Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
PALAHAW NG INANG BAYAN
Ni: Me-an C. Bongue
Malapit na naman ang araw ng eleksyon kaya naman nagsilabasan ang mga politikong nangangampanya at naglalahad ng kani-kanilang mga isusulong na plataporma. Ang dami na namang botong ipagbibili nito, puro nakangiti ang mga kandidato.
Habang pinagmamasdan ko ang mga politikong dumaraan, tinawag ako ni inay upang makipagkamay sa isang politikong huminto sa harap ng bahay namin. Ang dami niyang sinabi, sana lang panindigan niya kung sakaling manalo siya. Ito ang unang taon ko sa pagboto, ika-18 kong kaarawan pa lang kasi noong isang buwan. Uso man ang pagbebenta ng boto, ipinangako ko sa sarili ko na kahit kailan ay hindi ko ipagbibili ang aking dignidad. Pipiliin ko ang mayroong tunay at tapat na hangarin para sa bayan.
Kinabukasan, mayroon muling nangampanya sa bahay. Siya si Ginoong Pablo Crisologo, kilala siya dahil sa kaniyang bukas palad na pagtulong sa kapwa kahit na hindi siya kasing yaman ng mga kalaban. Ang kaniyang plataporma ay ang ang isulong at pangalagaan ang kalikasan. Wika pa niya “kalikasan ang dapat inuuna bago ang ibang bagay”. Sa totoo lang siya ang gusto kong manalo, hindi siya bumibili ng boto bagkus ay ipinapakita niya sa mga mamayan na siya ay talagang karapat-dapat.
Makalipas ang dalawang Linggo ay dumating na nga ang araw ng eleksyon. Maaga kaming pumunta nila nanay at tatay sa eskwelahan upang makaboto. Hindi naman ako nagdalawang isip na iboto ang mga taong alam kong karapat-dapat na manalo, syempre si Ginoong Crisologo, ibinoto ko siya bilang gobernador ng aming syudad.
Pagkatapos ng bilangan, agad kumalat ang balita tungkol sa mga nanalo. Natalo si Ginoong Pablo Crisologo ng kaniyang kalaban na si Ginoong Juan Delacruz.
“Iba talaga kapag mayaman, tiyak panalo kahit ’di naman karapat-dapat." Wika ni Itay.
“Ipanalangin na lang natin na sana magbunga ng maganda ang pagkapanalo niya. Wala na tayong magagawa riyan, kasi uupo na siya bilang bagong governor ng bayan natin” sagot ni Inay.
Pagkatapos ng dalawang Linggo, umupo na sa puwesto ang bagong Gobernador. Ipinangako niya sa araw ng kaniyang pasasalamat na gagawin niya ang lahat ng makakaya upang mapabuti at mapaunlad ang kanilang bayan.
Hindi nagtagal ay nabalitaan ang ilegal na pamumutol ng mga kahoy na ginagawa ng gobernador. Dahil dito ay madalas ang pagbaha at pagkakaroon ng mga landslide sa ibang parte ng bayan. Ang dating malinis na mga ilog ay naging puro mga basura, ang saganang mga punong kahoy ngayon ay sunog na. Nawala na ang dating ganda ng kalikasan dahil sa labis na pang-aabuso dito. Kung ang nanalo lang sana’y malinis ang hangarin para sa bayan, hindi aabot sa ganito ang lahat.
Makalipas ang tatlong taon ay muling nagkaroon ng halalan. Ang dating Gobernador ay natalo ni Ginoong Crisologo. Nang makaupo na siya ay kapansin-pansin ang napakalaking pagbabago sa bayan ng Santo Tomas. Muling nanumbalik ang ganda ng kapaligiran. Natamnan ang kagubatan ng mga bagong punong kahoy at bumalik ang kalinisan sa buong bayan. Laking pasasalamat ng mga taga-baryo na si Governor Crisologo ang pinili nila bilang gobernador. Maging ang aking mga magulang ay nagagalak sa mga pangyayari. Mahalaga ang tamang pagkilatis sa mga politiko kaya bago bumuto, siguraduhing sila ay tamang tao at mayroong puso para sa bayan.


http://culturalcenter.gov.ph
0 notes
Text
http://culturalcenter.gov.ph
http://culturalcenter.gov.ph
GINTONG HAKBANG PARA SA MAGANDANG KINABUKASAN
Ni: Me-an C. Bongue
Pagmasdan niyo ang ating paligid, ang mundo’y kay laki na ng pinagbago. Hindi ba kayo nangangamba sa posibleng mangyayari sa kinabukasan? Ang ating kalikasan, wala na ang dating kulay at ganda, naglaho na ang preskong hangin dahil napalitan ng mga usok ng sasakyan na nagdudulot ng polusyon, paubos na ang mga puno kaya palaging nararanasan ang mga pagbaha. Ang mga kabataan na itinuturing ni Rizal na “Pag-asa ng Bayan”, nasaan na sila? Karamihan ay nalulong sa mga bisyo tulad ng droga, nagpapabuntis ng maaga at nagbebenta ng aliw sa mga ibang lahi. Ang dating magalang kung manalita at maayos kung manamit ngayo’y puro na pagmumura ang maririnig maging ang mga kasuotan ay tila ba makita na pati ang kaluluwa. Paano na ang kinabukasan kung hindi natin aagapan ang kasalukuyan? Mag-isip tayo ng mga hakbang upang maisalba ang natitirang pag-asa ng bayan.
Una, pangalagaan natin ang ating kalikasan. Itapon natin ang mga basura sa tamang lalagyan at itigil ang illegal na pagpuputol ng mga kahoy. Palitan ng bago an mga punong kailangang putulin at maglaan ng panahon sa paglilinis ng mga kanal. Limitahan ang paggamit ng mga sasakyan na nagbubuga ng masasamang usok nang sa gayun ay mabawasan ang pulusyon sa hangin. I-recycle ang mga basurang nagagamit pa at huwag susunugin ang mga plastik para makaiwas sa climate change. Tumulong tayo upang mapaganda ang kalikasan nang sa gayun ay masilayan pa ito ng mga susunod na henerasyon. Tayo ang may kakayahan na pangalagaan ang kalikasan, huwag nating hayaang masira ito nang tuluyan.
Ikalawa, ituro sa mga kabataan ang magagandang kaugalian at tamang pananamit. Sa loob man ng tahanan o sa paaralan ay kinakailangang ituro sa mga kabataan ang kagandahang asal at paggalang sa kapwa. Bata pa lamang sila ay kailangan nang mahubog ng maayos nang sa gayun ay lumaki silang disiplinado at matuwid. Sa kanilang mga kamay nakasalalay ang hinaharap kung kaya't nararapat silang maturuan ng magagandang asal. Maging modelo tayo sa kanila at ipakita sa kanila ang hulma ng bagong kabihasnan.


0 notes
Text
ANG BATANG PALAGING NAGTATAPON NG BASURA SA ILOG
Ni: Me-an C. Bongue
Noong unang panahon, may isang bata na nagngangalang Larah. Siya ay bugtong na anak ng mag-asawang Mario at Lucia. Si Larah ay isang matalinong bata subalit may pagkapasaway. Palagi siyang nagtatapon at nagkakalat ng mga basura sa ilog kung kaya’t bumabaho ito. Madalas siyang pagalitan ng kaniyang magulang dahil sa ’di tamang pagtatapon nito ng mga basura subalit hindi ito nakikinig, minsan pa’y nagsisinungaling ito upang huwag lamang mapagalitan.
Isang araw, inutusan ulit siya ng kaniyang ina na itambak ang mga basura at itapon sa tamang lalagyan subalit hinakot niya ito at itinapong muli sa ilog.
Matapos ang isang Linggo ay napuno ng basura ang ilog. Hindi na makadaloy ng maayos ang tubig at namatay ang mga maliliit na isda. Dahil sa nangyari, nagkagulo ang buong taga-baryo dahil masyado nang marumi ang ilog kung saan sila naglalaba at naliligo. Nagkasundo ang buong taga-baryo na linisin ang ilog upang maibalik ito sa dating ganda at upang may mapaliguan ang mga bata. Dahil sa pagkakaisa ng buong taga-baryo ay naging malinis muli ang kanilang ilog. Subalit, hindi parin natuto si Larah, patuloy parin siyang nagtatapon ng mga basura sa ilog kung kaya’t bumaho ulit ito.
Lingid sa kaalaman ni Larah ay matagal na siyang pinagmamasdan ng diwata ng ilog na si “Iloganta”. Sa sobrang galit nito sa ginagawa ni Larah ay naisip niyang parusahan ito nang sa gayun ay magtanda.
Kinabukasan, bumalik nga si Larah sa ilog upang magtapon ng mga basura. Habang ibinubuhos niya ang mga plastik na basura sa tubig at mga lumang lata ay nagpakita sa kanya si Iloganta. Magkahalong takot at pagkamangha ang naramdaman ni Larah ng makita niya ang isang napakagandang diwata.
“Si––si–sino ka?”, agad na tanong ni Larah sa diwata habang nanginginig.
“Ako si Iloganta, ang Diwata ng ilog. Ako ang tagapangalaga ng mga ilog. Galit ako sa mga taong walang pagpapahalaga sa kalikasan. Paano na ang mga susunod na henerasyon, wala na silang ilog na lalanguyin dahil puno na ng mga basura. Nakita ko ang ginawa mong pagtatapon ng mga basura sa ilog na ito kaya paparusahan kita! Simula ngayon ay gagawin kitang isang ilog. Ipaparanas ko sayo kung ano ang pakiramdam ng ’di pinahahalagahan at dinudumihan ang buong katawan. Dahil wala kang pagpapahalaga sa ilog na ito, simula ngayon ikaw ang papalit dito at magdurusa ka!”, galit na wika ng diwata.
“Huwag po, maawa ka sa'kin! Huwag po!” sigaw ni Larah habang iniikot ng diwata ang kanyang magic wand at naging ilog nga si Larah.
Nakiusap si Larah na ibalik siya sa dating anyo subalit biglang naglaho ang diwata. Nandiri si Larah sa sobrang baho at dami ng mga basurang nakapatong sa kaniyang katawan. Biglang dumating ang ilang mga bata na magtatapon ng basura sa ilog. Pinakiusapan niya ito na itigil ang pagtatapon subalit 'di siya nito napapakinggan at nagsialisan agad ito. Mas lalong dumami ang basurang nasa katawan ni Larah at halos 'di na ito nakahinga. Ngayon ay naranasan na niya kung ano ang pakiramdam na maging isang ilog at kung ano ang pakiramdam nang hindi pinahahalagahan.
Sa kabilang banda ay hinahanap si Larah ng kaniyang ina at ama. Nag-aalala ito sa kanya kaya kung saan-saan sila naghanap. Gabi na nang makapunta sila sa ilog upang hanapin si Larah. Narinig ni Larah na tinatawag siya ng kanyang ina at ama, sumagot siya subalit hindi siya naririnig ng mga ito. Sa sobrang baho ng ilog dahil puno ng mga basura ay umuwi agad ang mga magulang ni Larah upang maghanap sa ibang parte ng baryo. Umiyak si Larah nang umiyak habang inaalala ang kaniyang mga magulang. Namimiss niya na ang mga ito at gusto niya nang makauwi sa kanila subalit wala siyang magawa upang makabalik sa dating anyo.
Lumipas ang dalawa, tatlo, apat at lima pang araw, si Larah ay nanatiling isang ilog. Nararamdaman na niya kung gaano kahirap ang maging isang ilog na puno ng mga basura. Muling nagpakita ang diwata sa kaniya. Natuwa si Larah nang makita ang diwata at naisip niyang ibabalik na siya nito sa dati.
“Diwata Iloganta, ibalik mo na ako sa dati! Pangako, hindi ko na uulitin ang ginawa kong pagtatapon ng mga basura sa ilog bagkus ay tutulong ako sa paglilinis nito.” pakiusap ni Larah.
“Hindi! Kailangan mong magdusa dahil sa pagkakamaling ginawa mo. Hindi pa sapat ang naranasan mo upang tanggalin ko ang parusa sa 'yo. Kailangan mong magsisi at matuto sa kasalanang iyong ginawa!” wika ng diwata at bigla itong naglaho.
Walang nagawa si Larah kundi ang umiyak na lamang. Labis ang kaniyang pagsisisi sa ginawa niya at natutuhan niya na mali ang pagtatapon sa ilog. Matapos ang tatlong araw, dumami pa ang mga basura sa kanyang katawan dahil sa mga bagong itinapong basura kaya’t halos ’di siya makahinga. Umiyak siya sa labis na paghihirap at nakita niya ang kanyang sarili sa mga batang panay tapon ng basura sa ilog. Nakaramdam ng awa ang diwata kay Larah kaya nagpakitang muli ito sa kaniya sa huling pagkakataon.
“Mahal na diwata, bumalik ka. Ngayon alam ko na po kung gaano kahirap ang dinaranas ng ilog dahil sa pasaway na batang katulad ko. Mali ang ginawa ko at nagsisisi na po ako sa mga nagawa ko. Ibalik niyo na po ako sa pagiging tao, nag-aalala na sa akin ang mga magulang ko. Maawa po kayo, ibalik niyo na ako sa dati.” pakiusap ni Larah.
“Sige, dahil nakita ko sayo ang pagsisisi at naranasan mo na rin kung paano maging isang ilog— ibabalik na kita sa dati.” wika ng diwata.
“Maraming salamat po!”pasasalamat ni Larah.
“Ngunit ibabalik kita sa dati sa isang kondisyon.”wika ng diwata.
“Opo, kahit ano susundin ko. Ibalik niyo lamang ako sa pagiging tao!” muling pakiusap ni Larah.
“Mangako kang magbabago ka na at hindi mo na uulitin ang pagtatapon ng mga basura sa ilog bagkus ay tutulong ka upang mapanatili ang kalinisan nito. Maipapangako mo ba?”tanong ng diwata.
“Opo, gagawin ko po. Maraming salamat po at binigyan niyo ako ng pagkakataon na maibalik sa dati.” muling pasasalamat ni Larah.
Inikot ni diwata Iloganta ang kaniyang magic wand at bumalik sa pagiging tao ang batang si Larah. Labis ang kaniyang pasasalamat na naibalik na siya sa dating katawan. Nagpaalam ang diwata kay Larah at agad itong naglaho.
Sabik na umuwi si Larah sa kanilang tahanan. Niyakap siya ng kanyang ina at ama at pagkatapos ay ikinuwento ni Larah ang buong nangyari sa kaniya.
Simula noon, hindi na muling nagtapon pa ng basura si Larah sa ilog at nilalagay niya na ang mga ito sa tamang lalagyan. Tinuruan niya ang mga kapwa kabataan na huwag magtatapon ng mga basura sa ilog bagkus ay tumulong na pangalagaan ito.
At doon nagtatapos ang kuwento ng isang batang palaging nagtatapon ng basura sa ilog.


http://culturalcenter.gov.ph
0 notes
Text
INANG BAYAN
SIMULA NG KATAPUSAN
Ni: Me-an C. Bongue
Wala nang pag-asa!
Huwag mong isiping
May darating pang magandang bukas.
Bumagsak na ang Pilipinas!
Nagkakamali ka nang sabihin mong
Uunlad pa ang ating bansa.
Pabayaan na lang natin ang susunod na henerasyon.
Maling-mali na
Ilaban natin ang ating pagmamay-ari!
Magpaubaya na lang tayo.
Hindi nararapat na
Kamtin natin ang kasaganaan.
Mahihina tayong mga Pilipino!
Isang kasinungalingan na
Magtatagumpay tayo!
Hindi importante ang mangyayari sa hinaharap.
Huwag kang maniniwalang
Kaya nating baguhin ang kinabukasan!
(Basahin simula sa ibaba paitaas)
PALAHAW NG NAGHIHINGALONG BANOY
Ni: Me-an C. Bongue
Isang batalyon ng serpyente ang naghihimagsik,
Upang sakupin ang bansang sa kayamana’y hitik.
Ang kawawang banoy ayun nga’t sa pugad ay pumanhik,
Pinuluputan ng lubid at sa patibong ay nasungkit.
Marahil ay mapagbalat-kayo ang mga lahing gahaman,
Sa una’y isang kalapati ngunit kalauna’y nagiging buwayang suwapang.
Mga Pilipino’y nababaon sa utang pagkat sariling yama’y iba ang nakikinabang.
Naghihingalong banoy sa kawalan, kailan kaya malulunasan!
Huwag nating hayaang lunurin ng kasawian ang hinaharap,
Humakbang tayo’t tanggalin sa pagkakagapos ang banoy upang makalipad;
Ikumpas ang pakpak, lipulin ang mga seryenteng makamandag—
Nang magandang kinabukasa’y maikuwentas sa bayan kong liyag!
ANG WIKA NI RIZAL
Ni: Me-an C. Bongue
Pagmasdan mo ang mga kabataan sa kasalukuyan,
Kung ikukumpara noon ay napakalaki ng kaibahan.
Sa agos ng teknolohiya ay inanod ang nakaraan,
Nagbago ang lahat at naibaon sa limot ang dating nakasanayan.
Walang masama sa bagong bihis ng mundo,
Wala sa modernisasyon ang mali kundi sa mga tao,
Mga kabataan ngayo’y napapabayaan na ng husto,
Walang paggalang sa magulang at nasasangkot sa iba't ibang bisyo!
May mga nagbebenta ng panandaliang aliw para lamang sa kaunting salapi,
Malalaswang kasuotan na halos hubad na’t walang pagtitimpi.
Gala dito, gala doon— tapos gabi na kung umuwi;
Pinag-aral na ng magulang, sakit pa ng ulo ang 'sinukli!
Kung ganito ang kahihinatnan, paano na ang natitirang pag-asa ng bayan!
Kung mapapariwara ang kabataan, paano na ang kinabukasan!
Ituwid natin sila’t itanim sa isip ang sinabi ni Rizal—
“Kabataan ang pag-asa ng bayan”, ito ang laging ikintal.


http://culturalcenter.gov.ph
1 note
·
View note