mannelalakbay
mannelalakbay
mANNElalakbay
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
mannelalakbay · 5 years ago
Text
TARA! AKO’Y INYONG SAMAHAN SA LUGAR NA PINAPANGARAP KONG MAPUNTAHAN ni Nislee Anne J. Soneja
BAGUIO CITY, PHILIPPINES
IKA-6 NG MAYO, 2017
@mANNElalakbay
Tumblr media
Ayon sa isang kasabihan, “Libre lang ang mangarap.” Natural na sa atin bilang kabataan na mangarap. Pangarap magkaroon ng ganito at ng ganyan, gusto makabili nito at niyan at gusto makapunta dito at diyan. Ngunit sa dinami-dami ng mga pangarap na ito, hindi natin alam kung alin at kailan ito matutupad.
Bilang isang kabataan ay pangarap ko na makarating sa Baguio City na kilala bilang Summer Capital ng ating bansa. Gusto ko maranasan ang malamig na klima at ang sikat na strawberry farm at strawberry picking sa lugar na ito. Akala ko noon ay hanggang pangarap ko lamang ito sapagkat wala naman kaming sapat na pera para makarating sa ganoong lugar. Kinakailangan itong pag-ipunan sapagkat sa pamasahe pa lamang ay tiyak malaki na ang gagastusin. Sinabi ko na lamang sa sarili ko na balang araw makakarating din ako diyan.
Mayo, 2017 nang magbakasyon kami sa kapatid ni Papa sa Alaminos, Pangasinan. Ito ang unang pagkakataon ko na makarating sa kanilang lugar. Sa ilang araw na pagbabakasyon namin sa kanila ay nag-uusap kami at bigla itong nagyaya na pumunta sa Baguio. Laking tuwa ko nang marinig iyon. Hindi ako makapaniwala na ang matagal ko nang pinapangarap ay matutupad na sa panahong hindi ko inaasahan. Sabik na sabik na ako na dumating ang araw na iyon.
“Kahit kailan talaga hindi nabigo ang Diyos sa pagsorpresa sa akin ng magagandang bagay.” bulong ko sa aking sarili. Maaaring para sa iba ay ang simple lang ng pangarap ko pero walang halong biro, pangarap ko talaga na mapuntahan ang Baguio. Kasali pa nga ito sa mga goals ko. Hindi ko inaasahan na matutupad ito nang ganoon kaaga.
Huwag na nating pahabain pa, “Tara na! Tayo na ay maglakbay.”
Ika-6 ng Mayo, 2017, ang araw ng aming pamamasyal sa Baguio. Nagising kami nang maaga at inihanda na ang aming mga dadalhin. Sumakay na kami ng aming pamilya sa van na aming sasakyan at nagsimula na sa aming mahabang biyahe. Inabot din ng halos apat na oras ang aming biyahe. Hindi nakakabagot ang biyahe sapagkat puro kami kwentuhan. Hindi ko rin nadarama ang pagod sapagkat mas nangingibabaw ang aking pagkasabik.
Tumblr media
Sabay-sabay na kaming bumaba sa van. Pagbaba namin ay hindi pa pala iyon ang mismong pasyalan. Kinailangan pa namin sumakay ng taxi upang dalhin kami doon. Malayo rin ang biyahe ng taxi mula sa aming binabaan. Pataas nang pataas ang lugar na tinatakbuhan ng taxi. Ang daan ay paikot sa bundok. Nararamdaman ko na rin ang lamig ng klima.
Tumblr media
Mga ilang minuto pa ay tumigil na ang taxi na aming sinasakyan. Kumain muna kami sa isang restaurant doon. Ang sasarap ng mga pagkain. Nang busog na ang lahat ay pumunta na kami sa strawberry farm. Sabik na sabik na akong mamitas ng strawberry kaso nga lang ay hindi na namin naabutan ang mga bunga. Tapos na raw ang pagmimitas. Naubos na ang mga bunga kaya ang naabutan na lamang namin ay ang mga tanim. Ang ginawa na lamang namin ay kumuha ng mga larawan/litrato sa farm. Hindi lang naman strawberry ang makikita sa farm. Maraming nakatanim doon na lettuce na mabibili sa murang halaga. Ang isang kumpol nito ay mabibili lamang sa halagang singkwenta na maaari mo nang gawing salad. May mga magagandang bulaklak din na makikita sa Flower Garden. Sa pagkakatanda ko ay nagkakahalaga lamang ng sampung piso hanggang bente  ang entrance fee. Nakadepende sa iyong binayaran kung maaari kang makakuha ng litrato. Syempre ang pinili ko ay yung makakakuha ako ng litrato para naman sulit.
Tumblr media
Pagkalabas namin sa farm ay maraming nakapaligid na mga nagtitinda. Mayroong mga wine at mga jam tulad ng strawberry, ube at marami pang iba. Mayroon ding mga laruan, damit, keychain, ukulele at iba’t ibang souvenir items. Mayroon ding mabibili na strawberry ice cream at strawberry taho na dito mo lamang matitikman. Ito ang unang pagkakataon ko na makatikim ng strawberry taho. Halos pareho lamang ito sa natural na taho. Ang pagkakaiba lamang ay strawberry syrup ang ginamit.
Tumblr media
Namili rin kami ng mga keychain at souvenir shirts na maaaring maging pasalubong. Sa halagang sampung piso ay may maiuuwi ka nang keychain at makabibili ka na rin ng t-shirt sa halagang 95 piso. Nakadepende ang presyo sa sukat at disenyo nito.
Habang kami ay namimili ng pampasalubong ay bigla na lamang bumuhos ang napakalakas na ulan. Nakakatakot pala kapag umuulan sa Baguio sapagkat kasabay ng malakas na ulan ay ang napakalakas din na hangin na tila ba may bagyo. Mataas kasi ang lugar nito. Sa sobrang lakas ng hangin ay nahulog at nabasag ang ilang paninda roon.
Hinintay muna namin na tumila ang ulan bago pumunta sa susunod naming pupuntahan. Nang humina na ang ulan ay pumunta naman kami sa Burnham Park. Napakaganda at napakalinis ng lugar na ito. Napakaaliwalas ng paligid. Napapalibutan ito ng maraming puno at halaman. Napakaraming tao ang nagbibisekleta. Maaari ditong magrenta ng iba’t ibang klase at laki ng bisekleta.
Tumblr media
Patuloy lamang kami pag-iikot at pagkuha ng litrato. Lakad dito at lakad doon, picture dito at picture doon. Sinilip din namin ang Burnham Lake. Hindi na kami nakapag-boating at hindi na kami nakapunta sa iba pang pasyalan sapagkat malapit na kami umuwi at pasumpong-sumpong din ang ulan.
Tumblr media
Ito na ang huli naming pinasyalan sapagkat bigla na namang bumuhos ang napakalakas na ulan at paparating na rin ang van na aming sasakyan. Maya-maya pa ay dmating na ang van at isa-isa na kaming sumakay. Nabasa rin kami ng ulan kaya nagpalit na rin kami sa loob ng van ng damit para iwas sakit.
Nagsimula na naman ang aming mahabang biyahe na may ngiti sa mga labi. Napakasaya ko sa araw na ito sapagkat maliban sa natupad na ang aking pangarap, kasama ko pa ang aking pamilya sa pagtupad nito. Hindi ko na rin kinailangan gumastos para matupad ang pangarap kong ito sapagkat nagsilbing instrumento ng Diyos ang aking Tita, kapatid ni Papa, upang tuparin ang isa sa aking pinapangarap.
Kaya kapag may bagay tayong hinihiling o minimithi idulog lamang ito sa Kaniya at ipagkakaloob Niya ito sa panahon na hindi natin inaasahan. Maghintay lamang  sa panahon na Kaniyang inilaan.
2 notes · View notes