Tumgik
kusinanumerouno · 3 years
Text
Ikaw? Anong recipe mo?
Tumblr media
One Slice of Banana Cake
Isinulat ni: Ailene A. Bautista
          Araw-araw ay may mga pagkain o cravings tayong hinahanap kung saan hindi tayo titigil hangga’t hindi natin ito nakukuha. Ngunit, ano nga ba ang tunay na dala sa atin ng pagkain? Saya? Satisfaction? O isang libong calories lamang?
Tumblr media
          “Tara! Kain tayo!” Isang kaugalian nating mga Pilipino na bigkasin ang mga salitang iyan sa tuwing tayo ay kakain o kaya naman ay may biglang dumaan o dumating na ibang tao upang ayain. Ito ay isang simbolo na ang pagkain ay para sa lahat. Kung kaya naman lahat tayo ay may kaniya-kaniyang recipe ng buhay. Ikaw ano ang recipe mo?
Tumblr media
          Sinasabi na ang pagkain ay nakatutulong upang mabawasan ang stress ng isang tao kaya naman tinatawag natin itong “comfort food”. Dahil din sa pagkain napagbubuklod nito ang pamilya. Sa hapag-kainan nabubuo o pinapatibay ang samahan ng isang pamilya. Kaya bawat pamilya ay may kaniya-kaniyang paraan kung paano nila niluluto ang adobo. Kung baga, bawat pamilya ay may iba’t ibang paraan kung paano nila pinapatibay ang kanilang mga relasyon hanggang sa ang kanilang mga puso ay lumigaya at makuha ang tamang sukat ng mga ingredients ng recipe. Ngunit, hindi tungkol sa pamilya ang ating pag-uusapan kundi tungkol sa one slice of banana cake.
Tumblr media
          Nitong pandemic kung saan tayo ay nasa bahay lamang, isa sa mga nahiligan kong gawin ay ang baking. Kagaya ng buhay, hindi madali ang baking sapagkat kapag nasobrahan o nakulangan mo ng masa o halo ang mixture mo ay maaaring hindi maging masarap o hindi umalsa ang tinapay. Bawat sukat ay dapat tama, hindi sobra, at hindi rin kulang. Ngunit, hindi diyan natatapos ang aking baking journey dahil kagaya ng buhay hindi ka dapat susuko. Kung kaya dapat alamin mo saan ang kulang at saan ang may mali at pagkatapos nito ay sumubok kang muli upang sa huli ay makuha mo na ang mga tamang sukat o masa.
          Sa bawat pagkain na ating kinakain, hindi lang basta nilalamanan nito ang ating mga sikmura. Nagbibigay ito ng ligaya, kuwento, at pag-ibig. Kagaya ng baking journey ko, hindi siya madali ngunit narito ako ngayon, sinusubukan ang one slice banana cake o piece of happiness ko. Hindi man buo at perpekto, ngunit ang mahalaga lumalaban at sumusubok pa rin ako upang ito ay aking makamit.
Sanggunian:
Pinterest. (n.d.-a). Banana Cake [Larawan]. https://www.pinterest.ph/pin/826480969115453203/
Pinterest. (n.d.-a). Banana Bread [Larawan]. https://www.pinterest.ph/pin/34762228364374271/
Tayag, M. A. (2016, February 27). What ‘Kain tayo’ really means. Philstar.com. https://www.philstar.com/lifestyle/food-and-leisure/2015/08/12/1487319/what-kain-tayo-really-means
0 notes
kusinanumerouno · 3 years
Text
Unang Kagat, Lahat Naganap
Tumblr media
Agahang kay Sarap, Simula’y Nalalanghap
Isinulat ni: Aisabel Zarial C. Valdellon
         Para sa aking musmos na pag-iisip maraming taon ang nakalipas, ang simula ng araw ko ay pagtahak ng daan mula kwarto patungong mesa kung saan nakahanda na ang masarap na agahan at naghihintay na ang aking mga magulang habang umiinom ng kanilang mainit na kape. Ito ay kung bakasyon si daddy sapagkat sa loob ng isang taon ay dalawang buwan lamang namin siya nakakasama dahil ang trabaho niya ay sa barko.
Tumblr media
        Pagkarating sa hapagkainan, ayos na ako sapagkat maaliwalas ang umaga, may siglang dala ang palabas sa aming telebisyon at nakahain ang paborito kong agahan. Magtitinginan kami ni daddy dahil mag-uunahan kami sa mainit at malambot na tocino. Pareho namin itong paborito. Isang partikular na alaala ang pumapasok sa isip ko kapag nakakakita ng tocino. Kapag ako ang naunang kumuha, natatandaan ko kung paano ko itatago ang ulam sa ilalim ng kanin para hindi makita ni daddy at kapag nadiskubre na niya kung nasaan ang ulam ay tatawa kami pareho at masayang magsasalo. Ang hiwaga lang na ang simpleng alaalang ito ay mananatiling sa amin at tiyak na hindi malilimutan kailanman.
           Mula rito sa maliliit na eksenang ito ay magsisimula ang aking mahabang araw ng pag-aaral, paglalaro, at panonood sa telebisyon.
         Mas madalas kaysa hindi ay kami lamang ng mommy ko ang maiiwan sa bahay dahil nasa malayo si daddy. Bilang bata pa lamang ay kailangan kong gumising nang maagap para sa eskuwela at hindi iyon naging madali sa akin bilang musmos na hindi pa kasama sa prayoridad ang gumising nang maagap. Sa pagbangon ko naman, nakahanda na ang lahat sapagkat naasikaso na ng aking ina mula sa mainit na tsokolateng iinumin ko hanggang sa ulam na gusto namin sa umagang iyon. Masigla pa rin ang umaga sapagkat buhay ang telebisyon na siyang aming kasama habang naghahanda para pumasok.
          Sa loob ng maraming taon ay ganito ang aking nakasanayan. May saya at excitement na dala ang kada umagang kumpleto ang aking breakfast at maayos ang simula ng aking araw. Labis kong ipinagpapasalamat ang mga araw na pagmulat ko pa lamang ay handa na ang lahat, kakain na lamang ako at papasok dahil sa walang katumbas na pagkalinga ng aking ina.
Tumblr media
          Kaya naman nang dumating ang araw na ako na lamang mag isa dahil ako’y nasa senior high school na at malayo sa aming lugar, inaral ko rin umayon sa aking sitwasyon. Kailangan ko na maghanda ng sarili kong agahan, gumising nang mas maaga dahil maliban sa aking pagkain ay kailangan ko ring maligo at magbihis para pumasok. Bagama’t naging isa ring hamon ang mag-adjust ay dito ko mas nagustuhan at nakita ang kagandahan ng pag-aagahan.
          Nang maranasan ito na ako na lamang, mas lalo kong na-appreciate ang paghahanda nito at ang kahalagahan nito sa aking araw. Pagluluto pa lamang ay gumagaan na ang pakiramdam ko sapagkat isa ito sa mga paborito kong gawain. Ang paghahanda nito at pagbabahagi sa iba ay isa pang magandang bagay dahil nagkakaroon kami ng magandang mga simula.
Tumblr media
         Ang lahat ng aking mga nabanggit ay patungkol sa mga simula. Isang patunay na sa buhay, ang bawat simula ay mahiwaga, maganda, at simbolo ng pagbabago. Ang mga simula kasama ang aking mga magulang ang siyang pundasyon ng aking pagkatao at simbolo ng kanilang hindi mapapantayang paggabay. Nang ako naman ang siyang may hawak ng aking mga umaga, isa rin itong simula ng aking pagiging mas responsable at pagkilala pa sa aking sarili at sa buhay. Dito ko na rin natutunan na ang mga bagong simula ay buhay at pag-asa. 
Sanggunian
Manalo, L. (2020, April 19). Homemade Pork Tocino [Larawan]. https://www.kawalingpinoy.com/pork-tocino/
REDDOORZ. (2020, November 20). Most Popular Filipino Breakfast [Larawan]. https://www.reddoorz.com/blog/ph/feature-ph/most-popular-filipino-breakfast
1 note · View note
kusinanumerouno · 3 years
Text
Ang Pagkain ay Weather Weather Lang
Tumblr media
Swak na Swak Ngayong Tag-Ulan!
Isinulat ni: Mary Angely M. Terrenal
          Ngayong tag-ulan, pagkakataon na nating humigop ng ating mga paboritong mainit na sabaw at mga inumin habang nakikinig sa bawat patak ng ulan at dinarama ang malamig na simoy ng hangin. Kasabay ng pagsapit ng tag-ulan ay ang unti-unting paglamig ng ating kapaligiran at ang isang maipapayo kong mabisang paraan para mapanatili ang init ng ating katawan ay ang pagkain. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga pagkaing hindi lamang swak na swak ngayong tag-ulan kung hindi ay nakapagpapainit din ng puso ng mga Pilipino o ang ating mga comfort food.
Champorado
Tumblr media
           Isa sa mga paboritong pagkain na kadalasang agahan o meryenda noong ating kabataan ay ang champorado. Ito ay isang rice porridge na ang mga pangkaraniwang sangkap ay malagkit o glutinous rice, tsokolate o tablea, asukal, at gatas. Tinagurian din itong comfort food ng maraming mga Pinoy dahil sa init at tamang tamis nito. Tamang-tama ang mainit na champorado na may kapares na tuyo ngayong nagsisimula na ang tag-ulan habang ating inaalala ang ating mga mainit at masasayang ala-ala noong tayo’y mga musmos pa lamang.
Sopas
Tumblr media
           Lingid sa kaalaman ng iba na ang ‘sopas’ ay isang salitang Espanyol na literal na nangangahulugang ‘soup’ sa wikang Ingles. Noong ating kabataan, madalas na inihahain ito sa atin ng ating mga magulang tuwing tayo ay may sakit dahil sa masusustansya nitong mga sangkap. Ang mga pangunahing kailangang ihanda sa paggawa nito ay ang mga gulay, gatas, macaroni o iba pang klase ng pasta o noodles, at manok. Dahil sa malamig na panahon at pag-ulan, mainam na tulungan nating palakasin ang ating mga pangangatawan sa pamamagitan ng pagkain ng mainit-init at masustansyang sopas.
Batchoy
Tumblr media
           Ito ay isang soup dish na kilala din sa tawag na La Paz Batchoy sa kadahilanang nagmula ito sa isang distrito sa bayan ng Iloilo na tinatawag na La Paz. Naging kilala ito kung saan maraming bersyon nito ang nagawa tulad ng batchoy Tagalog at batchoy Kapampangan. Ang pangunahing sangkap nito ay baboy, lamang-loob ng baboy, chicharon, at miki noodles. Ngayong tag-ulan, masarap kasama ang isang mainit na mangkok ng batchoy na tiyak na pasok sa panlasa ng mga Pinoy kahit saan man sa Hilaga hanggang Timog ng Pilipinas nagmula.
Bulalo
Tumblr media
           Sinasabing nagmula ang bulalo sa probinsya ng Batangas. Sumikat din ito sa bayan ng Tagaytay dahil sa perpektong kombinasyon nito sa lamig ng lugar. Simple at walang mahirap hanaping sangkap ang bulalo kung saan baka o beef bone marrow at mga gulay ang mga pangunahing sangkap nito. Wala man tayong hanging sinlamig sa Tagaytay at overlooking view ng bulkang Taal at lawa ng Taal, masarap pagsalu-saluhan ng buong pamilya ang mainit na bulalong isa sa paborito ng mga Pinoy dahil sa mayamang lasa nito.
Kapeng Barako
Tumblr media
           Kasing tapang ng mga Batangueño ang kanilang ipinagmamalaking kape na kapeng barako. Itinatanim ito sa mga matataas na lugar sa probinsya ng Batangas tulad ng bayan ng Lipa kung saan ay nagdiriwang din ang nasabing bayan ng taunang Coffee Festival. Muli nating buhayin ang unti-unting humihinang industriya ng kapeng barako sa Pilipinas na swak na swak sa malamig na panahon ngayong tag-ulan.
Lomi
Tumblr media
           Isa sa mga pinakasikat na noodle dish sa Pilipinas ang lomi. Marami ng bersyon ng luto nito ngunit ang pinakasikat ay ang bersyon ng probinsya ng Batangas. Dinarayo ang Batangas lomi na may pangunahing sangkap na manok, atay ng manok, itlog, miki noodles, gulay, kikiam, at meatballs. At tamang-tama ang mainit na lomi bilang meryenda habang nakikinig sa bawat patak ng ulan at sa pag-ihip ng malamig na hangin ngayong tag-ulan.
Sanggunian:
CNN Philippines Staff (2021). ‘Surigae’ intensifies into severe tropical storm — PAGASA [Larawan]. https://cnnphilippines.com/news/2021/4/15/pagasa-weather-update-bising.html
Coffee Smiley (n. d.). Kapeng Barako History and Step By Step Preparation Guide [Larawan]. https://coffeesmiley.com/kapeng-barako-history-and-step-by-step-preparation-guide/
Edelweiza (2019). Weekend Story: Mother’s Day Celebration + National Elections 2019 [Larawan]. https://lifeinmanila.com/2019/05/weekend-story-mothers-day-celebration-national-elections-2019/
Expert World Travel (2021). Coffee Festival – Batangas. https://expertworldtravel.com/philippines/coffee-festival-batangas/
Food Rig (2021). Filipino Batchoy Recipe (Iloilo Style) [Larawan]. https://foodrig.com/filipino-batchoy-recipe-iloilo-style/
Joven, E. (2016). Chicken Sopas Recipe. https://www.pinoyrecipe.net/chicken-sopas-recipe/
Manalo, L. (2019). Chicken Sopas [Larawan]. https://www.kawalingpinoy.com/chicken-sopas/
Panlasang Pinoy (n. d.). Batchoy Recipe. https://panlasangpinoy.com/batchoy/
Pilipinas Recipes (n. d.). Batangas Bulalo Recipe. https://pilipinasrecipes.com/bulalo-recipe/
The Unlikely Baker (n. d.). Champorado Recipe (Filipino Chocolate Rice Porridge) [Larawan]. https://www.google.com/url?sa=i&url=https%3A%2F%2Ftheunlikelybaker.com%2Fchamporado-recipe-filipino-chocolate-rice-porridge%2F&psig=AOvVaw2mof5SKvZYkDNagP7NfGD9&ust=1626088020063000&source=images&cd=vfe&ved=0CAoQjRxqFwoTCJiC1o7w2vECFQAAAAAdAAAAABAE
0 notes
kusinanumerouno · 3 years
Text
Ang Kalye Report
Tumblr media
Tuhog Dito, Tuhog Doon
Isinulat ni: Edzel G. Mane
          Patok na patok sa mga Pinoy ang pagkain ng street foods kaya naman noong mga bata pa tayo, madalas nating marinig sa mga nakatatanda na huwag sobrang kumain ng street foods dahil sa reputasyon nito na hindi ligtas at hindi malinis. Malamang narinig mo na rin ang iba’t ibang alamat tungkol sa maruming pagkain sa kalye ng mga Pinoy. At kung naniniwala ka sa mga kuwentong iyon, malamang nanumpa ka na rin sa pagkain sa kalye at itinaga mo sa bato na kailanma’y hindi ka kakain ng mga ito.
          Ang street foods ay ang mga pagkaing inilalako sa kalye o tabing kalsada. Hindi maipagkakaila na ang mga Pilipino ay sadyang mahilig kumain nito  kaya naman siguro ay naging parte na ito ng ating kultura. Maaaring dahil ito sa presyong mura na lalong masarap pa tuwing oras ng meryenda. Turo dito, turo doon. Tuhog dito, tuhog doon. Ngunit sa kabila ng mga ito, mayroon pa ring isyu sa kalinisan, sanitasyon, kaligtasan, o kasiguraduhan na walang makukuhang sakit sa pagkain ng mga ito. Subalit kung ang street foods na ito ay sadyang marumi at mapanganib, bakit walang isyu sa atin ang kumain nito sa ibang bansa? Ang mga kalye ng Bangkok at Hong Kong ay hindi rin naman siguradong ganoon kalinis, subalit doon ay masaya tayong kumakain sa tabi ng kalsada at ni minsan hindi naman tayo nagkasakit. Kung wala tayong problema na kainin ang mga ito doon, bakit hindi natin ito magawa rito sa ating sariling bansa?
Tumblr media
          Isa sa pinakakaraniwang street foods sa Pilipinas ay ang isaw, inihaw na bituka ng manok sa isang tuhog na ang bawat lokal ay nahuhumaling sa lasa nito. Sinasawsaw ito sa suka upang maging mas malinamnam at mas maramdaman ang kasiyahan sa pagkain nito.
Tumblr media
          Dagdag pa rito, karamihan sa mga Pilipino na lumalabas sa hapon para sa isang mabilis na meryenda ay bumibili ng fish balls, kikiam, chicken balls at squid balls. Ang mga ito ay kabilang din sa mga pangkaraniwang pagkain sa buong Asya. Kapag sinasawsaw sa matamis at maasim na sarsa o suka, ang mga pagkaing ito ay mahusay na pantawid sa meryenda.
Tumblr media
          Samantalang ang mga kulay kahel na itlog ay hindi lamang nakakaakit sa  mata ngunit makasalanan ding pampagana. Ang kwek-kwek ang makukuha mo kapag pinakuluan mo ang itlog ng pugo, pagkatapos isawsaw ito sa batter at iprito ito hanggang sa maging maganda at malutong ang patong. Ang tokneneng ay eksaktong ginawa sa parehong paraan, ngunit gumagamit dito ng itlog ng manok. Tulad ng ibang street foods ng mga Pilipino, ang kwek-kwek at tokneneng ay karaniwang isinasawsaw sa suka bago kainin.
Tumblr media
          Sa kabilang banda, malinaw rin ang impluwensya ng Tsino sa lutuing Pilipino, kaya't hindi nakapagtataka na ang ilang pagkaing Tsino ay nagtungo sa ating mga kalye. Ang steamed siomai, na isang kagat na sukat na dumpling ng baboy ay patok sa Pilipinas na may sawsawang toyo at kalamansi.
Tumblr media
          Maliban sa mga nabanggit na pagkain at mga sawsawan nito, kita rin sa mga Pilipino ang pagkamalikhain sa pagbuo ng mga pangalan para sa kanilang mga paboritong bagay, gaya na lamang ng sa street foods. Ang helmet ay tumutukoy sa ulo ng manok, habang ang adidas ay mga paa ng manok — at oo, parehong inihaw na masarap ding isawsaw sa suka. Malalaman mo na walang mga bahagi ng hayop ang nasasayang sa bansa na may mga napakasarap na pagkain tulad ng walkman (tainga ng baboy) at betamax (dugo ng baboy). Ang mga ito ay kulang pa kung ating ilalahat ang street foods ng ating bansa, ito ay ang mga karaniwan at kadalasang hilig kainin ng mga Pilipino na sinasabing marumi at mapanganib.
          Sa aking opinyon, ang mga palagay na ito ay dala rin ng stereotyping na ugali ng mga Pilipino. Mahilig tayong mag-generalize ng mga bagay-bagay dahil sa mga paniniwalang nakasanayan natin kahit na mali. Marahil kaya ginagawa nating masiyahan sa pagkain ng street foods sa ibang bansa ay dahil sa kakaibang pagtingin natin sa mga bansang ito. Masyado tayong nagtitiwala at humahanga sa kanilang mga produkto na umabot sa puntong nakalilimot tayo sa sarili nating mga gawa. Minsan pa ay umabot na rin sa panghuhusga tulad na lamang ng mga pagpapalagay na ito tungkol sa mga street foods. Sa kabilang dako naman, maaaring ginagawa natin ito dahil gusto nating mas makilala ang kultura ng mga bansang ating pinupuntahan.
          Sa kahulihan, wala tayong ideya kung ano ang mga paraan sa paghahanda at paggawa ng mga street foods na ito.  Naririnig lang natin ang mga kuwento at ginagawa ang ating mga pagpapalagay, ngunit sa pagtatapos ng araw, iyon ay mga palagay lamang. Hindi ko sinasabing mali ang mga taong tutol sa mga pagkaing ito. Ngunit kung walang anumang isyu sa pagkain ng mga street foods sa kalye sa ibang bansa, hindi tayo dapat magkaroon ng anumang isyu sa pagkain ng mga ito dito sa sarili nating bansa. Pero lagi lang nating iisipin na kahit mura at masarap ang kumain nito ay kailangan pa rin nating isaalang-alang ang ating kalusugan dahil masama ang sobra. 
Sanggunian:
KKday (2019). Your Guide To Filipino Street Food. Retrieved from https://en.blog.kkday.com/24445/asia-philippines-best-filipino-street-food-guide
Shutterstock (n.d.). Stock images, photos, and videos. Shutterstock. Retrieved July 17, 2021, from https://www.shutterstock.com/
Unsplash (n.d.). Beautiful Free Images & Pictures. Unsplash. Retrieved July 17, 2021, from https://unsplash.com/
0 notes
kusinanumerouno · 3 years
Text
Juan the Foodie
Tumblr media
Sana ay mabusog mo kami!
Isinulat ni: Jessica O. Hernandez
          “Happy happy happy birthday, sana ay mabusog mo kami!”
          “Noche buenang ibig ko! Sarap!”
          Likas na sa ating mga Pinoy ang magkaroon ng mga salusalo sa mga espesyal na okasyon na gusto natin ipagdiwang. Maging ito man ay kaarawan, anibersaryo, kasal o kung ano pa, siguradong gagawa ng paraan sina nanay at tatay na maghain ng paborito nating pansit at ulam. Sa ngalan ng spaghetti, shanghai, videoke, at cake, isang maligalig at masayang pagtitipon ng magkakamag-anak ang bubuhay sa diwa ng kahit na sino upang itanong na “Uy! Sinong may birthday?”.
          Sa kasagsagan ng mga pagdiriwang na pinagsasaluhan natin, makikita at mararamdaman sa mga ito ang pagiging magiliw ng mga Pilipino sa panauhin at ang pagiging maasikaso sa paghahandog ng ngiti at pagkain. Kilala natin na handaang Pilipino ang ating pupuntahan sapagkat ramdam na ikaw ay imbitado, na ikaw ay kasalo sa masasarap na pagkain sa mesa. Oh ‘di ba? Chibugan na!
Makulay, maligalig, pestibo!
Tumblr media
          Sa ikapitong kaarawan ng nakababatang kapatid ay maagap ang gising ng mga magulang. Kaagad na ipapaalala ni inay ang pagkuha ng saha na tutusukan ng hotdog na iihawin mamaya. Siya naman ay didiretso sa palengke sapagkat bibili ng giniling at iba pang rekados na pang-spaghetti. Maya-maya pa ay babangon na si bunso na may ngiti sa mukha sapagkat kahit sa hapon pa ang handaan ay ramdam na sa kusina ang mga preparasyon sa kaniyang party.
Tumblr media
          Sa munting kasalan sa nayon, gabi pa lamang ay maingay na ang paligid para sa mga putahe na lulutuin kinabukasan. Isang baboy, dalawang manok, at isang kambing na ang nakatay upang gawing ulam ng mga ninong at ninang at pulutan ng mga tatay at kumpare sa gabi ng reception. Todo paypay at punas ng pawis na ang mga kasambahay na tumulong sa pagluluto habang hinihintay na dumating ang bagong kasal galing sa seremonya sa simbahan. Isang programa muna bago ang kainan at matatapos ang araw sa inuman, iyakan at kantyawan.
Tumblr media
         Isang mainit na hapon naman nang makakita ang magpipinsan ng masarap na recipe sa Tiktok. Kaagad silang nag-ambagan para bumili ng maraming patatas at iba pang kailangan para makagawa ng mojos. Habang pinapakulo ito upang lumambot, naghanap ulit ang mga dilag ng recipe para sa sawsawan nito at sa kung anong inumin ito nababagay para sa kanilang meryenda. Dumating ang maybahay ng kanilang pinaglulutuan na siya ring na-excite sa kanilang eksperimentong ginagawa. Nang matapos ang lutuan at ang pagkuha ng litrato na ipo-post mamaya sa Facebook, wala pang limang minuto ay ubos na ang nilutong mojos.
          Ilan lamang ang mga iyan sa patunay na ang paghahanda ng marami at masasarap na pagkain ay bahagi na ng ating pagkakakilanlan at ang konsepto mismo ng mga handaang ito ay isang katangian na natatangi sa ating mga Pinoy. Gaano man kasimple o kagarbo ang kainan, tiyak pa rin na may tatak ng Pilipino iyan!
Anong klaseng bisita ka?
Shy Type         
          Isinama ka lamang ng iyong mga magulang sa lugar na ito na hindi mo pa kailanman napuntahan. Wala kang kakilala sa lugar kasi malayo ito sa inyo. Ang mga pagkain ay mga putaheng native ang luto kaya naninibago ka. Sa uling niluto ang mga ito at ang singaw ng paligid ay usok at maaliwalas. Nahihiya kang kumilos kung kaya’t tahimik ka lamang noong buong oras na iyon.
The Punong Abala
          Birthday ng iyong bespren. Inatasan ang barkada niyo na gumawa ng surprise. Punong-abala ka para maging maganda ang preparasyon at sorpresa. Kaya naman nang matapos ang mga ito at kainan na, ikaw ang pinakapagod at pinakamaraming laman ang plato sapagkat naubos ang enerhiya mo. Nakailang balik ka sa carbonara at ikaw na rin ang naka-ubos ng shanghai. Niloloko ka man ng mga kasama ay ayos lang sapagkat alam mo ang ibinuhos mo para mangyari ang selebrasyon.
Taga-Take Out
          Inutusan ka ng iyong nanay na sumama sa mga pinsan mo sa handaan ng kapitbahay. Hindi mo naman sila gaano ka-close kung kaya’t mahinhin kang kumain at casual na nakipagkwentuhan lamang sa kanila. Ngunit dahil bilin ng nanay mo, malakas ang loob mong mag-request ng take-out para iuwi sa inyong bahay. Nahiya ka lamang pero muntik na ring magdala ng tupperware sa nasabing kainan.
Videoke Queen
          Kilala kang biritera at life of the party sa lugar niyo. Kada handaan na puntahan mo ay pakakantahin ka ng “Pangarap ko ang Ibigin Ka” sa videoke upang buhayin ang handaan at mapalakpakan ng mga bisita. Kadalasan, hindi ka na umaalis sa harap ng videoke at dinadalhan ka na lamang ng pagkain ng iyong mga kaibigan at inaabutan ng tagay sapagkat tila konsyerto mo ang party na iyon.
Tumblr media Tumblr media
          Tiyak na kabilang tayo sa mga personalidad na nabanggit pagdating sa handaan. Ang nakagagalak dito ay ang katotohanan na alam natin ang pakahulugan ng mga nasabing konteksto at may kakilala tayo na mahiyain, maraming kumain, taga take-out at mga karaoke king and queen sa handaan. Tama, tama? Tumpak!
          Bida sa handaan, una sa kainan! Tatak Pinoy ata ‘yan! Ano man ang ganap, sino man ang bisita, sama-samang pagsasaluhan, iisa ang saya!
Sanggunian:
Carousell. (n.d.). Pagkaing Pinoy / Filipino Food [Photograph]. https://www.carousell.sg/p/pagkaing-pinoy-filipino-food-109235139/
Fiesta To Go. (2021, March 18). Fiesta To Go [Photograph]. https://www.facebook.com/fiestatogoph/photos/a.108336064367318/227562512444672
My Pope Philippines. (2019, November 30). These three Filipino fiesta staples will make you hungry! [Photograph]. https://www.mypope.com.ph/filipino-fiesta-staples/
Novocom.top. (n.d.). 1st Birthday Party Food Menu Filipino [Photograph]. https://novocom.top/view/7d37c5-1st-birthday-party-food-menu-filipino/
Pinterest. (n.d.-a). 18 Filipino 90s Birthday Party Things That’ll Give You Intense Flashbacks [Photograph]. https://www.pinterest.ph/pin/390405861431674051/
Pinterest. (n.d.-b). How To Make Mojos At Home Food TikTok [Photograph]. https://www.pinterest.ph/pin/313703930300542680/
Primer. (2015, September 19). Filipino Birthday Parties: The fun, the fare, the non-stop singing [Photograph]. https://primer.com.ph/tips-guides/2015/09/19/filipino-birthday-parties-the-fun-the-fare-the-non-stop-singing/
0 notes
kusinanumerouno · 3 years
Text
Dito Patok, Dito Tampok!
Tumblr media
PINIPILAHAN: Mga handa sa LPU-L tuwing Foundation Week 
Isinulat ni: Irene Shane M. Herradura
         Kagaya nang pag-abang ng buong Pilipinas sa Miss Universe tuwing Enero taon-taon ay ganoon na lang din ang pagkasabik ng mga mag-aaral at mga organisasyon ng Lyceum of the Philippines University – Laguna tuwing buwan ng Pebrero. Hindi dahil sa napakalamig na simoy ng hangin sa kampus o sa Valentine’s Day, kundi dahil sa pagdiriwang ng founding anniversary ng Lyceum nating mahal. Ang LPU-Laguna ay itinatag noong January 18, 2000 ngunit isinasagawa ang Foundation Week tuwing Pebrero dahil sa malaking preparasyon para rito. At dahil dalawang Foundation Week na ang nakansela dahil sa dalawang magkaibang sakuna, aking ibabahagi ang mga pinipilahang tindahan ng pagkain tuwing Foundation Week!
Chummie Shawarma
Tumblr media
          Ipinagmamalaki ng Chummie Shawarma ang kanilang orihinal na Turkish Roast Beef. Tiyak na sa unang kagat, malinamnam lahat. Perpekto ito sa kahit anong oras! Kung ikaw ay naghahanap ng tanghalian, maaari mong subukan ang kanilang Shawarma Rice sa halagang P70.00. Kung ikaw naman ay naghahanap ng agahan o kaya’y meryenda, subukan mo naman ang kanilang Large Pita Shawarma sa halagang P60.00. Siguradong babalik-balikan mo ang sarap ng kombinasyon ng kanilang gulay at karne!
Cake Frost
Tumblr media
            Kung panghimagas naman ang hanap mo ay hindi ka bibiguin ng mga shakes ng Cake Frost. Kakaiba ang kanilang mga produkto dahil ito ay may cake sa ibabaw. Taglay nito ang tamang tamis upang hindi ka maumay agad. Maaari mo itong makuha sa mga sukat na petite (P48.00), tall (P58.00), at grande (P70.00). Ilan sa mga flavors nito ay chocolate, cookies and cream, strawberry, mango graham, at red velvet. Maaari ka pang magpadagdag ng mga toppings at whip cream sa abot-kayang presyo.
Ton-ton’s Sisig
Tumblr media
            Paumanhin sa aking pagkiling, ngunit ang Ton-ton’s Sisig ay ang pinakapaborito ko sa lahat. Ito ang pinakamasarap na sisig sa buong Laguna! Sa halagang P75.00 ay may kanin at sisig ka na, tiyak na mabubusog ka. Para masulit ang karanasan mo, dahan-dahang pigain ang kalamansi sa toyo at ihalo ang maanghang na sawsawan ayon sa iyong kagustuhan. Namnamin ang pagkain at samahan pa ito ng malamig na tubig na kasama na sa order mo.
Tito Massy’s Sisig
Tumblr media
            Kung ikaw naman ay nagtitipid sa Foundation Week, narito ang Tito Massy’s Sisig para iligtas ka sa mga gastusin. Bukod sa kanilang sisig, pinipilahan sa kanila ang mga student-friendly na rice bowls. Ang kanilang mga produkto ay nagsisimula sa presyong P39.00. Maaari kang pumili sa iba’t ibang putahe nila ng tapsilog at ang masarap nilang chicken teriyaki.
Kerrimo
Tumblr media
            Kilala naman ang Kerrimo sa kanilang malikhaing inobasyon ng isang baso kung saan ay may fries at inumin ka na sa isang lalagyan sa halagang P69.00! Sa pamamagitan nito ay madadala at makakakain mo ito saan ka man magpunta. Ang mga flavors nito ay cheese, barbecue, hot barbecue, at sour cream. Maaari mo rin itong haluan ng hotdog, potato wedges, nuggets, at mozzarella sticks.
Onyang’s Street Wings
Tumblr media
            Tanungin mo ang mga Calambeño – walang hindi nakakikilala sa Onyang’s Street Wings. Sila ay nag-aalok ng napakasarap na pritong manok na hinaluan ng orihinal nilang timpla ng mga sawsawan. Maaari kang pumili sa mild buffalo, mango habanero, parmesan, soy garlic, Korean soy, flaming cheese, honey barbecue, hot buffalo, at atomic. Ang isang meal ay maaaring mabili sa halagang P135.00 para sa anim na piraso ng wings at unli drinks. May kamahalan ito ngunit sulit naman kapag natikman mo na.
        Habang isinusulat ko ito, aaminin kong nahirapan na akong tandaan ang presyo, maging ang lasa ng mga pagkain, at kung gaano kasaya kumain kasama ang pinakamamahal nating barkada. Para sa mga bagong mag-aaral ng LPU-Laguna na hindi nakaranas ng face-to-face classes dito, ipagdarasal ko na maranasan niyo rin ang lahat ng ito balang-araw. At kung may matupad man sa lahat ng ipinagdasal ko, nawa’y ito ay ang mga pangako kong gawin kapag natapos na ang lahat ng ito.
Sanggunian: About LPU Laguna. (2021, June 18). Lyceum of the Philippines Laguna. https://lpulaguna.edu.ph/about-lpu-laguna/
Chummie Shawarma- Original Turkish Roast Beef (n.d.). Home [Facebook page]. Facebook. Retrieved July 8, 2021 from https://www.facebook.com/Chummie-Shawarma-Original-Turkish-Roast-Beef-2118118851786380
Cakefrost (n.d.). Home [Facebook page]. Facebook. Retrieved July 8, 2021 from https://www.facebook.com/cakefrostmain
Kerrimo Philippines (n.d.). Home [Facebook page]. Facebook. Retrieved July 8, 2021 from https://www.facebook.com/kerrimoPH
Lyceum of the Philippines University Laguna (n.d.). Home [Facebook page]. Facebook. Retrieved July 16, 2021 from https://www.facebook.com/LPULAGUNAOFFICIAL
Onyang's Street Wings Calamba-main (n.d.). Home [Facebook page]. Facebook. Retrieved July 8, 2021 from https://www.facebook.com/Onyangsw
Tito Massy's Sisig (n.d.). Home [Facebook page]. Facebook. Retrieved July 8, 2021 from https://www.facebook.com/titomassysisig
Ton-ton's Sisig (n.d.). Home [Facebook page]. Facebook. Retrieved July 8, 2021 from https://www.facebook.com/tontonsisigofficial
0 notes