Tumgik
PETA IN FILIPINO
I. Tema
A. Paksa
Ipinapakita sa palabas na “The Breakfast Club” ang iba’t ibang isyu na ikinakaharap ng mga kabataan sa kanilang buhay. Isa pangunahing tema ng palabas ay ang rebelyon laban sa mga awtorodidad na nagiging sanhi ng takot at problema sa pamilya at kaibigan ng mga bida. Ang idealismo ay isa sa mga paksa na nais talakayin ng pelikula. Mapapanood natin na nakikibaka sa kanilang mga sarili ang bawat bida sa pelikula. Ito ay sa kadahilanang kailangan nilang maging perpekto sa mata ng kanilang mga magulang at mga kaibigan. Gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang manatili o maging perpekto sa mata ng iba . Isang halimbawa na si Brian o ang brain na grupo na nagtangka magpakamatay matapos siyang makakuha ng mababang grado. Isa rin sa mga problemang ikinahaharap ng mga bida ay ang kanilang mga pamilya. Ang bawat isa sa mga bida ay nag-aalala sa tingin ng kanilang mga magulang sa kanila. Naapektuhan nito kung paano ang pag-iisip, pag-kilos at personalidad ng bawat isa sa grupo. Ang problema sa pamilya ang isa sa mga pangunahing paksa na tinatalakay sa pelikula. Sa huli, makikita rin natin na isa sa mga problema ng bawat isa ay ang takot. Natatakot ang mga bida na sila ay hindi tatanggapin ng kanilang mga magulang at kaibigan. Ito ang kadahilanan kung bakit ang bawat bida ay nagiging klitse. Natatakot rin ang grupo na ang nabuo nilang samahan sa loob ng detensyon ay hindi na uusbong sa labas nito sapagkat sila ay mayroong iba’t ibang grupo.
B. Layunin
Ang layunin ng pelikulang “The Breakfast Club” ay matugunan at magbigay pansin tungkol sa mga isyung ikinahaharap ng mga kabataan sa kanilang buhay. Nais ng pelikula na magbigyan linaw na lahat tayo ay pantay pantay anuman ang ating estado sa buhay o uri ng pamumuhay. Layunin ng palabas na maitaguyod ang pagkakapantay pantay at ang pagtanggap sa mga pagkakaiba nating lahat. Nais rin ng pelikula na sirain ang mga “steoreotype” na kadalasan nating mapapansin sa ating lipunan. Mapapansin rin natin sa palabas na ang mga protagonista ay may iba’t ibang pagkakakilanlan. Mayroong “brain”, “athlete”, “basket case”, “princess”, at “kriminal" ang grupo ng mga bida na kung saan makikita natin dito na sila ay magkakaiba sa bawat isa. Sa huli ay tinanggap ng mga bida ang bawat isa at sila’y naging magkakaibigan. Ito ang layunin ng pelikula: ang pagsira sa mga “steoreotype” at ang pagtanggap ng mga pagkakaiba nating lahat.
C. Mensahe
Nais iparating ng palabas na “The Breakfast Club” ang “steoreotyping” ay ang isa sa mga problema na dapat natin matugunan kaagad. Ipinakita sa palabas ang mga epekto at kung gaano ka-delikado ang “steoreotyping” sa mga kabataan. Naapektuhan nito ang edukasyon at ang pag-unlad sa sarili ng mga kabataan. Isa pa sa mga mensahe na nais iparating ng pelikula ay ang isyu tungkol sa peer and parent pressure. Nais ng pelikula na mabigyan pansin ang parent at peer pressure sapagkat isa ito sa mga problema na dapat natin masolusyunan agad. Ang peer at parent pressure ay mayroong malaking epekto sa isang kabataan. Naapektuhan nito kung paano mamuhay, kumilos at mag-isip ang isang kabataan na maaring makasama sa kanya. Ito ang mga mensahe na nais iparating ng pelikulang “The Breakfast Club”. Malalim ang mensaheng nais nitong maiparating sa iba.
II. Tauhan
Claire Standish – Princess. Hindi maganda ang relasyon niya sa pamilya niya dahil inaasahan na siya’y di gagawa ng kahit anong ikapapahamak niya. Noong naghiwalay ang kanyang mga magulang, ginamit siya upang makapagbalika ulit ang mga ito at mas ikinasira lang ito ng samahan nila. Natutuhan niya sa huli kung paano tumayo sa kanyang sariling mga paa at ipahayag ang mga gusto niya.
John Bender – Criminal. Siya’y lumaki sa karahasan ng kanyang ama. Doon niya nakuha ang ugali niyang iyon na naipapasa niya sa mga tao sa paligid niya. Sa huli ay natutuhan niyang makitungo sa mga tao nang hindi dinadaan sa marahas na sitwasyon.
Allison Reynolds – Basket Case. Siya ang pinakakakaiba sa kanilang mga bida. Iba siya umasta at mag-isip dahil ito sa mga karanasan niya sa buong buhay niya. Hindi siya nabibigyan ng sapat na atensyon na hinahanap niya kaya’y ganoon ang personalidad na mayroon siya ngayon. Natutuhan niya sa huli na makisalamuha sa mga tao at nag-iba ang kanyang panlabas na anyo bilang simbolo ng panibagong simula.
Andrew Clark – Athlete. Ang pagiging atleta niya ay hindi niya kagustuhan ngunit kagustuhan ng kanyang ama. Tinanggap niya ito dahil mahal niya ang kanyang ama. Natutuhan niya na dapat siya’y marunong gumawa ng desisyon para sa sarili niya at hindi umasa sa ama niya.  
Brian Johnson – Brain. Matalino siya ngunit malungkot naman ang buhay niya. Ikunukulong siya ng kanyang mga magulang sa kaisipan na kapag mababa ang grado mo ay hindi ka na katanggap-tanggap. Iniba niya ang pananaw niya roon at natuto siyang makisalamuha sa mga tao at hindi lang sa mga libro.
Richard Vernon – Siya ang taong wala nang ibang inintindi kundi ang sarili niyang kapakanan. Gusto niya nasa kanya lang ang atensyon at gusto niya mahal siya ng lahat ng tao kahit na ang ugali niya’y hindi kamahal-mahal.
III. Cinematography
a. Ang “cinematography” ng pelikulang ito’y sumasalamin sa panahon nila dati. Hindi man ito kasing linaw o ganda tulad ng mga napapanood natin ngayon ngunit ang storya nito ang mahalaga. Ang lugar na pinili nila para rito at malaki para makapaglibot ang mga karakter. Sapat ito para maipahayag pa nila ang kanilang mga sarili. Ang mga kuha at anggulo ay maganda para kita ang mga karakter na kasama.
 IV. Musika at Tunog
a. Ang mga musika na ginamit sa pelikula ay epektibo dahil mas napahayag ng mga karakter ang kanilang mga layunin sa pamamagitan ng mga kanta o musikang ginamit. Simple lang rin ang mga musikang ginamit at ito’y pasok sa tema ng pelikula. Hindi ito masakit sa tenga at ang kantang ginamit ay paniguradong tatatak sa isipan ng manonood dahil sa mensaheng ipinababatid nito.
V. Konklusyon
a. Ang “The Breakfast Club” ay may makabuluhang storya. Sa una’y hindi mo aakalaing ganoon ang magiging takbo ng storya dahil sa pamagat nito. Ngunit ito ang mas ikinatutuwa ng ibang manonood. Maganda na makabuluhan ang papanooring pelikula kaysa sa pelikulang alam mo na kung ano ang mangyayari sa dulo. Ito’y nagbibigay ng aliw sa mga manonood at mas kasasabikan ito. Maraming aral ang mapupulot dito. Tulad ng pagtayo sa sarili mong mga paa, pakikitungo sa mga taong hindi mo aakalaing magiging kaibigan mo, at tuklasin ang mga kayang gawin mo hindi yung ikukulong mo ang iyong sarili at hindi aalamin ang mga kapabilidad na kaya mo pang gawin.
VI. Rekomendasyon
a. Ang “The Breakfast Club” ay inirerekomenda ko sa lahat lalo na sa mga pamilyang Pilipino. Makikita rito ang mga kadalasang alitan ng mga pamilya at makikita rin dito kung paano nila ito maayos. Masusubaybayan din dito ang iba’t ibang pagkatao ng mga karakter na nakakatulong sa storya ng palabas. Mas nakakatulong ito dahil sino nga ba ang mag-aakala na ang isang tao na ayaw makipagsalamuha sa iba ay makikipagkaibigan sa isang atleta? Ito rin ay pelikula na hindi mo aasahan na mangyayari ang parte na iyon dahil ito’y masusing pinagdugtong-dugtong.
0 notes