dagdag pa niya na lahat ng hinahawakan niya ay gumagaling sapagkat siya raw ay namatay na at nabuhay muli upang maging tagapagpagaling. Inilinaw niya rin naman sa amin na mayroong iba’t ibang klase ng manggagamot, at hindi raw siya gaya ng mga mangkukulam o mambabarang sapagkat wala siyang ibang bitbit kundi ang Diyos Ama at kabutihan. Ipinakita niya rin sa amin ang kanyang pinakainiingatang tela na bigay ng isang matandang manggagamot. Makikita rito ang ilang nakaukit na salitang latin at imahe ng mga santos gaya ni San Miguel, taga-huli ng masasamang espiritu. Sinubukan raw itong bilhin mula sa kanya sa halang sampung-libong piso ngunit tumanggi siya rito sapagkat ang utos sa kaniya ng nagbigay na hindi niya dapat itong labhan, ibenta, o ipahiram. Sa huli, itinuro niya ang kanyang mga likha at sinabing “Wala namang masama sa ganyan, wala namang mawawala sa iyo eh”.
0 notes
Text
KASAYSAYAN.
Mula pa noong unang panahon, naniniwala na ang mga Pilipino sa mga ispiritu, diwata at engkanto na sinasabing namamahay sa mga dagat o bundok. Dahil dito, naniniwala silang mas madali ang pakikipag-ugnayan ng tao sa mga ispiritu o diwata. Ang pakikipag-ugnayan nila rito ay nakatutulong sa panggagamot. Ang pagkakasakit nga raw ay bahagi na ng araw-araw na pamumuhay natin. Noong unang panahon, wala pang mga doktor, mga gusali, o ‘di kaya’y mga gamot na tulad ng iniinom natin ngayon. Ang mayroon lamang ay ang mga taga-pamagitan tulad ng babaylan o albularyo. Ang mga albularyo ay ang nagsasagawa ng paggamot sa may sakit. “Nanggagamot” sila sa pamamagitan ng paggamit ng mga halamang gamot. Gumagamit din sila ng langis na maaaring ipinapahid sa parte ng katawan ng isang may sakit o karamdaman. Ang kanilang ginagawa ay pinaniniwalaang may basbas ng mga espiritu sa mga kagubatan o kabundukan. Pinaniniwalaan na ang pagiging albularyo ay minamana mula sa pamilya ng manggagamot. Wala silang pormal na edukasyon at ang ginagawa nila ay base lamang sa itinuro sa kanila ng isa ring albularyo. Sa ngayon, sila ay matatagpuan sa mga rural na lugar kung saan mahirap makakuha ng lunas mula sa modernong medisina. Higit din na mas mura ang “pagpapagamot” sa albularyo kaysa sa doktor kung ikukumpara sa mga gamot at operasyon. Isa pa, marami pa ring Pilipino ang pinipiling gumamit ng mga halamang gamot sapagkat halo-halong kemikal na ang nakapaloob sa mga gamot sa kasalukuyan.
0 notes
Photo





KULTURA.
Pananampalataya. Nailalarawan ito bilang ating paniniwala batay sa espirituwal na pang-unawa.
Dito, sa Quiapo, na tinaguriang puso ng lungsod ng Maynila, matatagpuan ang mga simbahan ng dalawang malalaking relihiyon sa ating bansa, ang Basilica Minor ng Mahal na Nazareno, at ang Golden Mosque ng mga Muslim. Dalawang magkaibang relihiyon sa magkabilang banda, ngunit parehas na bumubuo sa ating kultura. Hindi nauubusan ng tao dito lalo’t higit sa loob ng simbahan ng Katoliko, sa bawat ordinaryong araw ng bawat linggo at higit pa sa mga piyestang kinapapalooban nito.
Tuwing ika-siyam ng Enero ipinagdiriwang ang kapistahan ng Itim na Nazareno, kung saan nililipat ito mula sa Luneta hanggang sa Quiapo. Tinatawag rin itong Translacion. Hindi mahulugang karayom ang pagdagsa ng mga deboto sa pinaniniwalaang milagrosong poon. Hindi biro ang pananampalataya ng mga debotong nakikidalo. Tumatagal ang translacion ng halos bente-dos oras, pinakamatagal na naitala, bago ito makabalik sa kanyang tahanan. Kaya ganun na lamang ang pagbubunyi sa kanyang pagbabalik sa mismong tahanan. Kung mapapansin, hawig ito sa istorya sa bibliya kung saan sinalubong si Hesus ng mga taga Herusalem na may kasamang pagaspas ng dahon. Deboto man o hindi, anumang relihiyong iyong kinabibilangan, kapag nasaksihan mo ang pangyayaring iyon ay tiyak na tatayo ang balahibo mo dahil sa kakaibang presensya ng paligid at sa hiyawan ng madla na sumasalamin sa kanilang pananampalataya.
Marahil karamihan sa atin ay nagtataka sa ganitong katinding pananampalataya ng mga deboto ng Mahal na Nazareno. Kahit buhay na nila ang malalagay sa bingit ng kapahamakan ay hindi nito pinatitigil ang kanilang pananampalataya sa poon. Halimbawa na lamang nito ay ang mga mamamasan na sumasabay sa andas ng poon. Walang pagbibitiw sa lubid na tulad ng pagkapit sa kanilang mga dasal at kahilingan, at ang pagtitiis ng walang sapin sa paa na tanda ng kanilang matinding pagdedebosyon.
Walang makakapagpaliwanag nito kundi ang deboto mismo. Ang kagalingan o milagro ay nagaganap lamang depende sa kanyang pananampalataya. Naisasakatuparan lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng dasal at pagtitiwala.
Mistulang hindi lamang sa loob ng simbahan natatapos ang ganitong uri ng pagkakapit sa pananampalataya.
0 notes
Photo




Sa labas ng simbahan makikita ang samu’t saring bangketa. Nagkalat ang iba’t ibang klase ng tao na may iba’t ibang uri ng hanap buhay at pinagkakaabalahan. Madalas pagkatapos magsimba, dumidiretso ang mga tao sa pamilihan, o ‘di kaya ay sa pagsisindi ng kandila. Sa labas ng simbahan pumupuwesto ang mga nagtitinda ng samu’t saring kulay ng kandila, at may depinisyon pa sa bawat kulay tulad ng white-purity, peach- studies, o green-financial. Isang hilera ng mga magkakatabing nagtitinda ng pareparehas na kandila ang makikita mo sa paglabas palang ng simbahan.
Maliban sa mga kandila, makikita rin ang aspeto ng pananalig sa mga nagkalat na mga nagtitinda ng herbal medicine. Sa kabila ng pag-usbong ng teknolohiya at pagbabago ng panahon, may mga tao paring naniniwala sa ganitong paraan ng pag-gagamot. Iba’t ibang uri ng lunas ang matatagpuan dito na tila sagot sa iba’t ibang uri ng karamdaman. Hindi lang lunas, kundi iba’t ibang uri rin ng mga manggagamot na hindi ang paraang siyentipiko ang ginagamit at sa halip ay mga herbal na gamot, dasal, o engkantasyon ang sinasambit. Naniniwala sila na ang karamdaman ay maaari ring kagagawan ng kapwa at ibang elemento upang gamitin bilang paghihiganti o kabayaran. Mistulang ang ganitong transaksyon ay tumagal na sa maraming panahon, kaya’t patuloy silang namamalagi sa lugar. Iyon ang isang halimbawa ng pananalig, na mabubuhay sila sa kanilang ginagawa dahil patuloy na may mangangailangan ng kanilang paninda at patuloy naman nila itong tutugunan at tutulungan.
0 notes
Photo



Karamihan sa mga makikita sa mga tinda ay ang mga boteng “pamparegla”. Makikita rin ang iba’t ibang dahon ng makabuhay, pito-pito, kamangya, tawa-tawa atbp. Nagkalat din ang mga gamot na para sa rayuma, pangontra sa gayuma, at marami pang iba.
Sa kabuuan, maituturing na isang komunidad ang mga dumadayo at bumubuo sa labas ng mismong simbahan. Siksikan man ay mayroon silang karaniwang ginagawa kaya hindi matigil ang kanilang pakikibaka araw-araw at patuloy ang pakikipagsapalaran sa kani-kaniyang mga buhay, matugunan lang ang pang araw-araw na pangangailangan.
Ayon sa ibang mga babasahin, kadalasang ang mga nagtitinda ay gumamit na rin ng kanilang mga paninda kaya’t lubos silang may tiwala sa kanilang paninda at alam nilang hindi sila bibiguin nito. Kahit matumal ang bentahan ay patuloy pa rin nila itong gagawin para sa pangangailangang pinansyal.
0 notes
Photo




KAHIRAPAN.
Kahirapan na nga sa siguro ang isa sa pinakamalinaw na dahilan sa pagtangkilik sa tradisyunal na panggagamot sa kabila ng pamamayagpag ng modernong medisina. Bagamat patuloy ang pagtuklas ng makabagong pamamaraan at medisina na hatid ng Siyensiya, hindi maipagkakaila na palayo rin nang palayo ang mga mababang sektor ng lipunan sa oportunidad na ito. Ang problemang pinansyal at kakulangan ng matatakbuhang maayos na ospital ay malaking salik sa pagpili ng mga mamamayan na ipagkatiwala ang kanilang kalusugan sa tradisyunal na panggagamot.
Ito nga raw ang reyalidad ng buhay. Sadyang nakalulungkot ang kasulukuyang estado ng ating sistemang pangkalusugan. Napakamahal magpagamot kung kaya’t pinipili nalang ng mga mamamayan na kumapit sa paniniwala o kung walang-wala na talaga, ay ipagpaliban na lamang ang pag-inom ng gamot at pagpapatingin sa mga doktor. Ayon sa tala ng Kagawaran ng Kalusugan, aabot ng 30% ang mga tao sa Pilipinas na namamatay nang hindi man lang napadadala sa pagamutan.
Kokonti lamang ang mga ospital na mayroong kumpleto at maayos na pasilidad, dagdag pa rito ang kakulangan sa mga manggagawang pangkalusugan sapagkat karamihan ay nagpasya nang mag-ibang bansa. Ilang beses na nga ba itong ipinangako ng mga nasa pwesto? Ilang beses na nga ba itong ginamit bilang pain sa mga mamamayan? Ilang beses na nga ba tayong naloko ng mga mabubulaklak na salita ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring kaunlaran na makita? Tagumpay ang tawag ng mga nakaaangat dito. Ngunit habang patuloy na isinasapribado ang iba pang mga ospital, habang nakasentro pa rin ang gobyerno sa mga may kaya, habang patuloy pa ring ipinapagsawalang-bahala ang hinaing ng mga tunay na naaapektuhan — mananatili tayong talo.
0 notes
Text
Konklusyon
Patuloy pa ring umuusbong ang tradisyunal na panggagamot sapagkat ito ay parte na ng kulturang Pilipino. Dito nag-ugat ang modernong panggagamot kung kaya't hindi natin ito kailangang tanggalin o ipagbawal — parang tinanggalan na rin natin ng parte ang kulturang ito. Kung mayroon man, ito ay ang paggamit ng tradisyunal na gamot sa paraang taliwas sa itinuturo ng Katolisismo na ginagamit din nilang tulay sa paggagamot tulad ng pagbebenta ng mga pampalaglag.
Maipapasok din natin dito ang kahirapan na patuloy pa rin sa paglala sa kasalukuyang panahon at dahil dito, napipilitan ang mga Pilipino, partikular na sa mga mahihirap, na kumapit sa tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot. ‘Di gaya ng pagpapagamot sa doktor, dito ay lubos silang makatitipid sa gastusin at maitatabi pa ang pera para sa iba pang "mas mahalagang" pangangailangan gaya ng pagkain. Bali-baliktarin man, nag-uugat pa rin ang problemang ito sa kurapsyong talamak pa ring nangyayari sa gobyerno kung saan ang mga proyekto'y hindi nakatuon sa pag-aangat sa buhay ng mga mahihirap. Kadalasa'y pang-sariling interes lamang ang pakay ng mga ito kung kaya't hanggang ngayo’y patuloy pa ring mahirap ang bansa.
Naniniwala kami na ang pagtangkilik sa tradisyunal na panggagamot ay hindi masama at hindi na maikakatwa sa ating mga Pilipino sapagkat parte na ito ng ating kultura at pagkakakilanlan. Nasa sa atin na lamang kung paniniwalaan pa rin natin ang mga ito. Para sa amin, ang mainam na solusyon sa kinahaharap na suliranin ay ang pag-aayos ng gobyerno sa sektor ng kalusugan at edukasyon sa bansa sapagkat ito ay karapatan ng bawat mamamayan. Gayunpaman, malaking bahagi rin ang taumbayan sa isyung ito. Makatutulong ang bawat ordinaryong mamayan, partikular na kaming mag-aaral, na gamitin ang kaalaman upang mabuksan ang kaisipan ng mga tao ukol sa tama at ligtas na pamamaraan at panggagamot.
Bilang mga mag-aaral ng parmasya at mga susunod na parmasyutiko ng bansa, layunin naming matulungan ang mga mamamayan sa tamang paggamit ng gamot ng walang halong diskriminasyon sa estado ng kanilang buhay. Mahirap man o mayaman, ang bawat isa ay may karapatan sa wastong panggagamot at maayos na kalusugan.
0 notes