Tumgik
mistyredmoon-blog1 · 7 years
Text
Ayaw Na Kitang Makita
Ayaw na kitang makita.
Baka kasi makita kong masaya ka.
Akala ko dati muli akong sasaya pag nagkrus muli ang ating landas.
Pero naisip ko, baka hindi ko man lang masusuklian ang ngiti mo.
Dahil makikita ko na mas matamis ang ngiti mo ngayon kesa noong magkasama pa tayo.
Ayokong makitang mas maganda ka pa kesa sa dati.
Ayokong mapuna na mas buhay ang iyong mga mata.
Ayokong mapansin na mas maaliwas ang iyong mukha.
Ayokong maramdaman ang palad mo sakaling makipagkamay ka.
Ayokong maranasan ang pakikitungo ng isang kaibigan.
Isang dating kaibigan.
Isang kaibigan na lang.
(Yun ay kung kaibigan pa nga ang turing mo sa akin.)
Ngunit sana nga kaibigan pa rin ako sa’yo.
Kung ganon pa rin, salamat.
Kung hindi na, maiiintindihan ko.
Ako naman ang unang tumalikod.
Ako naman ang unang lumimot.
Ako naman ang unang sumuko.
Di ko pa rin malimot ang naging simula natin.
Bilang kaibigan.
Pero sana di ko na maalala ang naging wakas natin- bilang estranghero.
Bilang mga estrangherong tila walang pinagsamahan.
Hindi ko na babalikan ang kahapon.
Ayaw ko na syang balikan.
Ayaw na KITANG balikan.
Kasi, alam ko na masaya ka na.
Ramdam ko na maligayang-maligaya ka.
Kitang kita ko na buo ka na.
Uli.
Patawad kung malayo na ako noong isa-isa mong dinampot ang basag-basag mong sarili.
Ang sama ko, hindi ba?
Hindi ako ang pinakamasayang alala ng buhay mo ngunit ako ang nagdulot ng pinakamatinding sakit na naranasan mo.
Ngunit hindi naman ako lubos na masama. Alam mo bang idinalangin ko noong huli tayong nagkita na sana wala nang magpaiyak sa iyo?
Dininig naman ng Diyos ang dasal ko.
Buo ka na uli. Wala ng nagpapaiyak sa iyo. Pinagpala ka dahil wala kang ibang naging kasalanan kundi ang magmahal.
Tama ang sinabi mo noon: Kaya wala ka pang karelasyon ay dahil inihahanda pa ng Diyos ang taong para sa iyo.
Hindi pala ako yun.
Hindi ako ang itinakda ng Maykapal para sa iyo.
Nagdaan lang pala tayo sa buhay ng isa’t isa.
Kaya nga ayaw na kitang makita.
Pero may gusto akong ipaabot. Itong tula na ito na sana ay iyong mabasa.
Patawad dahil ako ay ako.
Hindi ko binago kung ano ako para lang sa kasiyahan mo.
Alam kong marami kang hiling. Maraming inaasahan. Maraming dasal.
Gusto mong isigaw ang pag-ibig sa buong mundo.
Pero mas pinili kong wag iparinig sa iba ang ibinubulong ko sa’yo.
Gusto mong ipakita sa lahat na ‘tayo’.
Pero mas pinili kong maging akin ka lang. Wala akong pakialam kung alam ng iba o hindi.
Gusto mo na lagi ako lang kasama.
Pero mas pinili kong magkaroon ka rin ng sarili mong mundo sa piling ng iba.
Gusto mong nakabilanggo lang lagi sa yakap ko.
Pero mas pinili kong bigyan ka ng kalayaang gumalaw.
Gusto mo ang laging magtinginan tayo.
Pero mas pinili kong ibaling ang paningin nating dalawa sa iisang direksyon.
Gusto mong sundin ang lahat ng gusto ko.
Pero mas pinili kong magkaroon tayo ng magkaibang pananaw sa ilang bagay.
Gusto mo laging namnamin kung ano ang meron tayo sa kasalukuyan.
Pero mas pinili kong ituon ang pansin sa ating kinabukasan.
Gusto mong ipaalam ang lahat-lahat at walang lihiman. Ibahagi ang lahat-lahat at walang taguan.
Pero mas pinili kong magkaroon ng bagay na para sa ating mga sarili lang. Hindi lahat ilalabas. Mayroong ititira para sa sarili.
Gusto mong maging aking kaibigan, kasintahan, nanay at karamay.
Pero mas pinili ko makita ang ikaw bilang IKAW.
Ikaw noong kaibigan pa kita.
Nakikipagtalo. Umaaway sa akin. Pumapansin sa maling gawi ko. Hindi nangingiming magmukhang pangit sa aking harapan. Sinasabi ang dapat, hindi lang ang gusto kong marinig. Nakikinig pero hindi agad-agad sasang-ayon.
Ang lakas mo kaya noon. Idolo nga kita, alam mo ba?
Ngunit tila nanghina ka noong tayo na. Nawala ang tapang mo. Ang paninidigan mo. Naglaho ang mga katangiang nagustuhan ka sa iyo.
Dahil sa akin.
Pinili mong baguhin kung sino ka dahil sa pag-ibig mo sa akin.
Patawad kung ako ay naging ako pa rin mula simula hanggang dulo.
Pasensya na sa aking pananahimik at sa aking panlalamig.
Pero tandaan mong minahal kita. Hindi sa paraang gusto mo. Hindi sa parang inaasahan mo. Pero minahal kita.
Tandaan mong minahal kita. Hindi ko man nasabi madalas. Hindi ko man naipakita nang malimit. Pero minahal kita.
Huwag mo sanang kalimutan na minahal kita. Hindi man kita napaglaban. Hindi man kita naitayo nung ikaw ay nadapa. Pero minahal kita.
Lagi mo sanang alalahanin na minahal kita. Ang pananahimik ko ay hindi nangangahulugan ng pagkawalang-bahala. Ang pagtalikod ko ang hindi nangangahulugan ng pagsuko. Ginawa ko ang lahat ng iyon dahil minahal kita.
At mahal pa rin kita.
Kaya nga ayaw na kitang makita.
Dahil makikita ko lang na tama ang pasya ko na palayain ka.
Dahil alam ko na hindi ka akin.
Alam kong hindi ka para sa akin.
Batid ko na hindi ka magiging akin.
 Gusto kong limutin kung paano tayo nagtapos. Pero lagi kong aalalahanin kung paano tayo nagsimula.
Pero ayaw na kitang makita.
Dahil hindi na kita kailangang makita.
Hindi kita kailangang makita dahil hindi ka naman nawala.
Sa simula natin at noong natapos (at lahat ng nangyari sa gitna nito) laging nandoon ka.
Ang di makikita ng mata, maaalala ng puso, maaaring iguhit muli ng isipan.
Kaya hindi na kita kailangang makita.
Hindi na kita nais makita.
Huwag mo na rin akong hanapin.
Kasi…
Ayaw na kitang makita.
0 notes