Tumgik
Text
Kahirapan sa Paningin ng Isang Mag-aaral
Tumblr media
Ang kahirapan ay ang kondisyon kung saan may kakulangan ang tao sa pangtustos ng kanyang mga pangunahing pangangailangan gaya ng tubig at pagkain. Ito ay isa sa pinakamalaking problemang hinaharap ng ating bansa, pero bakit at sino nga ba ang may kasalanan ng paghihirap ng ating bansa at ano ang kayang gawin ng isang estudyante patungkol dito?
Ayon sa isang pananaliksik ng World Bank, dahil sa patuloy na pagtatag ng ekonomiya ng Pilipinas simula taong 2006 hanggang 2015 ay nagawa nitong pababain ang porsyento ng mga mahihirap sa ating bansa kung saan ang dating 26.6 porsyento ng mga mahihirap noong 2006 ay naging 21.6 porsyento na lamang nitong 2015. Sa kabila ng estado na ito, isa sa bawat limang Filipino ay mahirap pa din at walang pambili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan. Mahigit 22 milyon na mga Filipino ang nakakaranas nito at patuloy na nagiging problema ito sa pagkamit ng mas magandang kinabukasan.
Ang kahirapan ay may iba’t ibang sanhi na pinanggagalingan at ang gobyerno ay isa na dito. Mayroon silang malaking papel na ginagampanan sa ekonomiya ng ating bansa. Sila ang may kakayahang tustusan ang merkado at pati na rin ang mga mamimili. Sila rin ang nagtatatag ng mga batas at serbisyo na nagpapaunlad ng ekonomiya. Ngunit dahil sa korapsyon at pansariling interes ng mga politiko naisasantabi kung ano ang nararapat at nakabubuti para sa taong bayan. Ang pondong nakalaan para sa mga mamamayan at proyektong para sa bayan ay ginagawang pondo para sa sarili nilang kapakinabangan.
Tumblr media
Ang buwis ay ang paraan ng gobyerno upang mabigyan at mapondohan ang mga pampublikong proyekto para sa mga mamamayan. Ngunit dahil sa korapsyon at hindi pagbabayad ng tamang buwis ng ibang mamamayan ay napababagal ang pag-unlad ng ekonomiya at ang paglalaan ng pondo para sa mga pampublikong proyekto ay napipigilan. Ang isa sa mga problemang kinakaharap ng gobyerno na nagdudulot ng kahirapan sa bansa ay ang tax evasion kung saan ito ay ang iligal na pag-iwas ng isang mamamayan sa kanyang obligasyon na pagbabayad ng tamang buwis sa kinauukulan. Maaaring sanhi ito ng pamemeke ng mga resibo at maling presentasyon ng mga income tax return ng isang mamamayan, negosyo o korporasyon. At dahil sa mga gawaing ito ay may mga anumalyang nagaganap sa koleksyon ng mga buwis at nababawasan ang mga pondong nakalaan para sa mga proyektong para sa taong bayan, gaya na lamang ang mga proyektong nakatuon para makatulong sa mga mahihirap.
Isa pang sanhi ng kahirapan ay ang kakulangan ng edukasyon ng mga mamamayan. Ang edukasyon ang madalas na susi sa ating mga pangarap at kaakibat nito ang mga oportunidad upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Madalas sinisisi ng mga mamamayan ang ating gobyerno ukol sa kanilang kahirapan sa buhay, ngunit lingid sa ating kaalaman na madaming trabaho ang naghihintay sa atin ngunit mapili lang tayo sa trabahong nais nating pasukin. Idagdag pa ang matataas na pamantayan ng mga trabahong pwedeng pasukan kung saan isang malaking batayan ang “educational background” ng isang tao para makapasok sa naturing trabaho. Masasabing ang kakulangan ng edukasyon ng isa ang dahilan kung bakit tayo ay kulang sa kakayahan para makahanap ng maayos na trabahong kayang tustusan ang pang araw-araw nating kailangan. Bukod pa dito, masasabi rin na ang katamaran at edukasyon ay magkaugnay sa paraan na ang katamaran ang pumipigil sa pag-aaral ng mabuti at sa pagiging pursigido ng isang tao na makapagtapos upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Sa kabilang banda, ang katamaran ay maaaring rason din kung bakit tayo mahirap dahil mas pinipili nating mga Pilipino ang ginhawa bago ang tiyaga na lubhang kailangan upang tayo ay umangat sa lipunan. 
Tumblr media
Lahat ng problema ay may kaakibat na solusyon, sa kabila ng kahirapan ay may pag-asa pa rin para sa pagbabago at bilang estudyante ang pangunahing tungkulin natin para malabanan ito ay ang pag-aaral ng mabuti upang makatulong tayong lutasin ang problemang ito sa hinaharap. Dahil ang henerasyon natin ang pag-asa ng bayan, sa atin magsisimula ang malaking pagbabago at tayo ang tutulong at sasagip sa mga kapos-palad sa hinaharap. Paglipas ng panahon, tayo ay magiging mga ganap na mga accountants o di kaya’t mga propesyunal sa iba’t ibang disiplina at responsibilidad natin ang sagutan ang mga nabubuhay na problema na mag kaugnayan sa ating kurso. Isang ganap na accountant bilang solusyon sa tax evasion at sa iba. Sa pamamagitan ng pagtugon sa ating mga tungkulin at pag-ensayo ng dangal sa anumang disiplinang pinasok natin.
Isa pang solusyon ay ang pagiging isang responsableng mamayan na may kamalayan sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa at sa mga taong nakapaligid sa atin. Kung tayo ay may panahon at kakayanan, pwede tayong makilahok sa mga organisasyong tumutulong sa mga mahihirap. Ito ay isang aktibong pamamaraan ng pagtulong sa mga kapos-palad sa kasalukuyan. Ang pagboboluntaryo sa mga outreach programs at pagbibigay ng donasyon, ano man ang halaga ay malaking tulong din at bukas sa lahat ng edad mula bata hangang matanda. At bilang parte ng ating gobyerno, ang paglalaan ng mga oportunidad at trabaho sa mga mamamayan lalo na sa nakatira sa probinsya ay isang mabisang solusyon. Pagpapalaganap ng edukasyon at pagpopondo ng mga scholarships upang mabigyan ng oportunidad ang mga bata na makapag-aral at mangarap. Pagpapatupad ng mga batas na naaayon sa kahirapan gaya ng pagbabawas ng singil sa kanilang buwis at pag-iwas sa korapsyon. 
Tumblr media
Ang wika ay maaaring maging daan ng paglutas sa problemang tinatalakay sapagkat ang ito ang linggwahe na nasasalita at naiintindihan ng nakararami. Sa pamamagitan ng wikang Filipino, nagkakaroon ng iisang diwa at pagkakaunawa ang mga tao. Ang pagpapahayag ng mga saloobin o nalalaman ay isang uri ng paggamit sa wika bilang unang hakbang sa sagot ng problema dahil naibabahagi ng mamamayan kung ano ang nais na iparating mula sa kanyang pananaw. At mula sa mga ipinaparating ng mga Pilipino, nabubuksan ang isipan ng mga politiko at maging ng ibang tao tungkol sa kanilang kalagayan at maaaring magresulta sa paghanap ng solusyon ng mga may kakayahan na lumutas ng nasabing suliranin. Samakatuwid, ang wika ay isang instrumento na maaaring gamitin ng lahat upang maipahayag ang kaniya-kaniyang saloobin o suliranin at mabigyan ng solusyon ng mga nauukulan.
Tumblr media
Hindi maikakaila ng sino man na lahat tayong mga Pilipino ay apektado ng kahirapan at patuloy itong nagiging hadlang para makamit at matamasa natin ang magandang kinabukasan. Tayong lahat ay may kakayahang baguhin at unti-unting alisin ito sa ating lipunan, ito ay magsisimula  sa kung pano natin bibigyan ng halaga ang ating komunidad. Marami tayong pwedeng gawin bilang isang estudyante tulad na lamang ng pagsisikap sa pag-aaral upang makatulong at magbigay ng maganda at maayos na kinabukasan para sa bayan at sarili at pagsali sa mga organisasyong nakapokus sa pagtulong sa mga tao sa lipunan. Ang gobyerno, bilang pundasyon ng katarungan at malasakit, ay nararapat lamang na magpatupad ng mga naaayon na batas na makakaapekto ng maganda sa ating ekonomiya at hindi maging problema ng mga tao. Ang kahirapan ay tungkulin ng lahat at dapat sama sama tayo sa paglutas nito.
Sanggunian: https://www.worldbank.org/en/news/press-release/2018/05/30/philippines-poverty-rate-declines-more-well-paying-jobs-and-opportunities-needed
0 notes