rnbismar05
rnbismar05
colour the monotone life
2 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
rnbismar05 · 4 years ago
Text
Kayad (kaya-kayod)
“Paula? Paula? Nandyan ka pa ba?”
Ang ingay naman ng TV ni papa.
“Maaari nang umalis sa Zoom call ang mga hindi ko kailangang kausapin.”
Biglang bumangon si Paula mula sa kanyang inuupuan. Napakunot ang mukha niya sa narinig at dahil sa hirap na ibukas ng kanyang mata; tila bang naghihilahan ito. Ilang segundo ang lumipas nang magkaroon na siya ng kaunting kamalayan sa kanyang paligid at tiningnan ang orasan. 2:41, ang naka-display rito. Napagtanto niya na nanggagaling pala ang boses sa laptop, kaya agad naman niyang binuksan ang kanyang mikropono upang magpaumanhin sa kanyang guro at umalis na ng Zoom call.
“Nakatulog nanaman ako? Pangatlong beses na ‘yan sa isang linggo...” May ilang katok sa kanyang pinto bago pumasok ang kanyang ina. “’Nak? Tapos na ba ang klase mo? Kumain ka na muna.”
“Mamaya na lang, nay. Ang dami ko pang gagawin,” sagot ni Paula. At nagsimula na nga siya sa pagsagot ng mga module sa kabila ng kanyang pagod at antok. Anong oras na ba ako nakatulog kagabi? Madaling araw ba? Sa bawat minutong lumilipas, bumibigat nanaman ang kanyang mga mata. Nais na niyang sumuko sa tulog, ngunit natatalo pa rin siya ng kaba at takot na hindi mapasa sa oras ang kanyang mga gawain.
Ganito na ang araw-araw na gawain ni Paula noon pang nagsimula ang online classes— magtatatlong buwan na.
Gawa, pasa. Gawa, pasa. Gawa, pasa... Tila ito'y isang umuulit na panaginip; madaling mawala sa tulog subalit gustong-gusto na niyang magising—balintuna sa nais ng kanyang katawan ngayon.
Pagkatapos ng ilang minuto lamang ay kumakatok muli ang ina niya. "Paula? Ano, kakain ka ba o hindi? Gabing-gabi na ah, iwanan mo na nga muna 'yan!" Pero... Sabay namang kumulo ang tiyan ni Paula. Isang sulyap muli sa orasan— "Teka, mag-aalas diyes na? May isa pa akong kailangang tapusin para bukas, hay... Sige nay, bababa na ako."
Nagniningning na nga ang buwan mula sa tanaw niya sa bintana. Isang sulyap ay naging tingin, na naging titig. Ngayon lang ulit niya napansin ang ganda nito dahil sa pagkakulong niya sa sariling kwarto sa gitna ng pandemya. Naaalala niya,  sa isang gabi noong nakaraang taon, pauwi silang pamilya na puro ngiti sa kanilang mukha. Ano kaya ang magagawa niya para maibalik niya iyon bilang isang mag-aaral pa lamang? Naisip ni Paula na malaking tulong ang kanyang pag-aaral sa kabila ng pandemya dahil tiyak na magiging parte ito ng kanyang mga kaalaman at mga kaisipan na makakatulong sa kaniyang paglaki. Kaya’t para sa kanya ay tuloy pa rin ang pagsisikap na ito para sa kanyang maayos na kinabukasan.
Kaya ko ‘to.
Bago pa man siya makatayo sa kanyang inuupuan buong araw ay tumunog ang kanyang cellphone at tumatawag pala ang kapatid niyang si Lucia. Agad niya itong sinagot, “Ate! Kumusta diyan? Nakakain ka ba ng kahit kaunti?” Tumawa naman ito, “Alam mo, iyon din ang itatanong ko sa’yo eh. Hulaan ko, ngayon ka pa lang kakain, ‘no?”
“Hahaha! Oo, pero dapat makakain ka rin kahit papaano. Magtatampo na naman si mama sa’yo.” Pagkatapos ng ilang saglit ay nagsalita muli si Paula. “Makakauwi ka ba ngayong gabi? Kanina ka pa nila hinihintay.” Parang nag-aatubili naman ang tono ni Lucia nang siya’y sumagot: “Ah, mukhang aabutin ako ng araw dito,  kailangan nila ng extra personnel para sa dami ng pasyenteng naa-admit ngayon, pati na rin sa pag… pag-aasikaso sa mga labi. Paki sabi na lang kina mama.”
“Sige, ate. ‘Wag kang mag-alala, ipagluluto ka namin bukas ng paborito mong ulam. O siya, makakain na nga ako.”
“Salamat, Paula. Matulog ka na nang mas maaga ha!”
“Oo, ate, ingat ka lagi.”
Doon na ibinaba ni Lucia ang kanyang telepono at bago siya tumungo kung saan dagsa ang mga pasyente, tahimik muna siyang nagdasal at inayos ang kanyang PPE.
Kaya ko ‘to.
At mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-singko ng umaga, hindi nakapagpahinga ang kanyang paa kahit isang segundo. Pabalik-balik siya sa Emergency Room, sa mga ward, at sa iba-iba pang lugar sa ospital na magkabilang-dulo. Tulad ng kanyang iba pang mga shift, marami siyang nakikita at nakikilalang mga pamilya, lahat ay mukhang malungkot o pagod, kagaya niya. Kung hindi pagod ang kanyang kahinaan, ito ang mga nakikita niyang mukha na humahagulgol, walang malay, o wala nang buhay.
Pagsapit ng kaunting araw ay napaupo siya sa sahig kasama ng iba niyang mga katrabaho, hingal-na-hingal at nais lamang maidlip ng ilang saglit bago kumayod muli. Sa pasilyong makulimlim, nagbigay si Lucia ng tahimik na pasasalamat sa lahat ng kanyang kapwa front liners, para sa pagsasakripisyo sa bayan. Sa kanyang huling oras sa hospital bago makauwi, nagpahinga siya nang sandali, isang karapat-dapat na gantimpala sa kanyang serbisyo.
“Ma, Pa, Paula, Nandito na’ko!” Agad naman siyang naglinis ng katawan. Nakatulog siya nang ilang oras dahil sa sobrang pagod at ginising lamang ng kanyang kapatid para kumain na silang lahat.
Sa taas pa lamang ng hagdan, amoy na amoy na ang masarap na ulam na nakahanda na sa mesa. “Wow, may nakakalimutan ba akong okasyon ngayon? Pati ang nilagang baka, niluto niyo pa.”
“Siyempre, paborito mo iyan, e! Gusto ko lang naman ipagluto ang aking masisipag na mga anak,” ang sagot ng kanyang ina. Nakaupo na silang lahat sa mesa, nagdasal nang taimtim, at kumain na–sa wakas.
Habang kumakain, napatingin si Lucia sa kanyang pamilya. Ito’y pinagmasdan niya at napangiti siya. “Kumusta naman pag-aaral mo, Paula?” tanong niya sa kapatid niya. “Ito naman ate, parang paulit-ulit lang. Nakakapagod na. Pero oo nga pala, grabe pala yung isa sa mga kaibigan ko ate, si Armin.” sumimangot si Paula habang nagsasalita.
“Oh, ano naman ang mayroon sa kanya? Kumusta na nga pala siya? Grabe na yung apekto ng pandemya ngayon kaya nag-aalala ako.” wika ni Lucia.
“Maayos naman ate. Kaso nung nag-zoom kami chat siya ng chat sa amin na hindi talaga siya maka-connect. Napilitan rin siyang gastusin yung mga ipon niya para lang makapag-load. Grabe talaga ate. Isa pa naman siya sa mga top achievers namin, mabuti siyang kamag-aral, masipag pa, kaso dahil na rin sa kalagayan nila’y parang mukhang mahihirapan na talaga sila ngayon sa mga ganap ngayon. Dagdag pa kamo sa problema yung istrikto naming teacher.” Malungkot na isinambit ni Paula.
Habang kumakain ay saglit na napatingala si Paula sa hapag-kainan, sabay sabing, “Grabe na talaga ngayon ate. Ang hirap talaga. Nakakalungkot ding isipin na maraming tao rin ang walang access sa ganitong sistema. Bukod sa kalusugan, parang kabuhayan rin ang kailangan mong alalahanin. Nakakalungkot talaga lalo na alam mong mag-aadjust talaga tayo sa new normal kaysa sa back to normal. Hays… Sana matapos na talaga to.”
“Alam mo, proud ako sayo na kahit nahihirapan ka na tinutuloy mo pa rin ang pag-aaral. Nakakatulong ka kaya sa ibang tao kahit nasa bahay ka lang. Malaking tulong na sa amin yan, lalo na sa mga front liner na katulad ko”. Lumiwanag ang mukha ni Paula at naintindihan niya na ang mga paghihirap niya’y hindi lang para sa kinabukasan niya ngunit para sa iba rin.
“Ikaw ba ate? Hindi ka ba nahihirapan sa trabaho? Paano mo nakakaya yun?” tanong ni Paula habang ngumunguya. Tumawa muna si Lucia bago sagutin ang kapatid dahil puno ang bibig nito habang nagtatanong.
“Siyempre nahihirapan pero dahil alam kong makakatulong ako sa ibang tao, tuloy pa rin ang laban. Lalo akong ginaganahan pag naaalala ko ang mga uuwian ko rito sa bahay.” malambing na sinabi ni Lucia.
Tahimik na kumain ngunit puno ng saya ang puso ng pamilya.
Biglang lumakas ang dinig nila sa telebisyon: “Nagbabagang balita: mahigit dalawang daang positibong kaso ng COVID-19 ang iniulat ngayong--”
At iyon ang naghila sa kanila sa realidad: araw-araw, marami pa ring tao ang nababawian ng buhay dahil sa pandemya. Marami pa ring taong hindi nakakatanggap ng pangunahing pangangailangan  sa isang mapanganib na panahon.
Gayunpaman, sa presensya ng pagmamahal at pagmamalasakit, sa pagiging mapag-unawa, at sa pagtulong sa anomang paraang makakaya, lahat sila'y magkakaroon ng pag-asa’t pagkakaisa.
Kakayanin namin ito.
Tumblr media
Cuadra, Myckaella Janelle
Buniel, Lino Vincent
Bismar, Renee Joy
13 notes · View notes
rnbismar05 · 5 years ago
Text
#GoodConsumer
"Add to Cart? Think TWICE!!"
Tumblr media
1 note · View note