martinsfsantos
martinsfsantos
Untitled
2 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
martinsfsantos · 5 years ago
Text
“Wikang Filipino, Kumusta ka na?” Isinulat ni: Martin Lian S.F. Santos
Tumblr media
         “Ang wika ay kaluluwa ng bansa… At dito makikita ang identidad para malamang ikaw ay isang bansang nagsasarili at may pagkakaisa, dapat may sarili itong wika.”
         Ang wikang Pambansang Filipino ay may malaking gampanin sa pagbibigay ng identidad sa Pilipinas bilang malayang bansa, at sa mga Pilipino bilang mga malayang mamamayan. Ayon nga kay Gg. Jimuel Naval na isang bihasa sa kultura, ang wika ay nagsisilbing kaluluwa ng bansa. Kung lalaliman, tila ang Wikang Filipino ang siyang nagpapabukod-tangi sa bansang Pilipinas mula sa iba pang mga bansa. Ngunit sa kabila ng pagpunan ng wikang Filipino sa mga gampanin nito sa bansa at sa mga mamamayan, hindi pa rin ito nasusuklian ng may kalakip na dangal at kadakilaan. Dahil sa ilang mga pagbabago sa mga kasanayan at sistema sa pamumuhay ng mga Pilipino, hindi nagiging matatag ang katayuan ng wikang Filipino sa sarili nitong pinagsilangang bayan. Kapansin-pansin na nagbabago ang estado nito habang tumatakbo ang panahon. Dahil sa mga pagbabago nito, hindi nakatitiyak ang kondisyon nito sa pangkasalukuyang panahon. Kung kakamustahin man ang wikang Filipino ukol sa kalagayan nito sa kasalukuyan, ano kaya ang magiging tugon nito?
Tumblr media
       (resulta ng NAT ng mga mag-aaral sa ika-anim na baitang ukol sa wikang Filipino)
      Kung bibigyan man siguro ng pagkakataon na makapagsalita ang wikang Filipino, tiyak na magiging negatibo ang kasagutan nito. Kung magiging negatibo man ang tugon ng wikang Filipino, ako ay papanig dito. Sa katunayan, ako ay sumasang-ayon sa winika ng tagapangulo ng Tanggol Wika na si Dr. David San Juan na kung saan ang kalagayan umano ng wikang Filipino sa kasalukuyan ay tila parang pinalayas ito mula sa sarili nitong pamamahay. Ang pagbaba ng estado ng wikang Filipino ay dulot ng ilang mga pagbabago sa kasanayan ukol dito. Isa sa mga pinakamalaking pagbabago ng sistema ukol sa paggamit ng wikang Filipino ay pagkakatatag ng Executive Order 210 sa pamumuno ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang kautusang ito ay nagsasaad na mapalitan ng wikang Ingles ang wikang Filipino bilang wikang panturo. Mula nang maitatag ang kautusang ito, kapansin-pansin na ang pagbaba ng estado ng wikang Filipino sa bansa dahil mas naging bihasa na ang mga tao sa wikang Ingles. Ayon nga sa resulta ng National Achievement Test o NAT ng mga mag-aaral sa ika-anim na baitang ukol sa kanilang kaalaman sa wikang Filipino, naitala ang malaking pagbaba ng resulta na umabot lamang sa 69.15% noong 2012 mula sa 76.44% na marka noong 2011. Sa kabilang banda, makikita naman ang patuloy na pagtaas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa ika-anim na baitang sa wikang Ingles. Base sa resulta ng kanilang NAT noong 2011 hanggang 2013, naitala ang pag-angat ng kanilang kaalaman sa wikang Ingles na kung saan tumaas mula 65.11% tungo sa 66.27% na marka noong 2012, at muling umangat sa 67.12% sa sumunod na taon. Mahihinuha mula sa mga naitalang resulta na mas nagiging bihasa ang mga kabataan sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino sa paglipas ng panahon. Kung susuriin naman ang modernong kurikulum, kapansin-pansin ang pagbibigay ng mababang pagpapahalaga sa wikang Filipino. Sa katunayan, hindi napahalagahan ang wikang Filipino habang binubuo ang K to 12 curriculum ayon kay Gg. Virgilio Almario sa kanyang panayam sa Rappler. Wika rin niya na “mababaw” ang kurikulum dahil umano sa kakulangan ng kaalaman nito sa literatura, at kinakailangan dagdagan ang mga sulatin o akda na pinag-aaralan ng mga mag-aaral. Kung magpatuloy man ang pagsasawalang-bahala sa asignaturang Filipino, nangangamba na maaaring mabawasan o mapawi na ang mga paksa tungkol sa wikang Filipino. Paano na matutuklasan ng mga susunod na henerasyon ang mga pinagmulan, mga katangian, at iba pang mga paksa na tinatalakay tungkol sa wikang Filipino? Dahil dito, tila nawawalan na ng saysay ang pagiging wikang panturo at wikang pangdiskusyong akademiko ng wikang Filipino. Hindi lang iyan kundi nagdulot din ng pagbabara ang mataas na antas na paggamit ng wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino sa mga kasunduang pangkapayapaan. Ayon muli kay Gg. Armalio sa kanyang panayam sa Rappler ukol sa estado ng wikang Filipino, nagdulot aniya ng suliranin sa mga Lumad ang paggamit ng wikang Ingles sa lahat ng dokumento tungkol sa kapayapaan at sa kanilang kapakanan. Hiling ng mga Lumads na gamitin ang wikang Filipino sa halip na wikang Ingles upang mapabilis at matuloy ang mga kasunduang pangkapayapaan sa Mindanao. Mula sa isyu ng mga Lumads, makikita ang masalimuot na kalagayan ng wikang Filipino sapagkat nabahiran na rin ng dumi ang pagiging wikang pangkasunduan-tungo-sa-kapayapaan nito.
Tumblr media
         (resulta ng NAT ng mga mag-aaral sa ika-anim na baitang ukol sa wikang Ingles)
        Samakatuwid, kahit hindi na pagsalitain ang wikang Filipino ay mahihinuha ang masalimuot at madilim na estado nito sa kasalukuyan. Ang mga pagbabago sa sistema ng kasanayan sa wikang Filipino ay nagdudulot ng kasarinlan sa estado ng wika. Kung kaya’t tunay na nakakabahala ang  pangingibabaw ng wikang Ingles sa bansa sapagkat unti-unti nitong binabaon ang wikang Pambansang Filipino sa sarili nitong lupa. Hindi lang iyan kundi ang pagiging mas bihasa ng mga Pilipino sa wikang Ingles ay nakakahadlang sa paglago at pag-angat ng antas ng wikang Filipino. Humahadlang ito upang mas makilala pa ng mga tao lalo ng mga kabataan ang wikang Filipino. Sa pagbaba ng estado ng wikang Filipino, posibleng mangamba ang mga susunod na henerasyon sapagkat malilimitahan ang kanilang intelektwal na kaalaman tungkol sa sariling wika. Mahihinuha rin na sa patuloy na pag-apak at pagpapakulong sa wikang Filipino, nawawalan ng saysay ang ilan sa mga mahahalagang katangian nito. Tila nababaon sa lupa ang pagiging makapangyarihan ng wikang Filipino habang tinatangkilik ang banyagang wika. At kung ihahalintulad man sa produkto, unti-unting nagiging produktong angkat o imported sa halip na lokal ang wikang Filipino sa sarili nitong bayan. Mahihinuha rin na talaga ngang nangangamba at nangangailangan ng saklolo ang wikang Filipino lalo na’t ang mga Pilipino na mismo ang nagdadala rito sa panganib. Kung kaya’t bilang isang Pilipino sa puso’t isipan na siyang dapat na sumaklolo sa nanganganib na wika, buong puso kong tatangkilikin ang akin sariling wika hanggang sa aking hukay. Hindi kailanman ako magpapansag bilang isang malansang Pilipino. Sa aking palagay, ang pagtangkilik sa sariling wika ay pagtingkilik na rin sa kultura, kalayaan at karapatan na ipinaglaban pa ng ating mga bayani. Hindi ko hahayaang masayang at maglaho ang kanilang mga pinaghirapan. Ako ay nangangako na ipagpapatuloy ko ang kanilang ipinaglaban sa pamamagitan ng aking mga personal na hakbang. Isa na riyan ay ang paggamit ng social media bilang paraan upang mapalaganap ang pagpapa-angat sa wikang Filipino. Sisikapin ko ring gisingin ang mga natutulog na Pilipino upang sila ay mamulat sa madilim at nakaka-awang estado ng wikang Filipino sa kasalukuyan. Ang pangkasalukuyang estado ng wikang Filipino ay hindi karapat-dapat para rito, at kinakailang suklian na may kalakip na dangal at kadakilaan. Ituturing ko itong pundasyon ng aking bansa, sarili, at pamumuhay. Bilang wakas, hindi mo ba naririnig ang boses ng wikang Filipinong nanghihingi ng saklolo? Kung naririnig mo ito, kailan mo balak simulan ang iyong hakbang sa pagpapalago at muling pagbibigay buhay sa wikang Filipino?
0 notes
martinsfsantos · 5 years ago
Text
“Ang Nakausling Salamin ng Wikang Filipino” ni Martin Lian S.F. Santos
Tumblr media
         Ang pambansang Wikang Filipino ay mahalaga at makabuluhan sa buhay ng mga Pilipino. Ito ang nagsisilbing tulay upang magkaroon ng masusing ugnayan at talastasan ang mga tao. Bunga ng ugnayan na ito ang pagkakaisang hinahangad ng mga mamamayan. Ang wikang Pambansang Filipino ang siya ring sumasalamin sa kalayaan ng mga Pilipino. Wika nga ni Dr. Jose Rizal na kapag binigyan ng pagpapahalaga at pag-aaruga ang wikang Filipino, nabibigyan din ng kahalagahan ang kalayaan ng mga tao. Ngunit dulot ng kalayaan na ipinagkaloob sa mga tao, malaya rin silang nakakapili ng mga pamamaraan ng pakikipagusap o pakikipagugnayan sa kanilang mga kapwa. Habang nagbabago ang kanilang pamamaraan ng pakikipag usap, unti-unti namang umuusli ang salamin ng wikang Filipino na nagresulta ng pagbabago ng repleksyon nito sa mga tao sa kasalukuyang panahon lalong lalo na sa mga kabataan.   
Tumblr media
              Dahil sa pagbabago ng repleksyon ng wikang Pambansang Filipino sa mga kabataan, ako ay sumasang-ayon sa guro ukol sa paghina ng mga kabataan sa wikang Pambansa. Ang pag-usli ay dulot ng impluwensiya ng Social Media at text messaging. Habang umuusbong ang modernong teknolohiya, nagbabago ang kasanayan ng mga kabataan sa paggamit ng wikang Filipino kasabay ng pagbabago ng kanilang interpretasyon ukol dito. Dahil rin sa pag-usbong ng paggamit ng conyo, jejemon, at maging ng mga multikultural na mga salita dulot ng teknolohiya sa kasalukuyang panahon, unti-unti nang natatabunan ang mga alituntunin ng wikang Filipino.  Ang maling paggamit ng daw at raw, ng malaki at maliit titik, at pati na rin ang tamang baybay ng mga salita ang ilan lamang sa mga nasusuway na alituntunin ayon sa guro ng Filipino sa bidyo. Kahit  daw mali ay tinatanggap at patuloy pa ring ginagawa ng mga kabataan ang mga ito. Ayon din sa kanya, mas masusi raw ang pag-aaral ng wikang Filipino noon dahil naiisa-isa ang mga paksa tulad ng pang-angkop at pang-ukol. Hindi  lang iyan, tila bumabaling ang atensiyon ng mga kabataan sa mga nauuso kaysa sa tradisyunal na wika, bagkus unti-unting nawawala ang kanilang disiplina sa pagsunod ng mga alituntunin ng wikang Filipino. Bilang isang kabataan na bahagi ng kasalukuyang henerasyon, hindi ko rin naiiwasang mapabaling at makaligtaan ang mga alituntuning nabanggit. Kadalasang nakakasanayan kong laktawan ang alintuntunin ukol sa tamang paggamit ng maliit at malaking titik sa pakikipagugnayan sa aking mga kapwa sa Social Media. 
Tumblr media
        Sa makatuwid,  pahina na ng pahina ang disiplina ng mga kabataan sa paggamit ng wikang Pambansang Filipino. Mahihinuha na kahit dinamiko ang wikang Filipino bunsod ng impluwensiya ng teknolohiya, nakakaapekto pa rin ito sa pagsuway ng ilang mga alituntunin sa wika. Ito rin ang nagdulot ng pag-usli ng salamin ng wikang Filipino na nagresulta ng pagbabago ng repleksyon nito sa mga kabataan. Dulot rin ng kinagawiang pagwawalang bahala ng mga kabataan sa mga alituntunin, tila nawawala na ang pagiging arbitraryo ng wika. Hindi lang iyan, talaga ngang kabuhol ng wika ang kultura dahil sa mataas na paggamit ng mga kabataan sa mga multikultural na salita tulad na lamang ng salitang komunikasyon mula sa baybay ng salitang Ingles na communication. Bago matapos ang blog na ito, nais ko sanang mag-iwan ng mga tanong. Nakakatulong nga ba ang impluwensiya ng teknolohiya sa paglago ng wikang Filipino o ito’y isang hadlang lamang? Nagagampanan nga ba ng maayos ng mga kabataan ang kanilang pagiging pag-asa ng bayan?
1 note · View note