tintangdiwa-blog
tintangdiwa-blog
theCarefreeMe
2 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
tintangdiwa-blog · 8 years ago
Text
PARA SA BAYANG MAGILIW
Sa pamilyar na tunog, ako'y napahinto Sa saliw ng musikang may kurot sa puso Sa wagayway ng watawat, mata ko'y napako Sa isip ay nakintal ang isang pangako. Mga mahal ko'y lumuha nang kanilang malaman Nais kong paglaki'y maglingkod sa bayan Kawal na magiting, nais kong lumaban Sumugpo sa masama at maging huwaran. Sumapi ako sa Sandatahang Lakas Nais kong ipagtanggol ang bansang Pilipinas. ‘Di ko maatim nang aking mamalas Mga kababayan kong kailangan ng lakas. Banaag ang lungkot nang aking nilisan Nang aking nilingon ang aming tahanan Iniwan ko ay kaway, tanda ng paalam Kung babalik pa ba, hindi ko malaman. Sa aking lukbuta'y may mga larawan Ng asawa’t anak, pati na magulang Sa aking pag-iisa, aking minamasdan Ibig ko silang yakapin, kahit sa pangarap lang. Sa lamig ng Disyembre, habang lahat ay masaya Gusto kong umuwi at makapiling sila Ngunit dahil sa aking sinumpaang tungkulin Lungkot at pangungulila ay aking titiisin. Isang araw dumating ang isang balita Kami'y ipapadala sa pangakong lupa Utos sa ami'y talunin ang kaaway At umuwing ligtas, umuwing buhay. May munti mang takot sa aking dibdib Matatag akong sumaludo at lumakad ng tuwid Sa balikat ay bala at baril sa bisig Ang puso ay para sa bayang iniibig. Dasal ko sa Ama, kami ay patnubayan Ikaw na po ang bahala, anuman ang hantungan 'Di kami iiwan ni pababayaan man 'Di kami matatakot ni mag-aalinlangan. Sa malamig na dayaming aming kublihan Putok at pasabog sa 'di kalayuan Sa aking tabi ay ang aking kaibigan May huling habilin, sakaling masawi man. Hindi ko makaya nang aking mamasdang Wala nang hininga ang aking kaibigan Galit sa puso ko ngayo'y naglalatang Lumabas sa kublihan, hinarap ang kalaban. Ilang sandali pa, balikat ko'y kumirot Sa aking likuran, dugo'y umaagos Sa sakit at hapdi, ako'y napaluhod Sa isa pang putok, hininga ko'y nalagot. Kani-kanina lang, kami pa'y nagtatawanan Buo ang dibdib naming pulbusin ang kalaban Buhay kaming babalik sa aming tahanan Pamilya ay magbubunyi, sa hapag may kainan. Ngunit ako ngayo'y bangkay nang malamig Dahil sa pagtatanggol sa bayan kong iniibig Dugo ko ma'y dumanak, handog ko itong kapalit Ng kasarinlang marapat sa bansang nilupig. Itay ko, lumuha ka man, ipagmalaki mo ako Aking Inay, matapang, bayani ang bunso mo Ate ko at kuya, kapayapaan para sa inyo Asawa ko at anak, ito ang pagmamahal ko. Bandila ang alay sa pamilya kong ulila Tahanan ko na'y puntod sa malamig na lupa Ito ang aking hantungan, ang aking tadhana Dahil sa prinsipyo at pagkamakabansa. Ako ma'y namatay ngunit 'di magmamaliw Ang pag-ibig ko para sa iyo, bayang magiliw….
1 note · View note
tintangdiwa-blog · 8 years ago
Photo
Tumblr media
662 notes · View notes