Tumgik
loveannaaa · 2 years
Text
angulo
Tumblr media
Pilit inaakyat ang makapagpigil hiningang patalim,
Nagniningas na mga sahig,
Bawat hakbang toneladang layo ang dating,
Abante-atras, dumadagundong pintig ng damdamin,
Natutong kalakihan ang nakasanayan,
Binigyang pugay ang mga boses na pilit kinikimkim,
Sa kasuluksulukan ng silid, pilit tumitindig.
Pabugso-bugsong sitwasyon, pangarap na takip-silim
Galit sa sarili ang hinaing, "bakit ba ito parin?"
Hindi magkandaugagang hingal ang lumalabas sa mga bibig
Tanging pangarap ang bitbit, "sapat nga ba?"
Kumapit sa patalim, hindi inda ang sugat na tamo.
Nangangalawang na silakbo ng damdamin,
Binibigyang buhay gamit ang dugo't pawis.
Nakakalula, nakakatindig balahibo, nakakagimbal
Umabante, "tama na ba?"
"Sige pa, malapit ka na", bulong ng sinumang di mawari
Nagtiwala sa 'di kasiguraduhan
Iniyugyog, nadapa, nanghina, nasaktan
Pero walang tumumbas sa nais makamtan
Sa dulo, may kislap ng pagmuni-muni,
Lumapit, may pigurang madungis at di makilala
Bawat galaw ay iisa , napagtantong repleksyon ang nakikita
Metikulosong pagmamatyag, hindi mawari ang nadarama,
"Nandito na ba ako?" nakakabinging katahimikan.
Sa wakas, may isang luhang pumatak,
Hindi man sigurado, dama na siya ay nasa tamang pwesto.
2 notes · View notes