mauimagat
mauimagat
DEMOKRASYA AT PULITIKA NG PAGBABAGO
10 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
mauimagat · 5 years ago
Text
Paniniwalang nagdulot ng Karahasan
Tumblr media
Ipinakita sa tatlong dokumentaryo ang kasaysayan kung paano nagsimula ang mga gawaing radikal ng Islamic State of Iraq and Sysia (ISIS) at kung ano ang kanilang pangunahing layunin mula rito. Nagawa ring ilahad ang mga lokal at internasyonal na salik na nakatulong o naging balakid sa kanilang operasyon. Sa dokumenetaryong pinamagatang "The Secret History of ISIS", natuklasan kong si Abu Musab al-Zarkawi ang orihinal na lider ng nasabing grupo. Sa pagsisimula niya ng 'holy war', inaksyunan ito ng Amerika sa pamamagitan nang pagmanman sa kaniyang mga plano at aksyon. May mga balita ring nagsiwalat ng koneksyon ni Zarkawi kay Osama bin Laden at Saddem Hussein. Nagdaan ang mga taon hanggang sa tuluyan nang mas pinaigting ng Amerika ang kanilang pwersa laban sa grupo ni Zarkawi at kahit nagawa man nilang mapatay ang orihinal na lider ng ISIS, ang mga natirang miyembro nito ay naitatag muli ang grupo sa ilalim ni Abu Bakr al-Baghdadi. Nagresulta rin ito ng mas pagpapalawak ng kanilang operasyon sa buong mundo. Ipinakita naman sa "The Islamic State" ang pagiging impluwensyal ng sumunod na lider na si Baghdadi na mas nagparami ng kanilang miyembro at mga taga-suporta. Dahil na rin sa kanilang relihiyon at mga paniniwala, mas napagtibay nito ang kanilang samahan. Inilahad din ng dokumentaryo ang kahalagahan nito sa pagsigurong mananatiling tapat ang lahat ng miyembro ng ISIS. Pangguli, ipinakita ng "Struggle for the Soul of Islam" ang naging impluwensya ng ISIS sa mga bansa sa Asya at kung ano ang mga balakid na kanilang hinarap sa pagpapatuloy ng terorismo.
Matapos mapanood ang lahat ng dokumentaryo at nasaksihan ang mga pangyayaring puno ng karahasan, ipinapakita lamang nito kung gaano katibay ang pagtindig ng mga miyembro ng ISIS sa kanilang nais ipaglaban at paniniwalang nais ipakalat at palawakin sa buong mundo. Subalit gaano man kalakas ang kanilang pwersa, nariyan pa rin ang Estados Unidos na isa sa mga pinakamakapangyarihan at maimpluwensyang bansa upang magsagawa ng mga aksyong laban sa terorismo. Gaano man kaimportante ang rason sa likod ng kanilang aksyong kadalasang kaakibat ay karahasan, hindi pa rin ito sapat na dahilan upang kumitil sila ng buhay ng libo-libong tao upang masikatuparan lamang nila ang kanilang layunin. Hindi rin sapat ang kanilang paniniwala at mga ipinaglalaban upang magresulta ito sa isang malawakang kaguluhan. Karapat-dapat na managot ang bawat miyembro ng ISIS sa bawat krimeng kanilang kinasangkutan. Maaari itong maisakatuparan kung mas papagtibayan ng bawat bansa lalo na ang Estados Unidos ang kanilang mga aksyon at plano upang tuluyan nang masugpo ang terorismo. Sa ganitong paraan, maaari ding pumasok ang papel ng mga internasyonal na organisasyon tulad ng United Nations sa pagpapalawak pa ng kapayapaan sa buong mundo.
Photo source: NBC News
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Terorismong hindi Makatarungan
Tumblr media
Binigyang depinisyon ang terorismo bilang anomang aksyon o gawain upang magdulot ng karahasan at kaguluhan sa pag-abot ng kanilang mga politikal at ideolohikal na  layunin. Subalit may ilang debate at pagtatalo pa rin sa kung ano ang pinakakonkreto o angkop na depinisyon ang dapat na gamitin na magsasaklaw sa lahat ng pangyayaring konektado sa terorismo sa bawat bansa, ang dapat na isaalang-alang na pangunahing paksa nito ay hindi kailanman magiging makatarungan ang terorismo kahit ano pa man ang rason sa likod nito 
Hindi naman na bago ang isyu ng terorismo sa kahit na anong bansa, dahil na rin sa lumalawak na globalisasyon, mas nagiging bukas ang bawat estado sa kanilang mga hangganan upang papasukin ang mga internasyonal na aktor maging sa larangan man ito ng ekonomiko, edukasyon, siyensya, medikal at iba pa. Bunsod nito, napagtitibay ang relasyon ng bawat bansa para na rin sa parehong ikauunlad ng kanilang ekonomiya. Subalit hindi lamang magandang aspekto ang maaaring isaalang-alang, dahil nariyan pa rin ang banta ng terorismo na maaaring magdulot ng malawakang kaguluhan at pagpatay sa buhay ng mga mamamayan.
Sa nangyaring Marawi Siege, na nagtagal ng ilang buwan ng pakikipagbakbakan sa pagitan ng pwersa ng militar ng Pilipinas at ng nasabing grupo. Isa itong malinaw na manipestasyon ng terorismo, ang mga miyembro ng grupong Maute at Abu Sayaf ay nagsimula ng kaguluhang ito na labis nakaapekto sa normal na pamumuhay ng mga taong nakatira roon. Maraming Pilipinong sundalo ang nasawi kapalit ng pakikipagtanggol sa ating bayan. Subalit ang hindi rito nagsimula ang kanilang operasyon dahil naging sangkot din sila sa maraming kaso ng pagbomba sa ilang malalaking lungsod at mga krimen tulad ng pagdakip at pamimirata. May ilang mga nagsabing may tulong at suporta silang natatangap mula sa ISIS subalit hindi naging sapat ang ebidensya upang patunayan ito. Gayunpaman, pinalawak nila ang kanilang impluwensya sa paghikayat sa mga tagasuporta ng ISIS at ng iba pang terorista na pumunta sa Mindanao upang tulungan ang Maute at Abu Sayaf.
Photo source: ArcGIS StoryMaps
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Rebelyon bunsod ng Madayang Eleksyon
Tumblr media
Maisasagawa ang isang rebelyon sa pamamagitan ng pagtutol o hindi pagsunod sa kautusan ng isang pamahalaan. Isa itong malayang paghihimagsik laban sa mga may kapangyarihan o autoridad. Ang mga anyo nito ay maaaring maging indibidwal o kolektibo na sa paraan ng isang mapayapa o marahas na aksyon. Isa sa mga uri ng rebelyon ay ang sibil na pagtutol o pagtuligsa na kadalasang mapayapa ang manipestasyon tungo sa pagpapabagsak ng isang pamahalaan o lider ng bansa. Hangarin din nitong mapanatili ang kahalagahan ng umiiral na saligang batas. Bukod pa rito, nag-uugat din ang isang rebelyon bunsod ng mga sitwasyong labis na hindi nagustuhan ng mga mamamayan, maghuhudyat ito ng kanilang hindi pagsunod sa mga autoridad na rason sa likod nito.
Tulad ng nangyari sa bansang Belarus, matapos ang muling pagkapanalo ni Alexander Lukashenko sa pagkapresidente sa loob ng 26 na taong pagkakaupo sa kaniyang posisyon, marami ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa nailabas na resulta at labis na kinwestyon ito gayong 80% ang kaniyang nakuha. Ang tumakbong kandito mula sa oposisyon na si Svetlana Tikhanovskaya ang siyang nagsimula sa pag-kwestyon sa nangyaring eleksyon. Karagdagan, ipinahayag ng mga mamamayan ng Belarus, kasama ng suporta na kanilang nakuha mula sa Estados Unidos at internasyon na grupo tulad ng European Union, na may nangyaring dayaan sa resulta ng eleksyon. Sinundan ito ng mga pagkilos at labos strikes mula sa mga hanay ng manggagawa sa iba't ibang lungsod. Gaya ng inaasahan, hindi ito nagustuhan ni Alexander Lukashenko at pinaalalahanan ang publiko patungkol sa banta ng umiiral pa ring pandemya. Dahil sa pagpapatuloy ng mga demonstrasyon sa lansangan na ang pangunahing layunin ay mapagbitiw sa pwesto ang nanalong pangulo, nagkaroon ng karahasan mula sa pwersa ng militar,.
Sa pangyayaring ito, nagsilbing daan ang rebelyong upang hayagang ipahayag ng mga mamamayan ang kanilang pagkadismaya at pagtutol sa nangyaring eleksyon. Matibay ang kanilang paniniwalang ginamitan ito ng pandaraya upang mapanatili ni Alexander Lukashenko ang kaniyang kapangyarihan. At sa aking palagay, sapat na itong dahilan upan ipaglaban nila sa kung ano ang tama at nararapat bilang pangangalaga sa kanilang konstitusyon o saligang batas.
Photo source: Euronews
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Huwad na Pagkakakilanlan
Tumblr media
Sa kabila ng modernong panahon, nakagugulat na mayroon pa ring umiiral na genocide sa ibang dako ng mundo. Isa itong uri ng politkal na karahasan na ang pangunahing layunin ay ang malawakang pagpatay sa isang malaking grupo ng taong napapabilang sa partikular na etniko o lahi. Malawak ang depinisyon ng pulitikal na karahasan na kadalasang ginagamit upang isalarawan ang mga aksyon at planong isinasagawa ng isang grupo o ng mismong pamahalaan upang makamit ang kanilang layunin. Isa sa mga anyo nito ay ang "estado laban sa lipunan" kung saan maikakategorya ang genocide.
Sa kaso ng mga Rohingyan at ang kinakaharap nilang krisis sa Myanmar, maituturing silang minorya na patuloy na nakararanas ng pagpatay, pang-aabuso sa kanilang karapatang pantao at sapilitang pagpapalayas sa kanilang tahanan at komunidad. At sa halip na ang gobyerno ang magprotekta sa kanila, sila pa ang pangunahing dahilan sa likod ng mga gawaing ito. Ang krisis ng Rohingya ay nakaugat sa kanilang kasaysayan mula nang unang maideklara ang kalayaan sa taong 1947, ito ang simula na naghudyat sa pag-alis ng kanilang karapatan bilang mga mamamayan ng Myanmar. Hindi ito dito natapos dahil ilang dekada ang nagdaan na nakararanas sila ng karahasan mula sa mga operasyon ng militar. Walang awa ring sinunog ng mga ito ang komunidad na tinitirhan ng mga Rohingyan upang sapilitan silang paalisin, hindi ito dito natapos dahil marami rin ang naging biktima ng panggagahasa at kalupitan. Bukod sa pagwasak sa kanilang komunidad, sinira rin ang kanilang mga Mosque at paaralan.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin nabibigyang solusyon at epektibong aksyon ang isyung ito. Hindi pa rin sumasang-ayon ang pamahalaan ng Myanmar na bigyang karapatan ang mga Rohingya upang kilalanin sila bilang mga lehitimong mamamayan ng bansa. Matagumpay na naitanim ng pamahalaan sa kanilang pambansang kultura ang diskriminasyon laban sa mga taga-Rohingya. Hanggang ngayon, nanatili silang walang konkretong pagkakakilanlan at patuloy ang paglabag sa kanilang mga karapatan. Dahil dito, nararapat lamang na may managot lalo na ang mga namumuno sa kanilang bansa at bigyan ng pagkakataon ng mga Rohingyan na makapamuhay bilang isan tunay na mamamayan ng Myanmar.
Photo source: The Economist
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Kilusan para sa Pantay na Lipunan
Tumblr media
Binigyang kahulugan sa nagawang diskusyon sa klase ang “Social movements” o kilusang panlipunan bilang isang malayang organisasyong naglalayong makamit ang kanilang hangarin, kadalasang panlipunan o pampulitika. Isinasagawa ito upang tumuligsa o sumuporta para sa isang panlipunang pagbabago sa pamamagitan ng kolektibong aksyon na kinabibilangan ng mga indibidwal o organisasyon.
Sa nangyaring EDSA People Power, maituturing itong isang kilusang panlipunan na ang pangunahing layunin ay pabagsakin ang rehimeng Marcos. Nagresulta ito sa milyon-milyong Pilipinong nagsagawa ng kilos protesta sa lansangan upang tuligsain ang karahasan at paniniil sa karapatang pantao buhat ng martial law. Marami ang nasawi ang buhay upang patuloy na makipaglaban para sa pagbabalik ng demokrasyang ninakaw mula sa taumbayan sa loob ng mahabang panahon. Isa itong malinaw na pagpapakita ng kilusang panlipunang nagtagumpay upang pabagsakin ang diktaturya at ibalik ang pagpapahalaga sa mga karapatang pantao at kalayaan ng mga Pilipino.
Ang lipunang ating ginagalawan sa kasalukuyan ay hinubog ng mga kilusang panlipunang nakaukit sa ating kasaysayan. Mga kilusang nabuo upang tuligsain o labanan ang mapaniil na sistemang pinaiiral ng pamahalaan. Naging daan din ito upang tigilan ang mga socio-ekonomikong inequalidad, panlipunang inhustisya, at mas pagpapaigting ng panawagan upang panagutin ang gobyerno para sa mga pagkukulang nito at paglabag sa mga karapatang pantao. Hindi kailanman mawawala o mabubura ang kalagahan ng mga kilusang panlipunan hanggang hindi nagiging patas sa lahat ang struktura at sistema ng lipunan. Naniniwala akong patuloy itong lumilitaw sa anomang panahon o pagkakataon dahil hindi natitigil ang kagustuhan ng mga mamamayan para sa tunay na pagbabago tungo sa pag-unlad. Bukod pa rito, repleksyon din ito ng aktibong pakikilahok ng bawat Pilipino para sa pagiging isang makabuluhang mamamayan. Kaya ganoon na lamang kahalaga ang pagiging mulat ng marami patungkol sa mga isyung panlipunan dahol patuloy lamang ang paniniil ng pamahalaang ito sa karapatang pantao ng mga Pilipino lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan na hindi magawang maipaglaban ang kanilang karapatan. Dahil sa mga kilusang panlipunan, nabibigyan sila ng pagkakataon upang magkaroon ng boses at tumindig laban sa opresyon. Hindi dapat na matapos ang laban hanggat hindi natatamo ng lahat ang pantay na karapatan tungo mapagpalayang lipunan.
Photo source: Official Gazette
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Radikal na Demokrasya sa Social Media
Tumblr media
Maingay ang mundo ng internet at social media, lahat ay may sari-sariling opinyon, suhestyon, at perspektiba na kadalasang nagiging dahilan ng hindi pagkakaintindihan dahil sa mga nagbabanggang ideya at posisyon. Lalo na kung ang paksa o pokus ng diskusyon ay pulitika, asahan na ang mainit na palitan ng mga salita na kung minsan pa nga ay nauuwi sa personalan at pagbibigay ng mga argumentong wala nang basehan at malayo mula sa orihinal na usapan. Idagdag mo pa ang kampihang nabubuo kahit hindi naman sila magkakakilala, pero dahil sa iisang ideya, nagagawa nilang makabuo ng koneksyon.        
Para sa radikal na demokrasya, ang internet at social media ay isang paraan upang mas mapaunlad ang diskurso ng parehong teorya at posibleng aplikasyon nito. Ayon ng rito, hindi natatapos ang demokrasya dahil isa itong patuloy na proseso. Sinasaklawdin nito ang radikal na ekstensyon ng pagkakapantay-pantay at kalayaan. Dahil sa internet, nagagawa nitong makabuo ng isang plataporma sa pagpapalawak ng usapin at diskusyon patungkol sa radikal na demokrasya na maaaring makatulong upang mas mapaunlad ang teoryang ito. Dahil sa internet, lumilitaw ang mga bagong politikal na komunidad at demokratikong kultura upang magsilbing hamon sa kasalukuyang umiiral na politikal na mga ideya.
Nakatutuwa ring isipin na dahil sa pamamagitan ng internet, mas nagkakaroon ng boses ang mga nasa laylayan ng lipunan at minoridad upang ipaalam sa lahat ang mga pagsubok na kanilang dinaranas. Nagiging daan ito upang mas maging mulat ang mga gumagamit ng social media patungkol sa mga isyung, hindi man sila direktang naapektuhan, maaari nilang pagtuuanan ng pansin at magawan ng karampatang aksyon at solusyon. Dahil din sa internet, hindi na lamang sa mga lansangan nagiging posible ang aktibismo, maaari na rin itong gawin sa mundo ng online at mas mapadali ang pag-abot nito sa mas maraming tao. Sa pamamagitan ng mga online rally o online activism, mas naipapahayag ng marami ang kanilang mga hinaing at panawagan lalo na kung patungkol ito sa mga isyung panlipunan o kapabayaan ng gobyerno. Subalit gaano man kadali ang paggamit ng internet at social media upang mas mapaunlad pa ang teorya ng radikal na demokrasiya, nagsisilbing balakid din ito upang matakpan ang mahahalagang katotohanan at kasaysayan ng bansa bunsod ng pansariling interes at propaganda ng iilan.
Photo source: Daily Bruin
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Magkakaiba ngunit Paano Maging Iisa?
Tumblr media
Binigyang diin ng Deliberative Democracy na ang anomang politikal na desisyon ay nararapat na produkto o resulta ng isang rasyonal na diskusyon at debate sa pagitan ng mga mamamayan. Sa pamamagitan ng palitan ng mga argumento, iba't ibang hinaing at perspektiba ang lumilitaw na idinesenyo upang masigurado ang kapakinabangan ng lahat, kaakibat nito ang pagsang-ayon sa anomang proseso, aksyon, o polisiya na pinaka-angkop sa lahat. Kaya mahalaga ang papel na ginagampanan ng deliberasyon sa pagtamo ng lehitimong demokratikong politikal na desisyon. Ininumukhangi ring nitong, ang kagustuhan ng mga mamamayan ay hinuhubog ng deliberasyon, sa halip ng kanilang mga pansarling interes. At binibigyang pokus ang proseso ng anomang desisyong nakaapekto sa mga mamamayan, sa halip na ang resulta nito na produkto ng katwiran at hindi ng politkal na kapangyarihan. Kaya nararapat na ang bawat mamamayan ay maging rasyunal sa kanilang mga argumento.
Bunsod nito, anomang isyung patungkol sa bansa ay nararapat na isapubliko. Kasama ang mga proseso sa loob at labas ng mga demokratikong institusyon at sangay ng gobyerno, kinakailangan ang masususing pagsuri nito. Sa pamamagitan ng paggamit ng publikong anyo ng katwiran upang suportahan ang mga politikal na desisyon, binibigyang-daan nito ang isang resultang patas at makatarungan subalit maaari pa ring mahubog kung may bagong impormasyon ang mailalatag. Layunin din nitong mas paigtingin pa ang pakikilahok ng mga mamamayan at patibayin ang malayang lipunan.
Kung ilalapat ito sa sitwasyon ng Pilipinas, naniniwala akong hindi magiging madali ang kabuang proseso nito. Habang maganda ang ideya kung saan bawat Pilipino ay may pagkakataong maging parte ng proseso ng pagbuo ng desisyon sa pamahalaan, kailangang isaalang-alang kung magagawa ba nating magkaroon ng consensus o iisang kaispan para lamang tuluyang mapagtibay ang isang desisyon. Idagdag pa ang malawak at makulay na kultura ng Pilipinas na may kaniya-kaniyang kakaibang katangian sa bawat rehiyon ng bansa na isang mabigat na salik sa anyo ng pamumuhay ng bawat Pilipino at kung paano sila mag-isip, kumilios, gumawa ng desisyon at iba pa.
Photo source: Unbridling Your Brilliance
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Pakikilahok para sa Bayan
Tumblr media
Mahalagang salik ang politikal na partisipasyon sa pagbuo ng magandang pundasyon ng isang estado, binibigyang pokus nito ang anomang aksyon ng isang indibidwal bilang katalista na magsisilbing daan sa pagbukas ng mga opurtunidad na gampanan ang kanilang papel sa lipunan. Tulad nga ng nabanggit sa diskusyon sa klase, ayon kay Joel Wolfe, ang matibay na demokrasya ay nararapat na nasa anyo ng pamahalaan kung saan ang lahat ng mamamayang nasasakupan nito ay nagagawang makilahok sa proseso ng pagbuo ng mga desisyon at implementasyon ng mga batas o polisiya. Sa pamamagitan din ng participatory democracy, nakakagawa ito ng kolektibong interes at aksyon upang mas maging lehitimo ang pulitika sa loob ng pamahalaan. Hindi tulad ng demokrasyang representatibo, naniniwala ang participatory democracy na maaaring mapahina nito ang boses, panawagan, at pangangailangan ng mga mamamayan dahil hindi naman nagagarantiya ng demokrasyang representatibo na ang mga naihalal na pulitiko ay tunay na katawan ng bawat Pilipino.
Sa kabila ng mga inihahaing kapakinabangan ng participatory democracy at kung paano nito binibigyang importansya ang halaga ng papel na dapat gampanan ng bawat mamamayan, nararapat lamang na suriin kung magagawa nga ba talaga nitong pangalagaan ang demokrasya ng bansa. Naniniwala akong upang tuluyang mas mapagtibay ang demokrasya, kinakailangan ang pagtimbang sa bawat panawagan at pangangailangan ng mga mamamayan dahil dito magsisimula ang kanilang produktibong pakikilahok sa mga aktibidad na mahalaga para sa bansa. Kung nararamdaman nilang may magandang naidudulot ang kanilang partisipasyon at alam nilang sila ay napakikinggan, mas posible ang kanilang transpormasyon patungo sa isang indibidwal na may kalayaan at responsableng mamamayan.
Bawat isa sa atin ay may papel sa lipunan at mahalagang ibinabahagi natin ang ating boses at panawagan tungo sa mas ikauunlad ng bansa. Hindi masasayang ang aktibong pakikilahok sa mundo ng pulitika kung ito naman ay para sa pagpapatibay ng demokrasya. Kung may responsibilidad ang pamahalaan sa mga nasasakupan nito, ganoon din ang mga mamamayan sa kaniyang bayan. Hindi dapat matapos sa pagboto sa mga tapat at may integridad na pulitiko tuwing eleksyon ang ating partisipasyon, dahil malawak ang sinasaklaw nito at kinakailangan lamang na alamin kung hanggang saan ang magagawa mo.
Photo source: Belgrade Open School
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Pagbusal sa Tagapagsiwalat ng Katotohanan
Tumblr media
Naging isang mainit na usapin ang isyu ng pagpapasara ng ABS-CBN na maituturing na pinakamalaking broadcasting network sa Pilipinas. Ang mga salik na naging mitsa nito ay hindi lamang repleksyon ng klasikong pluralismo, bagkus kasama rin ang elite na pluralismo. Ayon sa klasikong pluralismo, nakasentro sa pamahalaan ang proseso ng pagbuo at pagsasagawa ng mga desisyon o polisiya, subalit dahil sa mga grupong may kaniya-kaniyang interes, kaya pa rin ng mga itong maimpluwensyahan ang pamahalaan. Sa usapin ng pagbibigay ng bagong prankisa sa ABS-CBN, nagbunsod ito ng sunod-sunod na pagdinig at debate kahit pa sa mundo ng social media. Nagawa nitong makabuo ng isang malawak na diskurso patungkol sa isyu ng posibleng pagiging banta nito sa demokrasya ng bansa, alinsunod sa perspektiba ng iilan na nauulit na naman muli ang kasaysayan tulad ng nangyari sa panahon ni Marcos.
Ang sangay ng Kongreso, bilang kinatawan ng pamahlaan sa ilalim ng pluralismo, ay ginamit ang kanilang legal at lehitimong kapangyarihan upang bumoto na pabor sa tuluyan ngang pagpapasa ng nasabing broadcasting network sa kabila ng nalinis nitong reputasyon patungkol sa maling alegasyon sa hindi tamang pagbabayad ng buwis ng ABS-CBN. Pagpapatunay lamang ito na ang mga miyembro ng Kongreso ay may lihim na intensyon sa likod ng kanilang desisyon na laban sa network. Hindi rin naman maitatanggi na marami sa mga miyembro nito ay pabor o malaki ang suporta sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Duterte, at tila nagbigay daan ito para sa elite na pluralismo. Habang ang elite na pluralismo ay sumasang-ayon sa pluralidad ng kapangyarihan, naninindigan itong magbubunsod ito sa paglitaw ng power elites na maaaring mang-abuso gamit ang kanilang kapangyarihan.
Ipinapakita lamang din ng pangyayaring ito na sinamantala ng mga kongresistang sumusuporta sa administrasyon ang kanilang posisyon at pagkiling sa pangulo na hayagang nagpapahayag ng personal na kagustuhan nitong tuluyan na ngang matigil ang operayon ng ABS-CBN sa gitna ng pagiging kritikal nito sa kaniyang pamamahala at iba pang politikal na isyu. Tunay ngang hindi makatarungan ang naging pangyayaring ito dahil bukod sa nagresulta ito sa pagkawala ng trabaho ng libo-libong empleyado na sa gitna pa ng pandemyang lalong nagpapahirap sa mga Pilipino, isa rin itong malaking banta sa demokrays ng bansa at karapatan ng mga Pilipinong makatanggap ng mga importanteng balita at impormasyon saan mang panig ng Pilipinas.
Photo source: Media Institute of Southern Africa
0 notes
mauimagat · 5 years ago
Text
Timbangan ng Katarungan
Tumblr media
Mahirap bigyan ng tiyak na depinisyon ang demokrasya, higit na mas makabuluhan kung bibigyang pansin ang mga manipestasyon nito sa halip na pagtuunan ang kahulugan. Ilang teoriko o teorista na rin ang nagkaroon ng tunggalian sa kung ano nga ba talaga ang tunay na kahulugan nito. Nariyan si Aristotle na inilarawan ang demokrasya bilang hindi perpektong pundasyon ng isang pamahalaan. Binigyang pansin naman ni Alexis de Tocqueville ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay. Habang binigyang diin naman ni Schumpeter ang pagkakaroon ng pamahalaang representasyon ng demokrasya ng isang bansa. Kung isasaalang-alang ang mga nabanggit na kahulugan, maituturing bang may demokrasya pa ring nanatili sa ating bansa? Sa gitna ng mga pang-aabuso at hindi pagkakapantay-pantay na lalo pang pinalitaw bunsod ng pandemya, mabuting tignan kung patas pa rin ba ang timbangan ng katarungan.   
Kung baluktot ang batas at bulag ang hustisya, paano masisigurong buhay pa rin ang demokrasya? Sino pa ang magpoprotekta sa masa mula sa kamay ng mga mapagsamantala? Paano sila mananatiling ligtas sila mula sa pang-aabuso kung ang pamahalaan na mismo ang naniniil sa kanilang karapatang pantao? Naging mainit ngang usapin ang pagkakakulong ng karamihan dahil umano sa paglabag ng mga ito sa quarantine protocols. Nariyan ang mga residente ng Sitio San Roque, Quezon City na nagprotesta sa lansangan upang humingi ng tulong sa pamahalaan. Agad silang itinuring na sanhi lamang ng kaguluhan at mga pasaway na hindi kayang sumunod sa patakaran. Subalit ang tunay na usapin ng kagutuman, hindi man lang nasolusyunan. Nagresulta pa ito ng pagkakaaresto sa 20 katao na sinasabing kasapi ng KADAMAY (Kalipunan ng Damayang Mahihirap).
Tunay ngang sa mga pangyayaring ito, may kinikilingan ang timbangan ng katarungan. Mas matalim ang pangil ng batas laban sa mga nasa laylayan. Matatandaang, naging sentro ng atensyon ang nangyaring pagsasalo-salo sa kaaarawan ni Debold Sinas, NCRPO Chief, nagawa pa nga niya itong tawaging mananita. Kita sa mga larawang kumalat sa social media ang malinaw nilang paglabag sa quarantine protocols tulad ng social distancing at pagbabawal sa mga pagtitipon sa gitna ng GCQ. Sa mga dumalo at sa mismong nagdiwang, may naparusahan ba? Hindi ba’t hindi naman siya sinibak sa puwesto ng pangulo, tuloy lang ang pag-upo sa posisyon dahil basta may kapangyarihan kayang takbuhan ang pananagutan.
May piring ang babaeng simbolismo ng katarungan, pagpapahiwatig ito na nararapat lamang na wala siyang dapat kilingan. Lagi’t laging pantay ang paghusga sa mga nagkasala, makapangyarihan man o mula sa laylayan. Subalit sa mga nangyayaring inhustisya sa bayan, tila unti-unting tinatanggal ang piring ng ating mismong pamahalaan. Paraan upang umayon ito sa kanilang pansariling kagustuhan. Juan gumising ka! dahil hindi pa rin nabubuwag ang tatsulok at mga makapangyarihan pa rin ang nasa tuktok habang patuloy kang nalulugmok sa kahirapan.
Photo source: Berkeley Center 
1 note · View note