Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
PRINSIPYO (Mula sa kwentong Utos ng Hari Atbp ni Jun Cruz Reyes)
May nagkakamali ba sa usapin na patungkol sa prinsipyo? Lahat naman tayo’y mayroon nito, ‘di ba? Yun nga lang, iba iba ang pananaw natin depende sa kung anong estado at uri ng pamumuhay ang mayroon tayo. Hanggang saan masasabi ng isang taong tama ang pinaninindigan nitong gawin? Mali bang gumalaw ng naaayon sa kagustuhan at walang kahit anong pagpupumiglas mula sa kung anong kagustuhan ng nakararami? Mali bang magpakatao at manatili sa iyo ang pagkatao mo kahit pa hindi ito akma sa lugar na ginagalawan mo? O mali bang piliin yung desisyong makakapagpanatili sa buhay mo at pamilya mo?
Sa tatlong kwentong ito ni Jun Cruz Reyes, naibahagi niya ang gusto niyang sabihin sa kanyang mga mambabasa gamit ang iba’t ibang kwentong may iba’t ibang istorya at lebel ng antas sa lipunan. Bawat kwento ay may kanya kanyang emosyong gustong iparamdam sa atin ang may akda. Kung inyong babasahin ay makikita niyong deskriptibo sa pagkekwento si Jun. Madaling intindihin ang kwento niya dahil ang mga ginamit niyang karakter dito ay mga tipikal o masasabi nating reyalistiko talaga.
UTOS NG HARI- Sinabi na dito ang gustong iparating ni Jun: Ang Pasismo, na kung saan ay nangyayari sa paaralan nila Jojo. Makikita mo sa kwento na ang tanging may kapangyarihan at tanging may karapatan sa kahit anong bagay ay ang mga titser lamang nila. Sila ang mga lider sa maliit na monopolya sa loob ng paaralan. Hindi sila tumatanggap ng kahit anong bagoong kaalaman o pananaw sa buhay. Bakit? Maaring dahil sa inseguridad nila sa kanilang nakaraan, o sadyang makikitid lamang talaga sila at walang respeto sa pananaw ng iba o alam nilang walang laban sa kanila. Pwede ding dahil sa mayroon silang superiority complex na dulot na din na rin siguro ng isang masalimuot nilang karanasan na ayaw na nilang balikan.
Sa kwentong ito, masasalamin mo ang klase ng pamumuhay sa panahon ng diktaduryal ng ating yumaong dating Presidenteng Ferdinand Marcos. Ang pasismo ay isang klase din ng diktatoryal kung saan hindi sila tumatanggap ng oposisyon, iisa lamang ang kanilang hangarin o plataporma. Sa kwentong ito, maihahalintulad mo si Jojo at Minyong sa mga mamamayan noong panahon ng Diktaduryal- ang mga titser naman ay si Marcos- na noong panahon ay ang Diyos, ang salita niya ay ang batas, walang makakabali nito at hindi siya tatanggap ng kwestyon mula sa kahit sino. Walang silbi ang pagpapakatao mo dahil gagamitan ka ng dahas, dahas nang mga nasa itaas na wala kang ibang magagawa kundi tumungo ng paulit ulit habang dinudurog ang prinsipyo mo ng pinong pino.
DOON PO SA AMIN- Sa kwentong ito, ipapakita kung paanong ang yaman ng isang tao ang magdidikta sa kung ano lamang siya sa lipunan. Dito magtatalo ang dalawang prinsipyo- ng mayaman at mahirap. Sa kwentong ito lalabas kung anong nagagawa ng pera sa pag-uugali ng mga tao. Dito mo masasabing ang kapitalismo ang sanhi ng kahirapan at ang pagyakap ng mga pinagpala sa yaman ang bumubuhay dito. Ang ideolohiyang nakita ko na ginamit ni Jun dito ay komunismo, ipinantay niya ang pananaw at prinsipyo ng mga mahihirap at mayayaman. Iginigiit dito na kapag hindi mo kayang mag mukhang mayaman, wala na kung dalawang beses ka na lang nakakakain sa isang araw, ay di ka nababagay humawak sa titulo nito. Na kapag nakadamit kang pang mahirap, walang dahilan para irespeto ka ng ninoman. Pilit ipinapakita ni Jun ang dalawang prinsipyong ito na masasabi kong pareho namang tama at mali din. Bilang isang indibidwal, para sa akin, dapat irespeto kahit na sino, kahit na ano pa man ang estado nila sa buhay, igalang sila bilang kapwa tao na linamangan lang natin ng isang linggo. Naniniwala ako na may karapatan kang ipakita kung anong gusto mong ipakita ngunit iayon ang sarili sa iyong kinalalagyan at lugar na ginagampanan. Ang simula ng pag unlad ay nagmumula sa pag respeto sa iyong sarili at pati na rin sa iyong kapwa.
MGA KWENTONG KAPOS- Dito naman, makikita natin hanggang saan ang kayang itaas at ibaba ng prinsipyo ng isang tao para sa kanilang sariling kapakanan at kasaganahan. Sa bawat kwento, may iba’t ibang klase ng pinagdaanan ang mga karakter:
Si Linda- na nagawang mamista kung saan saan, mabuhay lang ang pamilya. Isang huwarang tao na may konkretong prinsipyo na kahit salat sa yaman ay hindi nagawang kumapit sa patalim. Si Linda ay isang mabuting halimbawa ng isang taong may tunay na mabuting kalooban na hindi mababago ng kahit anong gutom at pagod; Si Nelson- isang mekaniko naman, ang kamangmangan niya ang nag-angat sa kanya ng isang hakbang sa ibang indibidwal. May kakayahan si Nelson na makita ang kagandahan ng buhay kahit pa sa pinakamadidilim na araw na kanyang tinatahak. Sadyang ilinelebel lebel lang natin ang mga kagustuhan natin sa buhay at para sa kanya- pag-ibig ang mauuna; Sa kwento naman ni Bong- iisa lamang siya sa mga taong kinapos sa buhay, hindi ko alam kung ang estado o ang lipunang ginagalawan niya ang naging sanhi ng hindi niya pag abot sa kanyang pangarap. Isa siya sa mga taong kinulang para pang hawakan ang kanilang prinsipyo sa buhay. Hindi kahirapan ang sanhi ng kahirapan, ito ay ang kawalan natin ng pag-asa at aksyon dahil aminin man natin o hindi, sadyang kinapos lang tayo sa biyaya. Nasa sa atin kung gugustuhin nating umangat sa buhay, dahil sa paglipas ng panahon, desisyon at desisyon mo lamang ang masusunod; Sa kwento naman ni Robert- ang drayber nila ng dyip, mapag-aalaman nating siya at ang mga kasabwat niya ang nagnakaw sa stereo ng dyip. Dito makikita na isa ang kahirapan sa mga kadahilanan kung bakit naiisantabi natin ang prinsipyo natin sa buhay. Ang kasalatan ang nagtulak para gumawa ng hindi dapat si Robert. Itong kwentong ito ay masasabi kong nangyayari na noon pa. Nang dahil sa kahirapan, madami ang napapalihis ng landas. Nang dahil sa kahirapan, madaming namamatay. Nang dahil sa kahirapan, madaming pangarap ang naisasantabi at natatapakan. Nang dahil sa kahirapan, prinsipyo’y nalilimutan.
0 notes
Text
KAWALA (Mula sa kwentong Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon ni Luna Sicat)
Isa ito sa mga kwentong pinaka-hindi ko naintindihan. Napakasakit sa ulo. Hindi ko masasabing nasipat o naintindihan ko talaga ang gustong sabihin ng may akda. Isa itong uri ng kwento na maraming mukha, nakadepende sa estado ng utak ng mambabasa kung paano niya makikita at maiintindihan. Pero ang kwentong ito ay madaming emosyon, ramdam ko ito sa dami at patuloy tuloy na pagsasalita ng akda. Hindi ko talaga alam kung saan siya nag simula, ang alam ko lang ay may pinagdadaanan siya at gusto niyang kumawala.
Tayong mga indibidwal ay may kanya kanyang pag-iisip. Lahat tayo ay may kanya kanyang utak na nagpapagalaw sa atin, nag-tuturo sa konsensya at sa kung ano ang tama at mali. Sa pagbabasa nito ay lungkot ang naramdaman ko, nakita ko ang lamig ng sulat niya, nakita ko ang pag-iisa niya. Paano? Dahil habang sinusulat ko ito ay pinapakinggan ko ang pag-aasikaso at pag-galaw ng mga kasama ko dito sa bahay- mga kapatid kong nag-uunahan kung sino ang gagamit ng banyo, nanay kong handa na sa kung sino sa kanila ang papaluin dahil sa tigas ng mga ulo, tatay kong ka-video chat ang aking nanay habang tumatawa na akala mo’y matagal kaming di nagkita (tulog na kasi lahat pagdating niya mula trabaho at pag-alis niya pabalik dito) at nariyan din ang tita kong naglilinis ng iba’t-ibang parte ng bahay habang may kung ano anong binubulong sa sarili.
Sa kwentong ito, ramdam ko ang kagustuhan niyang kumawala sa mga kadenang ipinulupot niya sa sarili niya, sa bakal na rehas kung saan niya kinulong ang sarili niya, sa utak niyang pilit na binubulag siya sa pamamagitan ng pagpaparanas ng iba-ibang emosyon na gusto niyang maramdaman sa sarili niya. Nakakabaliw kung pilit mong iintindihin ang kwento dahil hindi naman pangkaraniwan sa atin ang mga ganitong usapin, mahirap intindihin ang takbo ng utak ng tao lalo’t higit may sari-sariling intelektwal ito, may sariling pinang-huhugutan bawat salitang binabanggit niya dito. Ngunit hindi lang lungkot ang nakita ko sa sulat ni Sicat, nariyan din ang saya. Sa kahabaan ng kwento, unti-unting nabubuo ang gustong sabihin nito, na sa hinaba haba ng buhay ng tao, sa pagtapos ng araw, iisa lamang talaga ang kalaban- ang sarili niyang anino, multo, pagkatao. Sa pagdaloy ng kwento, saka ko lang napagtatanto na kagaya niya lang din tayo, araw araw nakikipaglaban para manatiling nakatayo dito sa mundo. Saka ko lang din napagtanto na tayo lang din ang makakasalba sa sarili nating mga kagagawan at multo. Lahat ng bagay sa mundo ay naging bagay lang dahil sa ginawa natin itong bagay. Sa kwentong ito, nakita ko kung gaano kahirap dito sa ibabaw, na lahat tayo’y naglalakad na ang isang paa’y nasa hukay at ang isa’y naglalakad sa himpapawid.
Baliw ka kung sasabihin mong baliw siya. Maswerte nga siya dahil nagkaroon siya ng pagkakataong makilala ang mga parteng bumubuo sa sarili niya. Nakakamangha dahil kahit nag-iisa siya, mayroon siyang kasamang nagparanas ng kasiyahan, kalungkutan at iba pang makamundong mga bagay sa sarili niya. Nakakaawa siya dahil hinayaan lang ng mga totoong nasa paligid niyang mag isa niyang danasin ito. Baliw siya dahil nagawa niyang pagtagumpayan at tapusin ang kwento niya ng masaya kahit pa man nagmula ito sa mga bula na nabuo mula rin sa sarili niyang hininga.
0 notes
Text
LAGUSAN (Mula sa kwentong Kubeta ni Nancy Kimuell-Gabriel)
Isang kwentong tunay na kapupulutan mo ng aral at magsisilbing motibasyon mo sa pagtupad nito- ito ang masasabi ko sa Kubeta ni Nancy Kimuell-Gabriel. Tunay ngang napakamalikhain nating mga Pinoy dahil ultimo kubeta- lugar paliguan, ihian, at taehan ay nagagawa pang gamitin bilang isang paghahalintulad sa isyu at problemang dinanas, dinadanas at dadanasin pa din ng ating lipunan.
Sa mga paumpisang linya pa lang ng kwento ay mapupukaw na agad nito ang atensyon mo. Ano bang big deal sa kubeta? Makikita mo sa bawat linya ang detalyado at mausisang paglalarawan niya sa kubeta. Ang anyo ng pagsusulat niya ay masasabi kong kahanga-hanga. Nagawa niya akong sabikin sa bawat linyang kanyang binabanggit, bawat linya’y animo’y tumutulong at nagpapa-angat sa bawat isa na nagtutulong tulong para buuhin sa aking utak ang gusto talaga niyang ipakita. Ang kwentong ito ay hindi lamang nakapag bigay ng aliw sa akin kundi pati na rin ng bukas na kaisipan sa mga nangyayaring isyu sa ating lipunan noon na hanggang ngayon ay masasabi kong nariyan pa din at hindi pa rin nasosolusyonan.
Ginamit ng dalagang Nancy ang nakakasulasok at nakakapanindik balahibong kubeta nila sa Tundo bilang metapora para sa mabaho at nakakapanginig ng laman na patakbo ng ating gobyerno sa mga nasasakupan nito. Sa araw-araw na sandali ngunit napakahaba niyang ritwal sa loob ng kubeta, madami siyang natuklasan. Hindi lamang pala isang kubeta ang maliit at mabahong espasyong ito sa bahay nila- pwede pala itong maging takbuhan ng lahat ng inaapi, maging kanlungan ng lahat ng sugatan, maging motibasyon sa pag angat sa buhay at maging salamin sa korapsyon at kabalukturan sa sistema ng pamayanan.
Sa bawat bukas mo pala ng pinto ng kubeta, hindi lang pala alingasaw ng mapanghing natuyong ihi at amoy bulok na mga taeng hindi lumubog ang bubungad sa iyo, ngingiti din pala sa iyong harapan ang mga epekto kapag naglaro ang mga nasa itaasan- nariyan ang kawalan ng respeto sa mga bagay na ginagamit natin araw araw, nang dahil sa dami ng gumagamit dito, malimit na din sigurong malinis ito. Siguro ay kapag tinignan ng mga eksperto sa baktirya ang lugar na ito ay makakakita sila ng pamayanan ng mga baktirya sa bawat sulok ng palikurang ito. Napaktaas ng bilang ng mga taong nagkakasakit sa lugar nila, hindi lamang mga bata, matanda at may mga kapansanan ang naaapektuhan nito kundi halos silang lahat. Ang eksenang ito’y di lamang pala sa kanilang lugar matatagpuan kundi pati na rin sa iba pang lugar sa Pinas- Benguet at Kordilyera na kung saan ay mas malala pa pala. Sa Benguet kung saan komunal ang toilet, na uupo ka lamang, maglalabas ng sama ng loob at mag-rerelax, bahala na ang agos ng tubig sa umagahan-tanghalian-hapunan mo kahapon. Nariyan din sa Kordilyera kung saan lalabas ang pagiging boyskawt at girlskawt nating mga Pinoy, hahanap ka lang ng lugar na may matataas na halaman na pwede kang takpan at magdadala ka lang ng kung anong pamalo para di mo masaksihan ang pagkain ng mga hayop sa putahe mong inihanda at nakabalot pa sa diyaryo.
Sa bawat sarado mo pala ng pinto ng inyong kubeta, para mo na ring tinatalikuran ang lipunang iyong ginagalawan. Ang kahirapan, hindi mo pwedeng isisi sa mga nasa itaas lamang, minsan kahit tayong mga nasa kailaliman ang siya na ring nagiging dahilan at gumagawa ng paraan para sa ating sariling kasamaan, hindi lamang natin ito nakikita dahil sinasara na lang natin ang pintuan na pikit ang mata sabay turo sa susunod na gagamit ng kubeta.
0 notes
Text
BULOK (Mula sa kwento ng Dangal ni Norman Wilwayco)
Ano nga ba talaga ang ugat ng lahat ng kasamaan sa mundo? Kakulangan nga ba talaga sa mga makamundong yaman o ang karangyaan dito? Ang kwentong ito ni Norman ay masasabi kong isang presentasyon ng dalawang uri ng tao sa mundo- una, ay ang ugali kapag salat ka sa mga bagay bagay; at pangalawa, ang asal mo kapag nasa iyo na ito lahat.
Ito ay isang kwento na di ko lubos maisip kung ano nga ba talaga ang gustong ituro at ipatanto. Ang katauhang kapalit ba na hatid sa iyo ng mamahaling Condo, magarang kotseng Volvo? Ang kasikatang hatid ba ng palakpakan ng mga hangal na sumusuporta sa pera mo? Ang mga tangang isang kumpas mo lang sa kamay mo’t ultimo parang mga tuta nang pasunod sunod sa utos ng kanilang amo? o kaya yung pagkabulok ng pagkatao mo dahil sa pagkadami dami ng pera mo? O baka naman, yung birtud ba na hatid ng damit na mula sa bangketa? Makukunat na pagpapasahod mula sa mga kayod kabayong trabaho sa Jolibee at Uniwide at iba’t ibang mga raket? Ang mga lasa ba ng pagkain sa karinderyang puro matatanda’t malalaking tyan na tsuper? Ang katrayduran ba ng gin tuwing kinsenas katapusan at sarap ng bawat langhap ng yosing hinahati nyo pa? o di naman kaya yung pagkabulok ng pagkatao mo dahil sa pagiging walang wala? Alin nga ba dito? Hindi ko na kasi alam.
Bakas sa kwento kung gaano kahirap ang naging buhay ng magkaibigang sila Chris. Sila yung mga klase ng taong masasabi kong produkto ng kahirapan- na kahit isang katerba yung ipagawa mo sa kanila eh tiyak na gagawin nila ng walang kaangal angal. Sila yung mga taong tunay na natutulog at gumigising na pagod at patuloy lang sa pag sulong para lamang mabuhay. Yung mga taong nagpapatuloy na lang kasi alam nilang wala naman ng ibang magagawa pa, na kapag huminto sila ay pahahapyawan ni Kamatayan ng sakit at gutom. Sila yung mga klase ng taong alam kong napurga na ng araw araw na pakikisalamuha kay Kahirapan. Pero ang hindi ko lang alam ay mayroon pa lang iba sa kanilang bulok na mula sa kaibuturan, hindi ko alam kung dahil ba sa araw araw na paghihirap o dahil ba sa pag takas dito. Nakita natin kung paanong ang isang mabuting kaibigan, kapatid, at estudyanteng si Chris ay nagbago sabay ng pag yaman nito. Dati’y simple lang naman siya- masayahin, kuntento sa kung anong meron, simple at tapat. Ngunit, sa pagbabago ng mga bagay bagay, nagbago din ang pamumuhay at pag uugali nito. Hindi ko lubos maintindihan kung ang pagnanais niya ba kay Marissa, ang dangal niya bang natapakan noon o ang di mabilang niyang salapi ang bumulok sa pag uugali niya. Hindi ko alam kung dahil sa araw araw niya bang pakikipag sabong kay Kahirapan ang naging sanhi kung bakit ganoon ang ginawa niya sa kapwa niya. Hindi ko alam kung yung biglang pag yaman niya ang naging dahilan sa pag sira niya sa buhay ng iba. Hindi ko alam. Isa lamang ang alam ko, na kagaya ng marami, isa siya sa mga bulok na. Ang alam ko lang, ang dangal mula sa yaman niya ang humatak sa kanya pailalim kung saan lahat ay nakatira sa mansion, may magagarbong kotse, at tig-iisa bawat gawaing mga taga sunod pero nananatili pa ding basura ng lipunan- mga bulok.
Sa kwentong ito ni Norman, nakita ko kung paanong ang isang tao’y bulukin mula sa loob ng sinasabi niyong dangal- na paanong ang kasalatan at kayamanan ay may kinalaman sa dangal ng isang nilalang; na paanong ang dangal ay nakadepende sa kasalatan at kayamanan ng kung sino man; na paanong ang dangal ay ang ugat ng lahat ng kasamaan.
0 notes
Text
ULAN-KAMA-GATAS
Ang relasyon sa simula, para sa akin, ay maihahalintulad ko sa dalawang taong nakapulupot sa isang ginintuang sinulid, na nagbubuklod at nagpapanatili sa kanila sa init ng isa't isa. Ngunit, ang sinulid na ito ay kumakapal, nagkakaroon ng bagong anyo- nangalawang sa pagdaan ng panahon at naging tanikala, gumagapos sa mga katawan at pusong gustong kumawala sa matagal na pagkakabilango. Tanging ang dalawang nag-iibigan lamang ang makakagawa ng paraan para sila'y makaalis sa pagkakagapos, ano kaya ang dapat nilang gawin? Dapat ba nilang pilitin na lang na kumawala at masaktan ang isa't-isa o dapat ba silang bumalik sa umpisa at alamin ang dahilan bakit sila nagkaganito, nakagapos sa tanikala?
Ang Kasal ni Eli Rueda Guieb ay isang maikling kwento na ipinabasa ng propesor namin sa Panitikan. Ito ay hindi gaya ng inyong ordinaryong kwentong pag-ibig, napaka-komplikado. Kakailanganin mo nang utak para maintindi ang tunay na gustong sabihin ng akda. Nakita ko dito ang lawak at ang linaw ng kanyang imahinasyon. Para akong nanonood sa mga bida sa kanyang akda kahit pa man nanonood lamang ako. Nagtagumpay siyang ilagay ang emosyon na nais niyang ipabatid sa amin sa kanyang akda.
Ang kasal para sa akin ay isa lamang pormalidad, walang labis walang kulang, hanggang walang laman na pagmamahal ang sumpaan ng dalawang taong nasa harap ng altar hindi ko ito masasabing tunay na kasal. At sa isang banda, sino nga ba'ng niloloko nila? Mga sarili nila? Malabo naman kasing si Lord na nasa harapan nila dahil alam niya ang lahat. Para sa akin ang kasal ay isang salita lamang, ang tunay na kasal ay ang mga desisyon na gagawin ng dalawang tao na iyon na matapos nilang mangako sa harap ng isa't-isa. Saka ko lang masasabing kasal nga sila kung pagdating ng panahon ay makikita ko silang magkasama pa din, mahirap man o madali ang buhay.
Paano nga ba natin matitiyak sa ating sarili ang nararamdaman ng ibang tao para sa atin? Ano nga ba ang senyas na dapat nating makita kung itutuloy pa natin o hindi? Noong matiyak na ng asawa ni Joanne na hindi na sila dapat pa magsama, ano kaya ang naging basehan niya? o ano kaya ang mga ginawa niya noong nalaman niyang nag-uusap ang kanyang asawa at kasintahan nito noon? Bakit hindi man lang niya pinigilan? Para sa akin, kung isa kang lalaking may respeto sa sarili mo at sa relasyon ninyo, pipigilan mo ito. Matatawag mo bang pagkakasala ang isang sala na wala namang nagkasala? Hindi naman, di ba? Dahil ito ay isang kasinungalingan, kasinungalingan sa iyong sariling kasarinlan at nararamdaman. Ngunit kung magagawa mo ito, marahil ay handa ka nang tumingin sa mga litratong walang katumbas na mga salita, na sa tuwing makikita'y tutulo ang iyong luha dahil sa mga bigay nitong gunita- na sa pinakamasasayang sandali nagmumula ang mga alaalang puno ng pait at dalamhati.
Sa kabilang banda, alam kong gustong sabihin ng asawa ni Joanne na- wagas ang pag-ibig ko para sayo, malayo ka man na sa tabi ko, ang mahalaga ay tunay kang masaya sa buhay mo ngayon kapiling ang irog mo. Sa bawat tuldok sa buhay mo makikita at maaalala ang saya ng mga una mong kataga sa umpisa. Sa buhay ng tao, dalawa lamang ang tunay na magpapakilala sa kung sino ka ba talaga- ang simula at dulo. Sa bawat tuldok na nasundan, may naiiwan at nadadagdagan; may nasisira at nabubuo; may isang bagay sayo na mananatili at habambuhay mong babaunin.
Sa paglalakad mo pabalik sa umpisa, doon mo makikita ang tunay na laki ng progresong iyong nagawa- pasulong man yan o paurong. Sa paglalakad mo pabalik sa umpisa, doon mo makikita lahat ng bumuo sayo at sumira. Sa paglalakad mo pabalik sa umpisa, doon mo makikita kung sino ka nga ba talaga at kung gaano ka kahalaga sa mundo at para sa iba. Sa paglalakad mo pabalik sa umpisa, doon mo makikita kung gaano ka katanga, na kung paanong yung depinisyon ng iba ang ginawa mong basehan kung sino ka at kung sino yung hindi ka. Sa paglalakad mo pabalik, doon ka na lang mapapailing sabay mapapabuntong-hininga ag mapapasabing- 'bakit iyon ang aking pasya?'
At hanggang sa dulo, hindi ko pa din alam kung anong pinili niyang gayahin- yung lawin bang malayang nakakapaglakbay kahit saan ng walang pumipigil, nagpapadala sa agos ng hangin, dahil alam niyang walang limitasyon ang kaya niyang liparin; o doon sa dalawang magkasintahang matanda na lumagay sa tahimik at pinili ang isa't-isa kaysa sa lahat; o di naman kaya wala siyang pinili?
1 note
·
View note