Tumgik
kcbello · 5 years
Text
The consumer society and the new means of consumption
Ang pagbabago ang tanging permanente sa mundo. Ang mga tao ay laging naghahanap ng kakaiba o bagong bagay o karanasan.Ito naman ay tinutugunan ng kapitalismo.Sa tulong ng pagiging makabagong lipunan ay nakakalikha ang mga kapitalista ng mga paraan kung paano pa nila mailalapit ang mga produkto sa mga mamamayan upang bilhin. Ang aking nanay ay biktima na ng mga ganitong bagay, hilig niyang mamili sa mga “online stores” o yung pagtitinda ng kung anu-ano na nakikipag-ugnayan sa mamimili sa tulong ng “internet” at kompyuter. Hindi niya personal na nakikita ang produkto bagkus imahe lamang nito. Nahihilig na siyang bumili dito at naiiba na ang rason niya sa pagbili ng mga produkto, iyon ay kung mura ba? At mahal ba ang “shipping fee”? Kaysa sa kung matibay ba ito? Kailangan ko pa ba neto? Tinanong ko siya kung bakit mas gusto niya ang pamimili dito, at ang sabi niya dahil narin nga hindi na siya mamasahe pa at mapapagod kakahanap sa pamilihan ng produktong nais niya. Pero lingid sa kanyang kaalaman nililinlang lang siya ng mga tindero at tinder sa “online stores” tulad ng pagsasabing wala daw “shipping fee” pero nakadagdag na pala mismo sa presyo ng produkto.
Halos lahat na ng ating pangangailangan ay nakadepende na sa teknolohiya miski ang pagbabayad sa kuryente at kung anu-ano pang mgabayarin, mayroon ng “online education”, at pagtratrabaho sa loob ng bahay sa tulong “internet”. Unti-unti ng nawawala ang personal na pakikipagugnayan natin sa kapwa tao at kung magpapatuloy pa ito baka magkaroon na ng kanya-kanyang mundo ang bawat tao. Tulad ng mga nailikhang mga websites na matutugunan ang iyong mga kagustuhan, isa na dito ang paglalaro, sa laro ay malaya kang pumili kung anong karakter ang gusto mong ipakita sa iba pang manlalaro at madalas nabubuyo ka na dito kaya ang pangangatwiran mong gumastos sa laro ay tama lang sapagkat dito ka nagiging masaya. Ang pagpunta sa mga kakaibang lugar tulad ng Disneyland, Enchanted Kingdom, Ocean Park, at marami pang iba ay ginagamit ng mga kapitalista upang akitin ang mga tao na bumili ng mga nakakaayang kagamitan at magpunta sa mga ganitong lugar dahil alam nilang ito ang  mga bagay na nagbubugso sa mga hangarin at damdamin ng mga tagaconsumo para magkaroon ng pangangatwiran sa pagkonsumo sa mga ito.
0 notes
kcbello · 6 years
Text
The rise of consumer, society, loss of symbolic exchange, and increase in simulations
Paano ginagamit ang pera? Ito ay ginagamit sa pagrerepresenta ng halaga ng isang bagay at serbisyo. Kung mas maganda, mas sikat, mas masarap o mas matibay, ayon sa pamantayan ng mga tao sa iyong palagid, na produkto ang iyong binili ay malamang nagkakahalaga ito ng maraming pera at ibig sabihin nito na ikaw ay yayamanin sapagkat may kakayahan kang bilhin ang mga bagay na ito. Ang iyong mga kagamitan o mga serbisyong natatamasa mo ang siyang nakikipag-usap sa mga tao kung anong klase kang tao. Pero bakit mo nga ba ginamit ang iyong pera sa mga bagay na ito? Dahil kailangan mo o gusto mo lang?
Sa panahon ngayon, nangingibabaw ang pakialam ng indibidwal sa iisipin sa kanya ng mga tao sa paligid niya. Itinuturing niyang mahalaga ang ganitong relasyon sapagkat ito ang magdidikta sa kanya kung tanggap ba siya o hindi sa pamantayan ng lipunang kanyang kinabibilangan. May mga tao na kung umasta ay kala mo mayaman yun pala naghihirap na, bumibili sila ng mga bagay na hindi naman talaga nila kailangan pero ang pagkakaroon nito ay ang mag-aangat sa kanilang sosyal na katayuan. Nagagamit ito ng mga Kapitalismo upang manipulahin ang mga tao sa kung ano ang dapat nilang bilhin, madalas ay ginagamitan pa nila ng mga artista upang mang-endorso ng kanilang produkto upang mabili ito ng mga taong iniidolo ang nageendorso. Parang yung kaibigan kong masugid na tagasuporta ni  Nadine Lustre, lahat ng inendorso nito ay binibili niya, ginagaya rin niya ang pananamit, estilo ng buhok, at minsan ang pagmamake-up nito. Sa unang tingin palang sa kanya, alam mo ng tagasuporta siya ng artista dahil sa kanyang panggagaya sa iniidolo. Ipinaparating din ng mga kapitalista na kailangang maglaan ng kakaunting oras sa mga bagay na hindi kaugnay sa pagiging produktibo ng isang manggagawa. Tulad ng pagkain ko sa paaralan, hindi na ako nagbabaon sapagkat dagdag oras at gawain pa ito sa umaga bago ako umalis, bagkus ay bumibili na lamang ako sa tindahan ng pagkain. Kaya naman imbes na ipon ko na sana ang natitirang baon ko mula sa pamasahe ay nagagastos ko pa siya sa aking kinakain na minsan ay mamantika, kakaunti at talagang binibili ko nalang sapakat kailangan kong kumain hindi dahil sa gusto ko yung pagkain.
Maaari bang maging katotohanan ang kasinungalingan? Oo, kung paulit-ulit mo itong gagawin, unti-unti ng mapapalitan ang basehan mo kung ano ba ang totoo sa hindi. Tulad ng panggagaya ng kaibigan ko sa kanyang iniidolong artista, minsan hindi ko na malaman kung ano ba talaga ang  totoo niyang katauhan, baka pinanindigan na niya kung sino ang ipinapakita niya sa amin. Pero baka rin naman wala talagang orihinal na siya o pati na rin ako, dahil lahat tayo ay bunga ng mga impluwensiya sa ating kapaligiran. Nabubuhay tayo sa kanya-kanya nating mga mundo at kung tayo man ay biglang magising sa katotohanan matatanggap kaya natin ito o hindi natin na paniwalaan?
0 notes
kcbello · 6 years
Text
Foucault's Governmentality
Ang bawat tao ay may kanya-kanyang pag-iisip na may kanya-kanyang basehan kung ano ang tama at mali. Sa lipunan ngayon, ano nga ba ang basehan ng tama at mali? Sa isang lipunan na pinumumunuan ng gobyerno ay may pangkalahatang patakaran sa mga mamamayan nito at ang paglabag sa mga nakasaad sa patakaran ay may kaukulang parusa na matatanggap o sa kasalukuyan, ay ang pagkakakulong na ang kanyang paglalabi dito ay depende sa grado ng kanyang pagkakasala at ang matindi ay ang panghabambuhay. Sa bawat sektor ng lipunan ay may kanya-kanyang patakaran ipinapatupad na ang pinagbasehan ay ang sa gobyerno.
Ang mga tao kapag lumabas na ng bahay nila ay may kanya-kanya ng maskarang suot. Kahit hindi nila alam kung sino ang nagmamasid sa kanila, nakatanim na sa kanilang kamalayan na maaaring may tao na nakamasid sa kanila na hindi nila alam, kaya naman ang mga kilos nila ay nakaayon sa kung ano ang tama at mali sa lipunang kinabibilangan. Maihahalintulad din dito ang sa relihiyon na may sariling batas tulad ng sampung utos at kung saan isinasaad na ang Panginoon ay laging nagbabantay sa bawat tao. Kaya naman kung ikaw ay relihiyosong tao o naimpluwensiyahan ng relihiyon, malaki ang tsansa na ang mga kilos mo ay nakabatay dito.  Ang pagnanais mong gumawa ng masama ay makokontrol sa tulong ng relihiyon sapagkat isinasaad dito na ikaw ay mapupunta sa impyerno at pagdudusahan ang iyong kasalanan sa oras na ikaw ay mamatay at ang paggawa naman ng mabuti ay siyang pagpapalain.
Ang pagpapatupad ng batas at pagpapataw ng parusa sa kasalukuyan ay sa unang tingin, masasabing mas magaan kaysa sa unang panahon na paraan  ng pagpaparusa na labis-labis na maaaring ikamatay ng nagkasala. Pero kung muling titingnan, mukhang mas masaklap ang parusa sa kasalukuyan. Maraming Pilipino ang gustong ibalik ang “death penalty” para sa mga taong nagkasala sa pagiging rapist o corrupt, subalit kung iisipin ito ay saglit na pagpaparusa lamang. Samantalang, kung ito ay habambuhay na pagkakakulong, mararanasan niya ang paghihirap sa loob ng kulungan habang siya ay nabubuhay at maaaring magkaroon ng reyalisasyon sa kanyang sarili na hindi na siya makakalaya pang muli at pagsisisihan niya ang nagawa niyang kasalanan habang siya ay nabubuhay. Pero makakamit lamang ang ganitong proseso kung may patas na hustisya ang lipunan na kung saan hindi nakakalusot ang mga mayayaman.  Ang pagpapatupad ng batas upang makontrol ang mga pinumumunuan ay pailalim na paraan upang malimitahan ang kakayahan ng mga tao. Minsan sa sobrang pagmamahal ng mga magulang sa kanilang anak, nasasakal na ang mga ito. Sa pagpipigil na umalis ng bahay ang anak nila dahil baka mapahamak, ang bawat kilos tuloy ng anak ay minamatyagan at kung minsan ay tinatanong pa kung nasan ang anak, dahil dito ay magreresulta ng pagrerebelde ng anak. Parang sa pelikula na Captain Fantastic, inilayo niya ang mga anak niya sa siyudad at sila ay narirahan sa gubat kung saan sila ay nabuhay ng may sariling patakaran at malayo sa pakikipag-ugnayan sa iba pang tao. Pero dahil sa hindi inaasahang pangyayari sila ay napilitang pumunta sa siyudad at ito ay nagdulot ng alitan sa gitna ng mga anak at ama. Dulot ng tukso ng bagong lipunan na kanilang ginagalawan, nagkakaroon ng nais ang mga anak na maranasan ito subalit ito ay hinahadlangan ng kanilang ama. Sa kagustuhan ng ama na ingatan ang mga anak niya sa masamang idudulot ng lipunan, ay nawawalan ng kalayaan ang mga anak niya na magdesisyon sa kung ano ang kanilang nais na matutunan. Pero kung magkakaroon ng balanseng pananaw ang isa’t-isa siguro ay magbubunga ito ng mas matiwasay na henerasyon.
0 notes
kcbello · 6 years
Text
Feminism
Ang paksang ito ay ang pagbibida lang ba ng mga kababaihan sa lahat ng bagay? Hindi, sapagkat nagnanais ito na magkaroon ng balanseng pananaw sa mga babae at lalaki. Kailan nga ba nagsimula ang pagkakaroon ng pananaw ng mga tao sa mas mababang pagtingin sa mga babae kaysa sa mga lalaki? Hindi ko alam kung kalian ang eksakto o tama, bagkus ay may napakaraming teorya.
Kung pagbabasehan sa bibliya, ang unang ginawa ay ang lalaki at pumangalawa naman ang babae na sa unang tingin ay nangangahulugang mas inuuna o mahalaga ang lalaki kaysa sa babae. Pero saan nga ba ginawa ang babae? Ayon sa bibliya siya ay ginawa mula sa lalaki, may ilang teksto na sinasabi na sa “ribs”o tadyang ng lalaki. Ang tadyang ang tagasuporta sa katawan at tagaprotekta sa puso at baga ng isang tao, mga bahagi na napakahalaga upang mabuhay ang isang tao, kaya naman sinisimbolo nito na ang babae ang tagapangalaga at tagasuporta ng mga lalaki. Tulad ng tadyang, ang babae ay malakas ngunit maselan at kailangan pagkaingatan. Hahayaan nito na mabasag muna siya bago masaktan ang prinoprotektahan niya.  Pero ibig sabihin ba nito ay kailangan na lamang maging sunod-sunuran ang mga babae sa lalaki? Hindi, ayon nga sa isinasaad sa bibliya, ang babae ay hindi hinugot sa paa ng lalaki para maging sunud-sunuran, hindi rin naman siya hinugot sa ulo upang maging mas mataas sa lalaki, bagkus ay hinugot siya sa tadyang ng lalaki na nasa gilid upang maging sandigan at kaagapay ng lalaki. Kung ang lalaki ang unang ginawa kaya ba nitong mabuhay mag-isa at isa lamang bang opsyonal ang babae? Hindi, sapagkat kailangan nila ang isa’t-isa dahil kung walang babae hindi rin kakayaning mabuhay ng lalaki ika nga ay walang tao ang kayang mabuhay mag-isa. Ang mga nakasulat sa bibliya ay maaaring gawa lang rin ng tao, ng mga lalaking manunulat. Kung ganon, para sa aking pananaw ang pagsusulat nila ng mga ganito ay nangangahulugan lamang na malaki ang respeto nila sa mga kababaihan dahil nakikita nila ang kahalagahan ng babae sa buhay nilang mga lalaki at magkasundo ang kanilang pamumuhay.
Sa pelikulang Wonder Woman, sinabi ng nanay ni Diana na ang mga lalaki ay makasarili at walang mabuting dulot kaya hinayaan nila ang mga ito na magpatayan. Siguro nga kaya ganito na lamang ang lipunan ngayon dahil nagkaroon ng pag-iisip ang mga lalaki na mang-angkin pero hindi makuntento at gusto nilang mangibabaw sa lahat ng bagay. Ang lipunan ay madalas na inaapi ang mga babae sa iba’t-ibang paraan. Ang magkaibang kasarian ay nagkakaroon ng hindi balanseng kabayaran sa parehong trabaho. Mas pinapaboran ng mga kompanya ang pagtanggap sa mga empleyadong lalaki sapagkat iniiwasan nila sa mga babae ang pagkakaroon ng pananagutan kapag ito ay nagbuntis na kung saan bayad ang serbisyo ng babae kahit na ito ay nakapahinga sa pagtratrabaho, nakikita nila itong sagabal  sa pagunlad ng kompanya. Kahit sa pamilya ay nagkakaroon ng panggigipit na bunga ng mga tradisyunal na pag-uugali, tulad ng panunukso sa pagkakaroon ng asawa kahit na wala ka pa naman o hindi mo naman balak. Simula noong bata ka pa, kahit hindi lantaran na pagdidikta ay gusto iparating sayo ng iyong mga magulang na kapag ikaw ay babae pink at manika ang bagay sayo at kapag lalaki ay blue at laruang kotse naman. Ang lipunan na rin ang nagdidikta kung ano ang bagay na trabaho ayon sa iyong kasarian. Sa kasalukuyang panahon, ang mga babae ay unti-unting nagkakaroon ng kamalayan sa ginagawang paninikil sa kanila ng lipunan at nagnanais na maituwid ang baluktot na pananaw. Subalit may mga babae na nasobrahan na, sa puntong nagkakaroon sila ng pag-iisip na mas magaling sila sa mga lalaki at hindi nila kailangan ang mga lalaki dahil sila ang mas makapangyarihan sa paraang kaya nilang magluwal ng sanggol, kumbaga nagiging radical na. Kaya naman hindi lahat ng mga patriyarkal ay mga lalaki, mayroon din mga babae na inaabuso ang kapangyarihan. Kung tutuusin ay napakahalaga nga ng mga babae na kung saan ang ngalan nila ay isinasama pa sa mga lugar o bagay tulad ng Inang Bayan at Inang Kalikasan na sumisimbolo sa pagiging maaruga at mapagmahal ng mga kababaihan kahit na nasasaktan sila. Ang pagiging makasarili ng dalawang kasarian ay magdudulot ng pagkaubos ng lahi, kung ibaba lamang nila ang kani-kanilang kayabangan at mag-bigay daan sa bawat isa ay paniguradong magkakaroon ng matiwasay na pamumuhay.
0 notes
kcbello · 6 years
Text
George Ritzer's McDonalization
Mula sa aking pananaw sa kasalukuyang lipunan, ang paglaganap ng McDonalizatrion ay lubhang lumalala na. Hindi ito kalugod-lugod at hindi karapat-dapat na magpatuloy pa hangang sa susunod na henerasyon, sapagkat ito ang dahilan kung bakit nagbabago ang pag-uugali at kalusugan ng mga tao. Una, sa pagdami ng klase ng instant foods na galling sa mga fast foods tulad narin ng McDonald, Jollibee, 7-Eleven, KFC, at marami pang iba ay nagdudulot sa atin ng pagbabago. Ito ay katulad ng kung paano mag-luto, sabay-sabay na kumain sa bahay, oras ng pagkain na dapat ay nasa tama at kung masusustansiya pa ba ang kinakain. Sa ganitong kadahilanan, mapapansin na nawawala na ang magandang kaugalian nating mamamayan at patuloy na makakasanayan din ng ating mga susunod na henerasyon. Nakakalungkot isipin, minsan nga ang kapatid o ibang miyembro ng pamilya ay mas gusto pang kumain sa mga fast food kaysa sa luto ng ina, samantalang mas masusustansiya pa ang luto ni nanay. Kung ang lahat ng magiging kabataan ay tatamadin ng magluto, baka sa hinaharap ay puro nalang sila magiging tagakonsumo at mawawala na ang pagiging malikhain o produktibo sa ganitong larangan.
Kung mas dumadami ang mga tagakonsumo, dumadami din ang mga manggagawa na tila nagiging robot sa kani-kanilang mga trabaho. Hindi nagiging makatao ang mga sistema sa kanilang mga trabaho. Sa pagnanais ng kapitalista na dumami ang kanyang yaman sa mas mabilis at mas epektibong paraan, ay nawawalan na siya ng pakialam sa kanyang manggagawa at pati na rin sa tatanggap ng produkto kung ito ba ay makatao pa. May mga tao na nagiging alipin na sa paulit-ulit na gawain, tulad ng mga call-center agents na may nakalatag ng mensahe sa mga katanungan ng mga tagakonsumo, mga accountant na paulit-ulit na binabalanse ang mga transaksiyon ng kumpanya o araw-araw na pagbati ng mga empleyado sa mga mamimili. Lahat ng ito ay naisasantabi ang kani-kanilang mga damdamin, kung sila ay galit pero kailangan pa rin nilang maging mapagpasensya at masayahin sa harap ng mamimili. Minsan din ay may mga kota kang kailangan na maabot para mapanatili ang iyong trabaho o may mga gawain na kailangan mong maitapos sa itinakdang oras, kaya naman kahit ano pa ang rason mo kailangan mong maging mas mabilis pa para masunod mo ang ipinag-uutos dahil ang rason mo sa hindi pagkumpleto sa gawain ay hindi katanggap-tanggap na pangangatwiran para sa namumuno o kaya ay maituturing na pagiging isang hindi produktibo na empleyado. Sa panahon ngayon, ang mga taong walang alam sa mga patakaran o pagpapatakbo ng isang kumpanya ay madalas na nagiging biktima ng pang-aabuso at pagpapahirap sa sistemang ito.
0 notes
kcbello · 6 years
Text
Neo-Marxists
Marami ang sumunod sa yapak ni Karl Marx sa pagsusuri, pagkritiko at pagbuo ng mga teorya patungkol sa kapitalismo. Isa na dito ang mga Neo-Marxists, hangad nila na maiakma ang pag-aaral ni Marx sa makabagong pamumuhay sa lipunan. Sa pagiging makabago ng lipunan ay kasabay rin nakakahanap ng makabagong paraan ang mga kapitalista upang makontrol ang mga tao. Sa pag-usbong ng mga teknolohiya tulad ng radio, telebisyon at internet, nakitaan ito ng mga kapitalista bilang isang paraan para manipulahin ang mga tao. Ang mga likhang ito ang nagsisilbing instrumento ng mga kapitalista upang mapatahan ang mga tao sa pagtatangkang mag-isip ng rebolusyon. Sa kasalukuyang panahon, nalilibang na ang mga tao sa paglalaro sa kompyuter kung saan nababad na ang mga mata sa kakatitig sa harap ng kompyuter at may mga nababalita na rin na mga pangyayari kung saan naaapektuhan na ang mga kalusugan ng mga babad sa paglalaro, karamihan ay kabataan sapagkat nalilipasan na silang kumain at tila nagiging alipin na sila sa paraan kailangan matapos ang laro bago gumawa ng ibang bagay. May mga senaryo din lalo na sa mga computer shops kung saan nauubos na nga ang pera mo sa kakalaro, nagiging mabugnit ka pa na tila sa paglalaro lamang umiikot ang buhay mo at minsan ay nawawalan na ng kamalayaan sa pisikalang pag-aaway dahil sa laro. Ang ganitong damdamin ay maaari ring maransan sa panonood ng mga palabas sa telebisyon at paggamit ng mga “social media site” tulad ng Facebook at Twitter, madalas pa nga na ito ay ginagawa na nila magdamag at nawawalan na ng personal o pisikal na interaksyon ang bawat tao. Ginamit na rin ito ng mga kapitalista upang ipalaganap ang kanilang mga produkto na bibilhin naman ng mga tao, dahil dito mas dumami pa ang mga tagakonsumo.  Nagpapakalat sila ng iba’t-ibang advertisement na minsan ay may mga artista pa upang mas dumami ang tumangkilik sa produkto. Ang kasalukuyang lipunan ay nagdulot ng pagkabulag ng mga tao na malaman kung ano ba dapat ang tunay na mahalaga, kung ano ba ang magbibigay ng pangkalahatan at mas matagal na kaligayahan.
0 notes
kcbello · 6 years
Text
Max Weber: The Rationalization of Society
Ang pagkakaroon ng makatwirang pagpapaliwanag sa mga pangyayari o bagay ay nagbubunga ng pagpupuno sa mga katanungan ng tao subalit ito ay hindi lahat tama. Sa kasalukuyan, mababakas pa rin ang tradisyunal na pag-uugali ng mga Pilipino. Tulad na lamang sa loob ng isang pamilya, kung praktikal ka mag-isip samantalang tradisyunal naman ang iyong mga magulang, malaki ang posibilidad na magkaroon ng di pagkakaunawaan. Kahit na may pinupunto ang iyong pangangatwiran, mas mangingibabaw pa rin ang desisyon ng iyong mga magulang sapagkat nagbibigay sila ng mga tradisyunal na pangatngatwiran na ang magulang ang laging tama at dapat na masunod.
Aking inhalintulad ang ganitong pag-iisip sa susunod na isang halimbawang pangyayari. Napapaisip-isip si Juan kung sino nga ba ang dapat na makibagay? Professor ba o ang mga estudyante? Sa unang tingin, mukhang estudyante ang kailangan makibagay sapagkat iisa lang naman ang professor samantalang napakarami ng estudyante na may iba’t-ibang mga pagkatao. Ngunit kung ito ay ihahalintulad mo sa gobyerno at sa mamamayan, dapat ba na ang mamamayan ang mag-adjust sa karakter ng isang gobyerno? Tulad na lamang ng pagmumura ni Pangulong Duterte, masasabi na lamang ba ng mamamayan na, “ganyan talaga ang pangulo, hayaan nyo na, parang di na kayo nasanay”? Kapag ba may nakita ang mga mamamayan na sa tingin nila ay may mali sa ipinatupad na batas, masasabi na lamang ba na “hindi mo naman trabaho yan eh kaya wag ka ng makialam” o “mas may alam sila sa mga bagay na yan kaya wag ka na magreklamo kasi wala ka naman sa posisyon”? Ang mga ito ay halimbawa na lamang ng baluktot na pangangatwiran na kung saan hinahadlangan ang mga mamamayan na magbigay na kani-kanilang saloobin sa paraan pagpapatong ng mga ganitong rason upang sila ay manahimik. Pero kung ang professor ang makikibagay sa mga estudyante, maaaring makita niya ang mga estudyante bilang isa, gayun na din sa gobyerno at mamamayani. Maaari niyang matukoy ang mga bagay na mayroon ang bawat estudyante sa kanyang klase at kung ano ang kolektibong kamalayan nila sa kanyang pagtuturo. Tulad na lamang ng mababang marka ng mga estudyanteng kanyang tinuturuan, maaaring hindi nila nauunawaan ang kanyang tinuturo o baka naman dahil hindi nila talaga gusto ang paksa na kanyang itinuturo eh mas inayawan pa nila ito dahil ang kanyang paraan ng pagtuturo ay hindi umaakma sa kanila.
Isinaad din ni Weber na ang relihiyong Protestantismo ay may malaking ambag sa pagkakaroon ng capitalismo. Ang relihiyong ito ay nagpapahayag ng pagkasalba o pagpunta sa langit kung ang tao ay naging tagumpay sa pagnenegosyo nang sya ay nabubuhay pa. sa paraang ito, nagkaroon ng dahil ang mga tao na magpursigi sa pagkakaroon ng matagumpay na negosyo. Ang ganitong rasyonal na pagpapahalaga ay nagpapahiwatig ng paguuna sa sariling kapakanan. Sumatutal, ang pagkakaroon ng rasyonal na pag-iisip ay lumilikha ng kawalan ng damdamin para sa kapwa
0 notes
kcbello · 6 years
Text
Karl Marx Capitalism to Communism
Bakit nga ba ang daming naghihirap sa Pilipinas? Sabi ng ilan, kulang lang kasi sa diskarte ang mga tao. Pero bakit kahit anong pagpupursigi ng mga ipinanganak na mahirap ay humahantong pa rin sila sa pagkahirap? Baka dahil may humahadlang kaya naman hindi palaging tama ang kasabihang "kung ipinanganak kang mahirap at namatay kang mahirap ay kasalanan mo na". Ang hadlang ay dulot ng mga kapitalistang makasarili na ginigipit ang mga mamamayan upang manatili sila sa ganoong posisyon.
Noong bata ako, ang dami kong gusto maging, tulad ng dentista, manlalakbay na tumutuklas ng mga natatagong lugar sa mundo, musikera o mangagawa ng mga laruan. Ngayon ako’y nasa kolehiyo na, marami pa rin ako na gusto maging at nadagdagan pa ito tulad na lamang ng pagkakaroon ng interes sa mga gawain na may kaugnayan sa teknolohiya, kung paano ba gumawa ng mga laro sa kompyuter o makabagong pagguhit ng mga kung ano-anong bagay na naisin ko. Lahat ng nabanggit ay naimpluwensiyahan ng mga bagay na nasa aking kapaligiran, subalit ang kursong aking pinili ay wala sa mga ito. Sabi kasi nila maganda raw ang kursong ito dahil maraming kompanya ang maghahanap ng ganitong empleyado sa mga susunod na taon. Hindi naman ako nagsisisi sa aking piniling kurso dahil hilig ko naman ang pagbibilang at paghahanap ng sagot sa mga bagay-bagay. Ang malungkot lamang ay nawawalan na ako ng oras sa mga hilig kong gawin na malayo sa aking pinag-aaralan, tulad na lamang ng libangan ko sa pagtutugtog ng mga instrumentong pangmusika, paglalaro, panonood ng mga pelikula, pagguhit at pag-eeksperimento ng mga pagkain. Marahil sa ibang tao, ito ay aksayang oras lamang at puro paglilibang. Subalit para sa akin, natutulungan ka nito upang makatuklas ng mga bagay na lingid sa iyong kaalaman ay may kakayahan ka palang gawin at ito ay nagdudulot ng pagiging progresibo ng isang tao.
Balik tayo sa aking napiling kurso, hindi pa man ako nagtratrabaho pero nasulsulan na ako kung ano ba dapat ako maging sa hinaharap, na kung saan ang aking pinag-aralan ay gagamitin ng mga kapitalista para sa kanilang pansariling kapakinabangan. Ako ay magiging tagasunod lamang sa kanilang ipinag-uutos habang nabubura na sa aking isip ang iba pang bagay na gusto kong gawin at napapalitan ng gawain na maituturing na pagiging produktibong empleyado at marahil iyon ay panghabambuhay. Kung iisipin, ang pagkontrol ng mga kapitalista ay di na lamang nangyayari sa loob ng kompanya o pabrika bagkus ay umaabot na rin ito sa paaralan na kung saan dapat ay pumapasok ka para matuto ng mga bagay-bagay at matulungan ka nito upang matuklasan ang mga kakayahan mo bilang tao at hindi yung bibigyan ka ng rason kung bakit ito ang dapat ka maging. Nakakagambala kung ang bawat mag-aaral ay may nakatanim na pag-iisip kung saan ang kanilang bawat kamag-aral ay itinuturing na nilang kakompetensya hindi lamang sa paaralan pero pati na rin sa paghahanap ng trabaho. Nawawala ang harmoniya sa relasyon ng bawat mag-aaral kung ganon ang mangyayari, ang kanilang pakikipagugnayan ay napapalitan ng indibidwal na mithiin.
Ang ginagawang pagmamanipula ng mga kapitalista ay hindi na makatarungan. Ang mga manggagawa ang nagpapakahirap at hindi nabibigyan ng tamang kabayaran, habang ang kapitalista naman ang nakikinabang sa pinagpaguran. Marahil hindi ito napapansin ng mga kapitalista sapagkat sila ay abala sa pagpapalago ng mga pera, pero kung ito man ay alam ng kapitalista, malamang ay nilamon na siya ng kasakiman sa pagpapatuloy ng ganitong pamamalakad. Bilang susunod na manggagawa na inimahe ang kanyang maaaring kahihinatnan sa hinaharap, bakit hindi pa ako nagwewelga at humingi ng pagbabago?  Ito ay dahil may parte sa akin ang pagiging indibidwal mag-isip at siguro nga hindi ko pa lubos na naiintindihan ang kahalagahan ng rebolusyon sapagkat may itinuturing akong mga bagay na mas mahalaga pa rito. Pero kung hihingi ka ng pagbabago tungo sa komunismo o kung ano mang pagbabago sa lipunan, kailangan ay may nakahanda ka ng plano kung paano ba ang magiging takbo ng pamumuhay sa ganoong lipunan dahil ang pagiging hindi handa ay magreresulta lamang ng pagkasawi ng inaasam mong pagbabago. Hindi ko sinasabing sarado ang isip ko sa pagbabago ngunit ang mga tao ay may kanya-kanyang pag-iisip kaya naman kung nagnanais ka ng pagbabago marahil hindi ito magiging tugma sa kung ano man ang gusto nila, ika nga sa kanta ng Tears for Fears “Everybody wants to rule the world”. Pero kung aalisin ang ganitong pag-uugali at magkakaroon ng iisang layunin na pagkakasunduan ng lahat baka nga maaaring magkaroon ng matiwasay at pantay pantay na pamumuhay. Kumbaga sa kompyuter, noong una may maayos na tungkulin ang bawat isa na pinagkakasunduan ng bawat parte, subalit ito ay nagkaroon ng virus. Bunga nito, nagkakaroon ng pagkasira at hindi maayos na takbo ng sistema. Pero sa tulong ng antivirus, nagkakaroon ng pansamantalang kagamutan ang kompyuter kung saan pinupuksa ang virus upang hindi na makapanghawa pa. Kumbaga sa lipunan tinatanggal sa isipan ng mga tao ang mga masasamang pag-uugali at para mapanatili ito, nagtatatag din ito ng firewall para hindi makapasok ang kung ano mang masasamang bagay na nagnanais sumira sa kompyuter. Ang firewall ang napakahalaga, na kung sa lipunan, ito ang magiging dahilan upang hindi mag-isip ang bawat tao na maghari sa mundo dahil bago pa man nila maisip iyon ay may bagay na pipigil para ito ay manaig at pumasok sa kanilang mga utak.
.
0 notes
kcbello · 6 years
Text
Emile Durkheim: From Mechanical to Organic Solidarity
Si Emile Durkheim ay isang Pranses na sosyolohista. Binigyan niyang pananaw ang istruktura ng lipunan. Itinuon niya ang kanyang pag-aaral sa kung paano ang tradisyonal at makabagong lipunan ay nagbabago at kung ano ang mga tungkulin sa bawat sistema. Ayon sa kanyang teorya, nabigyang pansin ang kasaysayan ng pagbabagong-anyo mula sa primitibo o sinaunang lipunan hangang sa moderno o makabagong lipunan. Ang pinagkaiba nitong dalawang lipunan ay ang pinagmulan ng pagkakaisa ng mga mamamayan o kung ano ang bagay na pinanghahawakan nilang lahat. Sa primitibo o “mechanical solidarity”, mula na mismo sa salita na “mechanical” na nirerepresenta ang lipunan bilang mga makina na ginawa upang gumawa ng pareparehas na bagay na iniatas sa kanila, ay mayroon lamang maliit na dibisyon ng paggawa na kahit mawala o magkaroon ng aberya ang isa ay patuloy parin ang daloy ng paggawa dahil hindi nakadepende ang lahat sa isa at kung ano ang nagagawa ng isa ay nagagawa din ng lahat. Bunga nito,  mayroong malakas na pagkakaisa ang mga mamamayan na may iisang paniniwala at pamantayan. Bukod dito, ang ganitong lipunan ay hindi nababahala sa pagkakaroon ng tinatawag ni Durkheim na “Anomie” na tumutukoy bilang isang pakiramdam ng hindi alam kung ano ang inaasahang gawin. Samantalang sa moderno o “organic solidarity” naman ay kabaligtaran ng “mechanical solidarity”, na kung saan ang bawat isa ay nakadepende sa isa’t-isa upang maipagpatuloy ang paggawa. Mula na mismo sa salitang “organ” na sumisimbulo sa mga parte sa ating katawan na kapag nasira ang isa ay magdudulot na pagtigil o pag-iba ng daloy ng iba pang parte dahil lahat ng ito ay magkakakonekta at may kanya-kanyang tungkulin ng paggawa. Dahil dito, nagkakaroon ng maliit na pagkakaisa ang mga mamamayan at ang kanilang mga pamantayan o paniniwala ay hindi katulad ng ibang mamamayan sa lipunan, ito dahil sa pagdami ng iba’t-ibang dibisyon ng paggawa. Malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng “anomie” ang ganitong lipunan sapagkat kahit na nakadepende ang bawat isa sa isa’t-isa,  ay maliit naman ang kanilang kamalayan sa isa’t-isa.
Sa paghahalintulad nito sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay maituturing na “organic solidarity” na may kanya-kanyang paniniwala at pamantayan tulad na lamang ng pagkakaroon ng iba’t-ibang relihiyon na nagdudulot ng pagkakaisa sa loob lamang ng bawat relihiyon at hindi sa kabuuang lipunan, nagbubunga rin ito ng pag-aaway dahil sa hindi pagkakaintindihan ng iba’t-ibang pamantayan sa relihiyon. Ang mga tao ay nakadepende sa bawat isa ngunit may pakialam  lamang sa indibidwal na kapakanan. Minsan mapapatanong ka na lang kung ano bang saysay ng buhay mo? Ano ang layunin mo? Nakakalimutan na kasi nating mabuhay yung bang hindi lang dahil nagigising ka araw-araw o iniisip kung paano mo malalagpasan ang araw na ito. Tulad ng sa pelikulang na "Modern Times" ni Charlie Chaplin, naghahanap sila ng paraan na ikakabuhay nila pero bukod pa rito, kahit na madalas silang humantong sa kapalpakan hindi sila nawawalan ng pag-asa na makikita at malalaman rin nila ang bagay na kung saan sila magaling kaya naman hindi nila naiisip na magpakamatay dahil alam nilang may bagay na nakalaan para sa kanila.
0 notes
kcbello · 6 years
Text
Social Science and its Discipline
Sa salitang ito na siguro masusukat ang iyong pakialam sa mundong iyong ginagalawan. Ito ang pag-aaral sa buhay ng mga tao, grupo at lipunan at kung paano tayo nakikipag-ugnayan. Hindi naituring na pangangailangan ang sosyolohiya dati sapagkat hiwahiwalay ang mga pangkat ng tao dati at ang buhay nila ay umiikot lamang sa kani-kanilang pamilya. Ang konseptong ito ay unang ginamit ni Auguste Comte noong 1838. Sa tulong nito, nagkakaroon ng mga masusing pag-aaral sa pagtatangkang mabigyang paliwanag ang mga pangyayari sa lipunan, kung ano ang kaugnay o magiging bunga nito at hindi mula sa haka-haka lamang. Dahil wala pang mga syentipikong paliwanag noong unang panahon, ang mga pangyayari sa kanilang kapaligiran na hindi nila maipaliwanag o lumagpas sa kanilang kaalaman ay itinuturing nilang higit sa karaniwan na dulot ng mga Bathala o mga nilalang na mas makapangyarihan. May mga paniniwala din na ang paggawa mo sa paraang natukoy ay ang makakasagot sa problema mo kahit na walang siyentipikong paliwanag, tulad na lamang ng paglagay ng puting sinulid sa noo ng sanggol upang matigil daw ang pagsinok. Sabi nga sa kanta ni Joey Ayala, ang lahat ng bagay ay magkaugnay. Kahit ngayon, mababakas pa rin sa mga tao ang ilang paniniwala noong mga unang panahon. Sa aming tahanan, kasakasama ko ang aking lola, napakarami niyang pamahiin tulad ng bawal maggupit ng kuko tuwing gabi o kaya ay bawal magwalis tuwing gabi dahil malas daw ito. Mapapansin dito na ang pag-iisip ng mga karamihang mamamayan sa Pilipinas ay hindi siyentipiko ang basehan.
Ang bawat sektor sa lipunan ay ginagamitan ng sosyolohiya, sa paaralan, relihiyon, pulitika, ekonomiya at marami pang iba. Ang mga bagay na ito ay nangangailangan ng disiplina upang magkaroon ng maayos na daloy ng pamamalakad. Sa katotohanan, hindi ito madalas naisasagawa, kaya naman ang ilang mga tao na namulat sa katotohanan ay humihingi ng pagbabago dahil may mali sa sistema ng lipunan. Samantalang, meron din naman ibang gustong bumalik sa makalumang sistema at meron din na mga tao na gustong makuntento na lamang sa kasalukuyan at hanapin ang maganda rito. Ang ganitong pananaw ay masasabing baluktot dahil pinipigilan nito na maging progresibo ang pananaw sa buhay. Hindi nito nasasagot ang mga problema bagkus ay nililihis lamang nito ang iyong pag-iisip sa pagtanggap na ang buhay ay talagang ganyan, hangang sa hindi mo na namamalayan na ikaw ay namumuhay na sa ilalim ng mga problema. Minsan ako ay nagkaroon ng problema at humingi ako ng payo ngunit mali ata ang aking pinaghingan, sapagkat ang sabi niya "hindi ito magiging problema kung hindi mo ito ituturing na problema". Sa unang tingin, mukhang magkaiba kami ng pamantayan ng problema at para sa kanya mababaw lang ang aking problema kaya naman ito ang magreresulta ng hindi namin pagkakaunawaan. Pero kung iisipin, baka nasobrahan na siya sa problema kaya ayaw na niyang madagdagan pa ito. Kumbaga sa kanta ni Pink Floyd naging "comfortably numb" na siya, wala na siyang pakialam sa nangyayari sa paligid niya at hinahayaan na lang niya na madala siya sa agos. Kung magiging ganito lahat ng tao, hindi magiging progresibo ang lipunan dahil walang pagkakaunawaan at walang kamalayan sa nangyayari sa isa't-isa at sa kaganapan sa lipunan.
1 note · View note
kcbello · 6 years
Text
The Sociological Imagination Chapter One: The Promise C. Wright Mills
Ayon sa kabanatang ito ni C.W. Mills, ang "Social Imagination" ang magbibigay-daan sa atin para maintindihan ang kasaysayan at talambuhay at ang relasyon nitong dalawa sa loob ng lipunan.
Sinusubukan nitong masagot ang mga katanungan patungkol sa kung ano ang kabuuang disenyo ng naturang lipunan at kung paano nagkakaugnay ang mga bagay sa loob nito, maaaring makabuo ng konklusyon ang tao kung dapat pa bang ituloy ang ganitong pamamalakad sa lipunan o may kailangan baguhin. Ito rin ang magiging gabay sa mga katanungan sa kaugnayan ng lipunan sa kasaysayan ng tao, kung ano ba ang mga kadahilanan kung bakit nangyari ang mga ganitong bagay sa lipon o indibidwal na tao at kung paano nito maapektuhan ang pag-unlad at pagbabago ng sangkatauhan. At higit sa lahat, ang mga katanungan sa kung ano na ang mga nananaig na klase ng mga lalaki at babae sa kasalukuyang lipunan at panahon, at kung ano ang naipapakita ng lipunan sa mga kalikasan ng tao.
Ang mga susunod na pahayag ay ang aking pananaw sa pagkakaroon ng sosyolohikal na imahinasyon. Simulan natin sa pinaka simula ng iyong buhay. Noong iyong pagkasilang, binigyan ka ng pangalan ng iyong mga magulang, sabihin na nating ikaw si Luzviminda. Nang ikaw ay lumaki may nararamdaman kang pagkahiya at pagkaila sa iyong pangalan na para bang ayaw mong tanggapin na Luzviminda ang iyong pangalan, sapagkat ito ay tila makaluma masyadong mahaba. Gusto mo ay Lucy dahil ang sa tingin mo ay mas maganda itong pakinggan. Pero bakit nga ba ganun na lamang ang iyong pananaw? Ikaw naman ay isang Pilipino ngunit gusto mo ng Ingles na pangalan. Marahil dulot sa paraan ng pananakop na ginawa ng mga Amerkino ay naiba na rin ang pananaw sa buhay ng mga mamamayang Pilipino. Mas tinatangkilik natin ang kanilang kultura, kahit nga siguro sa paaralan, ang turo sa mga bata ay "A for apple" samantalang mansanas ang tagalog ng apple at hindi rin ito kabilang sa mga katutubong prutas ng bansang Pilipinas.
Ang lipunang iyong kinabibilangan ay mabilis na nagpapalit tungo sa makabagong pamumuhay na lumilikha ng makabagong kagamitan. Dahil dito, kinakailangan mo din masabayan ang pagbabago upang matugunan ang iyong pangangailangan sa buhay. Tulad ng sinabi sa pelikulang "The gods must be crazy", habang mas nagiging makabago ang lipunan mas nagiging komplikado ang pamumuhay. Marahil napapaisip ka tuwing umaga na kung bakit ka maagap gumigising kahit na inaantok ka pa, at ang magiging desisyon mo sa pagpasok o hindi sa paaralan, trabaho at kung ano pa man ay isa sa maaaring maging bunga ng pamumuhay mo sa hinaharap bilang isang indibidwal. Parang kailan lang nahihirapan ka na pero di ka sumusuko, ngunit ngayon bakit nakaupo ka nalamang dyan habang pinapanood ang mga taong nagdaraan at naghihintay na may mag bigay sayo ng bariya. Unti-unti kang kinakain ng sistemang inaayawan mo. Iniisip mo kung bakit nagulo ang iyong sarili ngunit napagtanto mo na problema rin pala ng iba ang iyong prinoproblema. Ang lipunan ay naapektuhan ka ng sobra, nasulsulan ka nito kung ano ka ba dapat sa lipunan. Para kang namulat sa matagal na pagkakatitig mo sa salamin na kung saan dati ay nakikita mo lamang ang gusto mong makita. Ikaw ay unti-unting nakabangon mula sa iyong kinalugmukan. Ang iyong pananaw ngayon ay nagbunga ng kakayahan na makita ang mga bagay-bagay sa lipunan at kung paano ito nakikipag-ugnayan at naiimpluwensyahan ang isa't-isa.
Ang pagkakaroon ng "sociological imagination" ay lubos na makakatulong sa kaunlaran ng mga tao at maging sa daloy ng lipunang kinabibilangan. 
0 notes