Tumgik
lysianm · 3 years
Quote
Tayo ay Dumayo sa Baguio
Johan Gyles Ramos at Ellysa Bianca Mutuc
Bilang isang mamamayan na lumaki sa bansang Pilipinas, hindi maipagkakaila na halos lahat ay pinangarap na makarating ng Baguio City sa probinsya ng Benguet. Ang lugar na ito ay matatagpuan sa bulubundukin ng Cordillera sa Hilagang Luzon at pinalilibutan ito ng mga bukirin na nagresulta upang ito ay magkaroon ng mababang temperatura. Nang dahil dito, ang Baguio ay tinawag na “Summer Capital of the Philippines” sapagkat ito ay dinarayo ng mga tao tuwing sasapit ang panahon ng tag-araw dahil sa malamig na klima na dulot nito.
Tumblr media
Noong nalaman ko na kami ay magbabakasyon sa Baguio, labis ang aking kasiyahan dahil sa wakas ay makakatapak na ako rito. Kahit nakakahilo ang paliko-likong daan papunta rito ay aking tiniis sapagkat alam ko na sulit ang kahihinatnan ng sitwasyong aking kinalalagyan. Nang kami ay nakarating na sa Hotel Elizabeth Baguio, ako ay namangha sa serbisyo na kanilang ibinigay dahil sa maayos na pakikitungo ng mga tao rito. Inasikaso nila kaming maayos at buong puso kaming sinalubong na nagbigay sakin ng kaalaman na ang mga mamamayan dito ay talagang mababait. Isa pa, hindi ganoon kamahal dito at hindi ganoon kalaki ang bawat kwarto ngunit sapat na ang perang ibabayad mo upang magkaroon ka ng maayos na pananatili rito. 
Tumblr media
Sa kabilang banda, nakakatuwang malaman na ang lugar na kung saan nakatayo ang lungsod ng Baguio ay unang tinirahan ng mga katutubong Ibaloi at Kankana-ey. Una itong naging pastulan ng mga baka at mga iba pang alagang hayop kung kaya’t hindi rin nakapagtataka na marami kang makikitang mga bukid dito.  Sa karagdagan, ang Baguio pala ay itinatag ng mga Amerikano noong 1900 upang gawing pasyalan. Noon namang 1901, sinimulang gawin ang “Kenon Road” sa pamumuno ng mga Amerikano sa tulong ng mga Pilipino at mga Hapon upang mas madaling puntahan ng mga tao ang lugar na ito sa kadahilanang gagawin itong bakasyunan. Dahil dito, makikita na malaki talaga ang ambag ng mga Amerikano sa kasaysayan ng bansang Pilipinas. Isa sila sa mga dahilan kung bakit mayroong ganitong kagandang lugar na pwedeng libutan sa bansa.
Tumblr media
Isa pa, totoo na dinarayo ang lugar dahil sa napakaraming bagay na maaari mong gawin dito. Dito ay puwede kang maglibot, magsaya at kumain nang kumain. Hindi ka nito hahayang tamarin o maburyong dahil maliban sa napakapreskong klima nito, bibigyan ka nito ng isang magandang alaala. Isa sa mga dapat puntahan dito ay ang Burnham Park na kung saan mayroon itong iba’t-ibang alay na makapagpapaaliw sayo. Dito ay maaari kang magbisikleta, mamangka, at mamili ng mga gamit para sa sarili at sa mga kaibigan mo. Masaya dito dahil may iba’t-ibang tao kang makakasalamuha na kung saan magbibigay ito ng panibagong saya sa kapaligiran.
Tumblr media Tumblr media
Kung ikaw ay maglilibot dito, dapat ay tikman mo ang pinagmamalaki nilang Strawberry Taho. Ang pagkaing ito ay gawa sa tokwa o tofu na katulad ng ordinaryong taho na karaniwang nabibili, ngunit ang pinagkaiba lamang ay may lasa itong strawberry na nakadagdag sa sarap nito. Isa ito sa mga bagay na hindi dapat palagpasin sa kadahilanang ang strawberry ay tumutubo lamang sa mga malalamig na lugar kung kaya’t dapat itong samantalahin ng bawat turistang dadayo lalo na’t kung hindi naman sila palaging nasa Baguio. Ang nakakatuwa pa rito, mabibili mo ito sa presyong abot-kaya ng iyong bulsa.
Tumblr media
Kahalintulad nito, ang pancit bihon sa lugar ay nararapat ding kainin dahil sa mga sariwa nitong sangkap tulad ng Baguio beans, karots, repolyo at pipino. Ang mga ito ay isa sa mga dahilan kung bakit maraming turista ang pumupunta dito sapagkat ang mga gulay na ito ay galing mismo sa kanilang lugar. Sila mismo ang nagtanim at nag-ani nito upang gawing kasangkapan para mabusog ang kanilang mga minamahal na bisita.  Masasabi ko na sulit ang pagbili dito dahil bukod sa masustansya ito, ang pancit bihon nila ay talaga namang masarap na tiyak na hahanap-hanapin ng inyong mga sikmura.
Tumblr media
Maliban sa mga pagkain at pasyalan na dahilan ng aming pagpunta, isa rin sa mga inabangan namin at ng ibang turista dito ay ang Panagbenga Festival. Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit marami ang nagtutungo sa Baguio; naghahandog ito ng tunay na kasiyahan sa mga tao. Lingid sa kaalaman ng lahat, ito ang pinakakilalang pagdiriwang sa lugar na kung saan taon-taon nilang ipinagmamalaki ang kanilang masaganang mga bulaklak. Mayroong mga sayawan at paligsahan na idinaraos upang magbigay ng dagdag tuwa sa mga turista at upang maipakita ang kultura ng probinsya. Isa pa, nakakatuwang isipin na sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, maipagmamalaki nila ang kanilang katutubong kasuotan na tinatawag na “bahag”.  Sa karagdagan, masasaksihan dito kung gaano katindi ang pagbabayanihan ng mga mamamayan sa Baguio para lamang maging matagumpay ang kanilang ginawang selebrasyon. Binibigay nila ang lahat ng kanilang makakaya para maipakita ang angking talento ng mga tao dito.
Tumblr media
Nang dumating ang huling araw namin dito, hindi na kami nagdalawang-isip na umalis agad upang bumili ng mga pasalubong. Ito ay isa sa mga hindi dapat makaligtaan sa kadahilanang nararapat baunin ang mga ipinagmamalaking pagkain at kagamitan dito. Ito ay magiging isang alaala na kami ay minsang nakarating sa Summer Capital ng Pilipinas.  Una sa lahat, binili namin ang sikat nilang “strawberry jam” na tiyak na magagamit namin sa aming bahay sa probinsya sa kadahilanang ito ay masarap at malinamnam. Isa pa, ito ay hindi madalas makita sa aming lugar ang strawberry na pangunahing sangkap nito dahil sa mataas na temperatura ng Bataan.
Tumblr media
Pangalawa, bumili kami ng mga “handcrafted souvenirs” dahil ang mga ito ay nakakamangha. Makikita rito ang pagiging matiyaga ng mga tao sa kadahilanang umukit sila para lamang dito. Naging maparaan sila upang kumita ng pera at makaahon sa buhay. Sa pamamagitan nito, makikita ng mga ibang lahi na ang mga Pilipino ay talagang matiyaga at malikhain.
Tumblr media
At ang panghuli at importante sa lahat ay ang mga gulay sapagkat mabibili mo ito ng sariwa na makapagbibigay panibagong sarap at sustansya sa pagkaing lulutuin. Hindi ito tulad ng mga nabibili sa probinsya na halos lanta na dahil sa matagalang pagkatambak ng mga ito. Isa pa, makukuha mo ito ng mas mura kumpara sa presyo kapag ito ay naibaba na sa kapatagan. Bilang resulta, ang bawat isa ay makatitipid at mas masusulit ang perang kinonsumo.
Tumblr media
Bilang konklusyon, ang mahigit apat na araw na aming pananatili sa lungsod ay nagbigay kaliwanagan sa akin na ang mga Pilipino ay mayroong maipagmamalaki. Nakita ko na sa pamamagitan ng pagkain, tanawin, at pakikisama, kaya nating mga Pilipino ang makipagsabayan sa ibang bansa. Ngunit, hindi maitatangging tayo ay may kakaibang abilidad na tayo lamang ang makagagawa at magbibigay pagkakakilanlan sa ating lahi. Sa karagdagan, napagtanto ko na importanteng minsan sa ating buhay ay napuntahan natin ang isa sa mga yaman ng ating bansa. Ito ay makatutulong sa atin upang mas malaman pa ang kasaysayan at iba’t-ibang kulturang mayroon ang Pilipinas. Ang bagay na ito ay isa sa mga paraan upang mas mahubog ang ating pagiging isang Pilipino.  Sa pamamagitan nito, matututo ang bawat isa sa atin na mahalin at ipagmalaki ang mga yamang taglay ng Perlas ng Sinilangan.
photo credits: pinterest.com at google.com
2 notes · View notes